Kung Papaano Makasusumpong ng Kagalakan sa Paggawa ng Alagad
ISA sa matinding kagalakan na maaaring maranasan ng isang tao ay yaong pagiging kamanggagawa ng Diyos. Sa ngayon, kasali sa gawain ng Diyos ang pagtitipon sa mga taong nakahilig sa katuwiran tungo sa Kristiyanong kongregasyon at pagsasanay sa kanila para sa buhay bilang mga Kristiyano ngayon at gayundin ukol sa kaligtasan tungo sa bagong sanlibutan.—Mikas 4:1-4; Mateo 28:19, 20; 2 Pedro 3:13.
Isang pinagmumulan ng malaking kagalakan para sa mga Saksi ni Jehova sa Latin Amerika ang makita na isang milyon katao ang nagiging mga alagad ni Jesu-Kristo sapol noong 1980. Sa mabungang larangang ito, kung saan marami ang gumagalang at naniniwala sa Bibliya, natulungan ng ilang pambuong-panahong ministro ang dose-dosenang tao na mag-alay ng kanilang sarili kay Jehova. Sa dami ng karanasan, marahil ay may masasabi sila sa atin tungkol sa kagalakan sa paggawa ng alagad. Maaaring makatulong ang ilan sa kanilang mga mungkahi upang makasumpong kayo ng kagalakan sa paggawa ng alagad sa lugar na inyong tinitirahan.
Kinikilala ang Potensiyal na “Tupa”
“Sa anumang lunsod o nayon kayo pumasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat,” sabi ni Jesus nang suguin ang kaniyang mga apostol upang mangaral. (Mateo 10:11) Kapag dumadalaw kayo sa mga tao, papaano ninyo makikilala yaong maaaring matulungan sa espirituwal na paraan? Ganito ang sabi ni Edward, isang pambuong-panahong ministro sa loob ng mahigit na 50 taon: “Ipinamamalas nila iyon sa kanilang taimtim na pagtatanong at sa kanilang kasiyahan kapag naibigay ang mga sagot mula sa Kasulatan.” Idinagdag pa ni Carol: “Kapag ang isang tao ay nagtapat sa akin ng personal na problema o álalahanín, iyon ay talagang isang paghiling ng tulong. Sinisikap kong makakita ng nakatutulong na impormasyon sa mga publikasyon ng Samahang Watch Tower. Ang gayong personal na interes ay kalimitang humahantong sa pag-aaral ng Bibliya.” Gayunman, hindi laging madaling makilala ang mga taong taimtim. Ganito ang inilahad ni Luis: “Ang ilan na waring lubhang interesado ay lumalabas na hindi naman pala interesado, ngunit ang iba na waring salansang sa simula ay nagbabago kapag narinig nila kung ano talaga ang sinasabi ng Bibliya.” Yamang maraming taga-Latin Amerika ang gumagalang sa Bibliya, sinabi pa niya, “Nakikilala ko yaong maaaring matulungan sa espirituwal kapag agad nilang tinanggap ang itinuturo ng Bibliya pagkatapos na maipakita ko iyon sa kanila.” Ang pagtulong sa gayong mga “karapat-dapat” tungo sa pagsulong sa espirituwal ay nagdudulot ng tunay na kagalakan at kasiyahan. Papaano ninyo magagawa ito?
Pagpapasimula ng Pag-aaral sa Bibliya
Ang paggamit ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na inilaan ng “tapat at maingat na alipin” ang karaniwan nang pinakamahusay na paraan upang matulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan sa Bibliya. (Mateo 24:45) Papaano ninyo mapasisigla ang pagpapahalaga sa gayong mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya? Ganito ang sabi ni Edward: “Yamang lubhang nagkakaiba-iba ang kalagayan, personalidad, at pananaw ng mga tao, sinisikap ko na maging madaling makibagay sa pagpapasimula ng mga pag-aaral.” Hindi ninyo maaaring gamitin sa lahat ang iisang pamamaraan.
Sa ilan, maaaring kailanganin ang maraming impormal na pagtalakay ng Kasulatan bago iharap ang isang aklat-aralin sa Bibliya. Gayunpaman, ganito ang ulat ng isang mag-asawang misyonero: “Karaniwan nang nag-aalok kami ng pag-aaral sa unang pagdalaw.” Gayundin naman, isang Saksi na nakatulong sa 55 katao hanggang sa punto ng pag-aalay ang nagsabi ng ganito: “Ang aking pangunahing paraan sa pagpapasimula ng pag-aaral sa Bibliya ay ang tuwirang pagsasaalang-alang sa aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa.” Bagaman ayaw ng ilan ang idea ng pag-aaral ng anuman, gustung-gusto naman ng iba na pag-aralan ang anumang inaakala nilang makatutulong sa kanila sa buhay. Madalas ay mukhang kaakit-akit sa mga ito ang alok na libreng mga klase ng Bibliya sa tahanan. Ipinaliliwanag ng ilang misyonero ang alok na ito at pagkatapos ay sasabihin: “Gusto kong ipakita sa iyo kung papaano namin ginagawa iyon. Kung magustuhan mo, maaari mong ipagpatuloy. Kung hindi naman, nasa sa iyo na ’yan.” Kapag inialok sa ganitong paraan, hindi nangangamba ang mga tao na tumanggap.
Isa pang Saksi, na nakatulong sa marami na may kakaunting kabuhayan at mababang pinag-aralan, ang nagsabi: “Nasumpungan kong lalo nang nakatutulong ang mga tract sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.” Alinmang publikasyon ang gamitin nila, ang Bibliya ang siyang pangunahing binibigyang-diin ng pambuong-panahong mga guro. Ganito ang sabi ni Carola: “Sa unang pag-aaral, gumagamit lamang ako ng mga larawan at limang kasulatan, upang lumitaw ang mga pangunahing punto at ang Bibliya ay hindi magtinging mahirap pag-aralan.”
Pinananatiling Buháy ang Interes
Nasisiyahan ang mga tao sa nadaramang pagsulong, kaya ganito ang inirerekomenda ni Jennifer: “Gawing masigla ang pag-aaral. Maging pasulong.” Ang regular na pagdaraos ng pag-aaral nang walang sanlinggong nalalaktawan ay tumutulong din sa kanila na madamang sila’y sumusulong. Ipinaliwanag ng isang special pioneer na lumaki sa kabukiran ang kahalagahan ng simpleng pagpapaliwanag at pagtutuon ng pansin sa mga pangunahing punto, upang kahit na yaong may mababang pinag-aralan ay maaaring sumulong. Ganito ang sabi niya: “Sa aming nayon, kailangan naming diligin ng tubig ang lupa pagkatapos maghasik ng binhi. Kapag sobra ang tubig na inilagay namin, titigas ang ibabaw ng lupa anupat hindi makatagos ang punla, at namamatay ang mga ito. Gayundin naman, kapag sobra ang mga punto na itinatawid ninyo sa bagong interesado, waring mahirap iyon para sa kanila at sila’y susuko na lamang.” Kahit ang mga taong mausisa ay kailangang matutong magtuon ng pansin sa isa lamang paksa sa isang pagkakataon kung nais na sila’y sumulong sa kaunawaan. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Marami pa akong mga bagay na sasabihin sa inyo, subalit hindi ninyo makakayang batahin ang mga iyon sa kasalukuyan.”—Juan 16:12.
Isa pang paraan upang panatilihing buháy ang interes ay ang pasiglahin yaong inyong dinadalaw na patuluyang pag-isipan ang Salita ng Diyos kahit na wala na kayo. Ganito ang inirerekomenda ni Yolanda: “Mag-iwan ng isang tanong. Bigyan sila ng araling-bahay, tulad ng pagbabasa ng isang bahagi ng Bibliya o pagsasaliksik sa isang paksa na interesado sila.”
Paglinang ng Pag-ibig kay Jehova
Ang inyong kagalakan ay lalakí kapag tinutulungan ninyo ang inyong mga estudyante na maging ‘mga tagatupad ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang.’ (Santiago 1:22) Papaano ninyo magagawa iyan? Ang tunay na mga Kristiyano ay nagaganyak ng pag-ibig kay Jehova. Ganito ang paliwanag ni Pedro, na buhat sa Mexico: “Hindi maaaring ibigin ng mga tao ang isa na hindi nila kilala, kaya sa simula pa lamang ng pag-aaral, itinuturo ko na sa kanila ang pangalan ng Diyos sa Bibliya, at humahanap ako ng mga pagkakataon upang patingkarin ang mga katangian ni Jehova.” Sa pag-uusap, mapasisigla ninyo ang pagpapahalaga kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapahayag ng inyong nadarama para sa kaniya. Ganito ang sabi ni Elizabeth: “Palagi kong sinisikap na banggitin ang kabutihan ni Jehova. Sa aking mga pag-aaral, kapag nakakita ako ng isang magandang bulaklak, marikit na ibon, o isang mapaglarong kuting, lagi kong binabanggit na iyon ay gawa ni Jehova.” “Banggitin ang tungkol sa ipinangako ng Diyos na bagong sanlibutan bilang isang katunayan gaya ng alam ninyo tungkol doon,” ang mungkahi ni Jennifer. “Itanong kung ano ang ibig nilang gawin sa bagong sanlibutan.”
Kapag binubulay-bulay nang may pagpapahalaga ng isang tao ang kaniyang natututuhan tungkol kay Jehova, tumitimo iyon sa kaniyang puso at pinakikilos siya nito. Subalit hindi niya mabubulay-bulay ang hindi niya natatandaan. Ang maikling pagrerepaso ng tatlo o apat na pangunahing punto pagkatapos ng bawat pag-aaral ay isang pantulong sa memorya. Ipinasusulat ng maraming guro ng Bibliya sa mga baguhan ang mga susing kasulatan kasama ng isang nota sa likod ng kanilang Bibliya. Ipinaliwanag ng isang misyonera buhat sa Inglatera ang isa pang kapakinabangan ng pagrerepaso: “Itinatanong ko kung papaano sila nakinabang sa impormasyon. Ito ang nag-uudyok sa kanila na magbulay-bulay nang may pagpapahalaga sa mga daan at batas ni Jehova.”
Ganito naman ang sabi ng isang tapat na Saksi na nagtapos sa ikatlong klase ng Gilead: “Kailangang maging masigla tayo. Dapat na matanto ng ating mga estudyante na pinaniniwalaan natin ang ating itinuturo.” Makahahawa ang pananampalatayang nagpakilos sa inyo na maging isang maligayang “tagatupad ng gawain” kung ipahahayag ninyo iyon.—Santiago 1:25.
“Nasumpungan kong mas napapalapit ang mga tao sa Diyos kung tinutulungan ko silang makilala ang mga sagot sa kanilang mga panalangin,” sabi ng isang Saksi na nakatulong sa marami na sumamba kay Jehova. “Binibigyan ko sila ng mga halimbawa buhat sa aking sariling karanasan, tulad nito: Nang dumating kami ng aking kapareha sa isang bagong atas bilang mga payunir, mayroon lamang kaming kaunting gulay, isang pakete ng margarina, at wala kaming pera. Naubos namin ang pagkain sa hapunan at nasabi namin, ‘Ngayon ay wala na tayong pagkain para bukas.’ Nanalangin kami tungkol dito, at saka natulog. Maaga kinabukasan, isang kapatid na tagaroon ang dumalaw at nagpakilala, na nagsasabi, ‘Nanalangin ako na sana’y magpadala si Jehova ng mga payunir. Ngayon ay masasamahan ko kayo sa maghapon, ngunit yamang sa bukid ako nakatira, kailangang mananghalian ako kasama ninyo, kaya may dala akong pagkain para sa ating lahat.’ Iyon ay maraming karne at gulay. Palagi kong sinasabi sa aking mga estudyante na hindi tayo pababayaan ni Jehova kung uunahin natin ang kaniyang Kaharian.”—Mateo 6:33.
Mag-alok ng Praktikal na Tulong
Higit pa ang nasasangkot sa paggawa ng mga alagad ni Kristo kaysa sa pagdaraos lamang ng pag-aaral sa Bibliya. Ganito ang sabi ng isang misyonero na naglingkod nang maraming taon bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa: “Bigyan ninyo sila ng panahon. Huwag magmadaling umalis pagkatapos ng pag-aaral. Kung angkop, manatili at makipag-usap nang ilang sandali.” Ganito ang sabi ni Elizabeth: “Nagpapakita ako ng interes sa kanila dahil buhay ang nasasangkot. Maraming pagkakataon na nag-aalaala ako sa kanila na para bang sila’y aking mga anak.” Ganito naman ang mungkahi ng ibang Saksi: “Dalawin sila kapag sila’y may sakit.” “Kung malapit ka sa kanilang tahanan, halimbawa sa ministeryo sa larangan, sandaling dalawin sila at ipakilala sa kanila ang iba pang Saksi.” Sinabi ni Eva: “Makinig na mabuti upang maunawaan ang pinagmulan at katayuan sa buhay ng isang tao. Ito’y nakaaapekto sa paraan ng pagtugon ng mga tao sa katotohanan at maaaring makahadlang sa kanilang pagsulong. Maging kaibigan sa kanila upang magkaroon sila ng tiwala na sabihin ang kanilang mga problema.” Idinagdag pa ni Carol: “Ang taimtim na interes sa tao ay mahalaga yamang ang mga pagbabago na idudulot ng katotohanan sa kaniyang buhay ay kung minsan mangangahulugan ng pagkawala ng pamilya at mga kaibigan. Kadalasan, mabuting malaman ng estudyante kung saan tayo nakatira at may tiwala siya na pumunta sa atin anumang oras.” Tulungan siyang malasin ang kongregasyon bilang kaniyang bagong pamilya.—Mateo 10:35; Marcos 10:29, 30.
“Maging listo na mag-alok ng praktikal na tulong. Maupong kasama nila sa mga pulong, at tulungan sila sa kanilang mga anak,” sabi ni Yolanda. Ang pagpapakita sa kanila kung papaano sasanayin ang kanilang mga anak, pasusulungin ang kanilang pamantayan ng kalinisan, maghahanda ng mga komento sa pulong, at magbibigay ng mga pahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay pawang bahagi ng paggawa ng alagad. Sinabi pa ng isang sister: “Mahalaga na sanayin ang mga baguhan para sa ministeryo. Kapag ang bahaging ito ng pagsasanay ay kinaligtaan, ang ilan ay nananatiling takót sa gawaing pangangaral, nawawalan ng kanilang kagalakan sa paglilingkod kay Jehova, at nabibigong magbata.” Kaya maglaan ng maingat na pagsasanay sa gawaing pagbabahay-bahay, sa pagdalaw-muli, at sa pagbubukas ng pag-aaral sa Bibliya. Lalo kayong magagalak kapag nakita ninyong sumulong ang inyong estudyante sa inyong tulong at patnubay.
Palakasin Sila na Magbata
“May tendensiya na kaligtaan ang pag-aaral minsang mabautismuhan na ang estudyante,” ang babala ng isang makaranasang manggagawa ng alagad. Dapat tandaan kapuwa ng guro at ng estudyante na ang isang bagong bautisadong Kristiyano ay malayo pa sa pagiging may-gulang sa espirituwal. Marami pa siyang gagawin upang sumulong sa kaniyang pananampalataya, sa pagpapahalaga sa batas ng Diyos, at sa kaniyang pag-ibig kay Jehova. Mahalaga na pasiglahin siyang magkaroon ng mabuting kaugalian sa personal na pag-aaral upang siya’y patuloy na sumulong.—1 Timoteo 4:15.
Baka kailangan ng baguhan ang tulong upang sumulong at maging isang mapagpatuloy na miyembro ng samahan ng magkakapatid. Maaaring kailanganin niya ang patnubay sa pakikitungo sa di-kasakdalan ng mga kapatid habang napapalapit siya sa kanila. (Mateo 18:15-35) Baka kailanganin niya ang tulong upang maging isang bihasang guro, na nakagagawa ng sariling pagsasaliksik. Ganito ang inilahad ng isang misyonera: “Isang estudyante ang nais na mapasulong ang kaniyang kakayahan bilang isang guro matapos ang kaniyang bautismo, kaya sinabi niya sa akin, ‘Magdaraos ako ng isang bagong pag-aaral sa susunod na linggo, pero kailangan kong sariwain sa aking memorya ang ilang naunang kabanata na aking napag-aralan. Puwede bang pag-aralan nating muli ang mga kabanatang ito, isa-isa, upang maitala ko ang mga paliwanag sa mga kasulatan at mga ilustrasyon, at pagkatapos ay magagamit ko ang mga ito kapag nagdaos ako ng pag-aaral?’ Siya’y naging isang mahusay na guro, anupat apat sa kaniyang mga estudyante ang nabautismuhan sa isang asamblea.”
Kung Bakit Sulit ang Pagsisikap na Gumawa ng Alagad
“Ang paggawa ng mga alagad ay nangangahulugan ng higit pang tagapuri kay Jehova. Nangangahulugan ito ng buhay para sa mga tumatanggap ng katotohanan,” sabi ni Pamela. “Gustung-gusto kong ituro ang katotohanan sa iba—pagkaganda-ganda nito! Nakikita ng isa ang mga estudyante na unti-unting sumusulong, gumagawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay at dinaraig ang mga hadlang na waring di-mapagtatagumpayan kung hindi dahil sa espiritu ni Jehova. Marami sa mga natutong umibig kay Jehova ang naging matatalik kong kaibigan.”
“Kapag naiisip ko yaong mga natulungan ko na maging alagad,” ang paglalahad ng isang misyonera buhat sa Alemanya, “nakikita ko ang ilang napakaumid na tao na gayon na lamang ang naging pagsulong bilang mga ministro ng Diyos anupat hindi ako makapaniwala. Nakikita ko ang mga taong napagtagumpayan ang malalaking hadlang, maliwanag na dahil sa tulong ni Jehova. Nakikita ko ang mga pamilya na dati’y wasak ngunit ngayon ay nagkakaisa—maliligayang anak kasama ang responsableng mga magulang. Nakikita ko ang mga taong nagtatamasa ng makabuluhang buhay, na pumupuri kay Jehova. Ito ang kagalakan sa paggawa ng mga alagad.”
Oo, ang pagiging kamanggagawa ng Diyos na Jehova sa paggawa ng alagad ay isang pinagmumulan ng di-matutumbasang kagalakan. Napatunayan iyon ng mga karanasan ng mga misyonero at mga payunir. Makasusumpong kayo ng gayunding kagalakan at kasiyahan kung ikakapit ninyo ang mga mungkahi at gagawin iyon nang buong-kaluluwa. Taglay ang pagpapala ni Jehova, magiging lubos ang inyong kagalakan.—Kawikaan 10:22; 1 Corinto 15:58.