Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Ang mga salita ba ni Jesus sa Mateo 11:24 ay nangangahulugan na yaong pinuksa ni Jehova sa apoy sa Sodoma at Gomora ay bubuhaying-muli?
Sa maingat na pagtugon sa tanong na ito sa loob ng lumipas na mga taon, aming tinalakay ang mga salita ni Jesus sa Mateo 10:14, 15; 11:20-24; at Lucas 10:13-15. Ang kamakailang pagrerepaso nito ay nagpapahiwatig na ang mga talatang ito ay hindi kinakailangang tanggapin bilang mga pangungusap tungkol sa hinaharap para sa mga tao ng Sodoma/Gomora. Bago natin suriin ang mga iba pang komento ng Bibliya tungkol sa mga taong pinuksa sa mga lunsod na iyon, ating isaalang-alang ang sinabi ni Jesus.
Samantalang nasa Galilea, “sinumbatan [ni Jesus] ang mga siyudad na ginawan niya ng karamihan ng kaniyang makapangyarihang mga gawa, dahil sa sila’y hindi nagsisi. Tatlo ang binanggit niya: “Sa aba mo, Chorazin! Sa aba mo, Bethsaida! sapagkat kung sa Tiro at sa Sidon sana ginawa ang makapangyarihang mga gawa na ginawa sa inyo, sila’y malaon na sanang nangagsisi . . . Matitiis pa nga ang Tiro at ang Sidon sa Araw ng Paghuhukom kaysa iyo. At ikaw, Capernaum, nagpapakataas ka baga hanggang sa langit? Sa Hades ka ibababa; sapagkat kung sa Sodoma sana ginawa ang makapangyarihang mga gawa na sa iyo ginawa, disin sana’y nanatili iyon hanggang sa mismong araw na ito. . . . Higit na mapagtitiisan pa ang lupain ng Sodoma sa Araw ng Paghuhukom kaysa iyo.” (Mateo 11:20-24) Si Jesus ay bumigkas ng nahahawig na mga pangungusap nang suguin ang 12 mga alagad upang mangaral, at nang maglaon ang 70.—Mateo 10:14, 15; Lucas 10:13-15.
Bago ng 1964, ang unawa namin sa mga talatang ito ay na ang mga tao sa Chorazin, Bethsaida, at Capernaum ay karapat-dapat sa walang-hanggang pagkapuksa. Gayunman, ang mga artikulo sa Bantayan noong 1964 at 1965 ay nagbigay linaw na lahat ng nasa Hades, o Sheol, (ang pangkalahatang libingan ng sangkatauhan) ay babangon sa pagkabuhay-muli at pagkatapos ay ‘hahatulan ayon sa kani-kanilang mga gawa.’—Apocalipsis 20:13.
Ang mga artikulong iyon ay nangatuwiran din: Ang Mateo 11:23 at Lucas 10:15 ay nagsasabi na ang Capernaum ay hindi itataas hanggang sa langit kundi “ibababa sa Hades,” na, sa paano man, nagpapahiwatig ng pagkababa para sa mga tao ng lunsod na iyan. Sa talata ring ito, binanggit ni Jesus ang sinaunang Tiro at Sidon. Sang-ayon sa Ezekiel 32:21, 30, ang mga tao sa Sidon, na hinatulan ng Diyos, ay tumungo sa Sheol. (Isaias 23:1-9, 14-18; Ezekiel 27:2-8) Yamang ang Tiro/Sidon ay inihanay ni Jesus sa Sodoma, nakikita niya na ang mga tao sa Sodoma ay nasa Sheol din.
Datapuwat, muling sinuri ang Mateo 11:20-24, at, bumangon ang katanungan kung ang tinatalakay rito ni Jesus ay walang-hanggang paghatol at pagkabuhay-muli. Ang punto niya ay kung gaano ang kawalang-pagtugon ng mga tao sa Chorazin, Bethsaida, at Capernaum, at sa gayo’y kung gaano kaangkop na sila man ay tumanggap ng parusa. Sa pagsasabing “higit na mapagtitiisan pa” ang Tiro/Sidon at Sodoma/Gomora “sa Araw ng Paghuhukom” ang gayon ay isang uri ng hyperbole (kalabisang pangungusap upang idiin ang isang punto) na hindi layunin ni Jesus na gawing literal ang pagkaunawa, gaya rin ng mga ibang malilinaw na hyperbole na kaniyang ginamit. Halimbawa:
“Madali pa para sa langit at lupa na maparam kaysa isang kudlit ng isang titik ng Kautusan ay hindi matupad.” “Ang langit at ang lupa ay mapaparam, ngunit ang aking mga salita sa anumang paraan ay hindi mapaparam.” (Lucas 16:17; 21:33; Mateo 5:18; ihambing ang Hebreo 1:10-12.) Batid natin na ang literal na mga langit at lupa ay hindi kailanman mapaparam. (Awit 78:69; 104:5; Eclesiastes 1:4) Sinabi rin ni Jesus: “Madali pa para sa isang kamelyo na dumaan sa butas ng isang karayom kaysa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” (Marcos 10:25) Tiyak naman, hindi ibig sabihin ni Jesus na walang taong mayaman ang maaaring maging isang alagad; ang ilan noong unang siglo ay naging pinahirang mga Kristiyano. (1 Timoteo 6:17-19) Ang paggamit ni Jesus ng labis na paghahambing ay upang idiin kung gaano kahirap para sa isang taong mayaman na unahin ang Diyos kaysa materyal na kayamanan at kaginhawahan.—Lucas 12:15-21.
Samakatuwid, nang sabihin ni Jesus na ‘higit na mapagtitiisan pa sa Araw ng Paghuhukom ang Tiro o Sodoma’ hindi kailangang mangahulugan ito na ang mga taong iyon ay naroroon sa Araw ng Paghuhukom. Maaaring idiniriin lamang niya kung gaano ang kawalan ng pagtugon at pagsisisi ng karamihan ng mga nasa Chorazin, Bethsaida, at Capernaum. Sinasabi namin na karamihan sapagkat mayroon ding ilan sa Capernaum na tumanggap kay Kristo. (Marcos 1:29-31; Lucas 4:38, 39) Datapuwat, sa kalakhang bahagi ay tinanggihan siya ng mga lunsod na iyon. Ang ilan sa kanilang mga mamamayan, tulad halimbawa ng mga eskriba at ng mga Fariseo, ay maaaring nagkasala pa nga laban sa banal na espiritu, na hindi pinatatawad sa ‘sistema ng mga bagay na darating.’ Ang gayong mga tao ay sa Gehena napapapunta.—Mateo 12:31, 32; 23:33.
Bukod sa mga salita ni Jesus sa puntong iyan, ang Ezekiel 32:21, 30 ay nagsasabi sa atin na ang mga pagano sa sinaunang Tiro/Sidon ay nasa Sheol; samakatuwid sila ay nakahanay para sa isang pagkabuhay-muli. Kumusta naman ang tungkol sa mga tao sa “lupain ng Sodoma sa Araw ng Paghuhukom”? Ang bagay na pinaghanay ni Jesus ang Sidon at Sodoma ay hindi nagpapakita ng mga mangyayari sa hinaharap sa mga balakyot na pinuksa ng Diyos sa asupre at apoy. Ngunit tingnan natin kung ano pa ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa tanong.
Isa sa pinakamaliwanag na komento ay nasa Judas 7. Kababanggit lamang ni Judas ang (1) mga Israelita na pinuksa dahil sa kawalan ng pananampalataya, at (2) mga anghel na nagkasala at ‘inilaan sa walang-hanggang pagkagapos ukol sa paghuhukom sa dakilang araw.’ Pagkatapos ay sumulat si Judas: “Ang Sodoma rin naman at Gomora . . . ay inilagay sa harap natin bilang isang babalang halimbawa na dumaranas ng inihatol na parusa sa walang-hanggang apoy.” Ang tekstong ito ay ikinapit sa aktuwal na mga lunsod na pinuksang walang-hanggan, hindi sa mga tao. Gayunman, dahil sa Judas 5 at 6, malamang na karamihan ng tao ay magpapakahulugan sa Judas talatang 7 na ito’y isang inihatol na parusa sa mga tao. (Sa katulad na paraan, ang Mateo 11:20-24 ay uunawain bilang pumipintas sa mga tao, hindi sa mga bato o sa mga gusali.) Sa ganitong liwanag, ang Judas 7 ay mangangahulugan na ang mga taong balakyot sa Sodoma/Gomora ay hinatulan at pinuksa nang walang-hanggan.a
Sa mga ibang lugar, makikita natin na kapuna-puna na hindi lamang miminsan na pinag-uugnay ng Bibliya ang Baha at ang Sodoma/Gomora. Sa anong konteksto?
Nang tanungin tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” inihula ni Jesus ang dumarating na “wakas” at isang “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari sapol ng pasimula ng sanlibutan.” (Mateo 24:3, 14, 21) Kaniyang binanggit “ang mga araw ni Noe” at ang “naganap noong kaarawan ni Lot” bilang halimbawa ng mga tao na hindi nagbigay-pansin sa babala tungkol sa napipintong pagkapuksa. Isinusog pa ni Jesus: “Ganiyan din ang mangyayari sa araw na mahayag ang Anak ng tao.” (Lucas 17:26-30; ihambing ang Mateo 24:36-39.) Ang ipinaghahalimbawa ba lamang ni Jesus ay isang saloobin, o ang konteksto baga na kung saan ginamit niya ang mga halimbawang ito ay nagpapahiwatig na walang-hanggang kahatulan ang tinutukoy?
Nang maglaon, si Pedro ay sumulat tungkol sa mga kahatulan ng Diyos at sa Kaniyang pagpaparusa sa mga karapat-dapat na parusahan. Pagkatapos ay gumamit si Pedro ng tatlong halimbawa: Ang mga anghel na nagkasala, ang sinaunang sanlibutan noong panahon ni Noe, at yaong mga pinuksa sa Sodoma/Gomora. Ang huling ito, ani ni Pedro, ‘ang halimbawa ng mga bagay na darating para sa mga taong masasama.’ (2 Pedro 2:4-9) Pagkatapos nito, ang pagkapuksa ng mga tao sa Delubyo ay inihambing niya sa napipintong “araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong masasama.” Ito ay nauuna sa ipinangakong mga bagong langit at bagong lupa.—2 Pedro 3:5-13.
Gayundin naman, sa katapusan ng kasalukuyang balakyot na sistema, yaon bang mga pinupuksa ng Diyos ay nagkaroon na ng katapusang hatol? Iyan nga ang ipinakikita ng 2 Tesalonica 1:6-9: “Matuwid ang Diyos na bayaran ng kapighatian yaong mga lumilikha ng kapighatian para sa inyo, ngunit, para sa inyo na mga nagtiis ng kapighatian, ay ginhawa na kasama namin sa pagkahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa nagliliyab na apoy, samantalang pinasasapit niya ang paghihiganti sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga ayaw sumunod sa mabuting balita hinggil sa ating Panginoong Jesus. Ang mga ito nga ang magdaranas ng hatol na parusa na walang-hanggang pagkapuksa mula sa Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang lakas.”
May kapuna-punang pagkakahawig ang mga pariralang ginamit sa paglalarawang ito at sa binanggit ni Judas na naganap sa Sodoma. Isa pa, sa Mateo 25:31-46 at Apocalipsis 19:11-21 ay makikitang “ang mga kambing” na nilipol sa dumarating na digmaan ng Diyos ay daranas ng “walang-hanggang pagkalipol” sa “dagat-dagatang apoy,” na sumasagisag sa walang-hanggang pagkapuksa.b—Apocalipsis 20:10, 14.
Kung gayon, bukod sa sinasabi ng Judas 7, ginagamit ng Bibliya ang Sodoma/Gomora at ang Baha bilang mga halimbawa para sa wakas ng pupuksaing kasalukuyang balakyot na sistema. Maliwanag, kung gayon, na yaong mga pinuksa ng Diyos sa mga nakalipas na paghuhukom na iyon ay dumanas ng walang-hanggang pagkalipol. Siempre pa, iyan ay mapatutunayan ng bawat isa sa atin sa pamamagitan ng kaniyang pagiging tapat kay Jehova ngayon. Ganiyan tayo maaaring maging buháy sa bagong sanlibutan upang makita kung sinu-sino ang kaniyang bubuhaying-muli at kung sino ang hindi. Alam natin na ang kaniyang mga kahatulan ay sakdal. Tinitiyak iyan sa atin ni Elihu: “Ang totoo, ang Diyos ay hindi gumagawa ng masama, at ang Makapangyarihan-sa-lahat ay hindi humahatol nang liko.”—Job 34:10, 12.
[Mga talababa]
a Sa Ezekiel 16:53-55, ang “Sodoma at ang kaniyang mga anak na babae” ay binabanggit, hindi may kaugnayan sa pagkabuhay-muli, kundi makasagisag may kaugnayan sa Jerusalem at sa kaniyang mga anak na babae. (Ihambing ang Apocalipsis 11:8.) Tingnan din ang The Watchtower, Hunyo 1, 1952, pahina 337.
b Ihambing ang “Mga Tanong Mula sa Mambabasa” sa Ang Bantayan ng Pebrero 1, 1980.