Tanggihan ang Makasanlibutang mga Guniguni, Itaguyod ang mga Katunayan ng Kaharian
“Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”—MATEO 6:33.
1. Anong babala ang ibinibigay ng Salita ng Diyos tungkol sa makasagisag na puso, at ano ang isa sa mga pangunahing paraan na madadaya tayo nito?
“HIGIT sa lahat na dapat ingatan, pakaingatan ang inyong puso, sapagkat dinadaluyan ng buhay.” (Kawikaan 4:23) Bakit nga ba kinailangan na magbigay ng babalang ito ang pantas na si Haring Solomon? Sapagkat “ang puso ay higit na magdaraya kaysa ano pa man at mapanganib.” (Jeremias 17:9) Isa sa mga pangunahing paraan na madadaya tayo ng ating makasagisag na puso ay pagka tayo’y napadala sa makasanlibutang mga guniguni. Subalit ano ba ang mga guniguni? Ito ay di-makatotohanang mga bungang-isip, pangangarap nang gising, pagkahibang ng batugang isip. Pagka ang mga pangangarap na ito nang gising ay naging makasanlibutang mga guniguni, ito ay hindi lamang pag-aaksaya ng panahon kundi totoong nakapipinsala rin. Kaya naman, kailangang lubusang itakwil natin ito. Sa katunayan, kung tayo’y napopoot sa kasamaan gaya ni Jesus, ating pakaiingatan ang ating puso laban sa pagkahulog sa makasanlibutang mga guniguni.—Hebreo 1:8, 9.
2. Ano ang makasanlibutang mga guniguni, at bakit dapat nating tanggihan ang mga iyan?
2 Subalit ano nga ba ang makasanlibutang mga guniguni? Ito ay mga guniguning nakaugalian na ng sanlibutang ito na nakalugmok sa kapangyarihan ni Satanas. Tungkol dito, sumulat si apostol Juan: “Lahat ng nasa sanlibutan—ang pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan—ay hindi mula sa Ama, kundi mula sa sanlibutan.” (1 Juan 2:16; 5:19) Bakit dapat na tanggihan ng mga Kristiyano ang makasanlibutang mga guniguni? Sapagkat ang gayong mga guniguni ay pumupukaw ng mapag-imbot na mga hangarin sa isip at puso. Ang pangangarap nang gising tungkol sa paggawa ng masama ay sa katunayan maaaring isang pag-eensayo sa isip ng kung ano ang aktuwal na gagawin ng isang tao. Ang alagad na si Santiago ay nagbabala sa atin: “Ang bawat isa ay natutukso pagka nahihila at nahihikayat ng kaniyang sariling pita. Kung magkagayon, ang pita pagka naglihi na ay nanganganak ng kasalanan; ang kasalanan naman pagka naisagawa na ay nagbubunga ng kamatayan.”—Santiago 1:14, 15.
Babalang mga Halimbawa
3. Sino ang pangunahing babalang halimbawa ng pinsalang dulot ng mapag-imbot na mga guniguni?
3 Isaalang-alang natin ang mga halimbawang nagpapakita kung bakit ang makasanlibutang mga guniguni ay kailangang tanggihan. Si Satanas na Diyablo ang pangunahing halimbawa ng pinsala na maaaring ibunga ng pagpapadala sa mapag-imbot na mga guniguni. Kaniyang pinayagang ang damdamin ng pagpapaimportante sa sarili ay umusbong sa kaniyang puso hanggang sa sukdulan na siya’y mainggit sa pambihirang posisyon ni Jehova bilang ang Pansansinukob na Soberano at naghangad na siya’y sambahin. (Lucas 4:5-8) Isang di-makatotohanang guniguni ba? Tiyak na gayon nga! Iyan ay patutunayan nang walang bahagya mang pag-aalinlangan pagka si Satanas ay iginapos na sa loob ng isanlibong taon at lalo na pagka siya’y ibinulid sa “dagat-dagatang apoy,” ang ikalawang kamatayan.—Apocalipsis 20:1-3, 10.
4. Papaano dinaya ni Satanas si Eva?
4 Tayo’y may isa pang babalang halimbawa sa unang babae, si Eva. Sa pagsisikap ni Satanas na matupad ang kaniyang ambisyon, kaniyang dinaya si Eva sa pamamagitan ng pagpapasok sa kaniyang isip ng guniguni na kung siya’y kakain ng bunga ng ipinagbabawal na punungkahoy, siya’y hindi mamamatay kundi magiging kagaya ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama. Ang guniguni bang iyon ay di-makatotohanan, mapag-imbot? Gayon nga, gaya ng makikita natin buhat sa pagkasumpa ni Jehova kay Eva at sa kaniyang asawa, si Adan, nang sila’y nakaharap sa pormal na paglilitis ng hukuman. Bilang resulta, kanilang naiwala ang karapatan sa buhay sa Paraiso para sa kanilang sarili at para sa lahat ng kanilang di-sakdal na mga supling.—Genesis 3:1-19; Roma 5:12.
5. Ano ang nagpabagsak sa ibang mga anghel na anak ng Diyos, at ano ang naging resulta sa kanila?
5 Taglay rin natin ang babalang halimbawa ng ilang mga anghel na anak ng Diyos. (Genesis 6:1-4) Sa halip na masiyahan na sa mga pagpapalang kanilang tinatamasa sa makalangit na presensiya ni Jehova, kanilang ginuniguni ang tungkol sa mga babae sa lupa at kung gaano nakalulugod na makipagtalik sa kanila. Dahilan sa pinakilos sila ng mga guniguning ito, ang masuwaying mga anghel ay nakakulong ngayon sa espirituwal na kadiliman ng Tartaro, at naghihintay na sila’y lipulin sa katapusan ng Isanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo.—2 Pedro 2:4; Judas 6; Apocalipsis 20:10.
Tanggihan ang Makasanlibutang mga Guniguni
6, 7. Bakit ang makasanlibutang mga guniguni tungkol sa materyal na kayamanan ay nakapipinsala at magdaraya?
6 Isaalang-alang natin ngayon ang isa sa pinakakaraniwan at mapanganib na guniguni na itinaguyod ni Satanas. Sa pamamagitan ng bawat anyo ng media, tayo’y natutukso na padala sa makasanlibutang mga guniguni. Ito kadalasan ay likha ng paghahangad ng kayamanan. Sa ganang sarili, wala namang masama sa pagkakaroon ng kayamanan. Ang maka-Diyos na si Abraham, si Job at si Haring David ay napakayayaman, ngunit sila’y hindi naghangad ng materyal na kayamanan. Ang materyalistikong mga guniguni ang gumaganyak sa mga tao na puspusang magtrabaho sa loob ng maraming taon upang makapagkamal ng kayamanan. Ang ganiyang mga guniguni ay nag-uudyok din sa kanila na padala sa lahat ng uri ng pagsusugal, tulad halimbawa ng pagtaya sa karera ng kabayo at pagbili ng mga tiket sa loterya. Huwag tayong magkaroon ng anumang mga maling guniguni tungkol sa kayamanan. Kung iniisip natin na ang materyal na kayamanan ay nagbibigay ng kasiguruhan, isaalang-alang ang makatotohanang kawikaang ito: “Ang kayamanan ay hindi pakikinabangan sa kaarawan ng mabangis na galit, ngunit ang katuwiran ang magliligtas buhat sa kamatayan.” (Kawikaan 11:4) Oo, ang materyal na kayamanan ay walang magagawa upang magligtas sa isang tao sa “malaking kapighatian.”—Mateo 24:21; Apocalipsis 7:9, 14.
7 Ang materyal na kayamanan ay madaling makadadaya sa atin. Iyan ang dahilan kung bakit sa atin ay sinasabi: “Ang yaman ng taong mayaman ay ang kaniyang matibay na bayan, at gaya ng isang matibay na kuta sa kaniyang guniguni.” (Kawikaan 18:11) Oo, doon lamang “sa kaniyang guniguni,” sapagkat ang materyal na kayamanan ay walang gaanong naibibigay na proteksiyon kung panahon ng di-makontrol na implasyon, pagguho ng kabuhayan, pulitikal na kaguluhan, o sakit na may taning na. Nagbabala si Jesu-Kristo laban sa kawalang-saysay ng paglalagak ng ating tiwala sa materyal na kayamanan. (Lucas 12:13-21) Taglay rin natin ang babalang mga pananalita ni apostol Pablo: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan, at sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito ang iba ay naihiwalay sa pananampalataya at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.”—1 Timoteo 6:10.
8. Gaano kalaganap ang makasanlibutang mga guniguni kung tungkol sa sekso, at anong mga panganib ang dulot nito?
8 Ang ibang mga guniguni ay may kinalaman sa bawal na pakikipagtalik. Ang lawak ng hilig ng makasalanang kalikasan ng tao na magtutok ng isip sa seksuwal na mga guniguni ay makikita sa pagkapopular ng nakapandidiring mga pangungusap na maririnig kung magda-dial ng ilang mga numero ng telepono at makikinig sa napakahahalay na mga mensahe. Sa Estados Unidos, ang dial-a-porn ay isang multibilyong-dolyar na negosyo. Kung papayagan natin na laging isaisip ang bawal na pakikipagtalik hindi ba tayo magiging mga mapagpaimbabaw, na nagkukunwari lamang na malilinis na Kristiyano? At hindi ba nariyan ang panganib na ang ganiyang mga guniguni ay maaaring humantong sa imoral na pagtatalik? Ito’y nangyari at ang resulta’y natiwalag ang iba buhat sa kongregasyong Kristiyano dahil sa kasalanang pakikiapid o pangangalunya. Sa liwanag ng mga salita ni Jesus sa Mateo 5:27, 28, hindi ba lahat ng nagpapatuloy na padala sa ganiyang mga guniguni ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanilang mga puso?
9. Anong maiinam na payo ang taglay ng Kasulatan upang magbigay sa atin ng babala laban sa makasanlibutang mga guniguni?
9 Upang malabanan ang hilig ng ating makasalanang mga puso na padala sa gayong mga guniguni, kailangang isaisip natin ang babala ni Pablo: “Walang nilalang na hindi nahahayag sa paningin [ng Diyos], kundi lahat ng bagay ay hubad at nakalantad sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.” (Hebreo 4:13) Sa lahat ng panahon ibig nating tumulad kay Moises, na “nagpatuloy na matatag tulad sa nakakakita sa Isang di-nakikita.” (Hebreo 11:27) Oo, patuloy na sabihin natin sa ating mga sarili na ang makasanlibutang mga guniguni ay hindi nakalulugod kay Jehova at walang idudulot kundi kapinsalan sa ating sarili. Tayo’y kailangang maging abala tungkol sa pagpapaunlad ng lahat ng bunga ng espiritu ng Diyos, lalo na ang pagpipigil sa sarili, sapagkat hindi natin maiiwasan ang bagay na kung tayo’y naghahasik sa laman, tayo’y aani ng kabulukan buhat sa laman.—Galacia 5:22, 23; 6:7, 8.
Ang mga Katunayan ng Kaharian
10, 11. (a) Anong mga katotohanan ang nangangatuwiran tungkol sa pagiging tunay ng Maylikha? (b) Ano ang patotoo na ang Bibliya sa katunayan ay Salita ng Diyos? (c) Anong katibayan mayroon kung tungkol sa pagiging tunay ng Hari ng Kaharian ng Diyos?
10 Ang pinakamagaling na paraan upang tanggihan ang makasanlibutang guniguni ay ang itaguyod ang mga katunayan ng Kaharian. Ang mga katunayan ng Kaharian na nanggagaling sa Diyos ay tuwirang kabaligtaran ng makasanlibutang mga guniguni. Ang Diyos ba ay isang katunayan? Walang mapag-aalinlanganan kung tungkol sa kaniyang pag-iral. Ang nakikitang paglalang ang nagpapatotoo sa katotohanang iyan. (Roma 1:20) Sa atin ay ipinagugunita ang sinabi mahigit na isandaang taon na ang lumipas sa aklat na The Divine Plan of the Ages, lathala ng Watch Tower Society. Sinabi niyaon: “Siya na nakatatanaw sa langit sa pamamagitan ng isang teleskopyo, o kahit na sa pamamagitan ng kaniyang natural na mata lamang, at nakikita roon ang pagkamalawak ng paglalang, magandang pagkakaayos nito, kagandahan, kaayusan, pagkakasuwato at pagkakaiba-iba, gayunman ay nag-aalinlangan na ang Maylikha nito ang lubhang nakahihigit sa kaniya kapuwa sa karunungan at kapangyarihan, o sino ang makapag-aakala sa isang saglit na ang ganiyang kaayusan ay lumitaw sa pamamagitan ng di-sinasadyang pagkakataon, na walang Maylikha, sa ganiyang lawak ay nawalan o ipinagwalang-bahala ang kakayahang mangatuwiran anupat tumpak na maituturing na ang tawag sa kaniya ng Bibliya ay, isang mangmang (isa na nagwawalang-bahala o kulang sa katuwiran).”—Awit 14:1.
11 Sa Banal na Bibliya natututuhan natin ang lahat tungkol sa Kaharian. Ang Bibliya ba sa katunayan ang nasusulat na Salita ng Diyos? Tiyak na gayon nga, gaya ng makikita buhat sa taglay nitong pagkakasuwato, sa siyentipikong kawastuan nito, at sa bisa nito na baguhin ang buhay ng mga tao at lalo na sa katuparan ng mga hulaa nito. Kumusta naman ang Hari ng Kaharian ng Diyos, si Jesu-Kristo? Siya ba’y talagang umiral? Ang mga ulat ng Ebanghelyo at ang kinasihan ng Diyos na mga liham ng Kasulatang Griegong Kristiyano ay walang pasubali at buong inam na nagpapatotoo sa pagiging tunay ng kasaysayan ni Jesu-Kristo. Tungkol sa pagkamakasaysayan ni Jesus, nariyan din ang patotoo ng Judiong Talmud, na tumutukoy sa kaniya bilang isang persona. Gayundin yaong mga historyador na Judio at Romano noong unang siglo C.E.
12, 13. Anong mga katotohanan ang nagpapatotoo sa pagiging tunay ng Kaharian ng Diyos?
12 Kumusta naman ang pagiging tunay ng Kaharian mismo? Ang kalakhang bahagi nito ay ipinagwawalang-bahala ng Sangkakristiyanuhan, gaya ng ipinakikita ng reklamong ito ng isang prominenteng Presbiteryano: “Tunay na mahigit na tatlumpung taon na buhat nang ako’y makinig sa isang ministro sa pagtatangka na ipaliwanag sa kaniyang mga tauhan ang pagiging tunay ng Kaharian para sa kanila.” Gayunman, ang pagbanal sa pangalan ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng Kaharian ang tema ng kaniyang Salita. Ang Diyos mismo ang gumawa ng unang pangako sa Kaharian, na ang sabi: “Pag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Kaniyang susugatan ka sa ulo at iyong susugatan siya sa sakong.” (Genesis 3:15) Ang Kaharian ay inilarawan ng bansang Israel, lalo na sa panahon ng paghahari ni Haring Solomon. (Awit 72) Isa pa, ang Kaharian ang tema ng pangangaral ni Jesus. (Mateo 4:17) Kaniyang ginamit ito sa marami sa kaniyang mga ilustrasyon, tulad halimbawa niyaong nasa Mateo kabanata 13. Sinabi sa atin ni Jesus na hingin sa panalangin ang Kaharian at patuloy na ito muna ang hanapin. (Mateo 6:9, 10, 33) Sa katunayan, ang Kaharian ng Diyos ay binabanggit nang halos 150 beses sa Kasulatang Griegong Kristiyano.
13 Ang Kaharian ay isang tunay na pamahalaan, na may kapangyarihan at autoridad, at tutuparin nito ang lahat ng makatuwirang maaasahan. Ito’y may mga batas, masusumpungan sa Bibliya. Maraming mga bagay ang tinupad na ng Kaharian. Ito’y may tapat na mga sakop—mahigit na 4,000,000 Saksi ni Jehova. Sa 211 bansa sila’y nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos bilang katuparan ng Mateo 24:14. Noong kanilang 1991 taunang paglilingkod, sila’y gumugol ng 951,870,021 oras sa pangangaral ng balita ng Kaharian. Ang gawaing ito ay nagbubunga ng nakikita, walang-hanggang mga resulta habang natututo ng “dalisay na wika” ng katotohanan ng Bibliya ang karamihan ng mga tao.—Zefanias 3:9.
Pagtataguyod ng mga Katunayan ng Kaharian
14. Papaano natin mapatitibay ang ating pagpapahalaga sa katunayan ng Kaharian?
14 Kung gayon, papaano natin maitataguyod ang mga katunayan ng Kaharian? Ang ating pag-asa ay kailangang matatag na nakasalig sa matibay na paniniwala. Ang ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos ay kailangang maging tunay sa atin. (2 Pedro 3:13) At tayo’y kailangang may pananampalataya sa pangako na “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha buhat sa [ating] mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man.” (Apocalipsis 21:4) Papaano natin matitiyak na ito ay hindi guniguni? Ito’y tiyak na matutupad sa takdang panahon ng Diyos, sapagkat imposible na siya’y magsinungaling. (Tito 1:1, 2; Hebreo 6:18) Tayo’y kailangang magbulay-bulay sa mga pangakong iyan. Ang pagsasalarawan na tayo’y nasa bagong sanlibutan ng Diyos at nagtatamasa ng kaniyang mga pagpapala ay hindi isang di-makatotohanang mga guniguni kundi nagbibigay ng katunayan ng pananampalataya. Gaya ng pangangahulugan dito ni Pablo, “ang pananampalataya ang tiyak na pag-asa sa mga bagay na hinihintay, ang malinaw na katunayan ng mga totohanang bagay bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Palakasin natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng palagiang pagkuha ng pagkain sa Salita ng Diyos at mga publikasyong Kristiyano na tumutulong sa atin na maunawaan at maikapit iyon. At mientras maraming panahon tayong ginugugol sa pagsasabi sa iba ng tungkol sa Kaharian, sa pormal at impormal na paraan man, lalo nating pinalalakas ang ating pananampalataya at pinagniningning ang ating pag-asa roon.
15. Ano ang ating obligasyon kung tungkol sa ministeryong Kristiyano?
15 Tayo’y kailangan ding gumawa na kasuwato ng mga katunayan ng Kaharian sa pamamagitan ng higit pang pagpapabuti sa uri ng ating ministeryo. Yamang marami pang kailangang gawin, papaano natin magagawa ito? (Mateo 9:37, 38) Totoo naman ang kasabihan na ang isa’y hindi pa napakatanda upang matuto. Gaano mang karaming mga taon na tayo’y nakikibahagi na sa gawaing pagpapatotoo, mapahuhusay pa natin ang ating sarili. Sa pamamagitan ng pagiging higit na epektibo sa paggamit ng Salita ng Diyos, tayo’y lalong makatutulong sa iba upang makinig sa tinig ng Hari, si Jesu-Kristo. (Ihambing ang Juan 10:16.) Kung ating isasaalang-alang na ang walang-hanggang katutunguhan ng mga tao ay kasangkot, nanaisin natin na magawa nang lubus-lubusan ang ating teritoryo upang mabigyan sila ng paulit-ulit na pagkakataon na ipakilala kung saan sila nakapanig, alinman sa “mga tupa” o sa “mga kambing.” (Mateo 25:31-46) Mangyari pa, iyan ay nangangahulugan ng patuloy na pag-iingat ng mga rekord ng mga wala sa tahanan at lalo na niyaong mga interesado sa mensahe ng Kaharian.
Patuloy na Itaguyod ang Kaharian
16. Sino ang nagpakita ng mainam na halimbawa sa pagtataguyod ng mga katunayan ng Kaharian, at papaano nila “inaagaw” ang Kaharian?
16 Masigasig na pagsisikap ang kailangan upang patuloy na maitaguyod ang mga katunayan ng Kaharian. Hindi ba tayo napatitibay-loob ng masigasig na halimbawa ng natitira pang pinahirang mga Kristiyano? Kanila nang itinataguyod ang mga katunayan ng Kaharian sa loob ng napakarami nang mga taon. Ang ganitong pagtataguyod ay inilarawan sa pananalita ni Jesus: “Mula noong kaarawan ni Juan Bautista hanggang ngayon ang Kaharian ng langit ang tunguhing pinagsusumikapang marating ng mga tao, at inaagaw iyon niyaong mga nagsusumikap.” (Mateo 11:12) Dito ang diwa ay hindi yaong pag-agaw ng mga kaaway sa Kaharian. Bagkus ito’y tumutukoy sa gawain ng mga nakahanay para sa Kaharian. Sinabi ng isang iskolar ng Bibliya: “Sa ganitong paraan ay inilalarawan ang sabik, di-mahahadlangang pagsisikap at pagpupunyagi na makamit ang dumarating na Mesiyanikong kaharian.” Ang mga pinahiran ay walang inaksayang lakas upang makamit ang Kaharian. Nakakatulad din na mga pagsisikap ang kinakailangan para sa “mga ibang tupa” upang sila’y makaabot sa kahilingan bilang makalupang mga sakop ng makalangit na Kaharian ng Diyos.—Juan 10:16.
17. Ano ang kahihinatnan ng mga nagtataguyod ng makasanlibutang mga guniguni?
17 Tunay, tayo ay nabubuhay sa isang natatanging panahon ng pagkakataon. Yaong mga nagtataguyod ng makasanlibutang mga guniguni ay magigising balang araw sa mapait na katotohanan. Ang kanilang kahihinatnan ay mainam ang pagkalarawan sa ganitong mga pananalita: “Mangyayari na gaya ng kung nananaginip ang isang nagugutom at narito siya’y kumakain, at siya’y aktuwal na nagising at ang kaniyang kaluluwa ay gutom; at gaya kung ang isang uhaw ay nananaginip at narito siya’y umiinom, at siya’y aktuwal na nagising at narito siya’y hapo at ang kaniyang kaluluwa ay uhaw.” (Isaias 29:8) Tunay, ang mga guniguni ng sanlibutan ay hindi makapagbibigay kaninuman ng kasiyahan at kaligayahan.
18. Sa liwanag ng katunayan ng Kaharian, anong hakbang ang dapat nating itaguyod, taglay ang anong hinihintay na pag-asa?
18 Ang Kaharian ni Jehova ay isang katunayan. Ito ay masiglang naghahari, samantalang ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay ay nakaharap sa napipinto, walang-hanggang pagkapuksa. Kaya nga, isapuso ang payo ni Pablo: “Huwag nga tayong mangatulog na gaya ng iba, kundi tayo’y manatiling gising at laging handa.” (1 Tesalonica 5:6) Harinawang ang ating mga puso at mga isip ay maitutok sa mga katunayan ng Kaharian at sa gayo’y tamasahin ang walang-hanggang mga pagpapala. At harinawang tayo’y pagpalain na marinig ang Hari ng Kahariang iyon na nagsasabi sa atin: “Halikayo, kayong pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo buhat sa pagkatatag ng sanlibutan.”—Mateo 25:34.
[Talababa]
a Tingnan ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ba ang makasanlibutang mga guniguni, at bakit dapat nating tanggihan ang mga ito?
◻ Anong mga halimbawa ang nagpapakita na walang kabuluhan ang mapalulong sa makasanlibutang mga guniguni?
◻ Anong mga katotohanan ang nagpapatotoo sa pagiging tunay ng Maylikha, ng kaniyang nasusulat na Salita, ni Jesu-Kristo, at ng Kaharian?
◻ Papaano natin mapatitibay ang ating pananampalataya sa mga katunayan ng Kaharian?
[Larawan sa pahina 15]
Kalimitan ang sanhi ng makasanlibutang mga guniguni ay ang paghahangad ng materyal na mga kayamanan
[Larawan sa pahina 16]
Ang pangangaral ng mabuting balita ay isang paraan ng pagtataguyod ng mga katunayan ng Kaharian
[Larawan sa pahina 17]
Ikaw ba ay nagtataguyod ng mga katunayan ng Kaharian sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral ng Salita ng Diyos?