Tayo ay kay Jehova
“Maligaya ang bansa na ang Diyos ay si Jehova, ang bayang pinili niya bilang kaniyang mana.”—AWIT 33:12.
1. Bakit makatuwirang sabihin ni Jehova na sa kaniya ang lahat ng bagay? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
LAHAT ng bagay ay kay Jehova! Sa kaniya “ang mga langit, maging ang mga langit ng mga langit, ang lupa at ang lahat ng naroroon.” (Deut. 10:14; Apoc. 4:11) Kaya naman dahil naririto tayo, lahat tayo ay kay Jehova. (Awit 100:3) Pero sa buong kasaysayan ng tao, may espesipikong grupo ng mga tao na pinipili ng Diyos para maging espesyal na pag-aari niya.
2. Sino ang tinutukoy sa Bibliya na natatanging pag-aari ni Jehova?
2 Halimbawa, sa Awit 135, tinutukoy ang tapat na mga mananamba ni Jehova sa sinaunang Israel bilang “kaniyang pantanging pag-aari.” (Awit 135:4) Inihula rin sa aklat ng Oseas na may mga di-Israelita na magiging bayan ni Jehova. (Os. 2:23) Natupad ang hula ni Oseas nang isama ni Jehova ang mga di-Judio sa magiging mga tagapamahalang kasama ni Kristo. (Gawa 10:45; Roma 9:23-26) Ang ‘banal na bansang’ ito ay “pantanging pag-aari” ni Jehova, dahil ang mga miyembro nito ay pinahiran ng banal na espiritu at pinili para mabuhay sa langit. (1 Ped. 2:9, 10) Kumusta naman ang karamihan sa mga tapat na Kristiyano ngayon na may makalupang pag-asa? Tinatawag din sila ni Jehova na kaniyang “bayan” at kaniyang “mga pinili.”—Isa. 65:22.
3. (a) Sino ang may sinang-ayunang kalagayan sa ngayon sa harap ni Jehova? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Sa ngayon, ang “munting kawan,” na may makalangit na pag-asa, at ang “ibang mga tupa,” na may makalupang pag-asa, ang bumubuo sa “isang kawan” na itinuturing ni Jehova na kaniyang bayan. (Luc. 12:32; Juan 10:16) Tiyak na gusto nating pasalamatan si Jehova dahil pinahintulutan niya tayong magkaroon ng sinang-ayunang kalagayan sa harap niya. Tatalakayin sa artikulong ito ang iba’t ibang paraan kung paano natin mapasasalamatan si Jehova dahil sa espesyal na karangalang iyan.
IALAY ANG ATING BUHAY KAY JEHOVA
4. Ano ang isang paraan para pasalamatan si Jehova sa pagbibigay niya ng pagkakataon sa atin na magkaroon ng kaugnayan sa kaniya, at paano rin ito ginawa ni Jesus?
4 Maipakikita natin ang pasasalamat kay Jehova kapag buong-puso nating inialay sa kaniya ang ating buhay. Sa pagpapabautismo sa tubig, pormal nating ipinaaalam sa lahat na pag-aari na tayo ni Jehova at handa tayong magpasakop sa kaniya. (Heb. 12:9) Ganiyan din ang ginawa ni Jesus noong bautismuhan siya. Para na ring sinabi niya kay Jehova: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko.” (Awit 40:7, 8) Iniharap ni Jesus ang sarili niya para gawin ang kalooban ni Jehova, kahit bahagi na siya ng isang bansang nakaalay sa Diyos noong ipanganak siya.
5, 6. (a) Paano tumugon si Jehova nang magpabautismo si Jesus? (b) Ilarawan kung bakit pinahahalagahan ni Jehova ang ating pag-aalay, kahit pag-aari na niya ang lahat ng bagay.
5 Paano tumugon si Jehova sa pagpapabautismo ni Jesus? Sinasabi ng Bibliya: “Pagkatapos na mabautismuhan ay kaagad na umahon si Jesus mula sa tubig; at, narito! ang langit ay nabuksan, at nakita niyang bumababa na tulad ng isang kalapati ang espiritu ng Diyos na lumalapag sa kaniya. Narito! May tinig din mula sa langit na nagsabi: ‘Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.’” (Mat. 3:16, 17) Kahit pag-aari na si Jesus ng kaniyang makalangit na Ama, natuwa pa rin si Jehova nang makita ang pagnanais ng kaniyang Anak na gawin ang kalooban Niya. Nalulugod din si Jehova na tanggapin ang ating pag-aalay, at pagpapalain niya tayo.—Awit 149:4.
6 Para ilarawan, isipin ang isang lalaking may hardin na punô ng mga bulaklak. Isang araw, pumitas ang kaniyang maliit na anak ng isang bulaklak at iniregalo ito sa kaniya. Hindi ba’t pag-aari na ng lalaki ang bulaklak na iyon? Paano maibibigay ng bata ang isang bagay na pag-aari na ng kaniyang ama? Hindi man lang maiisip ng isang mapagmahal na ama ang ganiyang mga tanong. Sa halip, matutuwa siyang tanggapin ang regalong iyon na tanda ng pagmamahal ng anak niya sa kaniya. Tiyak na mas pahahalagahan niya ang bulaklak na iyon kaysa sa lahat ng bulaklak sa hardin dahil bigay iyon ng anak niya. Sa katulad na paraan, matutuwa rin si Jehova kapag kusang-loob nating inialay sa kaniya ang ating buhay.—Ex. 34:14.
7. Paano idiniin ni Malakias ang nadarama ni Jehova sa mga handang maglingkod sa kaniya?
7 Basahin ang Malakias 3:16. Kung hindi ka pa nag-aalay at nagpapabautismo, isipin kung bakit mahalagang gawin ito. Totoo naman na mula nang ipanganak ka, pag-aari ka na ni Jehova, gaya rin ng iba pang tao sa mundo. Pero isipin ang kagalakang madarama ni Jehova kung iaalay mo ang iyong sarili sa kaniya at gagawin ang kalooban niya bilang tanda ng pagpapasakop sa kaniyang soberanya. (Kaw. 23:15) Kinikilala naman ni Jehova ang mga handang maglingkod sa kaniya, at isinusulat ang pangalan nila sa kaniyang “aklat ng alaala.”
8, 9. Ano ang hinihiling ni Jehova sa mga taong ang pangalan ay nakasulat sa “aklat ng alaala” niya?
8 Kapag napasulat sa “aklat ng alaala” ni Jehova ang pangalan natin, may kaakibat itong mga pananagutan. Partikular na sinabi ni Malakias na dapat tayong ‘matakot kay Jehova at maging palaisip sa kaniyang pangalan.’ Kung sasamba tayo sa ibang diyos o sa anupamang bagay, mabubura ang pangalan natin sa makasagisag na aklat ng buhay ni Jehova.—Ex. 32:33; Awit 69:28.
9 Kaya ang ating pag-aalay kay Jehova ay hindi lang basta isang pangako na gagawin ang kalooban niya at magpapabautismo sa tubig. Minsan lang natin gagawin ang mga ito. Pero ang paninindigan sa panig ni Jehova bilang kaniyang bayan ay nangangailangan ng patuluyang pagsunod sa kaniya ngayon at sa hinaharap—hangga’t nabubuhay tayo.—1 Ped. 4:1, 2.
TANGGIHAN ANG MAKASANLIBUTANG PAGNANASA
10. Anong malinaw na pagkakaiba ang dapat makita sa pagitan ng mga naglilingkod kay Jehova at ng mga di-naglilingkod sa kaniya?
10 Tinalakay sa naunang artikulo ang ulat ng Bibliya tungkol kay Cain, kay Solomon, at sa mga Israelita. Lahat sila ay nagsasabing sumasamba kay Jehova, pero hindi sila nagpakita ng bukod-tanging debosyon sa kaniya. Malinaw na ipinakikita ng mga halimbawang ito na ang mga talagang pag-aari ni Jehova ay dapat manindigan sa katuwiran at kamuhian ang kasamaan. (Roma 12:9) Angkop naman, matapos banggitin ni Malakias ang “aklat ng alaala,” sinabi ni Jehova “ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at ng balakyot, sa pagitan ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.”—Mal. 3:18.
11. Bakit dapat makita ng iba na tayo ay kay Jehova lang nakaalay?
11 Kaya ano ang isa pang paraan para pasalamatan si Jehova sa pagpili niya sa atin bilang kaniyang bayan? Ang ating espirituwal na pagsulong ay dapat “mahayag sa lahat.” (1 Tim. 4:15; Mat. 5:16) Tanungin ang sarili: ‘Nakikita ba ng iba na talagang tapat ako kay Jehova? Humahanap ba ako ng mga pagkakataon para maipakilalang isa akong Saksi ni Jehova?’ Tiyak na malulungkot si Jehova kung ikahihiya natin na tayo ay sa kaniya matapos niya tayong piliin bilang kaniyang bayan.—Awit 119:46; basahin ang Marcos 8:38.
12, 13. Paano pinalalabo ng ilan ang kanilang pagkakakilanlan bilang mga Saksi ni Jehova?
12 Nakalulungkot, pinalalabo ng ilan ‘ang pagkakaiba sa pagitan ng naglilingkod sa Diyos at ng di-naglilingkod sa kaniya’ sa pamamagitan ng pagtulad sa “espiritu ng sanlibutan.” (1 Cor. 2:12) Ang espiritung iyan ay nagtataguyod ng ‘mga pagnanasa ng laman.’ (Efe. 2:3) Halimbawa, kahit marami nang payong naibigay, may ilan pa ring hindi mahinhing manamit at mag-ayos. Nagsusuot pa rin sila ng mga damit na hapít na hapít at naglalantad ng katawan, kahit sa mga Kristiyanong pagtitipon pa nga. O kaya’y ginagaya nila ang kakatwang mga istilo ng buhok na nauuso sa sanlibutan. (1 Tim. 2:9, 10) Bilang resulta, kapag nasa karamihan sila, baka mahirap nang makilala kung sino ang kay Jehova at kung sino ang “kaibigan ng sanlibutan.”—Sant. 4:4.
13 Ang ilang Saksi naman ay hindi pa lubusang nakaiwas sa makasanlibutang paggawi. Ang kanilang pagsasayaw at paggawi sa mga party ay hindi katanggap-tanggap para sa mga Kristiyano. Nagpo-post sila ng mga picture nila sa social media at nagko-comment na para bang hindi sila mga Kristiyano. Maaaring hindi sila nadidisiplina sa kongregasyon dahil wala naman silang nagagawang malubhang kasalanan, pero masamang impluwensiya pa rin sila sa iba na nagsisikap mapanatili ang mainam na paggawi sa gitna ng bayan ni Jehova.—Basahin ang 1 Pedro 2:11, 12.
14. Ano ang dapat nating gawin kung gusto nating ingatan ang ating espesyal na pakikipagkaibigan kay Jehova?
14 Talagang itinataguyod ng sanlibutan “ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa.” (1 Juan 2:16) Pero dahil tayo ay kay Jehova, pinapayuhan tayo na “itakwil ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at makadiyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.” (Tito 2:12) Sa ating pagsasalita, pagkain at pag-inom, pananamit at pag-aayos, pagtatrabaho—sa lahat ng ating ginagawa—dapat makita ng mga nagmamasid na tayo ay kay Jehova lang nakaalay.—Basahin ang 1 Corinto 10:31, 32.
MAGKAROON NG “MASIDHING PAG-IBIG SA ISA’T ISA”
15. Bakit dapat nating pakitunguhan nang may kabaitan at pag-ibig ang ating mga kapatid?
15 Makikita sa ating pakikitungo sa mga kapatid ang pagpapahalaga natin sa espesyal na pakikipagkaibigan kay Jehova. Sila rin ay kay Jehova. Kung tatandaan natin iyan, lagi nating pakikitunguhan ang ating mga kapatid nang may kabaitan at pag-ibig. (1 Tes. 5:15) Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:35.
16. Anong halimbawa sa Kautusang Mosaiko ang naglalarawan ng nadarama ni Jehova sa kaniyang bayan?
16 Para ilarawan kung paano natin dapat pakitunguhan ang isa’t isa sa kongregasyon, isaalang-alang ito: Ang mga kagamitan sa templo ni Jehova ay nakaalay, o nakabukod, para lang sa dalisay na pagsamba. Detalyadong sinasabi sa Kautusang Mosaiko kung paano iingatan ang mga kagamitang iyon, at ang sinumang lumabag dito ay papatayin. (Bil. 1:50, 51) Kung gayon na lang ang pag-iingat ni Jehova sa walang-buhay na mga kagamitang iyon na ginagamit sa pagsamba sa kaniya, lalo na ngang iingatan niya ang kaniyang tapat at nakaalay na mga mananamba na pinili niyang maging bayan! Minsan ay sinabi ni Jehova sa kaniyang bayan: “Siya na humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.”—Zac. 2:8.
17. Sa ano ‘nagbibigay-pansin at nakikinig’ si Jehova?
17 Kapansin-pansin, inilarawan ni Malakias si Jehova na ‘nagbibigay-pansin at nakikinig’ habang nakikitungo ang bayan Niya sa isa’t isa. (Mal. 3:16) Talagang “kilala ni Jehova yaong mga nauukol sa kaniya.” (2 Tim. 2:19) Alam na alam niya ang bawat ginagawa at sinasabi natin. (Heb. 4:13) Kapag hindi tayo mabait sa ating mga kapatid, si Jehova ay ‘nagbibigay-pansin at nakikinig.’ Kapag tayo naman ay mapagpatuloy, mapagbigay, mapagpatawad, at mabait sa isa’t isa, tiyak na nakikita rin iyon ni Jehova.—Heb. 13:16; 1 Ped. 4:8, 9.
“HINDI PABABAYAAN NI JEHOVA ANG KANIYANG BAYAN”
18. Paano natin maipakikitang nagpapasalamat tayo sa karangalang maging bayan ni Jehova?
18 Tiyak na gustong-gusto nating pasalamatan si Jehova dahil isang karangalan ang maging bayan niya. Isang karunungan na ipakitang tayo ay pag-aari niya sa pamamagitan ng kusang pag-aalay ng ating sarili sa kaniya. Kahit nabubuhay tayo “sa gitna ng isang liko at pilipit na salinlahi,” gusto nating ipakita sa mga tao na tayo ay “walang kapintasan at walang muwang, [at sumisikat] bilang mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan.” (Fil. 2:15) Naninindigan tayo laban sa kasamaan. (Sant. 4:7) At mahal natin at iginagalang ang ating mga kapatid, dahil kinikilala nating sila rin ay kay Jehova.—Roma 12:10.
19. Paano ginagantimpalaan ni Jehova ang mga pag-aari niya?
19 Nangangako ang Bibliya: “Hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan.” (Awit 94:14) Ang napakatibay na garantiyang ito ay maaasahan kahit ano pa ang mangyari sa atin. Kahit ang kamatayan ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Jehova. (Roma 8:38, 39) “Kung nabubuhay tayo, nabubuhay tayo kay Jehova, at kung mamamatay tayo, mamamatay tayo kay Jehova. Kaya nga kapuwa kung nabubuhay tayo at kung mamamatay tayo, tayo ay kay Jehova.” (Roma 14:8) Oo, talagang inaasam-asam natin ang pagdating ng araw na bubuhaying muli ni Jehova ang lahat ng tapat na mga kaibigan niyang namatay na. (Mat. 22:32) Ngayon pa lang, nagtatamasa na tayo ng maraming pagpapala. Gaya ng sabi ng Bibliya, “maligaya ang bansa na ang Diyos ay si Jehova, ang bayang pinili niya bilang kaniyang mana.”—Awit 33:12.