“Ibigin Mo ang Katotohanan at Kapayapaan”!
“Ang salita ni Jehova ng mga hukbo ay patuloy na dumating sa akin, na nagsasabi: ‘. . . Ibigin mo ang katotohanan at kapayapaan.’ ”—ZACARIAS 8:18, 19.
1, 2. (a) Ano ang rekord ng sangkatauhan kung tungkol sa kapayapaan? (b) Bakit hindi kailanman makakakita ng tunay na kapayapaan ang kasalukuyang sanlibutang ito?
“ANG daigdig ay hindi kailanman nagkaroon ng kapayapaan. Saanman—at malimit na sa maraming lugar sa isang panahon—laging may digmaan.” Gayon ang sabi ni Propesor Milton Mayer ng University of Massachusetts, E.U.A. Ano ngang lungkot na larawan ng sangkatauhan! Totoo, ibig ng mga tao ng kapayapaan. Sinubok na ng mga pulitiko ang lahat ng uri ng paraan upang panatilihin ito, buhat sa Pax Romana noong panahong Romano hanggang sa patakaran ng “Mutually Assured Destruction” noong panahon ng Cold War. Subalit lahat ng kanilang pagsisikap ay nabigo nang dakong huli. Gaya ng ipinahayag ni Isaias maraming siglo na ang nakaraan, ‘ang mismong mga mensahero ng kapayapaan ay tumangis nang may kapaitan.’ (Isaias 33:7) Bakit ganito?
2 Iyon ay dahil sa ang namamalaging kapayapaan ay kailangang magmula sa kawalan ng poot at kasakiman; iyon ay kailangang nakasalig sa katotohanan. Ang kapayapaan ay hindi maaaring salig sa mga kasinungalingan. Iyan ang dahilan kung kaya ganito ang sinabi ni Jehova nang nangangako ng pagpapanumbalik at kapayapaan para sa sinaunang Israel: “Narito ako na nagpapaabot sa kaniya ng kapayapaan na parang isang ilog at ng kaluwalhatian ng mga bansa tulad ng isang bumabahang agos.” (Isaias 66:12) Ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay, si Satanas na Diyablo, ay isang “mamamatay-tao,” isang mámamasláng, at “isang sinungaling at ang ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44; 2 Corinto 4:4) Papaano magkakaroon ng kapayapaan ang isang sanlibutan na may gayong diyos?
3. Anong pambihirang kaloob ang ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan, sa kabila ng pamumuhay nila sa isang maligalig na sanlibutan?
3 Subalit kapansin-pansin na si Jehova ay nagbibigay ng kapayapaan sa kaniyang bayan kahit na sila ay naninirahan sa sanlibutan ni Satanas na sinalanta ng mga digmaan. (Juan 17:16) Noong ikaanim na siglo B.C.E., tinupad niya ang kaniyang pangako sa pamamagitan ni Jeremias at binigyan niya ng “kapayapaan at katotohanan” ang kaniyang pantanging bansa nang ibalik niya sila sa kanilang lupang tinubuan. (Jeremias 33:6) At sa mga huling araw na ito, pinagkalooban niya ng “kapayapaan at katotohanan” ang kaniyang bayan sa kanilang “lupain,” o espirituwal na kalagayan sa lupa, bagaman nabubuhay sila sa sukdulang panahon ng kaligaligan na nararanasan ng sanlibutang ito hanggang sa ngayon. (Isaias 66:8; Mateo 24:7-13; Apocalipsis 6:1-8) Habang ipinagpapatuloy natin ang pagtalakay sa Zacarias kabanata 8, magkakaroon tayo ng mas malalim na pagpapahalaga sa bigay-Diyos na kapayapaan at katotohanang ito at makikita natin kung ano ang dapat nating gawin upang maingatan ang ating bahagi rito.
‘Hayaang Maging Malakas ang Inyong mga Kamay’
4. Papaano pinasigla ni Zacarias ang Israel na kumilos kung nais nilang maranasan ang kapayapaan?
4 Sa ikaanim na pagkakataon sa Zacarias kabanata 8, naririnig natin ang kapana-panabik na kapahayagan mula kay Jehova: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Hayaang maging malakas ang inyong mga kamay, kayo na nakaririnig sa mga araw na ito ng mga salitang ito buhat sa bibig ng mga propeta, sa araw na inilatag ang pundasyon ng bahay ni Jehova ng mga hukbo, upang maitayo ang templo. Sapagkat bago ang mga araw na iyon ay walang kabayaran para sa sangkatauhan ang pinangyaring umiral; at kung para sa kabayaran ng mga domestikong hayop, wala ng gayong bagay; at sa isa na lumalabas at sa isa na pumapasok ay walang kapayapaan dahil sa kalaban, yamang aking patuloy na itinutulak ang sangkatauhan laban sa isa’t isa.’ ”—Zacarias 8:9, 10.
5, 6. (a) Dahil sa pagkasira ng loob ng mga Israelita, ano ang naging kalagayan sa Israel? (b) Anong pagbabago ang ipinangako ni Jehova sa Israel kung uunahin nito ang pagsamba sa kaniya?
5 Binigkas ni Zacarias ang mga salitang ito samantalang muling itinatayo ang templo sa Jerusalem. Noong nakaraan, ang mga Israelita na bumalik buhat sa Babilonya ay nasiraan ng loob at huminto sa pagtatayo ng templo. Dahil sa ibinaling nila ang kanilang pansin sa kanilang sariling kaalwanan, wala silang pagpapala at kapayapaan mula kay Jehova. Bagaman binubungkal nila ang kanilang lupain at inaalagaan ang kanilang ubasan, hindi sila umuunlad. (Hagai 1:3-6) Para bang sila’y nagtatrabaho nang “walang kabayaran.”
6 Ngayon na ang templo ay itinatayong muli, pinasigla ni Zacarias ang mga tao na “maging malakas,” anupat may lakas ng loob na unahin ang pagsamba kay Jehova. Ano ang mangyayari kung gayon ang gagawin nila? “ ‘Ngayon ako ay hindi magiging gaya noong mga naunang araw sa mga nalabi ng bayang ito,’ ang kapahayagan ni Jehova ng mga hukbo. ‘Sapagkat magkakaroon ng binhi ng kapayapaan; ang punong ubas mismo ay magbubunga, at ang lupa mismo ay magbibigay ng ani nito, at ang mga langit mismo ay magbibigay ng hamog; at tiyak na aking pangyayarihing manahin ng mga nalabi ng bayang ito ang lahat ng mga bagay na ito. At magaganap na kung paanong kayo ay naging isang maldisyon sa gitna ng mga bansa, O bahay ni Juda at bahay ni Israel, gayon ko kayo ililigtas, at kayo ay magiging isang pagpapala. Huwag kayong matakot. Ang inyo nawang mga kamay ay maging malakas.’ ” (Zacarias 8:11-13) Kung ang Israel ay kikilos nang may determinasyon, siya ay uunlad. Bago nito, kapag nais ng mga bansa na bumanggit ng isang halimbawa ng maldisyon, maituturo nila ang Israel. Ngayon ang Israel ay magiging isang halimbawa ng pagpapala. Ano ngang inam na dahilan upang ‘hayaang ang kanilang mga kamay ay maging malakas’!
7. (a) Anong kapana-panabik na mga pagbabago ang naranasan ng bayan ni Jehova, na umabot sa sukdulan noong 1995 taon ng paglilingkod? (b) Sa pagsusuri sa taunang report, anu-anong bansa ang nakikita mong may kapansin-pansing rekord ng mga mamamahayag, payunir, aberids na oras?
7 Kumusta naman sa ngayon? Buweno, sa mga taon bago ang 1919, ang bayan ni Jehova ay waring walang sigla. Hindi sila lubusang neutral sa unang digmaang pandaigdig, at sila’y may hilig na sumunod sa isang tao sa halip na sa kanilang Hari, si Jesu-Kristo. Bunga nito, ang ilan ay nasiraan ng loob dahil sa pagsalansang buhat sa loob at sa labas ng organisasyon. Pagkatapos, noong 1919, sa tulong ni Jehova ay hinayaan nilang maging malakas ang kanilang mga kamay. (Zacarias 4:6) Pinagkalooban sila ni Jehova ng kapayapaan, at sila’y lubhang umunlad. Makikita ito sa kanilang rekord sa nakalipas na 75 taon, na umabot sa sukdulan noong 1995 taon ng paglilingkod. Bilang isang bayan, iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova ang nasyonalismo, tribalismo, pagtatangi, at lahat ng iba pang pinagmumulan ng pagkakapootan. (1 Juan 3:14-18) Naglilingkod sila kay Jehova taglay ang taimtim na sigasig sa kaniyang espirituwal na templo. (Hebreo 13:15; Apocalipsis 7:15) Noong nakaraang taon lamang, gumugol sila ng mahigit sa isang bilyong oras sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa kanilang makalangit na Ama! Bawat buwan, sila’y nagdaos ng 4,865,060 pag-aaral sa Bibliya. May aberids na 663,521 ang nakibahagi sa paglilingkod bilang payunir sa bawat buwan. Kapag ibig ng mga ministro ng Sangkakristiyanuhan na magbigay ng halimbawa ng isang bayan na totoong masigasig sa kanilang pagsamba, kung minsan ay itinuturo nila ang mga Saksi ni Jehova.
8. Papaano makikinabang ang bawat Kristiyano mula sa “binhi ng kapayapaan”?
8 Dahil sa kanilang sigasig, pinagkakalooban ni Jehova ang kaniyang bayan ng “binhi ng kapayapaan.” Bawat isa na naglilinang ng binhing iyan ay makakakitang lumalago sa kaniyang puso at sa kaniyang buhay ang kapayapaan. Bawat sumasampalatayang Kristiyano na nagtataguyod ng kapayapaan kasama ni Jehova at ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano ay nakikibahagi sa katotohanan at kapayapaan ng tinaguriang bayan ni Jehova. (1 Pedro 3:11; ihambing ang Santiago 3:18.) Hindi ba kahanga-hanga iyan?
“Huwag Kayong Matakot”
9. Anong pagbabago ang ipinangako ni Jehova sa pakikitungo niya sa kaniyang bayan?
9 Ngayon ay mababasa natin ang ikapitong kapahayagan buhat kay Jehova. Ano iyon? “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Kung paanong naisip ko na gawan kayo ng masama dahil sa ginalit ako ng inyong mga ninuno,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘at hindi ako nanghinayang, gayon ko muling naisip sa mga araw na ito na makitungo nang mainam sa Jerusalem at sa bahay ni Juda. Huwag kayong matakot.’ ”—Zacarias 8:14, 15.
10. Anong rekord ng mga Saksi ni Jehova ang nagpapakita na sila ay hindi natatakot?
10 Bagaman ang bayan ni Jehova ay nakapangalat sa espirituwal na diwa noong unang digmaang pandaigdig, sa kanilang puso ay nais nilang gawin ang tama. Kaya naman, binago ni Jehova ang kaniyang paraan ng pakikitungo sa kanila pagkatapos ng paglalapat ng disiplina. (Malakias 3:2-4) Sa ngayon, lumilingon tayo at taimtim siyang pinasasalamatan sa mga ginawa niya. Totoo, tayo’y naging “mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:9) Marami ang nabilanggo, at ang iba ay nasawi pa nga dahil sa kanilang pananampalataya. Malimit tayong mapaharap sa kawalang-interes o galit. Subalit hindi tayo natatakot. Batid natin na si Jehova ay mas malakas kaysa sa anumang oposisyon, nakikita man o hindi nakikita. (Isaias 40:15; Efeso 6:10-13) Hindi tayo hihinto sa pakikinig sa mga salitang: “Umasa kay Jehova; magpakalakas-loob at hayaang maging malakas ang inyong puso.”—Awit 27:14.
“Magsalita Kayo Nang May Katotohanan sa Isa’t Isa”
11, 12. Ano ang dapat tandaan ng bawat isa sa atin kung ibig nating makabahaging lubusan sa mga pagpapalang ibinibigay ni Jehova sa kaniyang bayan?
11 Upang makabahagi nang lubusan sa mga pagpapala mula kay Jehova, may mga bagay na dapat nating tandaan. Sinabi ni Zacarias: “ ‘Ito ang mga bagay na dapat ninyong gawin: Magsalita kayo nang may katotohanan sa isa’t isa. Gawin ninyo ang paghatol nang may katotohanan at hatol ng kapayapaan sa inyong mga pintuang daan. At huwag kayong magpakana sa inyong puso ng kalamidad sa isa’t isa, at huwag ninyong ibigin ang anumang bulaang sumpa; sapagkat ang lahat ng ito ay mga bagay na aking kinapopootan,’ ang kapahayagan ni Jehova.”—Zacarias 8:16, 17.
12 Hinihimok tayo ni Jehova na magsalita ng katotohanan. (Efeso 4:15, 25) Hindi niya dinirinig ang mga panalangin niyaong nagpapakana ng mga nakapipinsalang bagay, na itinatago ang katotohanan para sa sariling kapakinabangan, o bumibigkas ng mga bulaang sumpa. (Kawikaan 28:9) Yamang kinapopootan niya ang apostasya, ibig niyang manghawakan tayo sa katotohanan ng Bibliya. (Awit 25:5; 2 Juan 9-11) Isa pa, tulad ng matatandang lalaki sa mga pintuan ng lunsod sa Israel, dapat isalig ng matatanda na humahawak ng mga kaso ang kanilang payo at mga pasiya sa katotohanan ng Bibliya, hindi sa sariling opinyon. (Juan 17:17) Nais ni Jehova na hanapin nila ang “hatol ng kapayapaan,” anupat sinisikap, bilang mga Kristiyanong pastol, na ibalik ang kapayapaan sa nagtatalong panig at tinutulungan ang nagsisising makasalanan na matamong-muli ang pakikipagpayapaan sa Diyos. (Santiago 5:14, 15; Judas 23) Kasabay nito, iniingatan nila ang kapayapaan ng kongregasyon, anupat may lakas ng loob na itinitiwalag yaong gumagambala sa kapayapaang iyan sa pamamagitan ng pamimihasa sa paggawa ng masama.—1 Corinto 6:9, 10.
“Isang Pagbubunyi at Pagsasaya”
13. (a) Anong pagbabago hinggil sa pag-aayuno ang inihula ni Zacarias? (b) Anong pag-aayuno ang ipinangilin sa Israel?
13 Ngayon naman, naririnig natin ang ikawalong taimtim na kapahayagan: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Ang pag-aayuno sa ikaapat na buwan, at ang pag-aayuno sa ikalimang buwan, at ang pag-aayuno sa ikapitong buwan, at ang pag-aayuno sa ikasampung buwan ay magiging isang pagbubunyi at pagsasaya at mainam na kapanahunan ng pista para sa bahay ni Juda. Kaya ibigin ninyo ang katotohanan at kapayapaan.’ ” (Zacarias 8:19) Sa ilalim ng Batas Mosaiko, nag-aayuno ang mga Israelita sa Araw ng Pagbabayad-sala upang ipahayag na ikinalulungkot nila ang kanilang mga kasalanan. (Levitico 16:29-31) Ang apat na pag-aayuno na binanggit ni Zacarias ay maliwanag na ipinangilin upang ipagdalamhati ang mga pangyayaring may kinalaman sa pagkasakop at pagkawasak ng Jerusalem. (2 Hari 25:1-4, 8, 9, 22-26) Subalit ngayon, itinatayong muli ang templo at nagkakaroong muli ng mga naninirahan sa Jerusalem. Ang pagdadalamhati ay nagbabago tungo sa pagsasaya, at ang mga pag-aayuno ay magiging mga kapanahunan ng pista.
14, 15. (a) Papaanong ang okasyon ng Memoryal ay isang malaking dahilan ng pagsasaya, at ano ang dapat nitong ipaalaala sa atin? (b) Gaya ng makikita sa taunang report, anu-anong lupain ang may di-pangkaraniwang bilang ng dumalo sa Memoryal?
14 Sa ngayon, hindi natin ipinangingilin ang mga pag-aayuno na binanggit ni Zacarias o ang pag-aayuno na iniutos ng Batas. Yamang inihandog ni Jesus ang kaniyang buhay para sa ating mga kasalanan, nagtatamasa tayo ng mga pagpapala sa isang mas dakilang Araw ng Pagbabayad-sala. Natatakpan ang ating mga kasalanan, hindi lamang nang bahagya, kundi nang lubusan. (Hebreo 9:6-14) Bilang pagsunod sa utos ng makalangit na Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo, ginaganap natin ang Memoryal ng kaniyang kamatayan bilang siyang tanging dakilang okasyon sa kalendaryo ng mga Kristiyano. (Lucas 22:19, 20) Hindi ba natin nararanasan ang “isang pagbubunyi at pagsasaya” habang nagtitipon tayo bawat taon para sa okasyong iyan?
15 Noong nakaraang taon, 13,147,201 ang nagsama-sama upang ganapin ang Memoryal, mas marami ng 858,284 kaysa noong 1994. Anong laking pulutong! Gunigunihin ang pagsasaya sa 78,620 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova habang ang di-karaniwang malaking bilang ay dumaragsa sa kanilang mga Kingdom Hall para sa okasyon. Tiyak, lahat ng dumalo ay napakilos na ‘ibigin ang katotohanan at kapayapaan’ habang ginugunita nila ang kamatayan ng Isa na siyang “daan at ang katotohanan at ang buhay” at na ngayo’y naghahari na bilang ang dakilang “Prinsipe ng Kapayapaan” ni Jehova! (Juan 14:6; Isaias 9:6) Ang okasyong iyan ay may pantanging kahulugan para sa mga dumalo rito sa mga lupaing pinahirapan ng kaligaligan at digmaan. Nasaksihan ng ilan nating kapatid ang di-mailarawang kakilabutan noong 1995. Gayunman, ‘ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay nagbantay sa kanilang mga puso at sa kanilang mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.’—Filipos 4:7.
‘Palambutin Natin ang Mukha ni Jehova’
16, 17. Papaanong ang mga tao ng mga bansa ay ‘makapagpapalambot ng mukha ni Jehova’?
16 Subalit saan nanggaling ang lahat niyaong milyun-milyong dumalo sa Memoryal? Ipinaliliwanag ng ikasiyam na kapahayagan ni Jehova: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Mangyayari pa na darating ang mga bayan at ang mga nananahanan sa maraming lunsod; at ang mga nananahanan sa isang lunsod ay tiyak na paroroon sa isa, na nagsasabi: ‘Marubdob tayong pumaroon upang palambutin ang mukha ni Jehova at upang hanapin si Jehova ng mga hukbo. Ako mismo ay paroroon din.” At maraming bayan at makapangyarihang mga bansa ang aktuwal na darating upang hanapin sa Jerusalem si Jehova ng mga hukbo at upang palambutin ang mukha ni Jehova.’ ”—Zacarias 8:20-22.
17 Ang mga tao na dumalo sa Memoryal ay nagnanais na ‘humanap kay Jehova ng mga hukbo.’ Marami sa mga ito ay kaniyang nakaalay, bautisadong mga lingkod. Milyun-milyong iba pa na dumalo ang hindi pa umaabot sa hakbang na iyan. Sa ilang lupain ang bilang ng dumalo sa Memoryal ay apat hanggang limang beses ng bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian. Kailangan ng maraming interesadong ito ang tulong upang patuloy na sumulong. Turuan natin sila na magbunyi sa pagkaalam na si Jesus ay namatay para sa ating mga kasalanan at ngayo’y namamahala na sa Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 5:7, 8; Apocalipsis 11:15) At pasiglahin natin sila na mag-alay ng kanilang sarili sa Diyos na Jehova at magpasakop sa kaniyang hinirang na Hari. Sa ganitong paraan ay kanilang ‘palalambutin ang mukha ni Jehova.’—Awit 116:18, 19; Filipos 2:12, 13.
“Sampung Lalaki Mula sa Lahat ng Wika ng mga Bansa”
18, 19. (a) Sa katuparan ng Zacarias 8:23, sino sa ngayon ang isang “Judio”? (b) Sino sa ngayon ang “sampung lalaki” na ‘tumatangan sa saya ng isang lalaki na Judio’?
18 Sa huling pagkakataon sa ikawalong kabanata ng Zacarias, mababasa natin: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo.” Ano ang panghuling kapahayagan ni Jehova? “Mangyayari sa mga araw na iyon na sampung lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa ang tatangan, oo, sila’y aktuwal na tatangan sa saya ng isang lalaki na Judio, na nagsasabi: ‘Kami ay sasama sa inyo, sapagkat aming narinig na ang Diyos ay kasama ninyo.’ ” (Zacarias 8:23) Noong kaarawan ni Zacarias, ang piniling bayan ng Diyos ay ang likas na Israel. Subalit noong unang siglo, itinakwil ng Israel ang Mesiyas ni Jehova. Kaya naman, pumili ang ating Diyos ng isang “Judio”—isang bagong Israel—bilang kaniyang pantanging bayan, ang “Israel ng Diyos” na binubuo ng espirituwal na mga Judio. (Galacia 6:16; Juan 1:11; Roma 2:28, 29) Ang hustong bilang ng mga ito ay 144,000, na pinili buhat sa buong sangkatauhan upang magharing kasama ni Jesus sa kaniyang makalangit na Kaharian.—Apocalipsis 14:1-4.
19 Karamihan sa 144,000 na ito ay nangamatay na tapat at nagtungo na sa kanilang makalangit na gantimpala. (1 Corinto 15:51, 52; Apocalipsis 6:9-11) May iilan na nalalabi pa sa lupa at ang mga ito ay nagagalak na makitang ang “sampung lalaki” na minabuting sumama sa “Judio” ay tunay ngang “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.”—Apocalipsis 7:9; Isaias 2:2, 3; 60:4-10, 22.
20, 21. Habang papalapit na ang katapusan ng sanlibutang ito, papaano tayo makapananatiling may pakikipagpayapaan kay Jehova?
20 Habang ang katapusan ng sanlibutang ito ay palapit nang palapit, ang Sangkakristiyanuhan ay katulad ng Jerusalem noong kaarawan ni Jeremias: “May paghihintay para sa kapayapaan, ngunit walang kabutihang dumating; at para sa panahon ng paggaling, at, narito! pagkasindak!” (Jeremias 14:19) Ang pagkasindak na iyan ay aabot sa kasukdulan kapag bumaling ang mga bansa sa huwad na relihiyon at sumapit ito sa marahas na wakas. Di-magtatagal pagkatapos, daranasin ng mga bansa mismo ang kapuksaan sa pangwakas na digmaan ng Diyos, ang Armagedon. (Mateo 24:29, 30; Apocalipsis 16:14, 16; 17:16-18; 19:11-21) Tunay ngang magiging isang panahon ng pagkakagulo iyan!
21 Sa lahat ng ito, ipagsasanggalang ni Jehova yaong umiibig sa katotohanan at naglilinang ng “binhi ng kapayapaan.” (Zacarias 8:12; Zefanias 2:3) Kung gayon, manatili sana tayong ligtas sa loob ng lupain ng kaniyang bayan, anupat masigasig na pumupuri sa kaniya nang hayagan at tumutulong sa pinakamarami hangga’t maaari na “palambutin ang mukha ni Jehova.” Kung gagawin natin ito, palagi tayong magtatamasa ng kapayapaan ni Jehova. Oo, “bibigyan ni Jehova mismo ng lakas ang kaniyang bayan. Pagpapalain ni Jehova mismo ng kapayapaan ang kaniyang bayan.”—Awit 29:11.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Papaano ‘hinayaan ng bayan ng Diyos na maging malakas ang kanilang mga kamay’ noong kaarawan ni Zacarias? Sa ngayon?
◻ Papaano natin tinutugon ang pag-uusig, galit, at kawalang-interes?
◻ Ano ang nasasangkot sa ating ‘pagsasalita ng katotohanan sa isa’t isa’?
◻ Papaano ‘mapalalambot ng isang tao ang mukha ni Jehova’?
◻ Anong malaking dahilan para sa pagsasaya ang nakikita sa katuparan ng Zacarias 8:23?
[Larawan sa pahina 18]
Noong nakaraang taon, ang mga Saksi ni Jehova ay gumugol ng 1,150,353,444 na oras sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos