Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Isa Pang Paglalakbay sa Galilea Para Mangaral
PAGKARAAN ng mga dalawang taon ng masigasig na pangangaral, ngayon ba ay maglulubay si Jesus at magpapa-easy-easy na lamang? Bagkus pa, kaniyang pinalalawak ang kaniyang pangangaral sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isa pang paglalakbay, ang pangatlong ginawa niya sa Galilea. Kaniyang dinadalaw ang lahat ng mga lunsod at mga bayan sa teritoryo at nagtuturo siya sa mga sinagoga at nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Ang nakita niya sa kaniyang paglalakbay ay nakakumbinsi sa kaniya higit kailanman ng pangangailangan na lalong pag-ibayuhin ang kaniyang pangangaral.
Saanman pumaroon si Jesus, nakikita niya ang lubhang karamihan na nangangailangan ng espirituwal na pagpapagaling at kaaliwan. Sila’y gaya ng mga tupa na walang pastol, na pinagsasamantalahan, nagsisipangalat, at kaniyang kinahahabagan sila. Kaniyang sinabi sa kaniyang mga alagad: “Oo, malaki ang aanihin, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga, ipanalangin ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng higit pang mga manggagawa sa kaniyang aanihin.”
Si Jesus ay may isinaplanong pagkilos. Kaniyang tinawag ang 12 apostol, na kaniyang napili na mga isang taon ang aga. Kaniyang pinagtambal-tambal sila, na naging anim na magkakatambal na mangangaral, at ipinagbilin sa kanila, na nagsasabi: “Huwag kayong pupunta sa daan ng mga bansa, at huwag kayong papasok sa siyudad ng Samaritano; kundi, sa halip, doon kayo patuloy na pumaroon sa nawaglit na tupa ng sambahayan ni Israel. Habang kayo’y naglalakad, mangaral, na nagsasabi, ‘Ang kaharian ng langit ay malapit na.’”
Ang Kahariang ito na kanilang ipangangaral ay yaong itinuro sa kanila ni Jesus na idalangin sa modelong panalangin. Ang Kaharian ay malapit na noon sa diwa na ang hinirang ng Diyos na Hari, si Jesu-Kristo, ay naroon. Upang itatag ang pagkakakilanlan sa kaniyang mga alagad bilang mga kinatawan ng nakatataas sa taong pamahalaang iyon, sila’y binigyan ni Jesus ng kapangyarihan na magpagaling ng mga maysakit at kahit bumuhay ng mga patay. Kaniyang ibinilin sa kanila na gawin ang mga paglilingkod na ito nang libre.
Pagkatapos ay sinabihan niya ang kaniyang mga alagad na huwag maghanda ng materyal na mga bagay para sa kanilang pangangaral. “Huwag kayong magbaon ng ginto o pilak o tanso sa inyong mga supot, kahit supot ng pagkain sa paglalakad, o kahit dalawang tunika o kahit mga sandalyas o isang tungkod; sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang pagkain.” Ang mga magpapahalaga sa mensahe ay tutugon at mag-aabuloy ng pagkain at magpapatuloy sa kanilang bahay. Gaya ng sinabi ni Jesus: “Sa alinmang bayan o nayon na iyong pasukin, siyasatin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat, at magsitahan kayo roon hanggang sa kayo’y magsialis.”
Pagkatapos ay nagbilin si Jesus ng kung paano lalapitan ang mga maybahay at dalhan ng mensahe ng Kaharian. “Pagpasok ninyo sa bahay,” aniya, “batiin ninyo ang sambahayan; at kung karapat-dapat ang bahay, hayaang dumoon ang kapayapaan ninyo; ngunit kung hindi karapat-dapat iyon, hayaang mabalik sa inyo ang kapayapaan ninyo. Saanman na doo’y hindi kayo tanggapin ninuman o hindi pakinggan ang inyong mga salita, pag-alis ninyo sa bahay o sa lunsod na iyon ay ipagpag ninyo ang alabok sa inyong mga paa.”
Tungkol sa isang bayan na tumatanggi sa kanilang mensahe, sinabi ni Jesus: “Mapagpapaumanhinan pa ang lupain ng Sodoma at Gomora sa Araw ng Paghuhukom kaysa bayang iyon.” Ipinakikita nito na may mga taong di-matuwid na pangangaralan ng kaniyang mga alagad na naroroon sa Araw ng Paghuhukom. Gayunman, pagka ang dating mga mamamayang ito’y binuhay-muli sa panahon ng Araw ng Paghuhukom, magiging mas mahirap para sa kanila na magpakumbaba at tanggapin si Kristo bilang Hari kaysa para sa mga binuhay-muli buhat sa sinaunang imoral na mga bayan ng Sodoma at Gomora. Mateo 9:35–10:15; Marcos 6:6-12; Lucas 9:1-5.
◆ Kailan pinasimulan ni Jesus ang ikatlong paglalakbay sa Galilea para mangaral, at sa ano siya kinumbinsi nito?
◆ Nang suguin ang kaniyang 12 apostol upang mangaral, anong mga tagubilin ang ibinigay niya sa kanila?
◆ Bakit wasto para sa mga alagad na magturo na ang Kaharian ay malapit na?
◆ Paano higit na mapagpapaumanhinan ang Sodoma at Gomora kaysa roon sa mga tumanggi sa mga alagad ni Jesus?