KABANATA 9
Mga Paraan ng Pangangaral ng Mabuting Balita
BILANG masigasig na tagapaghayag ng mabuting balita, nagpakita si Jesus ng halimbawa sa kaniyang mga tagasunod. Siya mismo ang lumapit sa mga tao. Nakipag-usap siya at nagturo sa kanilang mga tahanan at sa pampublikong mga lugar. (Mat. 9:35; 13:36; Luc. 8:1) Nakipag-usap si Jesus sa mga indibidwal, nagturo sa kaniyang mga alagad, at nagpahayag sa harap ng libo-libo. (Mar. 4:10-13; 6:35-44; Juan 3:2-21) Sinamantala niya ang bawat pagkakataon para magpatibay at magbigay ng pag-asa. (Luc. 4:16-19) Kahit panahon na para magpahinga at kumain, nagpatotoo pa rin siya. (Mar. 6:30-34; Juan 4:4-34) Kapag binabasa natin ang mga ulat tungkol sa ministeryo ni Jesus, tiyak na mapapakilos tayong tularan siya, gaya ng ginawa ng mga apostol.—Mat. 4:19, 20; Luc. 5:27, 28; Juan 1:43-45.
2 Tingnan natin kung paano nakikibahagi sa ngayon ang mga Kristiyano sa gawaing pinasimulan ni Jesu-Kristo halos 2,000 taon na ang nakalilipas.
PANGANGARAL SA BAHAY-BAHAY
3 Bilang mga Saksi ni Jehova, alam nating napakahalaga ng organisadong pangangaral ng mabuting balita sa bahay-bahay. Mula noon, ginagamit na natin ang paraang ito kaya naging pagkakakilanlan na natin ito. Napangaralan natin ang milyon-milyon sa loob lang ng maikling panahon, kaya talagang epektibo ang paraang ito ng pangangaral. (Mat. 11:19; 24:14) Sa pagbabahay-bahay, naipapakita nating mahal natin si Jehova at ang ating kapuwa.—Mat. 22:34-40.
4 Hindi ang modernong-panahong mga Saksi ni Jehova ang nagpasimula ng pagbabahay-bahay. Binanggit ni apostol Pablo na nagturo siya sa mga tao sa kanilang tahanan. Tungkol sa kaniyang ministeryo, sinabi niya sa mga tagapangasiwa sa Efeso: “Mula nang unang araw na dumating ako sa lalawigan ng Asia, hindi rin ako nag-atubiling sabihin sa inyo ang anumang bagay na kapaki-pakinabang o turuan kayo . . . sa bahay-bahay.” Gamit ang paraang ito at ang iba pa, “lubusan [siyang] nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at Griego tungkol sa pagsisisi at pagbaling sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.” (Gawa 20:18, 20, 21) Nang panahong iyon, itinataguyod ng mga Romanong emperador ang idolatriya, at marami ang “may takot . . . sa mga bathala.” Kailangan agad ng mga tao na hanapin “ang Diyos na gumawa ng mundo at ng lahat ng narito,” ang Isa na “[nagsasabi] sa lahat ng tao na dapat silang magsisi.”—Gawa 17:22-31.
5 Sa ngayon, dahil napakalapit nang magwakas ang masamang sistemang ito, kailangang mapaabutan agad ng mabuting balita ang mga tao. Kaya naman napapakilos tayo na maging mas masigasig sa pagbabahay-bahay—ang pinakamahusay at subók na paraan ng paghahanap sa mga uháw sa katotohanan. Epektibo pa rin ito sa ngayon gaya noong panahon ni Jesus at ng mga apostol.—Mar. 13:10.
6 Ginagawa mo ba ang buong makakaya mo para makapagbahay-bahay? Kung oo, tiyak na napasasaya mo si Jehova. (Ezek. 9:11; Gawa 20:35) Pero baka nahihirapan kang gawin ito. Baka may pisikal na mga limitasyon ka o nangangaral ka sa teritoryong marami ang hindi nakikinig. Baka hinihigpitan pa nga ng gobyerno ang gawain. Baka mahiyain ka at hiráp magpasimula ng pag-uusap sa mga hindi mo kilala. Kaya sa tuwing magbabahay-bahay ka, ninenerbiyos ka. Pero huwag masiraan ng loob. (Ex. 4:10-12) Nararanasan din iyan ng mga kapatid sa maraming lugar.
7 Nangako si Jesus sa mga alagad niya: “Makakasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.” (Mat. 28:20) Napapatibay tayo ng pangakong iyan na gumawa ng alagad. Nadarama natin ang nadama ni apostol Pablo: “May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Fil. 4:13) Lubusang suportahan ang mga kaayusan ng kongregasyon sa pagbabahay-bahay. Sa paggawang kasama ng iba, matutulungan at mapapatibay ka nila. Ipanalangin sa Diyos na tulungan kang maharap ang anumang hadlang, at gawin ang buong makakaya mo na ipangaral ang mabuting balita.—1 Juan 5:14.
8 Kapag ibinabahagi mo ang mabuting balita, nagkakaroon ka ng pagkakataon na ‘ipaliwanag ang iyong pag-asa.’ (1 Ped. 3:15) Mas nakikita mo ang pagkakaiba ng mga may pag-asa dahil sa Kaharian at ng mga taong walang pag-asa. (Isa. 65:13, 14) Magiging masaya ka dahil alam mong nasusunod mo ang utos ni Jesus na ‘pasikatin ang iyong liwanag.’ Puwede mo pa ngang matulungan ang iba na makilala si Jehova at malaman ang katotohanang umaakay sa buhay na walang hanggan.—Mat. 5:16; Juan 17:3; 1 Tim. 4:16.
9 May isinasaayos na pagbabahay-bahay sa mga dulo ng sanlinggo at sa iba pang mga araw. Sa mga lugar na bihirang madatnan ang mga tao sa bahay kapag umaga, isinasaayos ng ilang kongregasyon ang pagpapatotoo sa gabi. Malamang na mas handang makipag-usap ang mga tao sa hapon o sa gabi kaysa sa umaga.
HANAPIN ANG MGA KARAPAT-DAPAT
10 Tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na “hanapin” ang mga karapat-dapat. (Mat. 10:11) Pero hindi lang siya sa bahay-bahay naghanap. Nagpatotoo rin siya sa bawat angkop na pagkakataon, sa pormal man o di-pormal na paraan. (Luc. 8:1; Juan 4:7-15) Nagpatotoo rin ang mga apostol sa iba’t ibang lugar.—Gawa 17:17; 28:16, 23, 30, 31.
Tunguhin nating mapaabutan ng mensahe ng Kaharian ang lahat ng tao hangga’t posible
11 Sa ngayon, tunguhin din nating mapaabutan ng mensahe ng Kaharian ang lahat ng tao hangga’t posible. Tinutularan natin ang paraan ni Jesus at ng kaniyang mga apostol sa paggawa ng alagad, pati na ang pakikibagay nila sa mga pagbabago at kalagayan ng mga tao sa teritoryo. (1 Cor. 7:31) Halimbawa, naging matagumpay ang mga mamamahayag sa pakikipag-usap sa mga lugar ng negosyo. Sa maraming bansa, epektibo ang pagpapatotoo sa lansangan, parke, paradahan, o saanman may tao. Ang ilang kongregasyon ay naglagay ng mga mesa, cart, o stand sa kanilang teritoryo. Ang tanggapang pansangay ay nag-oorganisa rin ng pantanging kaayusan sa pampublikong pagpapatotoo sa malalaking lunsod. Nakikibahagi rito ang mga kapatid mula sa iba’t ibang kongregasyon. Bilang resulta, napapaabutan ng mabuting balita kahit ang mga taong hindi nadaratnan sa bahay.
12 Kapag nakatagpo tayo ng interesado sa pampublikong lugar, puwede natin siyang bigyan ng publikasyong babagay sa kaniya. Para mapasidhi ang kaniyang interes, puwede mong ibigay sa kaniya ang iyong contact information, isaayos na madalaw siyang muli, ipakita ang jw.org, o ibigay ang adres ng pinakamalapit na kongregasyon. Ang pagpapatotoo sa pampublikong mga lugar ay isang kasiya-siyang paraan para mapalawak ang iyong ministeryo.
13 Pero hindi lang pangangaral ng mabuting balita ang gawaing iniatas sa mga Kristiyano sa ngayon. Kung gusto mong matulungan ang mga interesado na tanggapin ang katotohanang umaakay sa buhay, kailangan mo silang paulit-ulit na dalawin para sumulong sila at maging may-gulang na mga Kristiyano.
PAGDALAW-MULI
14 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya: “Magiging mga saksi ko kayo . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Pero sinabi rin niya sa kanila: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na . . . itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.” (Mat. 28:19, 20) Ang pagdalaw-muli ay nagbibigay sa atin ng kagalakan. Ang mga nagpakita ng interes sa mabuting balita sa iyong unang pagdalaw ay malamang na matutuwa kapag dinalaw mo sila ulit. Kung bibigyan mo sila ng karagdagang impormasyon mula sa Bibliya, puwede mong mapatibay ang kanilang pananampalataya at matulungan sila na maunawaang kailangan nila ang Diyos. (Mat. 5:3) Kung maghahanda kang mabuti at dadalaw muli sa panahong kumbinyente sa kanila, baka makapagpasimula ka ng pag-aaral sa Bibliya. Sa paggawa nito, magiging ganiyan ang tunguhin mo sa pagdalaw-muli. Hindi lang tayo nagtatanim ng binhi ng katotohanan, nagdidilig din tayo.—1 Cor. 3:6.
15 Baka mahirap para sa ilan ang dumalaw muli. Baka sanay ka na sa maikling paghaharap ng mabuting balita, at gustong-gusto mo ang aspektong ito ng ministeryo. Pero baka kinakabahan ka kapag iniisip mong babalik ka sa may-bahay para higit pang pag-usapan ang Bibliya. Kung maghahanda kang mabuti, lalakas ang loob mo. Makakabuti rin kung susundin mo ang praktikal na mga mungkahi sa pulong sa gitnang sanlinggo. Puwede ka ring magpasama sa mas makaranasang mga mamamahayag.
PAGDARAOS NG PAG-AARAL SA BIBLIYA
16 Tinanong ng ebanghelisador na si Felipe ang proselitang Judio na nagbabasa ng Salita ng Diyos: “Naiintindihan mo ba ang lahat ng binabasa mo?” Sumagot ang lalaki: “Ang totoo, hindi ko ito maiintindihan kung walang magtuturo sa akin.” Pagkatapos, mula sa bahagi ng Kasulatan na binabasa ng lalaki, sinimulan ni Felipe na “ihayag sa kaniya ang mabuting balita tungkol kay Jesus.” (Gawa 8:26-36) Hindi natin alam kung gaano katagal kinausap ni Felipe ang lalaki, pero ipinaliwanag ni Felipe ang mabuting balita hanggang sa manampalataya ang lalaki at hilingin nitong bautismuhan siya. Naging alagad siya ni Jesu-Kristo.
17 Marami sa ngayon ang hindi pamilyar sa Bibliya, kaya baka kailangan ang ilang pagdalaw-muli at detalyadong pag-aaral sa Bibliya sa loob ng ilang linggo, buwan, o taon pa nga bago tumibay ang pananampalataya nila at maging kuwalipikado sa bautismo. Pero ang iyong matiyagang pagtulong sa mga tapat-puso na maging alagad ay tiyak na pagpapalain. Sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
18 Siguradong gusto mong magdaos ng pag-aaral sa Bibliya gamit ang isa sa mga publikasyong dinisenyo para dito. Kung gagawin mo ang mga natututuhan mo sa pulong sa gitnang sanlinggo at sasama ka sa makaranasang mga guro sa kongregasyon, magiging epektibo ka sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya at matutulungan mo ang iba na maging alagad ni Jesu-Kristo.
19 Kung kailangan mo ng tulong sa pagpapasimula at pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya, huwag mahiyang makipag-usap sa isang elder o sa iba pang Saksi na epektibo rito. Makatutulong din sa iyo ang mga mungkahi sa Workbook sa Buhay at Ministeryo na itinatanghal sa pulong. Ipanalangin kay Jehova ang bagay na ito at magtiwala sa kaniya. (1 Juan 3:22) Hangga’t posible, gawing tunguhin ang magkaroon ng inaaralan sa Bibliya bukod pa sa pag-aaral sa Bibliya na maaaring idinaraos mo sa iyong pamilya. Magiging mas masaya ka sa ministeryo kapag nagdaraos ka ng pag-aaral sa Bibliya.
PAG-AKAY SA MGA INTERESADO SA ORGANISASYON NI JEHOVA
20 Kapag tinutulungan natin ang mga tao na makilala ang Diyos na Jehova at maging mga alagad ni Jesu-Kristo, nagiging bahagi sila ng kongregasyon. Susulong sa espirituwal ang mga estudyante sa Bibliya kung makikilala nila ang organisasyon ni Jehova at makikipagtulungan dito. Mahalagang ituro sa kanila kung paano ito gagawin. Ang mga video at ang brosyur na Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon? ay dinisenyo para sa layuning ito. Makatutulong din ang ilang impormasyon sa Kabanata 4 ng aklat na ito.
21 Sa pasimula pa lang ng pag-aaral ninyo, tulungan ang estudyante na makitang may organisasyong ginagamit si Jehova para maisakatuparan ang pangangaral sa buong lupa. Sabihin sa kaniya kung gaano kahalaga ang mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Ipaliwanag sa kaniya kung paano ginagawa at ipinamamahagi ang mga ito sa buong mundo sa tulong ng mga boluntaryong nakaalay sa Diyos. Imbitahan ang iyong estudyante sa Bibliya na dumalo sa Kingdom Hall. Ipaliwanag kung paano idinaraos ang mga pulong at ipakilala siya sa mga kapatid. Puwede mo rin siyang ipakilala sa iba pang Saksi sa mga asamblea at kombensiyon. Sa mga pagtitipong ito at sa iba pang pagkakataon, maoobserbahan niya kung paano ipinapakita ng bayan ni Jehova ang pag-ibig—ang pagkakakilanlan ng tunay na mga Kristiyano. (Juan 13:35) Habang mas napahahalagahan ng isang interesado ang organisasyon, lalo siyang napapalapít kay Jehova.
PAGGAMIT NG LITERATURA SA BIBLIYA
22 Ang unang mga Kristiyano ay masisigasig na mamamahayag ng Salita ng Diyos. Gumawa sila ng sariling kopya ng Kasulatan at ng mga kopya para sa pag-aaral sa kongregasyon. Pinasigla nila ang iba na basahin ang Salita ng Diyos. Iilan lang ang kanilang sulat-kamay na mga kopya, at talagang pinahahalagahan ang mga ito. (Col. 4:16; 2 Tim. 2:15; 3:14-17; 4:13; 1 Ped. 1:1) Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay gumagamit ng makabagong mga paraan ng pag-iimprenta para makapaglathala ng daan-daang milyong Bibliya at mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Kasama rito ang mga tract, brosyur, aklat, at magasin sa daan-daang wika.
23 Kapag ibinabahagi mo sa iba ang mabuting balita, gamitin ang mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na inilalaan ng organisasyon ni Jehova. Dahil malaki ang naitulong sa iyo ng pagbabasa at pag-aaral ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, gugustuhin mo ring ibahagi ang mga ito sa iba.—Heb. 13:15, 16.
24 Parami nang parami sa ngayon ang gumagamit ng Internet para makakuha ng impormasyon. Kaya bukod sa mga literatura sa Bibliya, ang ating opisyal na website, ang jw.org, ay isa ring epektibong pantulong para maipalaganap ang mabuting balita sa buong mundo. Gamit ang computer, puwedeng magbasa o makinig ng mga audio recording ng Bibliya at literatura sa Bibliya sa daan-daang wika. Kahit ang mga nag-aalangang makipag-usap sa atin o nakatira sa mga lugar na maliit ang tsansang makausap ng mga Saksi ni Jehova ay puwedeng makaalam ng mga paniniwala natin gamit ang jw.org sa kanila mismong tahanan.
25 Kaya sa bawat angkop na pagkakataon, sinasabi natin sa iba ang tungkol sa jw.org. Kung may tanong ang may-bahay tungkol sa paniniwala natin, puwede nating ipakita agad sa kaniya ang sagot gamit ang isang gadyet o computer. Kung may matagpuan tayo na iba ang wika, gaya ng sign language, puwede nating gamitin ang ating website para maipakita sa kaniya ang Bibliya at mga literatura sa Bibliya sa wika niya. Nakapagpasimula ng pag-uusap sa Bibliya ang maraming mamamahayag gamit ang isa sa mga video sa ating website.
DI-PORMAL NA PAGPAPATOTOO
26 Sinabi ni Jesus sa mga nakikinig sa kaniyang salita: “Kayo ang liwanag ng sangkatauhan. . . . Pasikatin din ninyo ang inyong liwanag sa mga tao, para makita nila ang mabubuting ginagawa ninyo at purihin ang inyong Ama na nasa langit.” (Mat. 5:14-16) Makikita sa mga alagad na iyon na lumalakad sila sa mga daan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtulad kay Jesus, na nagsabi: “Ako ang liwanag ng sangkatauhan.” Nagpakita si Jesus ng halimbawa para sa mga Kristiyano sa pagpapasikat ng “liwanag ng buhay” para makinabang ang lahat ng makikinig.—Juan 8:12.
27 Mahusay ring halimbawa si apostol Pablo. (1 Cor. 4:16; 11:1) Habang nasa Atenas, araw-araw siyang nagpapatotoo sa pamilihan. (Gawa 17:17) Tinularan ng mga Kristiyano sa Filipos ang halimbawa ni Pablo. Kaya naman sa kaniyang liham, sinabi niya na sila ay nasa “gitna ng isang masama at pilipit na henerasyon,” kung saan “sumisikat [sila] bilang liwanag sa mundo.” (Fil. 2:15) Mapasisikat din natin ang liwanag sa pamamagitan ng ating salita at gawa, at kapag ibinabahagi natin ang mabuting balita sa bawat pagkakataon. Totoo, dahil sa ating magandang halimbawa, gaya ng pagiging tapat at matuwid, makikita na ng mga tao na naiiba tayo sa sanlibutan. Pero kung ipapakipag-usap natin sa kanila ang mabuting balita, maiintindihan nila kung bakit tayo naiiba.
28 Marami sa bayan ni Jehova ang nagbabahagi ng mabuting balita sa mga nakakasama nila sa araw-araw, gaya sa trabaho, paaralan, pampublikong transportasyon, o sa iba pang lugar. Kapag nasa biyahe, baka puwede nating kausapin ang ibang pasahero. Dapat nating samantalahin ang mga simpleng kuwentuhan para makapagpatotoo sa iba. Dapat na handa tayong magpatotoo sa bawat angkop na pagkakataon.
29 Mapasisigla tayong gawin ito kung iisipin nating napapapurihan natin ang ating Maylalang at napararangalan ang kaniyang pangalan. Puwede rin nating matulungan ang mga tapat-puso na makilala si Jehova para mapaglingkuran nila siya at magkaroon din ng pag-asang mabuhay magpakailanman dahil sa pananampalataya kay Jesu-Kristo. Natutuwa si Jehova sa mga pagsisikap natin at itinuturing niya ang mga ito na sagradong paglilingkod.—Heb. 12:28; Apoc. 7:9, 10.
TERITORYO
30 Kalooban ni Jehova na maipangaral ang mensahe ng Kaharian sa buong mundo, sa mga lunsod man o nayon. Kaya ang tanggapang pansangay ay nag-aatas ng mga teritoryo sa mga kongregasyon, pati na sa mga indibidwal na naglilingkod sa liblib na mga lugar. (1 Cor. 14:40) Katulad ito ng kaayusan ng Diyos noong unang siglo. (2 Cor. 10:13; Gal. 2:9) Mabilis ang paglawak ng gawaing pang-Kaharian sa mga huling araw na ito, at mas marami ang maisasagawa kung organisado ang kaayusan sa pagkubre sa mga teritoryo ng kongregasyon.
31 Ang kaayusang ito ay pinangangasiwaan ng tagapangasiwa sa paglilingkod. Isang ministeryal na lingkod ang maaaring aktuwal na mag-atas ng mga teritoryo. May dalawang uri ng teritoryo—panggrupong teritoryo at personal na teritoryo. Ang mga tagapangasiwa ng grupo ang may hawak ng mga panggrupong teritoryo, kung saan mangangaral ang mga miyembro ng grupo nila. Kung malaki ang teritoryo ng kongregasyon, puwedeng magkaroon ng personal na teritoryo ang ilang mamamahayag.
32 Ang mamamahayag na may personal na teritoryo ay may teritoryong mapangangaralan kahit walang isinaayos na pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan o kapag hindi praktikal na sumama sa grupo. Halimbawa, ang ilang mamamahayag ay humihiling ng teritoryong malapit sa trabaho nila at nangangaral doon kapag breaktime o pagkatapos ng trabaho. Hinihingi naman ng ilang pamilya ang teritoryong malapit sa bahay nila at nangangaral doon sa gabi. Kapag madaling puntahan ang personal na teritoryo, mas masusulit ang oras na puwedeng gamitin ng mamamahayag sa paglilingkod. Siyempre, ang personal na teritoryo ay puwede ring gawin ng grupo. Kung gusto mong magkaroon ng personal na teritoryo, puwede kang humingi sa lingkod sa teritoryo (territory servant).
33 Ito man ay panggrupong teritoryo na hawak ng tagapangasiwa ng grupo o isang personal na teritoryo na hawak ng isang mamamahayag, sisikapin ng may hawak nito na mapaabutan ng mensahe ang bawat bahay. Ang mga kaayusan sa pagkubre ng teritoryo ay dapat na kaayon ng mga data protection law. Dapat sikapin ng tagapangasiwa ng grupo o ng mamamahayag na binigyan ng teritoryo na makubrehan ito sa loob ng apat na buwan. Kapag tapos na ang teritoryo, dapat nila itong ipaalám sa lingkod sa teritoryo. Depende sa kalagayan, puwedeng magpasiya ang tagapangasiwa ng grupo o ang mamamahayag na kubrehan ulit ang teritoryo o ibalik ito sa lingkod sa teritoryo.
34 Kapag nakikipagtulungan ang lahat ng nasa kongregasyon, lubusang makukubrehan ang teritoryo. Maiiwasan din ang magkakasunod na paggawa sa iisang teritoryo ng dalawa o higit pang mamamahayag, na puwedeng makairita sa mga may-bahay. Sa paggawa nito, naipapakita nating makonsiderasyon tayo sa ating mga kapatid at sa mga tao sa teritoryo.
MAKIPAGTULUNGAN PARA MAPANGARALAN ANG MGA TAO SA LAHAT NG WIKA
35 Kailangang malaman ng lahat ang tungkol sa Diyos na Jehova, sa kaniyang Anak, at sa Kaharian. (Apoc. 14:6, 7) Gusto nating tulungan ang mga tao, anuman ang kanilang wika, na tumawag sa pangalan ni Jehova para sa kaligtasan at isuot ang Kristiyanong personalidad. (Roma 10:12, 13; Col. 3:10, 11) Ano ang ilang hamong napapaharap kapag nangangaral sa mga teritoryong iba’t iba ang wika? Ano ang puwedeng gawin para mas marami ang makarinig ng mensahe ng Kaharian sa sarili nilang wika?—Roma 10:14.
36 Ang pag-aatas ng mga teritoryo sa bawat kongregasyon ay depende sa wika. Kaya sa mga lugar na may iba’t ibang wika, maaaring mangaral sa iisang lugar ang mga mamamahayag mula sa iba’t ibang kongregasyon. Kapag ganito ang kalagayan, makakabuti kung ang mga mamamahayag ng bawat kongregasyon ay magpopokus sa pangangaral sa mga taong nagsasalita ng wika nila. Ganito rin ang gagawin sa mga taunang kampanya ng pamamahagi ng imbitasyon. Pero kapag nakikibahagi sa pampubliko at di-pormal na pagpapatotoo, ang mga mamamahayag ay puwedeng makipag-usap at mag-alok ng literatura sa mga tao anuman ang wika ng mga ito.
37 May mga kongregasyong iba ang wika na hindi kayang regular na makubrehan ang mas malalayong teritoryo. Kung ganito ang kalagayan, dapat mag-usap-usap ang mga tagapangasiwa sa paglilingkod ng bawat kongregasyon para mapagkasunduan nila ang paraan ng pagkubre sa teritoryo. Sa ganitong paraan, mabibigyan ng pagkakataon ang lahat na marinig ang mensahe ng Kaharian, at maiiwasang madoble ang paggawa sa teritoryo.—Kaw. 15:22.
38 Ano ang dapat nating gawin kapag iba ang wika ng natagpuan natin sa teritoryo? Huwag isipin na kakausapin naman siya ng mga mamamahayag na kapareho niya ng wika. Ang ilang mamamahayag ay nag-aaral ng simpleng presentasyon sa wika na karaniwang sinasalita ng mga tao sa kanilang teritoryo. Puwede nating ipakita sa may-bahay kung paano siya makapagbabasa o makapagda-download ng mga literatura sa wika niya mula sa ating opisyal na website na jw.org. Maaari din nating sabihin na puwede natin siyang dalhan ng literatura sa wika niya.
39 Kung talagang interesado ang may-bahay, sisikapin nating humanap ng mamamahayag na kuwalipikadong tumulong sa kaniya gamit ang wikang nauunawaan niya. Maaari din nating sabihin sa kaniya kung saan may malapit na pulong sa wika niya. Kung gusto niyang may dumalaw sa kaniya na nagsasalita ng kaniyang wika, maaari nating ipakita sa jw.org kung saan siya maglalagay ng kaniyang contact information. Sisikapin naman ng tanggapang pansangay na maghanap ng malapit na kongregasyon, grupo, o mamamahayag na patuloy na makatutulong sa kaniya.
40 Dapat na patuloy nating puntahan ang interesado hanggang sa sabihin niyang may dumadalaw na sa kaniya na nagsasalita ng wika niya. May pagkakataong ipinaaalám ng tanggapang pansangay sa mga elder na wala silang mahanap na mamamahayag na nagsasalita ng wika ng interesado. Sa ganitong kalagayan, dapat na patuloy nating sikapin na pasidhiin ang interes ng may-bahay. Kung posible, magdaos ng pag-aaral sa Bibliya, marahil gamit ang isang publikasyon sa wika niya. Kung gagamitin nating mabuti ang mga larawan at ipababasa sa kaniya ang binanggit na mga teksto, matututuhan niya ang ilang pangunahing turo ng Bibliya. Baka may kapamilya siya na puwede ninyong maging interpreter.
41 Para maakay sa organisasyon ng Diyos ang interesado, dapat natin siyang imbitahan sa mga pulong kahit na baka kaunti lang ang maintindihan niya roon. Kapag may babasahing teksto, puwede natin siyang tulungang hanapin ito sa Bibliya sa wika niya, kung mayroon. Ang pakikipagsamahan niya sa kongregasyon ay makapagpapatibay sa kaniya at makatutulong para sumulong siya sa espirituwal.
42 Pregroup: Ang pregroup ay binubuo ng ilang mamamahayag na nangangaral sa wika na iba sa wika ng kongregasyon, kahit hindi kaya ng kuwalipikadong elder o ministeryal na lingkod na pangasiwaan ang isang lingguhang pulong sa wikang iyon. Maaaring pahintulutan ng tanggapang pansangay na mag-host ng isang pregroup ang isang kongregasyon kung naaabot ang sumusunod na mga kahilingan:
(1) Maraming tao sa teritoryo ang nagsasalita ng wika na iba sa wikang ginagamit ng kongregasyon.
(2) May ilang mamamahayag na marunong ng wikang iyon o handang pag-aralan ang wika.
(3) Handa ang lupon ng matatanda na manguna sa pag-oorganisa ng pangangaral sa wikang iyon.
Kung gusto ng lupon ng matatanda na mag-host ng pregroup, kokonsulta sila sa tagapangasiwa ng sirkito. Baka may alam siyang ibang kongregasyon na gusto ring mangaral sa wikang iyon at makapagbibigay siya ng mahahalagang impormasyon para matukoy kung aling kongregasyon ang pinakamagandang mag-host sa pregroup. Ang mga elder sa napiling kongregasyon ay susulat sa tanggapang pansangay para humingi ng pahintulot na mag-host ng pregroup.
43 Grupo: Pahihintulutan ng tanggapang pansangay na mag-host ng isang grupo ang isang kongregasyon kung naaabot ang sumusunod na mga kahilingan:
(1) May makatuwirang dami ng mga interesado na nagsasalita ng isang partikular na wika.
(2) May sapat na bilang ng mamamahayag na marunong o nag-aaral ng wikang iyon.
(3) May isang kuwalipikadong elder o ministeryal na lingkod na puwedeng manguna at magdaos ng kahit isang pulong—o bahagi ng pulong, gaya ng pahayag pangmadla o Pag-aaral sa Bantayan—linggo-linggo sa wikang iyon.
Kapag naabot ang mga kahilingang ito sa makatuwirang antas, susulat ang lupon ng matatanda para ipaalám ang kumpletong detalye sa tanggapang pansangay at hihingi ng pahintulot na mag-host ng isang grupo. Ang elder o ministeryal na lingkod na mangunguna sa grupo ay tatawaging “tagapangasiwa ng grupo” o “lingkod ng grupo.”
44 Kapag naitatag na ang grupo, sasabihin ng lupon ng matatanda sa kanila kung puwede na silang magdaos ng ilang bahagi ng pulong at kung gaano sila kadalas magpupulong kada buwan. Puwede ring magsaayos ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan para sa kanila. Ang lahat ng nasa grupo ay nasa pangangasiwa ng lupon ng matatanda na nagho-host ng grupo. Magbibigay ang mga elder ng makatuwirang mga tagubilin at mangunguna sila sa pag-aasikaso sa pangangailangan ng grupo. Kapag sinamahan ng tagapangasiwa ng sirkito ang grupo sa linggo ng kaniyang dalaw sa nagho-host na kongregasyon, magbibigay siya sa tanggapang pansangay ng maikling report tungkol sa pagsulong at sa anumang espesipikong pangangailangan ng grupo. Pagdating ng panahon, baka puwede nang maging kongregasyon ang grupo. Kung susundin ng lahat ang mga tagubilin ng organisasyon, malulugod si Jehova.—1 Cor. 1:10; 3:5, 6.
PAGPAPATOTOO BILANG GRUPO
45 Pananagutan ng bawat nakaalay na Kristiyano na ibahagi sa iba ang mabuting balita. Maraming paraan para magawa ito, pero gusto ng karamihan sa atin na maglingkod sa larangan kasama ang iba. (Luc. 10:1) Kaya naman sa mga dulo ng sanlinggo, pati na sa ibang mga araw, nagtitipon ang mga kongregasyon para sa paglilingkod sa larangan. Magandang pagkakataon na makapagpatotoo bilang grupo kapag holiday dahil maraming kapatid ang walang pasok sa trabaho. Isinasaayos ng Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon ang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan sa kumbinyenteng oras at lugar, sa araw at sa gabi.
46 Sa pagpapatotoo bilang grupo, ang mga mamamahayag ay nakagagawa nang magkakasama at ‘nakapagpapatibayan.’ (Roma 1:12) Puwedeng sumama ang mga baguhan sa mga makaranasan para matuto sila. Sa ilang lugar, mas ligtas kung dalawa o higit pang mamamahayag ang magkasama sa paglilingkod. Kahit plano mong maglingkod mag-isa sa teritoryo, mapapatibay ka at ang iba kung pupunta ka pa rin sa pagtitipon ng grupo. Lalakas ang loob mo dahil alam mong nakikibahagi rin ang iba sa ministeryo. Hindi dapat madama ng mga payunir at ng iba pa na obligado silang daluhan ang bawat pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan na isinaayos ng kongregasyon, lalo na kung araw-araw itong idinaraos. Pero baka posible sa kanila na suportahan ang ilang pagtitipon para sa paglilingkod bawat linggo.
47 Tularan nawa nating lahat ang parisang iniwan ni Jesus at ng kaniyang mga apostol! Tiyak na pagpapalain ni Jehova ang pagsisikap natin na lubusang makibahagi sa napakahalagang gawain—ang pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian.—Luc. 9:57-62.