BALANG
Alinman sa sari-saring uri ng tipaklong na maiikli ang antena o sungot, lalo na yaong mga nandarayuhan nang kulu-kulupon. Sa mga salitang Hebreo na isinalin bilang “balang,” ang ʼar·behʹ ang pinakamalimit gamitin at kinikilalang tumutukoy sa nandarayuhang balang, samakatuwid nga, ang insekto kapag hustong-gulang na at mayroon nang mga pakpak. (Lev 11:22, tlb sa Rbi8) Ang salitang Hebreo na yeʹleq ay tumutukoy sa gumagapang at walang-pakpak na balang, samakatuwid nga, sa balang na hindi pa hustong-gulang. (Aw 105:34, tlb sa Rbi8; Joe 1:4) Ang terminong Hebreo na sol·ʽamʹ ay tumutukoy sa nakakaing balang. (Lev 11:22) Isang kulupon ng balang naman ang tinutukoy ng terminong Hebreo na goh·vaiʹ. (Am 7:1) Ang salitang Griego na a·krisʹ ay isinalin bilang “kulisap na balang” at “balang.”—Mat 3:4; Apo 9:7.
Ang balang ay may haba na 5 sentimetro (2 pulgada) o mahigit pa. Mayroon itong dalawang pares ng pakpak, apat na binting panlakad, at dalawang mas mahahabang panluksong binti na may malalaking hita. Kapag hindi ginagamit, ang malinaw na mga pakpak nito sa likod ay nakatiklop sa ilalim ng makakapal at malamad na mga pakpak sa harap. Sa pamamagitan ng mga panluksong binti nito, ang balang ay nakatatalon sa distansiyang maraming ulit ng haba ng katawan nito. (Tingnan ang Job 39:20.) Sa Kasulatan, kung minsa’y ginagamit ang balang upang sumagisag sa pagiging di-mabilang.—Huk 6:5; 7:12; Jer 46:23; Na 3:15, 17.
“Malinis” na Pagkain. Itinalaga ng Kautusan ang mga balang bilang malinis na pagkain. (Lev 11:21, 22) Sa katunayan, ang pagkain ni Juan na Tagapagbautismo ay mga kulisap na balang at pulot-pukyutan. (Mat 3:4) Sinasabi na ang mga insektong ito ay lasang hipon o alimasag at mayaman sa protina. Ayon sa isang pagsusuring ginawa sa Jerusalem, ang mga balang sa disyerto ay 75 porsiyentong protina. Sa ngayon, kapag kinakain ito ng mga Arabe, iniihaw nila ito, nilalaga, piniprito, o pinatutuyo. Kadalasan, inaalis ang mga binti at pakpak nito.
Mga Salot ng Balang. Noong panahon ng Bibliya, ang salot ng mga balang ay isang matinding kalamidad at kung minsa’y isang kapahayagan ng kahatulan ni Jehova, gaya ng ikawalong salot sa sinaunang Ehipto. (Exo 10:4-6, 12-19; Deu 28:38; 1Ha 8:37; 2Cr 6:28; Aw 78:46; 105:34) Kapag ipinadpad sila ng hangin, ang mga balang ay biglang-biglang dumarating, ngunit ang ingay ng kanilang pagdating, na inihahalintulad ng Kasulatan sa mga karo at sa apoy na tumutupok ng pinaggapasan (Joe 1:4; 2:5, 25), ay sinasabing maririnig sa distansiyang mga 10 km (6 na mi). Ang paglipad nila ay pangunahing nakadepende sa hangin, na kung paayon ay nakatutulong upang makapaglakbay sila nang maraming kilometro. Namataan pa nga ng mga taong nasa laot ang mga kulupon ng balang na mahigit 1,600 km (1,000 mi) ang layo mula sa katihan. Gayunman, maaari silang ipadpad ng pasalungat na mga hangin patungo sa tubig at sa kanilang kamatayan. (Exo 10:13, 19) Ang epekto ng isang malaking kulupong lumilipad (na umaabot sa taas na mahigit sa 1,500 m [5,000 piye]) ay maihahambing sa isang ulap na humaharang sa liwanag ng araw.—Joe 2:10.
Kapag sinalakay ng mga balang ang isang tulad-paraisong lupain, maaari itong maging tulad ng isang ilang dahil sa lakas nilang kumain. (Joe 2:3) Sa isang maghapon, ang isang nandarayuhang balang ay nakauubos ng pagkain na simbigat ng timbang nito. Kung ihahambing, iyan ay 60 hanggang 100 ulit na mas marami sa kinakain ng isang tao. Hindi lamang mga dahon ang kinakain nila kundi pati lino, lana, seda, at katad, pati na ang barnis ng mga muwebles habang nanloloob sila sa mga bahay. Sa bawat araw, ang kinakain ng isang malaking kulupon ay tinatayang kasindami ng kinakain ng isa at kalahating milyon katao.
Ang isang kulupon ng balang ay dumadaluhong na tulad ng isang napakaorganisado at disiplinadong hukbo, ngunit walang hari o lider, at patotoo ito ng kanilang likas na karunungan. (Kaw 30:24, 27) Marami man sa kanila ang masawi, patuloy sila sa pagsalakay. Ang mga apoy na pinaliyab upang pigilin ang kanilang paglusob ay naaapula ng mga katawan ng mga balang na namatay. Walang-silbi ang mga esterong punô ng tubig para hadlangan ang pagdaluhong nila, sapagkat pati ang mga ito’y napupuno ng mga bangkay ng kanilang mga kasamahan. (Joe 2:7-9) “Walang kilaláng likas na kaaway na makapipigil sa kanilang mapangwasak na mga pandarayuhan,” ang isinulat ng isang propesor ng soolohiya.—The New York Times Magazine, “The Locust War,” Mayo 22, 1960, p. 96.
Nang inilalarawan ang mga salot ng balang nitong makabagong mga panahon, iniulat ng Grzimek’s Animal Life Encyclopedia (1975, Tomo 2, p. 109, 110): “Maging sa ngayon, ang ilang uri ng mga spur-throated grasshopper ay sanhi pa rin ng mga salot ng balang sa Aprika at sa iba pang bahagi ng daigdig. Ang kanilang matinding pagdami sa pana-panahon at malawakang pandarayuhan ay nagdulot ng malaking pinsala sa mga pagkaing pananim nitong nakalipas na mga panahon. Noong 1873-1875 sa Europa at noong 1874-1877 sa E.U.A., ang mga salot ay napakatitindi. . . . Noong 1955, sumalakay sa timugang Morocco ang isang kulupon ng mga nandarayuhang balang na may habang 250 km at lapad na 20 km. Muli, noong 1961/62, nagkaroon doon ng isang salot na hindi masugpo . . . Dahil dito, sa loob ng limang araw, ang mga balang ay nagdulot ng pinsalang nagkakahalaga nang mahigit sa isang bilyong franc sa isang lugar na mahigit sa 5000 kilometro kuwadrado. . . . Sa limang araw na iyon, ang mga nandarayuhang balang ay umubos ng 7000 t ng kahel, na katumbas ng 60,000 kg bawat oras. Iyan ay mahigit sa taunang konsumo ng buong bansa ng Pransiya.”
Makasagisag na Paggamit. Ipinakikita ng pagsasaliksik na ang haba ng buhay ng isang balang ay nasa pagitan ng apat at anim buwan. Angkop nga na ang makasagisag na mga balang sa Apocalipsis 9:5 ay sinasabing nagpapahirap sa mga tao sa loob ng limang buwan, o sa loob ng karaniwang haba ng kanilang buhay.
Nang inilalarawan ang mga taong militar ng Asirya, binanggit ng Nahum 3:16 ang pagpapalit ng balang ng kaniyang balat. Ang balang ay limang ulit na naghuhunos ng kaniyang balat upang maabot ang kaniyang ganap na laki. Sa Nahum 3:17, ang Asiryanong mga tagapagbantay at mga tagapangalap na opisyal ay inihambing sa mga balang na nagkakampo sa mga kural na bato kapag araw na maginaw ngunit tumatakas na kapag sumikat ang araw. Maaaring tumutukoy ito sa pamamanhid ng katawan ng mga insektong ito dahil sa malamig na panahon, anupat nagtatago sila sa mga awang ng mga pader hanggang sa mapainit sila ng sinag ng araw, at pagkatapos nito’y lumilipad na sila. Iniulat na makalilipad lamang ang mga balang kapag ang temperatura ng katawan nila’y umabot na nang mga 21° C. (70° F.).
[Larawan sa pahina 305]
Kung ihahambing, ang kinakain ng mga balang ay 60 hanggang 100 ulit na mas marami sa kinakain ng mga tao