BAUTISMO
Ang Griegong baʹpti·sma ay tumutukoy sa proseso ng paglulubog, kasama na ang pagsasailalim sa tubig at ang pag-aahon; halaw ito sa pandiwang baʹpto, nangangahulugang “isawsaw.” (Ju 13:26) Sa Bibliya, ang “bautismuhan” ay singkahulugan ng “ilubog.” Bilang halimbawa, ganito ang pagkakasalin ng The Holy Bible, An Improved Edition sa Roma 6:3, 4: “O, hindi ba ninyo alam, na tayong lahat na binautismuhan (inilubog) kay Kristo Jesus ay binautismuhan (inilubog) sa kaniyang kamatayan? Samakatuwid, inilibing tayong kasama niya sa pamamagitan ng ating bautismo (paglulubog) sa kaniyang kamatayan.” (Tingnan din ang Ro; ED.) Ginamit ng Griegong Septuagint ang isang anyo ng salita ring iyon para sa “isawsaw” sa Exodo 12:22 at Levitico 4:6. (Tingnan ang mga tlb sa Rbi8.) Kapag inilubog sa tubig ang isa, siya ay pansamantalang ‘inililibing’ at pagkatapos ay iniaahon.
Tatalakayin natin ang apat na iba’t ibang aspekto ng bautismo, lakip ang kaugnay na mga tanong: (1) bautismo ni Juan, (2) bautismo sa tubig ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod, (3) bautismo kay Kristo Jesus at sa kaniyang kamatayan, (4) bautismo sa apoy.
Bautismo ni Juan. Ang unang tao na binigyan ng Diyos ng awtorisasyong magsagawa ng bautismo sa tubig ay si Juan na anak nina Zacarias at Elisabet. (Luc 1:5-7, 57) Ang mismong pagkakilala sa kaniya bilang “Juan Bautista” o “Juan na tagapagbautismo” (Mat 3:1; Mar 1:4) ay nagpapahiwatig na naitawag-pansin noon sa mga tao ang hinggil sa bautismo o paglulubog sa tubig partikular na sa pamamagitan ni Juan, at pinatutunayan ng Kasulatan na ang kaniyang ministeryo at bautismo ay nanggaling sa Diyos at hindi mula sa kaniyang sarili. Patiunang sinabi ng anghel na si Gabriel na ang mga gawaing isasagawa ni Juan ay mula sa Diyos (Luc 1:13-17), at inihula ni Zacarias sa pamamagitan ng banal na espiritu na si Juan ay magiging isang propeta ng Kataas-taasan upang ihanda ang mga daan ni Jehova. (Luc 1:68-79) Pinatotohanan ni Jesus na ang ministeryo at bautismo ni Juan ay mula sa Diyos. (Luc 7:26-28) Iniulat ng alagad na si Lucas na “ang kapahayagan ng Diyos ay dumating kay Juan na anak ni Zacarias sa ilang. Kaya pumaroon siya . . . na nangangaral ng bautismo.” (Luc 3:2, 3) Sinabi ng apostol na si Juan tungkol sa kaniya: “May bumangong isang tao na isinugo bilang kinatawan ng Diyos: ang pangalan niya ay Juan.”—Ju 1:6.
Higit nating mauunawaan ang kahulugan ng bautismo ni Juan sa pamamagitan ng paghahambing sa iba’t ibang salin ng Lucas 3:3. Si Juan ay dumating “na nangangaral ng bautismo bilang sagisag ng pagsisisi ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan” (NW); “bautismo na nakadepende sa pagsisisi” (CB); “bautismo kung saan nagsisisi ang mga tao, upang mapatawad ang kanilang mga kasalanan” (Kx); “bautismo bilang tanda ng pagsisisi ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan” (NE); “Talikdan ninyo ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo, at patatawarin ng Diyos ang inyong mga kasalanan” (TEV). Nililinaw ng mga saling ito na hindi ang bautismo ang nag-alis ng kanilang mga kasalanan, kundi ang pagsisisi at pagbabago ng kanilang mga lakad, na siyang isinasagisag ng bautismo.
Samakatuwid, ang bautismong isinagawa ni Juan ay hindi isang pantanging paglilinis mula sa Diyos sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Juan, kundi isang pangmadlang patotoo at sagisag ng pagsisisi ng indibiduwal sa kaniyang mga kasalanan laban sa Kautusan, na umaakay sa kanila tungo kay Kristo. (Gal 3:24) Sa gayon ay inihanda ni Juan ang isang bayan upang kanilang ‘makita ang paraan ng pagliligtas ng Diyos.’ (Luc 3:6) Sa pamamagitan ng kaniyang gawain ay ‘naihanda para kay Jehova ang isang nakahandang bayan.’ (Luc 1:16, 17) Inihula nina Isaias at Malakias ang hinggil sa gayong gawain.—Isa 40:3-5; Mal 4:5, 6.
Sinasabi ng ilang iskolar na ang bautismo ni Juan at ang bautismong Kristiyano ay patiunang ipinahihiwatig sa sinaunang mga seremonya ng pagpapadalisay sa ilalim ng Kautusan (Exo 29:4; Lev 8:6; 14:8, 31, 32; Heb 9:10, tlb sa Rbi8) o sa mga pagkilos na isinagawa ng ilang indibiduwal. (Gen 35:2; Exo 19:10) Ngunit ang gayong mga halimbawa ay hindi maihahalintulad sa tunay na kahulugan ng bautismo. Ang mga iyon ay mga paghuhugas ukol sa seremonyal na kalinisan. Sa isang pangyayari lamang nagkaroon ng lubusang paglulubog ng katawan sa tubig. Ito ay sa kaso ni Naaman na ketongin, na pitong ulit na naglubog ng kaniyang sarili sa tubig. (2Ha 5:14) Hindi siya dinala nito sa anumang pantanging kaugnayan sa Diyos, kundi pinagaling lamang nito ang kaniyang ketong. Bukod diyan, sa Kasulatan, ang mga proselita ay tinutuli, hindi binabautismuhan. Upang ang isa ay makabahagi sa Paskuwa o makasamba sa santuwaryo, kailangan muna siyang tuliin.—Exo 12:43-49.
Wala ring anumang saligan ang sinasabi ng ilan na ang bautismo ni Juan ay malamang na hiniram sa Judiong sekta ng mga Essene o sa mga Pariseo. Ang dalawang sektang ito ay may maraming kahilingan hinggil sa paghuhugas na dapat isagawa nang madalas. Ngunit ipinakita ni Jesus na ang mga iyon ay mga utos lamang ng mga tao na lumalabag sa mga utos ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang tradisyon. (Mar 7:1-9; Luc 11:38-42) Nagbautismo si Juan sa tubig dahil, gaya ng sinabi niya, isinugo siya ng Diyos upang magbautismo sa tubig. (Ju 1:33) Hindi siya isinugo ng mga Essene o ng mga Pariseo. Ang kaniyang atas ay hindi ang gumawa ng mga proselitang Judio kundi bautismuhan yaong mga miyembro na ng kongregasyong Judio.—Luc 1:16.
Alam ni Juan na ang kaniyang mga gawain ay paghahanda lamang ng daan para sa Anak ng Diyos at Mesiyas at magbibigay-daan sa mas dakilang ministeryo ng Isang iyon. Nagbautismo si Juan upang ang Mesiyas ay mahayag sa Israel. (Ju 1:31) Ayon sa Juan 3:26-30, ang ministeryo ng Mesiyas ay lalago, ngunit ang ministeryo ni Juan ay mangangaunti. Yaong mga binautismuhan ng mga alagad ni Jesus noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, at samakatuwid ay naging mga alagad din ni Jesus, ay binautismuhan bilang sagisag ng pagsisisi katulad ng bautismo ni Juan.—Ju 3:25, 26; 4:1, 2.
Ang Bautismo ni Jesus sa Tubig. Tiyak na ang bautismo ni Jesus na isinagawa ni Juan ay may kahulugan at layunin na ibang-iba sa bautismo ni Juan, sapagkat si Jesus ay “hindi . . . nakagawa ng kasalanan, ni kinasumpungan man ng panlilinlang ang kaniyang bibig.” (1Pe 2:22) Kaya naman hindi siya maaaring sumailalim sa isang bautismo na sumasagisag sa pagsisisi. Walang alinlangang ito ang dahilan kung bakit tumanggi si Juan na bautismuhan si Jesus. Ngunit sinabi ni Jesus: “Hayaan mo na, sa pagkakataong ito, sapagkat ganito ang nararapat sa atin upang maisakatuparan ang lahat ng matuwid.”—Mat 3:13-15.
Iniulat ni Lucas na si Jesus ay nananalangin noong binabautismuhan siya. (Luc 3:21) Karagdagan pa, sinabi ng manunulat ng liham sa mga Hebreo na noong pumarito si Jesu-Kristo “sa sanlibutan” (samakatuwid nga, hindi noong panahong isilang siya at hindi pa niya kayang basahin at sabihin ang mga salitang ito, kundi noong iharap niya ang kaniyang sarili para sa bautismo at simulan ang kaniyang ministeryo), sinabi niya, alinsunod sa Awit 40:6-8 (LXX): “Ang hain at handog ay hindi mo ninais, ngunit naghanda ka ng katawan para sa akin. . . . Narito! Ako ay dumating (sa balumbon ng aklat ay nakasulat iyon tungkol sa akin) upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos.” (Heb 10:5-9) Si Jesus ay ipinanganak na miyembro ng bansang Judio, isang bansang may pakikipagtipan sa Diyos, samakatuwid nga, ang tipang Kautusan. (Exo 19:5-8; Gal 4:4) Dahil dito, si Jesus ay mayroon nang pakikipagtipan sa Diyos na Jehova noong iharap niya ang kaniyang sarili kay Juan para magpabautismo. Pumaroon si Jesus upang gawin ang higit pa kaysa sa hinihiling sa kaniya sa ilalim ng Kautusan. Inihaharap niya noon ang kaniyang sarili sa kaniyang Ama na si Jehova upang gawin ang “kalooban” ng kaniyang Ama may kaugnayan sa paghahandog ng kaniyang sariling ‘inihandang’ katawan at may kinalaman sa pag-aalis ng mga haing hayop na inihahandog alinsunod sa Kautusan. Sinabi ng apostol na si Pablo: “Dahil sa nasabing ‘kalooban’ ay pinabanal na tayo sa pamamagitan ng paghahandog ng katawan ni Jesu-Kristo nang minsanan.” (Heb 10:10) Kasama rin sa kalooban ng Ama para kay Jesus ang gawain na may kaugnayan sa Kaharian, at para rin sa paglilingkod na iyon ay iniharap ni Jesus ang kaniyang sarili. (Luc 4:43; 17:20, 21) Tinanggap at kinilala ni Jehova ang paghaharap na ito ng Kaniyang Anak, anupat pinahiran Niya siya ng banal na espiritu at sinabi: “Ikaw ang aking Anak, ang minamahal; ikaw ay aking sinang-ayunan.”—Mar 1:9-11; Luc 3:21-23; Mat 3:13-17.
Ang Bautismo sa Tubig ng mga Tagasunod ni Jesus. Ang bautismo ni Juan ay nakatakdang halinhan ng bautismo na iniutos ni Jesus: “Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Mat 28:19) Ito ang tanging bautismo sa tubig na may pagsang-ayon ng Diyos mula noong Pentecostes, 33 C.E. Mga ilang taon pagkaraan ng 33 C.E., si Apolos, isang lalaking masigasig, ay may-kawastuang nagtuturo tungkol kay Jesus, ngunit ang nauunawaan lamang niya ay ang bautismo ni Juan. Kinailangan siyang ituwid hinggil sa bagay na ito, gaya niyaong mga alagad na nasumpungan ni Pablo sa Efeso. Ang mga lalaking ito sa Efeso ay sumailalim na sa bautismo ni Juan, ngunit maliwanag na isinagawa iyon noong wala nang bisa ang gayong bautismo, yamang dumalaw si Pablo sa Efeso mga 20 taon pagkaraang magwakas ang tipang Kautusan. Kaya naman sila ay may-kawastuang binautismuhan sa pangalan ni Jesus at tumanggap ng banal na espiritu.—Gaw 18:24-26; 19:1-7.
Kahilingan sa bautismong Kristiyano ang pagkakaroon ng kaunawaan sa Salita ng Diyos at ang matalinong pagpapasiya na iharap ang sarili upang gawin ang isiniwalat na kalooban ng Diyos; ipinakikita ito ng pangyayari noong Pentecostes, 33 C.E., nang marinig ng nagkakatipong mga Judio at mga proselita, na dati nang may kaalaman sa Hebreong Kasulatan, ang ipinahayag ni Pedro tungkol kay Jesus na Mesiyas, anupat bilang resulta ay 3,000 ang “yumakap sa kaniyang salita nang buong puso” at “nabautismuhan.” (Gaw 2:41; 3:19–4:4; 10:34-38) Yaong mga nasa Samaria ay naniwala muna sa pangangaral ni Felipe ng mabuting balita, at pagkatapos ay nabautismuhan. (Gaw 8:12) Ang bating na Etiope, bilang isang debotong proselitang Judio na may kaalaman din tungkol kay Jehova at sa Hebreong Kasulatan, ay nakarinig muna ng paliwanag kung paano natupad ang kasulatan kay Kristo, tinanggap niya iyon, at pagkatapos ay ninais niyang magpabautismo. (Gaw 8:34-36) Ipinaliwanag ni Pedro kay Cornelio na “ang tao na natatakot [sa Diyos] at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya” (Gaw 10:35) at ang bawat isa na nananampalataya kay Jesu-Kristo ay tumatanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan. (Gaw 10:43; 11:18) Ang lahat ng ito ay kasuwato ng utos ni Jesus na “gumawa ng mga alagad . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” Yaong mga tumatanggap sa turo at nagiging mga alagad ay wasto lamang na magpabautismo.—Mat 28:19, 20; Gaw 1:8.
Noong Pentecostes, ang mga Judio na may pananagutan sa kamatayan ni Jesus bilang isang komunidad, at walang alinlangang may kaalaman tungkol sa bautismo ni Juan, ay ‘nasugatan ang puso’ dahil sa pangangaral ni Pedro at nagtanong: “Mga kapatid, ano ang gagawin namin?” Sumagot si Pedro: “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo ukol sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu.” (Gaw 2:37, 38) Pansinin na isang bagong bagay ang binabanggit ni Pedro sa kanila—samakatuwid nga, na hindi pagsisisi at bautismo sa bautismo ni Juan ang kailangan para sa kapatawaran ng mga kasalanan, kundi pagsisisi at bautismo sa pangalan ni Jesu-Kristo. Hindi niya sinabi na ang bautismo sa ganang sarili ang nag-aalis ng mga kasalanan. Alam ni Pedro na ang ‘dugo ni Jesus na Anak ng Diyos ang naglilinis sa atin mula sa lahat ng kasalanan.’ (1Ju 1:7) Nang maglaon, matapos tukuyin si Jesus bilang “ang Punong Ahente ng buhay,” sinabi ni Pedro sa mga Judio sa templo: “Kaya nga magsisi kayo, at manumbalik upang mapawi ang inyong mga kasalanan, upang ang mga kapanahunan ng pagpapaginhawa ay dumating mula sa mismong persona ni Jehova.” (Gaw 3:15, 19) Dito ay ipinabatid niya sa kanila na ang pagsisisi sa kanilang masamang gawa laban kay Kristo at ang ‘panunumbalik,’ upang kilalanin siya, ang siyang nagdudulot ng kapatawaran ng kasalanan; hindi niya binanggit ang bautismo noong pagkakataong iyon.
May kinalaman sa mga Judio, ang tipang Kautusan ay pinawi salig sa kamatayan ni Kristo sa pahirapang tulos (Col 2:14), at ang bagong tipan naman ay nagkabisa noong Pentecostes, 33 C.E. (Ihambing ang Gaw 2:4; Heb 2:3, 4.) Gayunpaman, pinagpakitaan ng Diyos ng pantanging pabor ang mga Judio nang mga tatlo at kalahating taon pa. Sa loob ng panahong iyon, ang pinangaralan lamang ng mga alagad ni Jesus ay mga Judio, mga proselitang Judio, at mga Samaritano. Ngunit noong mga 36 C.E. tinagubilinan ng Diyos si Pedro na pumaroon sa tahanan ng Gentil na si Cornelio, isang Romanong opisyal ng hukbo, at sa pamamagitan ng pagbubuhos ng Kaniyang banal na espiritu kay Cornelio at sa sambahayan nito, ipinakita Niya kay Pedro na ang mga Gentil ay maaari nang tanggapin para sa bautismo sa tubig. (Gaw 10:34, 35, 44-48) Yamang hindi na kinikilala ng Diyos ang tipang Kautusan sa tuling mga Judio kundi ang kinikilala na niya noon ay ang kaniyang bagong tipan na si Jesu-Kristo ang nagsilbing tagapamagitan, ang likas na mga Judio, tuli man o di-tuli, ay hindi na itinuturing ng Diyos bilang may anumang pantanging kaugnayan sa kaniya. Hindi na sila maaaring magkaroon ng isang katayuan sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan, na wala nang bisa noon, ni sa pamamagitan man ng bautismo ni Juan, na kaugnay ng Kautusan, kundi kinakailangan silang lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang Anak at mabautismuhan sa tubig sa pangalan ni Jesu-Kristo upang matamo ang pagkilala at pabor ni Jehova.—Tingnan ang PITUMPUNG SANLINGGO (May bisa ang tipan “sa loob ng isang sanlinggo”).
Dahil dito, pagkaraan ng 36 C.E., ang lahat, mga Judio at mga Gentil, ay nagkaroon ng magkakapantay na katayuan sa paningin ng Diyos. (Ro 11:30-32; 14:12) Ang mga tao ng mga bansang Gentil, maliban sa mga tuling proselitang Judio, ay wala sa ilalim ng tipang Kautusan at hindi pa kailanman naging isang bayan na may pantanging kaugnayan sa Diyos na Ama. Ngunit noong panahong iyon ay binuksan ang pagkakataon sa kanila bilang mga indibiduwal upang maging bahagi ng bayan ng Diyos. Samakatuwid, bago sila mabautismuhan sa tubig, kailangan nilang lumapit sa Diyos bilang mga mananampalataya sa kaniyang Anak na si Jesu-Kristo. Pagkatapos, alinsunod sa halimbawa at utos ni Kristo, wasto lamang na sumailalim sila sa bautismo sa tubig.—Mat 3:13-15; 28:18-20.
Ang gayong bautismong Kristiyano ay may mahalagang epekto sa kanilang katayuan sa harap ng Diyos. Pagkatapos banggitin ang pagtatayo ni Noe ng arka na sa pamamagitan niyaon ay nailigtas siya at ang kaniyang pamilya sa Baha, sumulat ang apostol na si Pedro: “Yaong katumbas nito ay nagliligtas din ngayon sa inyo, samakatuwid nga, ang bautismo, (hindi ang pag-aalis ng karumihan ng laman, kundi ang paghiling sa Diyos ng isang mabuting budhi,) sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo.” (1Pe 3:20, 21) Ang arka ay nagsilbing nakikitang ebidensiya na inialay ni Noe ang kaniyang sarili upang gawin ang kalooban ng Diyos at na may-katapatan niyang isinagawa ang gawaing iniatas ng Diyos. Umakay ito sa kaniyang kaligtasan. Bilang katumbas nito, yaong mga mag-aalay ng kanilang sarili kay Jehova salig sa pananampalataya sa binuhay-muling Kristo, magpapabautismo bilang sagisag niyaon, at gagawa ng kalooban ng Diyos para sa kaniyang mga lingkod ay maliligtas mula sa kasalukuyang balakyot na sanlibutan. (Gal 1:3, 4) Hindi na sila patungo sa pagkapuksa kasama ng iba pa sa sanlibutan. Maliligtas sila mula rito at pagkakalooban sila ng Diyos ng isang mabuting budhi.
Walang Pagbabautismo sa Sanggol. Yamang ang ‘pakikinig sa salita,’ ‘pagyakap sa salita nang buong puso,’ at ‘pagsisisi’ ay kailangan munang gawin ng isa bago siya magpabautismo sa tubig (Gaw 2:14, 22, 38, 41) at yamang kahilingan sa bautismo ang paggawa niya ng isang taimtim na pagpapasiya, maliwanag na siya ay dapat na nasa hustong gulang na upang makinig, maniwala, at gumawa ng gayong pagpapasiya. May argumentong inihaharap ang ilan pabor sa pagbabautismo sa sanggol. Bumabanggit sila ng mga pangyayari na doo’y ‘mga sambahayan’ ang binautismuhan, gaya ng sambahayan ni Cornelio, ni Lydia, ng tagapagbilanggo sa Filipos, ni Crispo, at ni Estefanas. (Gaw 10:48; 11:14; 16:15, 32-34; 18:8; 1Co 1:16) Naniniwala silang ipinahihiwatig nito na binautismuhan din ang maliliit na sanggol sa mga pamilyang iyon. Ngunit, sa kaso ni Cornelio, ang mga nabautismuhan ay yaong mga nakinig sa salita at tumanggap ng banal na espiritu, at sila’y nagsalita ng mga wika at lumuwalhati sa Diyos; ang mga bagay na ito ay hindi maaaring kumapit sa mga sanggol. (Gaw 10:44-46) Si Lydia ay “isang mananamba ng Diyos, . . . at binuksang mabuti ni Jehova ang kaniyang puso upang magbigay-pansin sa mga bagay na sinasalita ni Pablo.” (Gaw 16:14) Ang tagapagbilanggo sa Filipos ay kailangang ‘maniwala sa Panginoong Jesus,’ at ipinahihiwatig nito na ang iba pang kabilang sa kaniyang pamilya ay kailangan ding maniwala upang mabautismuhan. (Gaw 16:31-34) “Si Crispo na punong opisyal ng sinagoga ay naging isang mananampalataya sa Panginoon, at gayundin ang kaniyang buong sambahayan.” (Gaw 18:8) Ipinakikita ng lahat ng ito na kaugnay sa bautismo ang mga bagay na gaya ng pakikinig, paniniwala, at pagluwalhati sa Diyos, mga bagay na hindi magagawa ng mga sanggol. Sa Samaria, nang marinig at paniwalaan ng mga tao ang “mabuting balita tungkol sa kaharian ng Diyos at tungkol sa pangalan ni Jesu-Kristo, sila ay nabautismuhan.” Dito ay espesipikong binanggit ng rekord ng Kasulatan na ang mga binautismuhan ay hindi mga sanggol kundi “mga lalaki at mga babae.”—Gaw 8:12.
Ang sinabi ng apostol na si Pablo sa mga taga-Corinto na ang mga anak ay “banal” dahil sa isang sumasampalatayang magulang ay hindi katibayan na binabautismuhan noon ang mga sanggol; sa halip ay kabaligtaran ang ipinahihiwatig nito. Ang menor-de-edad na mga anak na napakabata pa upang makagawa ng gayong pagpapasiya ay nagkakaroon ng paborableng katayuan dahil sa sumasampalatayang magulang, hindi dahil sa anumang tinatawag na sakramental na bautismo, na diumano’y nagkakaloob ng hiwalay na paborableng katayuan. Kung wastong bautismuhan ang mga sanggol, hindi na sila kailangang ituring na may paborableng katayuan dahil sa sumasampalatayang magulang.—1Co 7:14.
Totoo na sinabi ni Jesus tungkol sa mga bata: “Huwag ninyo silang hadlangan sa paglapit sa akin, sapagkat ang kaharian ng langit ay nauukol sa mga tulad nito.” (Mat 19:13-15; Mar 10:13-16) Ngunit hindi sila binautismuhan. Pinagpala sila ni Jesus, at walang anumang pahiwatig na ang pagpapatong niya ng kaniyang mga kamay sa kanila ay isang relihiyosong seremonya. Karagdagan pa, ipinakita niya na ang dahilan kung bakit ‘ang kaharian ng Diyos ay nauukol sa mga tulad nila’ ay hindi dahil nabautismuhan sila kundi dahil sila’y madaling turuan at mapagtiwala. Inuutusan ang mga Kristiyano na maging ‘mga sanggol kung tungkol sa kasamaan,’ gayunma’y “hustong-gulang sa mga kakayahan ng pang-unawa.”—Mat 18:4; Luc 18:16, 17; 1Co 14:20.
Ang istoryador ng relihiyon na si Augustus Neander ay sumulat tungkol sa unang-siglong mga Kristiyano: “Ang kaugalian ng pagbabautismo sa sanggol ay hindi pa ginagawa noong panahong iyon. . . . Noon lamang panahon ni Irenæus [mga 120/140-mga 200/203 C.E.] (tiyak namang hindi mas maaga kaysa rito) nagsimula ang pagbabautismo sa sanggol, at una itong kinilala bilang isang apostolikong tradisyon noong ikatlong siglo. Ang mga ebidensiyang ito ay salungat, sa halip na pabor, sa paniniwalang nagmula ito sa mga apostol.”—History of the Planting and Training of the Christian Church by the Apostles, 1864, p. 162.
Lubusang Paglulubog. Batay sa katuturan ng bautismo na binanggit sa pasimula, maliwanag na ang bautismo ay lubusang paglulubog o pagsasailalim sa tubig, hindi basta pagbubuhos o pagwiwisik. Pinatutunayan ito ng mga halimbawa ng pagbabautismo na matatagpuan sa Bibliya. Binautismuhan si Jesus sa isang malaking ilog, ang Jordan, at pagkatapos niyang mabautismuhan ay ‘umahon siya mula sa tubig.’ (Mar 1:10; Mat 3:13, 16) Pinili ni Juan ang isang lokasyon sa Libis ng Jordan malapit sa Salim upang doon magbautismo, “sapagkat maraming tubig doon.” (Ju 3:23) Hiniling ng bating na Etiope na siya’y bautismuhan noong dumating sila sa “isang dakong may tubig.” Kapuwa sila “lumusong sa tubig.” Pagkatapos ay ‘umahon sila sa tubig.’ (Gaw 8:36-40) Ang lahat ng mga halimbawang ito ay nagpapahiwatig, hindi ng isang tipunang-tubig na maliit at hanggang bukung-bukong ang lalim, kundi ng isang malaking dakong may tubig na kinailangan pa nilang lakaran nang palusong at paahon. Karagdagan pa, yamang ginamit din ang bautismo upang sumagisag sa paglilibing, nagpapahiwatig ito ng lubusang paglulubog.—Ro 6:4-6; Col 2:12.
Ipinakikita ng mga impormasyon mula sa kasaysayan na ang mga Kristiyano ay nagbautismo sa pamamagitan ng paglulubog. Tungkol sa paksang ito, sinabi ng New Catholic Encyclopedia (1967, Tomo II, p. 56): “Maliwanag na ang Bautismo sa sinaunang Simbahan ay sa pamamagitan ng paglulubog.” Sinabi naman ng Larousse du XXe Siècle, Paris, 1928: “Binautismuhan ang unang mga Kristiyano sa pamamagitan ng paglulubog saanman may masumpungang katubigan.”
Bautismo kay Kristo Jesus at sa Kaniyang Kamatayan. Noong panahon ng bautismo ni Jesus sa Ilog Jordan, alam niya na pumapasok siya sa isang landasin ng pagsasakripisyo. Alam niyang dapat mamatay ang kaniyang ‘inihandang katawan,’ na kailangan niyang mamatay sa kawalang-sala bilang isang sakdal na haing tao upang magsilbing pantubos para sa sangkatauhan. (Mat 20:28) Nauunawaan ni Jesus na kailangan niyang sumailalim sa kamatayan ngunit ibabangon siya mula roon sa ikatlong araw. (Mat 16:21) Dahil dito, ang kaniyang mararanasan ay inihalintulad niya sa bautismo sa kamatayan. (Luc 12:50) Ipinaliwanag niya sa kaniyang mga alagad na sumasailalim na siya sa bautismong ito sa panahon ng kaniyang ministeryo. (Mar 10:38, 39) Binautismuhan siya nang lubusan sa kamatayan nang isailalim siya sa kamatayan sa pamamagitan ng pagbabayubay sa kaniya sa pahirapang tulos noong Nisan 14, 33 C.E. Noong ikatlong araw, nang siya’y buhaying-muli ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova, natapos ang bautismong iyon, na may kalakip na pagbabangon sa kaniya. Ang bautismo ni Jesus sa kamatayan ay maliwanag na naiiba at bukod sa kaniyang bautismo sa tubig, sapagkat tapos na siyang sumailalim sa bautismo sa tubig noong pasimula ng kaniyang ministeryo, kung kailan nagsisimula pa lamang ang kaniyang bautismo sa kamatayan.
Ang tapat na mga apostol ni Jesu-Kristo ay binautismuhan sa tubig ayon sa bautismo ni Juan. (Ju 1:35-37; 4:1) Ngunit hindi pa sila nababautismuhan sa banal na espiritu nang banggitin ni Jesus na babautismuhan din sila sa isang makasagisag na bautismo na tulad ng sa kaniya, isang bautismo sa kamatayan. (Mar 10:39) Kaya ang bautismo sa kaniyang kamatayan ay isang bagay na iba pa sa bautismo sa tubig. Sinabi ni Pablo sa kaniyang liham sa kongregasyong Kristiyano sa Roma: “Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na binautismuhan kay Kristo Jesus ay binautismuhan sa kaniyang kamatayan?”—Ro 6:3.
Ang Diyos na Jehova ang may pananagutan sa pagsasagawa ng gayong bautismo kay Kristo Jesus pati na ng bautismo sa kaniyang kamatayan. Pinahiran niya si Jesus, anupat ginawa niya itong ang Kristo o ang Pinahiran. (Gaw 10:38) Sa gayon ay binautismuhan ng Diyos si Jesus sa banal na espiritu upang, sa pamamagitan ni Jesus, ang kaniyang mga tagasunod ay mabautismuhan din sa banal na espiritu. Samakatuwid, yaong magiging mga kasamang tagapagmana niya, na may makalangit na pag-asa, ay kailangang “mabautismuhan kay Kristo Jesus,” samakatuwid nga, sa Pinahiran na si Jesus na noong panahon ng pagpapahid sa kaniya ay inianak din sa espiritu upang maging anak ng Diyos. Sa gayon ay magiging kaisa nila siya, ang kanilang Ulo, at sila ay magiging mga miyembro ng kongregasyon na siyang katawan ni Kristo.—1Co 12:12, 13, 27; Col 1:18.
Ang landasin ng Kristiyanong mga tagasunod na ito na binautismuhan kay Kristo Jesus ay isang landasin ng pag-iingat ng katapatan sa ilalim ng pagsubok mula sa panahong mabautismuhan sila kay Kristo, isang pagharap sa kamatayan araw-araw at sa dakong huli ay isang kamatayan taglay ang katapatan, gaya ng inilarawan ng apostol na si Pablo nang ipaliwanag niya sa mga Kristiyanong taga-Roma: “Samakatuwid inilibing tayong kasama niya sa pamamagitan ng ating bautismo sa kaniyang kamatayan, upang, kung paanong si Kristo ay ibinangon mula sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, tayo ay lumakad nang gayundin sa isang panibagong buhay. Sapagkat kung tayo ay naging kaisa niya sa wangis ng kaniyang kamatayan, tiyak na tayo ay magiging kaisa rin niya sa wangis ng kaniyang pagkabuhay-muli.”—Ro 6:4, 5; 1Co 15:31-49.
Higit pang nilinaw ni Pablo ang bagay na ito nang sumulat siya sa kongregasyon sa Filipos, anupat inilarawan niya ang kaniyang sariling landasin bilang “pakikibahagi sa . . . mga pagdurusa [ni Kristo], na ipinasasakop ang aking sarili sa isang kamatayan na tulad ng sa kaniya, upang tingnan kung sa anumang paraan ay makakamtan ko ang mas maagang pagkabuhay-muli mula sa mga patay.” (Fil 3:10, 11) Tanging ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang makalangit na Ama, na Tagapagbautismo sa mga binabautismuhan kaisa ni Jesu-Kristo at sa kaniyang kamatayan, ang maaaring tumapos sa bautismong ito. Ginagawa Niya ito sa pamamagitan ni Kristo sa pagbabangon sa kanila mula sa kamatayan upang maging kaisa ni Jesu-Kristo sa wangis ng kaniyang pagkabuhay-muli, na tungo sa makalangit at imortal na buhay.—1Co 15:53, 54.
Ang isang kongregasyon ng mga tao ay maaaring bautismuhan o ilubog, wika nga, sa isang tagapagpalaya at lider; ipinaghalimbawa ito ng apostol na si Pablo nang ilarawan niya ang kongregasyon ng Israel bilang “nabautismuhan kay Moises sa pamamagitan ng ulap at ng dagat.” Doon ay tinakpan sila ng isang pananggalang na ulap at ng mga pader ng tubig sa magkabilang panig, anupat sa makasagisag na pananalita ay inilubog sila. Inihula ni Moises na ang Diyos ay magbabangon ng isang propeta na tulad niya; ikinapit ni Pedro ang hulang ito kay Jesu-Kristo.—1Co 10:1, 2; Deu 18:15-19; Gaw 3:19-23.
Ano ang bautismo “sa layuning maging mga patay”?
Ang pananalita sa 1 Corinto 15:29 ay isinalin ng mga tagapagsalin sa iba’t ibang paraan: “Ano ang gagawin nila na mga binabautismuhan para sa mga patay?” (KJ); “alang-alang sa kanilang mga patay?” (AT); “alang-alang sa mga patay?” (NPV); “sa layuning maging mga patay?” (NW)
Maraming iba’t ibang interpretasyon ang ibinibigay sa talatang ito. Ang pinakakaraniwang interpretasyon ay na tinutukoy ni Pablo ang kaugalian ng panghaliling bautismo sa tubig, samakatuwid nga, ang pagbabautismo sa mga taong buháy bilang kahalili ng mga patay ukol sa kapakinabangan ng mga patay. Ang pag-iral ng gayong kaugalian noong mga araw ni Pablo ay hindi mapatutunayan, ni magiging kaayon man iyon ng mga kasulatan na maliwanag na nagsasabing ang mga nagpabautismo ay “ang mga alagad,” yaon mismong mga ‘yumakap sa salita nang buong puso,’ yaong mga personal na “naniwala.”—Mat 28:19; Gaw 2:41; 8:12.
Binabanggit ng A Greek-English Lexicon, nina Liddell at Scott, na ang “para sa,” “alang-alang sa,” at “para sa kapakanan ng” ay kabilang sa mga katuturan ng Griegong pang-ukol na hy·perʹ, na ginamit sa kaukulang genitive sa 1 Corinto 15:29. (Nirebisa ni H. Jones, Oxford, 1968, p. 1857) Sa ilang kalagayan, ang ekspresyong “para sa kapakanan ng” ay katumbas ng “sa layuning.” Noon pa mang 1728, may napansin na si Jacob Elsner na mga halimbawa mula sa iba’t ibang manunulat na Griego kung saan ang hy·perʹ sa kaukulang genitive ay may ultimong kahulugan, samakatuwid nga, isang kahulugang nagpapahayag ng layunin, at ipinakita niya na gayon ang kahulugan ng ganitong pagkakaayos ng mga salita sa 1 Corinto 15:29. (Observationes Sacræ in Novi Foederis Libros, Utrecht, Tomo II, p. 127-131) Kasuwato nito, isinalin ng Bagong Sanlibutang Salin ang hy·perʹ sa talatang ito bilang nangangahulugang “sa layuning.”
Kapag ipinahihintulot ng balarila na maisalin ang isang ekspresyon sa mahigit sa isang paraan, ang tamang salin ay yaong kasuwato ng konteksto. Sa konteksto, ipinakikita ng 1 Corinto 15:3, 4 na ang pangunahing tinatalakay ay ang paniniwala sa kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo. Pagkatapos ay inihaharap ng kasunod na mga talata ang katibayan na makatuwiran ang gayong paniniwala (tal 5-11); tinatalakay ng mga ito na may seryosong mga implikasyon ang pagtangging maniwala sa pagkabuhay-muli (tal 12-19), na ang pagkabuhay-muli ni Kristo ay nagbibigay-katiyakan na may mga iba pa na ibabangon mula sa mga patay (tal 20-23), at kung paanong sa pamamagitan ng lahat ng ito ay naipagkakaisa sa Diyos ang lahat ng matatalinong nilalang (tal 24-28). Maliwanag na ang talata 29 ay isang mahalagang bahagi ng pagtalakay na ito. Ngunit kaninong pagkabuhay-muli ang pinag-uusapan sa talata 29? Iyon ba ay ang pagkabuhay-muli niyaong mga indibiduwal na tinutukoy roon bilang binautismuhan? O niyaong isa na namatay bago naisagawa ang bautismong iyon? Ano ang ipinahihiwatig ng kasunod na mga talata? Malinaw na ipinakikita ng talata 30 hanggang 34 na ang tinatalakay roon ay ang pag-asa ng buháy na mga Kristiyano na mabuhay sa hinaharap, at sinasabi ng talata 35 hanggang 58 na sila ay ang tapat na mga Kristiyano na may pag-asang mabuhay sa langit.
Kasuwato ito ng Roma 6:3, na nagsasabi: “Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na binautismuhan kay Kristo Jesus ay binautismuhan sa kaniyang kamatayan?” Gaya ng nililinaw ng kasulatang ito, hindi iyon pagpapabautismo ng isang Kristiyano alang-alang sa isa na patay na kundi, sa halip, iyon ay isang bagay na nakaaapekto sa mismong kinabukasan ng taong iyon.
Kung gayon, sa anong diwa na ang mga Kristiyanong iyon ay ‘binautismuhan sa layuning maging mga patay,’ o “binautismuhan sa kaniyang kamatayan”? Inilubog sila sa isang landasin ng buhay na aakay sa kanilang kamatayan bilang mga tagapag-ingat ng katapatan, gaya niyaong kay Kristo, at taglay ang pag-asa ng pagkabuhay-muli na tulad ng sa kaniya tungo sa imortal na buhay bilang espiritu. (Ro 6:4, 5; Fil 3:10, 11) Hindi ito isang bautismo na mabilis na isinasagawa, gaya ng paglulubog sa tubig. Mahigit na tatlong taon pagkatapos ng paglulubog sa kaniya sa tubig, tinukoy ni Jesus ang isang bautismo na hindi pa tapos sa kaniyang kalagayan at na sa hinaharap pa lamang isasagawa sa mga alagad niya. (Mar 10:35-40) Yamang ang bautismong ito ay umaakay sa pagkabuhay-muli tungo sa makalangit na buhay, magsisimula ito sa pagkilos ng espiritu ng Diyos sa isang tao upang malinang sa kaniya ang pag-asang iyon, at magwawakas ito, hindi sa kamatayan, kundi sa pagtatamo ng pag-asa sa imortal na buhay bilang espiritu sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.—2Co 1:21, 22; 1Co 6:14.
Ang Dako ng Isang Tao sa Layunin ng Diyos. Dapat pansinin na ang isa na binabautismuhan sa tubig ay pumapasok sa isang pantanging kaugnayan kay Jehova bilang Kaniyang lingkod, upang gawin ang Kaniyang kalooban. Hindi ang indibiduwal ang nagtatakda kung ano ang kalooban ng Diyos para sa kaniya, kundi ang Diyos ang nagpapasiya kung paano gagamitin ang indibiduwal na iyon at kung saan ang magiging dako niya sa Kaniyang mga layunin. Halimbawa, noong sinaunang mga panahon, ang buong bansang Israel ay may pantanging kaugnayan sa Diyos; sila ay pag-aari ni Jehova. (Exo 19:5) Ngunit tanging ang tribo ni Levi ang pinili upang magsagawa ng mga paglilingkod sa santuwaryo, at mula sa tribong ito, tanging ang pamilya ni Aaron ang bumubuo sa pagkasaserdote. (Bil 1:48-51; Exo 28:1; 40:13-15) Ang pagkahari naman ay pantanging itinatag ng Diyos na Jehova sa linya ng pamilya ni David.—2Sa 7:15, 16.
Sa gayunding paraan, ang mga sumasailalim sa bautismong Kristiyano ay nagiging pag-aari ng Diyos, mga alipin niya, upang gamitin ayon sa kaniyang mamarapatin. (1Co 6:20) Ang isang halimbawa ng pagpatnubay ng Diyos sa gayong mga bagay ay matatagpuan sa Apocalipsis, kung saan binabanggit ang isang tiyak na bilang ng mga tao na sa wakas ay “tinatakan,” samakatuwid nga, 144,000. (Apo 7:4-8) Bago pa man ang gayong pangwakas na pagsang-ayon, ang banal na espiritu ng Diyos ay nagsisilbi nang pantatak na nagbibigay sa mga tinatakan ng patiunang tanda ng kanilang ng makalangit na mana. (Efe 1:13, 14; 2Co 5:1-5) Ang mga nagtataglay ng gayong pag-asa ay sinabihan din: “Inilagay ng Diyos ang mga sangkap sa katawan [ni Kristo], bawat isa sa kanila, ayon sa kaniyang kinalugdan.”—1Co 12:18, 27.
Itinawag-pansin ni Jesus ang isa pang grupo nang sabihin niya: “Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito; ang mga iyon din ay dapat kong dalhin, at makikinig sila sa aking tinig, at sila ay magiging isang kawan, isang pastol.” (Ju 10:16) Ang mga ito ay hindi kabilang sa “munting kawan” (Luc 12:32), ngunit dapat din silang lumapit kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at mabautismuhan sa tubig.
Kasuwato ito ng pangitaing ibinigay sa apostol na si Juan, gaya ng nakaulat sa Apocalipsis, kung saan, matapos ipakita kay Juan ang 144,000 na “tinatakan,” ang kaniyang paningin ay ibinaling sa “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao.” Ang mga ito ay ipinakitang ‘naglaba ng kanilang mahahabang damit at nagpaputi ng mga iyon sa dugo ng Kordero,’ na nagpapahiwatig ng kanilang pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo na Kordero ng Diyos. (Apo 7:9, 14) Dahil dito, nagtamo sila ng sinang-ayunang kalagayan, anupat sila’y “nakatayo sa harap ng trono [ng Diyos],” ngunit hindi sila ang pinili ng Diyos na mapabilang sa 144,000 na “tinatakan.” Kung tungkol sa “malaking pulutong” na ito, nagpatuloy ang pangitain sa pagsasabing sila ay naglilingkod sa Diyos araw at gabi at ipagsasanggalang at pangangalagaan niya.—Apo 7:15-17.
Bautismo sa Apoy. Nang pumaroon kay Juan na Tagapagbautismo ang maraming mga Pariseo at mga Saduceo, tinawag niya silang “supling ng mga ulupong.” Binanggit niya ang tungkol sa Isa na darating at sinabi: “Babautismuhan kayo ng isang iyon sa banal na espiritu at sa apoy.” (Mat 3:7, 11; Luc 3:16) Ang bautismo sa apoy ay hindi kapareho ng bautismo sa banal na espiritu. Ang maapoy na bautismo ay hindi maaaring tumukoy, gaya ng sinasabi ng ilan, sa mga dila ng apoy noong Pentecostes, sapagkat hindi naman inilubog sa apoy ang mga alagad na naroroon. (Gaw 2:3) Sinabi ni Juan sa kaniyang mga tagapakinig na magkakaroon ng pagbubukud-bukod, na magkakaroon ng pagtitipon ng trigo, anupat pagkatapos ay susunugin ang ipa sa apoy na hindi mapapatay. (Mat 3:12) Nilinaw niya na ang apoy ay hindi pagpapala o gantimpala kundi kaparusahan sapagkat ‘ang punungkahoy ay hindi nagluwal ng mainam na bunga.’—Mat 3:10; Luc 3:9.
Sa paggamit ng apoy bilang sagisag ng pagkapuksa, inihula ni Jesus ang paglipol sa mga balakyot na magaganap sa panahon ng kaniyang pagkanaririto, na sinasabi: “Nang araw na lumabas si Lot mula sa Sodoma ay umulan ng apoy at asupre mula sa langit at pinuksa silang lahat. Magiging gayundin sa araw na iyon kapag ang Anak ng tao ay isiniwalat.” (Luc 17:29, 30; Mat 13:49, 50) Ang iba pang mga halimbawa na doo’y ginamit ang apoy upang kumatawan, hindi sa puwersang nagliligtas, kundi sa puwersang mapamuksa, ay matatagpuan sa 2 Tesalonica 1:8; Judas 7; at 2 Pedro 3:7, 10.