ARALING ARTIKULO 43
“Palalakasin Niya Kayo”
‘Patatatagin kayo ni Jehova, palalakasin niya kayo, gagawin niya kayong matibay.’—1 PED. 5:10.
AWIT BLG. 38 Tutulungan Ka Niya
NILALAMANa
1. Paano pinalakas ng Diyos ang tapat na mga lingkod niya noon?
SA Salita ng Diyos, madalas na inilalarawan na malakas ang mga tapat. Pero hindi nila laging nararamdaman na malakas sila. Halimbawa, pakiramdam ni Haring David kung minsan, “sintatag [siya] ng bundok.” Pero may mga pagkakataon din na “natakot” siya. (Awit 30:7) Naging napakalakas ni Samson dahil sa espiritu ng Diyos. Pero alam niya na kung hindi siya tutulungan ng Diyos, “mawawala ang lakas [niya] at magiging kasinghina [siya] ng pangkaraniwang tao.” (Huk. 14:5, 6; 16:17) Naging malakas ang tapat na mga lalaking ito dahil kay Jehova.
2. Bakit sinabi ni apostol Pablo na kung kailan siya mahina, saka naman siya malakas? (2 Corinto 12:9, 10)
2 Alam ni apostol Pablo na kailangan niya ng lakas mula kay Jehova. (Basahin ang 2 Corinto 12:9, 10.) Gaya ng marami sa atin, may mga problema sa kalusugan si Pablo. (Gal. 4:13, 14) Kung minsan, nahihirapan din siyang gawin ang tama. (Roma 7:18, 19) May mga pagkakataon ding nag-aalala siya at natatakot sa posibleng mangyari sa kaniya. (2 Cor. 1:8, 9) Pero kung kailan mahina si Pablo, saka naman siya naging malakas. Ibinigay kasi ni Jehova kay Pablo ang lakas na kailangan niya para makayanan ang mga problema.
3. Anong mga tanong ang sasagutin sa artikulong ito?
3 Nangako si Jehova na papalakasin din niya tayo. (1 Ped. 5:10) Pero para matulungan niya tayo, may kailangan tayong gawin. Halimbawa, mapapatakbo ng makina ang isang sasakyan. Pero kailangang tapakan ng driver ang silinyador para umandar ito. Handa rin si Jehova na ibigay ang lakas na kailangan natin. Pero kailangan nating kumilos para matulungan niya tayo. Ano ang inilaan ni Jehova para palakasin tayo? At ano ang kailangan nating gawin para matulungan niya tayo? Malalaman natin ang sagot sa mga tanong na iyan kapag inalam natin kung paano pinalakas ni Jehova ang tatlong karakter sa Bibliya—sina propeta Jonas, Maria na ina ni Jesus, at apostol Pablo. Tatalakayin din natin kung paano patuloy na pinapalakas ni Jehova ang mga lingkod niya ngayon.
MAPAPALAKAS TAYO NG PANALANGIN AT PAG-AARAL
4. Paano tayo mapapalakas ni Jehova?
4 Mapapalakas tayo ni Jehova kung mananalangin tayo sa kaniya. Puwede niya tayong bigyan ng “lakas na higit sa karaniwan” bilang sagot sa mga panalangin natin. (2 Cor. 4:7) Mapapalakas din tayo kung babasahin natin ang Salita niya at bubulay-bulayin ito. (Awit 86:11) Ang mensahe ni Jehova sa atin na nasa Bibliya ay “malakas.” (Heb. 4:12) Kung mananalangin ka kay Jehova at magbabasa ng Salita niya, magkakaroon ka ng lakas na kailangan mo para makapagtiis, manatiling masaya, o magawa ang isang mahirap na atas. Tingnan kung paano pinalakas ni Jehova si propeta Jonas.
5. Bakit kinailangan ni propeta Jonas ng lakas ng loob?
5 Kinailangan ni propeta Jonas ng lakas ng loob. Tinakasan niya ang isang mahirap na atas na ibinigay sa kaniya ni Jehova. Dahil dito, muntik nang mamatay sa bagyo si Jonas at ang mga kasama niya sa barko. Nang ihagis siya sa dagat, nilulon siya ng isang malaking isda at napunta sa tiyan nito. Ano kaya ang naramdaman ni Jonas? Inisip kaya niya na pinabayaan na siya ni Jehova at doon na siya mamamatay? Siguradong takot na takot siya!
6. Ayon sa Jonas 2:1, 2, 7, ano ang nagpalakas kay Jonas habang nasa tiyan siya ng isda?
6 Noong nag-iisa si Jonas sa tiyan ng isda, ano ang ginawa niya para magkaroon siya ng lakas? Nanalangin siya. (Basahin ang Jonas 2:1, 2, 7.) Pinagsisihan ni Jonas ang pagsuway niya, at nagtiwala siyang papakinggan ni Jehova ang panalangin niya. Binulay-bulay rin ni Jonas ang Kasulatan. Sa panalangin niya na nakaulat sa Jonas kabanata 2, halos kapareho ng mababasa sa Mga Awit ang ginamit niyang mga salita. (Halimbawa, ihambing ang Jonas 2:2, 5 sa Awit 69:1; 86:7.) Malinaw na alam ni Jonas ang mga ulat na iyon. At dahil nagbulay-bulay siya, nagtiwala siyang tutulungan siya ni Jehova. Di-nagtagal, iniligtas ni Jehova si Jonas at handa na siyang gawin ang iniatas sa kaniya ni Jehova.—Jonas 2:10–3:4.
7-8. Paano napalakas ang isang brother sa Taiwan noong may pinagdadaanan siya?
7 Makakatulong sa atin ang halimbawa ni Jonas kapag may pinagdadaanan tayo. Halimbawa, may malalang mga sakit si Zhiming,b isang brother sa Taiwan. Masama rin ang pagtrato sa kaniya ng mga kapamilya niya dahil sa pananampalataya niya. Pero napapalakas siya kapag nananalangin siya at nag-aaral. Sinabi niya, “Minsan, kapag may mga problema ako, sobra akong nag-aalala kaya hindi ako makapagpokus sa personal study ko.” Pero hindi siya sumusuko. Sinabi niya: “Nananalangin ako kay Jehova. ’Tapos, nakikinig ako ng mga Kingdom song nang naka-earphones. Minsan, kinakanta ko pa nga iyon nang pabulong hanggang sa kumalma ako at saka ako mag-aaral.”
8 Napalakas si Zhiming ng personal na pag-aaral, kaya nakayanan niya ang mahihirap na sitwasyon. Halimbawa, matapos ang isang maselang operasyon sa kaniya, sinabi sa kaniya ng nurse na kailangan siyang salinan ng dugo kasi bumaba ang bilang ng pulang selula ng dugo niya. Noong gabi bago operahan si Zhiming, nabasa niya ang tungkol sa isang sister na nakaranas ng operasyon na gaya ng sa kaniya. Mas mababa pa ang naging bilang ng pulang selula ng dugo nito kaysa kay Zhiming. Pero hindi nagpasalin ng dugo ang sister at naka-recover ito. Napalakas si Zhiming ng nabasa niyang karanasan na manatiling tapat.
9. Kung nanghihina ka dahil sa problema, ano ang puwede mong gawin? (Tingnan din ang mga larawan.)
9 Kapag may problema ka, masyado ka bang nag-aalala kaya hindi mo masabi nang malinaw ang gusto mong sabihin sa panalangin? O pakiramdam mo ba, masyado ka nang pagod para mag-aral? Tandaan na naiintindihan ni Jehova ang sitwasyon mo. Kaya kahit simple lang ang panalangin mo, makakapagtiwala ka na ibibigay niya kung ano ang kailangan mo. (Efe. 3:20) Kung nahihirapan kang magbasa at mag-aral dahil may sakit ka, pagod, o sobrang nag-aalala, puwede kang makinig sa audio recording ng Bibliya o ng mga publikasyon natin. Puwede ka ring makinig ng kanta o manood ng video na nasa jw.org. Gusto kang mapalakas ni Jehova, at magagawa niya iyon kung mananalangin ka sa kaniya at hahanapin mo ang mga sagot sa Bibliya at sa iba pang inilalaan niya.
MAPAPALAKAS TAYO NG MGA KAPATID
10. Paano tayo mapapalakas ng mga kapatid?
10 Puwedeng gamitin ni Jehova ang mga kapatid para palakasin tayo. “Talagang napalalakas” nila tayo kapag may pinagdadaanan tayo o nahihirapang gawin ang isang atas. (Col. 4:10, 11) Kailangan natin ang mga kaibigan natin, lalo na “kapag may problema” tayo. (Kaw. 17:17) Kapag nanghihina tayo, puwede tayong tulungan ng mga kapatid sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na paraan. Tingnan kung paano napalakas ng iba si Maria na ina ni Jesus.
11. Bakit kinailangan ni Maria ng lakas?
11 Kinailangan ni Maria ng lakas para magawa ang kalooban ni Jehova. Malamang na alalang-alala siya nang sabihin sa kaniya ng anghel na si Gabriel na magdadalang-tao siya kahit wala pa siyang asawa. Hindi pa siya nakapagpalaki ng anak, pero kailangan niyang alagaan ang bata na magiging Mesiyas. At kahit hindi naman siya nakipagtalik, kailangan niyang sabihin kay Jose na buntis siya. Siguradong mahirap iyon!—Luc. 1:26-33.
12. Ayon sa Lucas 1:39-45, paano nagkaroon si Maria ng lakas na kailangan niya?
12 Paano nagkaroon ng lakas si Maria para magawa ang mahirap na atas niya? Humingi siya ng tulong sa iba. Halimbawa, nagtanong siya kay Gabriel ng iba pang detalye tungkol sa atas niya. (Luc. 1:34) Pagkatapos, naglakbay siya papunta sa “mabundok na lugar” ng Juda para dalawin ang kamag-anak niyang si Elisabet. Buti na lang, pumunta siya doon. Pinuri ni Elisabet si Maria, at ginamit siya ni Jehova para sabihin kay Maria ang isang nakakapagpatibay na hula tungkol sa magiging anak nito. (Basahin ang Lucas 1:39-45.) Sinabi ni Maria na “kumilos [si Jehova] gamit ang malakas niyang bisig.” (Luc. 1:46-51) Ginamit ni Jehova sina Gabriel at Elisabet para palakasin si Maria.
13. Ano ang nangyari nang humingi ng tulong sa mga kapatid ang isang sister sa Bolivia?
13 Gaya ni Maria, mapapalakas ka rin ng iba. Ganiyan ang nangyari kay Dasuri, isang sister sa Bolivia. Nang magkaroon ng nakakamatay na sakit ang tatay niya at maospital, gusto niyang gawin ang lahat para maalagaan ito. (1 Tim. 5:4) Pero hindi iyon laging madali. Sinabi niya, “Madalas kong maramdaman na gusto ko nang sumuko.” Noong una, hindi siya humingi ng tulong sa iba. Sinabi niya: “Ayokong abalahin ang mga kapatid. Inisip ko noon na si Jehova na ang bahala sa akin. Pero na-realize ko na dahil ibinubukod ko ang sarili ko, sinosolo ko ang mga problema ko.” (Kaw. 18:1) Sinulatan ni Dasuri ang ilang kaibigan niya at sinabi sa kanila ang sitwasyon niya. Sinabi niya: “Talagang napalakas ako ng mga kapatid. Nagdala sila ng pagkain sa ospital, at pinatibay nila ako ng mga teksto sa Bibliya. Ang sarap sa pakiramdam na hindi ka nag-iisa. Bahagi tayo ng malaking pamilya ni Jehova. Tutulungan tayo ng mga kapatid natin, iiyak silang kasama natin, at papatibayin nila tayong patuloy na maglingkod kay Jehova kasama nila.”
14. Bakit dapat nating tanggapin ang tulong ng mga elder?
14 Ginagamit din ni Jehova ang mga elder para palakasin tayo. Regalo sila sa atin para patibayin at paginhawahin tayo. (Isa. 32:1, 2) Kaya kapag nag-aalala ka, sabihin mo sa mga elder ang nararamdaman mo. Huwag kang mag-alangan na tanggapin ang tulong nila. Talagang mapapalakas ka nila.
MAPAPALAKAS TAYO NG PAG-ASA SA HINAHARAP
15. Anong pag-asa ang nagpapalakas sa atin?
15 Ang mga pangako sa Bibliya ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at ng lakas. (Roma 4:3, 18-20) May pag-asa ang ilan sa atin na mabuhay magpakailanman sa langit; ang iba naman, sa Paraisong lupa. Mapapalakas tayo ng pag-asa natin na matiis ang mga problema, maipangaral ang mabuting balita, at magawa ang mga atas natin sa kongregasyon. (1 Tes. 1:3) Napalakas si apostol Pablo ng pag-asang iyan.
16. Bakit kinailangan ni apostol Pablo ng lakas?
16 Kinailangan ni Pablo ng lakas. Sa liham niya sa mga taga-Corinto, ikinumpara niya ang sarili niya sa isang sisidlang luwad na madaling masira. “Kabi-kabila ang panggigipit” sa kaniya, “inuusig” siya, “ibinabagsak,” at “hindi [niya] alam ang gagawin.” May mga pagkakataon pa ngang nanganib ang buhay niya. (2 Cor. 4:8-10) Isinulat ni Pablo ang mga iyon noong ikatlong paglalakbay niya bilang misyonero. Pero hindi pa natatapos doon ang mga paghihirap niya. Susugurin pa siya ng mga mang-uumog, maaaresto siya, mawawasak ang barkong sinakyan niya, at makukulong siya.
17. Ayon sa 2 Corinto 4:16-18, bakit nagkaroon ng lakas si Pablo na magtiis?
17 Nagkaroon ng lakas si Pablo na magtiis dahil nagpokus siya sa pag-asa niya. (Basahin ang 2 Corinto 4:16-18.) Sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto na kahit “nanghihina” ang katawan niya, hindi siya masisiraan ng loob. Nagpokus siya sa hinaharap. “Walang katulad” ang pag-asa niyang mabuhay magpakailanman sa langit, kaya handa siyang tiisin ang anumang mahirap na sitwasyon para makuha iyon. Dahil binulay-bulay ni Pablo ang pag-asang iyon, “nagkakaroon [siya] ng panibagong lakas araw-araw.”
18. Paano napalakas si Tihomir at ang pamilya niya ng pag-asa nila?
18 Napalakas si Tihomir, isang brother sa Bulgaria, ng pag-asa niya. Ilang taon pa lang ang nakakaraan, namatay sa isang aksidente ang mas bata niyang kapatid na si Zdravko. Sobrang lungkot ni Tihomir. Para makayanan iyon, ini-imagine niya at ng pamilya niya kung ano ang mangyayari sa pagkabuhay-muli. Sinabi niya, “Halimbawa, pinag-uusapan namin kung saan namin sasalubungin si Zdravko, anong pagkain ang ihahanda namin para sa kaniya, sino ang mga iimbitahan namin sa unang gathering kasama siya, at ano ang mga ikukuwento namin sa kaniya tungkol sa mga huling araw.” Sinabi ni Tihomir na dahil nagpokus silang pamilya sa pag-asa nila, nagkaroon sila ng lakas na magtiis at patuloy na hintayin kung kailan bubuhaying muli ni Jehova si Zdravko.
19. Paano magiging mas totoo sa iyo ang pag-asa mo? (Tingnan din ang larawan.)
19 Paano mo gagawing mas totoo sa iyo ang pag-asa mo? Halimbawa, kung may pag-asa kang mabuhay sa lupa magpakailanman, basahin mo ang mga sinasabi ng Bibliya tungkol sa Paraiso at bulay-bulayin ito. (Isa. 25:8; 32:16-18) Pag-isipan kung ano ang magiging buhay doon. Isipin kung sino ang makikita mo, ano ang maririnig mo, at ano ang mararamdaman mo kapag nandoon ka na. Para mas ma-imagine mo ang Paraiso, tingnan mo ang mga larawan sa mga publikasyon natin. Puwede ka ring manood ng music video, gaya ng Malapit Na, Ito’y Nalalapit Na, o Pag-asa na Hinihintay. Kung lagi nating iisipin ang pag-asa natin, magiging “panandalian at magaan” ang mga problema natin. (2 Cor. 4:17) Makakatulong sa iyo ang pag-asang ibinigay ni Jehova para makapagtiis.
20. Paano tayo magkakaroon ng lakas kung nanghihina tayo?
20 Kung nanghihina tayo, “bibigyan [tayo] ng Diyos ng lakas.” (Awit 108:13) May mga inilaan si Jehova para mapalakas ka. Kaya kung kailangan mong magawa ang isang atas, matiis ang isang problema, o manatiling masaya, makakatulong sa iyo ang pananalangin kay Jehova at personal na pag-aaral. Tanggapin din ang tulong at pampatibay ng mga kapatid. At laging isipin ang pag-asa mo sa hinaharap. Kapag ginawa mo ang mga iyan, mapapalakas ka ng “maluwalhating kapangyarihan ng Diyos para maging mapagpasensiya [ka] at masaya habang tinitiis ang lahat ng bagay.”—Col. 1:11.
AWIT BLG. 33 Ihagis Mo kay Jehova ang Iyong Pasanin
a Makakatulong ang artikulong ito sa mga may pinagdadaanang problema o sa mga nag-iisip na hindi nila kaya ang atas nila. Malalaman natin dito kung paano tayo mapapalakas ni Jehova at kung ano ang dapat nating gawin para matulungan niya tayo.
b Binago ang ilang pangalan.
c LARAWAN: Iniisip ng isang sister na bingi ang mga pangako ng Bibliya. Nanonood siya ng isang music video para mas ma-imagine niya ang magiging buhay niya sa Paraiso.