Iniligtas Buhat sa Isang “Balakyot na Salinlahi”
“O walang-pananampalataya at pilipit na salinlahi, hanggang kailan ako magpapatuloy sa inyo at magtitiis sa inyo?”—LUCAS 9:41.
1. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng ating kapaha-pahamak na panahon? (b) Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa mga makaliligtas?
NABUBUHAY tayo sa kapaha-pahamak na panahon. Mga lindol, baha, taggutom, sakit, katampalasanan, pambobomba, nakapangingilabot na pagdidigmaan—ang mga ito at marami pa ay sumakmal sa sangkatauhan sa ating ika-20 siglo. Subalit, ang pinakamalaking kapahamakan sa lahat ay nagbabanta sa malapit na hinaharap. Ano iyon? Iyon ay ang “malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mateo 24:21) Gayunman, marami sa atin ang makaaasa sa isang masayang kinabukasan! Bakit? Sapagkat inilalarawan ng sariling Salita ng Diyos ang “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika . . . ‘Ito ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian . . . Hindi na sila magugutom pa ni mauuhaw pa man . . . At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.’ ”—Apocalipsis 7:1, 9, 14-17.
2. Nagkaroon ng anong unang makahulang katuparan ang panimulang mga talata sa Mateo 24, Marcos 13, at Lucas 21?
2 Ipinakikilala sa kinasihang ulat sa Mateo 24:3-22, Marcos 13:3-20, at Lucas 21:7-24 ang makahulang paglalarawan ni Jesus sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.”a Ang hulang ito ay may unang katuparan sa tiwaling Judiong sistema ng mga bagay noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon, na humantong sa isang di-mapapantayang “malaking kapighatian” sa mga Judio. Ang buong relihiyoso at pulitikal na kaayusan ng Judiong sistema, na nakasentro sa templo ng Jerusalem, ay nagwakas, anupat hindi na kailanman maitatatag pang muli.
3. Bakit apurahan na pakinggan natin ang hula ni Jesus sa ngayon?
3 Isaalang-alang natin ngayon ang mga kalagayan may kaugnayan sa unang katuparan ng hula ni Jesus. Ito’y tutulong sa atin na lalong maunawaan ang katumbas na katuparan sa ngayon. Ipakikita nito sa atin kung gaano kaapurahan ang positibong pagkilos ngayon upang makaligtas sa pinakamalaking kapighatian na nagbabanta sa buong sangkatauhan.—Roma 10:9-13; 15:4; 1 Corinto 10:11; 15:58.
“Ang Wakas”—Kailan?
4, 5. (a) Bakit ang may takot sa Diyos na mga Judio noong unang siglo C.E. ay interesado sa hula ng Daniel 9:24-27? (b) Papaano natupad ang hulang ito?
4 Noong mga taóng 539 B.C.E., ang propeta ng Diyos na si Daniel ay binigyan ng isang pangitain ng mga pangyayari na magaganap sa huling “sanlinggo” ng isang yugto ng “pitumpung sanlinggo” ng mga taon. (Daniel 9:24-27) Ang mga “sanlinggo” na ito ay nagsimula noong 455 B.C.E. nang iutos ni Haring Artaserses ng Persia ang muling pagtatayo ng lunsod ng Jerusalem. Ang huling “sanlinggo” ay nagsimula sa paglitaw ng Mesiyas, si Jesu-Kristo, nang siya’y bautismuhan at pahiran noong 29 C.E.b Alam na alam ng may takot sa Diyos na mga Judio noong unang siglo C.E. ang tungkol sa panahong ito ng hula ni Daniel. Halimbawa, hinggil sa mga pulutong na dumagsa upang pakinggan ang ipinangangaral ni Juan na Tagapagbautismo noong 29 C.E., ganito ang sabi ng Lucas 3:15: “Ang mga tao ay may inaasahan at lahat ay nangangatuwiran sa kanilang mga puso tungkol kay Juan: ‘Siya kaya marahil ang Kristo?’ ”
5 Ang ika-70 “sanlinggo” ay pitong taon ng pantanging pabor na ibinigay sa mga Judio. Pasimula noong 29 C.E., kasali rito ang bautismo at ministeryo ni Jesus, ang kaniyang sakripisyong kamatayan “sa kalahatian ng sanlinggo” noong 33 C.E., at isa pang ‘kalahati ng sanlinggo’ hanggang 36 C.E. Sa panahon ng “sanlinggo” na ito, ang pagkakataon na maging pinahirang mga alagad ni Jesus ay pantanging ipinaabot sa may takot sa Diyos na mga Judio at mga proselitang Judio. Pagkatapos noong 70 C.E., na isang petsang hindi patiunang nalaman, nilipol ng mga hukbong Romano sa ilalim ni Tito ang apostatang sistemang Judio.—Daniel 9:26, 27.
6. (a) Gaano naging mapangwasak ang “kapighatian” na nagsimula noong 66 C.E.? (b) Sino ang mga nakaligtas, at dahil sa anong apurahang pagkilos?
6 Sa gayon ang pagkasaserdoteng Judio, na nagparumi sa templo sa Jerusalem at nagpakana ng pagpatay sa sariling Anak ng Diyos, ay nagwakas. Wala na rin ang talaan ng bansa at ng mga tribo. Mula noon, walang nang Judio ang legal na makapag-aangkin ng makasaserdote o maharlikang mana. Subalit mabuti na lamang at ang pinahirang espirituwal na mga Judio ay naibukod bilang isang maharlikang pagkasaserdote upang ‘ipahayag nang malawakan ang mga kamahalan’ ng Diyos na Jehova. (1 Pedro 2:9) Nang unang kubkubin ng hukbo ng Roma ang Jerusalem at wasakin pa man din ang lugar ng templo noong 66 C.E., nakilala ng mga Kristiyano ang militar na puwersang iyan bilang “ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang, na tinukoy sa pamamagitan ni Daniel na propeta, na nakatayo sa isang dakong banal.” Bilang pagsunod sa makahulang utos ni Jesus, ang mga Kristiyano sa Jerusalem at sa Judea ay tumakas patungo sa bulubunduking mga rehiyon upang makaligtas.—Mateo 24:15, 16; Lucas 21:20, 21.
7, 8. Anong “tanda” ang nasaksihan ng mga Kristiyano, subalit ano ang hindi nila alam?
7 Nasaksihan ng tapat na mga Kristiyanong Judiong iyon ang katuparan ng hula ni Daniel at sila’y mga saksing nakakita ng kalunus-lunos na mga digmaan, taggutom, salot, lindol, at katampalasanan na inihula ni Jesus bilang bahagi ng “tanda . . . ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Subalit sinabi ba sa kanila ni Jesus kung kailan aktuwal na isasagawa ni Jehova ang kahatulan sa tiwaling sistemang iyon? Hindi. Ang inihula niya tungkol sa kasukdulan ng kaniyang maharlikang pagkanaririto sa hinaharap ay tiyak na kumapit din sa unang-siglong “malaking kapighatian”: “May kinalaman sa araw at sa oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.”—Mateo 24:36.
8 Buhat sa hula ni Daniel, maaaring natantiya ng mga Judio ang panahon ng paglitaw ni Jesus bilang Mesiyas. (Daniel 9:25) Ngunit walang ibinigay na petsa sa kanila para sa “malaking kapighatian” na sa wakas ay nagtiwangwang sa apostatang Judiong sistema ng mga bagay. Noon lamang pagkatapos na mawasak ang Jerusalem at ang templo nito na naunawaan nilang ang petsa ay 70 C.E. Gayunman, batid nila ang makahulang mga salita ni Jesus: “Ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa mangyari ang lahat ng mga bagay na ito.” (Mateo 24:34) Maliwanag, ang pagkakapit ng “salinlahi” rito ay naiiba buhat sa Eclesiastes 1:4, na bumabanggit tungkol sa sunud-sunod na salinlahi na dumarating at lumilipas sa loob ng isang yugto ng panahon.
“Ang Salinlahing Ito”—Ano Iyon?
9. Papaano binibigyang-katuturan ng mga diksiyunaryo ang Griegong salita na ge·ne·aʹ?
9 Nang marinig ng apat na apostol na nakaupong kasama ni Jesus sa Bundok ng Olibo ang kaniyang hula tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” papaano nila uunawain ang pananalitang “ang salinlahing ito”? Sa Mga Ebanghelyo ang salitang “salinlahi” ay isinalin buhat sa Griegong salita na ge·ne·aʹ, na binibigyang-katuturan ng kasalukuyang mga diksiyunaryo sa ganitong mga termino: “Sa literal ay yaong mga nanggaling sa iisang ninuno.” (Walter Bauer’s Greek-English Lexicon of the New Testament) “Yaong inianak, isang pamilya; . . . sunud-sunod na mga miyembro ng isang talaangkanan . . . o ng isang lahi ng mga tao . . . o lahat ng mga tao na nabubuhay sa iisang panahon, Mat. 24:34; Mar. 13:30; Luc. 1:48; 21:32; Fil. 2:15, at lalo na yaong buhat sa lahing Judio na nabubuhay sa iisang yugto.” (W. E. Vine’s Expository Dictionary of New Testament Words) “Yaong inianak, mga taong may iisang pinagmulan, isang pamilya; . . . lahat ng mga taong nabubuhay sa iisang panahon: Mt. Mat xxiv. 34; Mc. Mar xiii. 30; Lc. Luc i. 48 . . . ginagamit lalo na sa lahing Judio na nabubuhay sa iisa at parehong yugto.”—J. H. Thayer’s Greek-English Lexicon of the New Testament.
10. (a) Anong magkatulad na katuturan ang ibinibigay ng dalawang awtoridad sa pagbanggit sa Mateo 24:34? (b) Papaano sinusuhayan ng isang teolohikal na diksiyunaryo at ng ilang salin ng Bibliya ang katuturang ito?
10 Samakatuwid ay kapuwa binanggit nina Vine at Thayer ang Mateo 24:34 sa pagbibigay-katuturan sa “salinlahing ito” (he ge·ne·aʹ hauʹte) bilang “ang lahat ng mga tao na nabubuhay sa iisang panahon.” Sinusuhayan ng Theological Dictionary of the New Testament (1964) ang katuturang ito, sa pagsasabi: “Ang paggamit ni Jesus ng ‘salinlahi’ ay nagpapahayag ng kaniyang kabuuang layunin: tinutukoy niya ang lahat ng tao at batid niya ang kanilang pagkakaisa sa kasalanan.” Tunay na isang “pagkakaisa sa kasalanan” ang makikita sa bansang Judio nang si Jesus ay nasa lupa, kung papaanong palatandaan din ito ng sistema sa sanlibutan sa ngayon.c
11. (a) Anong awtoridad ang dapat na pangunahing umakay sa atin sa pagtiyak kung papaano ikakapit ang he ge·ne·aʹ hauʹte? (b) Papaano ginamit ng awtoridad na ito ang termino?
11 Mangyari pa, pangunahing inaakay ng mga Kristiyanong nag-aaral ng bagay na ito ang kanilang kaisipan sa kung papaano ginamit ng mga kinasihang manunulat ng Ebanghelyo ang Griegong pananalita na he ge·ne·aʹ hauʹte, o “ang salinlahing ito,” sa pag-uulat ng mga salita ni Jesus. Ang pananalita ay patuloy na ginamit sa isang negatibong paraan. Kaya naman, ang mga relihiyosong lider na Judio ay tinawag ni Jesus na “mga serpiyente, supling ng mga ulupong” at sinabi pa na ang paghatol ng Gehenna ay ipapataw sa “salinlahing ito.” (Mateo 23:33, 36) Subalit ang paghatol bang ito ay sa mapagpaimbabaw na mga klerigo lamang? Tiyak na hindi. Sa ilang pagkakataon, narinig ng mga alagad ni Jesus na bumanggit siya tungkol sa “salinlahing ito,” anupat walang-pagbabagong ikinakapit ang termino sa isang lalong malawak na diwa. Ano iyon?
Ang “Balakyot na Salinlahing Ito”
12. Habang nakikinig ang kaniyang mga alagad, papaano iniugnay ni Jesus ang “mga pulutong” sa “salinlahing ito”?
12 Noong 31 C.E., sa panahon ng dakilang ministeryo ni Jesus sa Galilea at di pa natatagalan pagkatapos ng Paskuwa, narinig ng kaniyang mga apostol nang sabihin niya sa “mga pulutong”: “Kanino ko ihahambing ang salinlahing ito? Ito ay tulad ng mga bata na nakaupo sa mga pamilihang-dako na sumisigaw sa kanilang mga kalaro, na nagsasabi, ‘Tinugtog namin ang plawta para sa inyo, ngunit hindi kayo sumayaw; humagulhol kami, ngunit hindi ninyo hinampas ang inyong mga sarili sa pamimighati.’ Sa gayunding paraan, si Juan [na Tagapagbautismo] ay dumating na hindi kumakain ni umiinom, gayunma’y sinasabi ng mga tao, ‘Siya ay may demonyo’; ang Anak ng tao [si Jesus] ay dumating na kumakain at umiinom, gayunma’y sinasabi pa rin ng mga tao, ‘Narito! Isang taong matakaw at mahilig sa pag-inom ng alak, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan.’ ” Talaga namang hindi mabigyang-kasiyahan ang walang-prinsipyong “mga pulutong” na iyon!—Mateo 11:7, 16-19.
13. Sa harap ng kaniyang mga alagad, sino ang ipinakilala at hinatulan ni Jesus bilang “ang balakyot na salinlahing ito”?
13 Pagkaraan noong 31 C.E., habang si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay patungo na sa kanilang pangalawang lumilibot na pangangaral sa Galilea, “ang ilan sa mga eskriba at mga Fariseo” ay humingi kay Jesus ng isang tanda. Sinabi niya sa kanila at sa “mga pulutong” na naroroon: “Ang isang balakyot at mapangalunyang salinlahi ay patuloy na naghahanap ng isang tanda, ngunit walang tanda ang ibibigay dito maliban sa tanda ni Jonas na propeta. Sapagkat kung paanong si Jonas ay nasa tiyan ng pagkalaki-laking isda nang tatlong araw at tatlong gabi, gayundin ang Anak ng tao ay mapapasa-puso ng lupa nang tatlong araw at tatlong gabi. . . . Ganiyan din ang mangyayari sa balakyot na salinlahing ito.” (Mateo 12:38-46) Maliwanag, sa “balakyot na salinlahing ito” ay kasali kapuwa ang relihiyosong mga lider at ang “mga pulutong” na hindi nakaunawa sa tanda na natupad noong kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus.d
14. Anong hatol ang narinig ng mga alagad ni Jesus na ginawa niya sa mga Saduceo at mga Fariseo?
14 Pagkaraan ng Paskuwa ng 32 C.E., nang si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay dumating sa rehiyon ng Magadan sa Galilea, ang mga Saduceo at mga Fariseo ay muling humiling kay Jesus ng isang tanda. Inulit niya sa kanila: “Ang isang salinlahi na balakyot at mapangalunya ay patuloy na naghahanap ng tanda, ngunit walang tanda na ibibigay rito maliban sa tanda ni Jonas. Nang magkagayon siya ay umalis, na iniiwan sila.” (Mateo 16:1-4) Ang mapagpaimbabaw na mga relihiyosong iyon ay tunay ngang ubod-samang mga lider ng di-tapat na “mga pulutong” na hinatulan ni Jesus bilang ang “balakyot na salinlahing ito.”
15. Karaka-raka bago at muli pagkatapos ng pagbabagong-anyo, anong pagtatagpo ang naganap sa pagitan ng ‘salinlahing ito’ at ni Jesus at ng kaniyang mga alagad?
15 Sa pagtatapos ng kaniyang ministeryo sa Galilea, tinawag ni Jesus ang pulutong at ang kaniyang mga alagad at sinabi: “Ang sinumang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito, ay ikahihiya rin siya ng Anak ng tao.” (Marcos 8:34, 38) Kaya ang karamihan ng di-nagsisising mga Judio nang panahong iyon ay maliwanag na siyang bumubuo sa “mapangalunya at makasalanang salinlahing ito.” Pagkaraan ng ilang araw, pagkatapos ng pagbabagong-anyo ni Jesus, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay “dumating sa pulutong,” at isang tao ang humiling sa kaniya na pagalingin ang kaniyang anak na lalaki. Ganito ang komento ni Jesus: “O walang-pananampalataya at pilipit na salinlahi, hanggang kailan ako magpapatuloy sa inyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo?”—Mateo 17:14-17; Lucas 9:37-41.
16. (a) Anong hatol sa “mga pulutong” ang inulit ni Jesus sa Judea? (b) Papaano nagawa ng “salinlahing ito” ang pinakabalakyot na krimen?
16 Malamang na iyon ay sa Judea, pagkatapos ng Kapistahan ng mga Kubol noong 32 C.E., “nang ang mga pulutong ay natitipong sama-sama” sa palibot ni Jesus, na inulit niya ang kaniyang hatol sa kanila, anupat nagsabi: “Ang salinlahing ito ay balakyot na salinlahi; naghahanap ito ng isang tanda. Ngunit walang tanda na ibibigay dito maliban sa tanda ni Jonas.” (Lucas 11:29) Sa wakas, nang si Jesus ay litisin ng mga relihiyosong lider, nais ni Pilato na palayain siya. Ganito ang sabi ng ulat: “Hinikayat ng mga punong saserdote at mga nakatatandang lalaki ang mga pulutong na ang hingin ay si Barabas, ngunit ang ipapuksa ay si Jesus. . . . Sinabi ni Pilato sa kanila: ‘Ano, kung gayon, ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Kristo?’ Silang lahat ay nagsabi: ‘Ipako siya!’ Sinabi niya: ‘Bakit, anong masamang bagay ang ginawa niya?’ Gayunman sila ay patuloy na sumisigaw nang lalo pa: ‘Ipako siya!’ ” Iginigiit ng “balakyot na salinlahi” na iyon na ipapatay si Jesus!—Mateo 27:20-25.
17. Papaano tumugon ang ilan sa “likong salinlahing ito” sa pangangaral ni Pedro noong Pentecostes?
17 Isang “walang-pananampalataya at pilipit na salinlahi,” na sinulsulan ng mga relihiyosong lider nito, ang sa gayo’y gumanap ng malaking papel sa pagpapangyari ng kamatayan ng Panginoong Jesu-Kristo. Makalipas ang limampung araw, noong Pentecostes 33 C.E., ang mga alagad ay tumanggap ng banal na espiritu at nagpasimulang magsalita ng iba’t ibang wika. Nang marinig ang ugong, “ang karamihan ay nagtipun-tipon,” at sila ay tinawag ni apostol Pedro bilang ang “mga lalaki ng Judea at kayong lahat na nananahanan sa Jerusalem,” anupat sinabi: “Ang taong ito [si Jesus] . . . ay inyong ipinako sa tulos sa pamamagitan ng kamay ng mga taong tampalasan at pinatay.” Papaano tumugon ang ilan sa mga nakikinig? “Nasugatan sila sa puso.” Nang magkagayon ay nanawagan sa kanila si Pedro na sila’y magsisi. “Nagpatotoo siya nang lubusan at patuloy sa masidhing pagpapayo sa kanila, na sinasabi: ‘Maligtas kayo mula sa likong salinlahing ito.’ ” Bilang tugon, mga tatlong libo ang “yumakap sa kaniyang salita nang buong-puso [at] nabautismuhan.”—Gawa 2:6, 14, 23, 37, 40, 41.
Nakilala ang “Salinlahing Ito”
18. Sa ano walang-pagbabagong tumutukoy ang paggamit ni Jesus sa terminong “ang salinlahing ito”?
18 Ano, kung gayon, ang “salinlahi” na malimit tukuyin ni Jesus sa harap ng kaniyang mga alagad? Ano ang naunawaan nila sa kaniyang mga salitang: “Ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa mangyari ang lahat ng mga bagay na ito”? Tiyak, hindi lumalayo si Jesus sa kaniyang naitatag nang paggamit ng terminong “ang salinlahing ito,” na walang-pagbabagong ikinapit niya sa karamihan ng mga tao noong panahong iyon kasama ang kanilang “mga bulag na tagaakay” na magkasamang bumubuo ng bansang Judio. (Mateo 15:14) “Ang salinlahing ito” ay nakaranas ng lahat ng kabagabagan na inihula ni Jesus at pagkatapos ay lumipas sa isang walang-katulad na “malaking kapighatian” sa Jerusalem.—Mateo 24:21, 34.
19. Kailan at papaano lumipas ang “langit at lupa” ng sistemang Judio?
19 Noong unang siglo, hinatulan ni Jehova ang bayang Judio. Ang mga nagsisi, na sumampalataya sa maawaing paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo, ay nakaligtas buhat sa “malaking kapighatian” na iyon. Gaya ng mismong sinabi ni Jesus, naganap ang lahat ng bagay na inihula, at pagkatapos ang “langit at lupa” ng Judiong sistema ng mga bagay—ang buong bansa, pati ang relihiyosong mga lider nito at ang balakyot na lipunan ng mga tao—ay lumipas. Isinagawa ni Jehova ang paghatol!—Mateo 24:35; ihambing ang 2 Pedro 3:7.
20. Anong napapanahong paalaala ang kumakapit nang may pagkaapurahan sa lahat ng Kristiyano?
20 Natanto niyaong mga Judio na nagbigay-pansin sa makahulang mga salita ni Jesus na ang kanilang kaligtasan ay depende, hindi sa pagsisikap na tantiyahin ang haba ng isang “salinlahi” o ng ilang itinakdang “mga panahon o mga kapanahunan,” kundi sa pananatiling hiwalay mula sa kasalukuyang masamang salinlahi at sa masigasig na paggawa ng kalooban ng Diyos. Bagaman ang mga huling salita ng hula ni Jesus ay may malaking katuparan sa ating kaarawan, ang unang-siglong mga Kristiyanong Judio ay kailangan ding makinig sa paalaala: “Manatiling gising, kung gayon, na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng pagsusumamo na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na itinalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao.”—Lucas 21:32-36; Gawa 1:6-8.
21. Anong biglang pangyayari ang maaasahan natin sa malapit na hinaharap?
21 Sa ngayon, “ang dakilang araw ni Jehova . . . ay malapit na, at ito ay lubhang nagmamadali.” (Zefanias 1:14-18; Isaias 13:9, 13) Biglang-bigla, sa “araw at oras” na patiunang itinakda ni Jehova mismo, ang kaniyang matinding galit ay pakakawalan sa relihiyoso, pulitikal, at komersiyal na mga elemento ng sanlibutan, pati na sa suwail na mga tao na bumubuo ng kasalukuyang “balakyot at mapangalunyang salinlahi.” (Mateo 12:39; 24:36; Apocalipsis 7:1-3, 9, 14) Papaano kayo makaliligtas sa “malaking kapighatian”? Sasagutin at tatalakayin ng ating susunod na artikulo ang tungkol sa dakilang pag-asa sa hinaharap.
[Mga talababa]
a Para sa detalyadong balangkas ng hulang ito, pakisuyong tingnan ang tsart sa pahina 14, 15 ng Ang Bantayan ng Pebrero 15, 1994.
b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga “sanlinggo” ng mga taon, tingnan ang pahina 130-2 ng aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
c Isinasalin ng ilang Bibliya ang he ge·ne·aʹ hauʹte sa Mateo 24:34 gaya ng sumusunod: “ang mga taong ito” (The Holy Bible in the Language of Today [1976], ni W. F. Beck); “ang bansang ito” (The New Testament—An Expanded Translation [1961], ni K. S. Wuest); “ang bayang ito” (Jewish New Testament [1979], ni D. H. Stern).
d Ang di-tapat na “mga pulutong” na ito ay hindi dapat kilalanin bilang ang mga ‘am-ha·’aʹret, o “mga taong hampaslupa,” na nilalayuan ng mapagmataas na mga relihiyosong lider, ngunit ‘kinahabagan’ naman ni Jesus.—Mateo 9:36; Juan 7:49.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang natututuhan natin sa katuparan ng Daniel 9:24-27?
◻ Papaano binibigyang-katuturan ng kasalukuyang mga diksiyunaryo “ang salinlahing ito” ayon sa paggamit ng Bibliya?
◻ Papaano walang-pagbabagong ginamit ni Jesus ang terminong “salinlahi”?
◻ Papaano natupad ang Mateo 24:34, 35 noong unang siglo?
[Larawan sa pahina 12]
Inihambing ni Jesus “ang salinlahing ito” sa pulutong ng maliligalig na bata
[Larawan sa pahina 15]
Tanging si Jehova lamang ang patiunang may alam sa oras ng paglalapat ng kahatulan sa balakyot na sistemang Judio