MABUTING BALITA
Tumutukoy ito sa mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo. Sa Bibliya, tinatawag itong “mabuting balita ng kaharian” (Mat 4:23), “mabuting balita ng Diyos” (Ro 15:16), “mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo” (Mar 1:1), “mabuting balita tungkol sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos” (Gaw 20:24), “mabuting balita ng kapayapaan” (Efe 6:15), at “walang-hanggang mabuting balita” (Apo 14:6).
Ang salitang Griego na isinalin bilang “mabuting balita” (“ebanghelyo” sa KJ at sa iba pang bersiyon) ay eu·ag·geʹli·on. Ang “ebanghelisador” (anupat ang salitang Tagalog ay halos isang transliterasyon ng salitang Griego) ay isang mangangaral ng mabuting balita.—Gaw 21:8; 2Ti 4:5.
Ang Nilalaman Nito. Batay sa mga nabanggit na katawagan, magkakaideya tayo hinggil sa nilalaman at saklaw ng mabuting balita. Kabilang dito ang lahat ng katotohanan na sinalita ni Jesus at isinulat ng mga alagad. Bagaman ang mga tao noong sinauna ay umasa sa Diyos at nanampalataya sa pamamagitan ng kaalaman tungkol sa Kaniya, ang layunin at di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay unang ‘malinaw na ipinabatid sa pamamagitan ng pagkakahayag sa ating Tagapagligtas, si Kristo Jesus, na pumawi sa kamatayan ngunit nagpasikat ng liwanag sa buhay at kawalang-kasiraan sa pamamagitan ng mabuting balita.’—2Ti 1:9, 10.
Maraming siglo bago nito, ipinahayag ng Diyos ang mabuting balita kay Abraham, sa gayo’y ipinabatid niya ang paraan kung paano niya ilalaan ang mabuting balita. Sinabi niya: “Sa pamamagitan mo ay pagpapalain ang lahat ng bansa.” (Gal 3:8) Nang maglaon, sa pamamagitan ng propetang si Isaias, binanggit ni Jehova ang tungkol sa pangangaral ng mabuting balita. Sa sinagoga sa Nazaret, bumasa si Jesu-Kristo mula sa hulang ito at pagkatapos ay nagsabi: “Ngayon ay natutupad ang kasulatang ito na karirinig lamang ninyo.” (Luc 4:16-21) Inilarawan ng hula ni Isaias ang layunin at magiging epekto ng mabuting balita na ipangangaral, partikular na pasimula sa pagdating ng Mesiyas.—Isa 61:1-3.
Ang Pagsulong Nito. Noong ipanganak si Jesus, ipinatalastas ng anghel sa mga pastol: “Huwag kayong matakot, sapagkat, narito! ipinahahayag ko sa inyo ang mabuting balita tungkol sa malaking kagalakan na tataglayin ng lahat ng mga tao.” (Luc 2:10) Inihanda ni Juan na Tagapagbautismo ang daan para sa pangangaral ni Jesus ng mabuting balita, sa pagsasabi sa mga Judio: “Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.” (Mat 3:1, 2) Sinabi naman ni Jesus tungkol sa pangangaral ni Juan: “Mula noong mga araw ni Juan Bautista hanggang ngayon ang kaharian ng langit ang tunguhin na pinagpupunyagian ng mga tao, at sinusunggaban ito niyaong mga patuloy na nagpupunyagi.”—Mat 11:12.
Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, mga Judio at mga proselita lamang ang pinangaralan niya ng mabuting balita, anupat sinabi niya: “Hindi ako isinugo sa kaninuman maliban sa nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.” (Mat 15:24) Nang isugo niya ang 12 apostol, iniutos niya sa kanila: “Huwag kayong pumaroon sa daan ng mga bansa, at huwag kayong pumasok sa isang Samaritanong lunsod; kundi, sa halip, patuluyan kayong pumaroon sa nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.” (Mat 10:5, 6) Noong isang pagkakataon, nangaral siya sa isang babaing nagmula sa mga Samaritano, na kamag-anak ng mga Israelita, ngunit ito’y hindi dahil sinadya niyang pumasok sa lunsod upang mangaral. Gayunman, napakahusay ng naging pagtugon ng babae at ng iba pa kung kaya si Jesus ay nanatiling kasama nila nang dalawang araw.—Ju 4:7-42.
Pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, ipinag-utos niya sa kaniyang mga alagad: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mat 28:19, 20) Sinabi rin niya sa kanila na ang kanilang pangangaral ay aabot hanggang sa “pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gaw 1:8) Ngunit sa loob ng mga tatlo at kalahating taon pagkaraan nito, ang mga alagad ay inakay ng banal na espiritu na mangaral sa mga Judio at mga Samaritano lamang. Pagkatapos ay isinugo ng Diyos si Pedro upang dalhin ang mabuting balita sa sambahayan ng Romanong opisyal ng hukbo na si Cornelio. (Gaw kab 10, 11; 15:7) Mula noon, ang mabuting balita ay ipinahayag na sa pinakamalawak na paraan at sa pinakamaraming dako.
Ang Kahalagahan Nito. Taglay ang matibay na pananalig, sumulat ang apostol na si Pablo hinggil sa paglalaang ginawa ng Diyos ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Sinabi niya na kung may sinumang magpapahayag sa mga taga-Galacia ng anumang bagay na higit pa sa kanilang natutuhan, isang bagay na sa katunayan ay naiibang turo, “sumpain siya.” Pagkatapos, habang tinutukoy ang pinagmulan ng mabuting balita na ipinahayag niya, sinabi ni Pablo: “Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, ni itinuro man ito sa akin, kundi sa pamamagitan ng pagsisiwalat ni Jesu-Kristo.” (Gal 1:8, 11, 12) Kinailangan ang mariing kapahayagang ito, sapagkat kahit noon ay mayroon nang nagtatangkang magpabagsak sa tunay na pananampalataya sa pamamagitan ng pangangaral ng ‘ibang mabuting balita.’ (2Co 11:4; Gal 1:6, 7) Nagbabala si Pablo tungkol sa dumarating na apostasya at sinabi niya na ‘ang hiwaga ng katampalasanan’ ay gumagana na; pinayuhan niya ang mga Kristiyano na alalahanin ang layunin ng mabuting balita at tumayong matatag at laging manghawakan sa mga tradisyong pinatnubayan ng espiritu at natutuhan nila sa pamamagitan ng mga apostol.—2Te 2:3, 7, 14, 15; tingnan ang TRADISYON.
Ang katapatan sa panghahawakan sa mabuting balita at sa patuloy na paghahayag nito ay itinuring ni Jesus na mas mahalaga kaysa sa kasalukuyang buhay ng isa, at kinilala ni Pablo ang pangangailangang ipahayag ito nang buong katapatan. (Mar 8:35; 1Co 9:16; 2Ti 1:8) Maaaring maiwala ng isang indibiduwal ang kaniyang pinakamamahal na mga pag-aari, at baka dumanas pa nga siya ng mga pag-uusig, ngunit, kapalit naman nito ay tatanggap siya ng sandaang ulit ngayon, “mga bahay at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina at mga anak at mga bukid, . . . at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang hanggan.”—Mar 10:29, 30.
Ang mabuting balita ang sukatan ng paghatol sa sangkatauhan: Ang pagtanggap at pagkamasunurin sa mabuting balita ay magbubunga ng kaligtasan; ang pagtatakwil at pagsuway rito ay magdudulot ng pagkapuksa. (1Pe 4:5, 6, 17; 2Te 1:6-8) Dahil sa bagay na ito, dapat na maging dalisay ang motibo ng indibiduwal sa pangangaral ng mabuting balita at dapat niya itong ipangaral mula sa puso, anupat nauudyukan ng pag-ibig para sa mga pinangangaralan niya. Gayon na lamang ang pagpapahalaga ng mga apostol sa nagbibigay-buhay na importansiya ng mabuting balita at lubha silang pinag-alab ng espiritu ng Diyos at ng pag-ibig kung kaya ibinahagi nila hindi lamang ang mabuting balita kundi pati ang kanilang “sariling mga kaluluwa” sa mga nakikinig sa pangangaral nila. (1Te 2:8) Sinabi ng Diyos na ang mga tagapaghayag ng mabuting balita ay may karapatang tumanggap ng materyal na tulong mula sa mga pinangangaralan nila. (1Co 9:11-14) Ngunit gayon na lamang ang pagpapahalaga ni Pablo at ng kaniyang matatalik na kasamahan sa kanilang pribilehiyo bilang mga tagapagdala ng mabuting balita anupat buong-ingat nilang iniwasang magtamo ng pinansiyal na pakinabang mula roon, o magtingin man lamang na nakikinabang sila sa kanilang pangangaral. Sa 1 Corinto 9:15-18 at sa 1 Tesalonica 2:6, 9, inilalarawan ng apostol na si Pablo ang kaniyang landasin ng pagkilos may kinalaman dito.
Mga Kaaway Nito. Ang mabuting balita ay buong-tinding sinalansang, at tinukoy ng apostol kung sino ang kaaway: “Ngayon, kung sa katunayan ay natatalukbungan ang mabuting balita na aming ipinahahayag, ito ay natatalukbungan doon sa mga nalilipol, na sa gitna nila ay binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya, upang ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos, ay hindi makatagos.” (2Co 4:3, 4) Ang pinakaunang mga kaaway ng mabuting balita ay ang relihiyosong mga lider ng mga Judio. Gayunman, ang kanilang pakikipag-alit ay nagbunga ng mabuti para sa mga Gentil, o mga tao ng mga bansa, sapagkat ito ang nagbukas ng pagkakataon upang ang mga Gentil ay maging mga kabahagi rin sa “pangako kaisa ni Kristo Jesus sa pamamagitan ng mabuting balita.”—Ro 11:25, 28; Efe 3:5, 6.
Ang mga kaaway ng mabuting balita ay nagdulot sa mga Kristiyano ng maraming paghihirap anupat kinailangan ng mga apostol na puspusang makipaglaban sa harap ng mga tagapamahala sa pagtatanggol at sa legal na pagtatatag ng mabuting balita upang lumaganap ito nang may lubos na kalayaan.—Fil 1:7, 16; ihambing ang Mar 13:9-13; Gaw 4:18-20; 5:27-29.
Ang Ministeryo ni Jesus sa Lupa at ang Kaniyang Pagbabalik. Kapansin-pansin na, sa loob ng mga anim na buwan bago lumapit sa kaniya si Jesus upang magpabautismo, si Juan na Tagapagbautismo ay nangaral: “Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na,” at nang dumating si Jesus, tinukoy ni Juan si Jesus bilang “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” (Mat 3:1, 2; Ju 1:29) Sa gayon ay ibinaling niya ang pansin ng mga tao tungo sa pinakahihintay na Mesiyanikong Hari.—Gaw 19:4.
Noong naririto si Jesus sa lupa, siya at ang kaniyang mga alagad ay nagpatalastas: “Ang kaharian ng langit ay malapit na.” (Mat 4:17; 10:7) Si Jesus, na pinahiran bilang Kristo, ang Hari, ay nagsabi sa mga Pariseo na kaniyang mga kaaway: “Ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.” (Luc 17:20, 21) Ito ang tema, o pinakapaksa, ng mabuting balita noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa. Gayunman, pagkamatay ni Jesus, hindi na iniulat na ipinahayag pa ng mga alagad na “malapit na” ang Kaharian. Sa halip, ito ang mabuting balita na ipinangaral nila: pagkamatay ni Jesus at pagkatapos niyang ibigay ang kaniyang buhay bilang pantubos na halaga ukol sa kaligtasan, umakyat siya sa langit at mula noon ay nakaupo na siya sa kanan ng Diyos. Ipinangaral din nila ang tungkol sa pagbabalik ni Jesus sa kalaunan at ang kaniyang dumarating na Kaharian.—Heb 10:12, 13; 2Ti 4:1; Apo 11:15; 12:10; 22:20; ihambing ang Luc 19:12, 15.
Tinanong si Jesus ng kaniyang mga alagad, “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Sa kaniyang sagot, inisa-isa ni Jesus ang ilang bagay na magaganap sa panahong iyon. Bukod sa iba pang mga bagay ay sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mat 24:3, 14; Mar 13:10; ihambing ang Col 1:23.) Noong mga 96 C.E., sa Pagsisiwalat o Apocalipsis na ibinigay sa apostol na si Juan, nakita ni Juan ang isang “anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit” na may “walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan, na nagsasabi sa malakas na tinig: ‘Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat dumating na ang oras ng paghatol niya.’” (Apo 14:6, 7) Ipinahihiwatig ng kinasihang mga pananalitang ito na sa “mga huling araw” ay magkakaroon ng walang-katulad na paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian.