Malakias
2 “At ngayon, mga saserdote, ang utos na ito ay para sa inyo.+ 2 Kung hindi kayo makikinig at hindi ninyo isasapuso ang pagluwalhati sa pangalan ko,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “magpapadala ako sa inyo ng sumpa,+ at gagawin kong mga sumpa ang inyong mga pagpapala.+ Oo, ginawa kong mga sumpa ang mga pagpapala, dahil hindi ninyo iyon isinasapuso.”
3 “Dahil sa inyo, sisirain* ko ang inihasik ninyong binhi,+ at papahiran ko ng dumi ang mukha ninyo, ng dumi ng inyong mga kapistahan; at dadalhin kayo roon.* 4 At malalaman ninyo na ibinigay ko sa inyo ang utos na ito para ang tipan ko kay Levi ay magpatuloy,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
5 “Ang tipan ko sa kaniya ay buhay at kapayapaan, at ibinigay ko ang mga iyon sa kaniya para magkaroon siya ng pagkatakot* sa akin. At nagkaroon siya ng pagkatakot sa akin, oo, nagpakita siya ng matinding paggalang sa pangalan ko. 6 Ang kautusan* ng katotohanan ay nasa bibig niya,+ at walang kasamaan sa mga labi niya. Lumakad siyang kasama ko sa kapayapaan at namuhay siya nang matuwid,+ at marami siyang inilayo sa kasalanan. 7 Dahil ang mga labi ng saserdote ay dapat magturo* ng kaalaman, at sa kaniya dapat sumangguni ang mga tao tungkol sa kautusan,*+ dahil siya ang mensahero ni Jehova ng mga hukbo.
8 “Pero lumihis kayo ng daan. Marami kayong natisod may kinalaman sa kautusan.*+ Sinira ninyo ang tipan ni Levi,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. 9 “Kaya gagawin ko kayong hamak at mababa sa harap ng buong bayan, dahil hindi kayo lumakad sa mga daan ko, at hindi kayo naging patas sa pagpapatupad ng kautusan.”+
10 “Hindi ba iisa lang ang ama nating lahat?+ Hindi ba iisa lang ang Diyos na lumalang* sa atin? Kaya bakit tayo nagtataksil sa isa’t isa,+ at bakit natin nilalapastangan ang tipan ng ating mga ninuno? 11 Nagtaksil ang Juda, at isang kasuklam-suklam na bagay ang ginawa sa Israel at sa Jerusalem; dahil nilapastangan ng Juda ang kabanalan* ni Jehova,+ na napakahalaga sa Kaniya, at pinakasalan niya ang anak na babae ng isang diyos ng mga banyaga.+ 12 Aalisin* ni Jehova mula sa mga tolda ni Jacob ang bawat isa na gumagawa nito, sinuman siya,* kahit nagbibigay pa siya ng handog kay Jehova ng mga hukbo.”+
13 “At may isa pa* kayong ginagawa na nagiging dahilan ng pagbubuntonghininga at pagbaha ng luha sa altar ni Jehova, kaya hindi na niya pinapansin ang inyong handog o kinalulugdan ang anumang galing sa inyo.+ 14 At sinasabi ninyo, ‘Bakit?’ Si Jehova ay saksi laban sa iyo, dahil pinagtaksilan mo ang asawang pinakasalan mo noong kabataan ka pa, kahit na kapareha mo siya at legal na asawa.*+ 15 Pero mayroong hindi gumawa nito, dahil nasa kaniya ang natitirang espiritu ng Diyos. At ano ang hinahanap ng isang iyon? Ang mga supling* ng Diyos. Kaya ingatan ninyo ang inyong puso,* at huwag ninyong pagtaksilan ang asawang pinakasalan ninyo noong kabataan pa kayo. 16 Dahil napopoot ako* sa pagdidiborsiyo,”+ ang sabi ni Jehova na Diyos ng Israel, “at sa isa na dinurumhan ng karahasan ang kaniyang damit,”* ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. “At ingatan ninyo ang inyong saloobin,* at huwag kayong magtaksil.+
17 “Napagod na si Jehova sa mga sinasabi ninyo.+ Pero sinasabi ninyo, ‘Paano namin siya pinagod?’ Dahil sinasabi ninyo, ‘Ang lahat ng gumagawa ng masama ay mabuti sa paningin ni Jehova, at natutuwa siya sa kanila,’+ o dahil sinasabi ninyo, ‘Nasaan ang Diyos ng katarungan?’”