“Pagkasumpong sa Isang Perlas na may Mataas na Halaga”
“Ang kaharian ng langit ang tunguhin na pinagpupunyagian ng mga tao, at sinusunggaban ito niyaong mga patuloy na nagpupunyagi.”—MATEO 11:12.
1, 2. (a) Anong bihirang katangian ang inilarawan ni Jesus sa isa sa mga talinghaga niya hinggil sa Kaharian? (b) Ano ang sinabi ni Jesus sa talinghaga hinggil sa perlas na may malaking halaga?
MAY isang bagay ba na napakahalaga sa iyo anupat ibibigay mo ang lahat ng iyong pag-aari o isasakripisyo mo ang lahat ng iyong tinataglay makamit lamang ito? Bagaman ang mga tao’y nag-uukol ng debosyon sa pag-abot sa ilang tunguhin—salapi, katanyagan, kapangyarihan, o posisyon—bihira sa isang tao na makasumpong ng isang bagay na lubhang kanais-nais anupat handa niyang isakripisyo ang lahat alang-alang dito. Tinukoy ni Jesu-Kristo ang bihira ngunit kapuri-puring katangiang ito sa isa sa maraming nakapupukaw-kaisipang mga talinghaga niya hinggil sa Kaharian ng Diyos.
2 Ito ay isang talinghaga, o ilustrasyon, na sinabi ni Jesus tangi lamang sa kaniyang mga alagad, isa na malimit tukuyin bilang ang talinghaga hinggil sa perlas na may mataas na halaga. Ganito ang sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ng langit ay tulad ng isang naglalakbay na mangangalakal na naghahanap ng maiinam na perlas. Sa pagkasumpong sa isang perlas na may mataas na halaga, umalis siya at dali-daling ipinagbili ang lahat ng mga bagay na taglay niya at binili iyon.” (Mateo 13:36, 45, 46) Ano ang gusto ni Jesus na matutuhan ng kaniyang mga tagapakinig mula sa ilustrasyong ito? At paano tayo makikinabang mula sa mga salita ni Jesus?
Mataas na Halaga ng mga Perlas
3. Bakit napakahalaga ng maiinam na perlas noong sinaunang panahon?
3 Noon pa mang sinaunang panahon, pinahahalagahan na ang mga perlas bilang mga palamuti. Sinabi ng isang reperensiya na ayon sa Romanong iskolar na si Pliny na Nakatatanda, ang mga perlas ang “pangunahin sa lahat ng mga bagay na may halaga.” Di-tulad ng ginto, pilak, o ng maraming batong-hiyas, ang mga perlas ay nagmumula sa nabubuhay na mga bagay. Kilalá ang kakayahan ng ilang uri ng talaba na gawing makikinang na perlas ang mga bagay na nagdudulot sa kanila ng iritasyon—tulad ng maliliit na piraso ng bato—sa pamamagitan ng pagbalot sa mga ito ng likidong tinatawag na nakar na inilalabas ng talaba. Noong sinaunang panahon, ang pinakamaiinam na perlas ay pangunahin nang nakukuha sa Dagat na Pula, sa Gulpo ng Persia, at sa Karagatan ng India—malayo sa lupain ng Israel. Tiyak na ito ang dahilan kung bakit binanggit ni Jesus ang “isang naglalakbay na mangangalakal na naghahanap ng maiinam na perlas.” Upang makasumpong ng tunay na mahahalagang perlas, kailangan ang puspusang pagpapagal.
4. Ano ang pangunahing punto sa talinghaga ni Jesus hinggil sa naglalakbay na mangangalakal?
4 Bagaman noon pa man ay mahal na ang maiinam na perlas, maliwanag na hindi ang kanilang presyo ang pangunahing punto sa talinghaga ni Jesus. Sa talinghagang ito, hindi lamang itinulad ni Jesus ang Kaharian ng Diyos sa isang perlas na may mataas na halaga; itinawag-pansin niya ang “isang naglalakbay na mangangalakal na naghahanap ng maiinam na perlas” at ang reaksiyon nito nang makasumpong ito ng gayong perlas. Di-tulad ng pangkaraniwang tindero, ang isang naglalakbay na mangangalakal, o negosyante, ng perlas ay matatawag ding isang eksperto sa ganitong hanapbuhay. Matalas ang kaniyang mga mata o madali niyang napapansin ang magagandang katangian at di-halatang mga detalye na palatandaan ng isang pambihirang uri ng perlas. Alam niya kung alin ang tunay na perlas kapag nakita niya ito at hindi siya malilinlang sa ipinagbibiling mahinang uri o huwad na perlas.
5, 6. (a) Ano ang lubhang kapansin-pansin hinggil sa mangangalakal sa talinghaga ni Jesus? (b) Ano ang isinisiwalat ng talinghaga hinggil sa nakatagong kayamanan kung tungkol sa naglalakbay na mangangalakal?
5 May isa pang bagay na kapansin-pansin sa natatanging mangangalakal na ito. Maaaring kuwentahin muna ng isang karaniwang mangangalakal kung magkano maipagbibili ang perlas upang matiyak kung magkano niya ito babayaran para tumubo siya. Baka isasaalang-alang din niya kung may gustong bumili ng gayong perlas upang madali niya itong maibenta. Sa ibang salita, magiging interesado siya sa agad na tutubuin ng kaniyang puhunan, hindi sa pagmamay-ari ng perlas. Ngunit hindi gayon ang mangangalakal sa talinghaga ni Jesus. Hindi siya interesado sa salapi o sa tubò. Sa katunayan, handa niyang isakripisyo ang “lahat ng mga bagay na taglay niya”—marahil ang lahat ng kaniyang pag-aari—makamit lamang ang kaniyang hinahanap.
6 Sa pangmalas ng maraming mangangalakal, malamang na mali ang ginawa ng lalaking iyon sa talinghaga ni Jesus. Ang isang matalinong negosyante ay hindi papasok sa gayong peligrosong pamumuhunan. Ngunit iba ang pamantayan ng mangangalakal sa talinghaga ni Jesus tungkol sa kung alin ang mahalaga. Ang kaniyang kagantihan ay hindi pinansiyal na kapakinabangan kundi ang kagalakan at kasiyahang dulot ng pagmamay-ari ng isang bagay na may nakahihigit na halaga. Niliwanag ang puntong ito sa isang katulad na ilustrasyon na inilahad ni Jesus. Sinabi niya: “Ang kaharian ng langit ay tulad ng kayamanang nakatago sa parang, na nasumpungan ng isang tao at itinago; at dahil sa kagalakang taglay niya ay humayo siya at ipinagbili ang mga bagay na taglay niya at binili ang bukid na iyon.” (Mateo 13:44) Oo, ang kagalakang nadama ng taong iyon nang matuklasan at makamit niya ang kayamanan ay sapat na para pakilusin siyang isakripisyo ang lahat ng taglay niya. May ganiyan bang mga indibiduwal sa ngayon? Mayroon bang kayamanan na karapat-dapat sa gayong pagsasakripisyo?
Yaong mga May Mataas na Pagpapahalaga sa Kaharian
7. Paano ipinakita ni Jesus na talagang mataas ang pagpapahalaga niya sa Kaharian?
7 Nang sabihin niya ang kaniyang talinghaga, tinatalakay noon ni Jesus ang tungkol sa “kaharian ng langit.” Siya mismo ay tiyak na may mataas na pagpapahalaga sa Kaharian. May matibay na patotoo ang Ebanghelyo hinggil sa katotohanang iyan. Pagkatapos ng kaniyang bautismo noong 29 C.E., “pinasimulan ni Jesus ang pangangaral at ang pagsasabing: ‘Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.’ ” Sa loob ng tatlo at kalahating taon, tinuruan niya ang karamihan tungkol sa Kaharian. Nilibot niya ang buong lupain, anupat “naglakbay . . . sa bawat lunsod at sa bawat nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.”—Mateo 4:17; Lucas 8:1.
8. Ano ang ginawa ni Jesus upang ipakita kung ano ang isasakatuparan ng Kaharian?
8 Sa paggawa ng maraming himala sa buong lupain—kasali na ang pagpapagaling sa maysakit, pagpapakain sa nagugutom, pagsupil sa lagay ng panahon, at pati na ang pagbuhay-muli sa mga patay—ipinakita rin ni Jesus kung ano ang isasakatuparan ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 14:14-21; Marcos 4:37-39; Lucas 7:11-17) Sa wakas, pinatunayan niya ang kaniyang pagkamatapat sa Diyos at sa Kaharian sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang buhay, anupat namatay bilang isang martir sa pahirapang tulos. Kung paanong kusang isinakripisyo ng naglalakbay na mangangalakal na iyon ang lahat ng taglay niya alang-alang sa “perlas na may mataas na halaga,” namuhay rin si Jesus at namatay alang-alang sa Kaharian.—Juan 18:37.
9. Anong pambihirang katangian ang nakita sa unang mga alagad ni Jesus?
9 Hindi lamang iniukol ni Jesus ang kaniyang sariling buhay sa Kaharian kundi tinipon din niya ang isang maliit na grupo ng mga tagasunod. Talagang mataas din ang pagpapahalaga ng mga indibiduwal na ito sa Kaharian. Isa na rito si Andres, na dating alagad ni Juan na Tagapagbautismo. Nang marinig ang patotoo ni Juan na si Jesus “ang Kordero ng Diyos,” si Andres at ang isa pang alagad ni Juan, malamang na isa sa mga anak ni Zebedeo na nagngangalan ding Juan, ay agad na nápalapít kay Jesus at naging mga mananampalataya. Ngunit hindi lamang iyon ang nangyari. Pinuntahan agad ni Andres ang kaniyang kapatid na si Simon at sinabi sa kaniya: “Nasumpungan na namin ang Mesiyas.” Hindi rin nagtagal at natanto ni Simon (na nakilala bilang Cefas, o Pedro), gayundin ni Felipe at ng kaniyang kaibigang si Natanael, na si Jesus nga ang Mesiyas. Sa katunayan, naudyukan pa nga si Natanael na sabihin kay Jesus: “Ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.”—Juan 1:35-49.
Napasiglang Kumilos
10. Paano tumugon ang mga alagad nang dumating si Jesus at anyayahan sila makalipas ang ilang panahon mula nang una niya silang makita?
10 Ang pananabik nina Andres, Pedro, Juan, at ng iba pa nang masumpungan nila ang Mesiyas ay maihahambing sa pananabik ng naglalakbay na mangangalakal nang masumpungan niya ang perlas na may mataas na halaga. Ano na ang gagawin nila ngayon? Walang gaanong sinasabi ang mga Ebanghelyo hinggil sa agad na ginawa nila pagkatapos ng una nilang makita si Jesus. Lumilitaw na nagbalik ang karamihan sa kanila sa normal na paraan ng kanilang pamumuhay. Gayunman, pagkalipas ng mga anim na buwan o isang taon, muli na namang nakita ni Jesus sina Andres, Pedro, Juan, at ang kapatid ni Juan na si Santiago sa kanilang negosyo ng pangingisda sa Dagat ng Galilea.a Nang makita sila, sinabi ni Jesus: “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” Paano sila tumugon? Ganito ang sinasabi ng ulat ni Mateo tungkol kina Pedro at Andres: “Karaka-rakang iniwan ang mga lambat, sila ay sumunod sa kaniya.” Ganito naman ang mababasa natin tungkol kina Santiago at Juan: “Karaka-rakang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, sila ay sumunod sa kaniya.” Sinasabi pa ng ulat ni Lucas na kanilang “iniwan ang lahat ng bagay at sumunod sa kaniya.”—Mateo 4:18-22; Lucas 5:1-11.
11. Ano ang malamang na dahilan ng mabilis na pagtugon ng mga alagad sa paanyaya ni Jesus?
11 Ang mabilis na pagtugon ba ng mga alagad ay isang padalus-dalos na desisyon? Hindi! Bagaman binalikan nila ang negosyo ng pangingisda ng kanilang pamilya pagkatapos ng una nilang makita si Jesus, walang-alinlangang naikintal sa kanilang puso at isip ang bagay na nakita at narinig nila nang pagkakataong iyon. Ang paglipas ng halos isang taon ay malamang na nagbigay sa kanila ng maraming panahon upang bulay-bulayin ang gayong mga bagay. Ngayon ay panahon na upang magpasiya. Magiging katulad kaya sila ng naglalakbay na mangangalakal na ang puso ay labis na napasigla nang masumpungan niya ang walang-kasinghalagang perlas anupat, gaya ng paglalarawan ni Jesus, “umalis siya at dali-daling” ginawa ang kinakailangan upang mabili ang perlas na iyon? Oo. Napasigla ang kanilang puso sa nakita at narinig nila. Natanto nila na panahon na para kumilos. Kaya naman, gaya ng sinasabi sa atin ng ulat, walang pag-aatubili nilang isinakripisyo ang lahat ng bagay at naging mga tagasunod ni Jesus.
12, 13. (a) Paano tumugon ang marami sa mga nakarinig kay Jesus? (b) Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang tapat na mga alagad, at ano ang ipinahihiwatig ng kaniyang mga salita?
12 Ibang-iba nga ang mga tapat na ito sa ilang tao na binanggit nang dakong huli sa mga ulat ng Ebanghelyo! Marami ang pinagaling o pinakain ni Jesus ngunit basta na lamang sila nagpatuloy sa kani-kanilang sariling gawain. (Lucas 17:17, 18; Juan 6:26) Tumanggi pa nga ang ilan nang anyayahan sila ni Jesus na maging mga tagasunod niya. (Lucas 9:59-62) Sa kabaligtaran, nang maglaon ay sinabi ni Jesus tungkol sa mga tapat: “Mula noong mga araw ni Juan Bautista hanggang ngayon ang kaharian ng langit ang tunguhin na pinagpupunyagian ng mga tao, at sinusunggaban ito niyaong mga patuloy na nagpupunyagi.”—Mateo 11:12.
13 “Pinagpupunyagian” at “patuloy na nagpupunyagi”—ano ang ipinahihiwatig ng mga terminong ito? Ganito ang sinasabi ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words tungkol sa pandiwang Griego kung saan hinalaw ang mga terminong ito: “Ipinahihiwatig ng pandiwang ito ang puspusang pagsisikap.” At sinasabi ng iskolar sa Bibliya na si Heinrich Meyer hinggil sa talatang ito: “Inilalarawan sa ganitong paraan ang may-pananabik, di-mapigilang pagsisikap at pagpupunyagi ukol sa nalalapit na Mesiyanikong kaharian . . . Gayon na lamang ang pananabik at kasiglahan (hindi na basta nananahimik lamang at naghihintay) may kinalaman sa kaharian.” Katulad ng naglalakbay na mangangalakal, natanto agad ng ilang indibiduwal na ito kung ano ang talagang mahalaga, at kusa nilang isinakripisyo ang lahat ng taglay nila alang-alang sa Kaharian.—Mateo 19:27, 28; Filipos 3:8.
Sumama ang Iba sa Paghahanap
14. Paano inihanda ni Jesus ang mga apostol para sa gawaing pangangaral ng Kaharian, at ano ang naging resulta?
14 Habang nagpapatuloy si Jesus sa kaniyang ministeryo, sinanay at tinulungan niya ang iba na magpagal alang-alang sa Kaharian. Pumili muna siya ng 12 mula sa kaniyang mga alagad at itinalaga niya sila bilang mga apostol, o mga sugo niya. Binigyan sila ni Jesus ng detalyadong mga tagubilin kung paano nila isasagawa ang kanilang ministeryo at binabalaan sila hinggil sa mga hamon at mga kahirapang mapapaharap sa kanila. (Mateo 10:1-42; Lucas 6:12-16) Sa sumunod na mga dalawang taon, sinamahan nila si Jesus sa kaniyang mga paglalakbay sa buong lupain upang mangaral, anupat tinamasa nila ang isang matalik na kaugnayan sa kaniya. Narinig nila ang mga sinabi niya, nasaksihan nila ang kaniyang makapangyarihang mga gawa, at nakita nila ang personal na halimbawa niya. (Mateo 13:16, 17) Walang alinlangan na lubhang nakaantig sa kanila ang lahat ng ito, anupat gaya ng naglalakbay na mangangalakal, naging masigasig sila at buong-pusong nagtaguyod sa Kaharian.
15. Ano ang sinabi ni Jesus na tunay na dahilan na dapat ikagalak ng kaniyang mga tagasunod?
15 Bukod sa 12 apostol, si Jesus ay “nag-atas ng pitumpung iba pa at isinugo sila nang dala-dalawa sa unahan niya sa bawat lunsod at dako na kaniya mismong paroroonan.” Binanggit din niya sa kanila ang mga pagsubok at mga kahirapang mapapaharap sa kanila at tinagubilinan sila na sabihin sa mga tao: “Ang kaharian ng Diyos ay malapit na sa inyo.” (Lucas 10:1-12) Nang magbalik ang 70, lubha silang nagalak at nag-ulat nang ganito kay Jesus: “Panginoon, maging ang mga demonyo ay napasasakop sa amin sa pamamagitan ng paggamit ng iyong pangalan.” Ngunit marahil ay nasorpresa sila nang isiwalat ni Jesus na mas masidhing kagalakan pa ang mararanasan nila dahil sa kanilang sigasig alang-alang sa Kaharian. Sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong magsaya dahil dito, na ang mga espiritu ay napasasakop sa inyo, kundi magsaya kayo sapagkat ang inyong mga pangalan ay nakasulat na sa langit.”—Lucas 10:17, 20.
16, 17. (a) Ano ang sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol noong huling gabi na kasama niya sila? (b) Anong kagalakan at katiyakan ang idinulot ng mga salita ni Jesus sa mga apostol?
16 Sa wakas, noong huling gabi na kasama ni Jesus ang mga apostol, noong Nisan 14, 33 C.E., pinasinayaan niya ang okasyong nakilala bilang ang Hapunan ng Panginoon at inutusan niya sila na gunitain ang pangyayaring iyon. Noong gabing iyon, sinabi ni Jesus sa 11 na nanatili: “Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok; at nakikipagtipan ako sa inyo, kung paanong ang aking Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian, upang kayo ay makakain at makainom sa aking mesa sa kaharian ko, at makaupo sa mga trono upang humatol sa labindalawang tribo ng Israel.”—Lucas 22:19, 20, 28-30.
17 Tiyak na di-mailarawan ang kagalakan at kasiyahan ng mga apostol nang marinig nila ang mga salitang iyan ni Jesus! Ibinibigay sa kanila ang pinakamataas na karangalan at pribilehiyo na maaaring matamo ng isang tao. (Mateo 7:13, 14; 1 Pedro 2:9) Katulad ng naglalakbay na mangangalakal na iyon, marami silang isinakripisyo upang tularan si Jesus sa pagtataguyod ng Kaharian. Ngayon ay tiniyak sa kanila na hindi nawalan ng saysay ang mga pagsasakripisyo nila.
18. Sino pa bukod sa 11 apostol ang makikinabang sa Kaharian sa dakong huli?
18 Hindi lamang ang mga apostol na kasama ni Jesus noong gabing iyon ang makikinabang sa Kaharian. Kalooban ni Jehova na isang kabuuang bilang na 144,000 ang mailakip sa tipan ukol sa Kaharian bilang mga kasamang tagapamahala ni Jesu-Kristo sa maluwalhati at makalangit na Kaharian. Karagdagan pa, nakita ni apostol Juan sa pangitain ang “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, . . . na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, . . . na [nagsasabi]: ‘Ang kaligtasan ay utang namin sa ating Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.’ ” Ito ang makalupang mga sakop ng Kaharian.b—Apocalipsis 7:9, 10; 14:1, 4.
19, 20. (a) Anong pagkakataon ang bukás sa mga tao ng lahat ng mga bansa? (b) Anong tanong ang sasagutin sa susunod na artikulo?
19 Noong malapit nang umakyat sa langit si Jesus, iniutos niya sa kaniyang tapat na mga tagasunod: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20) Samakatuwid, ang mga tao mula sa lahat ng mga bansa ay magiging mga alagad ni Jesu-Kristo. Aasam-asamin din ng mga ito ang Kaharian—makalangit man o makalupa ang kanilang gantimpala—gaya ng ginawa ng naglalakbay na mangangalakal may kinalaman sa mainam na perlas.
20 Ipinahiwatig ng mga salita ni Jesus na magpapatuloy ang paggawa ng alagad hanggang sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Kaya sa ating panahon, mayroon pa kayang mga indibiduwal na gaya ng naglalakbay na mangangalakal, na handang isakripisyo ang lahat upang itaguyod ang Kaharian ng Diyos? Sasagutin ang tanong na ito sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Si Juan, ang anak ni Zebedeo, ay maaaring sumunod kay Jesus at nasaksihan niya ang ilang bagay na ginawa ni Jesus matapos ang kanilang unang pagkikita, sa gayon ay napakalinaw na naisulat ni Juan ang mga ito sa kaniyang ulat ng Ebanghelyo. (Juan, kabanata 2-5) Gayunpaman, binalikan pa rin niya ang negosyo ng pangingisda ng kaniyang pamilya sa loob ng ilang panahon bago siya inanyayahan ni Jesus.
b Para sa higit pang detalye, tingnan ang kabanata 10 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Ano ang pangunahing punto sa talinghaga hinggil sa naglalakbay na mangangalakal?
• Paano ipinakita ni Jesus na talagang mataas ang pagpapahalaga niya sa Kaharian?
• Ano ang dahilan ng agad na pagtugon nina Andres, Pedro, Juan, at ng iba pa nang anyayahan sila ni Jesus?
• Anong kamangha-manghang pagkakataon ang naghihintay sa mga tao ng lahat ng mga bansa?
[Larawan sa pahina 10]
‘Iniwan nila ang lahat ng bagay at sumunod kay Jesus’
[Larawan sa pahina 12]
Bago umakyat sa langit, iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad