Payo na “Timplado ng Asin”
“Ang inyong pananalita nawa’y maging laging magiliw, timplado ng asin, upang inyong maalaman kung paano dapat ninyong sagutin ang bawat isa.”—COLOSAS 4:6.
1, 2. Bakit lalo nang mahalaga na ang payo sa Kristiyano ay dapat na “timplado ng asin”?
SA BUONG kasaysayan, ang asin ay gumanap ng natatanging bahagi sa paghahanda ng pagkain. Ito’y isang preserbatiba at isang tagapagpasarap ng lasa, kaya’t maraming pagkain na walang asin ang itinuturing na matabang at walang lasa. Kaya, nang isulat ni Pablo na ang pananalita ng isang Kristiyano ay dapat na “timplado ng asin,” ang ibig niyang sabihin ay na dapat na maging nakapagpapatibay ang ating pananalita, at kaaya-aaya at kaakit-akit. (Colosas 4:6) Ito’y lalo nang kailangan pagka nagpayo. Bakit?
2 Ang layunin ng pagpapayo ay hindi lamang upang maghatid ng impormasyon. Malimit, ang isang pinapayuhan ay nakakaalam na ng ilan sa mga simulain ng Bibliya na kumakapit sa kaniyang sitwasyon, ngunit nahihirapan siyang ikapit ang mga ito o makita ang kahalagahan. Samakatuwid, ang tunay na hamon sa pagpapayong Kristiyano ay ang baguhin ang paraan ng pag-iisip ng isang tao. (Galacia 6:1; Efeso 4:11, 12) Kaya, kailangan ang “asin.”
3. Anong tulong ang inilaan ni Jehova para sa mga tagapayo na Kristiyano?
3 Oo, ang pagpapayo ay isang hamon, at upang mapagtagumpayan ito, ang tagapayo ay nangangailangan ng kaalaman at pagkaunawa. (Kawikaan 2:1, 2, 9; 2 Timoteo 4:2) Nakatutuwang sabihin, si Jehova ay naglaan ng Bibliya, na nagtataglay hindi lamang ng kinakailangang kaalaman kundi rin naman ng maraming mga halimbawa ng payo na ibinigay ng umuunawang mga tauhan ng Diyos. Ang pagsusuri sa ilan sa mga ito ay tutulong sa atin upang maging lalong epektibong mga tagapayo.
Pag-isipan ang “Kamangha-manghang Tagapayo”
4. Sa pagbibigay ng payo sa kongregasyon, paanong ang isang Kristiyanong hinirang na matanda ay makatutulad kay Jesu-Kristo?
4 Halimbawa, nariyan si Jesus, ang “Kamangha-manghang Tagapayo.” (Isaias 9:6) Noong dulo ng unang siglo, si Jesus ay nagpadala ng mga liham na nagpapayo sa pitong kongregasyon sa distrito ng Asia. Ang mga liham na ito ay isang mainam na modelo para sa matatanda na marahil ay kailangang magpayo sa kanilang mga kongregasyon—at ang mga simulain ay kumakapit din pagka nagpapayo sa mga indibiduwal. Ang mga problema na tinalakay ni Jesus ay seryoso: apostasya, impluwensiya ng isang “Jezebel,” pagkamalahininga, at materyalismo, na ilan lamang. (Apocalipsis 2:4, 14, 15, 20-23; 3:1, 14-18) Kaya’t tinalakay ni Jesus ang mga problemang ito nang prangkahan. Walang pag-aalinlangan tungkol sa ibig niyang sabihin sa kani-kaniyang kongregasyon. Sa ngayon, pagka ang mga matatandang Kristiyano ay nagpapayo sa kani-kanilang kongregasyon, kailangang ‘timplahan’ nila ang kanilang payo ng pinaka-asin na pagpapakumbaba at kabaitan, bilang pagtulad kay Jesus. (Filipos 2:3-8; Mateo 11:29) Sa kabilang panig, bilang pagtulad din kay Jesus, kailangan na sila’y prangka. Ang payo ay hindi dapat na totoong malabo at totoong pangkalahatan na anupat ang punto’y hindi nasasakyan ng kongregasyon.
5, 6. Ano pang mga aral ang maaaring matutuhan ng isang Kristiyanong hinirang na matanda buhat sa mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon?
5 Pansinin din na kailanma’t maaari ay sa pasimula pa lamang binibigyan na ni Jesus ng matinding kumendasyon ang mga kongregasyon at kaniyang tinatapos ang kaniyang payo sa pamamagitan ng nakapagpapatibay na pampalakas-loob. (Apocalipsis 2:2, 3, 7; 3:4, 5) Dapat din sa mga tagapayong Kristiyano na ang kanilang payo ay timplahan ng kumendasyon at pampatibay-loob. Gaya ng sabi ng isang may karanasang hinirang na matanda: “Oo, wala kang gaanong nakakamit na tagumpay kung basta kinagagalitan mo lamang ang mga kapatid.” Pagka nagbibigay ng matinding payo, ang mga kapatid ay huwag iwanan ng matatanda na nasisiraan ng loob kundi, bagkus pa, lumalakas ang loob at determinado na gumawa ng higit pa sa hinaharap.—Ihambing ang 2 Corinto 1:1-4.
6 Sa wakas, kumusta naman ang mga mensahe ni Jesus sa mga kongregasyon sa Smyrna at Philadelpia? Siya’y hindi namintas sa mga kapatid na ito. Subalit palibhasa’y dumaraan sila sa mahihigpit na pagsubok, sila’y kaniyang hinimok na patuloy na magtiis. (Apocalipsis 2:8-11; 3:7-13) Ang mga tagapangasiwang Kristiyano man naman ay dapat magpayo hindi lamang kung kailangan ang pagtutuwid kundi sila’y laging alerto na bigyan ng kumendasyon ang mga kapatid dahil sa kanilang mabubuting gawa at himukin sila na magtiis.—Roma 12:12.
Gumamit ng mga Ilustrasyon
7, 8. (a) Paanong ang payo ni Jesus sa kaniyang mga alagad ay “timplado ng asin”? (b) Bakit ang mga ilustrasyon ay mahalaga pagka tayo ay nagpapayo?
7 Minsan pang nagpayo si Jesus nang ang kaniyang mga alagad ay totoong abala tungkol sa kung sino ang magiging una sa Kaharian ng langit. Maaari sana niyang pinagalitan nang husto ang kaniyang mga tagasunod dahil sa pagkabahalang ito. Sa halip, kaniyang ‘tinimplahan ng asin ang kaniyang mga pananalita.’ Tumawag siya ng isang munting bata, at kaniyang sinabi: “Sinoman ngang magpakababa na gaya ng maliit na batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.” (Mateo 18:1-4; Lucas 9:46-48) Ang payo ay malinaw at may kabaitan at nakapagbabatibay. Sa pagpapakita na ang Kaharian ng langit ay ibang-iba sa kaharian ng sanlibutang ito, ang kaniyang mga tagasunod ay hinimok ni Jesus na maging mapagpakumbaba, at sinikap niya na alisin ang dahilan ng kanilang pagtatalu-talo.
8 Pansinin din ang epektibong paraan ng pagtuturo na ginamit dito ni Jesus. Isang buháy na ilustrasyon—isang bata! Ang pantas na mga tagapayo ay malimit na ang kanilang mga pananalita’y ‘tinitimplahan ng pinaka-asin’ na mga ilustrasyon, yamang ang mga ito ay maaaring magdiin ng kalubhaan ng isang bagay o maaaring tumulong sa pinapayuhan upang siya’y mangatuwiran at malasin ang problema sa isang bagong liwanag. Kadalasan ang ilustrasyon ay tumutulong upang mabawasan ang tension.
9. Ano ang ilan sa mga iba pang halimbawa sa Kasulatan tungkol sa paggamit ng mga ilustrasyon sa pagbibigay ng payo?
9 Nang paalalahanan ni Jehova si Cain na siya’y totoong nanganganib na magkasala nang malubha, malinaw na inilarawan ni Jehova ang kasalanan bilang isang mailap na hayop. Sinabi niya: “Ang kasalanan ay nakayukyok sa pintuan, at ikaw ang ninanasa.” (Genesis 4:7) Nang si Jonas ay nagagalit dahilan sa hindi pinarusahan ni Jehova ang nagsising mga taga-Nineve, siya’y binigyan ng Diyos ng isang halamang kikayon para masilungan. Ngunit, nang malanta ang halaman at magreklamo si Jonas, sinabi ni Jehova: “Ikaw ay nanghihinayang sa halamang kikayon . . . Hindi baga ako manghihinayang din sa Nineve na dakilang lunsod, na mayroong mahigit na isang daan at dalawampung libong katao?” (Jonas 4:5-11) Napakaepektibong payo nga!
10. Paanong ang isang modernong-panahong tagapayong Kristiyano ay gumamit ng isang ilustrasyon upang matulungan ang isang kabataan na lalong makaunawa ng mga motibo ng kaniyang mga magulang?
10 Gayundin naman, nang ang isang dalaga ay magdamdam dahilan sa hinigpitan siya ng kaniyang mga magulang tungkol sa kaniyang mga kahalubilo, isang naglalakbay na tagapangasiwa ang nagsikap na tulungan siya sa pamamagitan ng paggamit ng ilustrasyong ito: “Mahilig kang manahe, di ba? Ipagpalagay mo na gumugol ka ng malaking panahon sa paggawa ng isang magandang bestida para sa isang kaibigan. Ngunit pagkatapos na ibigay mo iyon sa kaniya, napag-alaman mo na ginagamit niya iyon na basahan sa sahig. Ano kaya ang madarama mo?” Inamin ng dalaga na siya’y magdaramdam. Kaya’t nagpatuloy ang ministro: “Ganiyan ang pagkakilala roon ng iyong mga magulang. Malaking panahon ang ginugol nila sa pagpapalaki sa iyo, at kanilang ipinagmamalaki ka. Kaya’t ang ibig nila’y ang makahalubilo mo’y mga taong magmamalasakit sa iyo, hindi mga taong sa bandang huli pipinsala sa iyo.” Ang ilustrasyon ay tumulong sa dalaga upang maintindihan ang pagmamalasakit sa kaniya ng kaniyang mga magulang.
Magharap ng mga Tanong
11. Paanong epektibong gumamit si Jehova ng mga tanong nang nagpapayo kay Jonas?
11 Nang si Jehova’y nakikipag-usap kay Jonas tungkol sa kaniyang pagkagalit na walang katuwiran, marahil ay mapapansin mo na Siya’y nagharap din ng mga tanong. Nang hilingin ni Jonas, sa kaniyang galit dahil sa hindi pinuksa ang Nineve, na siya sana’y mamatay na, sinabi ni Jehova: “May katuwiran ka bang magsiklab ng galit?” Si Jonas ay hindi sumagot. Kaya, tinulutan ni Jehova na ang halamang kikayon ay lumaki at pagkatapos ay mamatay. Lalong nag-ibayo ang sama ng loob ni Jonas. Kaya’t tinanong siya ni Jehova: “May katuwiran ka bang magsiklab ng galit dahil sa halamang kikayon?” Ngayon ay sumagot na si Jonas: “May katuwiran akong magsiklab ng galit, hanggang sa kamatayan.” Ngayon na ang propeta’y sumagot na kay Jehova, Siya’y nagpatuloy at ang saloobin ni Jonas tungkol sa isang hamak na halaman ay inihambing sa Kaniyang sariling saloobin tungkol sa Nineve, at pinagtibay iyon ng katanungang: “Hindi baga ako manghihinayang sa Nineve?” (Jonas 4:4, 9, 11) Sa ganoo’y pinayuhan si Jonas na tularan ang saloobin ni Jehova sa pakikitungo sa nagsising mga taga-Nineve.
12. Ano ang gamit ng mga tanong sa pagpapayo? Magbigay ng halimbawa.
12 Oo, ang mga tanong ay tumutulong sa mga tagapayo na alamin kung ano ang iniisip ng taong nangangailangan ng payo. Tinutulungan ang indibiduwal na iyon na matalos nang lalong malinaw ang kaniyang sariling mga problema at mga motibo. Halimbawa, baka iginigiit ng isang tao na mayroon siyang karapatan na uminom bago magmaneho pauwi. Baka tunay ngang nadarama niya, ‘Hindi naman ako apektado ng alak!’ Isang kaibigan ang baka ibig na makipagkatuwiranan sa kaniya, na nagsasabi: ‘Pero halimbawa ay napasangkot ka sa isang aksidente na hindi mo kasalanan. Ano kaya ang iisipin ng pulisya kung kanilang mapansin na ikaw ay nakainom? At ipagpalagay natin na ang alkohol ay medyo nakaapekto sa iyong mga kilos. Talaga bang ibig mong magmaneho ng iyong kotse gayong hindi 100 porsiyento ang talas ng iyong mga sangkap na pandamdam? Iyon ba’y sulit, makainom ka lamang?’
13. Paano ginamit ng isang tagapayo ang Bibliya, kasama ang mga tanong, sa pagpapayo? Bakit ito’y epektibo?
13 Ang payo sa Kristiyano ay laging nakasalig sa Bibliya at kailanma’t maaari, aktuwal na ginagamit ng mga tagapayong Kristiyano ang Bibliya sa pagpapayo. Ito’y isang mabisang tulong. (Hebreo 4:12) Bilang halimbawa: Isang maykaranasang matanda ang nagsisikap na tulungan ang isa na hindi na aktibo sa pangangaral. Itinawag-pansin ng matanda ang talinghaga ni Jesus ng taong may dalawang anak, na kapuwa inutusan niya na humayo at magtrabaho sa kaniyang ubasan. Ang una ay nagsabi na siya’y pupunta pero hindi naman pumunta. Ang ikalawa ay nagsabi na hindi siya pupunta pero pagkatapos ay nagpasiya na pumunta. (Mateo 21:28-31) Saka nagtanong ang tagapayo: “Alin sa dalawang anak na ito ang tinutularan mo sa sandaling ito?” Dagling nakuha ng mamamahayag ang punto, lalo na nang itanong ng tagapayo: “Ano sa palagay mo ang pagkamalas sa iyo ni Jehova, ang May-ari ng ubasan?”
14. Ano ang mga ilan pang sitwasyon na kung saan ang mga tanong ay mahalagang gamit sa pagpapayo?
14 Ganiyan din kung nagsisikap ka na tulungan yaong may mga alinlangan, yaong may mga problema sa pag-aasawa o sa pamilya, yaong mga may di-pagkakaunawaan, o yaong nasa mga iba pang mahihirap na sitwasyon.a Ang mahuhusay na tanong ay tumutulong sa mga pinapayuhan na mangatuwiran, suriin ang kanilang sarili, at makarating sa tamang konklusyon.
Makinig na Mabuti
15. (a) Ano ang hindi ginawa ng tatlong “mang-aaliw” ni Job? (b) Paanong ang pakikinig ay tutulong sa isang nagpapayong Kristiyano?
15 Alalahanin na sa pagtatanong ay ibig mong marinig ang sagot. (Kawikaan 18:13) Ang mga tagapayo ay hindi dapat mahulog sa silo na kinahulugan ng tatlong “mang-aaliw” ni Job. Si Job ay nagsalita sa kanila, ngunit hindi nila talagang pinakinggan. Binuo na nila sa kanilang mga isip na ang pagdurusa ni Job ay dahilan sa kaniyang pagkamakasalanan. (Job 16:2; 22:4-11) Kabaligtaran nito, ang isang tagapayong Kristiyano ay dapat makinig na maingat. Sa ganoon, maaari niyang mapansin ang makahulugang mga paghintu-hinto o pagbabagu-bago ng tono ng boses na nagpapakilalang ang buong istorya ay hindi naibibida. Baka sa pamamagitan ng isang karagdagang tanong ay maaaring lumutang ang isang kaisipan na nakakubli sa likod ng isip ng taong pinapayuhan.—Ihambing ang Kawikaan 20:5.
16. Ano ang kailangan ng nagpapayo pagka mahirap na pakinggan ang sinasabi ng isang nagagalit o naghihinanakit na Kristiyano?
16 Totoo, baka ito’y hindi laging madali. Ang taong nagagalit ay baka biglang bumulalas: “Napopoot ako sa aking mga magulang!” o, “Ayaw ko nang mamuhay na kapiling ng aking asawang lalaki!” Nakasisira ng loob na mapakinggan ang ganoong mga bagay. Subalit alalahanin na si Jehova ay handang makinig nang si Asap ay magreklamo na sa wari niya’y walang kabuluhan ang kaniyang pananatili sa kaniyang pananampalataya. (Awit 73:13, 14) Ang Diyos ay nakinig din nang sabihin ni Jeremias na siya’y napaglalangan. (Jeremias 20:7) Wari naman na ang reklamo ni Habacuc ay na inaapi ng mga balakyot ang mga matuwid, at na hindi man lamang nakikita iyon ni Jehova. (Habacuc 1:13-17) Kaya naman ang mga tagapayong Kristiyano ay dapat na handang makinig din. Kung ang mga tao’y talagang mayroon ng mga damdaming ito, kailangan naman na malaman ito ng tagapayo upang siya’y makatulong. Dapat niyang iwasan na sabihin sa taong pinapayuhan na magpahayag ng mga opinyon na inaakala niya na dapat taglay ng indibiduwal imbes na yaong mga opinyon na talagang kaniya. Iiwasan din ng tagapayo ang pagsasalita ng prangkahan o para bang siya’y humahatol, kaya marahil ay umaayaw na ang pinapayuhan na magpatuloy na buksan ang kaniyang puso.—Kawikaan 14:29; 17:27.
17. Paanong kahit ang pakikinig lamang sa ating mga kapatid kung minsan ay isang paraan na ng pag-aliw sa kanila?
17 Kung minsan ang malaking bahagi ng ating pagpapayo ay pakikinig, at pagbibigay-daan sa pinapayuhan na ihinga ang kaniyang sama ng loob, hinanakit, o nasaktang-damdamin. Nang si Naomi ay bumalik galing sa mga bukid ng Moab, ang mga babaing Israelita ay ganito ang bati sa kaniya: “Ito ba si Naomi?” Ngunit malungkot na tumugon si Naomi: “Huwag ninyo akong tawaging Naomi. Tawagin ninyo ako na Mara, sapagkat ito’y ginawang napakapait para sa aking ng Makapangyarihan-sa-lahat. Ako’y umalis na puno, at walang dala nang pabalikin ako ni Jehova. Bakit ninyo ako tatawagin na Naomi, gayong si Jehova ang humamak sa akin at ang Makapangyarihan-sa-lahat ang nagpangyari ng kapahamakan sa akin?” (Ruth 1:19-21) Walang gaanong masabi ang mga babaing Israelita bilang pagtugon. Subalit, kadalasan, kahit na lamang ang mapagmahal na pakikinig ng isang tao samantalang inihihinga ng iba ang kanilang sama ng loob ay maaaring makatulong sa paggaling nila.b
Maging Praktikal
18. (a) Ano ang ilan sa mga tugon sa payo buhat kay Jehova at kay Jesu-Kristo (b) Kung gayon, anong katangian ang dapat na paunlarin ng mga tagapayong Kristiyano?
18 Sabihin pa, ang pagtugon sa payo ay iba-iba. Maliwanag na si Jonas ay tumugong mainam sa payo ni Jehova. Napawi naman ang sama ng loob at galit ng propeta na anupat kaniyang iniulat ang kaniyang mga karanasan upang ang mga iba ay matuto sa mga ito. Para sa mga alagad ni Jesus ay nangailangan ng kaunting panahon upang sila’y matuto ng leksiyon tungkol sa kababaang-loob. Aba, noong mismong gabi bago namatay si Jesus, sila’y nahulog na naman sa pagtatalu-talo tungkol sa kung sino baga ang magiging pinakadakila sa kanila! (Lucas 22:24) Samakatuwid, yaong mga nagpapayo ay kailangan na maging matiyaga. (Eclesiastes 7:8) Ang isang tao na may malalim na pagkakaugat ang maling saloobin ay karaniwan nang hindi nagbabago ng kaniyang lakad dahilan lamang sa mga ilang salita ng isang matanda. Ang malaon nang mga suliranin ng mag-asawa ay hindi mapapawi pagkatapos lamang ng isang pakikipag-usap sa isang maygulang na Kristiyano. Ang malulubhang sakit ay gugugol ng mga buwan sa pagpapagaling, kaya naman ganoon din ang malulubhang mga problema sa espirituwal. At mayroon pa rin nga na hindi nakikinig sa mabuting payo. Bagamat si Jehova mismo ang nagpayo sa kaniya, si Cain ay humayo rin at pinaslang ang kaniyang kapatid.—Genesis 4:6-8.
19. Paano matutulungan ng kongregasyon ang mga dumaranas ng sama ng loob?
19 Yaong mga may malulubhang problema ay dapat na maging makatotohanan tungkol sa kanilang maaaring asahan sa kongregasyon. Ang isang kapuwa Kristiyano ay hindi makapag-aalis ng talamak na depresyon ng isip, o sama ng loob na marahil ay likha ng isang kasawian o ng isang kakila-kilabot na karanasan. Pagka ang isang tao ay may sakit, malimit na walang ginagawa ang doktor kundi gawing kumportable ang kaniyang kalagayan habang sa katagalan ay pinagagaling ng panahon ang katawan. Gayundin, pagka ang isang Kristiyano ay dumaranas ng sama ng loob, sikapin ng kongregasyon na “gawin siyang kumportable,” manalanging kasama niya at ukol sa kaniya, na kailanma’t maaari ay pinalalakas-loob siya, at tinutulungan sa anomang praktikal na paraan na magagawa nila. At kung magkagayon, karaniwan na, ang panahon at ang espiritu ni Jehova ang gumagawa ng pagpapagaling. (Kawikaan 12:25; Santiago 5:14, 15) Isang biktima ng incesto ang sumulat: “Bagaman ang incesto ay nagdudulot sa iyo ng malaking sama ng loob malaki ang nagagawa ng organisasyon ni Jehova upang alalayan ka, at sa tulong ng Kasulatan at ng pagtangkilik ng mga kapatid, maaari mong mapagtagumapayan ito.”c
20. Anong bahagi ang ginagampanan ng payo samantalang sinisikap nating lahat na manatiling naglilingkod kay Jehova?
20 Oo, ang mga Kristiyano ay may pananagutan na magtulungan sa isa’t-isa. Ang mga hinirang na matatanda lalo na, ngunit lahat din naman ng nasa kongregasyon, ay dapat na magmalasakit sa isa’t-isa at magbigay ng maykabaitan na payo buhat sa Kasulatan pagka ito’y kinakailangan. (Filipos 2:4) Mangyari pa, ang gayong payo ay hindi dapat na maging makadiktador o marahas. Hindi rin dapat magbigay ito ng impresyon na sinisikap mong makontrol ang buhay ng isang tao. Bagkus, ito’y kailangan na nakasalig sa Kasulatan at “timplado ng asin.” (Colosas 4:6) Bawat isa ay nangangailangan ng tulong manaka-naka, at ang napapanahong payo, na “timplado” ng kabaitan at pampatibay-loob, ay tutulong sa lahat sa atin na magpatuloy sa daan ng buhay na walang hanggan.
[Mga talababa]
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pagpapayo sa mga mag-asawa, tingnan ang artikulong “Kung Paano Magbibigay ng Payo na Talagang Tumutulong” sa Disyembre 22, 1983 labas ng Gumising!
b Para sa mga mungkahi kung paano tutulungan ang mga Kristiyanong dumaranas ng depresyon, tingnan ang mga artikulong “Aliwin ang mga Kaluluwang Namamanglaw” sa Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1982, at “Isang Naturuang Dila—‘Upang Patibaying-Loob ang Nanghihina’” sa labas ng Ang Bantayan ng Hunyo 1, 1983.
c Para sa higit pang impormasyon sa pagtulong sa mga pinipighati ng sama ng loob, tingnan ang mga artikulong “Pag-asa para sa mga Nawawalan Na ng Pag-asa” at “Ibig Nilang Makatulong” sa Ang Bantayan ng Pebrero 1, 1984, at “Tulong para sa mga Biktima ng Incesto” sa labas ng Abril 1, 1984.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong mga bahagi ng payo ni Jesus sa pitong kongregasyon ang makatutulong sa hinirang na matatanda ngayon?
◻ Anong mga halimbawa sa Kasulatan mayroon tungkol sa paggamit ng mga ilustrasyon sa pagbibigay ng payo?
◻ Sa isang tagapayong Kristiyano, ano ang tunay na kahalagahan ng mgatanong?
◻ Paano magagamit ng isang sanay na tagapayo ang Bibliya?
◻ Bakit ang isang taong nagbibigay ng payo ay kailangan ding maging isang maingat na tagapakinig?
[Larawan sa pahina 17]
Sa paggamit sa isang bata upang ipaghalimbawa ang kaniyang punto, si Jesus ay nagbigay sa kaniyang mga alagad ng malinaw, maykabaitan, at nakapagpapatibay na payo
[Larawan sa pahina 18]
Si Jonas ay sumamâ ang loob at nagalit, ngunit maliwanag na siya’y tumugong mabuti sa payo ni Jehova