Mga Kabataang May Matatag na Kinabukasan
“KAHILA-HILAKBOT at kasuklam-suklam gaya ng posibleng mangyari sa anumang [kaso ng panghahalay]”—ang krimen ay ganiyan inilarawan ng hukom na duminig sa isang kamakailang paglilitis. Isang pangkat ng walong tin-edyer, mula sa edad na 14 hanggang 18, ang tumambang sa isang babaing turista sa isang mataong lugar sa loob ng lunsod ng London, paulit-ulit na humalay sa kaniya, at pagkatapos ay naghagis sa kaniya sa isang kanal sa di-kalayuan bagaman sinabi niyang hindi siya marunong lumangoy. Mauunawaan naman, ang ina ng isa sa mga tin-edyer ay nagsabing siya’y nanlambot nang mapanood niya ang balita sa TV tungkol sa ginawa ng kaniyang anak.
Nakalulungkot, masasalamin sa insidenteng ito kung ano ang nangyayari sa lipunan ngayon. Naging pangkaraniwan na ang kalupitan, maging sa gawain ng mga kriminal, sa mga alitan sa tahanan, o sa mga etnikong labanan sa Balkans, sentral at kanlurang Aprika, at saanmang dako. Lumalaki ang mga kabataan sa gitna ng gayong mga kalagayan, o madalas nilang marinig ang tungkol dito. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na marami ang nagiging matigas, anupat nagpapakitang “walang likas na pagmamahal,” at “walang pagpipigil-sa-sarili.”—2 Timoteo 3:3.
“Mabangis”
Nang isulat ng Kristiyanong apostol na si Pablo ang kaniyang ikalawang liham sa kaniyang kapuwa matanda na si Timoteo, ang Roma ang siyang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig. Palasak ang kalupitan at kabangisan sa Romanong mga arena. Gayunman, nagbabala si Pablo na sa hinaharap, ang panahon ay magiging “mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Kapansin-pansin, sa Griegong salita na naglalarawan sa mga panahong ito na ‘mahirap pakitunguhan’ ay kalakip ang ideya ng pagiging “mabangis” ng mga ito. Ipinakikita ng isang pangyayari sa ministeryo ni Jesus sa lupa mahigit na 30 taon bago nito kung ano ang nasa likod ng ilan sa mga kalupitan noong kaniyang panahon.
Kararating lamang ni Jesus sakay ng isang bangka sa silanganing baybayin ng Dagat ng Galilea. Nang bumaba siya sa bangka, hinarap siya ng dalawang lalaki. Ipinakikita ng kanilang magulong hitsura at paghiyaw na may napakasamang nangyayari sa kanila. Sila ay “di-pangkaraniwan ang bangis,” sa katunayan, inaalihan ng demonyo.a Ang isinisigaw nila ay galing sa masasamang espiritu na sumusupil sa kanilang marahas na pagkilos. “Ano ang kinalaman namin sa iyo, Anak ng Diyos?” ang hiyaw ng mga lalaki. “Ikaw ba ay pumunta rito upang pahirapan kami bago ang itinakdang panahon?” Alam na alam ng masasamang espiritu na sumanib sa dalawang lalaki na ang Diyos ay nagtakda na ng panahon upang isagawa ang kaniyang kahatulan sa mga demonyo. Nangangahulugan ito ng kanilang walang-hanggang pagkalipol. Ngunit bago iyon ay gagamitin nila ang kanilang nakahihigit-sa-taong mga kakayahan upang magsulsol ng matinding karahasan. Tanging ang himalang ginawa ni Jesus upang palayasin ang mga demonyong iyon ang nagdulot ng kaginhawahan sa dalawang lalaki.—Mateo 8:28-32; Judas 6.
Kapag ang mga tao sa ngayon, pati na ang mga kabataan, ay kumilos na parang mga hibang, makabubuti sa atin na alalahanin ang pangyayaring iyon. Bakit? Sapagkat sa ika-20 siglong ito, nakaharap tayo sa isang kaugnay na panganib, gaya ng paliwanag ng huling aklat sa Bibliya, ang Apocalipsis: “Kaabahan para sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12) Pakisuyong pansinin na ang kahihiyang ito ni Satanas ay kaakibat ng “matinding galit” dahil alam niyang maikli na ang kaniyang panahon.
Sinasalakay
Gaya ng malimit banggitin sa mga pahina ng magasing ito, naganap noong taong 1914 ang pagluklok ni Kristo Jesus bilang Hari sa Kaharian ng Diyos sa langit. Agad na kumilos si Jesus laban sa pangunahing kaaway ng Diyos, si Satanas. Kaya naman, ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo ay pinalayas sa langit, at sila’y nagtutuon ngayon ng kanilang pansin sa lupang ito. (Apocalipsis 12:7-9) Yamang lubhang nalimitahan ang naaabot ng kaniyang impluwensiya, si Satanas ay “gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila.” (1 Pedro 5:8) Sino ang madali niyang mabiktima? Hindi ba mauunawaan lamang na iyon ay lalo nang yaong mga walang karanasan sa buhay at sa mga ugnayan ng mga tao? Kaya naman ang mga kabataan sa ngayon ang nagiging tudlaan ng Diyablo. Sa pamamagitan ng karamihan sa kanilang musika at paglilibang, madali silang nahuhulog sa mga kamay ng di-nakikita at tusong manunupil na ito.—Efeso 6:11, 12.
Kahit na kapag sinisikap ng mga kabataan na maging matagumpay sa buhay, nasusumpungan nilang sila’y nahahadlangan. Sapol noong katapusan ng Digmaang Pandaigdig II, sinikap ng mga tao sa maraming bansang nasangkot sa digmaan na makabawi sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanilang pamilya ng mariwasang istilo ng pamumuhay. Naging pangunahing tunguhin ang materyal na mga ari-arian, sobra-sobrang pagrerelaks, at paglilibang. Bunga nito, marami ang nagdusa. “Yaong mga determinadong maging mayaman,” babala ni Pablo kay Timoteo, “ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming walang-kabuluhan at nakasasakit na mga pagnanasa . . . Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay . . . napagsasaksak ang kanilang mga sarili ng maraming kirot.” (1 Timoteo 6:9, 10) Sa pangkalahatan, nasusumpungan natin na ang mga tao sa materyalistikong lipunan ngayon ay napagsasaksak ng mga kadalamhatian may kinalaman sa kabuhayan, pananalapi, at emosyon. Kabilang sa kanila ang maraming kabataan, anupat mga biktima ng taktikang ito ng pusakal na kaaway ng Diyos.
Subalit nakatutuwa naman, may mabuting balita. At may kinalaman ito sa mga kabataan, yaong may matatag na kinabukasan na naghihintay sa kanila. Paano nangyari ito?
Humanap at Makasusumpong Kayo
Maraming kabataan ang may mararangal na hangarin. Tinatanggihan nila ang bumababang mga pamantayan na pangkaraniwan sa mga nasa hustong gulang. Natitigilan sila sa kawalang-katarungan at manhid na saloobin ng mga pulitiko at mga negosyanteng gutom sa kapangyarihan. Kung isa kang kabataan, marahil ay ganito ang nadarama mo.
Isaalang-alang si Cedric, isang kabataang lalaking nasa mga huling taon ng pagkatin-edyer, na ang karanasan ay talagang hindi pambihira.b Bilang isang bata, marami siyang kinatatakutan, kasali na ang kamatayan. Iniisip niya kung ano ang layunin ng buhay. Palibhasa’y hindi masumpungan ang sagot sa kaniyang mga tanong nang siya’y sumapit sa edad na 15, ibinuhos na lamang niya ang sarili sa paghahanap ng kahulugan ng buhay kasama ng iba pang idealistikong mga kabataan. “Humihitit kami ng marijuana at nagkukuwentuhan sa loob ng maraming oras,” ang nagunita niya. “Naniniwala kang ang lahat ay nag-iisip ng katulad ng iniisip mo, pero walang sinuman ang may mga kasagutan.”
Tulad ng maraming kabataan, si Cedric ay naghangad ng katuwaan. Hindi siya nasiyahan sa paggamit lamang ng droga. Di-nagtagal at nasangkot siya sa pagnanakaw at pagbebenta ng droga. Gayunma’y naghangad pa siya ng bagong mga hamon. Nagsimula siyang magnakaw ng mga bagay na pinidido ng iba. “Tuwang-tuwa ako sa paggawa nito,” ang pag-amin niya. “Pero hindi ako kailanman nagnakaw ng anuman mula sa pangkaraniwang tao. Kapag nagnakaw ako ng isang kotse, iniiwan ko iyon na nasa mabuting kondisyon. Kapag nilooban ko ang isang negosyo, ginagawa ko lamang iyon kapag alam kong sila ay nakaseguro. Tumulong ito sa akin na mabigyang-katuwiran ang ginawa ko.” Gaya ng maaasahan ninyo, humantong si Cedric sa bilangguan.
Nagunita ni Cedric: “Kinausap ako ni Mark, isang kapuwa bilanggo. Palibhasa’y napansin ang malaking krus na nakatato sa aking bisig, tinanong niya ako kung bakit mayroon ako nito. Naisip niyang tiyak na mahalaga ito sa akin sa relihiyosong paraan.” Pagkaraan ng dalawang linggo, binigyan ni Mark si Cedric ng isang kopya ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa.c “ ‘Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman’—agad akong naantig sa ilang salitang ito. Ito ang lagi naming pinag-uusapan, pero kailanma’y hindi namin natuklasan ang katotohanan tungkol dito.” Pagkatapos ng maraming pakikipag-usap sa isang Saksi ni Jehova na dumalaw sa bilangguan, natanto ni Cedric na maaaring makamtan ang kaniyang minimithi—ngunit tanging sa paraan lamang ng Diyos.
“Nang huminto ako ng pakikisama sa aking dating mga kaibigan, naging mabilis ang pagsulong ko,” sabi ni Cedric. Hindi naging madali ang kaniyang pagsulong sa kaunawaan at kaligayahan. “Pinagsusumikapan ko pa rin iyon,” sabi niya. “Kailangan kong maging maingat sa paraan ng aking pag-iisip.” Oo, nauunawaan ngayon ni Cedric na ang pagiging idealistiko ay umakay sa kaniya sa isang silo ng Diyablo, anupat inisip na makakamit lamang ang kaniyang mga tunguhin sa pamamagitan ng mga gawaing nakasentro sa katuwaan.
Nakatutuwa naman, matagal nang nakalaya si Cedric sa bilangguan, at nagtatamasa siya ng regular na pakikipagsamahan sa iba pa na nakasumpong na ng kanilang hinahanap. Siya ngayon ay isa na sa mga Saksi ni Jehova at ibinabahagi ang kanilang pag-asang mabuhay sa Paraiso rito sa lupa. Inaasam-asam din niya ang wakas ng satanikong impluwensiya sa lahat ng anyo nito.
Sabihin pa, hindi lamang mga kabataang tulad ni Cedric ang may matatag na kinabukasan; ang iba ay pinalaki ng makadiyos na mga magulang, na nagkintal sa kanilang mga anak ng pag-ibig sa katotohanan ng Bibliya.
May mga Gantimpala ang Makadiyos na Pagsasanay
“Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon,” ang isinulat ng pantas na si Haring Solomon noong unang panahon. (Kawikaan 22:6) Ito’y napatunayang totoo sa kaso ng maraming buong-kaluluwang kabataan na nagpasiyang sundin ang simulain ng Bibliya.
Ganito ang ginawa nina Sheila, Gordon, at Sarah. Natatandaan nila na lubhang pinahalagahan ng kanilang mga magulang ang pagsunod sa utos ni Kristo na ‘humayo at gumawa ng mga alagad’ sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Mateo 24:14; 28:19, 20) “Sa anumang pasiya na kailangang gawin, lagi naming sinasabi ni Inay sa isa’t isa, ‘Paano ito makaaapekto sa gawaing pangangaral?’ ” ang nagunita ni Sheila. “Maraming proyekto ang aming tinalikuran bunga ng ganitong pangangatuwiran,” inamin niya, anupat idinagdag, “pero gayon na lamang karami ang naging pagpapala sa amin!” Maging sa dulo ng magawaing maghapon na ginugol sa pagdalaw sa tahanan ng mga tao taglay ang mabuting balita, si Sheila at ang kaniyang ina ay umaawit habang naglalakad pauwi. “Lubos ang aking kagalakan,” sabi niya. “Damang-dama ko pa rin ito ngayon.”
Natatandaan ni Gordon ang maraming kasiya-siyang gabi ng Sabado. “Inanyayahan ako sa tahanan ng matatanda sa kongregasyon, kung saan nagkaroon kami ng kapaki-pakinabang na mga pagsusulit at talakayan. Pinasigla kaming magsaulo ng mga talata sa Bibliya, malayang magsalita tungkol sa mga paksa sa Kasulatan, maglahad ng isang karanasan sa pangangaral, at malaman kung paano lumalawak ang gawaing pang-Kaharian,” ang naalaala ni Gordon. “Lahat ng ito ay tumulong sa akin na maglatag ng isang mabuting pundasyon at maglinang ng pag-ibig sa Diyos na Jehova.”
Si Sarah ay may masasayang alaala ng mga gabing kasama ng bisitang mga Saksi. “Sama-sama kaming kumakain. Pagkatapos upang lubusin ang maghapon, tumutugtog kami ng piyano, anupat sinasaliwan yaong mga umaawit ng mga awit tungkol sa Kaharian ng Diyos. Talagang nakatulong nang malaki sa amin ang musika, lalo na noong mga taon na kami’y nag-aaral, sapagkat pinapangyari nito na gumawa kaming sama-sama bilang isang pamilya.”
Mangyari pa, hindi lahat ng kabataan na naghahangad palugdan si Jehova ay may mga huwarang kalagayan sa pamilya. Gayunman, ang malapit na pakikipagsamahan sa iba pang pamilyang Saksi sa kongregasyon ay nagbibigay sa kanila ng kapanatagan at nagpapadama na sila’y kabilang sa grupo.
Pahalagahan ang Isang Matatag na Pundasyon sa Kinabukasan
May mapagpipilian ang mga kabataan ngayon. Maaari silang magpatuloy kasama ng balakyot na sanlibutang ito habang mabilis itong bumubulusok sa kapuksaan sa dumarating na “malaking kapighatian” na inihula ni Jesus. O maaari nilang “ilagak ang kanilang kumpiyansa sa Diyos mismo at . . . tuparin ang kaniyang mga utos,” gaya ng inawit ng kinasihang salmistang si Asap. Ang pagsunod sa Diyos ay mag-iingat sa kanila mula sa pagiging “isang salinlahing matigas ang ulo at rebelyoso, isang salinlahing hindi naghanda ng kanilang puso at ang diwa ay hindi mapagkakatiwalaan ng Diyos.”—Mateo 24:21; Awit 78:6-8.
Sa mahigit na 80,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, makasusumpong kayo ng maraming kabataang maaari ninyong hangaan. Sinunod nila ang payo ni Pablo sa kabataang si Timoteo “na gumawa ukol sa mabuti, na maging mayaman sa maiinam na gawa, na maging mapagbigay, handang mamahagi, maingat na nagtitipon para sa kanilang mga sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap.” Bunga nito, sila ngayon ay ‘nakapanghahawakan nang mahigpit sa tunay na buhay.’ (1 Timoteo 6:18, 19) Alamin ang higit pa tungkol sa tunay na mga Kristiyanong ito sa pamamagitan ng pagdalo sa kanilang mga pulong. Kung magkagayo’y maaari rin ninyong taglayin ang pag-asa ng isang matatag na kinabukasan.
[Mga talababa]
a “Mabangis” ang pagkasalin sa parehong salitang Griego na ginamit sa Mateo 8:28 at sa 2 Timoteo 3:1.
b Binago ang mga pangalan.
c Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 7]
Ang balakyot na mga espiritu ang siyang nasa likod ng mga lalaking “di-pangkaraniwan ang bangis” na pinagaling ni Jesus
[Larawan sa pahina 8]
Pagtatayo ng “isang mainam na pundasyon para sa hinaharap”