Apocalipsis kay Juan
11 At binigyan ako ng isang tambo na gaya ng tungkod*+ at inutusan: “Tumayo ka at sukatin mo ang santuwaryo ng templo ng Diyos at ang altar at ang mga sumasamba roon. 2 Pero huwag mong isali ang looban na nasa labas ng santuwaryo ng templo; huwag mo itong sukatin, dahil ibinigay na ito sa mga bansa, at yuyurakan nila ang banal na lunsod+ sa loob ng 42 buwan.+ 3 Ipadadala ko ang dalawa kong saksi para manghula sa loob ng 1,260 araw na nakadamit ng telang-sako.” 4 Ang mga ito ay isinasagisag ng dalawang punong olibo+ at ng dalawang kandelero+ na nakatayo sa harap ng Panginoon ng lupa.+
5 Kapag may gustong manakit sa kanila, lumalabas ang apoy mula sa bibig nila at nilalamon ang mga kaaway nila. Kung may gustong manakit sa kanila, sa ganitong paraan siya dapat patayin. 6 Ang mga ito ay may awtoridad na isara ang langit+ para walang bumuhos na ulan+ sa panahon ng panghuhula nila, at may awtoridad silang gawing dugo ang tubig+ at magpasapit sa lupa ng bawat uri ng salot sa tuwing gugustuhin nila.
7 Kapag natapos na nila ang kanilang pagpapatotoo, ang mabangis na hayop na umaahon mula sa kalaliman ay makikipagdigma sa kanila at tatalunin sila at papatayin sila.+ 8 At ang mga bangkay nila ay makikita sa malapad na daan ng dakilang lunsod na sa espirituwal na diwa ay tinatawag na Sodoma at Ehipto, kung saan ipinako rin sa tulos ang Panginoon nila. 9 At ang mga bangkay nila ay titingnan ng mga tao mula sa mga bayan at mga tribo at mga wika at mga bansa sa loob ng tatlo at kalahating araw,+ at hindi hahayaan ng mga ito na mailibing ang mga bangkay nila. 10 At ang mga nakatira sa lupa ay magsasaya at magdiriwang dahil sa nangyari sa kanila, at magpapadala ang mga ito ng regalo sa isa’t isa, dahil pinahirapan ng dalawang propetang ito ang mga nakatira sa lupa.
11 Pagkatapos ng tatlo at kalahating araw, pumasok sa kanila ang puwersa ng buhay* mula sa Diyos,+ at tumayo sila, at labis na natakot ang mga nakakita sa kanila. 12 At narinig nila ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanila: “Umakyat kayo rito.” At umakyat sila sa langit sa pamamagitan ng ulap, at nakita sila ng* mga kaaway nila. 13 Nang oras na iyon ay lumindol nang malakas, at ang ikasampu ng lunsod ay bumagsak; at 7,000 tao ang namatay sa lindol, at ang mga natira ay natakot at lumuwalhati sa Diyos ng langit.
14 Lumipas na ang ikalawang kapahamakan.+ Ang ikatlong kapahamakan ay mabilis na dumarating.
15 Hinipan ng ikapitong anghel ang trumpeta niya.+ At may malalakas na tinig sa langit na nagsasabi: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging Kaharian ng ating Panginoon+ at ng kaniyang Kristo,+ at maghahari siya magpakailanman.”+
16 At ang 24 na matatanda+ na nakaupo sa mga trono nila sa harap ng Diyos ay sumubsob at sumamba sa Diyos 17 at nagsabi: “Pinasasalamatan ka namin, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-Lahat, ang kasalukuyan+ at ang nakaraan, dahil kinuha mo na ang iyong dakilang kapangyarihan at nagsimula ka nang maghari.+ 18 Pero ang mga bansa ay nagalit, at ipinakita mo ang iyong galit, at dumating ang takdang panahon para hatulan ang mga patay at gantimpalaan+ ang iyong mga aliping propeta+ at ang mga banal at ang mga natatakot sa pangalan mo, ang mga hamak at ang mga dakila, at ipahamak ang mga nagpapahamak* sa lupa.”+
19 At nabuksan ang santuwaryo ng templo ng Diyos sa langit, at ang kaban ng kaniyang tipan ay nakita sa santuwaryo ng templo niya.+ At nagkaroon ng mga kidlat at mga tinig at mga kulog at isang lindol at ng malakas na pag-ulan ng yelo.*