Ang Relihiyon ba ang Ugat ng mga Problema ng Sangkatauhan?
“KAPAG hindi humihimok ng alitan ang relihiyon, kumikilos ito na parang droga na nagpapamanhid sa budhi ng tao at pumupuno sa utak ng tao ng mga ilusyon upang takasan ang di-kanais-nais na mga katotohanan. . . . Pinangyayari [nito] ang mga tao na maging makitid ang isip, mapamahiin, punô ng pagkapoot at pangamba.” Sinabi pa ng dating misyonerong Metodista na sumulat nito: “Totoo ang mga paratang na ito. May masama at mabuting relihiyon.”—Start Your Own Religion.
‘Tiyak na iyan ay isang di-makatuwirang kritisismo,’ ang maaaring sabihin ng ilan. Gayunman, sino ang makapagkakaila sa mga katotohanan ng kasaysayan? Sa kalakhang bahagi, ang relihiyon—na binibigyang-kahulugan bilang “ang paglilingkod at pagsamba sa Diyos o sa sobrenatural”—ay may nakagigitlang rekord. Dapat itong magbigay sa atin ng kaliwanagan at inspirasyon. Subalit, karaniwan nang lumilikha ito ng alitan, kawalang-pagpaparaya, at pagkapoot. Bakit gayon?
Isang Nanlíligaw na “Anghel ng Liwanag”
Ayon sa Bibliya, may napakasimpleng sagot. Palibhasa’y nagkukunwaring “isang anghel ng liwanag,” naililigaw ni Satanas na Diyablo ang milyun-milyon sa pagsunod sa kaniyang mga turo sa halip na sa mga turo ng Diyos. (2 Corinto 11:14) Ipinakita ni apostol Juan na napakalawak ng impluwensiya ni Satanas anupat “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Alam ni Juan na ‘inililigaw ni Satanas ang buong tinatahanang lupa.’—Apocalipsis 12:9.
Anu-ano ang mga resulta nito? Ipinakilala ni Satanas ang mga sistema ng relihiyon na animo’y banal. Ang mga ito’y may “huwad na anyo ng ‘relihiyon,’ ” subalit inilalantad ng masasamang bunga nila ang kanilang tunay na kalagayan. (2 Timoteo 3:5, J. B. Phillips; Mateo 7:15-20) Sa halip na tumulong upang lutasin ang mga problema ng sangkatauhan, ang relihiyon ay aktuwal na nagiging bahagi ng problema.
Huwag mo agad itakwil ang ideyang iyon bilang malayong mangyari o di-makatuwiran. Tandaan, ang pinakadiwa ng panlilinlang ay na walang kamalay-malay ang isa na nililinlang. Nagbigay si apostol Pablo ng isang halimbawa nito nang isulat niya: “Ang mga bagay na inihahain ng mga bansa ay inihahain nila sa mga demonyo, at hindi sa Diyos.” (1 Corinto 10:20) Malamang na nagitla ang mga taong ito na isiping sinasamba nila ang mga demonyo. Inaakala nilang sinasamba nila ang isang uri ng mabuting diyos, o ilang uri ng mga diyos. Ngunit sa katunayan, sila ay nalinlang ng “balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako,” na sumusuporta kay Satanas sa kaniyang mga pagsisikap na iligaw ang sangkatauhan.—Efeso 6:12.
Halimbawa, isaalang-alang natin kung paano nalinlang at nailigaw ni Satanas ang maraming nag-aangking Kristiyano na piniling waling-bahala ang babala ni apostol Juan hinggil sa masamang impluwensiyang iyon.—1 Corinto 10:12.
Galing sa Diyos ang Itinuro ni Jesus
“Ang itinuturo ko,” sabi ni Jesu-Kristo, “ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) Oo, ang itinuro niya ay mula sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Kaya ang mga turo ni Jesus ay may malakas at nagbibigay-kaliwanagang epekto sa mga nakinig sa kaniya. Hindi nito ginawang ‘manhid ang budhi ng tao o pinunô ang utak ng tao ng mga ilusyon upang takasan ang di-kanais-nais na mga katotohanan.’ Sa kabaligtaran, pinalaya ng mga turo ni Jesus ang mga tao mula sa relihiyosong kamalian at mga pilosopiya ng tao na gawa ng isang sanlibutang ‘nasa kadiliman ang isip’ dahil sa panlilinlang ng Diyablo.—Efeso 4:18; Mateo 15:14; Juan 8:31, 32.
Ang tunay na mga Kristiyano ay nakilala, hindi lamang sa kanilang pagpapahayag ng kabanalan, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya na nagpapabanaag sa kaakit-akit na mga katangiang bunga ng banal na espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23; Santiago 1:22; 2:26) Ang namumukod-tangi sa mga katangiang ito—at ang pagkakakilanlan ng tunay na Kristiyanismo—ay ang dakilang katangian ng pag-ibig.—Juan 13:34, 35.
Gayunman, pansinin ang mahalagang puntong ito: Hindi inasahan ni Jesus o ng kaniyang mga apostol na magpapatuloy ang kongregasyong Kristiyano sa dating matatag na kalagayan nito. Alam nilang magkakaroon ng apostasya at na makukubli sa loob ng ilang panahon ang tunay na relihiyon.
Nakubli sa Loob ng Ilang Panahon ang Tunay na Relihiyon
Sa isang ilustrasyon tungkol sa trigo at panirang-damo, inihula ni Jesus na ang tunay na relihiyon ay halos di-makikilala sa loob ng ilang panahon. Basahin mo ang ulat sa Mateo 13:24-30, 36-43. Sa bukid, naghasik si Jesus ng trigo, ang “mainam na binhi,” na lumalarawan sa kaniyang tapat na mga alagad na bubuo sa orihinal na kongregasyong Kristiyano. Nagbabala siya na “isang kaaway,” si Satanas na Diyablo, ang maghahasik din sa bukid ng mga trigo ng “mga panirang-damo”—mga taong nag-aangking sumusunod kay Jesu-Kristo subalit sa katunayan ay tumatanggi sa kaniyang mga turo.
Karaka-raka pagkamatay ng mga apostol ni Jesus, lumitaw ang mga indibiduwal na napatunayang “mga panirang-damo,” na mas pinipili ang pilipit na mga turo ng tao kaysa sa “mismong salita ni Jehova.” (Jeremias 8:8, 9; Gawa 20:29, 30) Dahil dito, isang tiwali at huwad na Kristiyanismo ang lumitaw sa sanlibutan. Pinangibabawan ito ng tinatawag ng Bibliya na “isa na tampalasan”—isang tiwali na uring klero na sa ganang sarili ay punô ng “bawat likong panlilinlang.” (2 Tesalonica 2:6-10) Inihula ni Jesus na magbabago ang kalagayang ito “sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” Ang mga Kristiyanong tulad-trigo ay titipuning magkakasama sa pagkakaisa at “ang mga panirang-damo” ay pupuksain sa bandang huli.
Ang huwad na Kristiyanismong ito ang siyang may kagagawan sa “mga dantaon ng ganap na barbarismo” at espirituwal na kadiliman na lumaganap sa Sangkakristiyanuhan sa sumunod na mga dantaon. Palibhasa’y patiunang nakita ito at ang lahat ng iba pang balakyot at mararahas na gawa sa ngalan ng relihiyon mula noon, may-kawastuang inihula ni apostol Pedro na “dahil sa mga ito [mga nag-aangking Kristiyano] ay pagsasalitaan nang may pang-aabuso ang daan ng katotohanan.”—2 Pedro 2:1, 2.
“Isang Teolohiya ng Pagngangalit at Pagkapoot”
Tiyak na hindi lamang ang Sangkakristiyanuhan ang nagbigay sa relihiyon ng masamang reputasyon. Halimbawa, isipin ang pundamentalistang mga bersiyon ng “militanteng kabanalan” na ayon sa sinabi ng dating madre na si Karen Armstrong ay nalikha ng “bawat pangunahing relihiyosong tradisyon.” Sang-ayon kay Armstrong, ang isang mahalagang pagsubok sa anumang relihiyon ay na dapat itong umakay sa “mga gawa ng pagkamahabagin.” Ano ba ang naging rekord ng mga relihiyong pundamentalista sa bagay na ito? “Hindi makapapasa ang pananampalatayang pundamentalista,” sulat niya, “ito man ay Judio, Kristiyano, o Muslim, sa mahalagang pagsubok na ito kung ito ay nagiging isang teolohiya ng pagngangalit at pagkapoot.” (The Battle for God—Fundamentalism in Judaism, Christianity and Islam) Subalit ang mga relihiyong “pundamentalista” ba lamang ang nabigo sa pagsubok na ito at naging “isang teolohiya ng pagngangalit at pagkapoot”? Hindi gayon ang ipinakikita ng kasaysayan.
Sa katunayan, si Satanas ay nakagawa ng isang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na makikilala sa pamamagitan ng pagngangalit, pagkapoot, at halos walang-katapusang pagbububo ng dugo. Tinatawag ng Bibliya ang imperyong ito na “Babilonyang Dakila, ang ina . . . ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa,” at inilarawan ito bilang isang patutot na nakasakay sa likod ng tulad-hayop na pulitikal na sistema. Kapansin-pansin na siya ang pinapanagot sa “dugo . . . ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa.”—Apocalipsis 17:4-6; 18:24.
Hindi Lahat ay Nadaya
Gayunman, pinatutunayan ng kasaysayan na hindi lahat ay nadaya. Kahit na sa pinakamapanglaw na panahon, ang sabi ni Melvyn Bragg, “maraming kapuri-puring mga tao ang gumawa ng mabuti kahit na masama ang karamihan ng nakapalibot sa kanila.” Ang tunay na mga Kristiyano ay patuloy na ‘sumasamba [sa Diyos] sa espiritu at katotohanan.’ (Juan 4:21-24) Humiwalay sila mula sa pambuong-daigdig na sistema ng relihiyon na ginawang patutot ang kaniyang sarili bilang “tagasuporta ng puwersang militar.” Tumanggi silang magkaroon ng anumang malapít na kaugnayan sa Simbahan at Estado na isinisiwalat ng kasaysayan bilang “kasunduang ginawa ni Satanas sa halip ng sinumang Jesus ng Nazaret.”—Two Thousand Years—The Second Millennium: From Medieval Christendom to Global Christianity.
Nitong nakalipas na mga panahon lamang, ang mga Saksi ni Jehova ay nakilala dahil sa kanilang mabuting impluwensiya. Upang hindi mabahiran ng huwad na relihiyon, ibinatay nila ang kanilang mga paniniwala at kilos tangi sa kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya. (2 Timoteo 3:16, 17) At tulad ng mga Kristiyano noong unang-siglo, sinunod nila ang utos ni Jesus na maging “hindi . . . bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:17-19; 17:14-16) Halimbawa, sa Alemanya sa ilalim ng Nazi, tumanggi silang ikompromiso ang mga simulaing Kristiyano at sa gayo’y naging di-kanais-nais ayon sa ideolohiya ng Nazi. Kinapootan sila ni Hitler dahil dito. Ganito ang sabi ng isang aklat-aralin sa paaralan: “Ang mga Saksi ni Jehova . . . ay sumunod sa turo ng Bibliya na huwag magdala ng mga sandata sa anumang layunin. Kaya tumanggi silang maglingkod sa hukbo o magkaroon ng anumang kaugnayan sa mga Nazi. Bilang ganti, ikinulong ng mga SS ang pami-pamilya ng mga Saksi ni Jehova.” (Germany—1918-45) Oo, daan-daang Saksi ni Jehova sa Alemanya ang namatay dahil sa pag-uusig ng Nazi.
Sabihin pa, ang iba pang malalakas ang loob na mga indibiduwal sa iba‘t ibang relihiyon ay nagdusa dahil sa kanilang mga paniniwala. Subalit ginawa ito ng mga Saksi ni Jehova bilang isang nagkakaisang relihiyosong pangkat. Di-palak na ang karamihan ay nanghawakang matatag sa pangunahing simulain sa Kasulatan: “Sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:29; Marcos 12:17.
Ang Ugat ng Problema
Kaya may bahagyang katotohanan lamang sa pag-aangking ang relihiyon ang ugat ng lahat ng problema ng sangkatauhan. Ang huwad na relihiyon ang pinagmumulan ng lahat ng problema ng sangkatauhan. Gayunman, layunin ng Diyos na alisin ang lahat ng huwad na relihiyon sa napakalapit nang panahon. (Apocalipsis 17:16, 17; 18:21) Ang utos niya sa sinuman na umiibig sa katarungan at sa katuwiran ay: “Lumabas kayo sa kaniya [yaon ay, sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon], bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot. Sapagkat ang kaniyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong hanggang sa langit, at inalaala ng Diyos ang kaniyang walang-katarungang mga gawa.” (Apocalipsis 18:4, 5) Oo, ang Diyos mismo ay lubhang nasasaktan dahil sa relihiyon na ‘humihimok ng alitan, nagpapamanhid sa budhi ng tao, pumupuno sa utak ng mga ilusyon upang takasan ang di-kanais-nais na mga katotohanan, at nagpapangyari sa mga tao na maging makitid ang isip, mapamahiin, at punô ng pagkapoot at pangamba’!
Samantala, tinitipon ng Diyos sa dalisay na relihiyon ang mga umiibig sa katotohanan. Ito ang relihiyon na sumusunod sa mga simulain at mga turo ng isang maibigin, makatarungan, at mahabaging Maylalang. (Mikas 4:1, 2; Zefanias 3:8, 9; Mateo 13:30) Maaari kang maging bahagi nito. Kung gusto mo ng higit na impormasyon kung paano makikilala ang dalisay na relihiyon, huwag mag-atubiling sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito, o humingi ng tulong sa sinumang Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 7]
Nasumpungan na ng mga taong may iba’t ibang pinagmulan ang kagalakan sa dalisay na relihiyon