KABANATA 9
“Si Kristo ang Kapahayagan ng Kapangyarihan . . . ng Diyos”
1-3. (a) Anong nakapanghihilakbot na karanasan ang dinanas ng mga alagad sa Lawa ng Galilea, at ano ang ginawa ni Jesus? (b) Bakit nasabi ni apostol Pablo na “si Kristo ang kapahayagan ng kapangyarihan . . . ng Diyos”?
NAHINTAKUTAN ang mga alagad. Sila’y naglalayag noon patawid sa kabilang ibayo ng Lawa ng Galilea nang bigla silang abutan ng bagyo. Walang alinlangang nakaranas na silang bagyuhin sa lawang ito—tutal, ang ilan sa mga lalaking ito ay mga bihasang mangingisda.a (Mateo 4:18, 19) Subalit isa itong “malakas na buhawi” at bigla nitong pinalakas ang mga alon sa lawa. Hirap na hirap ang mga lalaki sa pagkontrol sa bangka, subalit napakalakas ng bagyo. Patuloy na “hinahampas ng mga alon ang bangka,” at unti-unti itong napupuno ng tubig. Sa kabila ng pagkakagulo, si Jesus naman ay mahimbing na natutulog sa bandang likuran ng bangka dahil sa pagod matapos ang maghapong pagtuturo sa maraming tao. Palibhasa’y nanganganib ang kanilang buhay, ginising siya ng mga alagad, na nakikiusap: “Panginoon, iligtas mo kami, mamamatay na kami!”—Marcos 4:35-38; Mateo 8:23-25.
2 Hindi natakot si Jesus. Taglay ang lubos na pagtitiwala, sinaway niya ang hangin at ang lawa: “Tigil! Tumahimik ka!” Agad na sumunod ang hangin at ang lawa—humupa ang bagyo, tumigil ang mga alon, at “naging kalmado ang paligid.” Sinaklot ngayon ng kakaibang takot ang mga alagad. “Sino ba talaga siya?” pagbubulungan nila sa isa’t isa. Anong uri nga ba ng tao ang makapag-uutos sa hangin at lawa na para bang sinasaway ang isang makulit na bata?—Marcos 4:39-41; Mateo 8:26, 27.
3 Subalit si Jesus ay hindi pangkaraniwang tao. Ang kapangyarihan ni Jehova ay kumikilos sa kaniya at sa pamamagitan niya sa kakaibang mga paraan. Kaya naman, nasabi ni apostol Pablo na “si Kristo ang kapahayagan ng kapangyarihan . . . ng Diyos.” (1 Corinto 1:24) Sa ano-anong paraan namamalas kay Jesus ang kapangyarihan ng Diyos? At ano ang maaaring maging epekto sa ating buhay ng paggamit ni Jesus ng kapangyarihan?
Ang Kapangyarihan ng Kaisa-isang Anak ng Diyos
4, 5. (a) Anong kapangyarihan at awtoridad ang ipinagkatiwala ni Jehova sa kaniyang kaisa-isang Anak? (b) Paano nasangkapan ang Anak na ito upang maisakatuparan ang mga layunin ng kaniyang Ama ukol sa paglalang?
4 Isaalang-alang ang kapangyarihang taglay ni Jesus noong hindi pa siya nagiging tao. Ginamit ni Jehova ang kaniyang sariling “walang-hanggang kapangyarihan” nang lalangin niya ang kaniyang kaisa-isang Anak, na nang maglaon ay nakilala bilang si Jesu-Kristo. (Roma 1:20; Colosas 1:15) Pagkatapos noon, ipinagkatiwala ni Jehova sa Anak na ito ang napakalaking kapangyarihan at awtoridad, anupat iniatas sa kaniya ang pagsasakatuparan ng Kaniyang mga layunin ukol sa paglalang. Tungkol sa Anak, sinasabi ng Bibliya: “Ginamit siya ng Diyos sa paggawa ng lahat ng bagay, at walang bagay na ginawa ang Diyos nang hindi siya katulong.”—Juan 1:3.
5 Halos hindi natin malirip ang kalakhan ng saklaw ng atas na iyan. Isip-isipin na lamang ang kinakailangang kapangyarihan upang pairalin ang milyon-milyong makapangyarihang anghel, ang pisikal na uniberso na may bilyon-bilyong galaksi, at ang lupa na kinaroroonan ng saganang pagkasari-sari ng buhay. Upang maisagawa ang mga iyon, hawak ng kaisa-isang Anak ang pinakamakapangyarihang puwersa sa uniberso—ang banal na espiritu ng Diyos. Ang Anak na ito ay nakasumpong ng kaluguran sa pagiging ang Dalubhasang Manggagawa, na ginamit ni Jehova sa paglikha sa lahat ng iba pang bagay.—Kawikaan 8:22-31.
6. Pagkatapos ng kaniyang kamatayan sa lupa at ng kaniyang pagkabuhay-muli, ipinagkaloob kay Jesus ang anong kapangyarihan at awtoridad?
6 Ang kaisa-isang Anak ba ay may tatanggapin pang higit na kapangyarihan at awtoridad? Pagkatapos na si Jesus ay mamatay sa lupa at buhaying muli, sinabi niya: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” (Mateo 28:18) Oo, ipinagkaloob na kay Jesus ang kakayahan at karapatang gumamit ng kapangyarihan sa buong uniberso. Bilang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,” siya’y binigyan ng awtoridad na alisin “ang lahat ng pamahalaan at lahat ng awtoridad at kapangyarihan”—nakikita at di-nakikita—na sumasalansang sa kaniyang Ama. (Apocalipsis 19:16; 1 Corinto 15:24-26) Bukod sa kaniyang sarili, si Jehova ay “walang anuman na hindi ipinasakop” kay Jesus.—Hebreo 2:8; 1 Corinto 15:27.
7. Bakit tayo makatitiyak na hindi kailanman gagamitin ni Jesus sa maling paraan ang kapangyarihang inilagay ni Jehova sa kaniyang mga kamay?
7 Kailangan ba tayong mabahala na baka gamitin ni Jesus sa maling paraan ang kaniyang kapangyarihan? Hinding-hindi! Talagang iniibig ni Jesus ang kaniyang Ama at hindi siya kailanman gagawa ng anumang bagay na di-makalulugod sa kaniyang Ama. (Juan 8:29; 14:31) Alam na alam ni Jesus na hindi kailanman ginagamit ni Jehova sa maling paraan ang kapangyarihan Niya na nakahihigit sa lahat. Nakita mismo ni Jesus na si Jehova ay naghahanap ng mga pagkakataon “para ipakita niya ang kaniyang lakas alang-alang sa nagbibigay ng buong puso nila sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) Sa katunayan, si Jesus ay kaisa ng kaniyang Ama sa pag-ibig sa sangkatauhan, kaya makapagtitiwala tayo na palaging gagamitin ni Jesus ang kaniyang kapangyarihan sa mabuting paraan. (Juan 13:1) Si Jesus ay nakagawa ng isang malinis na rekord hinggil sa bagay na ito. Isaalang-alang natin ang taglay niyang kapangyarihan habang nasa lupa at kung paano siya naudyukang gamitin ito.
“Makapangyarihan sa . . . Salita”
8. Pagkatapos na siya’y maatasan, binigyan ng kapangyarihan si Jesus na gawin ang ano, at paano niya ginamit ang kaniyang kapangyarihan?
8 Maliwanag na si Jesus ay hindi gumawa ng mga himala noong siya’y isang batang lumalaki sa Nazaret. Subalit nabago iyan matapos na siya’y mabautismuhan noong 29 C.E., sa edad na mga 30 taon. (Lucas 3:21-23) Sinasabi ng Bibliya: “Inatasan siya ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu at binigyan ng kapangyarihan, at lumibot siya sa lupain habang gumagawa ng mabuti at pinagagaling ang lahat ng pinahihirapan ng Diyablo.” (Gawa 10:38) “Gumagawa ng mabuti”—hindi ba’t nagpapahiwatig iyan na ginamit ni Jesus ang kaniyang kapangyarihan sa tamang paraan? Matapos siyang maatasan, siya’y naging isang “propetang makapangyarihan sa gawa at salita.”—Lucas 24:19.
9-11. (a) Saan madalas gumawa si Jesus ng kaniyang pagtuturo, at anong hamon ang kaniyang hinarap? (b) Bakit namangha ang maraming tao sa paraan ng pagtuturo ni Jesus?
9 Paanong si Jesus ay makapangyarihan sa salita? Madalas siyang nagtuturo noon sa labas—sa mga tabi ng lawa at gilid ng burol, gayundin sa mga lansangan at pamilihan. (Marcos 6:53-56; Lucas 5:1-3; 13:26) Ang kaniyang mga tagapakinig ay maaaring umalis na lamang kung hindi sila interesado sa kaniyang sinasabi. Noong panahong wala pang mga nakalathalang aklat, kinailangang ingatan ng mga nagpapahalagang tagapakinig ang kaniyang mga salita sa kanilang isip at puso. Kaya ang pagtuturo ni Jesus ay kailangang maging lubos na nakatatawag-pansin, malinaw na nauunawaan, at madaling tandaan. Subalit ang hamon na ito ay hindi naging suliranin para kay Jesus. Halimbawa, isaalang-alang ang kaniyang Sermon sa Bundok.
10 Isang umaga sa pagsisimula ng 31 C.E., maraming tao ang nagkakatipon sa gilid ng burol malapit sa Lawa ng Galilea. Ang ilan ay galing sa Judea at Jerusalem, 100 hanggang 110 kilometro ang layo. Ang iba naman ay nagmula sa mga baybayin ng Tiro at Sidon, sa gawing hilaga. Maraming maysakit ang lumapit kay Jesus upang hawakan siya, at pinagaling niya silang lahat. Nang wala nang kahit isa mang may malubhang karamdaman sa kanila, nagsimula na siyang magturo. (Lucas 6:17-19) Pagkatapos niyang magsalita, sila’y nagulat sa kanilang narinig. Bakit?
11 Makalipas ang ilang taon, isa sa nakarinig ng sermong iyon ay sumulat: “Namangha ang mga tao sa paraan niya ng pagtuturo, dahil nagturo siya sa kanila bilang isang tao na may awtoridad.” (Mateo 7:28, 29) Si Jesus ay nagsalita sa paraang nadarama nila ang taglay niyang kapangyarihan. Siya’y nagsalita para sa Diyos at sinuportahan niya ang kaniyang pagtuturo sa pamamagitan ng awtoridad ng Salita ng Diyos. (Juan 7:16) Maliwanag ang mga pangungusap ni Jesus, nakahihikayat ang kaniyang mga payo, at hindi matututulan ang kaniyang mga argumento. Inaarok ng kaniyang mga salita ang ugat ng mga isyu gayundin ang mga puso ng kaniyang mga tagapakinig. Tinuruan niya sila kung paano makasusumpong ng kaligayahan, kung paano mananalangin, kung paano uunahin ang Kaharian ng Diyos, at kung paano magtatayo para sa isang tiwasay na kinabukasan. (Mateo 5:3–7:27) Ang kaniyang mga salita ay gumising sa mga puso niyaong mga nagugutom sa katotohanan at katuwiran. Handang “itakwil” ng gayong mga tao ang kanilang sarili at iwan ang lahat upang sumunod sa kaniya. (Mateo 16:24; Lucas 5:10, 11) Kay laki ngang patotoo ng kapangyarihan ng mga salita ni Jesus!
“Makapangyarihan sa Gawa”
12, 13. Sa anong diwa “makapangyarihan sa gawa” si Jesus, at ano ang iba’t ibang uri ng kaniyang mga himala?
12 Si Jesus ay “makapangyarihan [din] sa gawa.” (Lucas 24:19) Ang mga Ebanghelyo ay nag-uulat ng mahigit sa 30 espesipikong himala na ginawa niya—lahat ay pawang sa “kapangyarihan ni Jehova.”b (Lucas 5:17) Libo-libong buhay ang naapektuhan ng mga himala ni Jesus. Pag-isipan ang dalawang himala—ang pagpapakain sa 5,000 lalaki at pagkaraan ay 4,000 lalaki. Hindi pa kasama sa bilang na iyan ang mga babae at mga bata na malamang na libo-libo ang bilang.—Mateo 14:13-21; 15:32-38.
13 Napakaraming iba’t ibang uri ng himala si Jesus. May awtoridad siya sa mga demonyo, anupat napakadali niya silang palayasin. (Lucas 9:37-43) May kapangyarihan siya sa pisikal na mga elemento, anupat ginawa niyang alak ang tubig. (Juan 2:1-11) Isipin na lang ang pagkamangha ng mga alagad niya nang ‘makita nila si Jesus na naglalakad sa lawa.’ (Juan 6:18, 19) Nadaig niya ang sakit, anupat nagamot niya ang mga may depektong sangkap ng katawan, nagtatagal na karamdaman, at nakamamatay na sakit. (Marcos 3:1-5; Juan 4:46-54) Nagpagaling siya sa iba’t ibang paraan. May ilang pinagaling mula sa malayong distansiya, samantalang naranasan naman ng iba na hipuin ni Jesus mismo. (Mateo 8:2, 3, 5-13) Ang ilan ay gumaling agad, ang iba naman ay paunti-unti.—Marcos 8:22-25; Lucas 8:43, 44.
“Nakita nila si Jesus na naglalakad sa lawa”
14. Sa ilalim ng ano-anong kalagayan ipinakita ni Jesus na may kapangyarihan siyang bumawi ng kamatayan?
14 Higit sa lahat, may kapangyarihan si Jesus na bumuhay ng patay. Sa tatlong nakaulat na pangyayari, nagbangon siya ng patay, anupat ibinalik ang 12-taóng-gulang na anak na babae sa kaniyang mga magulang, ang kaisa-isang anak sa kaniyang biyudang nanay, at ang isang pinakamamahal na kapatid na lalaki sa kaniyang mga kapatid na babae. (Lucas 7:11-15; 8:49-56; Juan 11:38-44) Walang sitwasyon ang naging napakahirap para sa kaniya. Ibinangon niya ang 12-taóng-gulang na batang babae mula sa kinararatayan nito di-nagtagal pagkamatay nito. Binuhay niyang muli ang anak na lalaki ng isang biyuda mula sa kinahihimlayang kabaong, malamang na noong mismong araw na mamatay ito. At ibinangon niya si Lazaro mula sa libingan apat na araw pagkamatay nito.
Di-makasarili, Responsable, at Makonsiderasyong Paggamit ng Kapangyarihan
15, 16. Anong patunay mayroon na si Jesus ay di-makasarili sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan?
15 Nakikita mo ba kung gaano kalubhang pag-abuso ang maaaring mangyari kung ang kapangyarihan ni Jesus ay inilagay sa mga kamay ng isang di-perpektong tagapamahala? Subalit si Jesus ay walang kasalanan. (1 Pedro 2:22) Tumanggi siyang mabahiran ng pagiging makasarili, ambisyon, at kasakiman na nag-uudyok sa di-perpektong mga tao upang gamitin ang kanilang kapangyarihan para pinsalain ang iba.
16 Si Jesus ay di-makasarili sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan, anupat hindi niya ito kailanman ginagamit para sa sariling kapakinabangan. Nang siya’y nagugutom, tumanggi siyang gawing tinapay ang mga bato para sa kaniyang sarili. (Mateo 4:1-4) Ang kaniyang kakaunting ari-arian ay patunay na hindi siya nakinabang sa materyal na paraan sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan. (Mateo 8:20) Mayroon pang ibang katunayan na ang kaniyang makapangyarihang mga gawa ay mula sa di-makasariling motibo. Nang siya’y gumawa ng mga himala, may nasangkot dito na pagsasakripisyo ng kaniyang sarili. Nang pagalingin niya ang maysakit, may kapangyarihang lumabas sa kaniya. Naramdaman niya ang paglabas na ito ng kapangyarihan, kahit na sa isang pagpapagaling lamang. (Marcos 5:25-34) Magkagayunman, hinayaan niyang mahawakan siya ng marami, at ang mga ito’y gumaling. (Lucas 6:19) Tunay na isang di-makasariling espiritu!
17. Paano ipinakita ni Jesus na siya’y responsable sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan?
17 Si Jesus ay responsable sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan. Hindi siya kailanman nagsagawa ng makapangyarihang mga gawa para lamang sa pagpaparangya o sa walang-saysay na mga pagtatanghal. (Mateo 4:5-7) Ayaw niyang gumawa ng mga himala para lamang mabigyan ng kasiyahan ang pagkamausyoso ni Herodes na may maling motibo. (Lucas 23:8, 9) Sa halip na ipamalita ang kaniyang kapangyarihan, madalas na tinatagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga pinagaling na huwag itong sabihin kahit kanino. (Marcos 5:43; 7:36) Ayaw niyang ang mga tao’y magkonklusyon tungkol sa kaniya batay sa mga ulat na may pagpapalabis.—Mateo 12:15-19.
18-20. (a) Ano ang nakaimpluwensiya sa paraan ng paggamit ni Jesus ng kaniyang kapangyarihan? (b) Ano ang nadama mo sa paraan ng paggamot ni Jesus sa isang lalaking bingi?
18 Ang makapangyarihang lalaking ito, si Jesus, ay ibang-iba sa mga tagapamahalang iyon na humawak ng kapangyarihan habang walang awang ipinagwawalang-bahala ang mga pangangailangan at pagdurusa ng iba. Si Jesus ay nagmalasakit sa mga tao. Makita lamang niya ang mga napipighati ay awang-awa na siya anupat nauudyukan siyang pawiin ang kanilang pagdurusa. (Mateo 14:14) Makonsiderasyon siya sa kanilang mga damdamin at pangangailangan, at ang magiliw na pagkabahalang ito ay nakaimpluwensiya sa paraan ng paggamit niya ng kaniyang kapangyarihan. Ang isang makabagbag-damdaming halimbawa ay nasa Marcos 7:31-37.
19 Sa pagkakataong ito, nasumpungan ng maraming tao si Jesus at dinala sa kaniya ang maraming maysakit, at pinagaling niya silang lahat. (Mateo 15:29, 30) Subalit pinag-ukulan ni Jesus ng pantanging pansin ang isang lalaki. Ang lalaki ay bingi at halos hindi makapagsalita. Malamang na napansin ni Jesus ang kakaibang nerbiyos o pagkamahiyain ng lalaking ito. Buong kabaitang inakay ni Jesus ang lalaki—palayo sa karamihan—tungo sa isang bukod na lugar. Pagkatapos ay sumenyas si Jesus upang ipaalam sa lalaki ang kaniyang gagawin. “Inilagay niya ang mga daliri niya sa mga tainga nito, at matapos dumura, hinipo niya ang dila nito.”c (Marcos 7:33) Pagkatapos, si Jesus ay tumingala sa langit at may pananalanging huminga nang malalim. Ang mga kilos na ito ay nagsasabi sa lalaki, ‘Ang gagawin ko sa iyo ay mula sa kapangyarihan ng Diyos.’ Sa wakas, sinabi ni Jesus: “Mabuksan ka.” (Marcos 7:34) Dahil dito, nanauli ang pandinig ng lalaki, at siya’y nakapagsalita nang normal.
20 Nakababagbag nga ng damdamin na isiping kahit sa paggamit ng kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihan upang pagalingin ang mga napipighati, si Jesus ay nagpakita ng pakikiramay sa kanilang damdamin! Hindi ba’t nakapagpapalakas-loob na malamang inilagay ni Jehova ang Mesiyanikong Kaharian sa mga kamay ng gayong mahabagin at makonsiderasyong Tagapamahala?
Isang Palatandaan ng mga Bagay na Darating
21, 22. (a) Palatandaan ng ano ang mga himala ni Jesus? (b) Yamang kontrolado ni Jesus ang likas na mga puwersa, ano ang maaasahan natin sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian?
21 Ang makapangyarihang mga gawa na isinagawa ni Jesus sa lupa ay mga patiunang pagpapaaninaw lamang ng mas dakilang mga pagpapala na darating sa ilalim ng kaniyang makaharing pamamahala. Sa bagong sanlibutan ng Diyos, si Jesus ay muling maghihimala—ngunit sa isang pangglobong lawak! Isaalang-alang ang ilang kapana-panabik na pag-asa sa hinaharap.
22 Ibabalik ni Jesus ang ekolohiya ng lupa sa perpektong pagkakatimbang. Gunitain na ipinakita niyang kontrolado niya ang likas na mga puwersa sa pamamagitan ng pagpapatahimik sa isang buhawi. Kung gayon, tiyak na sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ni Kristo, hindi na kailangang mangamba ang sangkatauhan na sila’y pipinsalain pa ng mga bagyo, lindol, pagputok ng bulkan, o iba pang likas na mga kasakunaan. Yamang si Jesus ang Dalubhasang Manggagawa, na ginamit ni Jehova sa paglalang sa lupa at sa lahat ng buhay na naroroon, lubusan ang kaniyang unawa sa kayarian ng lupa. Alam niya kung paano gagamitin ang mga yaman nito sa tamang paraan. Sa ilalim ng kaniyang pamamahala, ang buong lupang ito ay magiging isang Paraiso.—Lucas 23:43.
23. Bilang Hari, paano sasapatan ni Jesus ang mga pangangailangan ng sangkatauhan?
23 Kumusta naman ang mga pangangailangan ng sangkatauhan? Ang kakayahan ni Jesus na magpakain nang sagana sa libo-libo, sa pamamagitan lamang ng kaunting pagkain, ay tumitiyak sa atin na sa ilalim ng kaniyang pamamahala, wala nang magugutom. Sa katunayan, kapag ibinahagi nang pantay-pantay ang saganang pagkain, wala nang magugutom kahit kailan. (Awit 72:16) Ang kaniyang kakayahang sumupil sa sakit at karamdaman ay nagsasabi sa atin na ang mga maysakit, bulag, bingi, baldado, at pilay na mga tao ay pagagalingin—nang lubusan at permanente. (Isaias 33:24; 35:5, 6) Ang kaniyang kakayahang bumuhay ng patay ay tumitiyak na kalakip sa kaniyang kalakasan bilang makalangit na Hari ang kapangyarihang bumuhay-muli ng maraming milyon-milyon na kinalulugdang alalahanin ng kaniyang Ama.—Juan 5:28, 29.
24. Habang binubulay-bulay natin ang kapangyarihan ni Jesus, ano ang dapat nating alalahanin, at bakit?
24 Habang binubulay-bulay natin ang kapangyarihan ni Jesus, alalahanin natin na ang Anak na ito ay ganap na tumutulad sa kaniyang Ama. (Juan 14:9) Kung gayon, ang paggamit ni Jesus ng kapangyarihan ay nagbibigay sa atin ng maliwanag na larawan kung paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan. Halimbawa, alalahanin ang magiliw na paraan ng pagpapagaling ni Jesus sa isang ketongin. Palibhasa’y naawa, hinipo ni Jesus ang lalaki at sinabi: “Gusto ko!” (Marcos 1:40-42) Sa pamamagitan ng mga ulat na gaya nito, si Jehova, sa diwa, ay nagsasabi: ‘Ganiyan ko ginagamit ang aking kapangyarihan!’ Hindi ka ba nauudyukang pumuri sa ating Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat at magpasalamat na ginagamit niya ang kaniyang kapangyarihan sa gayong maibiging paraan?
a Ang biglang pagbagyo ay karaniwan na sa Lawa ng Galilea. Dahil sa kababaan ng lawa (mga 200 metro ang baba mula sa lebel ng dagat), ang hangin ay mas mainit doon kaysa sa mga karatig nito, at ito’y lumilikha ng pagbabago sa atmospera. Ang malalakas na hangin ay humahampas pababa sa Lambak ng Jordan mula sa Bundok Hermon, na nasa hilaga. Ang sandaling katahimikan ay maaaring agad na mapalitan ng nagngangalit na bagyo.
b Karagdagan pa, kung minsan ay pinagsasama-sama ng mga Ebanghelyo ang maraming himala sa isang panlahatang paglalarawan. Halimbawa, minsan ay sinalubong siya ng “buong lunsod,” at “marami” siyang pinagaling.—Marcos 1:32-34.
c Ang pagdura ay isang paraan o tanda ng pagpapagaling na tinatanggap kapuwa ng mga Judio at ng mga Gentil, at ang paggamit ng laway sa pagpapagaling ay nakaulat sa rabinikong mga sulat. Maaaring dumura si Jesus para lamang ipaalam sa lalaki na siya’y malapit nang pagalingin. Anuman ang pangyayari, hindi ginamit ni Jesus ang kaniyang laway bilang likas na pampagaling.