Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Pinagwikaan ni Jesus ang mga Fariseo
KUNG sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas nagpapalabas siya ng mga demonyo, ang pangangatuwiran ni Jesus, kung gayon ay nababahagi si Satanas laban sa kaniyang sarili. “Pabutihin ninyo ang punungkahoy at mabuti ang bunga niyaon,” ang patuloy pa niya, “o pasamain ninyo ang punungkahoy at masama ang bunga niyaon; sapagkat ang punungkahoy ay nakikilala sa pamamagitan ng kaniyang bunga.”
Isang kamangmangan na ang mabuting bunga na pagpapalabas ng mga demonyo ay dahil sa kay Satanas naglilingkod si Jesus. Kung ang bunga ay mabuti, hindi maaaring maging masama ang puno. Sa kabilang panig, ang masamang bunga ng mga Fariseo na mga pagpaparatang ng hindi totoo at walang batayang pananalansang kay Jesus ay patotoo na sila mismo ay masasama. “Mga lahi ng ulupong,” ang bulalas ni Jesus, “paano kayo makapagsasalita ng mabubuting bagay, gayong kayo ay masasama? Sapagkat sa kasaganaan ng puso nagsasalita ang bibig.”
Yamang nababanaag sa ating mga salita ang kalagayan ng ating puso, ang ating sinasalita ay nagsisilbing batayan para sa paghatol sa atin. “Sinasabi ko sa inyo,” ang wika ni Jesus, “na ang bawat salitang walang kabuluhang sabihin ng mga tao ay ipagsusulit nila sa Araw ng Paghuhukom; sapagkat sa iyong mga salita ay aariin kang matuwid, at sa iyong mga salita ay hahatulan ka.”
Sa kabila ng lahat ng mga himalang ginawa ni Jesus, ang mga eskriba at mga Fariseo ay humiling: “Guro, ibig naming makakita ng isang tanda sa iyo.” Bagaman ang partikular na mga taong ito buhat sa Jerusalem ay maaaring personal na hindi naman nakasaksi sa kaniyang mga himala, mayroon namang di-matututulang mga saksing nakakita na nagpapatunay na nangyari ang mga ito. Kaya’t sinabi ni Jesus sa mga Judiong pinuno: “Ang isang balakyot at mangangalunyang salinlahi ay patuloy na humahanap ng isang tanda, subalit walang tanda na ibibigay sa kaniya maliban sa tanda ni Jonas na propeta.”
Sa pagpapaliwanag kung ano ang ibig niyang sabihin, si Jesus ay nagpatuloy pa: “Kung paanong si Jonas ay napasa-tiyan ng isang malaking isda tatlong araw at tatlong gabi, ganoon mapapasa-ilalim ng lupa tatlong araw at tatlong gabi ang Anak ng tao.” Pagkatapos na siya’y lulunin ng isda, si Jonas ay lumabas na para bang siya’y binuhay mag-uli, ganoon inihula ni Jesus na siya’y mamamatay at sa ikatlong araw ay bubuhaying-muli. Gayunman ang mga pinunong Judio, kahit na nang mabuhay-muli si Jesus pagkatapos, ay tumanggi sa “tanda ni Jonas.”
Kaya sinabi ni Jesus na ang mga taga-Nineve na nagsisi nang mangaral sa kanila si Jonas ay babangon sa paghuhukom upang hatulan ang mga Judio na tumanggi kay Jesus. Gayundin naman, siya’y gumawa ng paghahambing sa reyna ng Sheba, na nanggaling buhat sa kadulu-duluhan ng lupa upang makinig sa karunungan ni Solomon at ang reynang ito ay nanggilalas sa kaniyang nakita at narinig. “Subalit, narito!” ang sabi ni Jesus, “isang lalong dakila kaysa kay Solomon ang narito.”
Pagkatapos ay nagbigay si Jesus ng ilustrasyon ng isang lalaki na nilabasan ng isang karumal-dumal na espiritu. Datapuwat, ang guwang ay hindi pinunô ng taong iyon ng mabubuting bagay kung kaya’t siya’y pinasukan ng pito pang masasamang espiritu. “Ganiyan din ang mangyayari sa balakyot na salinlahing ito,” ang sabi ni Jesus. Ang bansang Israel ay nilinis at nakaranas ng pagbabago—tulad ng pansamantalang pag-alis ng isang karumal-dumal na espiritu. Subalit ang pagtanggi ng bansa sa mga propeta ng Diyos, na umabot sa sukdulan sa pagsalansang kay Kristo mismo, ay nagsisiwalat na ang kaniyang masamang kalagayan ay masahol pa kaysa noong pasimula.
Samantalang nagsasalita si Jesus, ang kaniyang ina at ang kaniyang mga kapatid ay dumating at doon nagsitayo sa may gawing tabi ng karamihan. Kaya may nagsabi: “Narito! Ang iyong ina at mga kapatid ay nangakatayo sa labas, at ibig nilang makausap ka.”
“Sino ba ang aking ina, at sino ang aking mga kapatid?” ang tanong ni Jesus. Kaniyang iniunat ang kaniyang kamay sa kaniyang mga alagad, at kaniyang sinabi: “Narito! Ang aking ina at ang aking mga kapatid! Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit, siya ang aking kapatid na lalaki, at kapatid na babae, at ina.” Sa ganitong paraan ay ipinakikita ni Jesus na bagaman matalik ang relasyon niya sa kaniyang mga kamag-anak, lalong matalik ang relasyon niya sa kaniyang mga alagad. Mateo 12:33-50; Marcos 3:31-35; Lucas 8:19-21.
◆ Paanong ang punungkahoy at ang bunga nito ay hindi nagbunga ng mabuti para sa mga Fariseo?
◆ Ano “ang tanda ni Jonas,” at paano iyon tinanggihan?
◆ Paanong ang bansang Israel ay katulad ng lalaki na nilabasan ng karumal-dumal na espiritu?
◆ Paano idiniin ni Jesus ang kaniyang matalik na kaugnayan sa kaniyang mga alagad?