Isang Panahon ng Pagsubok at Pagsalà
“At biglang darating sa Kaniyang templo ang tunay na Panginoon, na inyong hinahanap, at ang sugo ng tipan . . . At siya’y uupo gaya ng mangdadalisay at maglilínis.”—MALAKIAS 3:1, 3.
1, 2. (a) Anong mga kalagayan ang umiral sa gitna ng bayan ng Diyos noong ikalimang siglo B.C.E.? (b) Bakit dapat tayong maging interesado sa hula ni Malakias?
“NASAAN ang Diyos ng katarungan?” Ang mga nagbangon ng naghahamong tanong na iyan noong ikalimang siglo B.C.E. ay nagsabi rin: “Walang kabuluhan ang maglingkod sa Diyos.” Ang pagkabulok ng relihiyon at ng asal sa gitna ng sariling bayan ng Diyos, ang mga Judio, ay lumikha ng pag-aalinlangan tungkol sa katarungan ng Diyos. Subalit ang mga mata ng tunay na Diyos, na hindi natutulog, ay nagmamasid sa kanila. At kaniyang inatasan ang propetang Hebreo na si Malakias na patiunang itawag-pansin sa kanila na may darating na gawang paglilinis, isang panahon ng pagsubok at pagsalà. Kanilang malalaman kung nasaan “ang Diyos ng katarungan” pagka siya’y biglang dumating para maghukom!—Malakias 2:17; 3:1, 14, 15.
2 Dapat tayong maging interesado sa hula ni Malakias hindi lamang dahil sa makasaysayan ito. Bakit? Sapagkat maliwanag na ito’y may katuparan sa ating kaarawan. (Roma 15:4) Oo, ang bayan ni Jehova sa ngayon ay dumaraan sa isang panahon ng pagsubok at pagsalà! Sa paano nga? Ang isang mas maselang na pag-aaral ng hula ni Malakias ang tutulong sa atin sa pagsagot.
3. Ano ang paraan ng pagdalisay noong sinaunang panahon?
3 Subalit, una, bakit inilalantad ni Jehova ang kaniyang bayan sa pagsubok at pagsalà? Bilang “ang tagasubok ng mga puso,” nilayon niya na dalisayin ang kaniyang organisadong bayan. (Kawikaan 17:3; Awit 66:10) Noong sinaunang panahon ayon sa Bibliya sa pagdalisay ay kailangan na painitin ang isang metal hanggang sa matunaw at pagkatapos ay hapawin ang mga dumi, o sukal. Ating mababasa: “Ang taga-dalisay ay nagbabantay sa ginagawang iyon, nakatayo o dili kaya’y nakaupo, at taglay ang buong sikap, hanggang sa . . . ang [likidong] metal ay nasa anyo ng isang lubhang-makintab na salamin, at makikita roon ang wangis ng lahat ng bagay na nasa palibot niyaon; maging ang taga-dalisay man, pagka tumingin siya sa metal na iyon, ay makikita niya ang kaniyang sarili na gaya ng isang nanalamin, at sa ganoo’y makabubuo siya ng isang tamang-tamang paghatol tungkol sa kadalisayan ng metal. Kung siya’y nasisiyahan na, ang apoy ay pinapatay, at inaalis sa hurno ang metal; subalit kung hindi pa masasabing dalisay na iyon, higit pang tingga ang inilalagay at inuulit ang pagdalisay.” (Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature, ni J. McClintock at J. Strong) Ang gayong dinalisay na ginto o pilak ay lalong mahalaga.—Ihambing ang Apocalipsis 3:18.
4. Bakit pinapayagan ni Jehova na subukin at salain ang kaniyang mga lingkod?
4 Pinapayagan ni Jehova na subukin at salain ang kaniyang mga lingkod upang sila’y dalisayin o linisin, upang tulungan sila na sa kanila’y masalamin nang lalong husto ang kaniyang wangis. (Efeso 5:1) Sa pagdalisay, kaniyang hinahapaw ang sukal sa pamamagitan ng pag-aalis ng maruruming turo at gawain. (Isaias 1:25) Kaniyang sinasala at pinatatalsik mula sa kaniyang bayan yaong mga tumatangging sila’y dalisayin at “sanhi ng pagkatisod at mga taong gumagawa ng katampalasanan.” Ito’y humahawi ng daan upang “ang mga anak ng kaharian,” ang espirituwal na mga Israelita, ay sumikat nang buong kaningningan upang ang isang makalupang uri ay matipon din naman at sumama sa kanila sa organisasyon para makaligtas.—Mateo 13:38, 41, 43; Filipos 2:15.
Ang Atas kay Malakias
5, 6. (a) Sino, lalong higit, ang may pananagutan dahil sa lubhang pag-urong ng espirituwal na kalagayan ng mga Israelita noong kaarawan ni Malakias? Bakit? (b) Ano ang masamang epekto nito sa mga Israelita sa pangkalahatan?
5 Si Malakias ay nanghula pagkaraan ng 443 B.C.E., halos isang daang taon pagkatapos na bumalik galing sa Babilonya ang mga Judiong bihag. Mahigit na 70 taon ang lumipas sapol nang pasinayaan ang templong itinayong muli ni Zerubabel. Ang espirituwal na kalagayan ng mga Israelita ay lubhang umurong. Sino, lalong higit, ang may pananagutan? Ang mga saserdote! Paano ngang nagkagayon? Kanilang “hinahamak” ang pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng pagtanggap sa may sakit at pilay na mga hain na inihahandog. (Malakias 1:6-8) Kanilang “itinisod ang marami sa kautusan” dahil sa hindi nila pagtuturo sa mga tao at sa pagtatangi pagka sila’y humahatol.—Malakias 2:6-9; Santiago 3:1.
6 Kaya naman, ang mga Israelita sa pangkalahatan ay nag-alinlangan sa kahalagahan ng paglilingkod sa Diyos, at tumanggi pa man din sila na magbigay ng ikapu na kahilingan ng kautusan. (Malakias 3:6-10, 14, 15; Levitico 27:30) Napakalayo na ng pag-urong ng kanilang debosyon sa Kautusan ng Diyos na anupa’t ang iba ay “nagtaksil” sa kani-kanilang asawa, marahil sa pamamagitan ng paghiwalay sa kanila upang mag-asawa ng mga babaing pagano. Aba, ang karima-rimarim na mga gawain gaya ng pangkukulam, pangangalunya, pagsisinungaling, at pandaraya ay palasak na ngayon sa gitna ng bayan ng Diyos!—Malakias 2:10-16; 3:5.
7, 8. Ano ang iniatas kay propeta Malakias?
7 Ang atas kay Malakias ay maliwanag. Tahasang ibinunyag niya ang mapagpabayang mga saserdote, at ipinadama niya sa mga tao ang kanilang tunay na kalagayan sa espirituwal. Gayunman, kaniyang ipinakita na ang Diyos na may maawaing pag-ibig ay handang magpatawad. “Manumbalik kayo sa akin, at ako’y manunumbalik sa inyo,” ang panawagan ni Jehova. (Malakias 3:7) Inihula ni Malakias na “ang tunay na Panginoon” ay darating sa kaniyang templo para maghukom. Ang mga saserdote ay nangangailangan na linisin upang “maghandog kay Jehova ng handog sa katuwiran.” (Malakias 3:1-3) Bukod dito, ang mga tao ay binigyan ng babala na “ang tunay na Panginoon” ay magiging isang “maliksing saksi” laban sa mga nagpapatuloy sa kasuklam-suklam na mga gawa.—Malakias 3:5.
8 Si Malakias ay tumupad ng iniatas sa kaniya; siya’y nagbigay ng babala. Ang kaniyang sinabi ay pinakinabangan ng mga saserdote at ng mga tao noong kaniyang kaarawan. Subalit, mga ilang siglo ang lumipas bago ang kaniyang hula ay natupad ang ilang bahagi bilang unang katuparan.
Ang Katuparan Noong Unang Siglo
9. Bilang katuparan ng hula ni Malakias, sino ang “sugo”? Bakit gayon ang sagot mo?
9 Sa pagsasalita buhat sa kaniyang matayog na trono sa langit, ang Dakilang Hukom ay nagsasabi: “Narito! Aking isinusugo ang aking sugo, at siya’y maghahanda ng daan sa harap ko.” (Malakias 3:1a) Sino ba ang “sugo” na iyon? Pinagsasama ng manunulat ng Bibliya na si Marcos ang mga hula ng Malakias 3:1 at Isaias 40:3 at kapuwa ikinakapit kay Juan Bautista. (Marcos 1:1-4) Si Jesu-Kristo rin naman, nang magtagal ay nakakilala kay Juan bilang ang “sugo” na iyon. (Mateo 11:10-14) Kaya naman noong tagsibol ng 29 C.E., si Juan Bautista ay nagsimula ng kaniyang gawain bilang isang “sugo,” isang tagapaghanda ng daan. Kaniyang ihahanda noon ang daan para sa pagparito ni Jehova para maghukom sa pamamagitan ng paghahanda sa mga Israelita para sa pagparito ng Punong Kinatawan ng Diyos, si Jesu-Kristo.
10. Paano naglingkod si Juan Bautista “upang ipaglaan si Jehova ng isang nahahandang bayan”? (Lucas 1:17)
10 Ang patiunang pagsusugo kay Juan ay isang kapahayagan ng kagandahang-loob ng Diyos sa mga Judio. Yamang sila’y may pakikipagtipan kay Jehova, kailangang magsisi sila sa kanilang mga kasalanan laban sa Kautusan. Itinuwid ni Juan ang mga bagay-bagay tungkol sa relihiyon at ibinunyag niya ang relihiyosong pagpapaimbabaw. (Mateo 3:1-3, 7-12) Kaniyang pinukaw ang puso ng tapat na mga Judio na kanilang hintayin ang Kristo upang sila’y makasunod sa Kaniya.—Juan 1:35-37.
11. Paano natin makikilala “ang tunay na Panginoon” na darating na bigla sa templo?
11 Ang hula ni Malakias ay nagpapatuloy: “ ‘At biglang darating sa Kaniyang templo ang tunay na Panginoon, na inyong hinahanap, at ang sugo ng tipan na inyong kinalulugdan. Narito! siya’y tiyak na darating,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Malakias 3:1b) Sino ba “ang tunay na Panginoon” na darating sa kaniyang templo nang ‘bigla,’ o di inaasahan? Ang salitang Hebreo na ginamit ay ha·’A·dhohnʹ. Ang paggamit ng tiyakang artikulo na ha (“ang”) na una sa titulong ’A·dhohnʹ (“Panginoon; Maestro”) ay nagbibigay ng limitasyon sa kinauukulan ng titulong ito na walang iba kundi si Jehovang Diyos lamang. Tunay nga, doon sa “Kaniyang Templo” paparoon si Jehova.—Habacuc 2:20; Awit 11:4.
12. Sino “ang sugo ng tipan,” at siya’y “ang sugo” ng anong “tipan”?
12 Pagkatapos na banggitin ang isang sugo, ipinakita ni Malakias na “ang tunay na Panginoon” ay paparoon sa “Kaniyang Templo” kasama ang isa pa, isang naiibang sugo, “ang sugo ng tipan.” Sino kaya ito? Buweno, sa liwanag nang kung paanong naganap ang mga bagay, makatuwirang manghinuha nga na “ang sugo ng tipan” ay si Jesu-Kristo, na ipinakilala ni Juan Bautista sa kaniyang mga alagad bilang “ang Kordero ng Diyos.” (Juan 1:29-34) Ang Mesiyas ay “sugo” ng anong “tipan”? Ang ebidensiyang ibinibigay ng Lucas 1:69-75 at Gawa 3:12, 19-26 ay nagpapakita na yao’y ang tipan kay Abraham, at batay rito ay ang mga Judiyo ang unang bibigyan ng pagkakataon na maging mga tagapagmana ng Kaharian.
13. Sa anong diwa dumating sa templo “ang tunay na Panginoon” na si Jehova?
13 “Ang tunay na Panginoon” na si Jehova ay hindi personal na naparoon sa literal na templo sa Jerusalem. (1 Hari 8:27) Siya’y naparoon sa pamamagitan ng isang kinatawan, samakatuwid baga, sa pamamagitan ng kaniyang “sugo ng tipan,” si Jesu-Kristo, na naparito sa pangalan ni Jehova at inaalalayan ng banal na espiritu ng Diyos.a
14. (a) Bakit ang paglilinis ni Jesus sa templo noong 30 C.E. ay maliwanag na isang sagisag lamang ng darating? (b) Paano at kailan nilinis ang templo bilang katuparan ng Malakias 3:1?
14 Nang tagsibol ng 30 C.E., si Jesus ay dumating sa templo ni Jehova sa Jerusalem at kaniyang pinaalis doon yaong mga taong ginagawa iyon na “isang bahay-kalakalan.” (Juan 2:13-16) Subalit ito’y isa lamang sagisag ng darating bilang katuparan ng hula ni Malakias. Pagkatapos ng pangyayaring ito, si Juan, bilang “ang sugo,” ay nagpatuloy ng pagbabautismo at pag-akay sa kaniyang mga alagad upang maging mga alagad ni Jesus. (Juan 3:23-30) Datapuwat, noong Nisan 9, 33 C.E., si Jesus ay matagumpay na pumasok sa Jerusalem, at iniharap ang kaniyang sarili bilang Hari. (Mateo 21:1-9; Zacarias 9:9) Natapos na ni Juan ang kaniyang gawain, na pinugutan ng ulo ni Herodes mga isang taon na ang nakaraan. Kaya’t nang dumating si Jesus sa templo noong Nisan 10, siya’y dumating doon bilang opisyal na “sugo ng tipan,” ang hukom na kumakatawan sa “tunay na Panginoon” na si Jehova, bilang katuparan ng Malakias 3:1. Nilinis ni Jesus ang templo, kaniyang pinalayas doon yaong mga nangungomersiyo, pinagbabaligtad ang mga lamesa ng mga mamamalit ng salapi. Inulit-ulit niya: “Hindi ba nasusulat [sa Isaias 56:7], na ‘ang bahay [ni Jehova] ay tatawaging isang bahay na dalanginan para sa lahat ng bansa’? Ngunit ginawa ninyo itong isang yungib ng mga magnanakaw.”—Marcos 11:15-18.
15. Bilang isang uri, paano tumugon sa ginawang pagdalisay ang relihiyosong mga lider na Judio, ngunit ano ang tugon ng mga ibang saserdote?
15 Sa gayo’y nagbigay ng babala sa relihiyosong mga lider ng Israel na dumating na ang kanilang oras. Bilang isang uri, tumanggi silang tanggapin ang “sugo ng tipan” ni Jehova. Sila’y hindi ‘nakatiis sa araw ng kaniyang pagparito,’ sapagkat sila’y tumangging mapakumbabang padalisay sa Dakilang Tagapagdalisay. (Malakias 3:2, 3) Nararapat na sila’y salain at patalsikin bilang karapat-dapat sa pagkapuksa. Maliwanag naman, mayroong mga ilan sa “mga anak ni Levi” na may mabubuting kalooban, sapagkat hindi nagtagal pagkamatay ni Jesus nang “isang lubhang karamihan ng mga saserdote [na Levita] ang naging masunurin sa pananampalataya.”—Gawa 6:7.
16. Paano at kailan sumapit sa bansang Judiong iyan ang “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova”?
16 Noong Nisan 11, ang araw pagkatapos na linisin ang templo, matindi ang pagkabilad ni Jesus sa relihiyosong mga mapagpaimbabaw at ang pagkahula niya ng pagkapuksa ng templo at ng Judiong sistema ng mga bagay. (Mateo, kabanata 23, 24) Oo, “ang Diyos ng katarungan” ay dumating bilang “isang maliksing saksi” sa bansang Judiong iyon 37 taon ang nakalipas noong 70 C.E., nang isang “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova” ang sumapit sa kanila. (Malakias 2:17; 3:5; 4:5, 6) Noon, ang Israel bilang isang bansa, tulad ng isang mistulang punungkahoy na organisasyon na hindi nagbunga ng mabuti, ay “pinutol at inihagis sa apoy” sa pamamagitan ng pagpuksa sa kanila sa kamay ng mga Romano. (Lucas 3:3-14) Ang dahilan ng lahat na ito ay ‘sapagkat hindi nila nakilala ang panahon ng sa kanila’y pagsisiyasat.’—Lucas 19:44.
Makabagong-Panahong Katuparan
17. Ano ang nagpapakita na ang hula ni Malakias ay magkakaroon ng higit pang katuparan sa modernong panahon?
17 Subalit kumusta naman ang pangalawa, o modernong-panahon, na katuparan ng hula ni Malakias? Noong unang siglo, ang unang katuparan ay nangyari pagkatapos na pahiran si Jesus ng banal na espiritu upang maging ang Haring-Hirang ng Kaharian ng Diyos. Makatuwiran, dapat na magkaroon ng isa pang katuparan ng hula pagkatapos na si Jesu-Kristo ay iluklok sa langit noong 1914. Ang hula mismo ay nagpakita na iyon ay matutupad “bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” (Malakias 4:5) Bagama’t isang “araw ni Jehova” ang sumapit sa Judiong sistema noong 70 C.E., ang Kasulatan ay may binabanggit na isang panghinaharap na “araw ni Jehova” sa panahon ng “pagkanaririto” na ito ni Kristo.—Mateo 24:3; 2 Tesalonica 2:1, 2; 2 Pedro 3:10-13.
18. Noong 1922, paano ipinaunawa sa mga lingkod ng Diyos na sila’y nasa isang panahon ng paghuhukom?
18 Sing-aga ng 1922, ipinaunawa sa mga lingkod ni Jehova na sila’y nasa isang panahon ng paghuhukom bilang katuparan ng hula ni Malakias. Sinabi ng The Watchtower ng Setyembre 1: “Ngunit ang katuparan ng hula ni Malakias ay lampas pa sa munting katuparan sa unang pagparito ng ating Panginoon, at ito’y sa panahon na paparito ang Mesiyas na taglay ang kaluwalhatian at kalakasan, at pagka kaniyang hinatulan na ang kaniyang bayan . . . Ngayon, minsan pa, sumapit na ang panahon ng paghatol; muli na naman na ang kaniyang nag-aangking bayan ay sinusubok na gaya ng pagdaraan sa apoy, at ang tapat-pusong mga anak ni Levi ay tinitipong sama-sama para sa paglilingkod.”
19. Sa katuparan sa modernong panahon, paano patiunang isinugo ang isang “sugo”?
19 Gaya ng ipinakikita ng Malakias 3:1, isang pantanging sugo ang patiunang sinugo. Ito’y napatunayan na, hindi isang indibiduwal na tao, kundi isang uri na naglilingkod na gaya ni Juan Bautista. Sapol noong 1881 ginagamit na ng uring ito ang ngayo’y Watch Tower Bible and Tract Society sa isang pambihirang gawaing pagtuturo ng Bibliya. Ang resulta’y napasauli ang maraming mga saligang katotohanan upang mapatimo sa puso ng mga mangingibig ng Bibliya. Ang ilan sa mga nilinaw na turong ito ay: Walang di-namamatay na kaluluwa ang tao, kundi siya ay isang kaluluwa; walang nag-aapoy na impiyerno; si Jesu-Kristo ay hindi babalik bilang tao; si Jehova ay nag-iisang Diyos, hindi isang Trinidad. Oo, ito’y isang gawain na ‘naghanda ng isang daan sa harap ni Jehova’ para sa kaniyang gawaing paghatol.
20. (a) Kailan, maliwanag nga, na dumating si Jehova sa templo? (b) Anong mga tanong ang ibinabangon ito?
20 Biglang-bigla, si Jehova, bilang “ang tunay na Panginoon,” ay dumating sa kaniyang espirituwal na templo. Kailan? Ang aninong ito ay makikita sa katuparan noong unang siglo. Noon si Jesus ay dumating at kaniyang nilinis ang templo tatlo at kalahating taon pagkatapos na siya’y pahiran sa Jordan bilang Hari. Bilang katuparan ng aninong iyon, yamang si Jesus ay iniluklok bilang Hari noong taglagas ng 1914, waring makatuwiran na tatlo at kalahating taon makaraan ay maaasahan na makakasama siya ng “tunay na Panginoon” na si Jehova sa espirituwal na templo. Sang-ayon sa hula, ano ba ang mangyayari mula nang panahong iyon? Pagsubok at pagsalà. Subalit ito’y nagbabangon ng ilang mahalagang mga tanong: Ano ang mga katibayan na mayroon nga ng paglilinis na ito? Ito ba’y nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyang panahon? At paanong personal na naaapektuhan ka ng lahat ng ito? Tingnan natin.
[Mga talababa]
a Sa maraming okasyon, may mga sugong anghel na nagsalita na para bang sila’y ang Diyos na Jehova, sapagkat sila’y nagsisilbing mga kinatawan ni Jehova.—Genesis 31:11-13; Hukom 2:1-3; ihambing ang Genesis 16:11, 13.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit pinayagan ni Jehova ang kaniyang bayan na dumaan sa pagsubok at pagsalà?
◻ Paanong si Juan Bautista ay nagsilbing isang “sugo,” isang tagapaghanda ng daan?
◻ Noong unang siglo, paano dumating si Jesus sa templo bilang “ang sugo ng tipan”?
◻ Paano natin nalalaman na ang hula ni Malakias ay magkakaroon ng katuparan sa modernong panahon?
[Larawan sa pahina 13]
Bilang isang sugo, inihanda ni Juan Bautista ang mga tao para sa pagdating ng “sugo ng tipan”