KABANATA 10
Gawing Kalugud-lugod sa Diyos ang Iyong Buhay Pampamilya
1. Bakit may maligayang buhay pampamilya ang mga Saksi ni Jehova sa pangkalahatan?
KILALÁ ang mga Saksi ni Jehova sa pagkakaroon ng maligayang buhay pampamilya. Ganito ang isinulat ni Propesor Bryan Wilson ng Oxford University: “Ang mga Saksi ay nagbibigay ng praktikal na payo hinggil sa maraming bagay . . . tungkol sa ugnayan ng mag-asawa, usaping moral, pagpapalaki sa mga anak, at iba pang praktikal na mga bagay. Nagbibigay [sila] ng mahalagang tulong sa pamamagitan ng maaasahang payo na batay sa Banal na Kasulatan at ginagawa nila itong saligan ng lahat ng kanilang paniniwala at pamantayan sa buhay.” Walang alinlangan, marami kang natututuhan mula sa Salita ng Diyos tungkol sa kung paano magkakaroon ng kasiya-siyang buhay pampamilya.
2. (a) Ano ang napapansin mo sa mga pamilya sa daigdig sa ngayon? (b) Sa anu-anong aklat ng Bibliya tayo makahihingi ng patnubay tungkol sa buhay pampamilya?
2 Habang papalapit ang araw ni Jehova, partikular na sinasalakay ni Satanas ang mga pamilya. Kaya maraming tao ang nawalan na ng tiwala sa kanila mismong mga kapamilya, gaya noong panahon ni Mikas. Sumulat siya: “Huwag kayong manampalataya sa isang kasamahan. . . . Sa kaniya na nakahiga sa iyong dibdib ay bantayan mo ang mga pagbuka ng iyong bibig. Sapagkat hinahamak ng anak na lalaki ang ama; ang anak na babae ay tumitindig laban sa kaniyang ina; ang manugang na babae laban sa kaniyang biyenang babae; ang mga kaaway ng isang tao ay ang mga tao sa kaniyang sambahayan.” (Mikas 7:5, 6) Nabubuhay ka sa isang daigdig kung saan nasisira ang kaayusang pampamilya, gayunman, ikaw ay nakikipagpunyagi na huwag maimpluwensiyahan nito sa ikasasamâ. Kaya nagiging mas kaayaaya at mas kalugud-lugod sa Diyos ang iyong buhay pampamilya. Malamang na ikinakapit mo ang mga tekstong gaya ng Deuteronomio 6:5-9; Efeso 5:22–6:4; at Colosas 3:18-21. Gayunman, naisip mo na bang mapagkukunan ng payo tungkol sa maligayang buhay pampamilya ang mga aklat ng 12 propeta? Sa kabanatang ito, isasaalang-alang natin ang ilang halimbawa ng gayong payo sa mga aklat na ito. Subalit isaalang-alang mo hindi lamang ang espesipikong mga punto ng payong iyon. Sikapin mong unawain mula sa mga halimbawang ito ang mahalagang paraan na magagamit mo upang matutuhan ang iba pang aral mula sa mga aklat na ito. Sa dulo ng kabanatang ito, sinipi ang ilang teksto na magsasanay sa iyo na gawin iyon, ang makuha ang mga aral mula sa 12 aklat na ito.
“KINAPOPOOTAN NIYA ANG PAGDIDIBORSIYO”
3, 4. (a) Paano nilulutas ng maraming tao sa ngayon ang kanilang mga problema bilang mag-asawa? (b) Anong nakalulungkot na saloobin tungkol sa pag-aasawa ang umiral noong panahon ni Malakias?
3 Makatuwiran lamang na una nating pagtuunan ng pansin ang ugnayan sa pagitan ng asawang lalaki at babae. Noong una, hindi pinag-iisipan ng karamihan sa mga tao ang pagdidiborsiyo bilang madaling solusyon sa mga problema ng mag-asawa. Karaniwan nang mahirap makipagdiborsiyo; sa Inglatera noong ika-19 na siglo, kailangan pa ng desisyon ng Parlamento upang makapagdiborsiyo. Ang gayong pananaw ay waring nagsanggalang laban sa pagkakawatak-watak ng mga pamilya. Subalit ibang-iba na ngayon ang mga saloobin hinggil sa diborsiyo. Ganito ang sabi ng Encyclopædia Britannica: “Kapansin-pansing dumarami ang bilang ng mga nagdidiborsiyo sa maraming bansa mula noong Digmaang Pandaigdig II . . . Lubhang nagbago ang mga saloobin hinggil sa pagdidiborsiyo . . . anupat nagiging katanggap-tanggap na ito sa karamihan.” Nagiging pangkaraniwan na ang pagdidiborsiyo kahit sa mga bansang gaya ng Korea, kung saan noong nakalipas na dekada, ang diborsiyo ay hindi sinasang-ayunan. Sa ngayon, inaakala ng mga tao sa maraming lupain na puwedeng magdiborsiyo ang mga mag-asawang hindi magkasundo.
4 Noong panahon ni Malakias nang ikalimang siglo B.C.E., laganap ang diborsiyo sa mga Judio. Sinabi sa kanila ni Malakias: “Si Jehova mismo ay nagpatotoo sa pagitan mo at ng asawa ng iyong kabataan, na pinakitunguhan mo nang may kataksilan.” Dahil sa pagtataksil ng mga asawang lalaki, ang altar ni Jehova ay natakpan ng mga luha ng mga asawang babaing pinagtaksilan, “ng pagtangis at pagbubuntunghininga.” At kinunsinti ng tiwaling mga saserdote ang gayong kalupitan!—Malakias 2:13, 14.
5. (a) Ano ang pangmalas ni Jehova sa pagdidiborsiyo? (b) Bakit napakabigat na kasalanan ang pagtataksil sa asawa?
5 Ano ang pangmalas ni Jehova sa nakalulungkot na saloobin hinggil sa pag-aasawa noong panahon ni Malakias? “‘Kinapopootan niya ang pagdidiborsiyo,’ ang sabi ni Jehova na Diyos ng Israel,” ang sulat ni Malakias. Sinabi rin niyang si Jehova ay ‘hindi nagbabago.’ (Malakias 2:16; 3:6) Nauunawaan mo ba ang punto? Noon pa ma’y hindi na sinasang-ayunan ng Diyos ang pagdidiborsiyo. (Genesis 2:18, 24) Kinapopootan niya ito noong panahon ni Malakias. At kinapopootan pa rin niya ito sa ngayon. Maaaring magpasiya ang ilang tao na talikdan ang kanilang pag-aasawa dahil lamang sa hindi sila nasisiyahan sa kanilang asawa. Bagaman maaaring mapandaya ang kanilang puso, sinisiyasat ito ni Jehova. (Jeremias 17:9, 10) Batid niya ang anumang pakanang maaaring gamitin ng mga tao upang makipagdiborsiyo, sa kabila ng mga pagdadahilan nila upang bigyang-matuwid ang kanilang paggawi. Oo, “ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.”—Hebreo 4:13.
6. (a) Paano makatutulong sa iyo ang pagtataglay ng pangmalas ni Jehova hinggil sa pagdidiborsiyo? (b) Ano ang pangunahing layunin ng payo ni Jesus tungkol sa pagdidiborsiyo?
6 Maaaring hindi naman nanganganib na mauwi sa diborsiyo ang iyong pag-aasawa, gayunman dapat mong isaisip ang pangmalas ni Jehova. Walang sinuman ang sakdal, kaya makaaasa tayo ng mga problema at di-pagkakasundo sa pag-aasawa. Ngunit iisipin mo ba ang pagdidiborsiyo bilang isang mapagpipilian, isang madaling solusyon? Sa isang mainit na pagtatalo, babanggitin mo ba ang posibilidad ng pagdidiborsiyo? Marami ang gumagawa nito, subalit batay sa pangmalas ng Diyos sa ugnayan ng mag-asawa, dapat pagsumikapan ng mga tao na gawing matagumpay ang kanilang pag-aasawa. Totoo, sinabi ni Jesu-Kristo na may isang lehitimong dahilan para sa pagdidiborsiyo—ang pakikiapid, yaon ay lahat ng uri ng pakikipagtalik sa hindi asawa. Gayunpaman, ano ba ang pangunahing layunin ng payo ni Jesus? Sinabi niya sa mga nakikinig: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” Oo, itinaguyod ni Jesus ang di-nagbabagong pamantayan ni Jehova na binanggit ni Malakias mga 450 taon na ang nakalipas.—Mateo 19:3-9.
7. Kasuwato ng payong masusumpungan sa aklat ng Malakias, paano mo mapananatiling matibay ang inyong ugnayan bilang mag-asawa?
7 Kung gayon, paano mapananatiling matibay ng mag-asawang Kristiyano ang kanilang ugnayan? Ibinigay ni Malakias ang solusyong ito: “Ingatan ninyo ang inyong sarili may kinalaman sa inyong espiritu, at huwag kayong makitungo nang may kataksilan.” (Malakias 2:16) Nangangahulugan iyan ng pag-iingat laban sa malakas na hilig na taglay natin. Kung ‘iniingatan natin ang ating espiritu,’ iiwasan natin ang mga tukso na magbigay ng di-wastong pansin sa sinuman na hindi natin asawa. (Mateo 5:28) Halimbawa, kumusta kung nasisiyahan tayong tumanggap ng pantanging atensiyon o labis na papuri mula sa isa na hindi kasekso? Nangangahulugan ito na medyo hindi tayo nag-iingat may kinalaman sa ating espiritu. Kaya ang mahalagang aral mula sa 12 propeta na tutulong sa atin upang magkaroon ng matibay na kaugnayan sa ating asawa ay bigyang-pansin ang ‘ating espiritu.’
8, 9. Bakit iniulat sa Bibliya ang pangyayari hinggil kina Oseas at Gomer?
8 Walang-alinlangang desidido kang maging matagumpay ang iyong pag-aasawa. Gayunpaman, hindi mo lubusang maiiwasan ang mga problemang kaakibat ng buhay may-asawa. Paano mo pinakamabuting mahaharap ang anumang problemang maaaring bumangon, lalo na kung inaakala mong ang asawa mo ang siyang dahilan ng karamihan sa mga problema? Tandaan ang binanggit sa naunang bahagi ng aklat na ito, sa Kabanata 2 at 4, tungkol kay Oseas. Ang kaniyang asawa, si Gomer, ay naging “isang asawang mapakiapid” na ‘humabol sa kaniyang mga maalab na mangingibig.’ Nang maglaon siya ay iniwan, anupat naghikahos at inalipin. Tinubos ni Oseas si Gomer mula sa kinakasama nitong lalaki at tinanggap siya, at si Oseas ay hinimok na ibigin siya. Bakit hinimok si Oseas na gawin iyon? Upang buong-linaw na ilarawan ang kalagayang umiiral sa pagitan ni Jehova at ng Israel. Si Jehova ang “asawang nagmamay-ari,” at kinuha niya ang kaniyang bayan bilang kaniyang asawang babae.—Oseas 1:2-9; 2:5-7; 3:1-5; Jeremias 3:14; Isaias 62:4, 5.
9 Sinaktan noon ng mga Israelita ang damdamin ni Jehova sa pamamagitan ng paglilingkod sa ibang mga diyos. (Exodo 32:7-10; Hukom 8:33; 10:6; Awit 78:40, 41; Isaias 63:10) Ang sampung-tribong kaharian sa hilaga ay lalo nang karapat-dapat hatulan dahil sa pagsamba nila sa guya. (1 Hari 12:28-30) Bukod pa riyan, ang mga Israelita ay hindi umasa sa kanilang Asawang Nagmamay-ari, si Jehova, kundi sa halip, umasa sila sa pulitikal na mga kalaguyo. Noong minsan, tulad ng isang di-mapigilang sebra na nangangandi, umasa sila sa Asirya. (Oseas 8:9) Ano kaya ang madarama mo kung ganiyan ang ginawa ng iyong kabiyak?
10, 11. Paano mo matutularan si Jehova kung magkasala sa iyo ang iyong kabiyak?
10 Noong panahon ni Oseas, mahigit 700 taon na ang nakalipas mula nang makipagtipan ang mga Israelita kay Jehova. Gayunpaman, handa silang patawarin ng Diyos, sa kondisyong manunumbalik sila sa kaniya. Si Oseas ay ipinalalagay na nagsimulang humula bago 803 B.C.E., kaya ang pagtitimpi ni Jehova ay nagpatuloy sa loob ng mga 60 taon pa para sa Israel at halos 200 taon pa para sa Juda! Sa paggamit sa situwasyon ng pamilya ni Oseas bilang ilustrasyon, hinihimok pa rin ni Jehova ang kaniyang katipang bayan na magsisi. May lehitimo siyang mga dahilan upang wakasan ang kaniyang kaugnayan sa Israel bilang asawa, gayunma’y patuloy siyang nagsugo ng mga propeta upang tulungang manumbalik ang kaniyang makasagisag na asawang babae, kahit na mangahulugan ito ng malaking sakripisyo para sa kaniya.—Oseas 14:1, 2; Amos 2:11.
11 Kung ang iyong kabiyak ang siyang nagkasala, kikilos ka bang gaya ni Jehova? Sisikapin mo bang ibalik ang dati ninyong matamis na pagtitinginan bilang mag-asawa? (Colosas 3:12, 13) Kailangan ang kapakumbabaan upang magawa ito. Tunay na kahanga-hanga ang halimbawang ipinakita ni Jehova sa kaniyang mga pakikitungo sa mga Israelita! (Awit 18:35; 113:5-8) ‘Nagsalita ang Diyos sa puso ng mga Israelita,’ anupat nagsumamo pa nga sa kanila. Bilang di-sakdal na mga tao, hindi ba’t may higit tayong dahilan na magsalita sa puso ng ating kabiyak, anupat sinisikap na lutasin ang mga problema at palampasin ang mga pagkakamali? Kapansin-pansin, nagbunga ang mga pagsisikap ni Jehova. Tumugon ang isang nalabi ng bayan samantalang nasa ilang ng kanilang pagiging tapon sa Babilonya, at nang maglaon ay bumalik sila sa kanilang sariling lupain, anupat tinatawag si Jehova na “Aking asawa.”—Oseas 2:14-16.a
12. Paano makatutulong sa iyong pag-aasawa ang pagbubulay-bulay sa pakikitungo ni Jehova sa kaniyang makasagisag na asawa?
12 Sakaling bumangon ang malubhang problema, maaaring magtagumpay ang iyong taimtim na mga pagsisikap upang maibalik ang dati ninyong ugnayan. Handang patawarin ng Diyos kahit ang malubhang kasalanan ng espirituwal na pakikiapid ng kaniyang makasagisag na kabiyak. Hindi pa naman umabot sa gayong kalagayan ang karamihan sa mga problema ng mag-asawa sa gitna ng mga tunay na Kristiyano. Maraming problema ang nagsisimula sa malupit o nakasasakit na pananalita. Kaya kung nasaktan ka ng matatalim na pananalita ng iyong kabiyak, isaalang-alang ang naranasan ni Oseas at ni Jehova mismo. (Kawikaan 12:18) Baka matulungan ka niyan na patawarin ang iyong kabiyak.
13. Anong aral ang matututuhan natin mula sa bagay na hiniling ni Jehova sa kaniyang suwail na bayan na magsisi?
13 May isa pang aspekto sa makasaysayang ulat na ito. Handa bang ibalik ng Diyos ang kaugnayan niya sa kaniyang bayan samantalang patuloy silang nakikiapid? Ganito ang sinabi ng Diyos kay Oseas tungkol sa mapangalunyang bansa: “Dapat niyang alisin ang kaniyang pakikiapid mula sa harap niya at ang kaniyang mga pangangalunya mula sa pagitan ng kaniyang mga suso.” (Oseas 2:2) Kailangang magsisi ang bayan at “magluwal . . . ng bunga na angkop sa pagsisisi.” (Mateo 3:8) Sa bagay na ito, magtuon ng pansin sa sarili mong mga pagkukulang sa halip na sa mga pagkukulang ng iyong kabiyak. Kung nagkasala ka sa iyong kabiyak, bakit hindi magsikap na ibalik ang inyong ugnayan sa pamamagitan ng taimtim na paghingi ng tawad at pagbabago ng iyong landasin? Maaari kang gantimpalaan ng kapatawaran.
“MGA PANALI NG PAG-IBIG”—ISANG SALIGAN SA PAGDIDISIPLINA
14, 15. (a) Batay sa Malakias 4:1, bakit mo dapat seryosohin ang pananagutang turuan ang inyong mga anak? (b) Paano mo matutulungan ang inyong mga anak na makilala si Jehova?
14 May kinalaman sa buhay pampamilya, marami pa tayong matututuhan mula sa mga pakikitungo ni Jehova sa mga Israelita gaya ng binanggit sa mga akda ng 12 propeta. Ipinakikita ng mga aklat na iyon kung paano tutulungan ang inyong mga anak. Walang alinlangan, hindi madali ang magpalaki ng mga anak sa ngayon. Dapat seryosohin ng mga magulang ang kanilang pananagutan. Mababasa natin: “‘Lalamunin nga [ang bayan] niyaong araw na dumarating,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘anupat hindi iyon mag-iiwan sa kanila ng ugat man o sanga.’” (Malakias 4:1) Sa araw na iyon ng pagsusulit, ang mga bata (mga sanga) ay pakikitunguhan nang may katarungan ayon sa pagsisiyasat ni Jehova sa kanilang magulang (mga ugat), na siyang may pananagutan sa mga anak nilang menor-de-edad. (Isaias 37:31) Nakasalalay sa paraan ng pamumuhay ng mga magulang ang magiging kinabukasan ng kanilang mga anak, ito man ay sa ikabubuti o sa ikasasama. (Oseas 13:16) Kung kayo (ang ugat) ay hindi mag-iingat ng mabuting katayuan kay Jehova, ano ang maaaring mangyari sa inyong mga anak (ang mga sanga) sa araw ng kaniyang nag-aalab na galit? (Zefanias 1:14-18; Efeso 6:4; Filipos 2:12) Sa kabilang dako naman, makikinabang ang inyong mga anak sa inyong tapat na mga pagsisikap na matamo ang pagsang-ayon ng Diyos.—1 Corinto 7:14.
15 Pagkatapos sipiin ang hula ni Joel hinggil sa pangangailangang tumawag sa pangalan ni Jehova, sumulat si apostol Pablo: “Paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinampalatayanan? Paano naman sila mananampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan?” (Roma 10:14-17; Joel 2:32) Tinutukoy ni Pablo ang tungkol sa ating pangmadlang ministeryo, ngunit maikakapit mo ang simulaing ito sa pagtuturo sa inyong mga anak. Paano sila mananampalataya kay Jehova kung wala silang napakinggan tungkol sa kaniya? Gumugugol ka ba ng sapat na panahon sa araw-araw sa pagtuturo sa inyong mga anak kung gaano kabuti si Jehova, anupat tinutulungan silang magkaroon ng masidhing pag-ibig sa kaniya at sa kaniyang patnubay? Malamang na susulong sa espirituwal ang inyong mga anak kung palagi nilang maririnig ang tungkol kay Jehova sa tahanan.—Deuteronomio 6:7-9.
16. Kasuwato ng Mikas 6:3-5, paano mo matutularan si Jehova kapag dinidisiplina mo ang inyong mga anak?
16 Kapag nasa murang gulang pa ang mga anak, maaaring madali silang isama sa Kristiyanong mga pagpupulong. Subalit habang nagkakaedad sila, nagkakaroon na sila ng kanilang sariling kaisipan. Paano mo pakikitunguhan ang inyong mga anak kung paminsan-minsan ay kakikitaan sila ng tendensiyang maghimagsik? Matututo ka mula sa 12 propeta, habang isinasaalang-alang mo kung paano pinakitunguhan ni Jehova ang Israel at ang Juda. (Zacarias 7:11, 12) Halimbawa, habang binabasa mo ang Mikas 6:3-5, isaalang-alang ang damdaming ibinabadya nito. Nagkasala ang mga Israelita; gayunpaman, tinawag pa rin sila ng Diyos na “bayan ko.” Nakiusap siya: “O bayan ko, alalahanin mo, pakisuyo.” Sa halip na may-kabagsikang akusahan sila, sinikap niyang abutin ang kanilang puso. Matutularan mo ba si Jehova maging sa pagdidisiplina sa inyong mga anak? Kahit na nagkamali sila, pakitunguhan sila bilang isang mahalagang bahagi ng inyong pamilya at huwag silang hiyain. Sa halip na hatulan sila, magiliw na makiusap sa kanila. Magtanong upang malaman ang kanilang mga kaisipan. Sikaping abutin ang kanilang puso upang ipahayag nila ang kanilang niloloob.—Kawikaan 20:5.
17, 18. (a) Ano ang dapat mag-udyok sa iyo na disiplinahin ang inyong mga anak? (b) Paano mo mapananatili ang “mga panali ng pag-ibig” sa inyong mga anak?
17 Bakit mo dinidisiplina ang inyong mga anak? Ginagawa ito ng ilang magulang sapagkat ayaw nilang masira ang reputasyon ng kanilang pamilya. Ipinakita ni Jehova ang motibo sa kaniyang pagdidisiplina, na sinasabi: “Tinuruan kong lumakad ang Efraim, na binubuhat sila sa aking mga bisig . . . Sa pamamagitan ng mga lubid ng makalupang tao ay patuloy ko silang hinila, sa pamamagitan ng mga panali ng pag-ibig.” (Oseas 11:3, 4) Sa pagkakataong ito, inihalintulad ni Oseas ang ugnayan ni Jehova at ng Israel sa ugnayan ng isang ama at anak. Mailalarawan mo ba sa isipan ang isang maibiging magulang na inaakay ang anak sa pamamagitan ng mga panali sa kamay, anupat sinisikap na alalayan ang batang nagsisimula pa lamang lumakad? Nagsisilbing alalay ang mga panali sakaling mabuwal ang bata, isang patnubay sakaling malihis siya.—Jeremias 31:1-3.
18 Tutularan mo ba ang pag-ibig ng Diyos sa mga Israelita? Paulit-ulit silang naghimagsik laban sa kaniya, subalit hindi niya agad na binitiwan ang mga panaling iyon ng pag-ibig. Kung minsan maaaring tila madaling lumihis at mabuwal ang mga kabataan sa maliliit na bagay, subalit sikapin mong panatilihin ang mga panali ng pag-ibig sa pagitan ninyo. Tandaan na hindi nabulag ng paboritismo si Jehova para palampasin ang pagkakasala ng kaniyang bayan. Hindi niya binale-wala ang problema, kundi sa halip ay maibiging dinisiplina sila, at gumugol ng panahon upang tulungan sila. Kapag napansin mong tila unti-unting lumalayo sa daan ng katotohanan ang inyong anak, huwag mong ipagwalang-bahala iyon. Sikapin mong akayin siyang pabalik, gamit ang mga panaling pang-akay, wika nga, anupat maibiging tinutulungan sila sa maligalig na panahong ito. Gumugol ng panahon na kasama ng inyong mga anak na may problema. Napakahalagang gumugol ng panahon kasama nila!
19. Bakit hindi ka dapat mawalan ng pag-asa sa inyong mga anak?
19 Patiunang nakita ni Oseas na isang nalabi ng mga Israelita ang tatanggap ng disiplina: “Babalik ang mga anak ni Israel at hahanapin si Jehova na kanilang Diyos, at si David na kanilang hari; at nanginginig silang paroroon kay Jehova at sa kaniyang kabutihan sa huling bahagi ng mga araw.” (Oseas 3:5) Oo, mabisa ang pagdidisiplina ng Diyos sa nalabi ng kaniyang bayan. Isipin na magiging mabisa rin ito sa inyong mga anak. Tingnan ang magagandang aspekto ng kanilang personalidad. Maging mabait kapag nakikipag-usap sa kanila ngunit matatag na nanghahawakan sa mga simulain ng Bibliya. Kahit na hindi tumugon nang positibo ngayon ang isang suwail na anak, anong malay mo baka balang-araw ay makapag-isip-isip siya?
MAG-INGAT SA MASASAMANG KASAMA!
20. Anong tanong ng mga kabataan tungkol sa mga kasama ang sasagutin sa mga aklat ng 12 propeta?
20 Ano naman ang matututuhan ninyong mga kabataan mula sa 12 propeta? Maaaring isa sa mga kasulatan na malimit banggitin sa inyo ng inyong mga magulang ang 1 Corinto 15:33 tungkol sa pag-iwas sa masasamang kasama. Baka itanong ng ilan sa inyo, ‘Pero talaga bang masama ang makipagkaibigan sa mga hindi sumasamba kay Jehova?’ Buweno, masusumpungan ninyo ang sagot sa tanong na iyan sa 12 aklat na ito.
21-23. (a) Ano ang matututuhan ng mga kabataan mula sa landasing tinahak ng mga Edomita? (b) Sino talaga ang iyong mga kaibigan?
21 Bagaman ang mga aklat ng 12 propeta ay pangunahin nang para sa bayan ng Diyos, ang aklat ng Obadias ay pinatungkol sa mga Edomita, na tinukoy bilang mga kapatid ng mga Israelita.b (Deuteronomio 2:4) Di-tulad ng iba pang mga aklat ng 12 propeta, ginamit ni Obadias ang panghalip na ikalawang panauhan bilang pagtukoy sa mga Edomita. Pag-isipan ngayon ang tungkol sa mga Edomita. Ang panahon ay mga 607 B.C.E. nang kinukubkob ang Jerusalem. Bagaman kamag-anak ng Jacob ang mga Edomita, nakisanib-puwersa sila sa mga Babilonyo! “Gibain iyon! Gibain iyon!” ang pagkutya ng mga Edomita. (Awit 137:7; Obadias 10, 12) Balak nilang sakupin ang lupain ng Juda. Kumain pa nga silang kasama ng mga Babilonyo, na sa sinaunang Gitnang Silangan ay nagpapahiwatig ng pagtitipanan ng dalawang panig.
22 Pansinin ang inihula ni Obadias tungkol sa mga Edomita: “Nilinlang ka ng lahat ng mga lalaking [mga Babilonyo] may pakikipagtipan sa iyo. Ang mga lalaking may pakikipagpayapaan sa iyo ay nanaig laban sa iyo. Yaong mga kumakaing kasama mo ay maglalagay ng lambat sa ilalim mo gaya ng isa na walang kaunawaan.” (Obadias 7) Ano ang aktuwal na nangyari sa mga Edomita, na nang-iwan sa kanilang kapatid, ang Jacob, at pinili bilang mga kasama ang mga Babilonyo? Nang maglaon, winasak ng mga Babilonyo sa ilalim ni Nabonido ang mga Edomita. Noong panahon ni Malakias, ginawa ng Diyos ang mga bundok ng Edom na tiwangwang na kaguhuan at iniukol ang mana ng Edom sa mga chakal.—Malakias 1:3.
23 Ngayon, pag-isipan ang tinatawag mong mga kaibigan na hindi sumasamba kay Jehova. Hindi mo ba napapansin na kadalasang nililinlang ng ‘mga batang lalaki [o babae] na may pakikipagtipan,’ o buklod ng pakikipagkaibigan, ang isa’t isa at ‘naglalagay ng lambat sa ilalim’ ng kanilang tinatawag na mga kaibigan? Kapag nahayag ang panlilinlang, ano ang sinasabi nila? Maaaring ituring nilang labis na mapaniwalain ang mga kaibigang nalinlang nila, anupat hindi nakikita ang katusuhan ng iba. Ganiyang-ganiyan ang pakikitungo ng mga Babilonyo sa kanilang mga kasama, ang mga Edomita! Sa tingin mo ba’y talagang magmamalasakit sa iyo ang gayong mga “kaibigan” kapag nagkaproblema ka? (Obadias 13-16) Sa kabilang dako, isipin ang Diyos na Jehova at ang kaniyang bayan ngayon. Si Jehova ay laging naririyan upang tulungan ka. Palalakasin ka niya sa mahihirap na panahon. Ang kaniyang bayan din ay magiging ‘tunay na mga kaibigang umiibig sa lahat ng panahon,’ gaya ng mga tapat na “ipinanganganak kapag may kabagabagan.”—Kawikaan 17:17.
PAHALAGAHAN ANG PINAKAMAHALAGANG BUKLOD SA LAHAT
24, 25. Ano ang dapat maging pinakapangunahin sa ating buhay?
24 Oo, mahalaga at sulit na patibayin ang mga ugnayan sa pamilya. Marami tayong matututuhan tungkol dito mula sa 12 propeta. Tiyak na nanaisin mong basahin at suriin ang mga aklat na ito at ikapit ang paraang ginamit sa kabanatang ito upang matuto sa 12 aklat. Sa pamamagitan nito, higit ka pang matututo kung paano mo mapabubuti ang iyong buhay pampamilya. Gayunman, ang pagkakaroon ba ng isang maligayang buhay pampamilya ang pinakamahalagang bagay para sa mga mananamba ng Diyos sa ngayon?
25 Kapansin-pansin, may kinalaman sa dumarating na araw ni Jehova, humula si Joel: “Tipunin ninyo ang bayan. Magpabanal kayo ng isang kongregasyon. . . . Palabasin ang kasintahang lalaki mula sa kaniyang loobang silid, at ang kasintahang babae mula sa kaniyang silid-pangkasalan.” (Joel 2:15, 16) Ang lahat sa sambahayan ay titipuning sama-sama upang sumamba kay Jehova. Lahat ay kasama, kahit ang mga bagong kasal na likas lamang na maraming pinagkakaabalahan! Wala nang mas mahalaga pa kaysa sa ating pagtitipon para sa Diyos. Dahil mabilis na dumarating ang araw ni Jehova, ang pagkakaroon ng mabuting katayuan sa harap niya ay dapat maging pinakapangunahin sa ating buhay. Sa huling seksiyon ng aklat na ito, isasaalang-alang natin kung ano ang dapat na may-kagalakang ginagawa natin ngayon.
a Kapag nagkasala ng pangangalunya ang kabiyak ng isang Kristiyano, ang asawang pinagkasalahan ang magpapasiya kung patatawarin niya ito o hindi.—Mateo 19:9.
b Ang isa pang aklat na hindi pangunahin nang para sa mga Israelita ay ang aklat ng Nahum, na patungkol naman sa mga Ninevita.