ARALIN 42
Nakapagtuturo sa Iyong Tagapakinig
UPANG maging nakapagtuturo ang iyong presentasyon sa iyong tagapakinig, higit pa ang kailangan mong gawin kaysa tumalakay lamang ng isang kapaki-pakinabang na paksa. Tanungin ang iyong sarili: ‘Bakit kailangang marinig ng tagapakinig na ito ang paksang ito? Ano kaya ang maaari kong sabihin upang madama ng tagapakinig na sila’y talagang nakinabang sa pagtalakay?’
Sa paaralan, kapag inatasan kang magtanghal kung paano magpapatotoo sa isang tao, ang magiging may-bahay mo ay ang iyong tagapakinig. Sa ibang pagkakataon, maaaring magsalita ka sa kongregasyon sa kabuuan.
Kung Ano ang Nalalaman ng Iyong Tagapakinig. Tanungin ang iyong sarili, ‘Ano kaya ang nalalaman ng tagapakinig tungkol sa paksa?’ Iyon ang magiging saligan kung saan ka magsisimula. Kung ikaw ay magsasalita sa isang kongregasyon na kinabibilangan ng maraming may-gulang na Kristiyano, huwag mong basta ulitin ang mga saligang katotohanan na alam na ng marami sa kanila. Gamitin ang mga saligang katotohanan bilang pundasyon. Sabihin pa, kung marami rin ang nakikinig na baguhang interesado, dapat mong isaalang-alang ang pangangailangan ng dalawang grupong ito.
Iangkop ang bilis ng iyong pagpapahayag ayon sa nalalaman ng iyong tagapakinig. Kung isinasama mo ang ilang detalye na malamang na pamilyar na sa marami, mabilis na saklawin ang mga ito. Subalit maghinay-hinay sa pagsaklaw sa mga ideya na maaaring bago sa karamihan ng iyong mga tagapakinig upang kanilang lubusang maunawaan ang mga ito.
Kung Ano ang Makapagtuturo. Ang pagiging nakapagtuturo ay hindi laging nangangahulugan ng pagsasabi ng bagong bagay. Ang ilang tagapagsalita ay may paraan ng pagsasabi ng pamilyar na mga katotohanan nang gayon na lamang kasimple anupat lubos na mauunawaan ang mga ito ng maraming tagapakinig sa unang pagkakataon.
Sa ministeryo sa larangan, hindi sapat na banggitin ang isang balita upang ilarawan na tayo ay nabubuhay sa mga huling araw. Gamitin ang Bibliya upang ipakita ang kahulugan ng pangyayari. Ito ay magiging tunay na nakapagtuturo sa may-bahay. Sa gayunding paraan, kapag bumabanggit ng ilang detalye tungkol sa batas ng kalikasan o tungkol sa buhay ng halaman o ng hayop, ang tunguhin mo ay hindi upang magharap ng kaakit-akit na katotohanan ng siyensiya na hindi pa kailanman naririnig ng may-bahay. Sa halip, dapat na ang tunguhin mo ay upang pagsamahin ang katibayan mula sa kalikasan at ang mga pananalita sa Bibliya na nagpapakita na may isang Maylalang na umiibig sa atin. Ito ay makatutulong sa may-bahay na makita ang mga bagay-bagay mula sa isang bagong pananaw.
Ang paghaharap ng isang paksa sa tagapakinig na malimit nang nakarinig nito ay maaaring maging isang hamon. Subalit upang maging isang mabisang guro, kailangan mong matutuhan kung paano mo gagawin ito nang matagumpay. Paano magagawa ito?
Ang pagsasaliksik ay makatutulong. Sa halip na basta na lamang maglakip sa iyong pahayag ng mga katotohanang madali mong maalaala, gamitin ang mga pantulong sa pagsasaliksik na tinalakay sa pahina 33 hanggang 38. Isaalang-alang ang mga mungkahing ibinigay roon hinggil sa tunguhing dapat mong pagsikapang maabot. Sa iyong pagsasaliksik, maaaring makita mo na ang isang di-gaanong pamilyar na pangyayari sa kasaysayan ay may tuwirang kaugnayan sa iyong paksa. O maaaring mabasa mo ang sinabi sa isang balita kamakailan na magpapatunay sa punto na pinaplano mong talakayin.
Habang sinusuri mo ang materyal, pukawin ang iyong sariling isip sa pamamagitan ng pagbabangon ng mga tanong gaya ng ano? bakit? kailan? saan? sino? at paano? Halimbawa: Bakit ito totoo? Paano ko mapatutunayan ito? Anong popular na mga paniniwala ang dahilan kung bakit mahirap maunawaan ng ilan ang katotohanang ito sa Bibliya? Bakit ito mahalaga? Paano ito dapat makaapekto sa buhay ng isang tao? Anong halimbawa ang nagpapakita ng kapakinabangan ng pagkakapit nito? Ano ang isinisiwalat ng katotohanang ito sa Bibliya hinggil sa personalidad ni Jehova? Depende sa materyal na iyong tinatalakay, maaari mong itanong: Kailan ito nangyari? Paano natin praktikal na maikakapit ngayon ang materyal na ito? Maaari mo pa ngang mapasigla ang iyong pagpapahayag sa pamamagitan ng pagtatanong at pagsagot sa ilan sa mga tanong na ito kapag nagpapahayag ka.
Ang iyong pahayag ay maaaring humiling sa iyo na gumamit ng mga kasulatan na pamilyar na sa iyong tagapakinig. Ano ang magagawa mo upang maging nakapagtuturo ang paggamit mo ng mga ito? Huwag mong basta basahin ang mga kasulatan; ipaliwanag ang mga ito.
Ang pagtalakay ng isang pamilyar na teksto ay maaaring maging higit na nakapagtuturo kung hahati-hatiin mo ang teksto, ibubukod ang mga bahaging kaugnay ng tema ng iyong pahayag at pagkatapos ay ipaliliwanag ang mga ito. Isaalang-alang kung paano maaaring gawin ito sa tekstong gaya ng Mikas 6:8 sa Bagong Sanlibutang Salin. Ano ang “katarungan”? Kaninong pamantayan ng katarungan ang tinatalakay? Paano mo ilalarawan kung ano ang kahulugan ng “magsagawa ng katarungan”? O “ibigin ang kabaitan”? Ano ang kahinhinan? Paano mo ikakapit ang materyal sa kaso ng isang taong may-edad na? Sabihin pa, ang materyal na iyong aktuwal na gagamitin ay dapat na depende sa mga salik gaya ng iyong tema, iyong tunguhin, iyong tagapakinig, at ng panahong nakalaan.
Ang simpleng katuturan ng mga termino ay kadalasang nakatutulong. Para sa ilang tao, nakapagbubukas ng isipan ang pagkaalam sa kahulugan ng “kaharian” na tinukoy sa Mateo 6:10. Ang pagpapaalaala ng isang katuturan ay maaaring makatulong maging sa isang matagal nang Kristiyano na maunawaan nang lalong tumpak kung ano ang aktuwal na sinasabi ng isang teksto. Nagiging maliwanag ito kapag ating binabasa ang 2 Pedro 1:5-8 at pagkatapos ay ibinibigay ang katuturan ng iba’t ibang puntong binanggit sa mga talatang iyon: pananampalataya, kagalingan, kaalaman, pagpipigil sa sarili, pagbabata, makadiyos na debosyon, pagmamahal na pangkapatid, at pag-ibig. Kapag ang mga salitang halos magkapareho ang kahulugan ay ginamit sa iisang konteksto, ang pagbibigay mo ng katuturan sa mga ito ay makatutulong upang maipakita ang pagkakaiba ng dalawang salita. Ito ay totoo sa mga terminong gaya ng karunungan, kaalaman, kaunawaan, at pagkaunawa na ginamit sa Kawikaan 2:1-6.
Maaaring maging nakapagtuturo sa iyong tagapakinig kung mangangatuwiran ka lamang sa isang teksto. Namamangha ang maraming tao kapag una nilang nabatid na sa Genesis 2:7 sa ilang salin ng Bibliya, si Adan ay sinasabing isang kaluluwang buháy at na ayon sa Ezekiel 18:4, ang mga kaluluwa ay namamatay. Minsan, ginulat ni Jesus ang mga Saduceo sa pamamagitan ng pagtukoy sa Exodo 3:6, na inaangkin nilang pinaniniwalaan, at pagkatapos ay ikinapit ito sa pagkabuhay-muli ng mga patay.—Luc. 20:37, 38.
Kung minsan ay nagbibigay-linaw kung ipapakita ang konteksto ng isang kasulatan, ang mga pangyayaring nakapalibot sa pagsulat, at kung sino ang tagapagsalita o ang tagapakinig. Alam na alam ng mga Pariseo ang Awit 110. Gayunman, inakay pa rin ni Jesus ang kanilang pansin sa isang mahalagang detalye na masusumpungan sa unang talata. Siya’y nagtanong: “ ‘Ano ang palagay ninyo tungkol sa Kristo? Kaninong anak siya?’ Sinabi nila sa kaniya: ‘Kay David.’ Sinabi niya sa kanila: ‘Paano nga, kung gayon, na si David sa ilalim ng pagkasi ay tinatawag siyang “Panginoon,” na sinasabi, “Sinabi ni Jehova sa aking Panginoon: ‘Umupo ka sa aking kanan hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa’ ”? Samakatuwid, kung si David ay tumatawag sa kaniya na “Panginoon,” paanong siya ay kaniyang anak?’ ” (Mat. 22:41-45) Kapag nangangatuwiran ka sa Kasulatan gaya ng ginawa ni Jesus, matutulungan mo ang mga tao na basahin ang Salita ng Diyos nang mas maingat.
Kapag binabanggit ng isang tagapagsalita ang panahon ng pagsulat ng isang aklat ng Bibliya o ang panahon nang maganap ang isang pangyayari, dapat din niyang ilarawan ang mga kalagayang umiiral noong panahong iyon. Sa gayong paraan, lalong mauunawaan ng tagapakinig ang kahalagahan ng aklat o ng pangyayari.
Ang mga paghahambing ay makatutulong upang maging higit na nakapagtuturo ang iyong sinasabi. Maaari mong ipakita ang pagkakaiba ng isang popular na paniniwala sa sinasabi ng Bibliya sa punto ring iyon. O maaari mong paghambingin ang dalawang magkaparehong ulat sa Bibliya. Mayroon bang mga pagkakaiba? Bakit? Ano ang ating matututuhan mula sa mga ito? Ang paggawa mo nito ay magbibigay sa iyong mga tagapakinig ng isang bagong pananaw sa paksa.
Kung ikaw ay naatasang tumalakay sa ilang aspekto ng Kristiyanong ministeryo, maaari mong pagandahin ang iyong presentasyon sa pamamagitan ng pagsisimula sa isang pangkalahatang pangmalas sa iyong paksa. Talakayin kung ano ang dapat gawin, kung bakit kailangang gawin iyon, at kung paano ito nauugnay sa ating pangkalahatang mga tunguhin bilang mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ay ipaliwanag kung saan, kailan, at kung paano isasagawa ang gawain.
Kumusta kung ang iyong pahayag ay humihiling na talakayin mo ang ilan sa “malalalim na bagay ng Diyos”? (1 Cor. 2:10) Kung magsisimula ka sa pamamagitan ng pagtukoy at pagpapaliwanag sa ilang mga susing punto ng paksa, ang mga detalye ay magiging higit na madaling maunawaan. At kung ikaw ay magtatapos sa pamamagitan ng isang maikling sumaryo ng iyong materyal, malamang na makadama ng kasiyahan ang iyong tagapakinig sapagkat talagang mayroon silang natutuhan.
Payo Hinggil sa Kristiyanong Pamumuhay. Ang iyong tagapakinig ay lalo nang makikinabang kung tutulungan mo silang makita kung paano kumakapit sa kanilang buhay ang impormasyon sa iyong pahayag. Habang sinusuri mo ang mga kasulatan sa iyong atas na materyal, itanong sa iyong sarili, ‘Bakit iningatan ang impormasyong ito sa Kasulatan hanggang sa ating kapanahunan?’ (Roma 15:4; 1 Cor. 10:11) Isipin ang mga situwasyon sa buhay na napapaharap sa iyong mga tagapakinig. Isaalang-alang ang mismong mga situwasyon sa liwanag ng payo at mga simulain sa Kasulatan. Sa iyong pahayag, mangatuwiran sa Kasulatan upang ipakita kung paano makatutulong ang mga ito sa isang tao para matalinong harapin ang gayong mga situwasyon. Iwasan ang malabo at walang katiyakang pananalita. Talakayin ang espesipikong mga saloobin at mga pagkilos.
Bilang pagsisimula, ikapit ang isa o dalawa sa mga mungkahi sa itaas sa pahayag na iyong inihahanda. Habang nadaragdagan ang iyong karanasan, ikapit ang iba pa sa mga ito. Sa kalaunan, masusumpungan mo na aasam-asamin ng tagapakinig ang iyong mga pahayag, na nagtitiwalang sila’y makaririnig ng mga bagay na talagang pakikinabangan nila.