“Ako ay Sumasainyo”
“[Ang] mensahero ni Jehova ay nagsabi sa bayan: . . . ‘ “Ako ay sumasainyo,” ang sabi ni Jehova.’ ”—HAGAI 1:13.
1. Anong mga pangyayari ang tinukoy ni Jesus na katulad ng inihulang magaganap sa ating panahon?
NABUBUHAY tayo ngayon sa isang napakahalagang panahon sa kasaysayan. Gaya ng pinatutunayan ng katuparan ng hula sa Bibliya, tayo ay nasa “araw [na] ng Panginoon” mula pa noong 1914. (Apocalipsis 1:10) Malamang na napag-aralan mo na ang paksang ito, kaya alam mong inihambing ni Jesus ang “mga araw ng Anak ng tao” taglay ang kapangyarihan ng Kaharian sa “mga araw ni Noe” at sa “mga araw ni Lot.” (Lucas 17:26, 28) Sa gayon ay ipinahihiwatig ng Bibliya na ang mga pangyayaring ito ay katulad ng inihulang magaganap sa ating panahon. Pero may isa pang katulad na pangyayaring nararapat nating pag-ukulan ng matamang pansin.
2. Ano ang iniatas ni Jehova kina Hagai at Zacarias?
2 Isaalang-alang natin ang kalagayang umiral noong panahon ng mga propetang Hebreo na sina Hagai at Zacarias. Anong mensahe ang ibinigay ng dalawang tapat na propetang iyon na malinaw na kumakapit sa bayan ni Jehova sa ating panahon? Sina Hagai at Zacarias ay naging mga “mensahero ni Jehova” sa mga Judio pagkabalik ng mga ito mula sa pagkabihag sa Babilonya. Sila ay inatasan upang bigyang-katiyakan ang mga Israelita na tutulungan sila ng Diyos sa muling pagtatayo ng templo. (Hagai 1:13; Zacarias 4:8, 9) Bagaman maiikli lamang ang mga aklat na isinulat nina Hagai at Zacarias, ang mga ito ay bahagi pa rin ng “lahat ng Kasulatan [na] kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.”—2 Timoteo 3:16.
Dapat Bigyang-Pansin ang mga Ito
3, 4. Bakit tayo dapat maging interesado sa mga mensahe nina Hagai at Zacarias?
3 Walang alinlangan, ang mga mensahe nina Hagai at Zacarias ay kapaki-pakinabang sa mga Judio noong panahon nila, at ang mga hula nilang iyon ay natupad na rin noon. Kung gayon, bakit tayo makatitiyak na may kaugnayan sa ating panahon ang dalawang aklat na ito? Ang isang patotoo nito ay nasa Hebreo 12:26-29. Doon ay sinipi ni apostol Pablo ang mga salita sa Hagai 2:6, kung saan sinasabing ‘uugain ng Diyos ang langit at ang lupa.’ Sa dakong huli, ang pag-ugang ito ay hahantong sa ‘pagbagsak ng trono ng mga kaharian at paglipol sa lakas ng mga kaharian ng mga bansa.’—Hagai 2:22.
4 Sa pagsipi sa Hagai, sinabi ni Pablo kung ano ang mangyayari sa “mga kaharian ng mga bansa” at binanggit niya ang kahigitan ng di-matitinag na Kaharian na tatanggapin ng mga pinahirang Kristiyano. (Hebreo 12:28) Makikita mo rito na ang mga hula nina Hagai at Zacarias ay matutupad hindi sa panahon nang isulat ang aklat ng Mga Hebreo noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon kundi sa hinaharap pa. Naririto pa rin sa lupa sa ngayon ang nalabi ng mga pinahirang Kristiyano, mga tagapagmana ng Mesiyanikong Kaharian kasama ni Jesus. Kaya tiyak na mahalaga sa ating panahon ang mga aklat ng Hagai at Zacarias.
5, 6. Anong mga pangyayari ang naging dahilan ng paghula nina Hagai at Zacarias?
5 Ang aklat ng Ezra ay may makasaysayang impormasyon tungkol dito. Nang makabalik ang mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonya noong 537 B.C.E., pinangasiwaan ni Gobernador Zerubabel at ng mataas na saserdoteng si Josue (o Jesua) ang paglalatag ng pundasyon ng bagong templo noong 536 B.C.E. (Ezra 3:8-13; 5:1) Naging dahilan iyan ng malaking pagsasaya. Subalit di-nagtagal, natakot ang mga Judio. Sinabi ng Ezra 4:4 na “patuloy na pinanghihina ng mga tao ng lupain [mga kaaway] ang mga kamay ng bayan ng Juda at sinisiraan sila ng loob sa pagtatayo.” Ang mga kaaway na iyon, partikular na ang mga Samaritano, ay kumatha ng maling mga paratang laban sa mga Judio. Hinikayat ng mga mananalansang na ito ang hari ng Persia na ipagbawal ang pagtatayo ng templo.—Ezra 4:10-21.
6 Naglaho ang dating siglang taglay nila noong pinasisimulan pa lamang ang paggawa ng templo. Bumaling ang mga Judio sa personal na mga tunguhin. Gayunman, noong 520 B.C.E., 16 na taon matapos ilatag ang pundasyon ng templo, isinugo ni Jehova sina Hagai at Zacarias upang pasiglahin ang bayan na ituloy ang paggawa ng templo. (Hagai 1:1; Zacarias 1:1) Palibhasa’y napasigla ng mga mensahero ng Diyos at nabigyan ng malinaw na ebidensiya ng suporta ni Jehova, itinuloy ng mga Judio ang paggawa ng templo at natapos ito noong 515 B.C.E.—Ezra 6:14, 15.
7. Anong pangyayari sa makabagong panahon ang katulad ng kalagayan noong panahon ng mga propeta?
7 Alam mo ba kung ano ang kahulugan ng lahat ng ito para sa atin? Mayroon tayong dapat gawin may kaugnayan sa pangangaral ng ‘mabuting balita ng kaharian.’ (Mateo 24:14) Ang gawaing iyan ay lalo nang idiniin pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I. Kung paanong pinalaya mula sa literal na pagkabihag sa Babilonya ang sinaunang mga Judio, pinalaya rin ang makabagong-panahong bayan ni Jehova mula sa pagkabihag sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Nagpagal ang mga pinahiran ng Diyos sa pangangaral, pagtuturo, at pag-akay sa mga tao sa tunay na pagsamba. Nagpapatuloy sa ngayon ang gawaing iyan sa mas malawak na antas, at malamang na nakikibahagi ka sa gawaing ito. Ngayon na ang panahon para gawin ito, yamang malapit na ang kawakasan ng balakyot na sistemang ito! Ang gawaing ito na iniatas ng Diyos ay dapat na magpatuloy hanggang sa mamagitan si Jehova sa gawain ng mga tao sa “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21) Sa panahong iyon, aalisin ang lahat ng kasamaan at lubusang matatatag ang tunay na pagsamba sa buong lupa.
8. Bakit tayo makapagtitiwala sa suporta ng Diyos sa ating gawain?
8 Gaya ng ipinakikita ng mga hula nina Hagai at Zacarias, makatitiyak tayo sa suporta at pagpapala ni Jehova habang taos-puso tayong nakikibahagi sa gawaing ito. Sa kabila ng pagsisikap ng ilan na pigilan ang mga lingkod ng Diyos o ipagbawal ang kanilang gawain, walang pamahalaan ang nakahadlang sa pagsulong ng gawaing pag-eebanghelyo. Isip-isipin kung paano pinasulong ni Jehova ang gawaing pang-Kaharian sa loob ng maraming dekada pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I at hanggang sa panahon natin. Pero marami pa ring dapat gawin.
9. Anong kalagayan noon ang dapat nating bigyang-pansin, at bakit?
9 Paano tayo higit na mapasisigla ng natutuhan natin sa Hagai at Zacarias na sundin ang utos ng Diyos na mangaral at magturo? Buweno, bigyang-pansin natin ang ilan sa mga aral na matututuhan natin sa dalawang aklat na ito ng Bibliya. Halimbawa, suriin natin ang ilang detalyeng may kaugnayan sa pagtatayo ng templo na isasagawa ng nagsibalik na mga Judio. Gaya ng nabanggit na, hindi ipinagpatuloy ng mga Judiong bumalik sa Jerusalem mula sa Babilonya ang paggawa ng templo. Matapos nilang mailatag ang pundasyon, naging makupad sila sa paggawa. Anong maling pananaw ang tinaglay nila? At ano ang matututuhan natin dito?
Taglayin ang Tamang Pangmalas
10. Anong maling pangmalas ang tinaglay ng mga Judio, at ano ang naging resulta?
10 Sinasabi ng nagsibalik na mga Judio: “Ang panahon ay hindi pa dumarating.” (Hagai 1:2) Nang pasimulan nila ang pagtatayo ng templo at paglalatag ng pundasyon nito noong 536 B.C.E., hindi nila sinasabing “ang panahon ay hindi pa dumarating.” Pero di-nagtagal, hinayaan nilang maapektuhan sila ng pagsalansang ng kalapit na mga bayan at ng pakikialam ng pamahalaan. Binigyan ng mga Judio ng higit na pansin ang kanilang sariling mga bahay at kaalwanan. Yamang nakikita ang kaibahan ng kanilang pribadong tahanan na may mga entrepanyong gawa sa kahoy na maganda ang kalidad at ng di-natapos na templo, nagtanong si Jehova: “Ito ba ang panahon upang tumahan kayo sa inyong mga bahay na may mga entrepanyo, samantalang ang bahay na ito ay giba?”—Hagai 1:4.
11. Bakit kailangang payuhan ni Jehova ang mga Judio noong panahon ni Hagai?
11 Oo, nagbago ang mga priyoridad ng mga Judio. Sa halip na panatilihing pangunahin sa kanilang buhay ang layunin ni Jehova na itayong muli ang templo, ang bayan ng Diyos ay nagtuon ng pansin sa kanilang sarili at sa kanilang mga tirahan. Napabayaan ang paggawa sa bahay ng pagsamba sa Diyos. Ang salita ni Jehova na nakaulat sa Hagai 1:5 ay nagpasigla sa mga Judio na ‘ituon ang kanilang puso sa kanilang mga lakad.’ Sinabi sa kanila ni Jehova na huminto muna at bulay-bulayin ang kanilang ginagawa at pag-isipan kung paano sila naaapektuhan dahil hindi nila inuuna sa kanilang buhay ang pagtatayo ng templo.
12, 13. Paano inilalarawan ng Hagai 1:6 ang situwasyon ng mga Judio, at ano ang kahulugan ng talatang iyan?
12 Gaya ng maguguniguni mo, personal na naapektuhan ang mga Judio dahil sa kanilang maling mga priyoridad. Pansinin ang pananaw ng Diyos na ipinahayag sa Hagai 1:6: “Naghasik kayo ng maraming binhi, ngunit ang ipinapasok ay kakaunti. May kainan, ngunit hindi hanggang sa mabusog. May inuman, ngunit hindi hanggang sa malango. May pagsusuot ng mga damit, ngunit walang sinumang umiinit; at siya na nagpapaupa ay nagpapaupa kapalit ng isang supot na may mga butas.”
13 Bagaman ang mga Judio ay naninirahan sa lupaing ibinigay sa kanila ng Diyos, hindi ito nagluluwal ng bunga na kagaya ng kanilang inaasam. Ipinagkait ni Jehova ang kaniyang pagpapala, gaya ng patiunang ibinabala niya. (Deuteronomio 28:38-48) Palibhasa’y wala ang suporta niya, ang mga Judio ay naghasik ng binhi pero kakaunti ang ani at walang sapat na pagkain upang masiyahan sila. Yamang wala ang kaniyang pagpapala, hindi nila madamtan ang kanilang sarili ng mga kasuutang pantaglamig. Wari pa ngang ang salaping kinikita nila ay napupunta lamang sa isang supot na punô ng mga butas, anupat hindi sila nakikinabang. Ano naman ang ibig sabihin ng pananalitang: “May inuman, ngunit hindi hanggang sa malango”? Tiyak na hindi nito ipinahihiwatig na ang paglalasing ay patotoo ng pagpapala ng Diyos; hinahatulan niya ang paglalasing. (1 Samuel 25:36; Kawikaan 23:29-35) Sa halip, ito ay isa pang kapahayagan na wala ang pagpapala ng Diyos sa mga Judio. Limitado lamang ang anumang alak na nagagawa nila at hindi sapat upang sila ay malango. Ganito ang pagkakasalin ng Magandang Balita Biblia sa Hagai 1:6: “Umiinom kayo ngunit hindi nasisiyahan.”
14, 15. Anong aral ang matututuhan natin mula sa Hagai 1:6?
14 Hindi tungkol sa pagpapaganda ng bahay ang aral na matututuhan natin dito. Matagal na panahon bago ang pagkatapon sa Babilonya, sinaway ni propeta Amos ang mayayaman sa Israel dahil sa kanilang “mga bahay na garing” at sa kanilang ‘paghiga sa mga higaang garing.’ (Amos 3:15; 6:4) Hindi rin naman nagtagal ang magagandang bahay at mararangyang muwebles. Sinamsam lamang ang mga ito ng mga kaaway na manlulupig. Subalit pagkalipas ng maraming taon, matapos ang kanilang pagiging tapon sa loob ng 70 taon, marami sa bayan ng Diyos ang hindi pa rin natuto rito. Kumusta naman tayo? Angkop lamang na tanungin natin ang ating sarili: ‘Sa totoo lang, gaano kalaki ang pagpapahalaga ko sa aking bahay at sa pagpapaganda rito? Kumusta naman ang pagpaplano hinggil sa karagdagang edukasyon upang itaguyod ang isang karera, bagaman ang paggawa nito ay mangangahulugan ng pagkuha ng malaking panahon sa loob ng maraming taon, anupat matatabunan na nito ang mahahalagang pitak ng aking espirituwalidad?’—Lucas 12:20, 21; 1 Timoteo 6:17-19.
15 Sa nabasa natin sa Hagai 1:6, dapat nating isipin na kailangan natin sa ating buhay ang pagpapala ng Diyos. Hindi ito tinaglay ng mga Judio noon, na ikinapahamak nila. Sagana man tayo sa materyal na mga bagay o hindi, tiyak na mapapahamak tayo sa espirituwal kung wala sa atin ang pagpapala ni Jehova. (Mateo 25:34-40; 2 Corinto 9:8-12) Subalit paano natin matatamo ang pagpapalang iyan?
Tumutulong si Jehova sa Pamamagitan ng Kaniyang Espiritu
16-18. Batay sa naganap noon, ano ang kahulugan ng Zacarias 4:6?
16 Kinasihan si Zacarias, kapuwa propeta ni Hagai, na idiin ang mismong paraan na ginamit ni Jehova upang pakilusin at pagpalain ang mga tapat noon. At ipinakikita nito kung paanong ikaw rin ay pagpapalain niya. Mababasa natin: “ ‘Hindi sa pamamagitan ng hukbong militar, ni sa pamamagitan man ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Zacarias 4:6) Madalas mo na sigurong marinig na sinisipi ang talatang ito, pero ano kaya ang kahulugan nito sa mga Judio noong panahon nina Hagai at Zacarias, at ano naman ang kahalagahan nito sa iyo?
17 Alalahanin mo na may napakainam na epekto ang kinasihang mga salita nina Hagai at Zacarias noong panahong iyon. Ang sinabi ng dalawang propetang ito ay nagpasigla sa tapat na mga Judio. Nagsimulang humula si Hagai noong ikaanim na buwan ng taóng 520 B.C.E. Nagsimula namang humula si Zacarias noong ikawalong buwan ng taóng iyon. (Zacarias 1:1) Gaya ng makikita mo sa Hagai 2:18, itinuloy ang masikap na paggawa sa pundasyon noong ikasiyam na buwan. Kaya napasiglang kumilos ang mga Judio, at sinunod nila si Jehova taglay ang pagtitiwalang susuportahan Niya sila. Binabanggit sa Zacarias 4:6 ang pagsuporta ng Diyos.
18 Nang bumalik ang mga Judio sa kanilang sariling lupain noong 537 B.C.E., wala silang hukbong militar. Subalit ipinagsanggalang sila at pinatnubayan ni Jehova sa kanilang paglalakbay mula sa Babilonya. At ang kaniyang espiritu ang gumagabay sa mga bagay-bagay nang pasimulan nila ang paggawa ng templo di-nagtagal pagkabalik nila. Kung muli silang gagawa nang masikap, susuportahan niya sila sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu.
19. Anong malakas na impluwensiya ang nadaig ng espiritu ng Diyos?
19 Sa pamamagitan ng walong sunud-sunod na pangitain, tiniyak kay Zacarias na si Jehova ay sasakaniyang bayan na may-katapatang gagawa sa templo hanggang sa matapos ito. Ipinakikita ng ikaapat na pangitaing nakaulat sa kabanata 3 na si Satanas ay aktibo sa pagsalansang sa pagsisikap ng mga Judio na tapusin ang pagtatayo ng templo. (Zacarias 3:1) Tiyak na hindi malulugod si Satanas na makita ang mataas na saserdoteng si Josue na naglilingkod sa bagong templo alang-alang sa bayan. Bagaman aktibo ang Diyablo sa paghadlang sa mga Judio na maitayo ang templo, ang espiritu ni Jehova ay gaganap ng mahalagang papel sa pag-aalis sa mga balakid at sa pagpapalakas sa mga Judio na magpatuloy sa paggawa hanggang sa matapos ang templo.
20. Paano tinulungan ng banal na espiritu ang mga Judio na tuparin ang kalooban ng Diyos?
20 Waring may isang gabundok na balakid ng pagsalansang mula sa mga opisyal ng pamahalaan na nakagawa ng paraan upang ipagbawal ang gawain. Subalit nangako si Jehova na ang tila “bundok” na ito ay maaalis at magiging “patag na lupain.” (Zacarias 4:7) At gayon nga ang nangyari! Nag-imbestiga si Haring Dario I at natuklasan ang utos ni Ciro na nagpapahintulot sa mga Judio na muling itayo ang templo. Kaya pinawalang-bisa ni Dario ang pagbabawal at iniutos na bigyan ng salapi mula sa maharlikang ingatang-yaman ang mga Judio upang makatulong sa mga gastusin sa paggawa. Nabaligtad ang mga pangyayari! May ginampanan bang papel dito ang banal na espiritu ng Diyos? Makatitiyak tayo na mayroon nga. Natapos ang templo noong 515 B.C.E., ang ikaanim na taon ng paghahari ni Dario I.—Ezra 6:1, 15.
21. (a) Noong sinaunang panahon, paano ‘inuga ng Diyos ang lahat ng mga bansa,’ at paano lumabas ang “mga kanais-nais na bagay”? (b) Ano ang makabagong-panahong katuparan nito?
21 Sa Hagai 2:5, ipinaalaala ng propeta sa mga Judio ang pakikipagtipan ng Diyos sa kanila sa Bundok Sinai nang “ang buong bundok ay yumayanig nang malakas.” (Exodo 19:18) Noong panahon nina Hagai at Zacarias, inihulang gagawa na naman si Jehova ng pag-uga, gaya ng inilarawan ng makasagisag na pananalita ng talata 6 at 7. Ang kalagayan sa Imperyo ng Persia ay magiging maligalig, pero ang gawain sa templo ay magpapatuloy hanggang sa matapos ito. Sa dakong huli, ang mga di-Judio, “mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa,” ay luluwalhati sa Diyos kasama ng mga Judio sa dakong iyon ng pagsamba. Sa mas malaking katuparan sa ating panahon, ‘inuga ng Diyos ang mga bansa’ sa pamamagitan ng ating Kristiyanong pangangaral, at ang “mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa” ay pumapasok na sa pagsamba sa Diyos kasama ng pinahirang nalabi. Oo, magkasama ang pinahiran at ang ibang mga tupa sa pagpunô ng kaluwalhatian sa bahay ni Jehova sa ngayon. Taglay ang pananampalataya, hinihintay ng tunay na mga mananambang iyon ang panahon na ‘uugain ni Jehova ang langit at ang lupa’ sa naiibang diwa. Ito’y upang ibagsak at lipulin ang lakas ng mga kaharian ng mga bansa.—Hagai 2:22.
22. Paano ‘inuuga’ ang mga bansa, ano ang resulta nito, at ano ang magaganap sa hinaharap?
22 Ipinaaalaala sa atin nito ang kaligaligang naganap sa iba’t ibang elementong isinasagisag ng ‘langit, lupa, dagat at tuyong lupa.’ Isa na rito ang pagbubulid kay Satanas na Diyablo at sa kaniyang mga demonyo sa lupa. (Apocalipsis 12:7-12) Karagdagan pa, ang pangangaral na pinangungunahan ng mga pinahiran ng Diyos ay tiyak na umuuga sa makalupang mga elemento ng sistemang ito ng mga bagay. (Apocalipsis 11:18) Sa kabila nito, “isang malaking pulutong” ng mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa ang sumama sa espirituwal na Israel sa paglilingkod kay Jehova. (Apocalipsis 7:9, 10) Ang malaking pulutong ay gumagawang kasama ng mga pinahirang Kristiyano sa pangangaral ng mabuting balita tungkol sa napipintong pag-uga ng Diyos sa mga bansa sa Armagedon. Ang pangyayaring iyan ang magbubukas ng daan upang mapasakdal ang tunay na pagsamba sa buong lupa.
Naaalaala Mo Ba?
• Kailan at sa anong mga kalagayan humula sina Hagai at Zacarias?
• Paano mo maikakapit ang mensaheng ibinigay nina Hagai at Zacarias?
• Bakit nakapagpapasigla sa iyo ang Zacarias 4:6?
[Mga larawan sa pahina 20]
Tinitiyak sa atin ng mga isinulat nina Hagai at Zacarias ang suporta ng Diyos
[Larawan sa pahina 23]
“Ito ba ang panahon upang tumahan kayo sa inyong mga bahay na may mga entrepanyo, samantalang ang bahay na ito ay giba?”
[Larawan sa pahina 24]
Nakikibahagi ang bayan ni Jehova sa pag-abot sa ‘mga kanais-nais na bagay ng mga bansa’