HERODES
Ang pangalan ng isang pamilya ng mga pulitikal na tagapamahala sa mga Judio. Sila ay mga Idumeano, mga Edomita. Sila ay mga Judio sa turing, sapagkat ang mga Idumeano ay pinilit na magpatuli ng tagapamahalang Macabeo na si John Hyrcanus I noong mga 125 B.C.E., ayon kay Josephus.
Bukod sa maikling pagbanggit ng Bibliya sa mga Herodes, ang karamihan ng impormasyon tungkol sa kanila ay nasa ulat ni Josephus. Ang ninunong pinagmulan ng mga Herodes ay si Antipater (Antipas) I, na ginawang gobernador ng Idumea ni Alexander Jannaeus na haring Hasmoneano (Macabeo). Ang anak ni Antipater, na tinatawag ding Antipater o Antipas, ang ama ni Herodes na Dakila. Iniuulat ni Josephus na sinabi ng istoryador na si Nicholas ng Damasco na si Antipater (II) ay nagmula sa angkan ng mga pangunahing Judio na lumabas sa Babilonya patungo sa lupain ng Juda. Ngunit ayon kay Josephus, sinabi lamang iyon ni Nicholas upang palugdan si Herodes, na ang totoo ay isang Edomita kapuwa sa panig ng kaniyang ama at ng kaniyang ina.
Si Antipater II, isang napakayamang tao, ay nasangkot sa pulitika at intriga at may matatayog na ambisyon para sa kaniyang mga anak. Sinuportahan niya si John Hyrcanus II, ang anak nina Alexander Jannaeus at Salome Alexandra, laban sa kapatid ni Hyrcanus na si Aristobulo para sa posisyon ng Judiong mataas na saserdote at hari. Ngunit sa katunayan, kumikilos si Antipater para sa sarili niyang ambisyon at nang bandang huli ay tinanggap niya ang pagkamamamayang Romano at ang pagkagobernador ng Judea mula kay Julio Cesar. Inatasan ni Antipater ang kaniyang unang anak na si Phasael bilang gobernador ng Jerusalem at ang isa pang anak, si Herodes, bilang gobernador ng Galilea. Nagwakas ang kaniyang karera sa pulitika nang lasunin siya ng isang mamamatay-tao.
1. Si Herodes na Dakila, ang ikalawang anak ni Antipater (Antipas) II sa kaniyang asawang si Cypros. Pinatutunayan ng kasaysayan na totoo ang maikling pagbanggit ng Bibliya sa pagkatao ng lalaking ito bilang walang prinsipyo, tuso, mapaghinala, imoral, malupit, at mapamaslang. Tinaglay niya ang kakayahan ng kaniyang ama bilang isang diplomatiko at oportunista. Gayunman, nagpakita siya ng kakayahan bilang isang organisador at kumandante ng militar. Inilalarawan siya ni Josephus bilang isang lalaking may pambihirang pisikal na lakas, na may kasanayan sa pangangabayo at sa paggamit ng diyabelin at busog. (The Jewish War, I, 429, 430 [xxi, 13]) Malamang na ang kaniyang namumukod-tanging kapaki-pakinabang na katangian ay ang kakayahan niya bilang tagapagtayo.
Una siyang nakilala sa kaniyang pagkagobernador ng Galilea nang sugpuin niya ang mga pangkat ng magnanakaw sa kaniyang teritoryo. Ngunit nainggit ang ilang Judio at, kasama ng mga ina ng napatay na mga magnanakaw, sinulsulan nila si Hyrcanus II (ang mataas na saserdote noon) na ipatawag si Herodes sa harap ng Sanedrin sa paratang na winalang-halaga niya ang lupong iyon sa pamamagitan ng agad na pagpatay sa mga magnanakaw sa halip na litisin muna ang mga ito. Sumunod si Herodes ngunit may-kapangahasan at walang-galang na humarap sa kanila na may kasamang mga tagapagbantay, bagaman sakop siya ng hukumang iyon bilang isang nag-aangking proselita. Dahil sa pang-iinsultong ito sa mataas na hukumang Judio, nagalit sa kaniya ang mga hukom. Ayon kay Josephus, isang hukom na nagngangalang Samaias (Simeon) ang may-katapangang tumayo at nagsalita, anupat humula na kung hindi maparurusahan si Herodes, sa kalaunan ay papatayin nito yaong mga nakaupo roon na humahatol. Ngunit si Hyrcanus ay isang taong mahina ang loob at walang paninindigan. Dahil sa panggigipit ni Herodes, bukod pa sa isang liham mula kay Sixto Cesar (isang kamag-anak ni Julio Cesar at presidente noon ng Sirya) na nagbabanta kay Hyrcanus kung hindi niya pawawalang-saysay ang mga paratang, sumuko si Hyrcanus.—Jewish Antiquities, XIV, 168-176 (ix, 4).
Hari ng Judea. Hinalinhan ni Herodes ang kaniyang ama at, noong mga 39 B.C.E., inatasan siya ng senadong Romano bilang hari ng kalakhang Judea; ngunit naitatag lamang niya ang kaniyang sarili bilang aktuwal na hari pagkalipas ng tatlong taon nang makuha niya ang Jerusalem at mapatalsik sa puwesto si Antigonus, na anak ni Aristobulo. Pagkatapos ng tagumpay na ito, gumawa si Herodes ng mga hakbang upang mapanatili ang kaniyang posisyon sa pamamagitan ng paghikayat sa Romanong si Mark Antony na patayin si Antigonus at sa pamamagitan ng pagtugis at pagpatay sa mga pangunahing miyembro ng partido ni Antigonus, na may kabuuang 45 katao. Sa mga pangunahing Pariseo, tanging sina Samaias at Pollio ang pinaligtas niya, sapagkat pagkalipas ng ilang taon ay pinatay niya pati si John Hyrcanus II. Kaya sa pagpatay sa mga umupo upang humatol sa kaniya, tinupad niya ang inihula ni Samaias.
Palibhasa’y talagang isang tusong pulitiko, naniwala si Herodes na makabubuti sa kaniya ang pagsuporta sa Roma. Ngunit kinailangan niyang maging lubhang diplomatiko, anupat malimit na nagpalipat-lipat ng pinapanigan upang makaalinsabay sa pabagu-bagong kalagayan ng mga tagapamahalang Romano. Palibhasa’y matalik na kaibigan ni Sixto, unang sinuportahan ni Herodes si Julio Cesar, pagkatapos ay kumampi siya kay Cassius na pumaslang kay Cesar. Nakuha niya ang pabor ni Mark Antony, na kaaway ni Cassius at tagapaghiganti ni Cesar, na isang paraan ay sa pamamagitan ng malalaking suhol. Sa kalaunan, nang matalo ni Octavio (Augusto Cesar) si Antony sa pagbabaka sa Actium, may-katusuhang natamo ni Herodes ang kapatawaran ni Augusto dahil sa pagsuporta niya kay Antony, at mula noon ay napanatili niya ang pakikipagkaibigan ni Augusto. Dahil sa pagsuporta niya sa Roma at sa walang-patumanggang paggamit niya ng salapi bilang regalo sa mga Cesar, lakip ang dulas ng pananalita, laging nananalo si Herodes kapag ang mga Judio o ang iba pa ay nagsasampa sa Roma ng mga reklamo o mga paratang laban sa kaniya, kung minsan ay mula sa mga miyembro ng kaniya mismong sambahayan.
Ang pagkagobernador ng Galilea ang unang posisyong hinawakan ni Herodes. Inatasan siya ni Cassius bilang gobernador ng Coele-Sirya. Nang maglaon, sa rekomendasyon ni Antony, ginawa siyang hari ng Judea ng senadong Romano. Dito ay idinagdag naman ni Emperador Augusto ang Samaria, Gadara, Gaza, at Jope, pagkatapos ay ang mga pook ng Traconite, Batanaea, Auranitis, at Perea, isang lugar sa silangan ng Jordan na halos sumasaklaw sa Gilead. Nasa ilalim din ng kaniyang pamumuno ang Idumea.
Ang Templo at Iba Pang mga Gawaing Pagtatayo. May kinalaman sa mga gawaing pagtatayo ni Herodes, ang muling pagtatayo ng templo ni Zerubabel sa Jerusalem ay lubhang natatangi, lalo na sa punto de vista ng Bibliya. Pagkalaki-laking halaga ang ginugol sa pagtatayo nito at inilalarawan ito ni Josephus bilang napakaringal. (Jewish Antiquities, XV, 395, 396 [xi, 3]) Dahil sa pagkapoot at paghihinala ng mga Judio kay Herodes, hindi nila siya pinahintulutan na patiunang gibain ang templong umiiral noon, kundi kinailangan niyang tipunin ang mga materyales sa pagtatayo at ilapag ang mga iyon sa lupa bago siya makapagsimulang magbuwag ng anuman. Ang santuwaryo ng templo ay muling itinayo, ayon kay Josephus, sa loob ng 18 buwan. (Jewish Antiquities, XV, 421 [xi, 6]) Ang iba pang mga pangunahing gusali ay itinayo sa loob ng walong taon. Ngunit noong 30 C.E., sinabi ng mga Judio na ang templo ay itinayo sa loob ng 46 na taon. Binigkas ang pananalitang ito sa isang pakikipag-usap kay Jesu-Kristo malapit sa panahon ng unang Paskuwa matapos mabautismuhan si Jesus. (Ju 2:13-20) Ayon kay Josephus (Jewish Antiquities, XV, 380 [xi, 1]), nagsimula ang gawaing iyon noong ika-18 taon ng paghahari ni Herodes. Kung bibilangin ayon sa pangmalas ng mga Judio sa opisyal na mga taon ng paghahari ng kanilang mga hari, maaaring iyon ay noong 18/17 B.C.E. Ang totoo, nagpatuloy ang paggawa sa templo sa pamamagitan ng mga pagdaragdag, at iba pa, hanggang noong anim na taon bago ito winasak noong 70 C.E.
Nagpatayo rin si Herodes ng mga dulaan, mga ampiteatro, mga karerahan ng kabayo, mga kuta, mga tanggulan, mga palasyo, mga hardin, mga templo bilang parangal kay Cesar, mga paagusan, mga bantayog, at maging mga lunsod. Ang mga lunsod na ito ay ipinangalan niya sa kaniyang sarili, sa kaniyang mga kamag-anak, o sa mga emperador ng Roma. Nagtayo siya ng isang artipisyal na daungan sa Cesarea na naging karibal ng daungang-dagat ng Tiro. Ayon kay Josephus, pagkalaki-laking mga bato ang inilatag sa lalim na 20 dipa (36 na m; 120 piye) ng tubig upang makagawa ng isang kayariang panangga sa tubig na mga 60 m (200 piye) ang lapad. (Jewish Antiquities, XV, 334, 335 [ix, 6]) Ipinaayos ni Herodes ang mga tanggulan ng Antonia at Masada, anupat napakaringal ng pagkakagawa sa huling nabanggit. Ang kaniyang mga tagumpay sa pagtatayo ay umabot maging sa malalayong lunsod gaya ng Antioquia sa Sirya at Rodas (sa pulo na may gayunding pangalan).
Si Herodes ay labis-labis kung gumasta para sa kaniyang paglilibang at napakagalanteng magbigay ng mga regalo, lalo na sa mga dignitaryong Romano. Isa sa mga pangunahing reklamo ng mga Judio laban sa kaniya ay ang pagtatayo niya ng mga ampiteatro gaya niyaong nasa Cesarea, kung saan niya idinaos ang mga palarong Griego at Romano, pati na ang karera ng mga karo, labanan ng mga gladyador, labanan ng mga tao at mababangis na hayop, at iba pang mga paganong kapistahan. Napakasidhi ng interes niya na ingatang buháy ang Palarong Olympic anupat, habang nasa Gresya sa isang paglalakbay patungong Roma, isa pa nga siya sa mga nakipaglaban. Pagkatapos ay nag-abuloy siya ng malaking halaga ng salapi upang panatilihing buháy ang palaro, at pati na rin ang sarili niyang pangalan. Yamang isang Judio sa turing, tinawag niyang “aking mga kababayan” ang mga Judio at “aking mga ama” yaong mga bumalik mula sa Babilonya upang itayo ang templo ni Zerubabel. Gayunman, lubusang itinatatwa ng kaniyang landasin sa buhay ang pag-aangkin niya na isa siyang lingkod ng Diyos na Jehova.
Kaguluhan sa Pamilya. Halos lahat ng miyembro ng pamilya ng mga Herodes ay ambisyoso, mapaghinala, labis-labis na imoral, at manggugulo. Ang mismong pamilya ni Herodes ang nagbigay sa kaniya ng pinakamalaking sakit ng ulo. Madalas na nagbibigay sa kaniya ng problema ang kaniyang inang si Cypros at ang kaniyang kapatid na si Salome. Napangasawa ni Herodes si Mariamne (I), ang apo ni Hyrcanus II at anak ni Alejandro na anak ni Aristobulo. Napakaganda ng babaing ito, at mahal na mahal siya ni Herodes, ngunit nagkaroon ng alitan sa pagitan ni Mariamne at ng ina at kapatid ni Herodes. Si Herodes ay mainggitin, at naghihinala siya na ang mga miyembro ng kaniyang pamilya, lalo na ang kaniyang mga anak, ay nagpapakana laban sa kaniya; sa ilang kaso ay totoo ang kaniyang hinala. Udyok ng kaniyang kasakiman sa kapangyarihan at ng kaniyang mga paghihinala, ipinapatay niya ang kaniyang asawang si Mariamne, ang tatlo sa mga anak niya, ang kapatid at ang lolo (si Hyrcanus) ng asawa niya, ang ilan sa kaniyang pinakamatatalik na kaibigan, at marami pang iba. Gumamit siya ng pagpapahirap upang piliting magtapat ang sinumang pinagsususpetsahan niyang may impormasyon na magpapatunay sa kaniyang mga hinala.
Kaugnayan sa mga Judio. Sinikap ni Herodes na payapain ang mga Judio sa pamamagitan ng muling pagtatayo ng templo at sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga bagay na kailangan sa mga panahon ng taggutom. Kung minsan ay binabawasan niya ang mga buwis ng ilan sa kaniyang mga sakop. Nagawa pa nga niyang hilingin kay Augusto na pagkalooban ang mga Judio ng mga pribilehiyo sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Ngunit nahigitan ito ng kaniyang paniniil at kalupitan, at sa kalakhang bahagi ng kaniyang pamamahala ay nagkaroon siya ng problema sa mga Judio.
Ang Kaniyang Pagkakasakit at Kamatayan. Malamang na dahil sa kaniyang mahalay na pamumuhay, nang bandang huli ay dinapuan si Herodes ng isang nakapandidiring sakit na may kasamang lagnat at, ayon kay Josephus, “isang napakatinding pangangati ng balat, namamalaging kirot sa bituka, mga tumor sa paa na gaya ng sa manas, pamamaga ng tiyan at ganggrena sa mga pribadong bahagi, na nilalabasan ng mga uod, bukod pa sa hika, na may matinding hirap sa paghinga, at pangingisay ng lahat ng kaniyang mga biyas.”—The Jewish War, I, 656 (xxxiii, 5).
Noong panahon ng kaniyang malubhang pagkakasakit, ipinapatay niya ang kaniyang traidor na anak na si Antipater. Gayundin, palibhasa’y alam na magsasaya ang mga Judio kapag nabalitaang namatay na siya, inutusan ni Herodes ang pinakaprominenteng mga lalaki ng bansang Judio na magtipon sa isang dako na tinatawag na Hippodrome, sa Jerico, at ipinakulong niya sila roon. Pagkatapos ay tinagubilinan niya yaong malalapit sa kaniya na, kapag namatay siya, patayin muna ang mga Judiong lider na ito bago ipatalastas ang balita tungkol sa kaniyang kamatayan. Sa gayon, sabi niya, ang bawat pamilya sa Judea ay mapipilitang tumangis sa kaniyang libing. Hindi isinagawa ang utos na ito. Pinalaya ng kapatid ni Herodes na si Salome at ng asawa nito na si Alexas ang mga lalaking iyon at pinauwi sa kani-kanilang tahanan.
Namatay si Herodes sa edad na mga 70 taon. Gumawa siya ng isang testamento na humihirang sa kaniyang anak na si Antipas bilang kahalili niya, ngunit nang malapit na siyang mamatay ay nagdagdag siya ng isang susog na kasulatan o gumawa ng isang bagong testamento na nag-aatas kay Arquelao sa posisyong iyon. Si Arquelao ay kinilala ng bayan at ng hukbo bilang hari (sinasabi ng Bibliya na narinig ng ama-amahan ni Jesus na si Jose na “si Arquelao ang namamahala bilang hari ng Judea kahalili ng ama nito na si Herodes”; Mat 2:22). Ngunit tinutulan ni Antipas ang pagkilos na ito. Matapos dinggin ang usaping ito sa Roma, pinagtibay ni Augusto Cesar ang posisyon ni Arquelao. Gayunman, ginawa niyang etnarka si Arquelao at hinati ang teritoryo na dating pinamamahalaan ni Herodes: ang kalahati ay napunta kay Arquelao; sina Antipas at Felipe, dalawa pang anak ni Herodes, ay parehong pinagkalooban ng teritoryo sa isa pang kalahati.
Pagpatay sa mga Bata. Ang ulat ng Bibliya tungkol sa pagpatay ni Herodes sa lahat ng batang lalaki na dalawang taóng gulang pababa sa Betlehem at sa mga distrito nito ay kaayon ng iba pang makasaysayang mga ulat tungkol kay Herodes at sa kaniyang balakyot na disposisyon. Naganap ito noong malapit nang mamatay si Herodes, sapagkat nakatakas si Jesus nang dalhin siya ng kaniyang mga magulang sa Ehipto, ngunit bumalik sila at namayan sa Galilea pagkamatay ni Herodes. Ang dalawang pangyayaring ito ay inihula ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta na sina Jeremias at Oseas.—Mat 2:1-23; Jer 31:15; Os 11:1.
Petsa ng Kaniyang Kamatayan. Isang suliranin ang bumabangon may kinalaman sa panahon ng kamatayan ni Herodes. Sinasabi ng ilang kronologo na namatay siya noong taóng 5 o 4 B.C.E. Ang petsang iminumungkahi nila ay pangunahin nang nakasalig sa kasaysayang isinulat ni Josephus. Sa pagpepetsa sa panahon kung kailan inatasan ng Roma si Herodes bilang hari, gumamit si Josephus ng “pagpepetsa batay sa konsul,” samakatuwid nga, tinutukoy niya ang pangyayaring iyon bilang isang kaganapan sa panahon ng pamamahala ng partikular na mga konsul na Romano. Ayon dito, inatasan si Herodes bilang hari noong 40 B.C.E., ngunit ang pangyayaring ito ay inilalagay ng datos ng isa pang istoryador, si Appianos, sa 39 B.C.E. Sa gayunding pamamaraan, inilalagay ni Josephus ang pagbihag ni Herodes sa Jerusalem sa 37 B.C.E., ngunit sinasabi rin niya na nangyari ito 27 taon matapos bihagin ni Pompey ang lunsod (na naganap noong 63 B.C.E.). (Jewish Antiquities, XIV, 487, 488 [xvi, 4]) Salig sa pagtukoy niya sa huling nabanggit na pangyayari, nakuha ni Herodes ang lunsod ng Jerusalem noong 36 B.C.E. Pagkatapos, sinasabi naman ni Josephus na namatay si Herodes 37 taon mula nang panahong atasan siya ng mga Romano bilang hari, at 34 na taon matapos niyang kunin ang Jerusalem. (Jewish Antiquities, XVII, 190, 191 [viii, 1]) Ipinahihiwatig nito na ang petsa ng kaniyang kamatayan ay 2 o marahil ay 1 B.C.E.
Maaaring binilang ng Judiong istoryador na si Josephus ang mga paghahari ng mga hari ng Judea na ginagamit ang pamamaraang batay sa taon ng pagluklok, gaya ng ginawa sa mga hari sa linya ni David. Kung si Herodes ay inatasan ng Roma bilang hari noong 40 B.C.E., ang kaniyang unang opisyal na taon ng paghahari ay maaaring sumaklaw mula Nisan ng 39 hanggang Nisan ng 38 B.C.E.; sa katulad na paraan, kung bibilangin mula sa pagbihag niya sa Jerusalem noong 37 (o 36) B.C.E., ang kaniyang unang opisyal na taon ng paghahari ay maaaring magsimula nang Nisan 36 (o 35) B.C.E. Kaya kung, gaya ng sinasabi ni Josephus, si Herodes ay namatay 37 taon matapos siyang atasan ng Roma at 34 na taon matapos niyang bihagin ang Jerusalem, at kung ang mga taóng iyon ay bibilangin sa bawat kaso ayon sa opisyal na taon ng paghahari, ang kaniyang kamatayan ay maaaring naganap noong 1 B.C.E. Bilang paghaharap ng argumentong may gayunding diwa sa The Journal of Theological Studies, isinulat ni W. E. Filmer na ipinakikita ng katibayan batay sa tradisyong Judio na ang kamatayan ni Herodes ay naganap noong Sebat 2 (ang buwan ng Sebat ay pumapatak sa Enero-Pebrero ng ating kalendaryo).—Inedit nina H. Chadwick at H. Sparks, Oxford, 1966, Tomo XVII, p. 284.
Ayon kay Josephus, namatay si Herodes di-nagtagal pagkatapos ng isang eklipse ng buwan at bago ang isang Paskuwa. (Jewish Antiquities, XVII, 167 [vi, 4]; 213 [ix, 3]) Yamang nagkaroon ng eklipse noong Marso 11, 4 B.C.E. (Marso 13, kalendaryong Julian), ipinapalagay ng ilan na ito ang eklipse na tinutukoy ni Josephus.
Sa kabilang dako, nagkaroon ng isang ganap na eklipse ng buwan noong 1 B.C.E., mga tatlong buwan bago mag-Paskuwa, samantalang yaong naganap noong 4 B.C.E. ay bahagyang eklipse lamang. Ang ganap na eklipse noong 1 B.C.E. ay pumatak ng Enero 8 (Enero 10, kalendaryong Julian), 18 araw bago ang Sebat 2, ang tradisyonal na araw ng kamatayan ni Herodes. Isa pang eklipse (bahagya) ang naganap noong Disyembre 27 ng 1 B.C.E. (Disyembre 29, kalendaryong Julian).—Tingnan ang KRONOLOHIYA (Mga eklipseng lunar).
Ang isa pang paraan ng pagkalkula ay nakasalig sa edad ni Herodes nang mamatay ito. Sinasabi ni Josephus na ito ay mga 70 taóng gulang noon. Sinasabi niya na nang panahong tanggapin ni Herodes ang atas nito bilang gobernador ng Galilea (pinetsahan ng 47 B.C.E.), ito ay 15 taóng gulang; ngunit kinikilala ng mga iskolar na iyon ay isang pagkakamali, anupat maliwanag na 25 taon ang tinutukoy. (Jewish Antiquities, XVII, 148 [vi, 1]; XIV, 158 [ix, 2]) Alinsunod dito, naganap ang kamatayan ni Herodes noong 2 o 1 B.C.E. Gayunman, dapat nating isaisip na maraming di-pagkakasuwato sa ulat ni Josephus may kaugnayan sa pagpepetsa ng mga pangyayari kung kaya hindi lubusang mapananaligan ang kaniyang impormasyon. Para sa pinakamapananaligang katibayan, dapat tayong tumingin sa Bibliya.
Ipinakikita ng taglay nating katibayan na si Herodes ay malamang na namatay noong taóng 1 B.C.E. Sinasabi sa atin ng istoryador ng Bibliya na si Lucas na nagsimulang magbautismo si Juan noong ika-15 taon ni Tiberio Cesar. (Luc 3:1-3) Namatay si Augusto noong Agosto 17, 14 C.E. Noong Setyembre 15, si Tiberio ay hinirang ng Senadong Romano bilang emperador. Hindi ginamit ng mga Romano ang sistemang batay sa taon ng pagluklok; dahil dito, ang ika-15 taon ay sasaklaw mula sa huling bahagi ng 28 C.E. hanggang sa huling bahagi ng 29 C.E. Mas matanda si Juan nang anim na buwan kaysa kay Jesus at sinimulan niya ang kaniyang ministeryo (maliwanag na noong tagsibol ng taóng iyon) nang una kay Jesus bilang tagapagpauna ni Jesus, anupat inihanda ang daan. (Luc 1:35, 36) Si Jesus, na ipinakikita ng Bibliya na ipinanganak noong taglagas ng taóng iyon, ay mga 30 taóng gulang nang magpabautismo siya kay Juan. (Luc 3:21-23) Samakatuwid ay nabautismuhan siya, malamang na noong taglagas, mga Oktubre ng 29 C.E. Kung bibilang ng 30 taon pabalik, hahantong tayo sa taglagas ng 2 B.C.E. bilang ang panahon ng kapanganakan ng Anak ng Diyos bilang tao. (Ihambing ang Luc 3:1, 23 sa hula ni Daniel tungkol sa “pitumpung sanlinggo” sa Dan 9:24-27.)—Tingnan ang PITUMPUNG SANLINGGO.
Ang mga astrologo na dumalaw kay Jesus. Sinasabi sa atin ng apostol na si Mateo na pagkatapos na maipanganak si Jesus sa Betlehem “noong mga araw ni Herodes na hari,” ang mga astrologo mula sa mga silanganing bahagi ay pumaroon sa Jerusalem, na nagsasabi na nakita nila ang kaniyang bituin noong naroon sila sa silangan. Kaagad na nakadama si Herodes ng takot at paghihinala, at inalam niya sa mga punong saserdote at mga eskriba kung ang Kristo ay ipanganganak sa Betlehem. Pagkatapos ay ipinatawag niya ang mga astrologo at tiniyak mula sa kanila ang panahon ng paglitaw ng bituin.—Mat 2:1-7.
Mapapansin natin na ito ay ilang panahon pagkaraan ng kapanganakan ni Jesus, sapagkat wala na siya noon sa sabsaban kundi kasama ng kaniyang mga magulang sa isang bahay. (Mat 2:11; ihambing ang Luc 2:4-7.) Nang hindi bumalik kay Herodes ang mga astrologo upang sabihin kung nasaan ang bata, iniutos ng hari na patayin ang lahat ng batang lalaki na mula dalawang taóng gulang pababa sa buong Betlehem at sa mga distrito nito. Samantala, dinala si Jesus ng kaniyang mga magulang sa Ehipto bilang pagsunod sa babala ng Diyos. (Mat 2:12-18) Ang kamatayan ni Herodes ay malayong naganap bago ang 1 B.C.E., sapagkat, kung magkakagayon, si Jesus (na ipinanganak noong mga Oktubre 1, 2 B.C.E.) ay wala pang tatlong buwan noon.
Sa kabilang dako, hindi kailangang si Jesus ay dalawang taóng gulang nang mangyari ang pagpatay sa mga bata; maaari pa ngang wala pa siyang isang taóng gulang, sapagkat ang pagkalkula ni Herodes ay mula noong panahong lumitaw ang bituin sa mga astrologo habang naroon ang mga ito sa silangan. (Mat 2:1, 2, 7-9) Ito ay maaaring isang yugto na ilang buwan, sapagkat kung ang mga astrologo ay nanggaling sa sinaunang sentro ng astrolohiya, ang Babilonya o Mesopotamia, na malamang na siyang nangyari, iyon ay isang napakahabang paglalakbay. Gumugol ang mga Israelita ng di-kukulangin sa apat na buwan sa paglalakbay nang pabalikin sila mula sa Babilonya noong 537 B.C.E. Maliwanag na ipinalagay ni Herodes na kung papatayin ang lahat ng sanggol na hanggang dalawang taóng gulang ay tiyak na mapapatay niya ang isang ito na ipinanganak na “hari ng mga Judio.” (Mat 2:2) Di-nagtagal pagkatapos nito, si Herodes ay namatay; ipinahihiwatig ito ng hindi pananatili ni Jesus nang napakahabang panahon sa Ehipto.—Mat 2:19-21.
Samakatuwid, maaari nating ipalagay na ang kronolohiya ng Bibliya, datos ng astronomiya, at taglay nating mga ulat ng kasaysayan ay tumutukoy sa panahon ng kamatayan ni Herodes bilang 1 B.C.E., o posible pa nga na noong maagang bahagi ng 1 C.E.
2. Si Herodes Antipas, anak nina Herodes na Dakila at Malthace, isang babaing Samaritana. Pinalaki siya sa Roma kasama ng kaniyang kapatid na si Arquelao. Sa testamento ni Herodes, si Antipas ang hinirang upang tumanggap ng pagkahari, ngunit sa huling sandali ay binago ni Herodes ang kaniyang testamento, anupat si Arquelao ang hinirang. Tinutulan ni Antipas ang testamento sa harap ni Augusto Cesar, na nagtibay naman sa pag-aangkin ni Arquelao ngunit hinati ang kaharian, anupat ibinigay kay Antipas ang tetrarkiya ng Galilea at Perea. Ang “tetrarka,” nangangahulugang ‘tagapamahala ng isang kapat’ ng isang probinsiya, ay isang termino na ikinakapit sa isang nakabababang tagapamahala ng distrito o prinsipe ng isang teritoryo. Gayunman, maaaring ang karaniwang tawag sa kaniya ay Hari, gaya ng tawag kay Arquelao.—Mat 14:9; Mar 6:14, 22, 25-27.
Napangasawa ni Antipas ang anak na babae ni Aretas, hari ng Arabia, na ang kabisera ay nasa Petra. Ngunit sa isa sa mga paglalakbay niya patungong Roma, dinalaw ni Antipas ang kaniyang kapatid sa ama na si Herodes Felipe, ang anak nina Herodes na Dakila at Mariamne II (hindi si Felipe na tetrarka). Noong pagdalaw na iyon, nagkagusto siya sa asawa ni Felipe na si Herodias, na ambisyosa sa posisyon. Isinama niya ito sa Galilea at kinuha bilang asawa, anupat diniborsiyo ang anak ni Aretas at pinauwi iyon sa tahanan nito. Ang mapang-insultong pagkilos na ito ay nagbunga ng digmaan. Sinalakay ni Aretas ang teritoryo ni Antipas at nagdulot ng malalaking pinsala sa kaniya, anupat muntik na siyang mapabagsak. Nailigtas si Antipas sa pamamagitan ng pag-apela sa Roma na nagpalabas naman ng utos mula sa emperador na bihagin o patayin si Aretas.
Natamo ni Antipas ang malaking pabor ni Tiberio Cesar, na kahalili ni Augusto. Palibhasa’y isang tagapagtayo na tulad ng kaniyang ama, ngunit sa mas maliit na antas, si Antipas ay nagtayo ng isang lunsod sa Lawa ng Genesaret (Dagat ng Galilea, o Tiberias) at tinawag itong Tiberias, ayon sa pangalan ng emperador. (Ju 6:1, 23) Ang isa pang lunsod, ang Julias, ay ipinangalan niya sa asawa ni Augusto, si Julia (mas kilalá sa tawag na Livia). Nagtayo rin siya ng mga kuta, mga palasyo, at mga dulaan.
Pinatay si Juan na Tagapagbautismo. Ang mapangalunyang kaugnayan ni Herodes Antipas kay Herodias ang naging dahilan ng pagsaway sa kaniya ni Juan na Tagapagbautismo. Angkop lamang na ituwid ni Juan si Antipas sa bagay na ito, sapagkat si Antipas ay nag-aangking isang Judio at sa gayo’y nasa ilalim ng Kautusan. Inilagay ni Antipas si Juan sa bilangguan, anupat nais itong patayin, ngunit natatakot siya sa mga tao, na naniniwalang si Juan ay isang propeta. Gayunpaman, noong minsang magdiwang ng kaarawan ni Antipas, labis siyang napalugdan ng anak na babae ni Herodias anupat sumumpa siyang ibigay rito ang anumang hingin nito. Inutusan ni Herodias ang kaniyang anak na hingin ang ulo ni Juan. Bagaman ayaw ni Herodes, napilitan siyang sumang-ayon upang hindi siya mapahiya sa mga dumalo sa pagdiriwang at dahil din sa kaniyang sumpa. (Gayunman, sa ilalim ng Kautusan ay hindi niya dapat tuparin ang isang sumpa na magsagawa ng isang ilegal na gawa, gaya ng pagpaslang.)—Mat 14:3-12; Mar 6:17-29.
Pagkatapos nito, nang marinig ni Antipas ang tungkol sa ministeryo ni Jesus ng pangangaral, pagpapagaling, at pagpapalayas ng mga demonyo, natakot siya, anupat nangamba na baka si Jesus ay talagang si Juan na ibinangon mula sa mga patay. Mula noon ay gustung-gusto niyang makita si Jesus, maliwanag na hindi upang marinig ang ipinangangaral nito, kundi upang matiyak kung tama ang iniisip niya.—Mat 14:1, 2; Mar 6:14-16; Luc 9:7-9.
Malamang na noong isang pagkakataon nang dumaraan si Jesus sa Perea patungo sa Jerusalem ay sinabi sa kaniya ng mga Pariseo: “Umalis ka at yumaon mula rito, sapagkat ibig kang patayin ni Herodes.” Maaaring si Herodes ang nagpasimula ng usap-usapang ito, anupat umaasang mapaalis si Jesus mula sa kaniyang teritoryo dahil sa takot, sapagkat maaaring natatakot si Herodes na muling pagbuhatan ng kamay at patayin ang isang propeta ng Diyos. Maliwanag na tinutukoy ang katusuhan ni Herodes, sa kaniyang tugon ay tinawag ni Jesus si Herodes na ang “sorrang iyon.”—Luc 13:31-33.
Ang “Lebadura ni Herodes.” Noong panahon ng pamamahala ni Herodes Antipas ay binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Maging mapagmasid kayo, mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” (Mar 8:15) Ang dalawang sektang ito, ang mga Pariseo at ang mga Herodiano, o mga tagasunod sa partido ni Herodes, ay salansang kay Jesu-Kristo at sa kaniyang mga turo, at bagaman may alitan sa pagitan nila, kapuwa nila itinuring si Kristo bilang kaaway at nagkaisa sila laban sa kaniya. Ang mga Herodiano ay mas interesado sa pulitika kaysa sa relihiyon; sinasabing inaangkin nilang sumusunod sila sa Kautusan ngunit naniniwala sila na kaayon ng kautusan na kilalanin ng mga Judio ang isang banyagang prinsipe (sapagkat ang mga Herodes ay hindi tunay na mga Judio, kundi mga Idumeano). Ang mga Herodiano ay lubhang makabayan at hindi sumusuporta sa ideya ng teokratikong pamamahala sa ilalim ng mga haring Judio ni sa pamamahala ng Roma, kundi ang nais nila ay maisauli ang pambansang kaharian sa ilalim ng isa sa mga anak ni Herodes.
Isang halimbawa na nagsisiwalat ng kanilang makabayang “lebadura” ay ang mapandayang tanong na iniharap nila, kasama ng mga Pariseo, upang hulihin si Jesus: “Kaayon ba ng kautusan na magbayad ng pangulong buwis kay Cesar o hindi? Magbabayad ba kami, o hindi kami magbabayad?” (Mar 12:13-15) Tinawag sila ni Jesus na “mga mapagpaimbabaw,” at ipinakitang mapagbantay siya sa kanilang “lebadura,” sapagkat hindi nila natutulan ang kaniyang tugon, anupat binigo ang kanilang intensiyon na maakusahan siya ng sedisyon o masulsulan ang bayan laban sa kaniya.—Mat 22:15-22.
Ginawang Katatawanan si Jesus. Noong huling araw ng buhay ni Jesus sa lupa, nang dalhin siya sa harap ni Poncio Pilato at marinig ni Pilato na si Jesus ay taga-Galilea, ipinadala siya ni Pilato kay Herodes Antipas (noon ay nasa Jerusalem) na tagapamahala ng distrito (tetrarka) ng Galilea, sapagkat nagkaproblema si Pilato sa mga taga-Galilea. (Luc 13:1; 23:1-7) Pagkakita kay Jesus, si Herodes ay nagsaya, hindi dahil nababahala siya sa kapakanan ni Jesus o ibig niyang gumawa ng anumang tunay na pagsisikap na alamin ang katotohanan o kabulaanan tungkol sa mga paratang na dinala ng mga saserdote at mga eskriba laban dito, kundi dahil nais niyang makita si Jesus na magsagawa ng tanda. Tinanggihan itong gawin ni Jesus, at tahimik lamang siya nang tanungin siya ni Herodes “ng maraming salita.” Alam ni Jesus na pinilit lamang siyang humarap kay Herodes bilang isang paraan ng panlilibak. Palibhasa’y nabigo kay Jesus, nilait siya ni Herodes at ginawa siyang katatawanan sa pamamagitan ng pagdadamit sa kaniya ng maningning na kasuutan at ipinabalik siya kay Pilato, na siyang nakatataas na awtoridad may kaugnayan sa Roma. Dating magkaaway sina Pilato at Herodes, posibleng dahil sa ilang akusasyon ni Herodes laban kay Pilato. Ngunit ang pagkilos na iyon ni Pilato ay nakalugod kay Herodes at naging magkaibigan sila.—Luc 23:8-12.
Di-kalaunan pagkatapos ng Pentecostes ng 33 C.E., matapos palayain sina Pedro at Juan ng mga lider ng relihiyon, sinabi ng mga alagad sa kanilang panalangin sa Diyos: “Kapuwa si Herodes [Antipas] at si Poncio Pilato kasama ang mga tao ng mga bansa at kasama ang mga tao ng Israel ay totoo ngang nagkatipon sa lunsod na ito laban sa iyong banal na lingkod na si Jesus . . . At ngayon, Jehova, pagtuunan mo ng pansin ang kanilang mga banta, at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na patuloy na salitain ang iyong salita nang buong katapangan.”—Gaw 4:23, 27-29.
Sa Gawa 13:1, ang Kristiyanong si Manaen ay tinutukoy na tinuruang kasama ni Herodes na tagapamahala ng distrito. Yamang pinalaki si Antipas sa Roma kasama ng isang pribadong mamamayan, maaaring ipinahihiwatig ng sinabi ng Bibliya na sa Roma tumanggap si Manaen ng kaniyang edukasyon.
Ipinatapon sa Gaul. Nang si Agripa I ay gawing hari ni Gayo Cesar (Caligula) sa tetrarkiya ni Felipe, sinumbatan ng asawa ni Antipas na si Herodias ang kaniyang asawa, anupat sinabing dahil lamang sa kakuparan nito kung kaya hindi ito tumanggap ng pagkahari. Iginiit niya na yamang si Antipas ay isa nang tetrarka, gayong kung ihahambing ay dating walang katungkulan si Agripa, dapat itong pumaroon sa Roma at hilingin kay Cesar na maging isang hari. Nang maglaon ay pumayag ito dahil sa patuloy na panggigipit ng kaniyang asawa. Ngunit ikinagalit ni Caligula ang ambisyosong kahilingan ni Antipas at, palibhasa’y naniwala siya sa mga akusasyon ni Agripa, ipinatapon niya si Antipas sa Gaul (ang lunsod ng Lyons, Pransiya); nang dakong huli ay namatay ito sa Espanya. Si Herodias, bagaman maaari sana siyang makaiwas sa kaparusahan dahil kapatid siya ni Agripa, ay sumama sa kaniyang asawa, malamang na dahil sa amor propio. Ang tetrarkiya ni Antipas at, matapos siyang ipatapon, ang kaniyang salapi, gayundin ang mga ari-arian ni Herodias, ay ibinigay kay Agripa I. Sa gayon si Herodias ang dahilan ng dalawang malalaking kasawian ni Antipas: ang muntik na niyang pagkatalo sa kamay ni Haring Aretas at ang pagpapatapon sa kaniya.
3. Si Herodes Agripa I. Apo ni Herodes na Dakila. Siya ay anak ni Aristobulo, na anak naman ni Herodes na Dakila kay Mariamne I, apo ng mataas na saserdoteng si Hyrcanus II. Si Aristobulo ay ipinapatay ni Herodes na Dakila. Si Agripa ang kahuli-hulihang Herodes na naging hari ng buong Palestina, gaya ng kaniyang lolo.
Ang Maagang Bahagi ng Kaniyang Buhay. Ang posisyon ni Agripa bilang “Herodes na hari” ay natamo sa pamamagitan ng maraming pagmamaniobra at sa tulong ng kaniyang mga kaibigan sa Roma. (Gaw 12:1) Yamang nag-aral sa Roma kasama ng anak ni Emperador Tiberio na si Drusus at ng pamangkin nitong si Claudio, siya ay naging kilalá sa mga prominenteng grupo roon. Siya ay napakagastador at mapagwalang-bahala. Nang mabaon sa utang, anupat nagkautang ng salapi maging sa ingatang-yaman ng Roma, umalis siya sa Roma at tumakas patungong Idumea. Nang maglaon, sa tulong ng kaniyang kapatid na si Herodias at ng kaniyang asawang si Cypros (anak ng pamangkin ni Herodes na Dakila, na ang asawa ay anak ni Herodes), nakapanirahan siya nang ilang panahon sa Tiberias. Bumangon ang isang away sa pagitan niya at ni Antipas, anupat napilitan siyang umalis. Nang dakong huli, nakabalik siya sa Roma at natamo ang pabor ni Tiberio Cesar.
Gayunman, isang padalus-dalos na pananalita ni Agripa ang ikinagalit ni Emperador Tiberio. Sa isang pagkakataon ay nasabi niya kay Gayo (Caligula), na naging kaibigan niya, na sana ay maging emperador na ito (si Gayo). Narinig ito ng lingkod ni Agripa at nakarating kay Tiberio, na nagpatapon naman kay Agripa sa bilangguan. Sa loob ng ilang buwan ay nasa balag ng alanganin ang kaniyang buhay, ngunit pagkaraan ng ilang buwan ay namatay si Tiberio at si Caligula ang naging emperador. Pinalaya nito si Agripa at itinaas siya sa posisyon na hari sa mga teritoryong pinamahalaan ng kaniyang yumaong tiyo na si Felipe.
Pinaboran ng mga Romanong Emperador. Palibhasa’y naiinggit si Herodias sa posisyon ng kaniyang kapatid bilang hari, hinikayat niya ang kaniyang asawang si Herodes Antipas, na isa lamang tetrarka, na humiling ng isang kaharian sa bagong emperador sa Roma. Ngunit siniraan ni Agripa si Antipas. Iniharap niya kay Gayo (Caligula) ang mga paratang na si Antipas ay nakipag-alyansa kay Sejanus na nakipagsabuwatan laban kay Tiberio at gayundin sa mga Parto, na hindi naman maikaila ni Antipas. Naging dahilan ito upang maipatapon si Antipas. Ang mga teritoryo ni Antipas, ang Galilea at Perea, ay idinagdag sa kaharian ni Agripa. Sa isang bahagi ng ulat ni Josephus ay sinabi niya na si Caligula ang nagbigay kay Agripa ng mga pamunuang ito, at sa dalawang iba pa ay sinabi niya na si Claudio ang gumawa nito. Malamang na si Caligula ang nagbitiw ng pangako, at pinagtibay ito ni Claudio.
Noong pagkakataong mapaslang si Caligula, na pinetsahan ng mga iskolar ng 41 C.E., si Agripa ay nasa Roma. Siya ang nagsilbing tagapag-ugnay, o tagapagkasundo, sa pagitan ng Senado at ng kaniyang kaibigan, ang bagong emperador na si Claudio. Ipinakita ni Claudio ang kaniyang pasasalamat sa pamamagitan ng pagkakaloob kay Agripa ng teritoryo ng Judea at Samaria at ng kaharian ni Lisanias. Si Agripa ngayon ang naging tagapamahala ng halos mismong pamunuan na hinawakan ng kaniyang lolo na si Herodes na Dakila. Noong panahong iyon ay hiningi ni Agripa, at tinanggap naman, ang kaharian ng Chalcis mula kay Claudio, para sa kaniyang kapatid na si Herodes. (Ang Herodes na ito ay binanggit lamang sa kasaysayan bilang hari ng Chalcis, isang maliit na teritoryo sa K dalisdis ng kabundukan ng Anti-Lebanon.)
Nanuyo sa mga Judio; Inusig ang mga Kristiyano. Nanuyo si Agripa sa mga Judio, anupat nag-angking isang debotong tagapagtaguyod ng Judaismo. Si Caligula, na nag-aangking isang diyos, ay nagpasiyang magtayo ng isang estatuwa ng kaniyang sarili sa templo sa Jerusalem, ngunit mataktika siyang nahikayat ni Agripa na huwag gawin iyon. Nang maglaon ay nagsimulang magtayo si Agripa ng isang pader sa palibot ng H karatig-pook ng Jerusalem. Para kay Claudio, ito ay waring pagpapatibay ng lunsod laban sa anumang pagsalakay ng Roma sa hinaharap. Dahil dito, iniutos ni Claudio kay Agripa na itigil ito. Pinabulaanan ni Agripa ang kaniyang pag-aangkin na isa siyang mananamba ng Diyos sa pamamagitan ng pagsuporta at pagsasaayos ng mga palaro para sa mga gladyador at iba pang mga paganong palabas sa dulaan.
Si Agripa ay tinanggap ng mga Judio dahil nagmula siya sa Hasmoneanong angkan sa pamilya ng kaniyang lola na si Mariamne. Habang itinataguyod ang pakikipaglaban ng mga Judio sa ilalim ng pamatok ng Roma, labis din niyang pinag-usig ang mga Kristiyano, na sa pangkalahatan ay kinapootan ng di-sumasampalatayang mga Judio. “Pinatay niya si Santiago na kapatid ni Juan sa pamamagitan ng tabak.” (Gaw 12:1, 2) Nang makitang ikinalugod ito ng mga Judio, inaresto niya at ibinilanggo si Pedro. Sinaklolohan at pinalaya ng isang anghel si Pedro; bilang resulta, isang malaking kaguluhan ang bumangon sa gitna ng mga kawal ni Agripa at pinarusahan ang mga bantay ni Pedro.—Gaw 12:3-19.
Pinatay ng Anghel ng Diyos. Biglang nagwakas ang pamamahala ni Agripa. Sa Cesarea, sa isang kapistahan bilang parangal kay Cesar, nagdamit siya ng maharlikang kasuutan at nagsimulang bumigkas ng isang pangmadlang pahayag sa nagkakatipong mga tao mula sa Tiro at Sidon, na humihiling sa kaniya ng kapayapaan. Bilang tugon, ang mga tagapakinig ay sumigaw: “Tinig ng isang diyos, at hindi ng tao!” Iniuulat ng Bibliya ang dagliang pagpatay sa kaniya bilang isang nahatulang mapagpaimbabaw: “Kaagad siyang sinaktan ng anghel ni Jehova, sapagkat hindi niya ibinigay sa Diyos ang kaluwalhatian; at siya ay kinain ng mga uod at nalagutan ng hininga.”—Gaw 12:20-23.
Itinatakda ng mga kronologo ang kamatayan ni Haring Herodes Agripa I sa 44 C.E., sa edad na 54 pagkatapos niyang maghari nang tatlong taon sa buong Judea. Naiwan niya ang kaniyang anak na lalaking si Herodes Agripa II at ang kaniyang mga anak na babae na sina Bernice (Gaw 25:13), Drusila na asawa ni Gobernador Felix, at Mariamne III.—Gaw 24:24.
4. Si Herodes Agripa II. Apo sa tuhod ni Herodes na Dakila. Siya ay anak ni Herodes Agripa I at ng asawa nito na si Cypros. Sa kaniya nagwakas ang mga prinsipe ng angkan ng mga Herodes, ayon sa mga istoryador. Si Agripa ay may tatlong kapatid na babae na nagngangalang Bernice, Drusila, at Mariamne III. (Gaw 25:13; 24:24) Pinalaki siya sa sambahayan ng emperador sa Roma. Namatay ang kaniyang ama nang siya ay 17 taóng gulang pa lamang, at inakala ng mga tagapayo ni Emperador Claudio na napakabata pa niya upang mamahala sa mga pinamumunuan ng kaniyang ama. Dahil dito, nag-atas na lamang si Claudio ng mga gobernador sa mga teritoryo. Pagkatapos mamalagi nang ilang panahon sa Roma, si Agripa II ay ginawang hari ng Chalcis, isang maliit na prinsipalidad sa kanluraning dalisdis ng Kabundukan ng Anti-Lebanon, nang mamatay ang kaniyang tiyo (si Herodes na hari ng Chalcis).
Di-nagtagal pagkatapos nito, inatasan siya ni Claudio na maging hari sa mga tetrarkiya na dating hawak nina Felipe at Lisanias. (Luc 3:1) Ibinigay rin sa kaniya ang pangangasiwa sa templo ng Jerusalem at pinagkalooban siya ng awtoridad na mag-atas ng mga mataas na saserdoteng Judio. Ang kaniyang mga nasasakupan ay dinagdagan pa ng kahalili ni Claudio na si Nero, na nagkaloob sa kaniya ng Tiberias at Taricheae sa Galilea at ng Julias sa Perea kasama ang mga sakop na bayan nito.
Nang maglaon, ibinaling ni Agripa ang kaniyang pansin sa pagpapagawa ng kasudlong sa palasyong itinayo ng mga haring Hasmoneano sa Jerusalem. Dahil maaari na niya ngayong masdan mula sa kasudlong na ito sa palasyo kung ano ang nangyayari sa looban ng templo, nagtayo ang mga Judio ng isang pader na nakatabing sa kaniyang natatanaw at nakaharang din sa tanawin mula sa isang magandang puwesto para sa mga bantay na Romano. Minasama ito kapuwa ni Herodes at ni Festo, ngunit nang umapela ang mga Judio kay Nero, pinahintulutan ng emperador na manatili ang pader. Pinaganda rin ni Agripa ang Cesarea Filipos (na ang pangalan ay pinalitan niya ng Neronias bilang parangal kay Nero). Bilang pagtulad sa kaniyang ama, nagtayo siya ng isang dulaan sa Berytus, sa Fenicia, anupat ginugulan ng napakalaking halaga ang mga palabas doon.
Kumalat ang usap-usapan noon na si Agripa ay may insestong relasyon sa kaniyang kapatid na si Bernice bago pa nito napangasawa ang hari ng Cilicia. (Jewish Antiquities, ni F. Josephus, XX, 145, 146 [vii, 3]) Hindi binanggit ni Josephus kung si Agripa ay nag-asawa o hindi.
Nang maging malinaw na ang paghihimagsik ng mga Judio laban sa pamatok ng Roma (66-70 C.E.) ay ikapapahamak ng bansa, hinikayat sila ni Agripa na huwag maging panatiko. Yamang walang ibinunga ang kaniyang mga pamamanhik, pinabayaan niya ang mga Judio at pumanig sa hukbong Romano, anupat nasugatan ng isang batong panghilagpos sa aktuwal na pakikipaglaban.
Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Harap Niya. Unang binanggit sa Kasulatan si Haring Herodes Agripa II at ang kaniyang kapatid na si Bernice noong panahon ng kanilang pagdalaw kay Gobernador Festo bilang pagbibigay-galang, noong mga taóng 58 C.E. (Gaw 25:13) Hinalinhan ni Festo si Gobernador Felix. Noong panahon ng pagkagobernador ni Felix ay inakusahan ng mga Judio ang apostol na si Pablo, ngunit nang umalis si Felix sa katungkulan, nais niyang kamtin ang pabor ng mga Judio at iniwang nakagapos si Pablo. (Gaw 24:27) Mangyari pa, si Felix ay bayaw ni Agripa, yamang napangasawa nito ang kapatid ni Agripa na si Drusila. (Gaw 24:24) Samantalang hinihintay ni Pablo na dinggin ang kaniyang apela kay Cesar (Gaw 25:8-12), sinabi ni Haring Agripa kay Gobernador Festo na nais niyang pakinggan ang sasabihin ni Pablo. (Gaw 25:22) Nagalak si Pablo na gawin ang kaniyang pagtatanggol sa harap ni Agripa, na tinukoy niya na “dalubhasa sa lahat ng mga kaugalian at gayundin sa mga pagtatalo sa gitna ng mga Judio.” (Gaw 26:1-3) Ang mapuwersang argumento ni Pablo ay umantig kay Agripa na magsabi: “Sa maikling panahon ay mahihikayat mo akong maging Kristiyano.” Dito ay sumagot si Pablo: “Hinihiling ko sa Diyos na kahit sa maikling panahon man o sa mahabang panahon, hindi lamang ikaw kundi gayundin ang lahat ng mga nakikinig sa akin ngayon ay maging mga taong gaya ko rin naman, maliban sa mga gapos na ito.” (Gaw 26:4-29) Naipasiya nina Agripa at Festo na si Pablo ay walang-sala ngunit, yamang umapela ito kay Cesar, kailangan itong ipadala sa Roma para sa paglilitis.—Gaw 26:30-32.
Pagkatapos na mawasak ang Jerusalem noong 70 C.E., si Herodes Agripa kasama ang kaniyang kapatid na si Bernice ay lumipat sa Roma, kung saan ibinigay sa kaniya ang katungkulan ng pretor. Si Agripa ay namatay na walang anak noong mga 100 C.E.
5. Si Herodes Felipe. Anak ni Herodes na Dakila kay Mariamne II, na anak ng mataas na saserdoteng si Simon. Si Felipe ang unang asawa ni Herodias, na dumiborsiyo sa kaniya upang mapangasawa ng kaniyang kapatid sa ama na si Herodes Antipas. Binabanggit siya nang pahapyaw sa Bibliya sa Mateo 14:3; Marcos 6:17, 18; at Lucas 3:19.
Ang pangalang Herodes Felipe ay ginagamit upang ipakitang iba pa siya kay Felipe na tetrarka, sapagkat ang huling nabanggit, ayon kay Josephus, ay anak din ni Herodes na Dakila sa ibang asawa, kay Cleopatra ng Jerusalem.
Lumilitaw na si Felipe ay nakahanay na humalili sa trono ng kaniyang ama, bilang sumunod na nakatatanda pagkatapos ng kaniyang mga kapatid sa ama na sina Antipater, Alejandro, at Aristobulo, na pawang pinatay ng kanilang ama. Itinala siya sa isa sa naunang mga testamento ni Herodes bilang nakahanay kasunod ni Antipater. Ngunit nilampasan siya sa pinakahuling testamento ni Herodes, anupat ang kaharian ay napunta kay Arquelao. Inilalahad ni Josephus na inalis ni Herodes ang pangalan ni Felipe mula sa kaniyang testamento sapagkat nabatid ni Mariamne II, na ina ni Felipe, ang pakana ni Antipater laban kay Herodes ngunit hindi ito isiniwalat.
Si Felipe ay nagkaroon ng isang anak na babae, si Salome, kay Herodias. Maliwanag na si Salome ang sumayaw sa harap ni Herodes Antipas at, sa tagubilin ng kaniyang ina, hiningi niya ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.—Mat 14:1-13; Mar 6:17-29.
6. Si Felipe na tetrarka. Anak ni Herodes na Dakila sa kaniyang asawang si Cleopatra ng Jerusalem. Pinalaki siya sa Roma. Napangasawa niya si Salome na anak nina Herodes Felipe at Herodias. Nang mamatay ang kaniyang ama, hinati ni Augusto Cesar ang kaharian, anupat ibinigay kay Felipe ang tetrarkiya ng Iturea, Traconite, at iba pang kalapit na mga distrito, na may taunang kita sa buwis na 100 talento. (Marahil ang Iturea ay idinagdag nang dakong huli kung kaya hindi ito binanggit ni Josephus.) Namahala siya nang mahigit 30 taon. Sinabi ni Josephus: “Sa kaniyang pangangasiwa sa pamahalaan ay nagpakita siya ng katamtaman at mapagparayang disposisyon. Sa katunayan, ginugol niya ang lahat ng kaniyang panahon sa teritoryong nasasakupan niya.” Nagpatuloy si Josephus sa pagsasabing umuupo si Felipe upang humatol saanman siya naroon at kaagad niyang dinirinig ang mga kaso. Namatay siya sa Julias at inilibing na may malaking pagpaparangya. Yamang wala siyang naiwang mga anak, idinagdag ni Emperador Tiberio ang kaniyang tetrarkiya sa probinsiya ng Sirya.—Jewish Antiquities, XVIII, 106-108 (iv, 6).
Ang pangalan ni Felipe ay binanggit nang minsan sa Bibliya may kaugnayan sa panahon ng ministeryo ni Juan na Tagapagbautismo. (Luc 3:1) Ipinakikita ng teksto roon, kasama ng impormasyon tungkol sa mga paghahari nina Augusto at Tiberio, na sinimulan ni Juan ang kaniyang ministeryo noong 29 C.E.
[Dayagram sa pahina 974]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ILANG BAHAGI NG TALAANGKANAN NG MGA HERODES
(Pawang malalaking titik ang mga pangalan ng mga lalaki)
ANTIPATER I
ANTIPATER II at Cypros (kaniyang asawa)
PHASAEL
HERODES NA DAKILA (Mat 2:1-22; Luc 1:5)
JOSE
PHERORAS
Salome
MGA ASAWA NI HERODES NA DAKILA
Doris
ANTIPATER
Mariamne I
ALEJANDRO
ARISTOBULO
HERODES Hari ng Chalcis
AGRIPA I Hari ng Palestina (Gaw 12:1-6, 18-23)
AGRIPA II Hari ng Chalcis; nang maglaon ay binigyan ng teritoryo na dating kay Felipe na tetrarka, at ng iba pang mga lugar (Gaw 25:13, 22-27; 26:1, 2, 19-32)
Mariamne III
Drusila Asawa ni Felix (Gaw 24:24)
Bernice (Gaw 25:13, 23; 26:30)
Herodias Ina ni Salome (Mat 14:3, 4, 6-8)
Salampsio
Cypros
Mariamne II
HERODES FELIPE Unang asawa ni Herodias (Mat 14:3)
Salome
Cleopatra ng Jerusalem
FELIPE Tetrarka ng Iturea, Traconite, at kalapit na mga distrito (Luc 3:1)
Malthace
ARQUELAO Hari ng Judea; nang maglaon ay naging etnarka (Mat 2:22)
ANTIPAS Tetrarka ng Galilea at Perea; tinutukoy ng karamihan bilang “Hari”; ikalawang asawa ni Herodias (Mat 14:1-12; Mar 6:14-29; Luc 3:1, 19, 20; 13:31, 32; 23:6-15; Gaw 4:27; 13:1)
(Nagkaroon si Herodes na Dakila ng limang iba pang asawa, at 15 anak sa kabuuan)
[Larawan sa pahina 971]
Mga guho ng palasyong may maraming palapag na itinayo ni Herodes na Dakila sa Masada
[Larawan sa pahina 978]
Baryang bronse na may larawan ni Domitian at sa kabilang panig ay may pangalang Haring Agripa (II)