ARALING ARTIKULO 42
Handa Ka Bang Sumunod?
“Ang karunungan mula sa itaas ay . . . handang sumunod.”—SANT. 3:17.
AWIT BLG. 101 Naglilingkod Nang May Pagkakaisa
NILALAMANa
1. Bakit may mga pagkakataong nahihirapan tayong sumunod?
KUNG minsan ba, nahihirapan kang sumunod? Naranasan din iyan ni Haring David, kaya nanalangin siya sa Diyos: “Bigyan mo ako ng pagnanais na sundin ka.” (Awit 51:12) Mahal ni David si Jehova. Pero may mga pagkakataong nahirapan siyang sumunod. Ganiyan din tayo. Bakit? Una, dahil minana natin ang pagiging masuwayin. Ikalawa, laging sinisikap ni Satanas na impluwensiyahan tayo na magrebelde kay Jehova, gaya ng ginawa niya. (2 Cor. 11:3) Ikatlo, napakarami nang rebelyoso sa mundo, at ang ugali nila ang “umiimpluwensiya ngayon sa mga masuwayin.” (Efe. 2:2) Kaya para masunod natin si Jehova at ang mga binigyan niya ng awtoridad, dapat tayong magsikap na labanan ang tendensiya nating makagawa ng kasalanan, pati na ang impluwensiya ng Diyablo at ng mundong ito.
2. Ano ang ibig sabihin ng “handang sumunod”? (Santiago 3:17)
2 Basahin ang Santiago 3:17. Sinabi ng manunulat na si Santiago na ang mga taong marunong ay “handang sumunod.” Ibig sabihin, dapat na gustong-gusto natin at handa tayong sumunod sa mga pinagkatiwalaan ni Jehova ng awtoridad. Pero siyempre, inaasahan ni Jehova na hindi tayo susunod kapag labag sa utos niya ang ipinapagawa sa atin.—Gawa 4:18-20.
3. Bakit mahalaga kay Jehova na sundin natin ang mga binigyan niya ng awtoridad?
3 Baka mas madali sa atin na sumunod kay Jehova kaysa sa mga tao, kasi laging perpekto ang mga tagubilin niya. (Awit 19:7) Hindi ganiyan ang mga tao. Pero binigyan pa rin ng awtoridad ng ating Ama sa langit ang mga magulang, mga opisyal ng gobyerno, at mga elder. (Kaw. 6:20; 1 Tes. 5:12; 1 Ped. 2:13, 14) Kapag sinusunod natin sila, sinusunod din natin si Jehova. Tingnan natin kung paano natin masusunod ang mga taong binigyan ni Jehova ng awtoridad, kahit na may mga pagkakataong nahihirapan tayong tanggapin at sundin ang mga utos o tagubilin nila.
SUNDIN ANG MGA MAGULANG MO
4. Bakit marami ang hindi sumusunod sa mga magulang nila?
4 Nakakasama ngayon ng mga kabataang Kristiyano ang ibang kabataan na “masuwayin sa magulang.” (2 Tim. 3:1, 2) Bakit marami ang masuwayin? Nakikita kasi ng ilan na hindi naman ginagawa ng mga magulang nila ang ipinapayo ng mga ito. Iniisip naman ng iba na makaluma na, hindi praktikal, o masyadong mahigpit ang mga utos sa kanila. Kung isa kang kabataan, naiisip mo rin ba iyan? Marami ang nahihirapang sundin ang utos na ito ni Jehova: “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang, ayon sa kalooban ng Panginoon, dahil ito ay matuwid.” (Efe. 6:1) Ano ang makakatulong sa iyo?
5. Bakit si Jesus ang pinakamagandang halimbawa ng pagsunod sa mga magulang? (Lucas 2:46-52)
5 Si Jesus ang pinakamagandang halimbawa ng pagiging masunurin. Matututo ka sa kaniya. (1 Ped. 2:21-24) Perpekto siya, pero hindi ganiyan ang mga magulang niya. Kahit nagkakamali sila at may mga pagkakataong hindi nila siya naiintindihan, pinarangalan pa rin sila ni Jesus. (Ex. 20:12) Tingnan ang nangyari noong 12 taóng gulang siya. (Basahin ang Lucas 2:46-52.) Hindi napansin ng mga magulang ni Jesus na naiwan nila siya sa Jerusalem. Dapat sana, tiniyak nina Jose at Maria na kasama nila ang lahat ng anak nila noong pauwi na sila galing sa kapistahan. Pero nang makita na nila si Jesus, sinisi siya ni Maria! Puwede sanang sabihin ni Jesus na hindi siya ang dapat sisihin. Pero simple at magalang siyang sumagot. ‘Hindi naintindihan’ nina Jose at Maria ang sinabi niya. Pero “patuloy siyang naging masunurin sa kanila.”
6-7. Ano ang makakatulong sa mga kabataan na sundin ang mga magulang nila?
6 Mga kabataan, nahihirapan ba kayong sundin ang mga magulang ninyo kapag nagkakamali sila o hindi nila kayo naiintindihan? Ano ang makakatulong sa inyo? Una, isipin ang mararamdaman ni Jehova. Sinasabi ng Bibliya na kapag sinusunod ninyo ang mga magulang ninyo, “talagang nakapagpapasaya ito sa Panginoon.” (Col. 3:20) Alam ni Jehova na may mga pagkakataong hindi kayo naiintindihan ng mga magulang ninyo o mahirap sundin ang mga utos nila. Pero kung susunod pa rin kayo sa kanila, mapapasaya ninyo si Jehova.
7 Ikalawa, isipin ang mararamdaman ng mga magulang ninyo. Kung susundin ninyo sila, magiging masaya sila at mas magtitiwala sila sa inyo. (Kaw. 23:22-25) Malamang na magiging mas malapít din kayo sa kanila. Sinabi ni Alexandre, isang brother sa Belgium, “Nang mas madalas ko nang sinusunod ang mga magulang ko, naging mas close ako sa kanila at naging mas masaya kami.”b Ikatlo, isipin kung paano makakatulong sa inyo sa hinaharap ang pagiging masunurin ninyo ngayon. Sinabi ni Paulo, na taga-Brazil, “Nakatulong sa akin ang pagsunod sa mga magulang ko para masunod ko si Jehova at ang ibang nasa awtoridad.” May magandang dahilan na sinasabi ang Salita ng Diyos kung bakit dapat ninyong sundin ang mga magulang ninyo: “Para mapabuti [kayo] at humaba ang buhay [ninyo] sa lupa.”—Efe. 6:2, 3.
8. Bakit sinusunod ng maraming kabataan ang mga magulang nila?
8 Nakita ng maraming kabataan na napabuti sila dahil sa pagsunod nila. Noong una, hindi maintindihan ni Luiza, na taga-Brazil din, kung bakit hindi siya agad pinayagang gumamit ng cellphone. Halos lahat kasi ng kaedad niya, may cellphone na. Pero naisip niya na pinoprotektahan lang siya ng mga magulang niya. Alam na niya ngayon na hindi niya dapat isipin na hinihigpitan siya, kasi kailangan niya talaga ang payo nila. Nahihirapan pa rin si Elizabeth, isang kabataang sister sa United States, na sundin ang mga magulang niya kung minsan. Sinabi niya, “Kapag hindi ko masyadong maintindihan ang ipinapagawa sa akin ng mga magulang ko, iniisip ko na lang ang mga pagkakataon na naprotektahan ako dahil sinunod ko sila.” Sinabi ni Monica, na taga-Armenia, na mas masaya siya kapag sinusunod niya ang mga magulang niya kaysa kapag sinusuway niya sila.
SUNDIN ANG “NAKATATAAS NA MGA AWTORIDAD”
9. Ano ang iniisip ng marami tungkol sa pagsunod sa batas?
9 Alam ng marami na kailangan natin ang mga gobyerno. Baka sinusunod pa nga nila ang ilan sa mga batas na ipinapatupad ng “nakatataas na mga awtoridad.” (Roma 13:1) Pero baka hindi nila sinusunod ang mga batas na parang hindi makatuwiran o masyadong mahigpit para sa kanila. Halimbawa, isipin ang pagbabayad ng buwis. Sa isang bansa sa Europe, naniniwala ang 25 porsiyento ng mga na-survey na “tama lang na hindi magbayad ng buwis kung sa tingin mo ay hindi ito makatuwiran.” Kaya sa bansang iyon, mga 65 porsiyento lang ng buwis na sinisingil sa mga mamamayan ang binabayaran nila.
10. Bakit tayo sumusunod kahit sa mga batas na hindi natin gusto?
10 Kinikilala ng Bibliya na ang mga gobyerno ng tao ay nagiging dahilan ng pagdurusa, na nasa ilalim ito ng kontrol ni Satanas, at na malapit na itong mapuksa. (Awit 110:5, 6; Ecles. 8:9; Luc. 4:5, 6) Pero sinasabi rin nito sa atin na “ang sinumang kumakalaban sa awtoridad ay kumakalaban sa kaayusan ng Diyos.” Sa ngayon, pinapahintulutan pa ni Jehova na mamahala ang mga gobyerno para magkaroon ng kaayusan, at inaasahan ni Jehova na susunod tayo sa kanila. Kaya dapat nating “ibigay sa [kanila] ang nararapat sa kanila,” kasama diyan ang pagbabayad ng buwis at ang paggalang at pagsunod sa kanila. (Roma 13:1-7) Baka may batas na sa tingin natin ay hindi praktikal, hindi makatuwiran, o magastos pa nga. Pero sumusunod pa rin tayo sa mga awtoridad kasi iyon ang gusto ni Jehova hangga’t hindi labag sa mga kautusan niya ang mga ipinapagawa nila sa atin.—Gawa 5:29.
11-12. Ano ang ginawa nina Jose at Maria para masunod ang isang batas, at ano ang resulta? (Lucas 2:1-6) (Tingnan din ang mga larawan.)
11 Magandang halimbawa sa atin sina Jose at Maria. Handa silang sumunod sa nakatataas na mga awtoridad kahit mahirap iyon para sa kanila. (Basahin ang Lucas 2:1-6.) Mga siyam na buwan nang buntis si Maria nang masubok ang pagiging masunurin nila ni Jose. Iniutos noon ni Emperador Augusto na ang lahat ng sakop ng Imperyo ng Roma ay magparehistro sa kani-kanilang lunsod. Kailangang maglakbay nina Jose at Maria papuntang Betlehem. Maburol ang dadaanan nila, at puwedeng umabot nang 150 kilometro ang layo nito. Hindi madali ang paglalakbay na iyon, lalo na para kay Maria. Baka nag-alala ang mag-asawa sa kaligtasan ni Maria at ng ipinangakong Mesiyas na ipinagbubuntis niya. Paano kung bigla siyang manganak habang naglalakbay sila? Pero hindi nila ginawang dahilan ang mga iyon para labagin ang utos ng gobyerno.
12 Kahit na may mga ipinag-aalala sina Jose at Maria, sumunod pa rin sila sa batas. Pinagpala ni Jehova ang pagiging masunurin nila. Nakarating nang ligtas si Maria sa Betlehem at nagsilang ng isang malusog na sanggol. Nakatulong pa nga siya na matupad ang isang hula sa Bibliya!—Mik. 5:2.
13. Paano puwedeng makaapekto sa mga kapatid ang pagiging masunurin natin?
13 May magandang epekto sa atin at sa iba ang pagsunod natin sa nakatataas na mga awtoridad. Halimbawa, naiiwasan natin ang masamang resulta ng hindi pagsunod sa batas. (Roma 13:4) Kapag sumusunod tayo sa mga awtoridad, nakakaapekto ito sa tingin nila sa mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, tingnan ang nangyari sa Nigeria maraming taon na ang nakakaraan. Pinasok ng mga sundalo ang isang Kingdom Hall sa panahon ng pulong. Hinahanap nila ang mga nagpoprotesta sa pagbabayad ng buwis. Pero sinabihan ng nangangasiwang opisyal ang mga kasama niyang sundalo na umalis na sila dahil lagi namang nagbabayad ng buwis ang mga Saksi ni Jehova. Kapag sumusunod ka sa batas, nakakatulong ka para mapanatili ang magandang reputasyon ng mga Saksi ni Jehova. Baka balang-araw, makatulong ang reputasyong ito para maprotektahan ang mga kapatid natin.—Mat. 5:16.
14. Ano ang nakatulong sa isang sister na maging “handang sumunod” sa nakatataas na mga awtoridad?
14 Pero baka may mga pagkakataon pa rin na nahihirapan tayong sumunod sa nakatataas na mga awtoridad. Sinabi ni Joanna, isang sister sa United States, “Napakahirap para sa akin na sumunod kasi may mga kapamilya ako na naging biktima ng kawalang-katarungan ng mga awtoridad.” Pero may mga ginawa si Joanna para baguhin ang pananaw niya. Una, hindi na siya nagbasa ng mga post sa social media na kontra sa mga awtoridad. (Kaw. 20:3) Ikalawa, ipinanalangin niya kay Jehova na tulungan siyang mas magtiwala sa Kaniya imbes na umasang magkakaroon ng pagbabago sa gobyerno ng tao. (Awit 9:9, 10) Ikatlo, nagbasa siya ng mga artikulo sa mga publikasyon natin tungkol sa neutralidad. (Juan 17:16) Ngayon, panatag na at kontento si Joanna dahil iginagalang na niya at sinusunod ang mga awtoridad.
SUNDIN ANG MGA TAGUBILIN NG ORGANISASYON NI JEHOVA
15. Bakit may mga pagkakataong baka mahirapan tayong sundin ang mga tagubilin mula sa organisasyon ni Jehova?
15 Sinabi ni Jehova na “maging masunurin [tayo] sa mga nangunguna” sa kongregasyon. (Heb. 13:17) Perpekto ang Lider natin na si Jesus, pero hindi ganiyan ang mga brother na inatasan niyang manguna. Baka mahirapan tayong sundin sila, lalo na kapag ayaw natin ang ipinapagawa nila. May pagkakataon na nahirapan ding sumunod si apostol Pedro. Nang utusan siya ng isang anghel na kumain ng mga hayop na marumi ayon sa Kautusang Mosaiko, tatlong beses siyang tumanggi. (Gawa 10:9-16) Bakit? Hindi niya iyon matanggap dahil ibang-iba iyon sa nakasanayan niya. Kung nahirapan si Pedro na sundin ang utos ng isang perpektong anghel, hindi na nakakapagtaka kung may mga pagkakataong mahirapan tayong sumunod sa di-perpektong mga brother.
16. Ano ang ginawa ni apostol Pablo kahit parang hindi makatuwiran ang natanggap niyang tagubilin? (Gawa 21:23, 24, 26)
16 “Handang sumunod” si apostol Pablo kahit parang hindi makatuwiran ang natanggap niyang tagubilin. May narinig na usap-usapan ang mga Judiong Kristiyano tungkol kay Pablo. Itinuturo daw niya na “tumalikod sa Kautusan ni Moises” at huwag sundin ang Kautusang Mosaiko. (Gawa 21:21) Sinabihan si Pablo ng matatandang lalaking Kristiyano sa Jerusalem na magsama ng apat na lalaki sa templo at linisin ang sarili niya sa seremonyal na paraan para maipakitang sumusunod siya sa Kautusan. Alam naman ni Pablo na wala na sa ilalim ng Kautusan ang mga Kristiyano. At wala siyang ginawang masama. Pero sumunod pa rin siya agad. “Kinabukasan, isinama ni Pablo ang mga lalaki at nilinis ang sarili niya sa seremonyal na paraan kasama nila.” (Basahin ang Gawa 21:23, 24, 26.) Dahil sumunod si Pablo, nakatulong siya para mapanatili ang pagkakaisa ng mga kapatid.—Roma 14:19, 21.
17. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Stephanie?
17 Nahirapan ang sister na si Stephanie na sundin ang isang desisyon ng tanggapang pansangay. Masaya silang naglilingkod ng asawa niya sa isang foreign-language group. Pero nang i-dissolve ng tanggapang pansangay ang grupo, inatasan silang mag-asawa na umugnay sa isang kongregasyon sa sarili nilang wika. Sinabi ni Stephanie: “Hindi ako masaya. Sa tingin ko, hindi naman malaki ang pangangailangan sa wika namin.” Pero sinunod pa rin niya ang tagubiling iyon. Sinabi niya: “No’ng bandang huli, nakita ko na tama ang naging desisyon. Sa bago naming kongregasyon, may mga kapatid na nag-iisang Saksi sa pamilya at kami ang naging magulang nila sa espirituwal. May ini-study rin ako ngayon na sister na dating inactive. At mas marami na rin akong panahon para mag-personal study.” Sinabi pa niya, “Malinis ang konsensiya ko, kasi ginawa ko ang buong makakaya ko para masunod ang tagubilin.”
18. Ano ang magandang resulta ng pagiging masunurin natin?
18 Matututuhan nating sumunod. “Natuto [si Jesus na] maging masunurin mula sa mga pinagdusahan niya.” (Heb. 5:8) Gaya ni Jesus, madalas na natututo tayong maging masunurin sa mahihirap na sitwasyon. Halimbawa, noong nagsisimula pa lang ang COVID-19 pandemic, ipinahinto muna ang pagpupulong sa mga Kingdom Hall at ang pagbabahay-bahay. Nahirapan ka bang sundin iyon? Pero sumunod ka pa rin. Kaya naprotektahan ka, napanatili ang pagkakaisa ng kongregasyon, at napasaya mo si Jehova. Dahil diyan, mas handa na tayong sumunod ngayon sa mga tagubiling matatanggap natin sa malaking kapighatian. Puwede tayong maligtas dahil doon!—Job 36:11.
19. Bakit gusto mong maging masunurin?
19 Nakita natin na napakaraming pagpapala ng pagiging masunurin. Pero ang pinakadahilan kung bakit natin sinusunod si Jehova ay dahil mahal natin siya at gusto natin siyang mapasaya. (1 Juan 5:3) Hindi natin masusuklian ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa atin. (Awit 116:12) Pero puwede natin siyang sundin at ang mga binigyan niya ng awtoridad. Kung magiging masunurin tayo, pinapatunayan nating marunong tayo. At napapasaya natin si Jehova dahil diyan.—Kaw. 27:11.
AWIT BLG. 89 Makinig at Sumunod Upang Pagpalain Ka
a Dahil hindi tayo perpekto, may mga pagkakataong nahihirapan tayong sumunod kahit na may awtoridad ang nagbigay sa atin ng tagubilin. Tatalakayin sa artikulong ito ang magagandang resulta ng pagsunod sa mga magulang, sa “nakatataas na mga awtoridad,” at sa mga brother na nangunguna sa kongregasyong Kristiyano.
b Para sa mga mungkahi kung paano ka makikipag-usap sa mga magulang mo kapag nahihirapan kang sundin sila, tingnan ang artikulong “Paano Ko Kakausapin ang mga Magulang Ko Tungkol sa Kanilang mga Patakaran?” na nasa jw.org.
c LARAWAN: Sinunod nina Jose at Maria ang utos ni Cesar na magparehistro sa Betlehem. Sinusunod ng mga Kristiyano ngayon ang mga batas trapiko, kahilingan sa pagbabayad ng buwis, at tagubilin ng “nakatataas na mga awtoridad” tungkol sa kalusugan.