Aklat ng Bibliya Bilang 32—Jonas
Manunulat: Si Jonas
Natapos Isulat: c. 844 B.C.E.
1. Anong mga tanong ang sinasagot sa aklat ni Jonas, at ano ang ipinakikita nito tungkol sa awa ni Jehova?
SI JONAS—dayuhang misyonero ng ikasiyam na siglo B.C.E.! Papaano niya minalas ang kaniyang atas mula kay Jehova? Anong mga bagong karanasan ang nabuksan sa kaniya? Tinanggap ba siya ng mga tao? Tagumpay ba ang pangangaral niya? Sinasagot ito ng madulang ulat ng aklat ni Jonas. Isinulat nang ang piling bayan ni Jehova ay lumabag sa tipan at nahulog sa paganong idolatriya, idiniriin ng makahulang ulat na ang awa ng Diyos ay hindi limitado sa iisang bansa, maging sa Israel. Isa pa, itinatanghal ang dakilang awa at kagandahang-loob ni Jehova na kabaligtaran ng kawalan ng awa, pagtitiis, at pananampalataya na napakalimit masaksihan sa di-sakdal na tao.
2. Ano ang nalalaman tungkol kay Jonas, at anong taon siya humula?
2 Ang pangalang Jonas (Hebreo, Yoh·nahʹ) ay nangangahulugang “Kalapati.” Anak siya ni propeta Amitai ng Gat-heper sa Galilea sa lalawigan ng Zabulon. Ayon sa 2 Hari 14:23-25 ang hangganan ng bansa ay pinalawak ni Jeroboam na hari ng Israel ayon sa salita ni Jehova kay Jonas. Itinatakda nito ang paghula ni Jonas sa mga 844 B.C.E., taon ng paglulok ni Jeroboam II ng Israel at noong ang Israel ay hindi pa nasasakop ng Asirya na may kabisera sa Nineve.
3. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng ulat ni Jonas?
3 Tiyak ang pagiging-tunay ng ulat ng Jonas. Ang “Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus,” ay tumukoy kay Jonas bilang isang aktuwal na persona at ibinigay niya ang kinasihang kahulugan ng dalawang makahulang kaganapan sa Jonas upang ipakita na ito ay tunay na hula. (Heb. 12:2; Mat. 12:39-41; 16:4; Luc. 11:29-32) Ang Jonas ay dati nang kabilang sa kanonikal na mga aklat ng mga Judio at itinuring nila ito na makasaysayan. Ang pagka-prangko ni Jonas sa pagbanggit ng sariling pagkakamali at kahinaan nang hindi pinagtatakpan ang mga ito ay tanda rin na ang ulat ay tunay.
4. Anong uri ng isda ang nakalunok kay Jonas? Gayunman, anong impormasyon ang sapat na sa atin?
4 Kumusta ang “malaking isda” na lumunok kay Jonas? Marami ang pala-palagay tungkol sa kung anong isda ito. Kayang-kaya ng sperm whale (balyena) na lunukin nang buo ang tao. Ganoon din ang great white shark (pating). Ngunit sinasabi lamang ng Bibliya: “Inutusan ni Jehova ang isang malaking isda na lunukin si Jonas.” (Jonas 1:17) Hindi tinukoy kung ano yaon. Hindi tiyak kung yao’y sperm whale, great white shark, o iba pang di-kilalang nilikha sa dagat.a Sapat na ang ulat ng Bibliya na yaon ay “malaking isda.”
NILALAMAN NG JONAS
5. Papaano tumugon si Jonas sa kaniyang atas, at ano ang resulta?
5 Isinugo si Jonas sa Nineve ngunit tumakas siya (1:1-16). “Dumating ang salita ni Jehova kay Jonas na anak ni Amitai, na nagsasabi: ‘Bumangon ka, pumunta ka sa Nineve na dakilang lungsod, at ipahayag mo sa kaniya na ang kasamaan nila ay umabot na sa harap ko.’ ” (1:1, 2) Nasiyahan ba si Jonas sa atas na ito? Aba, hindi! Tumalilis siya, sakay ng barko tungo sa Tarsis, marahil ay ang Espanya. Isang malakas na bagyo ang nasalubong ng barko. Sa takot ay nagdasal ang mga marino, “sa kani-kaniyang diyos,” habang natutulog si Jonas sa ilalim ng barko. (1:5) Ginising nila si Jonas at nagpalabunutan sila upang malaman kung sino ang dapat managot sa kanilang sinapit. Kay Jonas ito napatapat. Kaya sinabi niya na siya ay Hebreo, isang mananamba ni Jehova, at na tumatakas siya sa kaniyang bigay-Diyos na atas. Hiniling niya na ihagis siya sa dagat. Pagkaraan ng pagsisikap na palutangin ang barko, siya ay inihagis nila. Huminto ang pagngangalit ng dagat.
6. Ano ang karanasan ni Jonas kaugnay ng “malaking isda”?
6 Nilunok ng “malaking isda” (1:17–2:10). “Inutusan ni Jehova ang isang malaking isda na lunukin si Jonas, kaya tatlong araw at tatlong gabi siya sa loob ng isda.” (1:17) Doo’y taimtim siyang nanalangin kay Jehova. “Mula sa tiyan ng Sheol” ay humingi siya ng tulong at sinabing tutuparin niya ang kaniyang panata, sapagkat “ang kaligtasan ay mula kay Jehova.” (2:2, 9) Sa utos ni Jehova, si Jonas ay isinuka ng isda sa tuyong lupa.
7. Gaano kabisa ang pangangaral ni Jonas sa Nineve?
7 Pangangaral sa Nineve (3:1–4:11). Inulit ni Jehova ang utos niya kay Jonas. Hindi na umiwas si Jonas at nagpunta ito sa Nineve. Nilibot niya ang lungsod habang sumisigaw: “Apatnapung araw na lamang, at mawawasak ang Nineve.” (3:4) Mabisa ang pangangaral niya. Nagsisi ang buong Nineve at ang mga mamamayan ay sumampalataya sa Diyos. Sinabi ng hari na ang tao at hayop ay dapat mag-ayuno at magsuot ng magaspang na kayo. Ang lungsod ay buong-kaawaang pinatawad Jehova.
8. Papaano tumugon si Jonas sa pagdadalang-habag ni Jehova sa lungsod, at papaano inilantad ni Jehova ang kawalang-katuwiran ng propeta?
8 Hindi ito maatim ni Jonas. Sinabi niya kay Jehova na noon pa’y alam niya na magdadalang-habag si Jehova kaya siya ay tumakas sa Tarsis. Gusto na niyang mamatay. Masamang-masama ang loob, nagpunta siya sa silangan ng lungsod at naghintay kung ano ang mangyayari. Pinatubo ni Jehova ang baging ng kikayon upang liliman ang kaniyang nagmamaktol na propeta. Di-nagtagal ang pagsasaya ni Jonas. Kinaumagahan, ang halaman ay ipinakain ni Jehova sa uod, kaya ang maginhawang lilim nito ay napalitan ng pagkahantad sa nakapapasong hanging amihan at sa nakakadarang na sikat ng araw. Gusto na uli ni Jonas na mamatay. Nagmamatuwid-sa-sarili, ipinaliwanag niya kung bakit siya nagalit. Ipinakita ni Jehova ang kaniyang kawalang-katuwiran: Naawa si Jonas sa isang kikayon pero galít siya pagkat naawa si Jehova sa malaking lungsod ng Nineve.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
9. Anong saloobin at landasin ni Jonas ang dapat magsilbing babala sa atin?
9 Dapat magsilbing babala ang iginawi ni Jonas at ang bunga nito. Tinakasan niya ang isang bigay-Diyos na atas; tinupad sana niya ito at umasa na siya’y tutulungan ng Diyos. (Jonas 1:3; Luc. 9:62; Kaw. 14:26; Isa. 6:8) Sa pagtahak ng ibang landas, nagpakita siya ng negatibong saloobin nang hindi agad siya nagpakilala sa mga marino bilang mananamba ni “Jehova na Diyos ng kalangitan.” Naging duwag siya. (Jonas 1:7-9; Efe. 6:19, 20) Dahil sa pagiging-malasarili, ang awa ni Jehova sa Nineve ay itinuring ni Jonas na insulto sa kaniya; paimbabaw niyang sinabi kay Jehova na noon pa’y alam na niya ang mangyayari—kaya bakit pa siya isusugo bilang propeta? Sinaway siya dahil sa walang-galang at mareklamong saloobin, kaya dapat tayong makinabang sa naging karanasan niya at huwag hanapan ng butas ang awa ni Jehova o ang kaniyang mga pamamaraan.—Jonas 4:1-4, 7-9; Fil. 2:13, 14; 1 Cor. 10:10.
10. Papaano inilalarawan sa aklat ni Jonas ang kagandahang-loob at awa ni Jehova?
10 Nangingibabaw sa aklat ang paglalarawan ng kagila-gilalas na kagandahang-loob at awa ni Jehova. Nagpamalas si Jehova ng kagandahang-loob sa Nineve nang magsugo siya ng propeta upang magbabala sa napipintong pagkawasak, at nagdalang-awa siya nang magsisi ang lungsod—kaawaan na nagpanatili sa Nineve nang mahigit pang 200 taon hanggang ito ay mawasak ng mga Medo at taga-Babilonya noong 632 B.C.E. Nagpakita siya ng awa kay Jonas nang ito ay iligtas niya sa maunos na dagat at nang patubuin niya ang kikayon upang “iligtas siya sa kaniyang kawawang kalagayan.” Sa paglalaan ng malilim na kikayon at pag-aalis nito, ipinabatid ni Jehova kay Jonas na Siya ay magpapakita ng awa at kagandahang-loob ayon sa Kaniyang kagustuhan.—Jonas 1:2; 3:2-4, 10; 2:10; 4:6, 10, 11.
11. Ano “ang tanda ni Jonas”?
11 Sa Mateo 12:38-41, sinabi ni Jesus sa mga pinuno ng relihiyon na ang tanging tanda na ibibigay sa kanila ay “ang tanda ni Jonas.” Pagkaraan ng tatlong araw at tatlong gabi sa “tiyan ng Sheol,” si Jonas ay pumunta at nangaral sa Nineve, at siya’y naging “tanda” sa mga taga-roon. (Jonas 1:17; 2:2; 3:1-4) Kahawig nito, namalagi si Jesus nang tatlong araw sa libingan at nabuhay-na-muli. Nang ipakita ng mga alagad ang ebidensiya nito, si Jesus ay naging tanda sa lahing yaon. Ayon sa Judiong paraan ng pagsukat sa panahon at sa mga pangyayaring kaugnay ng karanasan ni Jesus, ang “tatlong araw at tatlong gabi” ay hindi eksaktong tatlong buong araw.b
12. (a) Ano pa ang sinasabi ni Jesus tungkol sa mga taga-Nineve at sa mga Judio noong panahon niya? (b) Papaano dumating ang “isa na lalong dakila kay Jonas,” at ano ang kaugnayan niya sa kaligtasan at sa Kaharian ni Jehova?
12 Sa pag-uusap ding yaon, pinaghambing ni Jesus ang pagsisisi ng mga taga-Nineve at ang katigasan-ng-puso at tahasang pagtatakwil ng mga Judio sa kaniya, sa pagsasabing: “Babangon sa paghuhukom ang mga taga-Nineve na kasama ng lahing ito at ito’y kanilang hahatulan; sapagkat nagsisi sila sa ipinangaral ni Jonas, ngunit, masdan! narito ang isa na lalong dakila kay Jonas.” (Tingnan din ang Mateo 16:4 at Lucas 11:30, 32.) “Isa na lalong dakila kay Jonas”—ano ang gustong sabihin ni Jesus? Tinutukoy niya ang sarili bilang pinakadakilang propeta, na isinugo ni Jehova upang mangaral: “Magsisi kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng mga langit.” (Mat. 4:17) Sa kabila nito, karamihan ng Judio sa lahing yaon ay nagtakwil “sa tanda ni Jonas.” Kumusta sa ngayon? Bagaman karamihan ay hindi nakikinig sa babala ni Jehova, libu-libo sa buong daigdig ang tumanggap ng maluwalhating pribilehiyo na makinig sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos na unang ipinangaral ni Jesus, “ang Anak ng tao.” Gaya ng nagsising mga taga-Nineve, na pinagpala dahil sa pangangaral ni Jonas, sila ay makikibahagi din sa masagana at maawaing paglalaan ni Jehova ng mahabang buhay, sapagkat tunay ngang “ang kaligtasan ay mula kay Jehova.”—Jonas 2:9.
[Mga talababa]
a Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 99-100.
b Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 593.