KABALISAHAN
May ilang salitang Hebreo na nagtatawid ng diwa ng pagkabalisa o pag-aalala. Ang isa sa mga ito (tsa·rarʹ) ay nangangahulugang literal na makulong at sa gayon ay isinasaling ‘ibalot,’ ‘itago,’ at ‘maging masikip.’ (Exo 12:34; Kaw 26:8; Isa 49:19) Sa makasagisag na diwa, ito ay nangangahulugang “mabalisa; mapasamatinding kagipitan.” (Gen 32:7; 1Sa 28:15) Ang isa pa ay da·ʼaghʹ, na isinasaling “mabalisa; mangilabot”; kaugnay ito ng deʼa·ghahʹ, na nangangahulugang “pagkabalisa.” (1Sa 9:5; Isa 57:11; Kaw 12:25) Ang pangngalang Griego na meʹri·mna ay isinasaling “kabalisahan,” samantalang ang kaugnay na pandiwang me·ri·mnaʹo ay nangangahulugang “mabalisa.”—Mat 13:22; Luc 12:22.
Ang kabalisahan ay maaaring makapinsala sa kalusugan ng isa. Maaari itong humantong sa panlulumo, anupat ang isa ay manghihina at mawawalan ng ganang kumilos. Sinasabi ng kinasihang kawikaan: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito.” (Kaw 12:25) Maaaring magdulot ng seryosong pisikal na mga sintomas ang pagkabalisa. Ang aklat na How to Master Your Nerves ay nagkomento: “Alam ng mga doktor kung paano maaaring makaapekto sa katawan ang kabalisahan. Maaari nitong pataasin (o pababain) ang presyon ng dugo; maaari nitong pataasin ang bilang ng puting selula ng dugo; maaari itong biglang makaapekto sa asukal sa dugo dahil sa aksiyon ng adrenalin sa atay. Maaari pa nga nitong baguhin ang iyong electrocardiogram [tala ng pintig ng puso]. Sinabi ni Dr. Charles Mayo: ‘Ang pagkabalisa ay nakaaapekto sa sirkulasyon ng dugo, sa puso, sa mga glandula, sa buong sistema ng nerbiyo.’”—Nina Dr. P. Steincrohn at Dr. D. LaFia, 1970, p. 14.
Mas seryoso ang espirituwal na pinsala na maaaring idulot ng labis na kabalisahan. Sinabi ni Jesu-Kristo na ang pagpapahalaga sa “salita ng Diyos” ay maaaring lubusang masakal ng pagkabalisa sa mga suliranin na kadalasa’y bahagi na ng buhay sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay. Kung paanong mapipigilan ng mga tinik ang lubusang paglaki at pamumunga ng mga binhi, mahahadlangan din ng gayong kabalisahan ang espirituwal na pagsulong at ang pagluluwal ng mga bunga ukol sa kapurihan ng Diyos. (Mat 13:22; Mar 4:18, 19; Luc 8:7, 11, 14) Dahil pinahihintulutan nilang mangibabaw sa kanilang buhay ang mga kabalisahang ito, anupat isinasaisantabi nila ang espirituwal na mga kapakanan, masusumpungan ng marami na sila’y may di-sinang-ayunang katayuan sa harap ng Anak ng Diyos kapag bumalik na siya taglay ang kaluwalhatian, anupat ito’y sa kanilang walang-hanggang kalugihan.—Luc 21:34-36.
Wastong Pagkabalisa o Pagkabahala. Makatuwiran lamang na ikabalisa ng isa ang paggawa ng bagay na nakalulugod sa Diyos na Jehova sapagkat nais niyang matamo ang mga pagpapalang tatamasahin ng tapat na mga lingkod ng Diyos. Dapat na madama ng isang nagkasala nang malubha ang nadama ng salmista: “Nagsimula akong mabalisa dahil sa aking kasalanan.” (Aw 38:18) Ang wastong pagkabahala dahil sa kasalanan ay umaakay tungo sa pagtatapat, pagsisisi, at panunumbalik mula sa maling landasin, anupat naisasauli ang mabuting kaugnayan ng isa sa Kataas-taasan.
Ang lahat ng mga Kristiyano ay dapat na mabalisa, o tunay na magmalasakit, sa espirituwal, pisikal, at materyal na kapakanan ng kanilang mga kapananampalataya. (1Co 12:25-27) Mababanaag ang ganitong uri ng pagkabahala sa liham ng apostol na si Juan kay Gayo: “Minamahal, idinadalangin ko na sa lahat ng mga bagay ay sumagana ka at magkaroon ng mabuting kalusugan, kung paanong ang iyong kaluluwa ay sumasagana.” (3Ju 2) Ang apostol na si Pablo ay may binanggit na “kabalisahan para sa lahat ng kongregasyon.” (2Co 11:28) Lubha siyang nabahala para sa mga alagad ng Anak ng Diyos dahil nais niya na silang lahat ay manatiling tapat hanggang sa wakas.
Ang Kasulatan ay may tinutukoy na ‘pagkabalisa para sa mga bagay ng Panginoon,’ samakatuwid nga, ang pagkabahala sa lahat ng bagay na magtataguyod sa mga interes ng Anak ng Diyos. Palibhasa’y walang mga pananagutan at álalahanín para sa asawa at mga anak, ang mga Kristiyanong walang asawa, kung ihahambing sa mga may asawa, ay hindi gaanong nababahala sa “mga bagay ng sanlibutan” at sa gayo’y nakapag-uukol ng higit na atensiyon sa “mga bagay ng Panginoon.”—1Co 7:32-35.
Sinabi ng apostol na si Pablo na ang Kristiyanong mga asawang lalaki at mga asawang babae ay ‘mababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan,’ anupat magkakaroon sila ng mga kaabalahan na hindi kinakaharap ng mga Kristiyanong walang asawa. Mas malaki ang pangangailangan ng isang pamilya kaysa sa mga pangangailangan sa buhay ng isang taong walang asawa kung tungkol sa pagkain, damit, at tirahan. Dahil sa matalik na ugnayan ng mag-asawa, makatuwiran lamang na kapuwa sila mabalisa o mabahala kung paano palulugdan ang isa’t isa at paglalaanan ang pangangailangan ng buong pamilya sa pisikal, mental, emosyonal, at espirituwal. Kahit wala silang kinakaharap na mga pagkakasakit, kagipitan, limitasyon, o kapansanan, ang mga mag-asawang may mga anak ay kailangang mag-ukol ng mas maraming panahon sa “mga bagay ng sanlibutan,” samakatuwid nga, sa di-espirituwal na mga gawaing nauugnay sa buhay ng tao, anupat mas malaking panahon kaysa sa kadalasang kailangang gugulin ng mga Kristiyanong walang asawa.
Gayunpaman, ang pangkaraniwang mga pagkabahala ay hindi dapat pag-ukulan ng labis-labis na importansiya. Nilinaw ito ni Jesu-Kristo sa kapatid ni Lazaro na si Marta. Palibhasa’y nababalisa sa pag-aasikaso sa kaniyang panauhin, hindi malaman ni Marta kung paano pa siya magkakapanahong makinig kay Jesus. Sa kabilang dako, nagawa ni Maria na piliin “ang mabuting bahagi,” ang pagtanggap ng espirituwal na pagkain mula sa Anak ng Diyos.—Luc 10:38-42.
Pag-iwas sa Labis na Kabalisahan. Ang lubos na pagtitiwala sa maibiging pagkabahala ni Jehova sa kapakanan ng kaniyang mga lingkod ay makatutulong sa isa upang hindi siya madaig ng labis na pagkabalisa. (Jer 17:7, 8) Ganito rin ang diwa ng sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang Sermon sa Bundok. Tinapos niya ang kaniyang payo hinggil sa kabalisahan sa ganitong mga salita: “Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan.” (Mat 6:25-34) Para sa isang Kristiyano, sapat na ang mga suliraning dulot ng bawat araw anupat hindi na kailangang idagdag pa sa mga ito ang pagkabalisa sa maaaring mangyari sa susunod na araw na baka hindi naman talaga mangyayari.
Kahit ang isang Kristiyano ay mapaharap sa interogasyon ng mga awtoridad sa panahon ng pag-uusig, hindi siya mababalisa kung magtitiwala siya na tutulungan siya ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kaniyang espiritu, aalalayan ni Jehova ang Kristiyanong iyon sa gayong mahirap na kalagayan at pangyayarihin Niyang makapagpatotoo siya nang may kahusayan.—Mat 10:18-20; Luc 12:11, 12.
Kapag ang isang Kristiyano ay napapaharap sa anumang bagay na maaaring makabalisa sa kaniya, at labis siyang naliligalig at nangangamba, dapat siyang lumapit sa kaniyang makalangit na Ama sa panalangin. Sa gayon ay ‘maihahagis niya ang kaniyang kabalisahan kay Jehova,’ anupat nagtitiwala na diringgin siya ng Isa na nagmamalasakit sa kaniya. (1Pe 5:7) Bilang resulta, magkakaroon siya ng panloob na kapanatagan, ang kapayapaan ng Diyos, na magbabantay sa puso at sa mga kakayahang pangkaisipan. Sa kaloob-looban niya, sa kaniyang puso, mapalalaya siya sa pagkaligalig, agam-agam, at takot, at ang kaniyang isip ay hindi na guguluhin ng mga kaabalahan at kalituhang dulot ng kabalisahan.—Fil 4:6, 7.