KABANATA 6
‘Hayaang ang Katarungan ay Bumugso’—Isang Susi Upang Makilala ang Diyos
1. Bakit likas sa iyo ang magpakita ng katarungan?
SA BUONG kasaysayan, may mga taong naging tanyag sa pagtataguyod ng katarungan. Subalit isaalang-alang ang katotohanang ito: Ang katarungan ay kaakit-akit sapagkat ang mga tao ay ginawa ayon sa larawan ng Diyos. Likas sa iyo ang magpakita ng katarungan at ibig mong pakitunguhan ka ng iba nang makatarungan sapagkat ikaw ay ginawa ayon sa larawan ni Jehova, na ‘nalulugod’ sa katarungan.—Jeremias 9:24; Genesis 1:27; Isaias 40:14.
2, 3. Bakit natin dapat isaalang-alang ang mga aklat ng 12 propeta upang matutuhan ang tungkol sa katarungan ni Jehova?
2 Habang binabasa mo ang iba’t ibang aklat ng Bibliya, mauunawaan mo ang katarungan ng Diyos. Ngunit lalo kang makikinabang sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga aklat ng 12 propeta. Litaw na litaw sa mga aklat na ito ang katarungan anupat isang edisyon na naglalaman ng mga aklat ng Oseas, Amos, at Mikas na inilathala ng isang samahan sa Bibliya ay pinamagatang Justice Now! (Katarungan Ngayon!) Halimbawa, isaalang-alang ang mga paghimok ni Amos: “Hayaang ang katarungan ay bumugsong gaya ng tubig, at ang katuwiran gaya ng ilog na patuloy na dumadaloy.” At pansinin kung ano ang itinala ni Mikas na una sa mga obligasyon mo: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”—Amos 5:24; Mikas 6:8.
3 Kaya upang higit na makilala si Jehova at sa gayo’y matularan siya, tiyak na kailangan nating maunawaan at mapahalagahan ang kaniyang katarungan. Ang katarungan ay isang likas na katangian ni Jehova, kaya hindi natin masasabi na kilala natin siya kung hindi natin pinahahalagahan ang kaniyang katarungan. Batid kahit ng kaniyang sinaunang mga lingkod na si “Jehova ay maibigin sa katarungan.”—Awit 33:5; 37:28.
4. Ipaliwanag kung bakit ang mga isinulat ng 12 propeta ay makapagpapatibay sa iyong pagtitiwala sa katarungan ng Diyos.
4 Ilang panahon bago igawad ni Jehova ang kahatulan sa Jerusalem, si propeta Habakuk ay nagtanong: “O Jehova, hanggang kailan ako hihingi ng tulong? . . . Ang kautusan ay nagiging manhid, at ang katarungan ay hindi lumalabas. Dahil pinalilibutan ng balakyot ang matuwid, kung kaya ang katarungan ay lumalabas na liko.” (Habakuk 1:2, 4) Nakilala ng tapat na si Habakuk si Jehova sa pamamagitan ng Kasulatang taglay niya at ng kaniya mismong naranasan. Kaya may tiwala siya na itinataguyod ng Diyos ang katarungan. Gayunman, naudyukan ang propeta na magtanong kung bakit pinahihintulutan ni Jehova ang kabalakyutan. Pinatunayan ng Diyos kay Habakuk na Siya ay makikitungo nang may katarungan sa tapat. (Habakuk 2:4) Kung si Habakuk at ang iba pa ay makapagtitiwalang gagawin iyon ni Jehova, mayroon kang higit na dahilang magtiwala sa Kaniya. Bakit? Kasi kumpleto na ngayon ang Bibliya, kaya mayroon na ngayong mas detalyadong ulat ng mga pakikitungo ni Jehova at ng mga kapahayagan ng kaniyang personalidad, pati na ng kaniyang katarungan. Kaya, higit mong makikilala si Jehova at makukumbinsi ka hinggil sa kaniyang sakdal na katarungan.
5. Anong aspekto ng katarungan ang partikular na pagtutuunan ngayon ng pansin?
5 Kapag nagsusugo siya ng mga mensahero sa Israel, idiniin ni Jehova na kailangang maging makatarungan. (Isaias 1:17; 10:1, 2; Jeremias 7:5-7; Ezekiel 45:9) Tiyak na idiniin Niya ang kahalagahan ng katarungan sa pamamagitan ng 12 propeta. (Amos 5:7, 12; Mikas 3:9; Zacarias 8:16, 17) Makikita ng sinumang bumabasa ng kanilang mga akda na hinihiling ng mga ito ang pagsasagawa ng katarungan sa araw-araw na gawain ng isa. Maraming paraan upang maikapit natin ang mga aral sa 12 aklat na ito, subalit suriin natin ang dalawang larangan na doo’y idiniin ng mga propeta ang katarungan at pagkatapos ay tingnan kung paano natin maikakapit ang ating natutuhan.
KATARUNGAN SA NEGOSYO AT SA MGA BAGAY NA MAY KAUGNAYAN SA PERA
6, 7. Bakit kailangang maging interesado tayong lahat sa pagsasagawa ng katarungan sa negosyo at sa mga bagay na may kaugnayan sa pera?
6 Sinabi ni Jesus: “Ang tao ay hindi mabubuhay sa tinapay lamang.” (Lucas 4:4; Deuteronomio 8:3) Hindi niya itinanggi na kailangan natin ng tinapay—kailangan nating kumain. Para sa karamihan, nangangahulugan iyan na kailangan nila o ng isa sa pamilya na magtrabaho upang may makain ang pamilya. Totoo rin iyan sa sinaunang mga lingkod ng Diyos. Ang ilan ay may sariling hanapbuhay—nagsasaka o gumagawa ng mga produktong gaya ng damit, muwebles, o mga kagamitan sa pagluluto. Ang iba ay nagpapatrabaho—umuupa ng mga taong mang-aani o tagagawa ng harina, langis ng olibo, o alak. Ang iba pa ay mangangalakal—bumibili at nagbebenta ng mga paninda. O ang iba naman ay nagbibigay ng serbisyo—marahil sa pagkukumpuni ng mga bubong o pagtugtog ng mga instrumento sa musika.—Exodo 35:35; Deuteronomio 24:14, 15; 2 Hari 3:15; 22:6; Mateo 20:1-8; Lucas 15:25.
7 Nakakatulad ba ito ng iyo mismong buhay o ng buhay ng iyong mga kaibigan at kamag-anak? Sabihin pa, ang mga pamamaraan ng trabaho sa ngayon ay maaaring naiiba, subalit hindi ka ba sumasang-ayon na hindi nagbabago ang pangmalas ng Diyos hinggil sa katarungan sa gayong mga bagay na gaya noon? Sa kaniyang mga mensahe sa pamamagitan ng 12 propeta, ipinakita ni Jehova na inaasahan niyang ang kaniyang bayan ay magsasagawa ng katarungan sa negosyo at sa mga bagay na may kaugnayan sa pera. Habang isinasaalang-alang natin ang ilang halimbawa nito, isipin kung ano ang hinihiling nito sa iyo upang magpakita ng makadiyos na katarungan.—Awit 25:4, 5.
8, 9. (a) Bakit napakaseryoso ng kahatulang binanggit sa Malakias 3:5? (b) Anong timbang na pangmalas tungkol sa pagtatrabaho at trabaho ang itinataguyod ng Kasulatan?
8 Sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Malakias: “Lalapit ako sa inyo ukol sa paghatol, at ako ay magiging mabilis na saksi laban sa mga manggagaway, at laban sa mga mangangalunya, at laban sa mga sumusumpa nang may kabulaanan, at laban sa mga gumagawi nang may pandaraya sa kabayaran ng bayarang manggagawa, . . . samantalang hindi nila ako kinatatakutan.” (Malakias 3:5) Oo, hinahatulan ni Jehova ang mga di-makatarungang nakikitungo sa mga empleado, o upahang mga manggagawa. Gaano kaseryoso ito? Buweno, itinuturing niya ang pag-abuso sa mga manggagawa na kasinsamâ ng espiritismo, pangangalunya, at pagsisinungaling. Batid ng mga Kristiyano kung paano hahatulan ng Diyos ang ‘mga mapakiapid, mga nagsasagawa ng espiritismo, at ang lahat ng sinungaling.’—Apocalipsis 21:8.
9 Ang nangyayari sa pinagtatrabahuhan ay nagsasangkot ng higit pa sa moralidad ng tao; nasasangkot dito ang katarungan ni Jehova. Sinabi niya na dahil sa ang mga taong iyon ay “gumagawi nang may pandaraya sa kabayaran ng bayarang manggagawa,” siya ay ‘lalapit sa mga taong iyon upang maggawad ng hatol.’ Totoo, hindi sinasabi ng Diyos na kailangang pagbigyan ng nagpapatrabaho ang bawat kahilingan ng isang empleado o grupo ng mga manggagawa. Makikita mo sa ilustrasyon ni Jesus hinggil sa upahang mga lalaking pinagtrabaho sa ubasan na ang nagpapatrabaho ay may karapatang magtakda ng kabayaran at mga kundisyon sa trabaho. (Mateo 20:1-7, 13-15) Kapansin-pansin na sa ilustrasyon ni Jesus, ang lahat ng manggagawa ay binayaran ng isang denario, ang pinagkasunduang ‘kabayaran sa isang araw,’ nagtrabaho man sila nang buong araw o hindi. Mapapansin din natin na hindi dinaya ng nagpapatrabaho ang mga manggagawa upang tumubo nang mas malaki.—Jeremias 22:13.
10. Bakit tayo dapat maging interesado sa kung paano tayo nakikitungo sa ating mga empleado?
10 Kung may sarili kang negosyo na may mga empleado—o kaya’y may inuupahan ka upang magtrabaho—kasuwato ba ng Malakias 3:5 ang suweldong ibinabayad mo, ang mga hinihiling mo sa iyong mga empleado, at ang tapat at agad na pagbabayad sa kanila? Makabubuting pag-isipan ito sapagkat isinasaalang-alang din sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang isyu ng pakikitungo nang hindi makatarungan sa upahang mga manggagawa. May kinalaman sa mga nakikitungo nang di-makatarungan sa kanilang mga empleado, ang alagad na si Santiago ay nagtanong: “Hindi ba niya [ni Jehova] kayo sinasalansang?” (Santiago 5:1, 4, 6) Tama ang ating konklusyon: Ang mga di-makatarungan may kinalaman sa “kabayaran ng bayarang manggagawa” ay hindi talaga nakakakilala kay Jehova, sapagkat hindi nila tinutularan ang kaniyang katarungan.
11, 12. (a) Anong di-makatarungang landasin ang itinatampok ng Oseas 5:10? (b) Paano mo maikakapit ang mga simulaing masusumpungan sa Oseas 5:10?
11 Ngayon ay basahin kung bakit sinalansang ni Jehova ang ilang prominenteng tao noong panahon ni Oseas: “Ang mga prinsipe ng Juda ay naging gaya niyaong mga nag-uurong ng hangganan. Sa kanila ay ibubuhos kong parang tubig ang aking poot.” (Oseas 5:10) Anong kamalian ang tinuligsa ni Oseas? Ang isang magsasakang taga-Juda ay umaasa sa kaniyang lupain para sa ikabubuhay, ang mga hangganan nito ay minamarkahan ng mga bato o poste. Kapag ‘iniuurong ang hangganan,’ nababawasan ang lupain ng magsasaka at napagkakaitan siya ng kaniyang kabuhayan, anupat pinagnanakawan siya. Itinulad ni Oseas ang mga prinsipe ng Juda, na dapat sana’y nagtataguyod ng katarungan, sa mga nag-uurong ng mga muhon.—Deuteronomio 19:14; 27:17; Job 24:2; Kawikaan 22:28.
12 Baka matukso ang ilan sa ngayon na nagbebenta ng lupa’t bahay na ‘iurong ang mga hangganan’ upang dayain ang mga bumibili. Subalit, ang simulain ay kapit sa mga mangangalakal, nagpapatrabaho, empleado, o mga kliyente—sinumang kasangkot sa mga kontrata o mga kasunduan. Gaya ng alam mo, atubili ang ilang negosyante na gumawa ng nasusulat na mga kontrata o kasunduan, anupat iniisip na sa dakong huli ay mas madaling malusutan ang pinagkasunduan o gumawa ng bagong mga kahilingan. Ang iba ay gumagawa nga ng nasusulat na kontrata ngunit nakasulat naman ang mga detalye nito sa pagkaliliit na titik upang pilipitin ang kahulugan nito para sa kanilang kapakinabangan, kahit na maging di-makatarungang nakapipinsala ito sa kabilang panig. Sa palagay mo kaya ang isa na gumagawa ng gayon—siya man ay isang mangangalakal o isang parokyano, isang nagpapatrabaho o isang empleado—ay talagang nakakakilala sa Diyos ng katarungan? Sinabi ni Jehova sa kaniyang Salita: “Huwag mong iuurong ang . . . hangganan [ng mga batang lalaking walang ama]. Sapagkat ang kanilang Manunubos ay malakas; siya mismo ang magtatanggol ng kanilang usapin sa iyo.”—Kawikaan 23:10, 11; Habakuk 2:9.
13. Ayon sa Mikas 6:10-12, anu-anong kawalang-katarungan ang umiral sa sinaunang bayan ng Diyos?
13 Ang Mikas 6:10-12 ay nagbibigay sa atin ng higit pang impormasyon tungkol sa katarungan: “Naroon pa ba sa bahay ng balakyot ang mga kayamanan ng kabalakyutan, at ang kulang na takal ng epa na tinutuligsa? Maaari ba akong maging malinis sa moral taglay ang balakyot na timbangan at taglay ang supot ng mga batong panimbang na may daya? Sapagkat . . ang mga tumatahan sa kaniya ay nagsasalita ng kabulaanan, at ang kanilang dila ay mapandaya.” Sa ngayon, maaaring sinusukat natin ang mga pagkain ayon sa litro o galon, hindi sa epa. O tinitimbang natin ang mga bagay ayon sa kilo o libra sa halip na sa batong panimbang sa timbangan. Gayunpaman, maliwanag ang punto ni Mikas. Mapandaya ang mga mangangalakal o negosyante noong panahon niya; dahil hindi sila gumagamit ng mga pamantayang timbangan at panukat, pinakikitunguhan nila ang mga tao nang di-makatarungan. Tinatawag ng Diyos na “balakyot” ang mga “mapandaya sa kanilang bibig” at sa kanilang pakikitungo sa negosyo.—Deuteronomio 25:13-16; Kawikaan 20:10; Amos 8:5.
14. Ang babala ni Mikas ay makatutulong sa atin na iwasan ang anong uri ng kawalang-katarungan sa makabagong panahon?
14 Apektado ba ng pananalita ni Mikas hinggil sa mga mapandayang timbangan at panukat ang pagpapatakbo mo ng iyong negosyo o ang ginagawa mo bilang empleado? Dapat itong pag-isipan, yamang ang mga parokyano at mga kliyente ay nadadaya sa maraming paraan. Halimbawa, binabawasan ng ilang di-tapat na kontratista ang karaniwan o legal na dami ng semento sa isang halo. O, sa mga dakong alam niyang hindi mahahalata, maaaring gumamit ang isang bihasang manggagawa ng mumurahing materyales kaysa sa ibinayad sa kaniya. Ipinagbibili ng ilang mangangalakal ang ilang bagay na sinasabi nilang bagung-bago, pero ang totoo ay segunda-mano na ang mga ito. At maaaring narinig mo na ang tungkol sa iba pang pandarayang ginagawa sa negosyo o industriya upang tumubo nang malaki. Matutukso ka kayang subukin ang mga ito? Sinabi ng isang bagong aklat hinggil sa pag-iingat sa pribadong buhay na ang mga Saksi ni Jehova ay “naniniwala na pinagmamasdan sila ng kanilang Maylalang, at mamatamisin pa ng karamihan [sa kanila] na mamatay kaysa sa magnakaw.” Sinabi pa nito: “Gustung-gusto silang kunin sa mga negosyong humahawak ng malaking pera.” Bakit? Sapagkat alam ng tunay na mga Kristiyano na ‘hinihingi sa kanila ni Jehova na magsagawa ng katarungan,’ pati na sa kanilang negosyo at pinansiyal na mga bagay.—Mikas 6:8.
“MGA PRINSIPE UKOL SA KATARUNGAN”
15, 16. Paano pinakikitunguhan ng mga lider noong panahon ni Mikas ang mga tao?
15 Makikita mo mula sa mga aklat ng 12 propeta na may mga yugto ng panahon, kung kailan napakalaganap ng kawalang-katarungan. Ang mga nasa awtoridad, na dapat sanang uliran sa katarungan, ay hindi nagsasagawa ng katarungan. (Exodo 18:21; 23:6-8; Deuteronomio 1:17; 16:18) Nagsumamo si Mikas: “Dinggin ninyo, pakisuyo, kayong mga ulo ng Jacob at kayong mga kumandante ng sambahayan ng Israel. Hindi ba tungkulin ninyo ang makaalam ng katarungan? Kayong napopoot sa mabuti at maibigin sa kasamaan, na bumabakbak ng kanilang balat mula sa mga tao at ng kanilang laman mula sa kanilang mga buto.”—Mikas 3:1-3; Isaias 1:17.
16 Malamang na nakagitla ang pananalitang iyon sa mga taong pamilyar sa buhay sa bukid. Kung minsan ay ginugupitan ng pastol ang mga tupa na inaalagaan at ipinagsasanggalang niya. (Genesis 38:12, 13; 1 Samuel 25:4) Ngunit pinagsamantalahan ng “mga kumandante ng sambahayan ng Israel,” na dapat sana’y ‘nakaaalam ng katarungan,’ ang bayan ng pastulan ng Diyos, anupat parang binabakbak ang balat at laman ng mga tupa at binabali ang kanilang mga buto. (Awit 95:7) Sa pagbanggit ng isa pang ilustrasyon mula sa buhay sa bukid, sinabi ni Mikas na ang mga prinsipe ‘na humahatol dahil sa gantimpala’ ay parang matinik na palumpong o bakod na tinik. (Mikas 7:3, 4) Gunigunihing dumaraan ka sa isang lugar na punô ng matinik na palumpong o mga bakod na tinik. Malamang na masugatan ka, at mapunit ang iyong mga damit. Inilalarawan niyan ang epekto ng mga lider sa bayan ng Diyos. Sa halip na makitungo sa kanilang mga kapatid sa makatarungang paraan, sila ay mapandaya at tiwali.—Mikas 3:9, 11.
17. Ayon sa Zefanias 3:3, ano ang saloobin ng mga lider?
17 Gayundin ang puntong binanggit ni Zefanias: “Ang kaniyang mga prinsipe sa gitna niya ay mga umuungal na leon. Ang kaniyang mga hukom ay mga lobo sa gabi na hindi ngumatngat ng mga buto hanggang sa kinaumagahan.” (Zefanias 3:3) Mailalarawan mo ba sa isip ang mga lider ng bayan ng Diyos na ipinagwawalang-bahala ang katuwiran, gaya ng ganid at mababangis na leon? O mga hukom, na gaya ng sakim at walang-kabusugang mga lobo, na lumalamon ng lahat ng bagay, anupat mga buto na lamang ang natitira sa kinaumagahan? Paano nga magkakaroon ng katarungan sa ilalim ng gayong mga kalagayan? Ang katarungan ay niluray ng mga lider na sumisila sa mga tao sa halip na tumulong sa mga ito.
18. Paano dapat pinakitunguhan ng mga hukom sa Israel ang bayan ng Diyos?
18 Maliwanag, ang Diyos ay hindi kilala ng mga lider na iyon ng bansang nakaalay sa Kaniya. Kung kilala nila siya, susundin nila ang Zacarias 8:16: “Ito ang mga bagay na dapat ninyong gawin: Magsalita kayo ng katotohanan sa isa’t isa. Humatol kayo sa inyong mga pintuang-daan taglay ang katotohanan at ang kahatulan ng kapayapaan.” Ang matatandang lalaki sa Israel ay nagtitipon sa pintuang-daan ng lunsod upang humawak ng hudisyal na mga kaso, hindi sa padalus-dalos na paraan o ayon sa personal na damdamin, kundi kasuwato ng pag-iisip ng Diyos. (Deuteronomio 22:15) At nagbabala si Jehova laban sa pagpapakita ng paboritismo, gaya sa mayayaman o mga prominente. (Levitico 19:15; Deuteronomio 1:16, 17) Dapat sikapin ng mga hukom na ibalik ang kapayapaan sa pagitan ng mga may alitan, anupat naggagawad ng “kahatulan ng kapayapaan.”
19, 20. (a) Bakit maraming matututuhan ang Kristiyanong mga elder mula sa 12 propeta? (b) Paano maipakikita ng mga elder na kilala nila si Jehova at ang kaniyang katarungan?
19 Sinipi ni apostol Pablo ang bahagi ng Zacarias 8:16 nang sumulat siya sa mga Kristiyano. (Efeso 4:15, 25) Kaya makatitiyak tayo na ang mga babala at payo ng 12 propeta tungkol sa katarungan ay kapit sa kongregasyon sa ngayon. Dapat maging uliran ang matatandang lalaki, o mga tagapangasiwa, sa pagkilala kay Jehova at dapat masalamin sa kanila ang kaniyang katarungan. Inilalarawan sila ng Isaias 32:1 na nakarerepreskong gaya ng “mga prinsipe ukol sa katarungan.” Anong praktikal na mga punto tungkol sa gayong mga elder ang makikita natin sa mga babala at payo na masusumpungan sa 12 propeta?
20 Dapat isaisip ng Kristiyanong mga elder ang maka-Kasulatang katotohanan at ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa pag-iisip ni Jehova sa mga bagay-bagay. Kailangan nilang ibatay ang kanilang mga pasiya sa Kasulatan sa halip na sa personal na opinyon o pala-palagay lamang. Ipinakikita ng Bibliya na baka may mahihirap na kaso, yaong nangangailangan ng karagdagang panahon sa paghahanda, personal na pagsasaliksik sa Bibliya at sa mga publikasyong naglalaman ng matalinong payo mula sa uring tapat at maingat na alipin. (Exodo 18:26; Mateo 24:45) Kapag sinisikap ng mga elder na gawin ang gayon, malamang na kapopootan nila ang masama at iibigin ang mabuti mula sa pangmalas ng Diyos. Tutulong ito sa kanila na ‘bigyan ng dako ang katarungan sa pintuang-daan’ upang ‘humatol sila taglay ang tunay na katarungan.’—Amos 5:15; Zacarias 7:9.
21. Bakit dapat iwasan ng mga elder ang pagtatangi, subalit ano ang maaaring makatukso sa kanila na magtangi?
21 Kahit na may kaalaman sa Bibliya ang isa na may pananagutang humatol, posible pa rin siyang magpakita ng pagtatangi. Lubhang ikinalungkot ni Malakias na ang mga saserdote, na dapat sana’y pinagmumulan ng kaalaman, ay “nagpapakita . . . ng pagtatangi sa kautusan.” (Malakias 2:7-9) Paano nangyari iyon? Ang totoo, sinabi ni Mikas na ang mga pangulo ay ‘humahatol dahil lamang sa suhol, at ang mga saserdote ay nagtuturo kapalit lamang ng isang halaga.’ (Mikas 3:11) Paano maaaring maapektuhan sa gayunding paraan ang pag-iisip ng isang elder? Paano kung ang taong may kaso ay naging bukas-palad sa kaniya noon, o paano kung ang elder ay may inaasahang pakinabang sa hinaharap? O ipagpalagay nang ang kasong hinahawakan niya ay nagsasangkot sa isang kamag-anak niya o ng kaniyang asawa. Ang kaniyang paghatol kaya ay pangingibabawan ng mga kaugnayang pampamilya o ng espirituwal na mga simulain? Maaaring maapektuhan ang kawalang-pagtatangi ng isang elder kapag humahawak siya ng isang kaso ng pagkakasala o kapag pinag-aaralan niya kung ang isa ba ay kuwalipikado ayon sa Kasulatan para sa karagdagang mga pribilehiyo ng paglilingkod sa kongregasyon.—1 Samuel 2:22-25, 33; Gawa 8:18-20; 1 Pedro 5:2.
22. (a) Ano ang pananagutan ng mga elder may kinalaman sa katarungan? (b) Anong iba pang makadiyos na mga katangian ang dapat masalamin sa mga elder kapag nakikitungo sa mga nagkasala?
22 Kung may magkasala nang malubha, ang espirituwal na mga pastol sa kongregasyon ay kumikilos upang ingatan ang kongregasyon mula sa anumang mapanganib at nakasasamang impluwensiya. (Gawa 20:28-30; Tito 3:10, 11) Gayunman, kung ang nagkasala ay tunay na nagsisisi, nanaisin ng mga elder na “ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan.” (Galacia 6:1) Sa halip na maging malupit, ikakapit nila ang tagubiling: “Humatol kayo taglay ang tunay na katarungan; at magpakita kayo sa isa’t isa ng maibiging-kabaitan at kaawaan.” (Zacarias 7:9) Itinatampok ng mga tuntunin ni Jehova hinggil sa paghawak ng legal na mga kaso sa sinaunang Israel ang kaniyang katarungan at awa. May kalayaan ang hinirang na mga hukom sa maraming pagpapasiya nila; maaari silang magpakita ng awa, depende sa mga kalagayan at sa saloobin ng nagkasala. Alinsunod dito, dapat magsikap ang Kristiyanong mga tagapangasiwa na humatol “taglay ang tunay na katarungan” at magpakita ng “maibiging-kabaitan at kaawaan,” sa gayo’y ipinakikita na kilala nila si Jehova.
23, 24. (a) Paano maitataguyod ng mga elder ang “kahatulan ng kapayapaan”? (b) Ang 12 propeta ay nakatulong sa iyo na maunawaan ang ano may kinalaman sa katarungan?
23 Alalahanin ang Zacarias 8:16: “Humatol kayo sa inyong mga pintuang-daan taglay ang katotohanan at ang kahatulan ng kapayapaan.” Ano ang tunguhin? Ang “kahatulan ng kapayapaan.” Kahit na noong buháy pa ang mga apostol, may personal na mga di-pagkakasundo o pagtatalo sa pagitan ng ilang Kristiyano. Kung paanong tinulungan ni Pablo sina Euodias at Sintique, baka kailangang tumulong ang mga elder sa ngayon. (Filipos 4:2, 3) Tiyak na dapat magsikap nang puspusan ang mga elder na magbigay ng “kahatulan ng kapayapaan,” anupat sinisikap na ibalik ang kapayapaan sa pagitan ng mga di-magkasundo. Ang maka-Kasulatang payo na ibinibigay nila at ang kanilang saloobin sa paggawa nito ay dapat magtaguyod ng kapayapaan sa kongregasyon at kapayapaan sa Diyos. Sa gayon ay makikita na talagang nakikilala nila si Jehova at ang kaniyang katarungan.
24 Ipinakikita ng dalawang larangan na nabanggit sa itaas na napakahalagang ikapit sa ating pang-araw-araw na buhay ang payo tungkol sa katarungan na iniulat ng 12 propeta. Tunay na isang pagpapala nga kung ‘hahayaan natin at ng ating mga kasamahan na bumugso ang katarungan’!