Manatili sa Libis ni Jehova Para sa Proteksiyon
“Si Jehova ay . . . makikipagdigma laban sa mga bansang iyon gaya ng araw ng kaniyang pakikidigma, ng araw ng labanan.”—ZAC. 14:3.
1, 2. Anong totoong digmaan ang nagbabanta? Ano ang hindi kailangang gawin ng mga lingkod ng Diyos sa digmaang ito?
NOONG Oktubre 30, 1938, milyun-milyong tao sa Estados Unidos ang nakikinig sa isang popular na programa sa radyo. Isinasadula noon ang nobelang science fiction na The War of the Worlds. Ang mga tauhan na gumaganap bilang tagapagbalita ay nagrereport tungkol sa pagsalakay ng mga alien mula sa Mars na magdudulot ng malawakang pinsala sa Lupa. Bagaman ipinatalastas na ang programang ito ay isa lang pagsasadula, inakala ng maraming tagapakinig na talagang nangyayari ito at natakot sila. Ang iba pa nga ay gumawa ng paraan para protektahan ang kanilang sarili mula sa inaakala nilang mga alien.
2 Sa ngayon, nagbabanta ang isang totoong digmaan. Pero hindi handa ang karamihan ng mga tao. Ang digmaang ito ay inihula, hindi sa isang nobelang science fiction, kundi sa kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ito ang digmaan ng Armagedon—ang digmaan ng Diyos laban sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay. (Apoc. 16:14-16) Sa digmaang ito, ang mga lingkod ng Diyos sa lupa ay hindi kailangang makipaglaban. Sa halip, masasaksihan nila ang kamangha-manghang mga pangyayari at kakila-kilabot na pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos.
3. Anong hula ang tatalakayin natin? Bakit tayo interesado rito?
3 Isang hula sa Bibliya na nakaulat sa Zacarias kabanata 14 ang tuwirang nauugnay sa digmaan ng Armagedon. Bagaman isinulat mga 2,500 taon na ang nakalilipas, napakahalaga ng hulang ito para sa atin sa ngayon. (Roma 15:4) Karamihan sa mga detalye ng hulang ito ay may kaugnayan sa mga pangyayaring nakaaapekto sa bayan ng Diyos mula nang itatag ang Mesiyanikong Kaharian noong 1914 at sa kapana-panabik na mga pangyayaring matutupad sa napakalapit na hinaharap. Itinatampok ng hula ang “isang napakalaking libis” at ang “tubig na buháy.” (Zac. 14:4, 8) Ang libis na ito ay magsisilbing proteksiyon sa mga mananamba ni Jehova. Kapag naunawaan natin ang pagpapalang idudulot ng tubig na buháy, makikita natin ang kahalagahan nito at gugustuhin nating inumin ito. Kaya makikinabang tayo kung magbibigay-pansin tayo sa hulang ito.—2 Ped. 1:19, 20.
NAGSIMULA ‘ANG ARAW NA NAUUKOL KAY JEHOVA’
4. (a) Kailan nagsimula ‘ang araw na nauukol kay Jehova’? (b) Maraming taon bago ang 1914, ano ang inihayag ng mga mananamba ni Jehova, at paano tumugon ang mga lider ng mga bansa?
4 Sa pasimula ng ika-14 na kabanata ng Zacarias, binanggit ‘ang araw na nauukol kay Jehova.’ (Basahin ang Zacarias 14:1, 2.) Ano ang araw na ito? Ito ang “araw ng Panginoon,” na nagsimula nang “ang kaharian ng sanlibutan” ay maging “kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo.” (Apoc. 1:10; 11:15) Ang araw na ito ay nagsimula noong 1914 nang itatag sa langit ang Mesiyanikong Kaharian. Maraming taon bago ang 1914, inihayag ng mga mananamba ni Jehova na magaganap sa taóng iyon ang katapusan ng “mga takdang panahon ng mga bansa” at daranas ng walang-katulad na kabagabagan ang sanlibutan. (Luc. 21:24) Paano tumugon ang mga bansa? Sa halip na makinig sa napapanahong babala na ito, tinuya at pinag-usig ng mga lider ng pulitika at relihiyon ang masisigasig na pinahirang ebanghelisador na iyon. Sa paggawa nito, nilibak ng mga lider na ito ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, yamang ang pinahirang mga embahador ay kumakatawan sa “makalangit na Jerusalem”—ang Mesiyanikong Kaharian.—Heb. 12:22, 28.
5, 6. (a) Gaya ng inihula, ano ang ginawa ng mga bansa laban sa “lunsod” at sa ‘mga mamamayan’ nito? (b) Sino ang “mga nalalabi sa bayan”?
5 Inihula ni Zacarias ang gagawin ng mga bansa: “Ang lunsod [ang Jerusalem] ay bibihagin.” “Ang lunsod” ay sumasagisag sa Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. Kinakatawanan ito sa lupa ng ‘mga mamamayan’ nito, ang nalabi ng mga pinahirang Kristiyano. (Fil. 3:20) Noong Digmaang Pandaigdig I, ang mga nangunguna sa organisasyon ni Jehova sa lupa ay ‘binihag,’ o inaresto, at ibinilanggo sa Atlanta, Georgia, E.U.A. ‘Ang mga bahay ay sinamsaman,’ sa diwa na minaltrato at pinakitunguhan nang walang katarungan ang mga nangungunang ito, pati na ang iba pang tapat kay Jehova. Ipinagbawal ang literatura ng mga pinahirang Kristiyano at tinangkang patigilin ang kanilang pangangaral.
6 Siniraan, sinalansang, at pinag-usig ng mga kaaway ang maliit na grupo ng mga lingkod ng Diyos, pero hindi napawi ang tunay na pagsamba. May “mga nalalabi sa bayan,” samakatuwid nga, ang mga pinahirang nalabi na tumangging ‘mahiwalay sa lunsod.’
7. Anong halimbawa ang iniwan sa atin ng mga pinahirang Kristiyano?
7 Nagwakas ba ang inihulang pang-uusig sa bayan ng Diyos nang matapos ang Digmaang Pandaigdig I? Hindi. Mas marami pang pagsalakay ang isinagawa ng mga bansa laban sa pinahirang nalabi at sa kanilang tapat na mga kasama na may makalupang pag-asa. (Apoc. 12:17) Ganiyan ang nangyari noong Digmaang Pandaigdig II. Ang katapatan ng pinahirang mga Saksi ng Diyos ay nagpapatibay sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon na magbata ng anumang pagsubok, kasali na ang pagsalansang ng di-sumasampalatayang mga kamag-anak, katrabaho, o kaeskuwela. (1 Ped. 1:6, 7) Saanman sila nakatira, ang mga tunay na mananamba ay determinadong ‘tumayong matatag sa isang espiritu,’ anupat ‘hindi nagagawang takutin ng mga kalaban.’ (Fil. 1:27, 28) Pero sa isang sanlibutang napopoot sa kanila, saan makasusumpong ng kanlungan ang bayan ng Diyos?—Juan 15:17-19.
BUMUO SI JEHOVA NG “ISANG NAPAKALAKING LIBIS”
8. (a) Sa Bibliya, saan sumasagisag kung minsan ang mga bundok? (b) Saan kumakatawan ang “bundok ng mga punong olibo”?
8 Yamang ang Jerusalem—“ang lunsod”—ay makasagisag at kumakatawan sa makalangit na Jerusalem, ang “bundok ng mga punong olibo, na nasa tapat ng Jerusalem,” ay tiyak na makasagisag din. Saan kumakatawan ang bundok na ito? Paano ito “mabibiyak sa gitna” at magiging dalawang bundok? Bakit ito tinukoy ni Jehova bilang “aking mga bundok”? (Basahin ang Zacarias 14:3-5.) Sa Bibliya, ang mga bundok ay maaaring sumagisag sa mga kaharian, o gobyerno. Iniuugnay rin sa bundok ng Diyos ang mga pagpapala at proteksiyon. (Awit 72:3; Isa. 25:6, 7) Kaya ang bundok ng mga punong olibo na kinatatayuan ng Diyos sa silangan ng makalupang Jerusalem ay kumakatawan sa pansansinukob na soberanya ni Jehova, ang kaniyang kataas-taasang pamamahala.
9. Sa anong diwa nahati ang “Bundok ng mga Olibo”?
9 Ano ang ibig sabihin ng pagkahati ng bundok ng mga punong olibo? Ang bundok, na nasa silangan ng Jerusalem, ay nahati sa diwa na nagtatag si Jehova ng isa pang pamamahala, isang pantulong na kaharian. Ang pangalawahing pamamahala na ito ay ang Mesiyanikong Kaharian na pinamumunuan ni Jesu-Kristo. Kaya naman tinukoy ni Jehova bilang “aking mga bundok” ang dalawang bundok na nabuo nang mahati ang “Bundok ng mga Olibo.” (Zac. 14:4, tlb. sa Reference Bible) Parehong sa kaniya ang mga ito.
10. Saan kumakatawan ang “isang napakalaking libis” sa pagitan ng dalawang bundok?
10 Nang mahati ang makasagisag na bundok, ang kalahati sa hilaga at ang kalahati sa timog, ang mga paa ni Jehova ay nanatili sa ibabaw ng dalawang bundok. “Isang napakalaking libis” ang nabuo sa ilalim ng mga paa ni Jehova. Ang libis na ito ay kumakatawan sa proteksiyon mula sa Diyos. Ang mga lingkod ni Jehova ay ligtas sa ilalim ng kaniyang pansansinukob na soberanya at ng Mesiyanikong Kaharian ng kaniyang Anak. Titiyakin ni Jehova na hindi maglalaho ang dalisay na pagsamba. Kailan naganap ang pagkakahating ito ng bundok ng mga punong olibo? Nangyari ito nang itatag ang Mesiyanikong Kaharian noong 1914, nang magwakas ang Panahong Gentil. Kailan naman nagsimulang tumakas patungo sa makasagisag na libis ang mga tunay na mananamba?
NAGSIMULA ANG PAGTAKAS PATUNGO SA LIBIS!
11, 12. (a) Kailan nagsimula ang pagtakas patungo sa makasagisag na libis? (b) Ano ang katibayan na ipinagsasanggalang ng makapangyarihang bisig ni Jehova ang kaniyang bayan?
11 Nagbabala si Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.” (Mat. 24:9) Tumindi ang pagkapoot na iyon mula noong 1914 nang magsimula ang mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay. Sa kabila ng marahas na mga pagsalakay ng kaaway sa pinahirang nalabi noong Digmaang Pandaigdig I, hindi nalipol ang tapat na grupong ito. Noong 1919, napalaya sila mula sa Babilonyang Dakila—ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apoc. 11:11, 12)a Nang taóng iyon nagsimula ang pagtakas patungo sa libis ng mga bundok ni Jehova.
12 Mula noong 1919, ang libis na iyon ng Diyos ay nagbibigay ng proteksiyon sa tunay na mga mananamba sa buong lupa. Sa nakalipas na mga dekada sa maraming lugar sa daigdig, ipinagbawal ang ministeryo at mga literatura sa Bibliya ng mga Saksi ni Jehova. Ganiyan pa rin ang sitwasyon sa ilang bansa. Pero anuman ang gawin ng mga pamahalaan, hindi nila kailanman mapapawi ang tunay na pagsamba! Tiyak na ipagsasanggalang ng makapangyarihang bisig ni Jehova ang kaniyang bayan.—Deut. 11:2.
13. Paano tayo mananatili sa libis ni Jehova para sa proteksiyon? Bakit napakahalagang manatili tayo rito ngayon higit kailanman?
13 Kung tapat tayo kay Jehova at naninindigan sa katotohanan, mananatili tayo sa libis ni Jehova para sa proteksiyon. Hindi hahayaan ng Diyos at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na ‘maagaw tayo ng sinuman o anuman mula sa Kaniyang kamay.’ (Juan 10:28, 29) Ibibigay ni Jehova ang anumang tulong na kailangan natin para makapanatili tayong tapat sa kaniyang Pansansinukob na Soberanya at sa Mesiyanikong Kaharian. Napakahalagang manatili tayo sa libis ng proteksiyon, lalo na’t papalapit na ang malaking kapighatian.
DUMATING ANG ‘ARAW NG PAKIKIDIGMA’
14, 15. Sa ‘araw ng pakikidigma ng Diyos’ sa kaniyang mga kaaway, ano ang magiging kalagayan ng mga nasa labas ng libis?
14 Habang papalapít ang katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, lalong patitindihin ni Satanas ang kaniyang pagsalakay sa mga lingkod ni Jehova. Pero sa huling pagsalakay ni Satanas, makikipaglaban si Jehova at pupuksain ang lahat ng kaaway ng kaniyang bayan. Iyan ang ‘araw ng pakikidigma ng Diyos’ na inihula ni Zacarias. Kung ihahambing sa mga naunang “araw ng labanan,” lalong maitatanghal ni Jehova sa araw na ito ang kaniyang sarili bilang maluwalhating Mandirigma.—Zac. 14:3.
15 Sa araw ng pakikidigma ng Diyos, ano ang magiging kalagayan ng mga nasa labas ng “napakalaking libis” ng proteksiyon? Sinasabi ng hula na “hindi [sila] magkakaroon ng mahalagang liwanag,” o pagsang-ayon ng Diyos. Sa araw na iyon ng labanan, ang ‘kabayo, mula, kamelyo, at lalaking asno, at bawat uri ng alagang hayop’—na sumasagisag sa mga sandatang militar ng mga bansa—ay “mamumuo,” o parang magyeyelo, anupat mawawalan ng silbi. Gagamitin din ni Jehova “ang salot.” Hindi natin alam kung literal o makasagisag ang salot na ito. Pero sa araw na iyon, “ang mismong mga mata [at] dila ng isa ay mabubulok,” sa diwa na ang mga kaaway ay makikipaglaban na parang mga bulag at mapatatahimik ang kanilang pananalansang. (Zac. 14:6, 7, 12, 15) Walang bahagi ng lupa ang makaliligtas. Isang malaking hukbo ang papanig kay Satanas. (Apoc. 19:19-21) “Ang mga mapapatay ni Jehova sa araw na iyon ay tiyak na mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa.”—Jer. 25:32, 33.
16. Yamang papalapít ang araw ng pakikidigma ng Diyos, anong mga tanong ang dapat nating pag-isipan, at ano ang dapat nating gawin?
16 Ang digmaan ay laging nagdudulot ng pagdurusa, kahit sa mga nananaig. Maaaring kapusin ang pagkain. Maaaring mawala ang mga ari-arian. Maaaring bumaba ang antas ng pamumuhay. Maaaring mawala ang ilang kalayaan. Kapag sumapit sa atin ang ganitong mga pagsubok, ano ang magiging reaksiyon natin? Matataranta ba tayo? Tatalikuran ba natin ang ating pananampalataya sa harap ng panggigipit? Manghihina ba tayo at mawawalan ng pag-asa? Napakahalaga nga na sa panahon ng malaking kapighatian, patuloy tayong magtiwala sa kakayahan ni Jehova na magligtas at manatili tayo sa libis ni Jehova para sa proteksiyon!—Basahin ang Habakuk 3:17, 18.
“ANG TUBIG NA BUHÁY AY LALABAS”
17, 18. (a) Ano ang “tubig na buháy”? (b) Saan tumutukoy ang “silanganing dagat” at ang “kanluraning dagat”? (c) Ano ang determinasyon natin?
17 Pagkatapos ng Armagedon, ang “tubig na buháy” ay patuloy na dadaloy mula sa Mesiyanikong Kaharian. Ang “tubig na buháy” na ito ay lumalarawan sa mga paglalaan ni Jehova ukol sa buhay. Ang “silanganing dagat” ay tumutukoy sa Dagat na Patay, at ang “kanluraning dagat” naman ay sa Dagat Mediteraneo. Pareho itong sumasagisag sa mga tao. Ang Dagat na Patay ay angkop na lumalarawan sa mga nasa karaniwang libingan ng buong sangkatauhan. Yamang ang Dagat Mediteraneo ay namumutiktik sa buhay, wasto naman itong lumalarawan sa “malaking pulutong” na makaliligtas sa Armagedon. (Basahin ang Zacarias 14:8, 9; Apoc. 7:9-15) Ang dalawang grupong ito ay makikinabang sa pag-inom ng makasagisag na tubig na buháy, o sa “ilog ng tubig ng buhay.” Sa paggawa nito, sila ay magiging sakdal at mabubuhay magpakailanman.—Apoc. 22:1, 2.
18 Kapag pinuksa ni Jehova ang balakyot na sistemang ito, ipagsasanggalang niya tayo at aakayin sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan. Bagaman tayo ay tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng bansa, determinado tayong patuloy na maging tapat bilang mga sakop ng Kaharian ng Diyos, at manatili sa libis ni Jehova para sa proteksiyon.
a Tingnan ang Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, pahina 169-170.