ARALING ARTIKULO 12
Nakikita Mo Ba ang Nakita ni Zacarias?
“‘Sa pamamagitan ng aking espiritu,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”—ZAC. 4:6.
AWIT 73 Bigyan Mo Kami ng Katapangan
NILALAMANa
1. Anong kapana-panabik na pangyayari ang naghihintay para sa mga Judio?
MASAYANG-MASAYA ang mga Judio. “Inudyukan ni Jehova si Haring Ciro ng Persia” na palayain ang mga Israelita na ilang dekada nang bihag sa Babilonya. Ipinag-utos ng hari na bumalik ang mga Judio sa kanilang lupain at “muling itayo ang bahay ni Jehova na Diyos ng Israel.” (Ezra 1:1, 3) Tiyak na sabik na sabik sila! Maibabalik na ang pagsamba sa tunay na Diyos sa lupaing ibinigay niya sa kaniyang bayan.
2. Ano ang unang natapos ng bumalik na mga Judio sa Jerusalem?
2 Noong 537 B.C.E., may dumating nang mga tapong Judio sa Jerusalem, ang kabisera ng timugang kaharian ng Juda. Agad nilang sinimulan ang pagtatayo ng templo, at noong 536 B.C.E., natapos na nila ang pundasyon.
3. Paano sinalansang ang mga Judio?
3 Nang simulan ng mga Judio ang muling pagtatayo ng templo, marami ang sumalansang sa kanila. “Sinikap ng mga tao sa nakapalibot na mga lupain na pahinain ang loob ng mga Judio para mapatigil sila sa pagtatayo.” (Ezra 4:4) Mahirap iyon para sa mga Judio, pero lalo pang lumala ang sitwasyon. Noong 522 B.C.E., naging hari ng Persia si Artajerjes.b Sinamantala iyon ng mga kaaway para tuluyang mapahinto ang gawaing pagtatayo, at ‘nagpakana ng kapahamakan sa ngalan ng batas.’ (Awit 94:20) Nagpadala sila ng sulat kay Haring Artajerjes at sinabi na nagpaplano ng rebelyon ang mga Judio. (Ezra 4:11-16) Naniwala naman ang hari sa mga kasinungalingan nila at pinahinto ang pagtatayo ng templo. (Ezra 4:17-23) Kaya nahinto ang pagtatayo ng mga Judio.—Ezra 4:24.
4. Ano ang ginawa ni Jehova nang hadlangan ng mga kaaway ang pagtatayo ng templo? (Isaias 55:11)
4 Determinado ang mga pagano sa lupain at ang ilan sa mga namamahala sa Persia na pahintuin ang muling pagtatayo ng templo. Pero gusto ni Jehova na matapos ito ng mga Judio, at lagi niyang tinutupad ang layunin niya. (Basahin ang Isaias 55:11.) Pinili niya ang matapang na si Zacarias bilang propeta at binigyan niya ito ng walong kamangha-manghang pangitain na kailangan nitong ibahagi sa mga Judio para palakasin ang loob nila. Nakatulong sa kanila ang mga pangitaing iyon para makita na hindi sila dapat matakot sa mga kaaway nila at napatibay sila na ituloy ang gawaing pagtatayo. Sa ikalimang pangitain, nakakita si Zacarias ng isang kandelero at dalawang punong olibo.
5. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
5 Pinanghihinaan tayo ng loob paminsan-minsan. Kaya makakatulong sa atin ang pampatibay na ibinigay ni Jehova sa mga Israelita sa pamamagitan ng ikalimang pangitain ni Zacarias. Kapag naunawaan natin ang pangitaing ito, tutulong ito sa atin na manatiling tapat kay Jehova kahit may pagsalansang, may mga pagbabago, at may mga tagubilin na hindi natin naiintindihan.
KAPAG MAY PAGSALANSANG
6. Paano napatibay ang mga Judio ng pangitain tungkol sa kandelero at dalawang punong olibo na binabanggit sa Zacarias 4:1-3? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
6 Basahin ang Zacarias 4:1-3. Sa tulong ng pangitain tungkol sa kandelero at dalawang punong olibo, lumakas ang loob ng mga Judio na ipagpatuloy ang gawain kahit may pagsalansang. Paano? Napansin mo ba na tuloy-tuloy ang daloy ng langis sa kandelero? Nanggagaling sa dalawang punong olibo ang langis na dumadaloy sa mangkok, at mula rito, dumadaloy ang langis sa pitong ilawan ng kandelero. Dahil sa langis, patuloy na nagniningas ang mga ilawan. Nagtanong si Zacarias: “Ano ang ibig sabihin ng mga ito?” Sinabi ng anghel ang mensahe ni Jehova: “‘Hindi sa pamamagitan ng hukbong militar, o sa pamamagitan ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Zac. 4:4, 6) Ang langis na nanggagaling mula sa mga puno ay lumalarawan sa makapangyarihang banal na espiritu ni Jehova, na hindi kailanman mauubos. Walang-wala ang makapangyarihang hukbong militar ng Imperyo ng Persia kung ikukumpara sa lakas ng kapangyarihan ng espiritu ng Diyos. Sa tulong ni Jehova, matatapos ng mga Judio ang pagtatayo ng templo kahit may pagsalansang. Talagang nakakapagpatibay ang mensaheng iyon! Ang kailangan lang nilang gawin ay magtiwala kay Jehova at ituloy ang gawain. At ganoon nga ang ginawa nila kahit may pagbabawal pa.
7. Anong pagbabago ang nagbigay ng kaginhawahan sa mga nagtatayo ng templo?
7 Naginhawahan ang mga nagtatayo ng templo nang magkaroon ng pagbabago. Anong pagbabago? Noong 520 B.C.E., ang bagong hari na si Dario I ang namamahala sa Persia. Sa ikalawang taon ng paghahari niya, nalaman niya na ilegal ang pagbabawal sa pagtatayo ng templo. Kaya naglabas siya ng utos na ituloy ang gawain. (Ezra 6:1-3) Tuwang-tuwa na ang lahat ng Judio sa ginawang iyon ng hari—pero hindi lang iyon ang ginawa niya. Ipinag-utos din niya sa mga tao sa nakapalibot na mga lupain na huwag hadlangan ang pagtatayo at naglaan siya ng panggastos at iba pang kailangan para maituloy ang pagtatayo. (Ezra 6:7-12) Kaya mahigit apat na taon lang, natapos ng mga Judio ang pagtatayo ng templo noong 515 B.C.E.—Ezra 6:15.
8. Bakit dapat mong lakasan ang loob mo kapag pinag-uusig ka?
8 Sa ngayon, marami ring sumasamba kay Jehova ang nakakaranas ng pagsalansang. Halimbawa, may ilan na nakatira sa mga lupaing ipinagbabawal ang gawain natin. Sa gayong mga lupain, puwedeng maaresto ang mga kapatid at ‘dalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari’ para makapagpatotoo sila sa kanila. (Mat. 10:17, 18) Kung minsan, kapag iba na ang namamahala, malaya nang nakakasamba ang mga kapatid. Kung minsan naman, pabor sa mga kapatid ang hatol ng isang patas na hukom. Ibang pagsalansang naman ang nararanasan ng ilang Saksi. Malaya silang nakakasamba kay Jehova sa bansa nila, pero hinahadlangan naman sila ng mga kapamilya nila na maglingkod sa Diyos. (Mat. 10:32-36) Sa maraming kaso, kapag nakikita ng mga kapamilya nila na hindi nila kayang pigilan ang mga kamag-anak nilang Saksi, tumitigil na sila sa pagsalansang. At ang ilan na dating nananakit sa mga kapamilya nilang Saksi ay naging masisigasig na Saksi rin. Kaya kapag pinag-uusig ka, huwag kang hihinto sa paglilingkod kay Jehova! Lakasan mo ang loob mo. Tutulungan ka ni Jehova at ng banal na espiritu niya, kaya wala kang dapat ikatakot!
KAPAG MAY PAGBABAGO
9. Bakit nalungkot ang ilang Judio nang matapos nila ang pundasyon ng bagong templo?
9 Nang mailatag na ang pundasyon ng bagong templo, umiyak ang ilang matatandang Judio. (Ezra 3:12) Nakita kasi nila ang maluwalhating templo na itinayo ni Solomon, at sa tingin nila, ang templong itinatayo nila ay ‘bale-wala kung ikukumpara’ doon. (Hag. 2:2, 3) Lungkot na lungkot sila dahil ikinumpara nila ang bagong templo sa nauna. Makakatulong ang pangitain ni Zacarias para maibalik ang kagalakan nila. Paano?
10. Ayon sa Zacarias 4:8-10, paano napatibay ng mga sinabi ng anghel ang nalulungkot na mga Judio?
10 Basahin ang Zacarias 4:8-10. Ano ang ibig sabihin ng anghel nang sabihin niyang “magsasaya [ang mga Judio] at makikita nila ang hulog sa kamay ni Zerubabel,” ang Judiong gobernador? Ang hulog ay isang instrumentong ibinibitin para matiyak na tuwid ang pagkakatayo ng isang istraktura. Tiniyak ng anghel sa bayan ng Diyos na kahit sa tingin ng ilan ay hindi ganoon karingal ang templong itinatayo nila kumpara sa nauna, tiyak na matatapos at makakaabot ito sa mga pamantayan ni Jehova. Masaya si Jehova sa itinatayong templo, kaya bakit sila malulungkot? Ang mahalaga kay Jehova, sasambahin nila siya sa bagong templo sa paraang gusto niya. Kung magpopokus ang mga Judio sa pagsambang katanggap-tanggap kay Jehova at kung paano nila makukuha ang pagsang-ayon niya, maibabalik nila ang kanilang kagalakan.
11. Anong mahihirap na sitwasyon ang puwedeng mapaharap sa mga mananamba ni Jehova sa ngayon?
11 Hindi madali para sa marami sa atin ang pagbabago. May ilan na matagal na sa pantanging buong-panahong paglilingkod ang tumanggap ng bagong atas. Kinailangan namang iwan ng ilan ang atas na mahalaga sa kanila dahil sa edad nila. Normal lang na malungkot sa gayong mga pagbabago. Sa una, baka hindi natin lubusang maintindihan ang desisyon o hindi tayo sang-ayon dito. Baka nami-miss natin ang dati nating ginagawa. At baka panghinaan tayo ng loob dahil iniisip natin na hindi na ganoon kalaki ang nagagawa natin para kay Jehova. (Kaw. 24:10) Paano makakatulong ang pangitain ni Zacarias para patuloy nating maibigay ang pinakamabuti sa Diyos natin?
12. Paano makakatulong ang pangitain ni Zacarias para patuloy tayong maging masaya kahit magbago ang kalagayan natin?
12 Mas madali nating makakayanan ang pagbabago kung titingnan natin ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ni Jehova. Napakarami ng mga gawain ni Jehova sa ngayon, at mayroon tayong napakagandang pribilehiyo na maging mga kamanggagawa niya. (1 Cor. 3:9) Puwedeng magbago ang mga atas natin, pero hindi magbabago ang pag-ibig ni Jehova para sa atin. Kung isa ka sa mga naapektuhan ng mga pagbabago sa organisasyon, iwasang mag-isip nang mag-isip kung bakit ginawa ang pagbabagong iyon. Imbes na magpokus sa “mga araw noon,” ipanalangin kay Jehova na makita mo ang magandang dahilan sa pagbabagong iyon. (Ecles. 7:10) Sa halip na isipin ang mga bagay na hindi mo na magagawa, isipin ang lahat ng bagay na magagawa mo ngayon. Natutuhan natin sa pangitain ni Zacarias na mahalagang manatiling positibo. Sa paggawa nito, patuloy tayong magiging masaya at tapat kahit magbago ang kalagayan natin.
KAPAG MAY TAGUBILIN NA MAHIRAP SUNDIN
13. Bakit naisip ng ilang Israelita na hindi magandang desisyon na ipagpatuloy ang pagtatayo ng templo?
13 Ipinagbabawal ang muling pagtatayo ng templo. Pero pinangunahan ng mataas na saserdoteng si Jesua (Josue) at ng gobernador na si Zerubabel ang gawain at “sinimulan [nila] ang pagtatayong muli sa bahay ng Diyos.” (Ezra 5:1, 2) Baka para sa ilang Judio, hindi magandang desisyon iyon. Hindi kasi iyon maitatago sa mga kaaway, na pursigidong patigilin ang pagtatayo. Kailangan nina Josue at Zerubabel ng katiyakan na tutulungan sila ni Jehova. Paano ito ibinigay ni Jehova?
14. Ayon sa Zacarias 4:12, 14, anong katiyakan ang tinanggap ng mataas na saserdoteng si Josue at ng gobernador na si Zerubabel?
14 Basahin ang Zacarias 4:12, 14. Sa bahaging ito ng pangitain ni Zacarias, sinabi ng anghel sa tapat na propeta ng Diyos na ang dalawang punong olibo ay lumalarawan sa “dalawang pinili”—sina Josue at Zerubabel. Inilalarawan ang dalawang lalaking ito na “nakatayo sa tabi ng Panginoon ng buong lupa,” si Jehova. Isa ngang napakagandang pribilehiyo iyon! Nagtitiwala si Jehova sa kanila. Kaya makakapagtiwala ang mga Israelita sa anumang desisyon ng dalawang piniling ito at sa tagubilin ng Diyos.
15. Paano natin maipapakita na iginagalang natin ang mga tagubilin na nababasa natin sa Bibliya?
15 Sa ngayon, patuloy na pinapatnubayan ni Jehova ang bayan niya sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Sa banal na aklat na iyon, sinasabi niya kung paano natin siya dapat sambahin. Paano natin maipapakita na iginagalang natin ang mga tagubiling tinatanggap natin mula sa Salita ng Diyos? Maipapakita natin ito kung maglalaan tayo ng panahon para basahin at unawain ito. Tanungin ang sarili: ‘Kapag nagbabasa ako ng Bibliya o ng isa sa mga publikasyon natin, humihinto ba ako at binubulay-bulay ang nabasa ko? Nagre-research ba ako sa mga nababasa kong “mahirap maintindihan”? O nagmamadali ako sa pagbabasa?’ (2 Ped. 3:16) Kung maglalaan tayo ng panahon para bulay-bulayin ang mga itinuturo sa atin ni Jehova, masusunod natin ang tagubilin niya at ang utos niya na mangaral.—1 Tim. 4:15, 16.
16. Kapag hindi natin lubusang naiintindihan ang tagubiling tinatanggap natin mula sa “tapat at matalinong alipin,” ano ang tutulong sa atin na sundin ito?
16 Ginagamit din ni Jehova ang “tapat at matalinong alipin” para magbigay ng tagubilin. (Mat. 24:45) Kung minsan, baka hindi natin lubusang naiintindihan ang tagubiling ibinibigay ng aliping ito. Halimbawa, baka tumanggap tayo ng mga espesipikong tagubilin bilang paghahanda sa isang likas na sakuna na sa tingin natin ay hindi naman mangyayari sa lugar natin. O baka maisip natin na sobrang higpit ng mga tagubiling ibinibigay ng aliping ito sa panahon ng pandemic. Ano ang dapat nating gawin kung sa tingin natin, hindi praktikal ang mga tagubiling iyon? Pag-isipan natin kung paano nakatulong sa mga Israelita ang pagsunod nila sa tagubiling ibinigay nina Josue at Zerubabel. Puwede rin nating pag-isipan ang ibang ulat sa Bibliya na nabasa natin. May mga pagkakataon na tumanggap ang bayan ng Diyos ng tagubilin na sa tingin ng tao ay hindi praktikal, pero nakapagligtas ng buhay.—Huk. 7:7; 8:10.
TINGNAN ANG NAKITA NI ZACARIAS
17. Ano ang naging epekto sa mga Judio ng pangitain tungkol sa kandelero at dalawang punong olibo?
17 Maikli lang ang ikalimang pangitaing nakita ni Zacarias, pero nakatulong ito sa mga Judio na maging positibo at magpatuloy sa kanilang gawain at pagsamba. At nang kumilos sila kaayon ng nakita ni Zacarias sa pangitain, naramdaman nila ang maibiging tulong at patnubay ni Jehova. Sa tulong ng kaniyang makapangyarihang banal na espiritu, naipagpatuloy nila ang gawain at naibalik ang kagalakan nila.—Ezra 6:16.
18. Ano ang epekto sa iyo ng pangitain ni Zacarias?
18 Puwedeng magkaroon ng malaking epekto sa buhay mo ang pangitain ni Zacarias tungkol sa kandelero at dalawang punong olibo. Gaya ng tinalakay natin, matutulungan ka nito na magkaroon ng lakas ng loob para maharap ang mga pagsalansang, ng kagalakan para makayanan ang mga pagbabago sa buhay, at ng tiwala para maging masunurin kapag tumanggap ng mga tagubilin na hindi mo naiintindihan. Ano ang dapat mong gawin kapag dumaranas ka ng mga problema sa buhay? Una, tingnan ang nakita ni Zacarias—ang ebidensiya na pinapangalagaan ni Jehova ang bayan Niya. Pagkatapos, kumilos ayon sa nakikita mo, magtiwala kay Jehova, at patuloy siyang sambahin nang buong puso. (Mat. 22:37) Kung gagawin mo iyan, tutulungan ka ni Jehova na paglingkuran siya nang may kagalakan magpakailanman.—Col. 1:10, 11.
AWIT 7 Jehova, Aming Lakas
a Binigyan ni Jehova si propeta Zacarias ng kamangha-manghang mga pangitain. Sa tulong ng mga pangitaing iyon, nagkaroon ng lakas ng loob si Zacarias at ang bayan ni Jehova para muling ibalik ang dalisay na pagsamba kahit hindi ito madaling gawin. Makakatulong din sa atin ang mga pangitaing iyon para makapanatili tayong tapat kay Jehova kahit may mga problema. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mahahalagang aral sa pangitain ni Zacarias tungkol sa kandelero at mga punong olibo.
b Pagkaraan ng ilang taon, nang maging gobernador si Nehemias, may ibang Artajerjes na namahala at napakabait niya sa mga Judio.
c LARAWAN: Nakikita ng brother na kailangan niyang tanggapin ang mga pagbabago sa buhay dahil sa edad at humihinang kalusugan.
d LARAWAN: Binubulay-bulay ng sister na talagang pinapatnubayan ni Jehova ang “tapat at matalinong alipin,” gaya ng ginawa niya kina Josue at Zerubabel.