JUAN
[Katumbas sa Tagalog ng Jehohanan, nangangahulugang “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-loob”].
1. Si Juan na Tagapagbautismo, anak nina Zacarias at Elisabet; ang tagapagpauna ni Jesus. Ang mga magulang ni Juan ay kapuwa mula sa makasaserdoteng sambahayan ni Aaron. Si Zacarias ay isang saserdote mula sa pangkat ni Abias.—Luc 1:5, 6.
Makahimalang Kapanganakan. Noong taóng 3 B.C.E., noong takdang panahon ng paglilingkod ng pangkat ni Abias, si Zacarias ang nakatokang gumanap sa pambihirang pribilehiyo na maghandog ng insenso sa santuwaryo. Habang nakatayo siya sa harap ng altar ng insenso, ang anghel na si Gabriel ay nagpakita at ipinatalastas na magkakaroon siya ng isang anak na lalaki, na tatawaging Juan. Ang anak na ito ay magiging Nazareo sa buong buhay nito, gaya ni Samson. Magiging dakila ito sa harap ni Jehova, anupat mauuna sa Kaniya “upang ihanda para kay Jehova ang isang nakahandang bayan.” Ang kapanganakan ni Juan ay mangyayari sa pamamagitan ng himala ng Diyos, yamang sina Zacarias at Elisabet ay matatanda na.—Luc 1:7-17.
Noong ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, dinalaw siya ng kamag-anak niyang si Maria, na noon ay nagdadalang-tao sa pamamagitan ng banal na espiritu. Nang marinig niya ang pagbati ng kaniyang kamag-anak, ang di-pa-naisisilang na anak ni Elisabet ay lumukso sa kaniyang bahay-bata, at puspos ng banal na espiritu, kinilala ni Elisabet na ang batang ipanganganak ni Maria ay magiging kaniyang “Panginoon.”—Luc 1:26, 36, 39-45.
Nang isilang ang anak ni Elisabet, nais ng mga kapitbahay at mga kamag-anak na tawagin ito ayon sa pangalan ng ama nito, ngunit sinabi ni Elisabet: “Hindi nga! kundi siya ay tatawaging Juan.” Pagkatapos ay tinanong ang ama nito kung ano ang nais niyang itawag sa bata. Gaya ng sinabi ng anghel, hindi nakapagsalita si Zacarias mula noong magpatalastas si Gabriel sa kaniya, kaya isinulat niya sa isang sulatan: “Juan ang pangalan nito.” Nang magkagayon ay nabuksan ang bibig ni Zacarias anupat nagsimula siyang magsalita. Dahil dito ay nakilala ng lahat na ang kamay ni Jehova ay sumasabata.—Luc 1:18-20, 57-66.
Pasimula ng Kaniyang Ministeryo. Ginugol ni Juan ang unang mga taon ng kaniyang buhay sa maburol na lupain ng Judea, kung saan naninirahan ang kaniyang mga magulang. Siya ay “patuloy na lumaki at lumakas sa espiritu, at nanatili siya sa mga disyerto hanggang sa araw na hayagan siyang magpapakita sa Israel.” (Luc 1:39, 80) Ayon kay Lucas, sinimulan ni Juan ang kaniyang ministeryo noong ika-15 taon ng paghahari ni Tiberio Cesar. Mga 30 taóng gulang na noon si Juan. Bagaman walang ulat na nagsagawa si Juan ng makasaserdoteng paglilingkod sa templo, ito ang edad ng pagpasok ng mga saserdote sa ganap na panunungkulan. (Bil 4:2, 3) Namatay si Augusto noong Agosto 17, 14 C.E., at si Tiberio ay hinirang ng Senadong Romano bilang emperador noong Setyembre 15; kaya ang kaniyang ika-15 taon ay sasaklaw mula sa huling bahagi ng 28 C.E. hanggang Agosto o Setyembre ng 29 C.E. Yamang iniharap ni Jesus ang kaniyang sarili (sa edad na mga 30 taóng gulang din) upang magpabautismo noong taglagas, si Juan, na mas matanda nang anim na buwan, ay malamang na nagsimula ng kaniyang ministeryo noong tagsibol ng 29 C.E.—Luc 3:1-3, 23.
Sinimulan ni Juan ang kaniyang pangangaral sa Ilang ng Judea, na sinasabi: “Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.” (Mat 3:1, 2) Nakasuot siya ng pananamit na balahibo ng kamelyo at ng pamigkis na katad sa kaniyang mga balakang, katulad ng damit ng propetang si Elias. Ang pagkain ni Juan ay mga kulisap na balang at pulot-pukyutang ligáw. (2Ha 1:8; Mat 3:4; Mar 1:6) Isa siyang guro at sa gayon ay tinatawag na “Rabbi” ng kaniyang mga alagad.—Ju 3:26.
Layunin ng Kaniyang Gawain. Si Juan ay nangaral ng bautismo ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan para sa mga nagsisisi, anupat nagbautismo lamang sa mga Judio at mga proselita sa relihiyon ng mga Judio. (Mar 1:1-5; Gaw 13:24) Ang pagsusugo kay Juan ay pagpapamalas ng Diyos ng maibiging-kabaitan sa mga Judio. Sila ay may pakikipagtipan kay Jehova ngunit nagkakasala laban sa tipang Kautusan. Itinawag-pansin sa kanila ni Juan na sinira nila ang tipan, at hinimok niyang magsisi ang mga tapat-puso. Ang kanilang bautismo sa tubig ay sagisag ng pagsisising ito. Sa gayon ay naihanda sila na makilala ang Mesiyas. (Gaw 19:4) Ang lahat ng uri ng tao ay pumaroon kay Juan upang magpabautismo, kabilang na ang mga patutot at mga maniningil ng buwis. (Mat 21:32) Pumaroon din sa bautismo ang mga Pariseo at mga Saduceo, na pinagtuunan ni Juan ng nakapapasong mensahe ng pagtuligsa at pinagsalitaan niya tungkol sa nalalapit na paghatol. Hindi niya sila pinaligtas, anupat tinawag silang “supling ng mga ulupong” at binanggit na walang kabuluhan ang kanilang pananalig sa pagiging mga inapo ni Abraham sa laman.—Mat 3:7-12.
Itinuro ni Juan sa mga pumaparoon sa kaniya na dapat silang magbahagi ng mga bagay-bagay at huwag silang mangingikil, na dapat silang masiyahan sa mga paglalaan sa kanila at huwag nilang ligaligin ang sinuman. (Luc 3:10-14) Itinuro din niya sa kaniyang mga bautisadong tagasunod kung paano mananalangin sa Diyos. (Luc 11:1) Noong panahong iyon “ang mga tao ay naghihintay at ang lahat ay nangangatuwiran sa kanilang mga puso tungkol kay Juan: ‘Siya kaya ang Kristo?’” Itinanggi ito ni Juan at ipinahayag na ang Isa na kasunod niya ay magiging lalong higit na dakila. (Luc 3:15-17) Nang ang mga saserdote at mga Levita ay pumaroon sa kaniya sa Betania sa kabila ng Jordan, itinanong nila kung siya ba si Elias o kung siya “Ang Propeta,” at ipinahayag niya na hindi siya.—Ju 1:19-28.
Hindi nagsagawa ng mga himala si Juan, gaya ng ginawa ni Elias (Ju 10:40-42), gayunma’y dumating siya taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias. Nagsagawa siya ng isang makapangyarihang gawa sa ‘pagpapanumbalik ng mga puso ng mga ama sa mga anak at ng mga masuwayin tungo sa praktikal na karunungan ng mga matuwid.’ Natupad niya ang layunin na pinagsuguan sa kaniya, “upang ihanda para kay Jehova ang isang nakahandang bayan.” Sa katunayan, ‘marami sa mga anak ni Israel ang ipinanumbalik niya kay Jehova na kanilang Diyos.’ (Luc 1:16, 17) Naging tagapagpauna siya ng kinatawan ni Jehova, si Jesu-Kristo.
Ipinakilala ni Juan “ang Kordero ng Diyos.” Noong taglagas ng 29 C.E., pumaroon si Jesus kay Juan upang magpabautismo. Sa pasimula ay tumutol si Juan, palibhasa’y alam na makasalanan siya at matuwid si Jesus. Ngunit nagpumilit si Jesus. Bago nito ay pinangakuan ng Diyos si Juan ng isang tanda upang makilala niya ang Anak ng Diyos. (Mat 3:13; Mar 1:9; Luc 3:21; Ju 1:33) Nang mabautismuhan si Jesus, natupad ang tanda: Nakita ni Juan ang espiritu ng Diyos na bumababa kay Jesus at narinig niya ang mismong tinig ng Diyos na nagsabing si Jesus ay Kaniyang Anak. Maliwanag na walang ibang naroroon nang bautismuhan si Jesus.—Mat 3:16, 17; Mar 1:9-11; Ju 1:32-34; 5:31, 37.
Sa loob ng mga 40 araw pagkaraan ng kaniyang bautismo, si Jesus ay nasa ilang. Pagbalik Niya, ipinakilala ni Juan sa kaniyang mga alagad si Jesus bilang “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Ju 1:29) Nang sumunod na araw, si Andres at ang isa pang alagad, malamang na si Juan na anak ni Zebedeo, ay ipinakilala sa Anak ng Diyos. (Ju 1:35-40) Sa gayon, bilang isang tapat na “bantay-pinto” sa kulungan ng tupa ng Israel, sinimulan ni Juan na Tagapagbautismo na ibigay ang kaniyang mga alagad sa “mabuting pastol.”—Ju 10:1-3, 11.
Samantalang nagbabautismo ang mga alagad ni Jesus sa lupaing Judeano, nagbabautismo rin si Juan sa Enon malapit sa Salim. (Ju 3:22-24) Nang maiulat kay Juan na nagkakaroon ng maraming alagad si Jesus, hindi nanibugho si Juan kundi tumugon: “Ang kagalakan kong ito ay nalubos na. Ang isang iyon ay kailangang patuloy na dumami, ngunit ako ay kailangang patuloy na kumaunti.”—Ju 3:26-30.
Huling mga Araw ng Kaniyang Ministeryo. Nagkatotoo ang pananalitang ito ni Juan. Pagkaraan ng aktibong ministeryo sa loob ng isang taon o mahigit pa, puwersahang inalis si Juan mula sa larangan. Ibinilanggo siya ni Herodes Antipas dahil sinaway ni Juan si Antipas sa mapangalunyang pag-aasawa nito kay Herodias, na inagaw ni Antipas sa kaniyang kapatid na si Felipe. Si Antipas, isang naturingang proselitang Judio na nasa ilalim ng Kautusan, ay takot kay Juan, palibhasa’y alam na isa itong taong matuwid.—Mar 6:17-20; Luc 3:19, 20.
Habang nasa bilangguan na lumilitaw na nasa Tiberias, nabalitaan ni Juan na nagsasagawa si Jesus ng makapangyarihang mga gawa, kasama na ang pagbuhay-muli sa anak ng isang balo sa Nain. Palibhasa’y nais niyang tiyakin ito sa kaniya ni Jesus mismo, isinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad upang itanong kay Jesus: “Ikaw ba ang Isa na Darating, o may iba pa ba kaming aasahan?” Hindi sumagot si Jesus nang tuwiran; sa halip, sa harap ng mga alagad ni Juan ay nagpagaling siya ng maraming tao, at nagpalayas pa nga ng mga demonyo. Pagkatapos ay sinabi niya sa mga alagad na iyon na iulat na ang mga bulag, mga bingi, at mga pilay ay pinagagaling at na ang mabuting balita ay ipinangangaral. Sa gayon, hindi sa pamamagitan ng mga salita lamang, kundi sa pamamagitan ng patotoo ng mga gawa ni Jesus, si Juan ay naaliw at nabigyang-katiyakan na talagang si Jesus ang Mesiyas (Kristo). (Mat 11:2-6; Luc 7:18-23) Nang makaalis na ang mga mensahero ni Juan, isiniwalat ni Jesus sa mga pulutong na si Juan ay higit pa kaysa sa isang propeta, na si Juan, sa katunayan, ang tinutukoy sa isinulat ng propetang si Malakias. Ikinapit din niya kay Juan ang hula sa Isaias 40:3, gaya ng ginawa noon ng ama ni Juan na si Zacarias.—Mal 3:1; Mat 11:7-10; Luc 1:67, 76; 7:24-27.
Ipinaliwanag din ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad na ang pagdating ni Juan ay isang katuparan ng hula sa Malakias 4:5, 6, na isusugo ng Diyos si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova. Ngunit bagaman dakila si Juan (“Sa gitna niyaong mga ipinanganak ng mga babae ay walang sinumang ibinangon na mas dakila kaysa kay Juan Bautista”), hindi siya magiging isa sa uring “kasintahang babae” na makakasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na pamamahala sa Kaharian (Apo 21:9-11; 22:3-5), sapagkat, sabi ni Jesus, “ang isa na nakabababa sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa sa kaniya.” (Mat 11:11-15; 17:10-13; Luc 7:28-30) Sa di-tuwirang paraan ay ipinagtanggol din ni Jesus si Juan laban sa paratang na si Juan ay may demonyo.—Mat 11:16-19; Luc 7:31-35.
Ilang panahon pagkaraan nito, binigyang-daan ni Herodias ang kaniyang galit kay Juan. Noong ipinagdiriwang ang kaarawan ni Herodes, lubhang nalugod si Herodes sa pagsasayaw ng anak na babae ni Herodias kung kaya sumumpa siya na ibibigay niya sa dalaga ang anumang hingin nito. Sa sulsol ng ina nito, hiningi ng dalaga ang ulo ni Juan. Dahil sa kaniyang sumpa at dahil sa mga naroroon, ipinagkaloob ni Herodes ang kahilingan nito. Pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan at ang kaniyang ulo na nasa bandehado ay ibinigay sa dalaga, na nagdala naman niyaon sa kaniyang ina. Nang maglaon ay dumating ang mga alagad ni Juan at inalis ang bangkay ni Juan at inilibing siya, pagkatapos ay iniulat ang bagay na iyon kay Jesus.—Mat 14:1-12; Mar 6:21-29.
Pagkamatay ni Juan, narinig ni Herodes ang tungkol sa ministeryo ni Jesus ng pangangaral, pagpapagaling, at pagpapalayas ng mga demonyo. Natakot siya, anupat nangamba na baka si Jesus ay talagang si Juan na ibinangon mula sa mga patay. Mula noon ay gustung-gusto niyang makita si Jesus, hindi upang pakinggan ang pangangaral nito, kundi upang matiyak kung tama ang iniisip niya.—Mat 14:1, 2; Mar 6:14-16; Luc 9:7-9.
Nagwakas ang Bautismo ni Juan. Nagpatuloy ang bautismo ni Juan hanggang noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., nang ibuhos ang banal na espiritu. Mula noon, ipinangaral ang bautismo “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Mat 28:19; Gaw 2:21, 38) Yaong mga binautismuhan ng bautismo ni Juan pagkatapos nito ay kinailangang muling bautismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus upang tumanggap ng banal na espiritu.—Gaw 19:1-7.
2. Ama ng apostol na si Simon Pedro. Sa Juan 1:42 at 21:15-17 ay tinatawag siyang Juan, ayon sa Sinaitic Manuscript at sa mga bersiyong “Matandang Latin.” Sa ilang manuskrito at bersiyon ay tinatawag siyang Jona. Tinawag siya ni Jesus na Jonas sa Mateo 16:17.
3. Ang apostol na si Juan, na anak ni Zebedeo at, sa wari, ni Salome (ihambing ang Mat 27:55, 56; Mar 15:40) at kapatid ng apostol na si Santiago—malamang na nakababata kay Santiago, dahil malimit na nauuna si Santiago kapag pareho silang binabanggit. (Mat 10:2; Mar 1:19, 29; 3:17; 10:35, 41; Luc 6:14; 8:51; 9:28; Gaw 1:13) Napangasawa ni Zebedeo si Salome na mula sa sambahayan ni David, posibleng likas na kapatid ni Maria na ina ni Jesus.
Kinalakhan. Waring maykaya sa buhay ang pamilya ni Juan. Ang kanilang hanapbuhay na pangingisda ay malaki-laki rin anupat mayroon silang mga kasosyo at mga taong upahan. (Mar 1:19, 20; Luc 5:9, 10) Kabilang ang asawa ni Zebedeo na si Salome sa mga babaing sumama at naglingkod kay Jesus noong ito ay nasa Galilea (ihambing ang Mat 27:55, 56; Mar 15:40, 41), at isa siya sa mga nagdala ng mga espesya upang ihanda ang katawan ni Jesus para sa libing. (Mar 16:1) Maliwanag na may sariling bahay si Juan.—Ju 19:26, 27.
Sina Zebedeo at Salome ay tapat na mga Hebreo, at ipinakikita ng katibayan na pinalaki nila si Juan sa turo ng Kasulatan. Karaniwan nang kinikilala na siya ang alagad ni Juan na Tagapagbautismo na kasama ni Andres nang sabihin sa kanila ni Juan: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos!” Ipinakikita ng mabilis niyang pagtanggap kay Jesus bilang ang Kristo na mayroon siyang kaalaman sa Hebreong Kasulatan. (Ju 1:35, 36, 40-42) Bagaman hindi kailanman binanggit na si Zebedeo ay naging alagad ni Juan na Tagapagbautismo o ni Kristo, waring hindi naman niya hinadlangan ang pagsama kay Jesus ng kaniyang dalawang anak bilang buong-panahong mga mangangaral.
Nang dalhin sina Juan at Pedro sa harap ng mga tagapamahalang Judio, itinuring sila na mga “walang pinag-aralan at pangkaraniwan.” Ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi sila nakapag-aral o na hindi sila makabasa at makasulat, kundi nangangahulugan lamang ito na hindi sila tumanggap ng pagsasanay sa mga paaralang rabiniko. Sa halip, binanggit na “nakilala nila tungkol sa mga ito na dati silang kasama ni Jesus.”—Gaw 4:13.
Naging Alagad ni Kristo. Matapos ipakilala kay Jesus bilang ang Kristo noong taglagas ng 29 C.E., tiyak na sinundan ni Juan si Jesus sa Galilea at nasaksihan ang Kaniyang unang himala sa Cana. (Ju 2:1-11) Maaaring sinamahan niya si Jesus mula sa Galilea patungong Jerusalem, at muli nang dumaan ito sa Samaria pabalik sa Galilea, sapagkat ipinakikita ng kaniyang napakalinaw na ulat na isang aktuwal na saksi sa mga pangyayari ang naglalahad nito. Ngunit hindi binabanggit sa ulat na kasama siya noon ni Jesus. (Ju 2-5) Gayunpaman, hindi kaagad iniwan ni Juan ang kaniyang hanapbuhay na pangingisda. Nang sumunod na taon, habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Dagat ng Galilea, sina Santiago at Juan ay nasa bangka kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagkukumpuni ng kanilang mga lambat. Tinawag niya sila upang maging buong-panahong “mga mangingisda ng mga tao,” at sinasabi sa atin ng ulat ni Lucas: “Kaya ibinalik nila sa lupa ang mga bangka, at iniwan ang lahat ng bagay at sumunod sa kaniya.” (Mat 4:18-22; Luc 5:10, 11; Mar 1:19, 20) Nang maglaon ay pinili sila upang maging mga apostol ng Panginoong Jesu-Kristo.—Mat 10:2-4.
Si Juan ang isa sa tatlong pinakamatatalik na kasamahan ni Jesus. Isinama sina Pedro, Santiago, at Juan sa bundok kung saan naganap ang pagbabagong-anyo. (Mat 17:1, 2; Mar 9:2; Luc 9:28, 29) Sila lamang ang mga apostol na pinahintulutang pumasok sa bahay ni Jairo kasama ni Jesus. (Mar 5:37; Luc 8:51) Sila lamang ang nagkapribilehiyong maisama ni Jesus sa mas dakong loob ng hardin ng Getsemani noong gabing ipagkanulo ito, bagaman hindi nila natatanto noon ang buong kahulugan ng pangyayaring iyon, anupat tatlong beses silang nakatulog at ginising ni Jesus. (Mat 26:37, 40-45; Mar 14:33, 37-41) Katabi ni Jesus si Juan noong huling Paskuwa nito at noong pasinayaan ang Hapunan ng Panginoon. (Ju 13:23) Nang mamamatay na si Jesus, si Juan ang alagad na tumanggap ng natatanging karangalan na pagkatiwalaan ng pangangalaga sa ina ni Jesus.—Ju 21:7, 20; 19:26, 27.
Pagkilala kay Juan sa Kaniyang Ebanghelyo. Sa Ebanghelyo ni Juan, hindi niya kailanman tinukoy ang kaniyang sarili sa pangalan niyang Juan. Tinutukoy siya bilang isa sa mga anak ni Zebedeo o ang alagad na minamahal ni Jesus. Kapag tinutukoy niya si Juan na Tagapagbautismo, “Juan” lamang ang itinatawag niya sa Tagapagbautismo, di-gaya ng ibang mga manunulat ng Ebanghelyo. Mas natural na gawin ito ng isang kapangalan, yamang walang magkakamali kung sino ang tinutukoy niya. Ang iba ay kailangang gumamit ng huling pangalan o titulo o iba pang mga terminong naglalarawan upang makilala kung sino ang tinutukoy nila, gaya ng ginawa mismo ni Juan nang tukuyin niya ang isa sa mga Maria.—Ju 11:1, 2; 19:25; 20:1.
Kung isasaalang-alang ang isinulat ni Juan ayon sa ganitong pangmalas, maliwanag na siya mismo ang kasamahan ni Andres na hindi binanggit ang pangalan kung kanino ipinakilala ni Juan na Tagapagbautismo si Jesu-Kristo. (Ju 1:35-40) Pagkatapos ng pagkabuhay-muli ni Jesus, nilampasan ni Juan si Pedro nang tumakbo sila patungo sa libingan upang siyasatin ang ulat na bumangon na si Jesus. (Ju 20:2-8) Nagkapribilehiyo siya na makita ang binuhay-muling si Jesus noong gabi ring iyon (Ju 20:19; Luc 24:36) at muli nang sumunod na linggo. (Ju 20:26) Isa siya sa pito na bumalik sa pangingisda kung kanino nagpakita si Jesus. (Ju 21:1-14) Naroon din si Juan sa bundok sa Galilea pagkaraang bumangon si Jesus mula sa mga patay, at narinig niya mismo ang utos na: “Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.”—Mat 28:16-20.
Kasaysayan ni Juan Nang Dakong Huli. Pagkaakyat ni Jesus sa langit, si Juan ay nasa Jerusalem sa pagtitipon ng mga 120 alagad noong mapili si Matias sa pamamagitan ng palabunutan at ibilang na kasama ng 11 apostol. (Gaw 1:12-26) Naroon siya nang ibuhos ang espiritu noong araw ng Pentecostes at nakita niya ang 3,000 na naparagdag sa kongregasyon nang araw na iyon. (Gaw 2:1-13, 41) Kasama si Pedro, sinabi niya sa harap ng mga tagapamahalang Judio ang simulaing sinusunod ng kongregasyon ng bayan ng Diyos: “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig sa inyo sa halip na sa Diyos, kayo ang humatol. Ngunit kung para sa amin, hindi namin magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.” (Gaw 4:19, 20) Muli, kasama siya ng ibang mga apostol sa pagsasabi sa Sanedrin: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gaw 5:27-32.
Pagkamatay ni Esteban sa mga kamay ng nagngangalit na mga Judio, isang malaking pag-uusig ang bumangon laban sa kongregasyon sa Jerusalem, at ang mga alagad ay nangalat. Ngunit si Juan, kasama ng iba pang mga apostol, ay nanatili sa Jerusalem. Nang maraming tao sa Samaria ang tumanggap sa salita ng Diyos dahil sa pangangaral ni Felipe na ebanghelisador, isinugo ng lupong tagapamahala sina Pedro at Juan upang tulungan ang mga bagong alagad na iyon na makatanggap ng banal na espiritu. (Gaw 8:1-5, 14-17) Sinabi ni Pablo nang maglaon na si Juan ay isa sa mga nasa Jerusalem na “waring mga haligi” ng kongregasyon. Bilang isang miyembro ng lupong tagapamahala, ibinigay ni Juan kina Pablo at Bernabe ang “kanang kamay ng pakikipagsamahan” nang isugo ang mga ito sa kanilang misyon na mangaral sa mga bansa (mga Gentil). (Gal 2:9) Noong mga 49 C.E., naroon si Juan sa komperensiya ng lupong tagapamahala tungkol sa usapin ng pagtutuli para sa mga Gentil na nakumberte.—Gaw 15:5, 6, 28, 29.
Noong narito pa sa lupa si Jesu-Kristo, ipinahiwatig niya na si Juan ang huling mamamatay sa lahat ng mga apostol. (Ju 21:20-22) At si Juan ay talagang tapat na naglingkod kay Jehova nang mga 70 taon. Sa pagtatapos ng kaniyang buhay, itinapon siya sa isla ng Patmos “dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos at sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apo 1:9) Pinatutunayan nito na masigasig pa rin siya sa pangangaral ng mabuting balita, kahit noong napakatanda na niya (noong mga 96 C.E.).
Samantalang nasa Patmos, ipinagkaloob kay Juan ang kamangha-manghang pangitain ng Apocalipsis, na buong-ingat niyang itinala. (Apo 1:1, 2) Karaniwan nang pinaniniwalaan na ipinatapon siya ni Emperador Domitian at pinalaya ng kahalili ni Domitian, si Emperador Nerva (96-98 C.E.). Ayon sa tradisyon, pumaroon siya sa Efeso, kung saan niya isinulat ang kaniyang Ebanghelyo at ang kaniyang tatlong liham na pinamagatang Una, Ikalawa, at Ikatlo ni Juan, noong mga 98 C.E. Ayon sa tradisyon, pinaniniwalaang namatay siya sa Efeso noong mga 100 C.E. noong panahon ng paghahari ni Emperador Trajan.
Personalidad. Karaniwan nang ipinapalagay ng mga iskolar na si Juan ay isang taong di-aktibo, masyadong madamdamin, at palasuri sa sarili. Gaya ng sinabi ng isang komentarista: “Si Juan, taglay ang mapagdili-dili, marangal, at mahusay na pag-iisip, ay nabuhay na parang anghel.” (Commentary on the Holy Scriptures ni Lange, isinalin at inedit ni P. Schaff, 1976, Tomo 9, p. 6) Ganito ang pagtaya nila sa personalidad ni Juan dahil napakaraming sinabi ni Juan tungkol sa pag-ibig, at dahil hindi siya gaanong naging prominente sa Mga Gawa ng mga Apostol gaya nina Pedro at Pablo. Sinasabi rin nila na waring hinahayaan niya na si Pedro ang manguna sa pagsasalita kapag magkasama sila.
Totoo na kapag magkasama sina Pedro at Juan, si Pedro ang laging nangunguna bilang tagapagsalita. Ngunit hindi sinasabi ng mga ulat na si Juan ay nanatiling tahimik. Sa halip, kapag nasa harap sila ng mga tagapamahala at matatandang lalaki, kapuwa nagsalita nang walang takot sina Pedro at Juan. (Gaw 4:13, 19) Gayundin, si Juan ay nagsalita nang may tapang, gaya rin ng ginawa ng iba pang mga apostol sa harap ng Sanedrin, bagaman espesipikong binabanggit ang pangalan ni Pedro. (Gaw 5:29) At kung tungkol sa pagiging aktibo at masigla, hindi ba’t naunahan niya si Pedro noong tumakbo sila patungo sa libingan ni Jesus?—Ju 20:2-8.
Noong pasimula ng kanilang ministeryo bilang mga apostol, binigyan ni Jesus ng huling pangalang Boanerges (nangangahulugang “Mga Anak ng Kulog”) si Juan at ang kapatid nitong si Santiago. (Mar 3:17) Ang titulong ito ay tiyak na hindi nagpapahiwatig ng anumang lambot ng damdamin o kawalan ng sigla kundi, sa halip, ng isang dinamikong personalidad. Nang ang isang nayong Samaritano ay tumangging tanggapin si Jesus, gusto na ng “Mga Anak ng Kulog” na ito na magpababa ng apoy mula sa langit upang lipulin ang mga naninirahan doon. Bago pa nito, sinikap ni Juan na pigilan ang isang lalaki upang hindi ito magpalayas ng mga demonyo sa pangalan ni Jesus. Sa dalawang pangyayaring ito, nagbigay si Jesus ng saway at pagtutuwid.—Luc 9:49-56.
Sa mga pagkakataong iyon, ang magkapatid ay nagpakita ng maling pagkaunawa at ng matinding kawalan ng pagkatimbang, pag-ibig, at awa na nalinang naman nila nang dakong huli. Ngunit sa dalawang pagkakataong iyon, ang magkapatid ay kinakitaan ng espiritu ng pagkamatapat at ng matatag at masiglang personalidad anupat nang maituon ito sa tamang direksiyon, nakatulong ito upang sila ay maging malalakas, masisigla at tapat na mga saksi. Si Santiago ay namatay bilang martir sa mga kamay ni Herodes Agripa I (Gaw 12:1, 2), at si Juan naman ay nagbata bilang isang haligi “sa kapighatian at sa kaharian at sa pagbabata na kasama ni Jesus” bilang ang huling nabubuhay na apostol.—Apo 1:9.
Nang hilingin nina Santiago at Juan sa pamamagitan ng kanilang ina na paupuin sila sa tabi ni Kristo sa Kaharian nito, nagpamalas sila ng ambisyosong espiritu na naging dahilan upang magalit ang ibang mga apostol. Ngunit naglaan ito kay Jesus ng isang pagkakataon upang maipaliwanag na ang dakila sa kanila ay yaong naglilingkod sa iba. Pagkatapos ay itinawag-pansin niya na maging Siya ay dumating upang maglingkod at ibigay ang kaniyang buhay bilang pantubos para sa marami. (Mat 20:20-28; Mar 10:35-45) Bagaman makasarili ang hangarin nila, isinisiwalat ng insidente ang kanilang pananampalataya sa pagiging tunay ng Kaharian.
Tiyak na kung ang personalidad ni Juan ay gaya ng inilalarawan ng mga komentarista sa relihiyon—mahina, di-praktikal, walang sigla, mahilig magsarili—malamang na hindi siya gagamitin ni Jesu-Kristo sa pagsulat ng nakapagpapasigla at mapuwersang aklat ng Apocalipsis, kung saan si Kristo ay paulit-ulit na nagpatibay-loob sa mga Kristiyano na daigin ang sanlibutan, nagsabi tungkol sa mabuting balita na ipangangaral sa buong daigdig, at nagpahayag ng tulad-kulog na mga kahatulan ng Diyos.
Totoo na mas maraming sinabi si Juan tungkol sa pag-ibig kaysa sa iba pang mga manunulat ng Ebanghelyo. Hindi ito katibayan ng anumang lambot ng damdamin. Sa kabaligtaran pa nga, ang pag-ibig ay isang katangiang humihiling ng katatagan. Ang buong Kautusan at ang mga Propeta ay nakasalig sa pag-ibig. (Mat 22:36-40) “Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” (1Co 13:8) Ang pag-ibig ay “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Col 3:14) Ang pag-ibig, ang uri na inirerekomenda ni Juan, ay nanghahawakan sa simulain at may kakayahang maglapat ng mahigpit na pagsaway, pagtutuwid, at disiplina, at magpakita rin ng kabaitan at awa.
Saanman siya banggitin sa tatlong sinoptikong ulat ng Ebanghelyo, at maging sa lahat ng kaniya mismong mga isinulat, laging ipinakikita ni Juan ang gayunding masidhing pag-ibig at pagkamatapat kay Jesu-Kristo at sa Kaniyang Amang si Jehova. Makikita ang kaniyang pagkamatapat at pagkapoot sa masama sa pagbanggit niya sa masasamang motibo o katangian sa mga ikinikilos ng iba. Siya lamang ang nagsabi sa atin na si Hudas ang tumutol nang gamitin ni Maria ang mamahaling ungguento upang ipahid sa mga paa ni Jesus at na ang dahilan ng pagrereklamo ni Hudas ay sapagkat ito ang may hawak ng kahon ng salapi at isa itong magnanakaw. (Ju 12:4-6) Binanggit niya na pumaroon si Nicodemo kay Jesus ‘sa kadiliman ng gabi.’ (Ju 3:2) Itinawag-pansin niya ang malubhang kapintasan ni Jose ng Arimatea, na ito ay “isang alagad ni Jesus ngunit palihim dahil sa takot niya sa mga Judio.” (Ju 19:38) Hindi matanggap ni Juan na may nag-aangking isang alagad ng kaniyang Panginoon ngunit ikinahihiya naman ito.
Napakalaki na ng isinulong ni Juan sa paglinang ng mga bunga ng espiritu nang isulat niya ang kaniyang Ebanghelyo at mga liham kaysa noong isa siyang kabataan na bago pa lamang nakikisama kay Jesus. Talagang hindi na niya ipinakikita ang ugaling nahalata noong humiling siya ng pantanging upuan sa Kaharian. At sa kaniyang mga isinulat ay makasusumpong tayo ng kapahayagan ng kaniyang pagkamaygulang at mabuting payo upang tulungan tayong matularan ang kaniyang tapat, matatag at aktibong landasin.
4. Si Juan Marcos. Isa sa mga alagad ni Jesus at manunulat ng Mabuting Balita Ayon kay Marcos. Madalas siyang tawaging Marcos na Ebanghelista. Ang Marcos ay huling pangalan niya. Ang tahanan ng kaniyang inang si Maria sa Jerusalem ay naging isang dakong tipunan ng mga alagad. (Gaw 12:12) Sinamahan niya sina Pablo at Bernabe sa unang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero (Gaw 12:25; 13:5), ngunit iniwan niya sila sa Perga sa Pamfilia at bumalik sa Jerusalem. (Gaw 13:13) Dahil dito, tumanggi si Pablo na isama si Marcos sa sumunod niyang paglalakbay, kaya nagpunta si Bernabe sa ibang direksiyon at isinama si Marcos. (Gaw 15:36-41) Ngunit nang dakong huli, maliwanag na pinatunayan ni Marcos na isa siyang maaasahan at masikap na manggagawa, sapagkat sumulat si Pablo kay Timoteo mula sa Roma, kung saan siya nakabilanggo: “Kunin mo si Marcos at isama mo siya, sapagkat kapaki-pakinabang siya sa akin sa paglilingkod.”—2Ti 4:11; tingnan ang MARCOS.
5. Isang tagapamahalang Judio (posibleng kamag-anak ng punong saserdoteng si Anas) na kasama nina Anas at Caifas sa pagpapaaresto sa mga apostol na sina Pedro at Juan at pagpapadala sa mga ito sa harap nila. Bagaman may patotoo sila ng himala ni Pedro nang pagalingin nito ang isang lalaking pilay, inutusan nila sina Pedro at Juan na tumigil sa pangangaral at pagkatapos ay pinagbantaan pa ang mga ito. Ngunit dahil wala silang saligan upang gumawa ng anumang aksiyon laban sa mga apostol at palibhasa’y natatakot sila sa mga tao, pinalaya nila ang mga ito.—Gaw 3:1-8; 4:5-22.