Unang Liham sa mga Taga-Corinto
9 Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol?+ Hindi ko ba nakita si Jesus na ating Panginoon?+ Hindi ba kayo ang bunga ng paglilingkod ko sa Panginoon? 2 Kung hindi ako naglingkod bilang apostol sa iba, naglingkod ako bilang apostol sa inyo! At kayo ang tatak na nagpapatunay na apostol ako ng Panginoon.+
3 Ito ang depensa ko sa mga pumupuna sa akin: 4 Hindi ba may karapatan* kaming kumain at uminom? 5 Hindi ba may karapatan kaming magkaroon ng sumasampalatayang asawa+ na maisasama namin sa paglalakbay, gaya ng ibang apostol, ng mga kapatid ng Panginoon,+ at ni Cefas?+ 6 Kami lang ba ni Bernabe+ ang walang karapatang tumigil sa paghahanapbuhay?* 7 Sino bang sundalo ang maglilingkod sa sarili niyang gastos? Sino ang nagtatanim ng ubas at hindi kumakain ng bunga nito?+ O sino ang nagpapastol ng kawan at hindi nakikinabang sa gatas nito?
8 Kaisipan ba ng tao ang sinasabi ko? Hindi ba sinasabi rin ito sa Kautusan? 9 Dahil nakasulat sa Kautusan ni Moises: “Huwag mong bubusalan ang* toro habang gumigiik ito.”+ Mga toro ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos? 10 O sinabi niya iyon para sa kapakanan natin? Talagang isinulat iyon para sa kapakanan natin, dahil ang taong nag-aararo at ang taong gumigiik ay dapat magtrabaho sa pag-asang makatatanggap sila ng parte sa ani.
11 Kung naghasik kami sa inyo ng espirituwal na mga bagay, mali ba kung tumanggap* kami sa inyo ng materyal na suporta?+ 12 Kung ang ibang tao ay may karapatang tumanggap ng suporta mula sa inyo, hindi ba lalo na kami? Pero kahit may karapatan* kami, hindi kami humihiling ng anuman sa inyo,+ kundi tinitiis namin ang lahat para hindi namin mahadlangan sa anumang paraan ang mabuting balita tungkol sa Kristo.+ 13 Hindi ba ninyo alam na ang mga lalaking gumaganap ng sagradong mga atas ay kumakain ng mga bagay na mula sa templo, at ang mga regular na naglilingkod sa altar ay may parte sa mga bagay na inihahandog sa altar?+ 14 Sa katulad na paraan, ipinag-utos ng Panginoon na ang mga naghahayag ng mabuting balita ay matustusan sa pamamagitan ng mabuting balita.+
15 Pero hindi ko ginamit ang kahit isa man sa mga paglalaang ito.+ At hindi ko ito isinulat para ito ang gawin sa akin. Mas mabuti pang mamatay ako—walang taong makapag-aalis ng dahilan ko para magmalaki!+ 16 Ngayon, kung inihahayag ko ang mabuting balita, hindi dahilan iyon para magmalaki ako, dahil ang pananagutan ay nakaatang sa akin.+ Talagang kaawa-awa ako kung hindi ko ihahayag ang mabuting balita!+ 17 Kung ginagawa ko ito nang bukal sa loob, may gantimpala ako; pero kahit gawin ko ito nang labag sa kalooban ko, nasa akin pa rin ang responsibilidad na ipinagkatiwala sa akin.+ 18 Kung gayon, ano ang gantimpala ko? Ang gantimpala ko ay ang ihayag ang mabuting balita nang walang bayad. Sa ganitong paraan, maiiwasan kong abusuhin ang awtoridad* ko bilang mángangarál ng mabuting balita.
19 Dahil kahit wala akong pagkakautang sa sinumang tao, nagpaalipin ako sa lahat para maakay ko ang pinakamaraming tao hangga’t posible. 20 Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng Judio, para maakay ko ang mga Judio;+ sa mga nasa ilalim ng kautusan, ako ay naging gaya ng nasa ilalim ng kautusan, kahit na wala ako sa ilalim ng kautusan, para maakay ko ang mga nasa ilalim ng kautusan.+ 21 Sa mga walang kautusan, ako ay naging gaya ng walang kautusan,+ kahit na sumusunod ako sa kautusan ng Diyos at nasa ilalim ako ng kautusan ni Kristo,+ para maakay ko ang mga walang kautusan. 22 Sa mahihina, ako ay naging mahina, para maakay ko ang mahihina.+ Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao para mailigtas ko ang ilan sa anumang paraan. 23 Ginagawa ko ang lahat alang-alang sa mabuting balita para maibahagi ko ito sa iba.+
24 Hindi ba ninyo alam na lahat ng kasali sa takbuhan ay tumatakbo, pero isa lang ang tumatanggap ng gantimpala? Tumakbo kayo sa paraang makukuha ninyo ito.+ 25 Ang lahat ng kasali sa isang paligsahan ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay. Ginagawa nila ito para tumanggap ng isang koronang nasisira,+ pero ginagawa natin ito para sa gantimpalang hindi nasisira.+ 26 Kaya nga, hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan;+ hindi ako sumusuntok na parang sumusuntok sa hangin;+ 27 kundi binubugbog ko ang aking katawan+ at ginagawa itong alipin, dahil baka pagkatapos kong mangaral sa iba, ako naman ang hindi sang-ayunan.*