‘Makinig at Unawain ang Kahulugan’
“Makinig kayo sa akin, kayong lahat, at unawain ninyo ang kahulugan.”—MAR. 7:14.
1, 2. Bakit hindi naunawaan ng marami ang kahulugan ng mga sinabi ni Jesus?
MAAARING naririnig ng isang tao ang sinasabi ng kausap niya. Baka napapansin pa nga niya pati ang tono ng boses. Pero ano ang silbi nito kung hindi naman niya nauunawaan ang kahulugan ng mga sinasabi? (1 Cor. 14:9) Sa katulad na paraan, libo-libo ang nakarinig sa mga salita ni Jesus. Gumamit pa nga siya ng wikang naiintindihan nila. Pero hindi lahat ay nakaunawa sa kahulugan ng mga binanggit niya. Kaya sinabi ni Jesus: “Makinig kayo sa akin, kayong lahat, at unawain ninyo ang kahulugan.”—Mar. 7:14.
2 Bakit hindi naunawaan ng marami ang kahulugan ng mga sinabi ni Jesus? Kasi ang ilan ay may kani-kaniya nang opinyon o may maling motibo. Sinabi ni Jesus tungkol sa gayong mga tao: “May-katusuhan ninyong isinasaisantabi ang utos ng Diyos upang panatilihin ang inyong tradisyon.” (Mar. 7:9) Hindi sinikap ng mga taong iyon na maunawaan ang mga sinabi niya. Ayaw nilang baguhin ang kanilang mga kinagawian at pananaw. Maaaring nakikinig naman sila pero sarado ang kanilang puso! (Basahin ang Mateo 13:13-15.) Kaya paano natin mapananatiling bukás ang ating puso para makinabang sa mga turo ni Jesus?
KUNG PAANO MAKIKINABANG SA MGA TURO NI JESUS
3. Bakit naunawaan ng mga alagad ang mga sinabi ni Jesus?
3 Kailangan nating tularan ang mapagpakumbabang mga alagad ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “Maligaya ang inyong mga mata sapagkat ang mga iyon ay nakakakita, at ang inyong mga tainga sapagkat ang mga iyon ay nakaririnig.” (Mat. 13:16) Bakit nila naunawaan ang mga salita ni Jesus samantalang hindi iyon naunawaan ng iba? Una, handa silang magtanong at magsaliksik para makuha ang tunay na kahulugan ng mga sinabi ni Jesus. (Mat. 13:36; Mar. 7:17) Ikalawa, handa silang matuto ng mga bagong bagay. (Basahin ang Mateo 13:11, 12.) Ikatlo, handa nilang ikapit ang mga natutuhan nila at gamitin iyon sa pagtulong sa iba.—Mat. 13:51, 52.
4. Para maunawaan ang mga ilustrasyon ni Jesus, anong tatlong hakbang ang kailangan nating gawin?
4 Gaya ng tapat na mga alagad ni Jesus, tatlong hakbang din ang kailangan nating gawin para maunawaan ang kaniyang mga ilustrasyon. Una, kailangan tayong maglaan ng panahon para pag-aralan at bulay-bulayin ang mga sinabi ni Jesus, magsaliksik tungkol sa mga ito, at magtanong. Magbibigay iyan ng kaalaman. (Kaw. 2:4, 5) Ikalawa, kailangan nating makita ang kaugnayan ng kaalamang iyon sa mga alam na natin at kung paano tayo personal na makikinabang doon. Ang resulta niyan ay kaunawaan. (Kaw. 2:2, 3) Ikatlo, dapat nating gamitin ang ating natutuhan at ikapit iyon sa ating buhay. Nagpapakita iyan ng karunungan.—Kaw. 2:6, 7.
5. Ipaliwanag ang pagkakaiba ng kaalaman, kaunawaan, at karunungan.
5 Ano ang pagkakaiba ng kaalaman, kaunawaan, at karunungan? Bilang ilustrasyon, isiping tumatawid ka ng kalsada at isang sasakyan ang paparating. Una, nakita mong iyon ay isang bus—iyan ay kaalaman. Pagkatapos, naisip mo na kung hindi ka aalis sa kinaroroonan mo, masasagasaan ka—iyan ay kaunawaan! Kaya dali-dali kang umalis sa daraanan ng bus—iyan ay karunungan! Hindi nga nakapagtatakang idiniriin ng Bibliya na “ingatan [natin] ang praktikal na karunungan.” Buhay natin mismo ang nakataya rito!—Kaw. 3:21, 22; 1 Tim. 4:16.
6. Anong apat na tanong ang isasaalang-alang natin habang sinusuri ang pitong ilustrasyon ni Jesus? (Tingnan ang kalakip na kahon.)
6 Sa artikulong ito at sa susunod, pitong ilustrasyon ni Jesus ang susuriin natin. Habang ginagawa iyan, isasaalang-alang natin ang mga tanong na ito: Ano ang kahulugan ng ilustrasyon? (Tutulong ito para magkaroon tayo ng kaalaman.) Bakit ginamit ni Jesus ang ilustrasyon? (Aakay ito sa kaunawaan.) Paano natin magagamit ang impormasyong ito para makinabang tayo at makatulong sa iba? (Ito ay karunungan.) At panghuli, ano ang itinuturo nito sa atin tungkol kay Jehova at kay Jesus?
ANG BUTIL NG MUSTASA
7. Ano ang kahulugan ng ilustrasyon tungkol sa butil ng mustasa?
7 Basahin ang Mateo 13:31, 32. Ano ang kahulugan ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa butil ng mustasa? Ang butil ay lumalarawan sa mensahe ng Kaharian at sa resulta ng pangangaral tungkol sa mensaheng iyon—ang kongregasyong Kristiyano. Gaya ng butil ng mustasa na “pinakamaliit sa lahat ng mga binhi,” maliit lang ang kongregasyong Kristiyano nang magsimula ito noong 33 C.E. Pero sa loob lang ng ilang dekada, lumaki ito nang mabilis. Hindi inaasahan ang naging paglawak nito. (Col. 1:23) Kapaki-pakinabang ang paglaking iyon dahil sinabi ni Jesus na “ang mga ibon sa langit” ay “nakasusumpong ng masisilungan sa mga sanga nito.” Ang mga ibon ay lumalarawan sa tapat-pusong mga indibiduwal na nakasusumpong ng espirituwal na pagkain, lilim, at kanlungan sa loob ng kongregasyong Kristiyano.—Ihambing ang Ezekiel 17:23.
8. Bakit ginamit ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa butil ng mustasa?
8 Bakit ginamit ni Jesus ang ilustrasyong ito? Ginamit niya ang kahanga-hangang paglaki ng butil ng mustasa para ilarawan ang kakayahan ng Kaharian ng Diyos na lumago, magprotekta, at magtagumpay sa lahat ng hadlang. Mula noong 1914, kamangha-mangha ang naging pagsulong ng nakikitang bahagi ng organisasyon ng Diyos. (Isa. 60:22) Ang mga nagiging bahagi ng organisasyong ito ay nagtatamasa ng espirituwal na proteksiyon. (Kaw. 2:7; Isa. 32:1, 2) At walang anumang pagsalansang ang makapipigil sa patuloy na paglago ng interes ng Kaharian.—Isa. 54:17.
9. (a) Ano ang matututuhan natin sa ilustrasyon tungkol sa butil ng mustasa? (b) Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol kay Jehova at kay Jesus?
9 Ano ang matututuhan natin sa ilustrasyon tungkol sa butil ng mustasa? Marahil iilan lang ang Saksi sa lugar na tinitirhan natin o wala tayong gaanong nakikitang resulta ng pangangaral doon. Pero kung iisipin natin na madaraig ng Kaharian ang lahat ng hadlang, mapatitibay tayo nito na magbata. Halimbawa, nang dumating si Brother Edwin Skinner sa India noong 1926, iilan lang ang Saksi sa bansang iyon. Sa simula, napakahirap ng gawain dahil walang gaanong pagsulong. Pero patuloy siyang nangaral at nakita niya kung paano nadaig ng mensahe ng Kaharian ang malalaking hadlang. Ngayon, mahigit 37,000 na ang Saksi sa India, at mahigit 108,000 ang dumalo sa Memoryal noong nakaraang taon. Tingnan din ang isang halimbawa ng mabilis na paglago ng interes ng Kaharian. Noong taóng dumating si Brother Skinner sa India, kasisimula pa lang ng gawain sa Zambia. Ngayon, mahigit nang 170,000 mamamahayag ang nangangaral doon, at 763,915 ang dumalo sa Memoryal noong 2013. Ibig sabihin, 1 sa bawat 18 katao sa Zambia ang dumalo. Isa ngang kamangha-manghang paglago!
ANG LEBADURA
10. Ano ang kahulugan ng ilustrasyon tungkol sa lebadura?
10 Basahin ang Mateo 13:33. Ano ang kahulugan ng ilustrasyon tungkol sa lebadura? Ang ilustrasyong ito ay tumutukoy rin sa mensahe ng Kaharian at sa bunga nito. Ang “buong limpak” ng harina ay lumalarawan sa lahat ng bansa, at ang proseso ng pag-alsa ay lumalarawan sa paglaganap ng mensahe ng Kaharian sa pamamagitan ng pangangaral. Di-gaya ng paglaki ng butil ng mustasa na kitang-kita, ang pagkalat ng lebadura ay hindi nakikita. Sa kalaunan na lang makikita ang epekto nito.
11. Bakit ginamit ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa lebadura?
11 Bakit ginamit ni Jesus ang ilustrasyong ito? Ipinakikita niya na kayang marating ng mensahe ng Kaharian ang “pinakamalayong bahagi ng lupa” at baguhin ang puso ng mga tao. (Gawa 1:8) Pero ang mga pagbabagong resulta ng mensahe ay hindi laging nakikita; ang ilang epekto nito ay baka hindi pa nga agad napapansin. Pero tiyak na may pagbabago—hindi lang sa bilang ng mga tumatanggap ng mensahe ng Kaharian kundi pati na rin sa kanilang personalidad.—Roma 12:2; Efe. 4:22, 23.
12, 13. Magbigay ng halimbawa ng pagsulong ng gawaing pangangaral gaya ng inilalarawan sa ilustrasyon tungkol sa lebadura.
12 Kadalasan, maraming taon pa ang lumilipas bago makita ang epekto ng pangangaral. Halimbawa, ang mag-asawang Franz at Margit, na nasa ibang tanggapang pansangay na ngayon, ay nangaral sa isang maliit na bayan noong 1982 habang naglilingkod sa tanggapang pansangay sa Brazil. Kabilang sa mga napasimulan nila ng Bible study ang isang ina at ang apat na anak nito. Ang panganay na lalaki, na 12 anyos lang noon, ay napakamahiyain at madalas na nagtatago bago magsimula ang study. Dahil nagbago ang atas ng mag-asawa, hindi na nila naipagpatuloy ang pag-aaral. Pero pagkaraan ng 25 taon, nakadalaw silang muli sa bayang iyon. Ano ang nadatnan nila? Isang kongregasyon na may 69 na mamamahayag, at 13 sa mga ito ang regular pioneer. Bago rin ang Kingdom Hall nila. Kumusta naman ang batang mahiyain? Siya ngayon ang koordineytor ng lupon ng matatanda! Gaya ng lebadura sa ilustrasyon ni Jesus, ang mensahe ng Kaharian ay lumaganap at bumago sa buhay ng marami—na labis na ikinatuwa ng dumalaw na mag-asawa.
13 Ang kakayahan ng mensahe ng Kaharian na baguhin ang mga tao ay partikular nang makikita sa mga bansa kung saan ipinagbabawal ang gawaing pang-Kaharian. Mahirap malaman kung gaano na kalayo ang nararating ng ating mensahe sa mga bansang iyon, at kadalasan ay nagugulat na lang tayo sa mga resulta. Kuning halimbawa ang Cuba. Nakarating doon ang mensahe ng Kaharian noong 1910, at dumalaw si Brother Russell sa Cuba noong 1913. Sa pasimula, mabagal ang pagsulong doon. Pero ano ang makikita natin ngayon sa Cuba? Mahigit 96,000 mamamahayag na ang nangangaral doon ng mabuting balita, at 229,726 ang dumalo sa Memoryal noong 2013—ibig sabihin, 1 sa bawat 48 tagaroon ang dumalo. Kahit sa mga bansa na walang pagbabawal, ang mensahe ng Kaharian ay posibleng nakarating na sa mga lugar na sa tingin ng lokal na mga Saksi ay hindi napapangaralan.a—Ecles. 8:7; 11:5.
14, 15. (a) Paano tayo personal na makikinabang sa itinuro ni Jesus sa ilustrasyon tungkol sa lebadura? (b) Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol kay Jehova at kay Jesus?
14 Paano tayo makikinabang sa itinuro ni Jesus sa ilustrasyon tungkol sa lebadura? Kapag binubulay-bulay natin ang kahulugan ng ilustrasyon ni Jesus, nauunawaan natin na hindi tayo dapat na masyadong mabahala kung paano makararating ang mensahe ng Kaharian sa milyon-milyong hindi pa nakaririnig nito. Kontrolado ni Jehova ang lahat ng bagay. Pero ano ang papel natin? Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa kinagabihan ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay; sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay, kung dito o doon, o kung ang dalawa ay parehong magiging mabuti.” (Ecles. 11:6) Siyempre pa, hindi rin natin dapat kaligtaang ipanalangin na magtagumpay ang gawaing pangangaral, lalo na sa mga bansa kung saan ipinagbabawal ito.—Efe. 6:18-20.
15 Bukod diyan, huwag tayong masiraan ng loob kung hindi man natin makita agad ang resulta ng ating gawain. Hindi natin dapat hamakin ang ‘araw ng maliliit na pasimula.’ (Zac. 4:10) Sa bandang huli, baka ang resulta nito ay mas malaki pa nga at mas kamangha-mangha kaysa sa inaasahan natin!—Awit 40:5; Zac. 4:7.
ANG NAGLALAKBAY NA MANGANGALAKAL AT ANG NAKATAGONG KAYAMANAN
16. Ano ang kahulugan ng ilustrasyon tungkol sa naglalakbay na mangangalakal at ng ilustrasyon tungkol sa nakatagong kayamanan?
16 Basahin ang Mateo 13:44-46. Ano ang kahulugan ng ilustrasyon tungkol sa naglalakbay na mangangalakal at sa nakatagong kayamanan? Noong panahon ni Jesus, may mga mangangalakal na naglalakbay hanggang sa Indian Ocean para makakuha ng pinakamaiinam na perlas. Ang mangangalakal sa ilustrasyong ito ay lumalarawan sa tapat-pusong mga tao na ginagawa ang lahat para masapatan ang kanilang espirituwal na pangangailangan. Ang “isang perlas na may mataas na halaga” ay lumalarawan sa napakahalagang katotohanan ng Kaharian. Nang makita ng mangangalakal na napakalaki ng halaga ng perlas na iyon, ‘dali-dali’ niyang ipinagbili ang lahat ng taglay niya para mabili iyon. May binanggit din si Jesus na isang taong nagtatrabaho sa parang at nakasumpong ng ‘nakatagong’ kayamanan. Di-gaya ng mangangalakal, ang taong iyon ay hindi naghahanap ng kayamanan, pero handa rin niyang ipagbili ang “mga bagay na taglay niya” para makuha ang kayamanang iyon.
17. Bakit ginamit ni Jesus ang mga ilustrasyon tungkol sa naglalakbay na mangangalakal at sa nakatagong kayamanan?
17 Bakit ginamit ni Jesus ang dalawang ilustrasyong ito? Ipinakikita niya na ang katotohanan ay masusumpungan sa iba’t ibang paraan. Hinahanap ito ng iba at ginagawa nila ang lahat para masumpungan ito. Nasusumpungan naman ito ng ilan kahit hindi nila ito hinahanap—marahil ay may nangaral sa kanila tungkol dito. Alinman sa mga ito, nakita ng mga taong iyon ang halaga ng nasumpungan nila at handa silang magsakripisyo para makuha iyon.
18. (a) Paano tayo makikinabang sa dalawang ilustrasyon ni Jesus? (b) Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol kay Jehova at kay Jesus?
18 Paano tayo makikinabang sa dalawang ilustrasyong ito? (Mat. 6:19-21) Itanong sa sarili: ‘Ang saloobin ko ba sa katotohanan ay gaya ng sa mga taong iyon? Itinuturing ko bang kayamanan ang katotohanan? Handa ba akong magsakripisyo para makuha iyon, o hinahayaan kong magambala ako ng ibang mga bagay, gaya ng mga kabalisahan sa araw-araw?’ (Mat. 6:22-24, 33; Luc. 5:27, 28; Fil. 3:8) Kung talagang pinahahalagahan natin ang katotohanan, gagawin natin ang lahat para maging pangunahin iyon sa ating buhay.
19. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Ipakita nawa natin na nakikinig tayo at talagang nauunawaan natin ang kahulugan ng mga ilustrasyong ito tungkol sa Kaharian. Tandaan, hindi sapat na alam natin ang kahulugan ng mga ito. Kailangan din nating ikapit sa ating buhay ang mga natutuhan natin mula rito. Sa susunod na artikulo, tatlo pang ilustrasyon ang tatalakayin natin at aalamin natin kung ano ang itinuturo ng mga iyon.
a Nagkaroon din ng ganitong mga karanasan sa Argentina (2001 Yearbook, pahina 186); East Germany (1999 Yearbook, pahina 83); Isla ng Robinson Crusoe (Bantayan, Hunyo 15, 2000, pahina 9); at Papua New Guinea (2005 Taunang Aklat, pahina 63).