OSEAS, AKLAT NG
Isang aklat ng Hebreong Kasulatan na isinulat ni “Oseas na anak ni Beeri.” (Os 1:1) Dito, ang situwasyon ng pamilya ng manunulat ay inihalintulad sa kaugnayan ng Diyos sa Israel. (Kab 1-3) Ipinakikita ng aklat na ang basta pormal na relihiyosong seremonya ay hindi katanggap-tanggap kay Jehova. (6:6) Itinatampok din nito ang awa at maibiging-kabaitan ng Diyos.—2:19; 11:1-4; 14:4.
Panahon at Lugar ng Pagsulat. Nagsimulang maglingkod si Oseas bilang propeta noong panahong magkasabay na nagpupuno ang Judeanong si Haring Uzias (829-778 B.C.E.) at si Haring Jeroboam II ng Israel (mga 844-804 B.C.E.), at sa gayon ay hindi lalampas sa 804 B.C.E., kung kailan maliwanag na nagwakas ang paghahari ni Jeroboam. (Os 1:1) Ang ministeryo ng panghuhula ni Oseas ay nagpatuloy hanggang sa pamamahala ni Haring Hezekias ng Juda, na ang paghahari ay nagsimula noong mga 745 B.C.E. Samakatuwid, umabot ito nang di-kukulangin sa 59 na taon, bagaman walang alinlangang sumaklaw ito ng ilang panahon sa mga paghahari nina Jeroboam II at Hezekias, sa gayo’y mas mahaba pa nang kaunti. Bagaman nagtala si Oseas ng isang hula may kinalaman sa pagkawasak ng Samaria (13:16), hindi niya iniulat ang katuparan nito, na malamang na gagawin niya kung ang pagsulat ng aklat ay umabot ng 740 B.C.E., ang petsa ng pagbagsak ng Samaria. Samakatuwid, maliwanag na ang aklat ng Oseas ay isinulat sa distrito ng Samaria at natapos sa pagitan ng 745 at 740 B.C.E.
Tagpo. Ang aklat ng Oseas ay pangunahin nang tungkol sa hilagang sampung-tribong kaharian ng Israel (tinatawag ding Efraim alinsunod sa pangunahing tribo nito, anupat halinhinang ginagamit sa aklat ang mga pangalang iyan). Nang magsimulang humula si Oseas noong panahon ng paghahari ni Haring Jeroboam, ang Israel ay nagtatamasa ng materyal na kasaganaan. Ngunit itinakwil ng mga tao ang kaalaman sa Diyos. (Os 4:6) Kabilang sa kanilang balakyot na mga gawain ang mga pagbububo ng dugo, pagnanakaw, pakikiapid, pangangalunya, at pagsamba kay Baal at sa mga guyang idolo. (2:8, 13; 4:2, 13, 14; 10:5) Pagkamatay ni Haring Jeroboam, naglaho ang kasaganaan, at umiral ang nakatatakot na mga kalagayan, na lipos ng kaguluhan at pagpaslang sa mga namumuno. (2Ha 14:29–15:30) Humula rin ang tapat na si Oseas sa gitna ng mga kalagayang ito. Sa katapus-tapusan, noong 740 B.C.E., ang Samaria ay bumagsak sa mga Asiryano at dito nagwakas ang sampung-tribong kaharian.—2Ha 17:6.
Ang Asawa at mga Anak ni Oseas. Sa utos ni Jehova, kumuha si Oseas sa ganang kaniya ng “isang asawang mapakiapid at ng mga anak sa pakikiapid.” (Os 1:2) Hindi ito nangangahulugan na nag-asawa ang propeta ng isang patutot o ng isang babaing imoral na mayroon nang mga anak sa ligaw. Ipinahihiwatig nito na ang babae ay magiging mapangalunya at magkakaroon ng gayong mga anak pagkatapos niyang mapangasawa ang propeta. Nag-asawa si Oseas kay Gomer, na “nagsilang sa kaniya ng isang anak na lalaki,” si Jezreel. (1:3, 4) Nang maglaon, nagsilang si Gomer ng isang anak na babae, si Lo-ruhama, at pagkatapos nito ay ng isang anak na lalaki na pinanganlang Lo-ami, maliwanag na parehong bunga ng kaniyang pangangalunya, yamang hindi binanggit ang propeta may kaugnayan sa kapanganakan ng mga ito. (1:6, 8, 9) Ang Lo-ruhama ay nangangahulugang “[Siya ay] Hindi Pinagpakitaan ng Awa,” at ang kahulugan ng Lo-ami ay “Hindi Ko Bayan,” mga pangalang nagpapahiwatig ng di-pagsang-ayon ni Jehova sa suwail na Israel. Sa kabilang dako, ang pangalan ng panganay na anak na “Jezreel,” nangangahulugang “Ang Diyos ay Maghahasik ng Binhi,” ay ikinapit sa bayan sa positibong paraan sa isang hula ng pagsasauli.—2:21-23.
Pagkasilang ng mga anak na ito, lumilitaw na iniwan ni Gomer si Oseas upang sumama sa kaniyang mga kalaguyo, ngunit hindi sinasabi na diniborsiyo siya ng propeta. Maliwanag na nang maglaon ay iniwan siya ng kaniyang mga mangingibig at nasadlak siya sa karalitaan at pagkaalipin, sapagkat waring ipinahihiwatig sa Oseas 3:1-3 na binili siya ng propeta na para bang naging alipin siya at kinuha siyang muli bilang asawa. Ang kaugnayan ni Oseas kay Gomer ay kahalintulad ng kaugnayan ni Jehova sa Israel, anupat handa ang Diyos na tanggaping muli ang kaniyang nagkasalang bayan matapos nilang pagsisihan ang kanilang espirituwal na pangangalunya.—Os 2:16, 19, 20; 3:1-5.
Itinuturing ng ilang iskolar ng Bibliya na ang pag-aasawa ni Oseas ay isang pangitain, maaaring habang siya’y nasa kawalan ng diwa o nananaginip, anupat hindi kailanman isinagawa. Gayunman, hindi sinabi ng propeta ni ipinahiwatig man niya na iyon ay isang pangitain, o isang panaginip. Ipinapalagay naman ng iba na ang kaniyang pag-aasawa ay isang alegoriya o isang talinghaga. Ngunit hindi gumamit si Oseas ng simboliko o makasagisag na terminolohiya nang talakayin niya iyon. Ang pangmalas na isa itong ulat hinggil sa aktuwal na pag-aasawa ni Oseas kay Gomer at sa literal na pagkakasauli ni Gomer sa propeta ay nagbibigay ng puwersa at kahulugan sa pagkakapit ng mga bagay na ito sa tunay na mga pangyayari sa Israel. Hindi nito sinisira ang simpleng ulat ng Bibliya, at kasuwato ito ng pagpili ni Jehova sa Israel, ng espirituwal na pangangalunya ng bansa nang dakong huli, at ng pagkakasauli ng bayan sa Diyos nang sila’y magsisi.
Istilo. Ang istilo ng pagsulat ni Oseas ay maikli at kakikitaan ng mabilis na pagbabago ng diwa. Ang aklat ay naglalaman ng mga pananalitang may matinding damdamin at puwersa sa anyong saway, babala, at payo, gayundin ng magiliw na mga pakiusap ukol sa pagsisisi. At naglalaman ito ng mahuhusay na tayutay.—Os 4:16; 5:13, 14; 6:3, 4; 7:4-8, 11, 12; 8:7; 9:10; 10:1, 7, 11-13; 11:3, 4; 13:3, 7, 8, 15; 14:5-7.
Pagiging Kanonikal. Ang aklat ng Oseas ang una sa tinatawag na mga pangalawahing propeta sa karaniwang mga Bibliyang Tagalog, gayundin sa sinaunang mga tekstong Hebreo at Septuagint. Espesipikong binanggit ni Jerome na ang isa sa mga dibisyon ng sagradong mga aklat ng mga Judio ay Ang Aklat ng Labindalawang Propeta, na doo’y maliwanag na kabilang ang aklat ng Oseas upang makumpleto ang bilang na 12. Si Melito ng ikalawang siglo C.E. ay nag-iwan ng isang katalogo na kinabibilangan ng mga aklat na ito, gaya rin ni Origen at ng iba pa.
Kasuwato ng Iba Pang mga Aklat ng Bibliya. Ang aklat na ito ay kasuwato ng mga kaisipang ipinahayag sa ibang bahagi ng Bibliya. (Halimbawa, paghambingin ang Os 6:1 at Deu 32:39; Os 13:6 at Deu 8:11-14; 32:15, 18.) Ang aklat ng Oseas ay tumukoy sa mga pangyayaring nakaulat sa ibang bahagi ng Kasulatan, gaya ng mga insidente may kinalaman kay Jacob (Os 12:2-4, 12; Gen 25:26; 32:24-29; 29:18-28; 31:38-41), ng Pag-alis ng Israel mula sa Ehipto (Os 2:15; 11:1; 12:13), ng kanilang kawalang-katapatan may kaugnayan sa Baal ng Peor (Os 9:10; Bil 25), at ng paghiling ng bansa ng isang taong hari (Os 13:10, 11; 1Sa 8:4, 5, 19-22).
Ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Makalawang ulit na sumipi si Jesu-Kristo mula sa Oseas 6:6, na ginagamit ang mga salitang “Ang ibig ko ay awa, at hindi hain.” (Mat 9:13; 12:7) Tinukoy niya ang Oseas 10:8 nang magpahayag siya ng hatol sa Jerusalem (Luc 23:30), at ang pananalitang ito ay ginamit sa Apocalipsis 6:16. Ginamit kapuwa nina Pablo at Pedro ang Oseas 1:10 at 2:23. (Ro 9:25, 26; 1Pe 2:10) Sumipi si Pablo mula sa Oseas 13:14 (LXX) nang talakayin niya ang pagkabuhay-muli, nang kaniyang itanong: “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong tibo?”—1Co 15:55; ihambing din ang Oseas 14:2 sa Hebreo 13:15.
Natupad na mga Hula. Natupad ang makahulang mga salita sa Oseas 13:16 may kinalaman sa pagbagsak ng Samaria. Ipinakita rin ng hula ni Oseas na ang Israel ay iiwan ng kaniyang mga mangingibig sa gitna ng mga bansa. (Os 8:7-10) Sa totoo, hindi nakatulong ang mga ito nang ang Samaria ay wasakin at ang mga tumatahan sa Israel ay maging mga bihag ng Asirya noong 740 B.C.E.—2Ha 17:3-6.
Patiunang sinabi ng hula ni Oseas na ang Diyos ay magsusugo ng apoy sa mga lunsod ng Juda. (Os 8:14) Noong ika-14 na taon ng paghahari ni Haring Hezekias, ang Asiryanong si Haring Senakerib ay “sumampa laban sa lahat ng nakukutaang lunsod ng Juda at sinakop ang mga iyon.” (2Ha 18:13) Gayunman, inihula rin ni Oseas na ililigtas ni Jehova ang Juda. (Os 1:7) Nangyari ito nang biguin ng Diyos ang plano ni Senakerib na salakayin ang Jerusalem, nang lipulin ng anghel ni Jehova ang 185,000 lalaki ng hukbong Asiryano sa isang gabi. (2Ha 19:34, 35) Ngunit isang lalong kapaha-pahamak na “apoy” ang sumapit nang ang Jerusalem at ang mga lunsod ng Juda ay wasakin ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya noong 607 B.C.E.—2Cr 36:19; Jer 34:6, 7.
Magkagayunman, kaayon ng kinasihang mga hula ng pagsasauli na masusumpungan sa aklat ng Oseas, isang nalabi ng bayan ng Juda at Israel ang tinipon at lumabas mula sa lupain ng pagkatapon, ang Babilonia, noong 537 B.C.E. (Os 1:10, 11; 2:14-23; 3:5; 11:8-11; 13:14; 14:1-8; Ezr 3:1-3) Ginamit ni Pablo ang Oseas 1:10 at 2:23 upang idiin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ipinakikita sa “mga sisidlan ng awa,” at ginamit din ni Pedro ang mga tekstong ito. Ipinakikita ng mga pagkakapit na ito ng mga apostol na ang mga hula ay tumutukoy rin sa maawaing pagtitipon ng Diyos sa isang espirituwal na nalabi.—Ro 9:22-26; 1Pe 2:10.
May masusumpungan ding Mesiyanikong hula sa aklat ng Oseas. Ikinapit ni Mateo ang mga salita ng Oseas 11:1 (“mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak”) sa batang si Jesus, na dinala sa Ehipto ngunit nang maglaon ay ibinalik sa Israel.—Mat 2:14, 15.
[Kahon sa pahina 506]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG OSEAS
Mga hula na pangunahin nang ipinatungkol sa Israel (ang hilagang kaharian, tinatawag ding Efraim) at nagdiriin sa pambihirang awa ni Jehova
Isinulat ni Oseas pagkatapos ng 745 B.C.E., di-katagalan bago dalhin ng Asirya sa pagkatapon ang Israel
Ang mga pakikitungo ni Jehova sa Israel ay inilarawan ng situwasyon ng pamilya ni Oseas (1:1–3:5)
Sinabihan si Oseas na mag-asawa ng isang babae na sa kalaunan ay magiging mapangalunya, na lalarawan sa kawalang-katapatan ng Israel kay Jehova
Nagkaanak si Oseas sa kaniyang asawang si Gomer ng isang anak na lalaki na pinanganlang Jezreel. Ang sumunod na dalawang anak ni Gomer, si Lo-ruhama (nangangahulugang “[Siya ay] Hindi Pinagpakitaan ng Awa”) at si Lo-ami (nangangahulugang “Hindi Ko Bayan”), ay maliwanag na mga bunga ng pangangalunya nito; ang kahulugan ng mga pangalan ay nagpapahiwatig ng pag-uurong ni Jehova ng kaniyang awa sa Israel at sa pagtatakwil niya sa di-tapat na bayan
Pagkatapos dumanas ng paghatol ng Diyos dahil sa kanilang kawalang-pananampalataya at pagbaling sa pagsamba kay Baal, ang Israel ay isasauli at muling magtatamasa ng mga pagpapala, sa gayo’y matutupad ang kahulugan ng pangalang Jezreel (samakatuwid nga, “Ang Diyos ay Maghahasik ng Binhi”)
Tinagubilinan si Oseas na kuning muli ang kaniyang nangalunyang asawa; ginawa niya iyon ngunit tinakdaan niya ito ng restriksiyon, anupat sinabihan ito na huwag makiapid—nagpapahiwatig ng situwasyon ng Israel hanggang noong manumbalik ito kay Jehova
Makahulang mga hatol laban sa Israel (at Juda) dahil sa kawalang-katapatan kay Jehova (4:1–13:16)
Sa pagsasagawa nila ng pandaraya, pagpaslang, pagnanakaw, pangangalunya, idolatriya, at espirituwal na pagpapatutot, ipinakita ng bayan na wala silang kaalaman sa Diyos; kaya naman hihingan sila ng pagsusulit
Dahil sa idolatriya at katiwalian sa moral ng Israel, at sa kanilang may-kamangmangang pulitikal na pakikipag-alyansa sa magkalabang mga kapangyarihan (Ehipto at Asirya), sa halip na manalig kay Jehova ukol sa katiwasayan, ang lupain ay wawasakin at ang mga makaliligtas ay dadalhin sa Asirya
Pamamanhik na manumbalik kay Jehova (14:1-9)
Ang bayan ay hinimok na makiusap kay Jehova na pagpaumanhinan sila, na maghandog ng mga toro ng kanilang mga labi, at huwag nang umasa sa alyansang militar at mga kabayong pandigma ukol sa proteksiyon
Ang panunumbalik nila kay Jehova ay magbubunga ng pagpapagaling, ng pag-ibig niya sa kanila nang bukal sa loob, at ng maunlad na kalagayan sa ilalim ng kaniyang pagpapala