MATINIK NA PALUMPONG
[sa Ingles, brier].
Ang matinik na palumpong ay isang halaman na ang tangkay ay makahoy at matinik, at maaaring ang pangalang ito ay tumutukoy sa maraming halaman na ganitong uri. Iniuugnay ng ilang iskolar ang terminong Hebreo na bar·qanimʹ (matitinik na palumpong) sa halaman na tinutukoy naman ng kaugnay na pangngalan sa Arabe, ang Centaurea scoparia, isang karaniwang tulad-dawag na halaman na may matitinik na uhay. Gumamit si Gideon ng bar·qanimʹ nang parusahan niya ang mga lalaki ng Sucot dahil sa pagtanggi ng mga ito na maglaan ng tinapay sa kaniyang nagugutom na mga kawal noong panahon ng kaniyang pakikipaglaban sa mga Midianita.—Huk 8:6, 7, 16.
Ang salitang Hebreo na cheʹdheq (matinik na palumpong) ay iniuugnay sa Solanum coagulans, ang gray nightshade, isang matinik na halaman. (Thesaurus of the Language of the Bible, bahagyang inedit ni M. Z. Kaddari, Jerusalem, 1968, Tomo 3, p. 88) Gamit ang terminong cheʹdheq, itinulad ng Kawikaan 15:19 ang landas ng taong tamad sa isang bakod na matinik na palumpong, waring sa diwa na iniisip-isip o ginuguni-guni niya ang mga balakid at tulad-tinik na mga problema sa bawat posible niyang gagawin, at batay roon ay nagdadahilan siya kung bakit hindi siya kikilos. Dahil sa moral na kabulukan ng bansang Israel, sinabi ng propetang si Mikas tungkol sa taong-bayan na ang “pinakamabuti sa kanila ay gaya ng matinik na palumpong [sa Heb., kecheʹdheq], ang pinakamatapat sa kanila ay masahol pa sa bakod na tinik,” maliwanag na nangangahulugang kahit ang pinakamabuti sa mga Israelita ay nakasasakit sa mga nakikitungo sa kaniya kung paanong ang isang nakatutusok na matinik na palumpong o ang isang bakod na tinik ay nakasasakit sa sinumang masyadong lumalapit dito.—Mik 7:4.