KABANATA 39
Kaawa-awa at Manhid na Henerasyon
MGA LUNSOD NA BINATIKOS NI JESUS
NAG-ALOK SIYA NG TULONG AT KAGINHAWAHAN
Mataas ang tingin ni Jesus kay Juan Bautista, pero ano ang tingin ng karamihan kay Juan? “Ang henerasyong ito,” ang sabi ni Jesus, ay “tulad . . . ng mga bata na nakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa mga kalaro nila: ‘Tinugtugan namin kayo ng plawta, pero hindi kayo sumayaw; umiyak kami, pero hindi kayo nagdalamhati.’”—Mateo 11:16, 17.
Ano ang ibig sabihin ni Jesus? Ipinaliwanag niya: “Si Juan ay hindi kumakain o umiinom, pero sinasabi ng mga tao, ‘Siya ay may demonyo.’ Ang Anak ng tao ay kumakain at umiinom, pero sinasabi ng mga tao, ‘Matakaw ang taong ito at mahilig uminom ng alak; kaibigan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan.’” (Mateo 11:18, 19) Namuhay nang simple si Juan bilang Nazareo, at hindi uminom ng alak, pero sinasabi ng henerasyong ito na may-sa-demonyo siya. (Bilang 6:2, 3; Lucas 1:15) Si Jesus naman ay namumuhay na gaya ng ibang tao. Kumakain siya at umiinom nang katamtaman, pero inakusahan siyang matakaw at mahilig uminom. Parang imposibleng pakibagayan ang mga tao.
Itinulad ni Jesus ang henerasyong ito sa mga bata sa pamilihan na ayaw makisayaw sa tugtog ng plawta o makiramay sa pagdadalamhati ng iba. Sinabi ni Jesus: “Ang karunungan ay makikita sa gawa.” (Mateo 11:16, 19) Oo, ang mga “gawa” ni Juan at ni Jesus ay nagpapatunay na mali ang mga akusasyon laban sa kanila.
Matapos ilarawan ang manhid na henerasyon, binatikos ni Jesus ang lunsod ng Corazin, Betsaida, at Capernaum, mga lugar kung saan siya gumawa ng mga himala. Sinabi ni Jesus na kung sa Tiro at Sidon niya ginawa ang mga himalang iyon, malamang na nagsisi pa ang mga lunsod na ito. Binanggit din niya ang Capernaum, na naging tirahan niya nang ilang panahon. At kahit doon, hindi tumugon ang karamihan. Sinabi ni Jesus tungkol sa Capernaum: “Mas magaan pa ang magiging parusa sa lupain ng Sodoma sa Araw ng Paghuhukom kaysa sa iyo.”—Mateo 11:24.
Pagkatapos, pinuri ni Jesus ang kaniyang Ama, na hindi nagsiwalat ng espirituwal na mga katotohanan “sa marurunong at matatalino,” kundi sa mga mapagpakumbabang gaya ng mga bata. (Mateo 11:25) Inanyayahan niya ang gayong mga tao: “Lumapit kayo sa akin, lahat kayo na pagod at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang pamatok ko at matuto kayo sa akin, dahil ako ay mahinahon at mapagpakumbaba, at magiginhawahan kayo. Dahil ang pamatok ko ay madaling dalhin, at ang pasan ko ay magaan.”—Mateo 11:28-30.
Anong kaginhawahan ang inialok ni Jesus? Ang mga tao ay inalipin ng mga tradisyong ipinatutupad ng mga lider ng relihiyon, gaya ng napakahigpit na mga tuntunin kapag Sabbath. Pero pinaginhawa sila ni Jesus nang magturo siya ng katotohanan, na walang anumang bahid ng mga tradisyong iyon. Ipinakita rin niya kung paano magiginhawahan ang mga inaabuso ng pamahalaan at ang mga kinokonsensiya ng sariling kasalanan. Oo, isiniwalat ni Jesus kung paano mapapatawad ang kanilang mga kasalanan at kung paano mapapalapít sa Diyos.
Lahat ng tumatanggap sa pamatok ni Jesus ay makapag-aalay ng kanilang sarili sa Diyos at makapaglilingkod sa ating mahabagin at maawaing Ama sa langit. Hindi ito mahirap gawin dahil ang mga kahilingan ng Diyos ay hindi pabigat.—1 Juan 5:3.