Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako
Bashan—Isang Matabang Lupain
SAMANTALANG binabasa ang Bibliya, hindi mo ba nababasa ang mga pangalan ng maraming lugar na hindi mo mailarawan? Sa Mayo at Hunyo, ang mga Saksi ni Jehova ay magbabasa ng Mikas tuluy-tuloy hanggang Zacarias. Sa pagsunod sa iskedyul na iyan, makikita mong ang Bashan ay binabanggit sa tatlong teksto. (Mikas 7:14; Nahum 1:4; Zacarias 11:2) Iyan at ang iba pang interesanteng mga talata ay higit mong mapakikinabangan kung makikinikinita mo ang Bashan sa mata ng iyong isip.
Nasaan ba ang Bashan? Bueno, karaniwan nang makikilala mo ito sa tulong ng Golan Heights, na marahil ay nakikita mo sa mga mapang nalalathala sa mga pahayagan. Ang Bashan ay nasa gawing silangan ng kapuwa Dagat ng Galilea at ng gawing itaas ng Libis ng Jordan. Ang kahabaan nito ay mula sa Ilog Yarmuk (bahagi ng kasalukuyang hangganan sa pagitan ng Jordan at Sirya) pahilaga sa Bundok Hermon.
Bago pumasok sa Lupang Pangako ang sinaunang mga Israelita, kailangan munang igupo nila ang Cananeong Hukbo ng higanteng si Og, hari ng Bashan. Pagkatapos niyaon, ang malaking bahagi ng Bashan ay inakupahan ng tribo ni Manases. (Deuteronomio 3:1-7, 11, 13; Bilang 32:33; 34:14) Ano ba ang nakakahawig ng lugar na ito sa Bibliya? Bagaman ito’y may mga gubat sa lugar na bulubundukin, karamihan ng Bashan ay isang talampas, mataas na kapatagan.
Sa maraming paraan ang Bashan ay isang mistulang basket ng pagkain. Ito’y dahilan sa ang kalakhan ng lugar na ito ay nalalaganapan ng lupaing pasabsaban o pastulan. (Jeremias 50:19) Ang kasamang mga larawan ay marahil magpapagunita sa iyo ng ilang mga pagbanggit sa Bibliya sa Bashan.a Marami ang nakabasa ng tungkol sa “mga baka ng Bashan.” (Awit 22:12, King James Version) Oo, noong sinaunang panahon ang lugar na ito ay napatanyag dahilan sa mga bakang naririto, kasali na ang malalakas na mga guyang toro. Subalit mayroon pa roong mga ibang hayupan, tulad baga ng mga tupa at mga kambing na pinagkukunan ng saganang gatas at mantekilya.—Deuteronomio 32:14.
Marahil ay nasasabik kang malaman kung ano ang dahilan at gayon na lamang kataba ang lupa sa Bashan, yamang iyon ay nasa gawing silangan ng Jordan sa isang lugar na maraming nag-aakalang iyon ay tuyut na tuyot. Ang totoo ay, ang mga burol ng Galilea sa kanluran ay mas mabababa, kaya ang ulap na galing sa Mediteraneo ay nakalalampas dito at nagdadala ng saganang ulan sa Bashan. Isa pa, ang namamasa-masang hangin at umaagos na mga ilog ay nanggagaling sa Bundok Hermon. Gunigunihin na lamang ang potensiyal pagka ang mahalagang halumigmig na iyan ay napasama sa matabang lupang galing sa bulkan na masusumpungan sa Bashan! Sa lugar na iyan ay umaani ng saganang trigo. Matagal pa bago naging isang pangunahing palabigasan ng mga Romano, sa Bashan nanggagaling ang pagkain para sa mga mesa ni Solomon. Kung gayon, may mabuting dahilan na ang paglalaan ng Diyos ukol sa kaniyang pinalayang bayan ay matutukoy nang ganito noong bandang huli: “Pakanin mo sila sa Bashan at sa Gilead gaya ng mga araw noong una.”—Mikas 7:14; 1 Hari 4:7, 13.
Sa pagkaalam ng tungkol sa ganiyang kasaganaan, mauunawaan mo ang tungkol sa malungkot na paglalarawan ni Nahum ng idudulot ng hindi pagpapala sa kanila ng Diyos: “Ang Bashan at ang Carmelo [luntiang mga burol malapit sa Malaking Dagat] ay nalanta, at ang mismong bulaklak ng Lebanon ay naluoy.”—Nahum 1:4b.
Ang ganitong malapitang pagmamasid sa Bashan ay tutulong sa iyo na lalong madaling ilarawan ang mga ilang malapitan ding mga tanawin sa Bibliya. Halimbawa, marahil ay may nabasa ka na tungkol sa pag-aani ng binutil, tulad halimbawa ng trigo na tumutubo sa kalakhang bahagi ng Bashan. Ang trigo ay inaani sa tag-init na mga buwan ng Iyyar at Sivan (kalendaryong Judio, katumbas ng bandang katapusan ng Abril, Mayo, at kaagahan ng Hunyo). Sa panahong ito, ang Kapistahan ng Sanlinggo (Pentecostes) ay ginaganap. Bilang bahagi nito, ang mga unang bunga sa pag-aani ng trigo ay inihahandog at naghahain ng handog na mga kordero, mga tupang lalaki, at isang toro. Ang mga hayop kayang iyan ay nanggaling sa Bashan?—Exodo 34:22; Levitico 23:15-18.
Kung panahon ng pag-aani ang nakatindig na trigo ay pinuputol ng mga mang-aani sa pamamagitan ng isang nakakurbang lingkaw na bakal na makikita sa itaas, na walang tatangnang kahoy. (Deuteronomio 16:9, 10; 23:25) Pagkatapos ay tinitipon ang mga haya at dinadala sa giikan, kung saan isang masong kahoy (na may nakapirming mga bato sa ilalim) ang ginagamit upang alisin ang balat sa laman (Ruth 2:2-7, 23; 3:3, 6; Isaias 41:15) Samantalang nagmamasid ka sa larawang ito, na kinunan sa Golan Heights, marahil ay mapag-iisipan mo ang makahulugang alituntunin ng Diyos: “Huwag mong lalagyan ng busal ang baka pagka gumigiik.”—Deuteronomio 25:4; 1 Corinto 9:9.
Sa wakas, alalahanin na sa sinaunang Bashan ay may mga lugar ng makakapal na kagubatan, at marami sa mga punungkahoy ay pagkálalakíng mga ensina, gaya ng makikita sa larawan sa kaliwa. Ang mga taga-Fenicia ay gumawa ng mga gaod buhat sa matitibay na mga kahoy ng ensina na galing sa Bashan. (Ezekiel 27:6) Subalit, kahit na ang gayong ‘pagkálalakíng mga punò ng Bashan, sa di mo malulusutang mga gubat,’ ay hindi nakatayo laban sa ibinuhos na galit ng Diyos. (Zacarias 11:2; Isaias 2:13) Kung makikita mo ang gayong mga punò ay lalong madali mong maguguniguni kung bakit ang gayong mga gubat ay makasasagabal sa isang tumatakas na hukbo. Kahit na ang isang mangangabayo ay maaaring masabit sa mga sanga ng punò, gaya ng nangyari noon kay Absalom.—2 Samuel 18:8, 9.
Makikita natin na bagaman ang Bashan ay isang lugar sa Lupang Pangako na kung saan hindi gaanong maraming mahalagang pangyayari sa Bibliya ang doo’y naganap, ang mga tanawin dito ay nakatutulong sa pag-unawa sa mga pagtukoy dito ng Bibliya.
[Talababa]
a Tingnan din ang 1989 Calendar of Jehovah’s Witnesses.
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Lines sa pahina 17]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
Nakalarawan: Badè Institute of Biblical Archaeology
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.