Mga Aral Mula sa Kasulatan: Mikas 1:1–7:20
Dinakila ang Katarungan at ang Pangalan ni Jehova
ANG propetang si Mikas ay nabuhay noong ikawalong siglo B.C.E., isang panahon ng idolatriya at kawalang-katarungan sa Israel at Juda. Ang mga kalagayan noon ay lubhang nahahawig sa mga umiiral na kalagayan sa ngayon na anupa’t ang mga mensahe ni Mikas at ang kaniyang mga babala ay kapit sa panahon natin. At ang positibong pabalita na kaniya ring iniharap ay nagbibigay sa atin ng tunay na pag-asa sa sanlibutang dominado ni Satanas.—1 Juan 5:19.
Ang mensahe ni Mikas ay marahil pinakamagaling na mabubuo sa sumusunod na tatlong kapahayagan: “Sa aba . . . ng mga namimihasa sa masama.” “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kung hindi ang gumawa nang may katarungan at ibigin ang kaawaan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?” “Kami, sa ganang amin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na aming Diyos . . . magpakailanman.”—Mikas 2:1; 6:8; 4:5.
Isinumpa ang Idolatriya
Hindi pinapayagan ni Jehova na ang mga manggagawa ng kasamaan ay manatili magpakailanman. Ang idolatriya at paghihimagsik ay palasak sa Israel at sa Juda. Sa gayon, si Jehova ay nagsisilbing isang saksi laban sa kanila. Ang kanilang mga imahen ay dudurugin. Ang mga sumasamba sa mga idolo ay ‘makakalbo na gaya ng isang agila’ at sila’y magdaranas ng pagkabihag.—1:1-16.
Para sa mga tapat, si Jehova ay mapatutunayang siyang Diyos ng pag-asa. Ang nagsasabuwatang mga maniniil ay isinumpa bilang mga magnanakaw at mga tulisan. Sila’y daratnan ng kapahamakan. Subalit pinangakuan ng pagsasauli sa dati “ang mga nalalabi sa Israel.” “Akin silang ilalagay na magkakasama, na parang isang kawan sa kulungan,” ang sabi ni Jehova.—2:1-13.
Inaasahan ni Jehova na katarungan ang laging susundin niyaong mga bumabalikat ng pananagutan sa gitna ng kaniyang bayan. Sa abusadong mga pinuno ng Israel, sinabi ito: “Hindi baga tungkulin ninyo na makaalam ng katarungan? Kayong mga napopoot sa mabuti at umiibig sa masama, na siyang umaagaw sa mga dukha ng balat nila at ng kanilang laman sa kanilang mga buto.” Si Mikas, “na may espiritu ni Jehova, at ng katarungan at kapangyarihan,” ay nagsasalita ng mga hatol ng Diyos laban sa kanila. Ang walang-katarungang mga pinuno, aniya, ay humahatol para tumanggap ng suhol, ang mga saserdote naman ay nagtuturo para makatanggap ng kita, at ang mga propeta ay nanghuhula para tumanggap ng salapi. Kaya naman, ang Jerusalem “ay magiging hamak na bunton ng kagibaan.”—3:1-12.
Isang Mensahe ng Pag-asa
Ang tunay na pagsamba ay iiral sa buong lupa. Si Mikas ay humula na “sa huling bahagi ng mga araw,” ang mga tao sa maraming bansa ay tuturuan sa mga daan ni Jehova. Ang Diyos ay maggagawad ng kahatulan, at hindi na magkakaroon ng digmaan. Ang mga tunay na mananamba ay ‘lalakad sa pangalan ni Jehova na kanilang Diyos magpakailanman.’ Bagaman sila’y napatapon at dumanas ng hirap, ang kaniyang bayan ay ililigtas buhat sa kamay ng kanilang mga kaaway.—4:1-13.
Tayo’y makapagtitiwala sa ipinangako ng Diyos na Tagapagligtas. Isang hari na manggagaling sa Bethlehem ang magsisilbing pastor na taglay ang lakas ni Jehova. Ang “Pagkaligtas buhat sa Asiryo” ay inihula. Isang nalabi ng mga tunay na mananamba ang magiging mistulang hamog na nakagiginhawa at saganang ulan, at lahat ng anyo ng huwad na relihiyon at demonismo ay bubunutin.—5:1-15.
Ang Katarungan ni Jehova ang Mananaig
Inaasahan ni Jehova na ang kaniyang bayan ay hindi hihiwalay sa kaniyang makatarungan at matuwid na mga pamantayan. Ano ba ang kaniyang nagawa upang ang iukol sa kaniya’y pagsambang di-nararapat? Mabubuting mga bagay ang nagawa niya para sa kaniyang bayan. ‘At ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang gumawa nang may katarungan, ibigin ang kaawaan, at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?’ Kung sila’y magpapatuloy sa kanilang balakyot na karahasan at pagsasamantala sa iba, wala silang maaasahan kundi ang kaniyang hatol na laban sa kanila.—6:1-16.
Tayo’y dapat magtiwala sa katarungan at kaawaan ni Jehova. Kahit na ang mga miyembro ng pamilya ay magiging magkakaaway. Subalit sinasabi ni Mikas: “Ako’y maghihintay sa Diyos ng aking kaligtasan. Diringgin ako ng aking Diyos.” Ang propeta ay nagtitiwala sa katarungan ni Jehova, sa pagkaalam na ang Diyos “ay tunay na hindi nagkikimkim ng kaniyang galit magpakailanman, sapagkat siya’y nalulugod sa maibiging-awa.”—7:1-20.
Mga aral para sa ngayon: Inaasahan ni Jehova na ang kaniyang bayan ay lalakad sa katarungan. Kung tungkol sa mga kaugalian sa negosyo, ganito ang kailangang itanong ng isang Kristiyano sa kaniyang sarili: “Magiging malinis baga ako sa masamang timbangan at sa magdarayang supot na panimbang?” (6:11) Sa mga huling araw na ito, lahat ng mga lingkod ni Jehova ay kailangang magkaroon ng bahagi sa pagkakaisa ng kaniyang makalupang organisasyon at tumanggap ng turo sa kaniyang mga daan ng kapayapaan. Dapat nating gawin ang lahat na maaaring gawin upang dakilain ang pangalan ni Jehova at itaguyod ang tunay na pagsamba sa kaniya.—2:12; 4:1-4.
[Kahon sa pahina 14]
MGA TEKSTO SA BIBLIYA NA SINURI
○ 1:16—Sa Israel, ang kakalbuhan ay iniuugnay sa kahihiyan, pagdadalamhati, at kahirapan. (Isaias 3:24-26; 15:2, 3; Jeremias 47:5) May mga bansang pagano na nakaugalian na ang pag-aahit ng kaniyang ulo sa panahon ng pamimighati sa isang namatay na kamag-anak. Samantalang ang likas na pagkakalbo ay hindi itinuturing na karumal-dumal sa ilalim ng Kautusan, ang mga Israelita ay pinagbabawalan na ahitin ang kanilang ulo kung namimighati sapagkat sila ay “isang bayang banal kay Jehova.” (Deuteronomio 14:1, 2) Gayunman, sinabi ni Mikas sa Israel at sa Juda na ahitin ang kanilang ulo dahilan sa kanilang makasalanang paglakad sa landas ng idolatriya na humantong sa kanilang pagkadiskuwalipikado bilang isang banal na bayan at sila at ang kanilang mga supling ay naging karapatdapat sa pagkabihag. Ang salitang Hebreo rito na isinaling “agila” ay marahil tumutukoy sa buwitreng griffon, na may kaunting batik na puti sa kaniyang ulo. Bagaman hindi kasing-uri ng agila, ito’y itinuturing na nasa kaparehong angkan.
○ 2:12—Ang mga salitang ito ay natutupad sa ngayon sa espirituwal na Israel. (Galacia 6:16) Lalo na simula noong 1919 pasulong, ang daan ay nilinis na upang ang pinahirang nalabi ay makatakas buhat sa pagkabihag nila sa relihiyosong Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 18:2) Gaya ng inihula ng Mikas, sila’y tinipon na ‘gaya ng kawan sa kulungan, gaya ng mga tupa sa pastulan.’ Ngayong sa kanila’y sumama sapol noong 1935 ang “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa,” sila nga ay naging “maingay dahil sa dami ng mga tao.”—Apocalipsis 7:9; Juan 10:16.
○ 3:1-3—Narito ang nakapagtatakang pagkakaiba ni Jehova, ang mabait na Pastol, at ang malulupit na pinuno ng kaniyang sinaunang bayan noong kaarawan ni Mikas. Ang mga ito ay nabigo sa utos sa kanila na ingatan ang kawan sa pamamagitan ng pagkakapit ng katarungan. May kalupitang pinagsamantalahan nila ang makasagisag na mga tupa hindi lamang sa pamamagitan ng pagnanakaw sa kanila kundi rin naman sa pamamagitan ng ‘paghuhubad sa kanila ng kanilang balat’—na mistulang mga lobo. Ang balakyot na mga pastol ay nagkakait ng katarungan sa mga mamamayan, sila’y hinihila sa “mga gawang pagbububo ng dugo.” (3:10) Sa pamamagitan ng likong paghatol, ang mga mahihina ay inaagawan ng kanilang mga tahanan at hanapbuhay.—2:2; ihambing ang Ezekiel 34:1-5.
○ 4:3—Itong “maraming bayan” at “makapangyarihang mga bansa” ay hindi yaong makapulitikang mga bansa at mga pamahalaan. Bagkus, ang mga ito ay mga indibiduwal buhat sa lahat ng bansa, mga taong humihiwalay na sa nasyonalismo at bumabaling sa nagkakaisang paglilingkod sa bundok ni Jehova ng tunay na pagsamba. (Isaias 2:2-4) Si Jehova ay ‘naggagawad ng kahatulan at kaniyang itinutuwid ang mga bagay-bagay’ sa espirituwal na paraan para sa mga mananampalatayang ito na naninindigan sa panig ng Kaharian ng Diyos. Ang mga taong ito na kabilang sa “malaking pulutong” ay umaayon sa mga banal na kahatulan, ang kanilang mga tabak ay pinupukpok upang maging mga sudsod at sa gayo’y namumuhay na may pakikipagpayapaan sa kanilang mga kapuwa Saksi ni Jehova.
○ 5:2—Marahil Bethlehem Ephrathah ang ikinapit na pangalan diyan sapagkat may dalawang bayan na Bethlehem ang pangalan. Ang isang nasa Juda, na nasa timog lamang ng Jerusalem, ay ipinakikilala ni Mikas. Yaon namang isa pa ay nasa gawing itaas sa hilaga, nasa Zebulun. (Josue 19:10, 15) “Ephrathah,” o “Ephrath,” ang isang sinaunang pangalan para sa Bethlehem sa Juda o sa lugar na nasa palibot nito. (Genesis 48:7; Ruth 4:11) Ang gayong detalyadong pagpapakilala ay nagdiriin sa kawastuan ng makahulang mga pangako ng Diyos tungkol sa Mesiyas.
○ 6:8—Hindi minamaliit ni Mikas ang halaga ng mga hain na nagtatakip-kasalanan kundi kaniyang itinatampok ang tunay na mahalaga sa paningin ni Jehova. (Ihambing ang Deuteronomio 10:12.) Upang ang mga hain ay maging kalugud-lugod kay Jehova, ang mga makasalanan ay kailangang magpakita ng mga katangian ng katarungan, maibiging-awa, at kahinhinan. Sa ngayon, ganiyan din ang hinahanap ni Jehova sa ating paglilingkod.—1 Corinto 13:4-8.
○ 7:4—Ang mga dawag at ang mga halamang matitinik ay maaaring makapilas ng damit at makasugat sa laman. Dito’y inilalarawan ni Mikas ang pagkabulok ng moral ng bansa noong kaniyang kaarawan. Kaya maliwanag na ang ibig niyang tukuyin dito’y kahit na ang pinakamagagaling sa gitna ng suwail na mga Israelita ay nakapipinsala o nakasasakit na gaya ng dawag o matitinik na halaman sa kaninumang lalapit nang napakalapit.
[Larawan sa pahina 15]
Inihula ni Mikas ang sisilangan kay Jesus