KABANATA 8
“Ano ang Hinihingi sa Iyo ni Jehova?”
1, 2. Bakit nakapagpapasiglang malaman kung ano ang naging reaksiyon ni Jehova sa moral na kabulukan ng kaniyang sinaunang bayan?
GUNIGUNIHIN ang eksenang ito: Takot na takot ang batang babae dahil sa malalakas na kalampag sa pinto. Natatakot siya na baka ito ang tiwaling negosyante na naniningil ng perang inutang dito ng kanilang pamilya. Pinagsasamantalahan ng negosyanteng ito ang maraming tao sa pamamagitan ng madayang timbangan at ilegal na pagpapatubo. Upang maiwasan ang kaparusahan sa paggawa nito, sinusuhulan niya ang mga pinuno ng bayan na ipinagwawalang-bahala naman ang mga reklamo ng mga biktima. Pakiramdam ng batang babae ay wala siyang kalaban-laban; iniwan sila ng kaniyang tatay at sumama ito sa ibang babae na mas bata. Baka sila ng nanay niya ay ipagbili bilang mga alipin.
2 Ang situwasyong iyon ay ang pinagsama-samang gawain na hinatulan ng 12 propeta. (Amos 5:12; 8:4-6; Mikas 6:10-12; Zefanias 3:3; Malakias 2:13-16; 3:5) Kung nabuhay ka noong panahong iyon, ano kaya ang magiging reaksiyon mo? Bagaman tila nakasisira ng loob ang situwasyon, maaari kang mapasigla ng positibong mga pakikitungo ni Jehova sa kaniyang bayan noong panahon ng mga propetang iyon. Oo, makikita mo sa 12 aklat na iyon na idiniriin ng Diyos ang kahanga-hangang mga katangian at saloobin. Maaaring patibayin ng kaniyang paghimok ang iyong mga pamantayang moral, udyukan kang gumawa ng mabuti, at pakilusin kang purihin siya. Dahil mabilis na dumarating ang araw ng paghatol ni Jehova, ang pag-uukol mo ng pansin sa nakapagpapatibay na mensahe ng mga aklat na ito ay makapagbibigay sa iyo ng kaunawaan sa kung ano ang hinihingi sa iyo ng Diyos. Simulan mo ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga pangyayari noong panahon ni Mikas, noong ikawalong siglo B.C.E.
ANO ANG HINIHINGI SA IYO NI JEHOVA?
3, 4. (a) Anong pagsusumamo ang kasama sa aklat ng Mikas? (b) Paano ka personal na naaapektuhan ng tanong sa Mikas 6:8?
3 Sa pagbabasa sa aklat ng Mikas, baka akalain mo sa simula na isa itong mahabang listahan ng mga akusasyon laban sa mapaghimagsik na mga Israelita. Mangyari pa, hindi bulag si Jehova sa moral na kabulukan ng kaniyang nakaalay na bayan, kasama na ang mga inilarawan niya bilang mga “napopoot sa mabuti at maibigin sa kasamaan.” (Mikas 3:2; 6:12) Gayunman, bukod sa pagtuligsa, nasa aklat ding iyon ang isa sa pinakakaakit-akit at nakagaganyak na mga paalaala sa Bibliya. Itinutuon ni Mikas ang pansin sa Pinagmumulan ng matuwid na mga pamantayan at ibinabangon ang nakapupukaw-kaisipang katanungang ito: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”—Mikas 6:8.
4 Nakikita mo ba rito ang pagsusumamo ng ating Maylalang? Maibigin tayong pinaaalalahanan na magtuon ng pansin sa mabubuting saloobin na maaari nating taglayin, sa halip na hayaan ang ating sarili na mailihis ng umiiral na labis na kasamaan. Alam ni Jehova na bilang matapat na mga tao gusto nating linangin ang makadiyos na mga katangian, at may tiwala siya sa atin. Ano kaya ang magiging sagot mo kung personal kang tatanungin: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova?” Matutukoy mo ba ang mga pitak sa iyong buhay na naiimpluwensiyahan—o dapat maimpluwensiyahan—ng moral na mga pamantayan ng Diyos? Lubhang bubuti ang iyong kaugnayan sa Diyos at ang kalidad ng iyong buhay habang sinusunod mo ang mga pamantayang iyon. Yamang napakalapit na ng pangglobong paraiso, patibayin mo ang iyong loob mula sa payo na ito: “Maghasik kayo ng binhi sa katuwiran para sa inyong sarili; gumapas kayo ayon sa maibiging-kabaitan. Magbungkal kayo ng sakahang lupain para sa inyong sarili, habang may panahon upang hanapin si Jehova hanggang sa dumating siya at magbigay sa inyo ng tagubilin sa katuwiran.” (Oseas 10:12) Suriin natin ngayon ang ilang susing punto sa mainam na payo ng Mikas 6:8.
“MAGING MAHINHIN”
5. Bakit mahalagang “maging mahinhin” sa paglakad na kasama ng Diyos?
5 Kapansin-pansin, binanggit ni Mikas na hinihingi sa atin ni Jehova na “maging mahinhin sa paglakad na kasama” Niya. Makikinabang tayo sa pagiging mahinhin sapagkat ang “karunungan ay nasa mga mahinhin.” (Kawikaan 11:2) Kalakip sa pagiging mahinhin ang pagkilala natin sa ating mga limitasyon dahil sa Adanikong kasalanan. Ang pagtanggap natin na isinilang tayo sa kasalanan ay isang napakahalaga at unang hakbang sa pagsisikap na iwasan ang magkasala nang sinasadya.—Roma 7:24, 25.
6. Paano tayo makikinabang kung may-kahinhinan nating kinikilala ang mga resulta ng kasalanan?
6 Bakit napakahalaga ng kahinhinan na may kalakip na kababaan ng pag-iisip upang maiwasan ang sinasadyang pagkakasala? Buweno, kinikilala ng isang taong mahinhin ang kapangyarihan ng kasalanan. (Awit 51:3) Tinutulungan tayo ni Oseas na maunawaang maaaring maging kaakit-akit ang kasalanan at na lagi itong nagdudulot ng kapaha-pahamak na resulta. Halimbawa, nangako si Jehova na ‘hihingi siya ng pagsusulit’ dahil sa pagsuway ng kaniyang sinaunang bayan. Ipinahihiwatig ba niyan na matatakasan ng walang-kahinhinang mga makasalanang iyon ang lahat ng resulta ng kanilang pagkakasala? Maaaring inaasahan nilang matakasan iyon, yamang kadalasang mapanlinlang at mapang-alipin ang kasalanan. Higit na mahalaga, inihihiwalay ng kasalanan ang mga makasalanan mula sa Diyos, anupat posible pa ngang maranasan nila ang napakasamang kalagayang ito: “Hindi ipinahihintulot ng kanilang mga pakikitungo ang panunumbalik sa kanilang Diyos.” Sisirain ng sinasadyang pagkakasala ang lakas at pagkatao ng nagkasala, anupat ginagawa siyang “manggagawa ng bagay na nakapipinsala.” Bukod pa riyan, nagiging walang kabuluhan ang buhay ng makasalanan dahil sa kasalanan. Sabihin pa, maaaring tila matagumpay siya sa loob ng ilang panahon, subalit hindi maaasahan ng di-nagsisising makasalanan ang pagsang-ayon ng Diyos.—Oseas 1:4; 4:11-13; 5:4; 6:8.
7. Paano tumutugon ang taong mahinhin sa patnubay ni Jehova?
7 Inaamin din ng mga taong mahinhin na kailangan nila ang patnubay ng Diyos upang maiwasan ang malulungkot na bunga ng kasalanan. Patiunang nakita ni Mikas ang panahon—ang ating panahon—kung kailan mananabik ang karamihan na ‘maturuan tungkol sa mga daan ni Jehova’ at ‘lumakad sa kaniyang mga landas.’ Hinahanap ng maaamong iyon ang “kautusan” at “ang salita ni Jehova.” Marahil ay naliligayahan kang makasama ang mga nagnanais na ‘lumakad sa pangalan ni Jehova’ sa pamamagitan ng pag-abot sa kaniyang mga kahilingan. Magkagayunman, tulad ni Mikas, maaaring interesado ka sa iba pang paraan upang manatiling “malinis sa moral.” (Mikas 4:1-5; 6:11) Malaki ang maitutulong sa iyo ng may-kahinhinang pagsisikap na gawin kung ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova.
LINANGIN ANG MATATAAS NA PAMANTAYANG MORAL
8. Ano ang napapansin mo hinggil sa pamantayang moral ng daigdig sa ngayon?
8 Sapagkat interesado siya sa ating espirituwal at pisikal na kapakanan, hinihingi sa atin ni Jehova na maging malinis sa moral sa kabila ng pagsamâ ng daigdig sa palibot natin. (Malakias 2:15) Binabaha tayo ng mga mensaheng puro tungkol sa sekso. Inaakala ng maraming tao na normal lamang ang panonood ng pornograpikong mga larawan at mga pelikula, pagbabasa tungkol sa mahahalay na seksuwal na gawain, at pakikinig sa mga awiting may malalaswang liriko. Bukod diyan, may mga taong walang galang sa mga babae, anupat itinuturing na sila’y nauukol lamang sa kaluguran sa sekso. O maaaring haluan ng mga kabataang mag-aaral ang kanilang usapan ng malalaswang biro at mahahalay na pasaring. Paano mo malalabanan ang gayong nakasasamáng impluwensiya?
9. Sa anong paraan hindi sinunod ng marami ang mga pamantayan ni Jehova noong panahon ng 12 propeta?
9 Ang 12 propeta na isinasaalang-alang natin ay nagbibigay ng mahalagang payo. Nabuhay sila noong wala pang mga sinehan o mga video na napapanood sa tahanan, subalit noong panahon nila ay may mga sagisag ng ari ng lalaki, may tinatawag na sagradong prostitusyon, at walang-kahihiyang kahalayan. (1 Hari 14:24; Isaias 57:3, 4; Habakuk 2:15) Makikita mo ang patotoo niyan sa isinulat ng mga propeta: “Kung tungkol sa mga lalaki, bumubukod silang kasama ng mga patutot, at naghahain silang kasama ng mga babaing patutot sa templo.” “Ang isang lalaki at ang kaniyang sariling ama ay pumaroon sa iisang babae, sa layuning lapastanganin ang aking banal na pangalan.” Ang ilan ay regular na nagbabayad ng “upa sa mga patutot” sa mga ritwal ng pag-aanak.a Laganap ang pangangalunya, anupat ‘sinusundan ng di-tapat na mga asawa ang kanilang mga maalab na mangingibig.’—Oseas 2:13; 4:2, 13, 14; Amos 2:7; Mikas 1:7, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
10. (a) Ano ang pangunahing dahilan ng imoral na paggawi? (b) Paano nagkasala ng espirituwal na pakikiapid ang sinaunang bayan ng Diyos?
10 Marahil batid mo na nasasangkot ang saloobin at mga motibo ng isang tao sa seksuwal na imoralidad. (Marcos 7:20-22) Sinabi ni Jehova hinggil sa kaniyang imoral na bayan na “iniligaw nga sila ng espiritu ng pakikiapid” [“pagnanasa sa sekso,” Contemporary English Version] at na “wala silang ginagawa maliban sa mahalay na paggawi.” (Oseas 4:12; 6:9)b Binanggit ni Zacarias “ang espiritu ng karumihan.” (Zacarias 13:2) Ang bayan ay may pangahas na saloobin, nagwawalang-bahala o humahamak pa nga sa mga pamantayan at awtoridad ni Jehova. Kaya upang ituwid ang kaniyang mga motibo, kailangang lubusang baguhin ng isang tao ang kaniyang pag-iisip at kalagayan ng puso. Palibhasa’y nababatid kung ano ang nasasangkot dito, lalong dapat magpasalamat ang mga Kristiyano sa tulong na tinatanggap nila upang maiwasan ang imoralidad at ang kalunus-lunos na mga bunga nito.
ITAGUYOD ANG KALINISAN SA MORAL
11. Anu-ano ang ilan sa mga bunga ng seksuwal na imoralidad?
11 Marahil ay nakikita mong madalas na sinisira ng kahalayan sa moral ang mga pamilya, pinagkakaitan ang mga anak ng patnubay ng magulang, at humahantong ito sa karima-rimarim na mga sakit at mga aborsiyon na kumikitil ng buhay. Madalas na nakararanas ng pisikal at emosyonal na pinsala ang mga nagwawalang-bahala sa Maylalang pagdating sa mga bagay na may kaugnayan sa sekso. Sumulat si Mikas: “Sa dahilang [ang isang tao] ay naging marumi, mayroon ngang panggigiba; at ang gawaing panggigiba ay masakit.” (Mikas 2:10) Ang pagkaalam nito ay nagpapatibay sa determinasyon ng makadiyos na mga tao. Iniiwasan nilang madungisan ng maruruming kaisipan ang kanilang puso at isipan.—Mateo 12:34; 15:18.
12. Paano tayo nakikinabang sa pagtanggap sa pangmalas ni Jehova hinggil sa sekso?
12 Iniiwasan ng mga Kristiyano ang seksuwal na imoralidad hindi lamang dahil sa takot na magkaroon ng sakit o anak sa pagkakasala. Nakikita nila ang kahalagahan ng paglinang ng pag-ibig sa kautusan ng Diyos at ng pagsunod sa kaniyang mga pamantayang moral sa sekso. Nilalang ni Jehova ang mga tao na may likas na hangarin na makipagtalik bilang kapahayagan ng pag-ibig sa pagitan ng mag-asawa. Bahagi iyan ng layunin ng Diyos nang lalangin niya sina Adan at Eva. Kapag isinasagawa ito ng mag-asawa lamang, ang pagtatalik ay kapaki-pakinabang, anupat pinagbubuklod ang mag-asawa at kung minsan ay nagbubunga ng mga anak. Gayunpaman, kapag ang isa ay nakipagtalik sa hindi niya asawa, ito ay lubhang mapangwasak, gaya ng binabanggit ng 12 propeta. Humantong sa di-pagsang-ayon ng Diyos ang seksuwal na imoralidad. Lubhang nakapipinsala ang naging resulta nito noong panahong iyon, at gayundin ang magiging resulta nito para sa sinuman sa ngayon.
13. Sa anong diwa maaari nating ‘alisin ang pakikiapid’ at iwasan ang tukso?
13 Namanhik si Oseas sa kaniyang mga kapanahon na tanggalin, o ‘alisin, ang pakikiapid mula sa harap nila,’ anupat nagpapahiwatig na kailangan nilang gumawa ng tiyak na pagkilos upang ingatan ang kanilang moralidad. (Oseas 2:2) Sa ating kalagayan, matalinong landasin na iwasan ang anumang situwasyon na maglalagay sa atin sa tukso. Halimbawa, maaaring makaharap mo ang isang paulit-ulit na tukso sa paaralan o sa inyong pamayanan. Baka hindi ka makalipat ng paaralan o tirahan, subalit may iba pang paraan upang maiwasan ang nakatutuksong kalagayan at sa gayo’y ‘maalis ang pakikiapid mula sa harap mo.’ Ipaalam mo sa iba na ikaw ay isang tunay na Kristiyano, isang Saksi ni Jehova. Sa maliwanag at magalang na paraan, ipaliwanag mo ang iyong mga pamantayan at mga paniniwala. Tiyakin na nalalaman ng iba ang iyong kapasiyahang manghawakan sa matataas na pamantayan ni Jehova. (Amos 5:15) Ang isa pang paraan upang ‘alisin ang pakikiapid’ ay iwasan ang pornograpya at kuwestiyunableng libangan. Maaaring mangahulugan iyan ng pagtatapon ng magasin o paghahanap ng bagong mga kasama—yaong mga umiibig kay Jehova at sumasang-ayon na dapat mong gawin ang hinihingi Niya sa iyo. (Mikas 7:5) Oo, sa tulong ni Jehova, maiiwasan mong madumhan ng imoralidad ng sanlibutan!
“IBIGIN ANG KABAITAN”
14, 15. (a) Ano ang ibig sabihin ng “ibigin ang kabaitan”? (b) Paano tayo matutulungan ng pag-ibig sa kabaitan na maging walang-kapintasan?
14 Idiniin ni Mikas na hinihingi sa atin ni Jehova na “ibigin ang kabaitan.” Nasasangkot sa pagiging mabait ang paggawa ng mabubuting bagay sa halip ng anumang nakasasama. Ang kabaitan ay lubhang nauugnay sa kabutihan at sa kahusayan sa moral. Humihiling ito sa atin na maging tapat at makatarungan sa ating personal na mga gawain at sa ating pakikitungo sa iba. Sa Kabanata 6 ng aklat na ito, sinuri natin ang mahahalagang aspekto sa buhay, gaya sa negosyo at mga bagay na may kaugnayan sa pera, kung saan napakahalaga na maging makatarungan at tapat. Subalit hindi lamang iyon ang mga aspekto sa buhay na kailangan tayong maging makatarungan, tapat, at mabait.
15 Sinisikap ng mga taong umiibig sa kabaitan at nagnanais gumawa ng mabuti sa iba na maging walang-kapintasan. Ganito ang sinabi ni Jehova sa mga Israelita na hindi tumutupad sa kanilang materyal na mga obligasyon sa dalisay na pagsamba: “Ninanakawan ninyo ako.” (Malakias 3:8) Sa anu-anong paraan maaaring “ninanakawan” ngayon ng isa ang Diyos? Kumusta kung ang isang Kristiyano ay humahawak ng perang iniabuloy para sa pagpapasulong ng gawaing pangangaral ng Kaharian sa lokal na kongregasyon o sa ibang situwasyon? Kaninong pera ito? Ang totoo, ang perang iyon ay pag-aari ni Jehova, yamang ibinigay ang mga ito para sa pagpapasulong ng kaniyang pagsamba. (2 Corinto 9:7) Dapat bang isipin ng sinuman na maaari niyang “hiramin” ang perang iyon upang gamitin sa personal na kagipitan o kaya’y gamitin ang iniabuloy na pera nang walang wastong awtorisasyon? Tiyak na hindi. Katumbas iyan ng pagnanakaw sa Diyos! At tiyak na hindi ito pagpapakita ng kabaitan o katarungan sa mga nag-abuloy ng perang iyon para sa gawain ng Diyos.—Kawikaan 6:30, 31; Zacarias 5:3.
16, 17. (a) Paano nagpakita ng kasakiman ang ilan noong panahon nina Amos at Mikas? (b) Ano ang pangmalas ng Diyos sa kaimbutan?
16 Pakikilusin din ng kabaitan at kabutihan ang mga Kristiyano na iwasan ang kaimbutan. Noong panahon ni Amos, palasak ang labis-labis na kasakiman. ‘Handang ipagbili ng walang-awa at sakim na mga tao ang matuwid’—ang kanilang kapuwa mananamba—“kapalit lamang ng pilak”! (Amos 2:6) Katulad ito noong panahon ni Mikas, nang inaagaw ng mayayaman sa Juda ang ari-arian ng mahihina na hindi kayang ipagtanggol ang kanilang sarili, anupat gumagamit sila ng dahas kung kinakailangan. (Mikas 2:2; 3:10) Sa pag-agaw sa lupain ng kanilang kapuwa, nilalabag ng sakim na mga taong iyon ang Kautusan ni Jehova: kasama ang huli sa Sampung Utos at ang mga tuntunin laban sa permanenteng pagbibili ng minanang lupain.—Exodo 20:13, 15, 17; Levitico 25:23-28.
17 Maaaring hindi karaniwan sa ngayon na ipagbili o alipinin ang mga tao gaya noong panahon ng mga propeta. Subalit kumusta naman ang panlalamang o pagsasamantala sa pera ng iba? Tiyak na hindi pagsasamantalahan ng isang Kristiyanong umiibig sa kabaitan ang kaniyang kapuwa mga mananamba. Halimbawa, batid niyang hindi tama ni kabaitan man na magsimula ng isang negosyo o mag-endorso ng isang uri ng pamumuhunan na ang pangunahing puntirya ay mga kapananampalataya. Pagpapakita ng kasakiman, na doo’y binabalaan ang mga Kristiyano, ang magplanong mabilis na kumita ng pera sa pamamagitan ng pagsasamantala sa mga kapuwa Kristiyano. (Efeso 5:3; Colosas 3:5; Santiago 4:1-5) Makikita ang kasakiman sa pag-ibig sa salapi, paghahangad ng kapangyarihan o pakinabang, pati na sa katakawan sa pagkain at inumin, sekso, o iba pang bagay. Ipinakita ni Mikas na ang makasarili at sakim na mga tao ay “hindi mabubusog.” Totoo rin iyan sa ngayon.—Mikas 6:14.
18, 19. (a) Ano ang sinabi ng ilan sa 12 propeta hinggil sa pangangalaga ni Jehova sa “naninirahang dayuhan”? (b) Paano mapasusulong ng pagpapakita ng maibiging interes sa iba ang mga ugnayan sa inyong lugar?
18 Tinagubilinan ni Jehova ang kaniyang bayan na ‘huwag dayain ang naninirahang dayuhan.’ At sa pamamagitan ni Malakias, sinabi ng Diyos: ‘Lalapit ako sa inyo ukol sa paghatol, laban sa mga nagtataboy sa naninirahang dayuhan.’ (Zacarias 7:10; Malakias 3:5) Nagkakaroon ba ng pagbabago sa lugar ninyo dahil sa pagdagsa ng mga dayuhan o iba pa na may ibang nasyonalidad, lahi, o pinagmulan? Marahil, lumipat sila roon upang humanap ng seguridad, trabaho, o mas magandang buhay. Paano mo itinuturing ang mga taong ang wika at istilo ng pamumuhay ay naiiba sa iyo? Nakikita mo ba sa iyong sarili ang anumang hilig na magtangi, na siya mismong kabaligtaran ng kabaitan?
19 Isip-isipin ang magiging positibong reaksiyon ng mga tao kapag ipinakikita mo na ang mga galing sa ibang lupain o pinagmulan ay karapat-dapat ding makarinig ng katotohanang Kristiyano. Iiwasan din ng kabaitan na madama ng isa na pinanghihimasukan ng mga baguhang iyon ang paggamit ng Kingdom Hall o iba pang pag-aari. Pinaalalahanan ni apostol Pablo ang ilang Kristiyanong Judio noong unang siglo, na sa paanuman ay nagtatangi sa mga di-Judio, na talagang walang sinuman ang karapat-dapat sa kaligtasan; tanging dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos naging posible ang kaligtasan para sa sinuman. (Roma 3:9-12, 23, 24) Uudyukan tayo ng kabaitan sa iba na magsaya na ang pag-ibig ng Diyos ay nakaaabot na ngayon sa maraming taong dati’y walang gaanong pagkakataong makarinig ng mabuting balita. (1 Timoteo 2:4) Karaniwan nang hindi maganda ang kalagayan ng mga tao mula sa ibang lupain o pinagmulan, kaya dapat tayong magpakita sa kanila ng konsiderasyon at kabaitan, anupat malugod na tinatanggap at pinakikitunguhan ang bawat isa na “katulad ng katutubo” sa gitna natin.—Levitico 19:34.
LUMAKAD NA KASAMA NG TUNAY NA DIYOS
20. Kanino bumaling ang ilang Israelita para sa patnubay?
20 Idiniin din ni Mikas ang paglakad na kasama ng Diyos, pagtitiwala sa kaniya bilang ang tunay na Diyos, at paghahangad ng kaniyang patnubay. (Kawikaan 3:5, 6; Oseas 7:10) Pagkatapos bumalik ng mga Judio mula sa pagkatapon, ang ilan ay bumaling sa mga manghuhula at huwad na mga diyos, marahil upang humingi ng tulong noong panahon ng tagtuyot. Ang totoo, hiniling nila ang balakyot na mga puwersang espiritu na tulungan sila, sa kabila ng maliwanag na paghatol ni Jehova laban sa lahat ng gawaing iyon. (Deuteronomio 18:9-14; Mikas 3:6, 11; 5:12; Hagai 1:10, 11; Zacarias 10:1, 2) Ang mga Judiong iyon ay nakisangkot sa espiritung mga nilalang na sumasalansang sa tunay na Diyos!
21, 22. (a) Anu-anong anyo ng espiritismo ang karaniwan sa inyong lugar? (b) Bakit hindi nakikisangkot sa okultismo ang mga tunay na lingkod ni Jehova?
21 Inaakala ng ilan sa ngayon na sagisag lamang ng kasamaan ang balakyot na mga espiritung binabanggit sa Kasulatan. Subalit isinisiwalat ng Bibliya na totoo ang mga demonyo at sila ang puwersang nasa likuran ng astrolohiya, pangkukulam, at ilang uri ng mahika. (Gawa 16:16-18; 2 Pedro 2:4; Judas 6) Totoo rin ang mga panganib ng espiritismo. Sa maraming kultura, naniniwala ang mga tao sa mga albularyo na nag-aangking may mahiwagang kapangyarihan, at sa mga manggagaway. Ang iba naman ay humahanap ng patnubay sa horoscope o gumagamit ng mga tarot card, divining rod, Ouija board, o pantanging mga kristal. Lubhang pangkaraniwan maging ang mga pagsisikap na makipag-usap sa espiritu ng mga patay. Diumano, may mga pinuno ng pamahalaan na bumabaling sa astrolohiya at espiritistikong midyum upang tulungan sila sa pagpapasiya. Ang lahat ng iyan ay maliwanag na salungat sa payo ni Mikas na lumakad tayong kasama ng tunay na Diyos, anupat sinusunod ang kaniyang patnubay.
22 Bilang isang tunay na lingkod ni Jehova, tiyak na dapat mong iwasan ang gayong mga gawain. Makatitiyak ka na hinding-hindi gumagamit ang Diyos ng mahika o okulto upang isiwalat ang kaniyang kalooban o upang isagawa ang kaniyang kapangyarihan. Sa halip, tinitiyak sa atin ng Amos 3:7 na ‘isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang lihim na bagay sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.’ Bukod diyan, ang pakikisangkot sa okultismo ay maaaring magdala sa isa sa ilalim ng impluwensiya at kontrol ng pinuno ng mga demonyo, si Satanas, isang sinungaling na ang estratehiya ay dayain ang mga tao. Siya at ang kaniyang mga galamay ay determinadong makapinsala, anupat lagi silang malupit at pumapatay pa nga ng mga tao. (Job 1:7-19; 2:7; Marcos 5:5) Hindi kataka-taka, hinatulan ni Mikas ang panghuhula at panggagaway nang himukin niya tayo na lumakad na kasama ng tunay na Diyos.
23. Sino lamang ang makatutugon sa ating wastong mga kahilingan?
23 Ang tunay na espirituwal na patnubay ay masusumpungan lamang kay Jehova at sa kaniyang dalisay na pagsamba. (Juan 4:24) “Humiling kayo kay Jehova,” ang isinulat ni propeta Zacarias. (Zacarias 10:1) Kahit na kung makaranas ka ng mga pagsalakay o tukso mula sa balakyot na mga puwersang espiritu, tandaan na “ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay makaliligtas.” (Joel 2:32) Mahalaga ang katiyakang ito habang isinasaisip natin ang kaniyang dakilang araw.
24. Anu-anong aral ang natutuhan mo mula sa Mikas 6:8?
24 Maliwanag, ang pananalita sa Mikas 6:8 ay nagbibigay ng maraming puntong mapag-iisipan natin. Upang magkaroon ng matibay na moralidad, kailangan natin ng tamang mga motibo at makadiyos na mga katangian. Nagbigay ng pampatibay-loob si Oseas sa atin na nabubuhay sa “huling bahagi ng mga araw.” Sinabi niya na sa panahon natin, hahanapin ng bayang may takot sa Diyos ang kabutihan ni Jehova. (Oseas 3:5) Pinatotohanan ni Amos ang paanyaya sa atin ng Diyos na gawin nga ang gayon: “Hanapin ninyo ang kabutihan, . . . upang patuloy kayong mabuhay.” Hinihimok din tayong: “Ibigin ang kabutihan.” (Amos 5:14, 15) Kung gagawin natin iyon, magiginhawahan tayo sa paggawa ng hinihingi sa atin ni Jehova.
a Ganito ang sabi ng tagapagsalin ng Bibliya na si Joseph Rotherham tungkol sa mga bansa ng Canaan, na ang paggawi ay tinularan ng mga Israelita: “Ang kanilang pagsamba ay lubhang makalaman at kasuklam-suklam sa kalupitan. Ipinagkakaloob ng mga babae ang kanilang puri upang parangalan ang kanilang mga bathala. Ang kanilang sagradong mga lugar ay mga bahay-aliwan. Ang kanilang mga sangkap sa pag-aanak ay hayagang inilalarawan ng kasuklam-suklam na mga sagisag. Ang bayan ay may banal (!) na mga patutot, lalaki at babae.”
b Nagkasala rin ang bayan ng Diyos ng espirituwal na pakikiapid. Hinangad nila ang bawal na mga kaugnayan sa paganong mga bansa at inihalo sa tunay na pagsamba ang pagsamba kay Baal.