KALULUWA
Ayon sa pagkakagamit sa Kasulatan, ipinakikita ng mga termino sa orihinal na mga wika (sa Heb., neʹphesh [נֶפֶשׁ]; sa Gr., psy·kheʹ [ψυχή]) na ang “kaluluwa” ay isang tao, isang hayop, o ang buhay na tinatamasa ng isang tao o ng isang hayop.
Ang pagkaunawa ng karamihan ng mga tao sa salitang Ingles na “soul” at sa katumbas nito sa Tagalog na “kaluluwa” ay hindi kasuwato ng kahulugan ng mga salitang Hebreo at Griego ayon sa pagkakagamit sa mga ito ng kinasihang mga manunulat ng Bibliya. Parami nang parami ang kumikilala rito. Noong 1897, bilang resulta ng masusing pagsusuri sa paggamit sa salitang neʹphesh, ganito ang sinabi ni Propesor C. A. Briggs sa Journal of Biblical Literature (Tomo XVI, p. 30): “Sa kasalukuyan, ang paggamit sa salitang soul sa Ingles ay kadalasang nagtatawid ng ibang-ibang kahulugan kaysa sa נפש [neʹphesh] sa Hebreo, at madaling magkamali ng pakahulugan ang di-maingat na mambabasa.”
Nang ilabas ng The Jewish Publication Society of America ang isang bagong salin ng Torah, o unang limang aklat ng Bibliya, sinabi ng punong-patnugot, si H. M. Orlinsky ng Hebrew Union College, na halos inalis na sa saling ito ang salitang “kaluluwa” sapagkat, “ang salitang Hebreo na tinutukoy rito ay ang ‘Nefesh.’” Idinagdag pa niya: “Binigyang-kahulugan ito ng ibang mga tagapagsalin bilang ‘kaluluwa,’ na maling-mali. Hindi sinasabi ng Bibliya na mayroon tayong kaluluwa. Ang ‘nefesh’ ay ang tao mismo, ang pangangailangan niya sa pagkain, ang mismong dugo sa kaniyang mga ugat, ang kaniyang pagkatao.”—The New York Times, Oktubre 12, 1962.
Saan nagmula ang turo na ang kaluluwa ng tao ay di-nakikita at imortal?
Ang mga katuturan na karaniwang iniuugnay sa salitang Ingles na “soul” at sa katumbas nito sa Tagalog na “kaluluwa” ay nagmula, hindi sa Hebreo o Kristiyanong Griegong Kasulatan, kundi sa sinaunang pilosopiyang Griego, na sa totoo ay paganong relihiyosong paniniwala. Halimbawa, sinipi ng Griegong pilosopo na si Plato ang sinabi ni Socrates: “Ang kaluluwa, . . . kung yumayaon ito nang dalisay, anupat walang anumang tinatangay mula sa katawan, . . . ay pumaparoon sa katulad nito, patungo sa di-nakikita, tulad-diyos, imortal, at pantas, at pagdating nito roon ito’y maligaya, pinalaya sa kamalian at kahibangan at takot . . . at sa lahat ng iba pang mga problema ng sangkatauhan, at . . . namumuhay sa katotohanan magpakailanman kapiling ng mga diyos.”—Phaedo, 80, D, E; 81, A.
Kabaligtaran naman ng turong Griego na ang psy·kheʹ (kaluluwa) ay di-materyal, di-nahahawakan, di-nakikita, at imortal, ipinakikita ng Kasulatan na kapuwa ang psy·kheʹ at ang neʹphesh, kapag ginamit may kaugnayan sa mga makalupang nilalang, ay tumutukoy sa bagay na materyal, nahahawakan, nakikita, at mortal.
Ganito ang sabi ng New Catholic Encyclopedia: “Ang nepes [neʹphesh] ay isang terminong may mas malawak na saklaw kaysa sa ating ‘kaluluwa,’ anupat tumutukoy sa buhay (Ex 21.23; Dt 19.21) at sa iba’t ibang mahahalagang palatandaan nito: paghinga (Gn 35.18; Jb 41.13[21]), dugo [Gn 9.4; Dt 12.23; Aw 140(141).8], pagnanasa (2 Sm 3.21; Kw 23.2). Ang kaluluwa sa M[atandang] T[ipan] ay hindi tumutukoy sa isang bahagi ng tao, kundi sa buong tao—ang tao bilang isang nabubuhay na nilalang. Sa katulad na paraan, sa B[agong] T[ipan], tumutukoy ito sa buhay bilang tao: ang buhay ng isang may-malay na indibiduwal (Mt 2.20; 6.25; Lu 12.22-23; 14.26; Jn 10.11, 15, 17; 13.37).”—1967, Tomo XIII, p. 467.
Ang “Glossary of Biblical Theology Terms” (p. 27, 28) ng Romano Katolikong salin na The New American Bible ay nagsasabi: “Sa Bagong Tipan, ang ‘pagliligtas ng isa sa kaniyang kaluluwa’ (Mr 8:35) ay hindi nangangahulugang pagliligtas ng isang ‘espirituwal’ na bahagi ng tao, na naiiba pa sa kaniyang ‘katawan’ (sa diwang Platoniko), kundi ng buong pagkatao anupat idiniriin ang bagay na ang taong iyon ay nabubuhay, nagnanasa, nagmamahal at nagkukusa, atbp., bukod pa sa siya’y nahahawakan at pisikal.”—Edisyong inilathala ng P. J. Kenedy & Sons, New York, 1970.
Maliwanag na ang neʹphesh ay nagmula sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “huminga” at sa literal na diwa ang neʹphesh ay maaaring isalin bilang “isa na humihinga.” Ganito ang katuturang ibinigay rito ng Lexicon in Veteris Testamenti Libros nina Koehler at Baumgartner (Leiden, 1958, p. 627): “ang sangkap na humihinga, na nagpapangyaring ang tao [at] hayop ay maging nabubuhay na mga nilalang Gn 1, 20, ang kaluluwa (ibang-iba sa kaisipang griego hinggil sa kaluluwa) na ang sentro ay ang dugo Gn 9, 4f Lv 17, 11 Dt 12, 23: (249 X) . . . kaluluwa = nabubuhay na nilalang, indibiduwal, tao.”
Kung tungkol naman sa salitang Griego na psy·kheʹ, ibinibigay ng mga leksikong Griego-Ingles ang mga katuturang gaya ng “buhay,” at “ang may-malay na sarili o personalidad na sentro ng mga emosyon, mga pagnanasa, at mga pagmamahal,” “isang nabubuhay na nilalang,” at ipinakikita ng mga ito na kahit sa di-Biblikal na mga akdang Griego ay ginamit ang terminong ito upang tumukoy “sa mga hayop.” Sabihin pa, yamang ang pangunahing tinatalakay ng mga reperensiyang iyon ay mga akdang klasikal na Griego, inilalakip ng mga iyon ang lahat ng katuturang ibinigay ng paganong mga Griegong pilosopo para sa salitang ito, kabilang na ang “yumaong espiritu,” “ang di-materyal at imortal na kaluluwa,” “ang espiritu ng uniberso,” at “ang di-materyal na simulain ng pagkilos at buhay.” May mga paganong pilosopo na nagturo na ang kaluluwa ay lumalabas sa katawan sa panahon ng kamatayan; maliwanag na dahil dito kung kaya ang terminong psy·kheʹ ay ikinapit din sa “paruparo o tangà,” mga nilalang na sumasailalim sa metamorposis at nagbabago mula sa pagiging isang higad tungo sa pagiging isang nilalang na may-pakpak.—Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott, nirebisa ni H. Jones, 1968, p. 2026, 2027; New Greek and English Lexicon ni Donnegan, 1836, p. 1404.
Ikinapit ng sinaunang mga manunulat na Griego ang psy·kheʹ sa iba’t ibang paraan, at nakaapekto sa paggamit nila sa terminong ito ang kanilang personal at relihiyosong mga pilosopiya. Ipinapalagay na ang karaniwang mga ideya tungkol sa salitang Ingles na “soul” ay nagmula sa pilosopiya ni Plato. Hinggil sa kaniya, ganito ang sinasabi: “Bagaman kung minsa’y tinutukoy niya ang isa sa [diumano’y] tatlong bahagi ng kaluluwa, ang ‘talino,’ bilang imortal, samantalang ang dalawang iba pang bahagi ay mortal, parang sinasabi rin niya na may dalawang kaluluwa sa isang katawan, na ang isa’y imortal at tulad-diyos, ang isa naman ay mortal.”—The Evangelical Quarterly, London, 1931, Tomo III, p. 121, “Thoughts on the Tripartite Theory of Human Nature,” ni A. McCaig.
Dahil sa gayong di-pagkakasuwato sa di-Biblikal na mga akda, mahalagang suriin mismo ang Kasulatan upang maipakita nito kung ano ang tinutukoy ng kinasihang mga manunulat nang gamitin nila ang terminong psy·kheʹ, at gayundin ang neʹphesh. Ang neʹphesh ay lumilitaw nang 754 na ulit sa tekstong Masoretiko ng Hebreong Kasulatan, samantalang ang psy·kheʹ ay 102 ulit na lumilitaw sa teksto ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na inilathala nina Westcott at Hort, na may kabuuang 856 na paglitaw. (Tingnan ang apendise ng Rbi8, p. 1573.) Dahil sa dami ng paglitaw na ito, magkakaroon tayo ng malinaw na ideya kung paano inunawa ng kinasihang mga manunulat ng Bibliya ang mga terminong ito, at kung paano naman natin dapat unawain ang kanilang mga isinulat. Kung susuriin, makikita na bagaman malawak ang diwa ng mga terminong ito at may bahagyang pagkakaiba-iba ng kahulugan, sa gitna ng mga manunulat ng Bibliya ay hindi nagkaroon ng di-pagkakasuwato, kalituhan, o pagtatalu-talo hinggil sa kalikasan ng tao, di-tulad sa gitna ng mga pilosopong Griego noong tinatawag na Yugtong Klasikal.
Ang Unang mga Kaluluwa sa Lupa. Matatagpuan sa Genesis 1:20-23 ang unang mga paglitaw ng neʹphesh. Noong ikalimang “araw” ng paglalang, sinabi ng Diyos: “‘Bukalan ang tubig ng kulupon ng mga kaluluwang buháy [neʹphesh] at magliparan ang mga lumilipad na nilalang sa itaas ng lupa . . .’ At pinasimulang lalangin ng Diyos ang malalaking dambuhalang hayop-dagat at bawat kaluluwang buháy [neʹphesh] na gumagalaw, na ibinukal ng tubig ayon sa kani-kanilang uri, at bawat may-pakpak na lumilipad na nilalang ayon sa uri nito.” Sa katulad na paraan, noong ikaanim na “araw” ng paglalang, ang neʹphesh ay ikinapit sa “maamong hayop at gumagalang hayop at mailap na hayop sa lupa” bilang “mga kaluluwang buháy.”—Gen 1:24.
Pagkatapos malalang ang tao, ang terminong neʹphesh ay muling ginamit sa tagubiling ibinigay ng Diyos sa kaniya may kinalaman sa mga nilalang na hayop, “bawat bagay na gumagala sa ibabaw ng lupa na doon ay may buhay bilang isang kaluluwa [sa literal, na doon ay may kaluluwang buháy (neʹphesh)].” (Gen 1:30) Ang iba pang mga halimbawa ng mga hayop na tinukoy bilang mga kaluluwa ay matatagpuan sa Genesis 2:19; 9:10-16; Levitico 11:10, 46; 24:18; Bilang 31:28; Ezekiel 47:9. Kapansin-pansin na ikinakapit din ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang Griegong psy·kheʹ sa mga hayop, gaya sa Apocalipsis 8:9; 16:3, kung saan ginamit ito para sa mga nilalang na nasa dagat.
Sa gayon, maliwanag na ipinakikita ng Kasulatan na ang neʹphesh at psy·kheʹ ay ginagamit upang tumukoy sa mga nilalang na hayop na nakabababa sa tao. Kapit din sa tao ang mga terminong ito.
Ang Kaluluwang Tao. Ang pariralang Hebreo na ginamit para sa mga nilalang na hayop, samakatuwid nga, neʹphesh chai·yahʹ (kaluluwang buháy), ay ikinapit kay Adan, nang, matapos anyuan ng Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, “ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Gen 2:7) Ang tao ay naiiba sa mga nilalang na hayop, ngunit hindi dahil sa siya’y isang neʹphesh (kaluluwa) at sila’y hindi. Sa halip, ipinakikita ng rekord na ito’y dahil ang tao lamang ang nilalang “ayon sa larawan ng Diyos.” (Gen 1:26, 27) Nilalang siya na may moral na mga katangiang tulad niyaong sa Diyos, anupat may kapangyarihan at karunungan na lubhang nakahihigit sa mga hayop; kaya naman maaari siyang magkaroon ng kapamahalaan sa lahat ng nakabababang anyo ng mga nilalang na buháy. (Gen 1:26, 28) Ang katawan ng tao ay mas masalimuot, at mas maraming kakayahan, kaysa sa katawan ng mga hayop. (Ihambing ang 1Co 15:39.) Karagdagan pa, tinaglay ni Adan ang pag-asa ng walang-hanggang buhay, ngunit naiwala niya ito. Kailanman ay hindi sinabi ang ganiyan tungkol sa mga nilalang na nakabababa sa tao.—Gen 2:15-17; 3:22-24.
Totoo na sinasabi ng ulat na ‘inihihip ng Diyos sa mga butas ng ilong ng tao ang hininga [isang anyo ng nesha·mahʹ] ng buhay,’ ngunit walang sinabing ganito sa ulat ng paglalang sa mga hayop. Gayunman, maliwanag na mas detalyado ang ulat ng paglalang sa tao kaysa sa ulat ng paglalang sa mga hayop. Karagdagan pa, nang ilarawan ang pagpuksa ng Baha sa “lahat ng laman” na nasa labas ng arka, itinala ng Genesis 7:21-23 ang mga nilalang na hayop kasama ng mga tao at sinabi nito: “Ang lahat ng may hininga [isang anyo ng nesha·mahʹ] ng puwersa ng buhay sa mga butas ng kaniyang ilong, samakatuwid ay lahat ng nasa tuyong lupa, ay namatay.” Maliwanag na ang hininga ng buhay ng mga nilalang na hayop ay nagmula rin sa Maylalang, ang Diyos na Jehova.
Gayundin naman, ang “espiritu” (sa Heb., ruʹach; sa Gr., pneuʹma), o puwersa ng buhay, ng tao ay hindi naiiba sa puwersa ng buhay na nasa mga hayop, gaya ng ipinakikita ng Eclesiastes 3:19-21, na nagsasabing “silang lahat ay may iisang espiritu [weruʹach].”
Ang Kaluluwa—Isang Nilalang na Buháy. Gaya ng nabanggit na, ang tao ay “naging isang kaluluwang buháy.” Samakatuwid, ang tao ay isang kaluluwa, hindi siya nagtataglay ng isang kaluluwang di-materyal, di-nakikita, at di-nahahawakan na tumatahan sa loob niya. Ipinakikita ng apostol na si Pablo na walang ipinagkaiba ang turong Kristiyano sa naunang turong Hebreo, sapagkat sinipi niya ang Genesis 2:7 sa pagsasabing: “Ganito nga ang nasusulat: ‘Ang unang taong si Adan ay naging kaluluwang buháy [psy·khenʹ zoʹsan].’ . . . Ang unang tao ay mula sa lupa at gawa sa alabok.”—1Co 15:45-47.
Ipinakikita ng ulat ng Genesis na ang isang kaluluwang buháy ay resulta ng kombinasyon ng makalupang katawan at ng hininga ng buhay. Ipinahihiwatig ng pananalitang “hininga ng puwersa ng buhay [sa literal, hininga ng espiritu, o aktibong puwersa (ruʹach), ng buhay]” (Gen 7:22) na ang puwersa ng buhay, o “espiritu,” ay sinusustinihan sa pamamagitan ng paglanghap ng hangin (na may oksiheno). Ang puwersang ito ng buhay ay matatagpuan sa bawat selula ng katawan ng isang nilalang, gaya ng tinatalakay sa ilalim ng artikulong BUHAY; ESPIRITU.
Yamang ang terminong neʹphesh ay tumutukoy sa mismong nilalang, di-kataka-takang iugnay rito ang ilang normal at pisikal na mga gawain o mga katangian ng mga nilalang na laman. At ganitung-ganito nga ang kaso. Ang neʹphesh (kaluluwa) ay sinasabing kumakain ng karne, taba, dugo, o katulad na materyal na mga bagay (Lev 7:18, 20, 25, 27; 17:10, 12, 15; Deu 23:24); nagugutom o nagnanasa ng pagkain at inumin (Deu 12:15, 20, 21; Aw 107:9; Kaw 19:15; 27:7; Isa 29:8; 32:6; Mik 7:1); pinatataba (Kaw 11:25); nag-aayuno (Aw 35:13); humihipo ng maruruming bagay, gaya ng bangkay (Lev 5:2; 7:21; 17:15; 22:6; Bil 19:13); ‘inaagaw bilang panagot’ o ‘dinudukot’ (Deu 24:6, 7); gumagawa ng gawain (Lev 23:30); narerepreskuhan sa malamig na tubig kapag pagod (Kaw 25:25); binibili (Lev 22:11; Eze 27:13); ibinibigay bilang isang panatang handog (Lev 27:2); iginagapos sa mga bakal (Aw 105:18); napupuyat (Aw 119:28); at naghahabol ng hininga (Jer 15:9).
Mapapansin na sa maraming teksto, may binabanggit na “aking kaluluwa,” “kaniyang kaluluwa,” “iyong kaluluwa,” at iba pa. Ito’y sapagkat ang neʹphesh at psy·kheʹ ay maaaring tumukoy sa sarili ng isa bilang isang kaluluwa. Samakatuwid, ang diwa ng terminong ito ay kadalasang maipapahayag sa Tagalog sa pamamagitan ng paggamit ng mga panghalip panao. Kaya naman ipinakikita ng Lexicon in Veteris Testamenti Libros (p. 627) na ang “aking neʹphesh” ay nangangahulugang “ako” (Gen 27:4, 25; Isa 1:14); ang “iyong neʹphesh” ay nangangahulugang “ikaw” (Gen 27:19, 31; Isa 43:4; 51:23); ang “kaniyang neʹphesh” ay nangangahulugang “siya, kaniyang sarili” (Bil 30:2, 5-12; Isa 53:10), at iba pa.
Ginagamit din sa ganitong paraan ang terminong Griego na psy·kheʹ. Sinasabi ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words (1981, Tomo 4, p. 54) na maaari itong gamitin bilang “katumbas ng panghalip panao, anupat ginagamit para sa pagdiriin at epekto:—unang panauhan, Juan 10:24 (‘kami’); Heb. 10:38; ihambing ang Gen. 12:13; Bil. 23:10; Huk. 16:30; Aw. 120:2 (‘ako’); ikalawang panauhan, 2 Cor. 12:15; Heb. 13:17,” at iba pa.
Kumakatawan sa buhay bilang isang nilalang. Ginagamit din kapuwa ang neʹphesh at ang psy·kheʹ upang tumukoy sa buhay—hindi bilang isang abstraktong puwersa o simulain—kundi sa buhay bilang isang nilalang, tao o hayop.
Sa gayon, habang nagsisilang si Raquel kay Benjamin, ang kaniyang neʹphesh (“kaluluwa,” o buhay bilang isang nilalang) ay naglaho mula sa kaniya at siya’y namatay. (Gen 35:16-19) Hindi na siya isang nilalang na buháy. Sa katulad na paraan, nang isagawa ng propetang si Elias ang isang himala may kinalaman sa patay na anak ng babaing balo ng Zarepat, ang neʹphesh (“kaluluwa,” o buhay bilang isang nilalang) ng bata ay bumalik sa kaniya at “siya ay nabuhay,” anupat siya’y muling naging nilalang na buháy.—1Ha 17:17-23.
Yamang ang buhay ng isang nilalang ay may malapit na malapit na kaugnayan sa dugo at nakasalalay rito (anupat ang itinigis na dugo ay kumakatawan sa buhay ng isang tao o isang nilalang [Gen 4:10; 2Ha 9:26; Aw 9:12; Isa 26:21]), sinasabi ng Kasulatan na ang neʹphesh (kaluluwa) ay “nasa dugo.” (Gen 9:4; Lev 17:11, 14; Deu 12:23) Maliwanag na hindi literal ang kahulugan nito, yamang may binabanggit din ang Kasulatan na “dugo ng inyong mga kaluluwa” (Gen 9:5; ihambing ang Jer 2:34), at ang maraming pagbanggit na natalakay na ay hindi makatuwirang maikakapit sa dugo lamang o sa mga katangian nitong tumustos ng buhay.
Nang lalangin ang mga halaman noong ikatlong “araw” ng paglalang (Gen 1:11-13) at maging pagkatapos niyaon, ang mga ito’y hindi inilarawan bilang neʹphesh (kaluluwa), yamang wala namang dugo ang mga pananim.
Ang mga halimbawa ng paggamit sa Griegong psy·kheʹ upang tumukoy sa “buhay bilang isang nilalang” ay matatagpuan sa Mateo 6:25; 10:39; 16:25, 26; Lucas 12:20; Juan 10:11, 15; 13:37, 38; 15:13; Gawa 20:10. Yamang ang mga lingkod ng Diyos ay may pag-asa sa pagkabuhay-muli sakaling mamatay sila, may pag-asa silang muling mabuhay bilang “mga kaluluwa,” o mga nilalang na buháy. Sa dahilang iyan, masasabi ni Jesus na “sinumang mawalan ng kaniyang kaluluwa [ang kaniyang buhay bilang isang nilalang] alang-alang sa akin at sa mabuting balita ay magliligtas nito. Tunay nga, ano ang pakinabang ng isang tao na matamo ang buong sanlibutan at maiwala ang kaniyang kaluluwa? Ano nga ang ibibigay ng isang tao bilang kapalit ng kaniyang kaluluwa?” (Mar 8:35-37) Sa katulad na paraan, sinabi niya: “Siya na may paggiliw sa kaniyang kaluluwa ang pupuksa nito, ngunit siya na napopoot sa kaniyang kaluluwa sa sanlibutang ito ang mag-iingat nito para sa buhay na walang hanggan.” (Ju 12:25) Ipinakikita ng mga tekstong ito, at ng iba pa, kung ano ang tamang unawa sa mga salita ni Jesus na nasa Mateo 10:28: “Huwag kayong matakot doon sa mga pumapatay ng katawan ngunit hindi makapapatay ng kaluluwa; kundi sa halip ay matakot kayo sa kaniya na makapupuksa kapuwa sa kaluluwa at katawan sa Gehenna.” Bagaman mapapatay ng mga tao ang katawan, hindi naman nila mapapatay ang personang iyon habang panahon, yamang buháy siya sa paningin ng Diyos (ihambing ang Luc 20:37, 38) at ang Diyos ay may kakayahan at pagnanais na ibalik ang tapat na taong iyon tungo sa buhay bilang isang nilalang sa pamamagitan ng isang pagkabuhay-muli. Para sa mga lingkod ng Diyos, ang pagkawala ng kanilang “kaluluwa,” o buhay bilang isang nilalang, ay pansamantala lamang, hindi permanente.—Ihambing ang Apo 12:11.
Mortal at napupuksa. Sa kabilang dako, sinasabi ng Mateo 10:28 na ang Diyos ay “makapupuksa kapuwa sa kaluluwa [psy·khenʹ] at katawan sa Gehenna.” Ipinakikita nito na ang psy·kheʹ ay hindi tumutukoy sa isang bagay na imortal o di-napupuksa. Sa katunayan, wala ni isang kaso sa buong Kasulatan, sa Hebreo man o sa Griego, kung saan ang mga salitang neʹphesh o psy·kheʹ ay inilalarawan bilang imortal, di-napupuksa, di-nasisira, di-namamatay, o iba pang katulad nito. (Tingnan ang IMORTALIDAD; KAWALANG-KASIRAAN.) Sa kabilang dako, napakaraming teksto sa Hebreo at Griegong Kasulatan na bumabanggit sa neʹphesh o psy·kheʹ (kaluluwa) bilang mortal at maaaring mamatay (Gen 19:19, 20; Bil 23:10; Jos 2:13, 14; Huk 5:18; 16:16, 30; 1Ha 20:31, 32; Aw 22:29; Eze 18:4, 20; Mat 2:20; 26:38; Mar 3:4; Heb 10:39; San 5:20); bilang namamatay, “nililipol” o pinupuksa (Gen 17:14; Exo 12:15; Lev 7:20; 23:29; Jos 10:28-39; Aw 78:50; Eze 13:19; 22:27; Gaw 3:23; Apo 8:9; 16:3), sa pamamagitan man ng tabak (Jos 10:37; Eze 33:6) o ng pangangapos ng hininga (Job 7:15), o nanganganib mamatay dahil sa pagkalunod (Jon 2:5); at bumababa sa hukay o sa Sheol (Job 33:22; Aw 89:48) o inililigtas mula roon (Aw 16:10; 30:3; 49:15; Kaw 23:14).
Patay na kaluluwa. Lumilitaw rin nang maraming ulit ang pananalitang ‘namatay o patay na kaluluwa,’ anupat tumutukoy lamang sa “isang taong patay.”—Lev 19:28; 21:1, 11; 22:4; Bil 5:2; 6:6; Hag 2:13; ihambing ang Bil 19:11, 13.
Pagnanasa. Kung minsan, ginagamit ang salitang neʹphesh upang ipahayag ang pagnanasa ng indibiduwal, yaong pumupuspos sa kaniya at pagkatapos ay pinagkakaabalahan niyang abutin. Halimbawa, sinasabi ng Kawikaan 13:2 hinggil sa mga nakikitungo nang may kataksilan na ‘ang kanila mismong kaluluwa ay karahasan,’ samakatuwid nga, sila’y ‘buhos na buhos’ sa paggawa ng karahasan, anupat sa diwa ay nagiging personipikasyon ng karahasan. (Ihambing ang Gen 34:3, tlb sa Rbi8; Aw 27:12; 35:25; 41:2.) Ang mga bulaang pastol ng Israel ay tinatawag na “mga aso . . . na matindi ang pagnanasa ng kaluluwa,” at hindi nabubusog.—Isa 56:11, 12; ihambing ang Kaw 23:1-3; Hab 2:5.
Paglilingkod Nang Buong Kaluluwa. Gaya ng naipakita na, ang “kaluluwa” ay pangunahin nang tumutukoy sa buong pagkatao. Subalit may mga tekstong nagpapayo sa atin na hanapin, ibigin, at paglingkuran ang Diyos nang ‘ating buong puso at nang ating buong kaluluwa’ (Deu 4:29; 11:13, 18), samantalang sinasabi naman ng Deuteronomio 6:5: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong lakas.” Sinabi ni Jesus na ang isa ay kailangang maglingkod nang kaniyang buong kaluluwa at lakas at, karagdagan pa, “nang iyong buong pag-iisip.” (Mar 12:30; Luc 10:27) Kung gayon, bakit pa binanggit ang ibang mga bagay na ito kasama ng kaluluwa yamang saklaw na ng kaluluwa ang lahat ng mga ito? Upang ilarawan ang posibleng kahulugan nito: Maaaring ipagbili ng isang tao ang kaniyang sarili (ang kaniyang kaluluwa) sa pagkaalipin sa iba, anupat nagiging pag-aari ng kaniyang panginoon. Gayunma’y baka hindi niya pinaglilingkuran ang kaniyang panginoon nang buong puso, nang bukal sa loob at may pagnanais na palugdan siya, at sa gayo’y baka hindi niya gamitin ang kaniyang buong lakas o ang kaniyang buong mental na kakayahan upang itaguyod ang mga kapakanan ng kaniyang panginoon. (Ihambing ang Efe 6:5; Col 3:22.) Kaya naman, maliwanag na binanggit ang iba pang mga aspektong ito upang mapagtuunan natin ng pansin at matandaan natin sa ating paglilingkod sa Diyos, na nagmamay-ari sa atin, at sa ating paglilingkod sa kaniyang Anak, na ang buhay ay ipinantubos sa atin. Kasangkot sa ‘buong-kaluluwang’ paglilingkod sa Diyos ang buong pagkatao, anupat walang bahagi, gawain, kakayahan, o pagnanasa ng katawan ang kinaliligtaan.—Ihambing ang Mat 5:28-30; Luc 21:34-36; Efe 6:6-9; Fil 3:19; Col 3:23, 24.
Magkaiba ang Kaluluwa at ang Espiritu. Hindi dapat ipagkamali ang “espiritu” (sa Heb., ruʹach; sa Gr., pneuʹma) sa “kaluluwa” (sa Heb., neʹphesh; sa Gr., psy·kheʹ), sapagkat magkaiba ang mga ito. Kaya naman sa Hebreo 4:12, ang Salita ng Diyos ay sinasabing “tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto.” (Ihambing din ang Fil 1:27; 1Te 5:23.) Gaya ng naipakita na, ang kaluluwa (neʹphesh; psy·kheʹ) ay ang mismong nilalang. Ang espiritu (ruʹach; pneuʹma) ay karaniwang tumutukoy sa puwersa ng buhay ng nilalang na buháy o kaluluwa, bagaman maaaring may iba pang mga kahulugan ang mga terminong ito sa orihinal na mga wika.
Sa unang liham ng apostol na si Pablo sa mga taga-Corinto, makikita pa ang pagkakaiba ng Griegong psy·kheʹ at pneuʹma sa pagtalakay niya hinggil sa pagkabuhay-muli ng mga Kristiyano tungo sa buhay bilang espiritu. Dito ay pinaghahambing niya “yaong pisikal [psy·khi·konʹ, sa literal, makakaluluwa]” at “yaong espirituwal [pneu·ma·ti·konʹ].” Sa gayon, ipinakikita niya na habang nabubuhay ang mga Kristiyano, sila’y may katawang “makakaluluwa,” gaya rin ng unang taong si Adan; samantalang sa kanilang pagkabuhay-muli, ang mga pinahirang Kristiyanong iyon ay tatanggap ng isang katawang espirituwal na tulad niyaong sa niluwalhating si Jesu-Kristo. (1Co 15:42-49) Gumawa si Judas ng waring katulad na paghahambing nang tukuyin niya ang “mga taong makahayop [psy·khi·koiʹ, sa literal, (mga taong) makakaluluwa], na walang espirituwalidad [sa literal, na walang (pneuʹma)].”—Jud 19.
Ang Diyos Bilang May Kaluluwa. Dahil sa mga natalakay na, lumilitaw na kapag binabanggit ng Diyos ang “aking kaluluwa” (Lev 26:11, 30; Aw 24:4; Isa 42:1), ang mga ito ay karagdagang halimbawa ng anthropomorphism, samakatuwid nga, iniuukol sa Diyos ang pisikal na mga katangian ng tao bilang tulong sa pag-unawa, gaya ng pagsasabing ang Diyos ay may mga mata, mga kamay, at iba pa. Kapag binabanggit ni Jehova ang ‘aking neʹphesh,’ maliwanag na ang ibig niyang sabihin ay “aking sarili” o “aking persona.” “Ang Diyos ay Espiritu [Pneuʹma].”—Ju 4:24; tingnan ang JEHOVA (Mga paglalarawan sa kaniyang presensiya).