PAGSAWAY
Ang layunin ng pagsaway ay kumbinsihin ang isa na siya’y nagkasala upang mapakilos siya na kilalanin ang kaniyang mga pagkakamali at ituwid ang mga ito. Ang pandiwang Hebreo na ya·khachʹ (sawayin) ay isang legal na termino na isinasalin din bilang ‘pagsulitin’ (Isa 37:4) at ‘ituwid ang mga bagay-bagay’ (Isa 1:18; 2:4). Ang katumbas nitong terminong Griego ay e·legʹkho. Ang dalawang terminong ito ay kadalasang nagpapahiwatig ng paghatol sa isa bilang nagkasala at paghimok sa kaniya na magsisi. Tungkol sa paggamit ng e·legʹkho sa Griegong Septuagint upang isalin ang maraming paglitaw ng ya·khachʹ, ang Theological Dictionary of the New Testament ay nagsasabi: “Tumutukoy ito sa pagdidisiplina at pagtuturo ng Diyos sa tao upang isagawa ang Kaniyang hudisyal na gawain. Sumasaklaw ito sa lahat ng aspekto ng edukasyon mula sa paghatol sa nagkasala hanggang sa pagpaparusa, mula sa pagtuturo sa matuwid sa pamamagitan ng matitinding pagsubok hanggang sa pagpatnubay sa kaniya sa pamamagitan ng aral at payo.”—Inedit ni G. Kittel, 1964, Tomo II, p. 473.
Kung Kailan Ito Dapat Ibigay. Sa kautusan ng Diyos sa Israel, ang mga taong pinagkasalahan ay hinihimok: “Huwag mong kapopootan ang iyong kapatid sa iyong puso. Dapat mo ngang sawayin ang iyong kasamahan, upang hindi ka magtaglay ng kasalanan kasama niya.” (Lev 19:17) Ang hinanakit sa isang kapatid na nagkasala ay hindi dapat hayaang lumala. Dapat sawayin ang nagkasala upang mabawi siya mula sa kasalanan. Kapag hindi nagampanan ang moral na pananagutang ito, maaari siyang maudyukan na higit pang magkasala, at ang taong hindi sumaway sa kaniyang kasamahan ay mananagot din sa pagkakasalang iyon.—Ihambing ang Mat 18:15.
Kung minsan, kailangang sawayin ng matatanda na kumakatawan sa kongregasyon ang mga nagkakasala nang malubha, anupat ginagawa pa nga ito sa harap ng iba na nakababatid sa makasalanang landasing iyon. Ang gayong pagsaway ay hindi lamang ibinibigay sa mga handang tumanggap nito. Kahilingan din sa matatanda na ‘sawayin yaong mga sumasalungat’ at “sawayin nang may kahigpitan” yaong mga “di-masupil” at “mga nagsasalita ng di-mapapakinabangan.”—1Ti 5:20; Tit 1:9, 10, 13.
Bagaman ang pagsaway ay kapaki-pakinabang para sa tumatanggap nito, ang mga pagsisikap niyaong sumasaway ay hindi laging pinahahalagahan. Kaya naman ang Kawikaan 9:7, 8 ay nagbababala: “Siyang nagtutuwid sa manunuya ay nagdudulot ng kasiraang-puri sa kaniyang sarili, at siyang sumasaway sa balakyot—isang kapintasan sa kaniya. Huwag mong sawayin ang manunuya, upang hindi ka niya kapootan. Sawayin mo ang taong marunong at iibigin ka niya.”
Wastong Saloobin. Yamang ang Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, ang lahat ng saway na matibay na nakasalig dito ay sa kaniya talaga nagmumula. (2Ti 3:16) Ang saway ni Jehova ay isang kapahayagan ng pag-ibig, at hindi dapat kamuhian o tanggihan. (Kaw 3:11, 12) Bilang ulo ng kongregasyong Kristiyano, tinitiyak ni Jesu-Kristo, udyok ng pagmamahal niya sa mga miyembro nito, na ang kinakailangang saway ay naibibigay sa pamamagitan ng mga lalaking may espirituwal na kuwalipikasyon. (Apo 3:14, 19) Nauunawaan ng marurunong na “ang mga saway ng disiplina ang siyang daan ng buhay.”—Kaw 6:23.
Ang makasalanang tao ay may tendensiyang tanggihan ang saway at maghinanakit sa taong ginagamit upang magbigay nito. Ngunit kung magpapadala ang isa sa gayong tendensiya, maihahambing siya sa isang hayop na walang katuwiran at hindi nakauunawa ng moral na pamantayan; ang sabi nga sa kinasihang kawikaan: “Ang napopoot sa saway ay walang katuwiran.” (Kaw 12:1) Sa kabaligtaran, ang salmistang si David, na ilang ulit ding sinaway, ay sumulat: “Saktan man ako ng matuwid, magiging maibiging-kabaitan pa nga iyon; at sawayin man niya ako, magiging langis pa nga iyon sa aking ulo, na hindi tatanggihan ng aking ulo.”—Aw 141:5.
Bilang Kapahayagan ng Di-pagsang-ayon. Ang tahasang pagpapahayag ng di-pagsang-ayon o ang pagpigil sa isang tao sa pamamagitan ng salita o kilos ay karaniwang ipinahihiwatig ng pandiwang Hebreo na ga·ʽarʹ. (Gen 37:10) Ang isa pang pandiwang Hebreo na isinasalin bilang “sawayin” ay literal na nangangahulugang “hiyain.” (Job 11:3) Sa Griego naman, ang diwa ng “sawayin” ay ipinahihiwatig ng salitang e·pi·ti·maʹo, na maaari ring mangahulugang “mahigpit na utusan,” “pagsabihan,” “sawatain.”—Mat 12:16; Luc 18:39; 2Ti 4:2.
Ang isang kahulugan ng pagsaway na hindi limitado sa tao ay ang “pagpigil” o “pagpapatigil sa isang bagay.” Ang pagsaway ni Jehova sa inihasik na binhi ay nagpapahiwatig na hinadlangan niya ang isang masaganang ani. (Mal 2:3) Ang pagsaway niya sa nanlalamong mga insekto ay nangangahulugang pinatigil niya ang pamiminsala ng mga ito sa mga pananim. (Mal 3:11) Inilarawan ng salmista ang mga kaaway ng bayan ng Diyos bilang mga hayop at namanhik siya sa Kataas-taasan na pigilan ang kapangyarihan nilang maminsala, sa pagsasabing: “Sawayin mo ang mabangis na hayop na nasa mga tambo, ang kapulungan ng mga toro.” (Aw 68:30) Sinaway naman ni Jesu-Kristo ang hangin at ang lagnat.—Mar 4:39; Luc 4:39.
Kung minsan, ang salitang “pagsaway” ay may ideya ng “pagbababala.” Kaya naman maaaring ipinahihiwatig ng mga salitang “pagsaway ng iyong mukha” na ang hitsura ng mukha ng isa ay parang nagbababala.—Aw 80:16.
Maaaring itanghal ng epekto ng isang pagsaway ang dakilang kapangyarihan ni Jehova. Ang isang kilaláng halimbawa nito ay ang paghati sa Dagat na Pula.—Aw 106:9.
Makatuwiran at Di-makatuwirang Pagsaway. Ang pagsaway ay maaaring makatuwiran o di-makatuwiran. Sinaway ni Jacob ang kaniyang anak na si Jose dahil sa inilahad nitong panaginip na waring lumalabag sa wastong ugnayan ng magulang at anak. (Gen 37:10) Nang sabihin ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad na malapit na siyang magdusa at mamatay, sinaway siya ni Pedro sa ganitong mga salita: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; hindi kailanman mangyayari sa iyo ang kahihinatnang ito.” (Mat 16:22) Yamang nagkamali si Pedro, makatuwiran lamang na sawayin siya ni Jesus sa napakatinding pananalita: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas, sapagkat iniisip mo, hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.”—Mar 8:33.
Kapaki-pakinabang. Bagaman maaaring masakit ang saway mula sa isang taong marunong, sinasabi ng kinasihang payo: “Mas mabuti ang makinig sa saway ng marunong kaysa maging taong nakikinig sa awit ng mga hangal.” (Ec 7:5) Kapag ang saway mula sa isang taong marunong ay tinanggap nang may tamang espiritu at ikinapit, makatutulong ito sa isa upang mapasulong ang kaniyang paggawi. Mas malalim ang epekto ng isang simpleng saway sa taong matino kaysa sa pagpaparusa ng 100 hampas sa taong hangal dahil sa kaniyang pagkakasala. (Kaw 17:10) Ang pagsaway ng kongregasyon sa pamamagitan ng pagtitiwalag ay makatutulong upang matauhan ang isang nagkasala, gaya ng lumilitaw na nangyari sa kaso ng isang lalaking gumawa ng insesto sa Corinto.—2Co 2:6, 7; 1Co 5:1-5.