Si Jehova ay Nagbibigay ng Saganang Kapayapaan at Katotohanan
“Aking pagagalingin sila at isisiwalat sa kanila ang saganang kapayapaan at katotohanan.”—JEREMIAS 33:6.
1, 2. (a) Hinggil sa kapayapaan, ano ang rekord ng mga bansa? (b) Noong 607 B.C.E., anong leksiyon ang itinuro ni Jehova sa Israel tungkol sa kapayapaan?
KAPAYAPAAN! Kanais-nais nga iyan, gayunma’y bihirang-bihira sa kasaysayan ng tao! Ang ika-20 siglo, lalo na, ay hindi naging isang siglo ng kapayapaan. Sa halip, naranasan nito ang dalawa sa pinakamapangwasak na digmaan sa kasaysayan ng tao. Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig, itinatag ang Liga ng mga Bansa upang panatilihin ang kapayapaan sa daigdig. Nabigo ang organisasyong iyan. Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, itinatag ang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa sa gayunding layunin. Ang kailangan lamang ay basahin natin ang pang-araw-araw na mga pahayagan upang makita na ito rin ay lubusang nabibigo.
2 Dapat ba nating ipagtaka na ang mga organisasyon ng tao ay hindi nakapagpapairal ng kapayapaan? Hindi naman. Mahigit na 2,500 taon na ang nakalipas, tinuruan ng leksiyon ang piniling bayan ng Diyos, ang Israel, hinggil dito. Noong ikapitong siglo B.C.E., ang kapayapaan ng Israel ay pinagbantaan ng bumangong pandaigdig na kapangyarihan, ang Babilonya. Bumaling ang Israel sa Ehipto ukol sa kapayapaan. Nabigo ang Ehipto. (Jeremias 37:5-8; Ezekiel 17:11-15) Noong 607 B.C.E., niwasak ng mga hukbo ng Babilonya ang mga pader ng Jerusalem at sinunog nila ang templo ni Jehova. Sa gayo’y natutuhan ng Israel sa masaklap na paraan ang kawalang-saysay ng paglalagak ng pag-asa sa mga organisasyon ng tao. Sa halip na tamasahin ang kapayapaan, ang bansa ay sapilitang napatapon sa Babilonya.—2 Cronica 36:17-21.
3. Bilang katuparan ng mga salita ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias, anong makasaysayang mga pangyayari ang nagturo sa Israel ng ikalawang mahalagang leksiyon tungkol sa kapayapaan?
3 Gayunman, bago bumagsak ang Jerusalem, isiniwalat ni Jehova na siya, hindi ang Ehipto, ang magdadala ng tunay na kapayapaan sa Israel. Sa pamamagitan ni Jeremias ay ipinangako niya: “Aking pagagalingin sila at isisiwalat sa kanila ang saganang kapayapaan at katotohanan. At aking ibabalik ang mga bihag ng Juda at ang mga bihag ng Israel, at aking itatayo sila gaya noong pasimula.” (Jeremias 33:6, 7) Nagsimulang matupad ang pangako ni Jehova noong 539 B.C.E. nang masakop ang Babilonya at ialok ang kalayaan sa mga napatapong Israelita. (2 Cronica 36:22, 23) Nang bandang katapusan ng 537 B.C.E., isang grupo ng mga Israelita ang nagdiwang ng Kapistahan ng mga Kubol sa lupain ng Israel sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 70 taon! Pagkatapos ng kapistahan, sinimulan nilang itayong-muli ang templo ni Jehova. Ano ang nadama nila tungkol dito? Sinasabi ng ulat: “Sila’y sumigaw ng malakas na sigaw sa pagpuri kay Jehova dahil sa pagkalatag ng pundasyon ng bahay ni Jehova.”—Ezra 3:11.
4. Papaano pinukaw ni Jehova ang mga Israelita upang gawin ang pagtatayo ng templo, at ano ang ipinangako niya tungkol sa kapayapaan?
4 Subalit pagkatapos ng maligayang pasimulang iyan, ang mga Israelita ay nasiraan ng loob dahil sa mga mananalansang at itinigil nila ang pagtatayo ng templo. Pagkaraan ng ilang taon, ibinangon ni Jehova ang mga propetang sina Hagai at Zacarias upang pukawin ang Israel na tapusin ang muling pagtatayo. Ano ngang laking tuwa nila nang marinig si Hagai na magsabi hinggil sa templo na itatayo: “ ‘Ang kaluwalhatian ng huling bahay na ito ay magiging mas dakila kaysa sa nauna,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo. ‘At ang dakong ito ay pagkakalooban ko ng kapayapaan’ ”!—Hagai 2:9.
Tinutupad ni Jehova ang Kaniyang mga Pangako
5. Ano ang kapansin-pansin tungkol sa ikawalong kabanata ng Zacarias?
5 Sa aklat ng Bibliya na Zacarias, mababasa natin ang maraming kinasihang pangitain at mga hula na nagpalakas sa bayan ng Diyos noong ikaanim na siglo B.C.E. Ang mga hula ring ito ay patuloy na tumitiyak sa atin ng suporta ni Jehova. Binibigyan tayo ng mga ito ng lahat ng dahilan upang maniwala na pagkakalooban din ni Jehova ng kapayapaan ang kaniyang bayan sa ating kaarawan. Halimbawa, sa ikawalong kabanata ng aklat na may pangalan niya, sampung ulit na binigkas ni propeta Zacarias ang mga salitang: ‘Ito ang sinabi ni Jehova.’ Sa bawat pagkakataon, ang pananalita ay nagpapakilala ng banal na kapahayagan na may kinalaman sa kapayapaan ng bayan ng Diyos. Natupad ang ilan sa mga pangakong ito noong kaarawan ni Zacarias. Lahat ay natupad o natutupad sa ngayon.
“Ako’y Maninibugho Para sa Sion”
6, 7. Sa anu-anong paraan si Jehova ay ‘nanibugho para sa Sion taglay ang matinding galit’?
6 Ang pananalita ay unang lumilitaw sa Zacarias 8:2, kung saan ay mababasa natin: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Ako’y maninibugho para sa Sion taglay ang matinding paninibugho, at taglay ang matinding galit ako ay maninibugho para sa kaniya.’ ” Ang pangako ni Jehova na maging mapanibughuin, magkaroon ng matinding sigasig, para sa kaniyang bayan ay nangangahulugan na siya ay magiging mapagbantay sa pagpapanumbalik ng kanilang kapayapaan. Katunayan ng sigasig na iyan ang pagsasauli ng Israel sa kaniyang lupain at ang pagtatayong muli ng templo.
7 Subalit kumusta naman yaong sumalansang sa bayan ni Jehova? Ang kaniyang sigasig para sa kaniyang bayan ay mapapantayan ng kaniyang “matinding galit” sa mga kaaway na ito. Kapag ang tapat na mga Judio ay sumasamba sa naitayo-muling templo, magugunita nila ang kinahinatnan ng makapangyarihang Babilonya, na ngayo’y bumagsak na. Maiisip din nila ang ganap na kabiguan ng mga kaaway na nagtangkang hadlangan ang muling pagtatayo ng templo. (Ezra 4:1-6; 6:3) At mapasasalamatan nila si Jehova na tinupad niya ang kaniyang pangako. Nagdulot sa kanila ng tagumpay ang kaniyang sigasig!
“Ang Lunsod ng Pagiging Totoo”
8. Noong mga kaarawan ni Zacarias, papaano magiging isang lunsod ng pagiging totoo ang Jerusalem kung ihahambing sa mga naunang panahon?
8 Sa ikalawang pagkakataon ay sumulat si Zacarias: “Ito ang sinabi ni Jehova.” Ano ang mga salita ni Jehova sa pagkakataong ito? “Babalik ako sa Sion at mananahan sa gitna ng Jerusalem; at ang Jerusalem ay tiyak na tatawaging ang lunsod ng pagiging totoo, at ang bundok ni Jehova ng mga hukbo, ang bundok na banal.” (Zacarias 8:3) Bago ang 607 B.C.E., ang Jerusalem ay talaga namang hindi isang lunsod ng pagiging totoo. Tiwali ang kaniyang mga saserdote at mga propeta, at di-tapat ang kaniyang mga mamamayan. (Jeremias 6:13; 7:29-34; 13:23-27) Ngayon ay muling itinatayo ng bayan ng Diyos ang templo, anupat nagpapakita ng kanilang katapatan sa dalisay na pagsamba. Sa diwa si Jehova ay muling nanahan sa Jerusalem. Ang mga katotohanan ng dalisay na pagsamba ay muling sinasalita sa kaniya, kaya ang Jerusalem ay matatawag na “ang lunsod ng pagiging totoo.” Ang kaniyang matayog na kinaroroonan ay matatawag na “ang bundok ni Jehova.”
9. Anong pambihirang pagbabago ng kalagayan ang naranasan ng “Israel ng Diyos” noong 1919?
9 Samantalang ang dalawang kapahayagang ito ay makahulugan sa sinaunang Israel, ang mga ito ay mayroon ding malaking kahulugan para sa atin habang papatapos na ang ika-20 siglo. Halos 80 taon na ang nakalilipas, noong unang digmaang pandaigdig, ang ilang libong pinahiran na noo’y kumakatawan sa “Israel ng Diyos” ay naging bihag sa espirituwal na diwa, gaya noong dalhing bihag ang sinaunang Israel sa Babilonya. (Galacia 6:16) Sa makahulang paraan, sila’y inilarawan bilang mga bangkay na nakahandusay sa daan. Gayunman, taimtim ang hangarin nila na sambahin si Jehova “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Kaya naman, noong 1919, pinalaya sila ni Jehova mula sa pagkabihag, anupat ibinangon sila mula sa kanilang kalagayang patay sa espirituwal. (Apocalipsis 11:7-13) Sa gayo’y sumagot si Jehova ng malakas na Oo sa makahulang tanong ni Isaias: “Mailuluwal ba nang may kirot ng panganganak ang isang lupain sa isang araw? O maisisilang ba ang isang bansa sa isang pagkakataon?” (Isaias 66:8) Noong 1919, muli na namang umiral ang bayan ni Jehova bilang isang espirituwal na bansa sa kanilang sariling “lupain,” o espirituwal na kalagayan sa lupa.
10. Pasimula noong 1919, anong mga pagpapala ang tinatamasa ng mga pinahirang Kristiyano sa kanilang “lupain”?
10 Palibhasa’y ligtas sa lupaing iyan, ang mga pinahirang Kristiyano ay naglingkod sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova. Sila’y inatasan bilang “tapat at maingat na alipin,” na tumatanggap sa pananagutan ng pangangalaga sa mga pag-aari ni Jesus sa lupa, isang pribilehiyo na tinatamasa pa rin nila habang malapit nang matapos ang ika-20 siglo. (Mateo 24:45-47) Natutuhan nilang mabuti ang aral na si Jehova ang “mismong Diyos ng kapayapaan.”—1 Tesalonica 5:23.
11. Papaano ipinakita ng mga relihiyosong lider ng Sangkakristiyanuhan ang kanilang sarili bilang mga kaaway ng bayan ng Diyos?
11 Subalit kumusta naman ang mga kaaway ng Israel ng Diyos? Ang sigasig ni Jehova para sa kaniyang bayan ay napapantayan ng kaniyang galit laban sa mga mananalansang. Noong unang digmaang pandaigdig, ang mga relihiyosong lider ng Sangkakristiyanuhan ay nagdulot ng matinding panggigipit nang sila’y magsikap—at mabigo—na buwagin ang maliit na grupong ito ng mga Kristiyanong nagsasalita ng katotohanan. Noong ikalawang digmaang pandaigdig, nagkaisa lamang ang mga ministro ng Sangkakristiyanuhan sa isang bagay: Sa magkabilang panig ng alitan, sinulsulan nila ang mga pamahalaan na supilin ang mga Saksi ni Jehova. Kahit ngayon, sa maraming lupain ay pinupukaw ng mga relihiyosong lider ang mga pamahalaan na higpitan o ipagbawal ang Kristiyanong pangangaral ng mga Saksi ni Jehova.
12, 13. Papaano ipinahayag ang galit ni Jehova laban sa Sangkakristiyanuhan?
12 Hindi ito nakalampas sa pansin ni Jehova. Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig, dumanas ng pagbagsak ang Sangkakristiyanuhan, kasama na ang natitirang bahagi ng Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 14:8) Ang katunayan ng pagbagsak ng Sangkakristiyanuhan ay nahayag nang, pasimula noong 1922, ibinuhos ang sunud-sunod na simbolikong mga salot, anupat hayagang inilantad ang kaniyang kalagayang patay sa espirituwal at ibinabala ang kaniyang dumarating na pagkapuksa. (Apocalipsis 8:7–9:21) Bilang katibayan na nagpapatuloy ang pagbubuhos ng mga salot na ito, ang pahayag na “Malapit na ang Wakas ng Huwad na Relihiyon” ay ipinahayag sa buong daigdig noong Abril 23, 1995, na sinundan ng pamamahagi ng daan-daang milyong kopya ng isang pantanging isyu ng Kingdom News.
13 Sa ngayon, kahabag-habag ang kalagayan ng Sangkakristiyanuhan. Sa paglakad ng ika-20 siglo, nagpatayan sa isa’t isa ang kaniyang mga miyembro sa malulupit na digmaan na binasbasan ng kaniyang mga pari at mga ministro. Ang kaniyang impluwensiya ay halos hindi na umiiral sa ilang lupain. Siya ay nakatakdang puksain kasama ng natitirang bahagi ng Babilonyang Dakila.—Apocalipsis 18:21.
Kapayapaan Para sa Bayan ni Jehova
14. Anong makahulang paglalarawan ang ibinigay tungkol sa isang bayan na may kapayapaan?
14 Sa kabilang dako, ngayong taon ng 1996, ang bayan ni Jehova ay nagtatamasa ng saganang kapayapaan sa kanilang naisauling lupain, gaya ng inilalarawan sa ikatlong kapahayagan ni Jehova: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘May mauupo pa ring matatandang lalaki at matatandang babae sa mga liwasang bayan ng Jerusalem, bawat isa ay mayroon ding baston sa kaniyang kamay dahil sa kasaganaan ng kaniyang mga araw. At ang mga liwasang bayan mismo sa lunsod ay mapupuno ng mga batang lalaki at mga batang babae na naglalaro sa kaniyang mga liwasang bayan.’ ”—Zacarias 8:4, 5.
15. Sa kabila ng digmaan ng mga bansa, anong kapayapaan ang tinatamasa ng mga lingkod ni Jehova?
15 Ang kalugud-lugod na paglalarawang ito ay nagpapakita ng isang bagay na pambihira sa sanlibutang ito na sinalanta ng mga digmaan—isang bayan na may kapayapaan. Sapol noong 1919, natutupad ang makahulang mga salita ni Isaias: “ ‘Magkakaroon ng patuloy na kapayapaan para sa isa na malayo at para sa isa na malapit,’ sabi ni Jehova, ‘at aking pagagalingin siya. Ngunit . . . walang kapayapaan,’ ang sabi ng aking Diyos, ‘para sa mga balakyot.’ ” (Isaias 57:19-21) Mangyari pa, ang bayan ni Jehova, bagaman hindi bahagi ng sanlibutan, ay hindi makaiiwas sa epekto ng pagkakagulo ng mga bansa. (Juan 17:15, 16) Sa ilang lupain, nagbabata sila ng matitinding kahirapan, at napatay pa nga ang ilan. Gayunpaman, ang tunay na mga Kristiyano ay may kapayapaan sa dalawang pangunahing paraan. Una, taglay nila ang “kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (Roma 5:1) Ikalawa, sila’y may kapayapaan sa kanilang sarili. Nililinang nila “ang karunungan mula sa itaas,” na “una sa lahat malinis, pagkatapos ay mapayapa.” (Santiago 3:17; Galacia 5:22-24) Bukod dito, inaasam nila ang pagtatamasa ng kapayapaan sa pinakaganap na diwa kapag “ang maaamo mismo ang magmamay-ari ng lupa, at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
16, 17. (a) Papaano pinalalakas ng “matatandang lalaki at matatandang babae” gayundin ng “mga batang lalaki at mga batang babae” ang organisasyon ni Jehova? (b) Ano ang nagpapamalas ng kapayapaan ng bayan ni Jehova?
16 Mayroon pa ring “matatandang lalaki at matatandang babae” na kabilang sa bayan ni Jehova, mga pinahiran na nakagugunita ng mga naunang tagumpay ng organisasyon ni Jehova. Lubhang pinahahalagahan ang kanilang katapatan at pagbabata. Ang mga nakababatang pinahiran ang nanguna noong madudulang araw ng dekada ng 1930 at ng Digmaang Pandaigdig II, gayundin sa sumunod na kapana-panabik na mga taon ng paglago. Isa pa, lalo na mula noong 1935, inihayag ng “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa” ang sarili nito. (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) Habang tumatanda at kumakaunti ang mga pinahirang Kristiyano, isinasagawa ng mga ibang tupa ang pangangaral at pinalawak iyon sa buong lupa. Dumadagsa ang mga ibang tupa sa lupain ng bayan ng Diyos sa mga nakaraang taon. Aba, noong nakaraang taon lamang, 338,491 sa kanila ang nagpabautismo bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova! Napakabata nga ng mga baguhang ito, sa espirituwal na diwa. Pinahahalagahan ang kanilang kabataan at kasiglahan habang dinaragdagan nila ang mga hanay niyaong umaawit ng pasasalamat at papuri ‘sa ating Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.’—Apocalipsis 7:10.
17 Sa ngayon, ‘ang mga liwasang bayan ay punô ng mga batang lalaki at mga batang babae,’ mga Saksi na may sigla na tulad sa kabataan. Noong 1995 taon ng paglilingkod, tumanggap ng mga ulat mula sa 232 lupain at mga isla ng dagat. Subalit walang internasyonal na paligsahan, walang pagkakapootan ng mga tribo, walang di-nararapat na paninibugho, sa pagitan ng mga pinahiran at mga ibang tupa. Lahat ay lumalagong magkakasama sa espirituwal, anupat nagkakaisa sa pag-ibig. Tunay ngang isang pambihirang tanawin sa sanlibutan ang pambuong-daigdig na kapatiran ng mga Saksi ni Jehova.—Colosas 3:14; 1 Pedro 2:17.
Napakahirap ba Para kay Jehova?
18, 19. Sa mga taon sapol noong 1919, papaano naisakatuparan ni Jehova ang waring napakahirap buhat sa pangmalas ng tao?
18 Noong 1918 nang ang mga pinahirang nalabi ay binubuo lamang ng iilang libong kaluluwa na nasiraan ng loob dahil sa espirituwal na pagkabihag, walang sinuman ang patiunang nakakita sa magiging takbo ng mga pangyayari. Gayunpaman, batid ito ni Jehova—gaya ng tiniyak ng kaniyang ikaapat na makahulang kapahayagan: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Bagaman magiging waring napakahirap sa mga mata ng mga nalabi ng bayang ito sa mga araw na iyon, dapat ba itong maging waring napakahirap din sa aking mga mata?’ ang kapahayagan ni Jehova ng mga hukbo.”—Zacarias 8:6.
19 Noong 1919, pinasiglang muli ng espiritu ni Jehova ang kaniyang bayan para sa gawaing nasa unahan. Gayunman, kinailangan ang pananampalataya upang manghawakang mahigpit sa maliit na organisasyon ng mga sumasamba kay Jehova. Iilan lamang sila, at maraming bagay ang hindi pa maliwanag. Gayunpaman, unti-unti silang pinalakas ni Jehova may kinalaman sa organisasyon at sinangkapan sila upang gampanan ang Kristiyanong gawain ng pangangaral ng mabuting balita at paggawa ng mga alagad. (Isaias 60:17, 19; Mateo 24:14; 28:19, 20) Baytang-baytang na tinulungan niya sila na maunawaan ang mahahalagang isyu gaya ng neutralidad at pansansinukob na soberanya. Napakahirap nga ba para kay Jehova na isakatuparan ang kaniyang kalooban sa pamamagitan ng maliit na grupong iyan ng mga Saksi? Ang sagot ay tiyak na hindi! Ito ay pinatutunayan sa pahina 12 hanggang 15 ng magasing ito, na naghaharap sa tsart ng gawain ng mga Saksi ni Jehova noong 1995 taon ng paglilingkod.
“Ako Mismo ang Magiging Diyos Nila”
20. Magiging gaano kalawak ang inihulang pagtitipon ng bayan ng Diyos?
20 Ang ikalimang kapahayagan ay nagpapakita pa rin ng maligayang kalagayan ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Narito ako na nagliligtas sa aking bayan buhat sa lupain ng sikatan ng araw at buhat sa lupain ng lubugan ng araw. At tiyak na aking dadalhin sila, at sila’y magsisitahan sa gitna ng Jerusalem; at sila’y magiging aking bayan, at ako mismo ang magiging Diyos nila sa pagiging totoo at sa katuwiran.’ ”—Zacarias 8:7, 8.
21. Sa anong paraan napanatili at napalawak ang saganang kapayapaan ng bayan ni Jehova?
21 Ngayong 1996 masasabi natin nang walang pag-aatubili na ang mabuting balita ay naipangangaral sa buong daigdig, buhat sa “lupain ng sikatan ng araw” hanggang sa “lupain ng lubugan ng araw.” Marami ang naging alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, at nakita nila ang katuparan ng pangako ni Jehova: “Lahat ng iyong mga anak ang magiging mga taong naturuan ni Jehova, at ang kapayapaan ang iyong mga anak ay magiging sagana.” (Isaias 54:13) Mayroon tayong kapayapaan sapagkat tayo’y tinuturuan ni Jehova. Sa layuning ito, naglathala ng literatura sa mahigit na 300 wika. Noong nakaraang taon lamang, 21 pang wika ang naidagdag. Ang magasing Bantayan ay inilalathala ngayon nang sabay-sabay sa 111 wika, at ang Gumising! sa 54 na wika. Ang nasyonal at internasyonal na mga kombensiyon ay naglalaan ng pangmadlang patotoo ng kapayapaan ng bayan ng Diyos. Ang lingguhang mga pulong ay nagbubuklod sa atin at nagbibigay sa atin ng pampatibay-loob na kailangan natin upang manatiling matatag. (Hebreo 10:23-25) Oo, si Jehova ang nagtuturo sa kaniyang bayan “sa pagiging totoo at sa katuwiran.” Siya ang nagbibigay ng kapayapaan sa kaniyang bayan. Tayo nga’y pinagpala na makibahagi sa saganang kapayapaang iyan!
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Sa modernong panahon, papaanong si Jehova ay ‘naninibugho taglay ang matinding galit’ para sa kaniyang bayan?
◻ Papaano nagtatamasa ng kapayapaan ang bayan ni Jehova, kahit na sa mga lupaing sinalanta ng digmaan?
◻ Sa anong paraan ‘ang mga liwasang bayan ay punô ng mga batang lalaki at mga batang babae’?
◻ Ano ang mga ginawang paglalaan upang maturuan ni Jehova ang kaniyang bayan?
[Chart sa pahina 12-15]
1995 TAUNANG ULAT NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG
(Tingnan ang bound volume)
[Larawan sa pahina 8, 9]
Noong ikaanim na siglo B.C.E., natutuhan ng tapat na mga Judiong nagtayong-muli ng templo na si Jehova lamang ang tanging maaasahang pinagmumulan ng kapayapaan