ARALIN 44
Katanggap-tanggap Ba sa Diyos ang Lahat ng Selebrasyon?
Gusto ni Jehova na maging masaya tayo sa buhay at mag-celebrate paminsan-minsan. Pero lahat ba ng selebrasyon at kapistahan ay katanggap-tanggap o nagpapasaya sa kaniya? Pagdating sa mga bagay na ito, paano natin maipapakita na mahal natin si Jehova?
1. Bakit hindi nagpapasaya kay Jehova ang karamihan sa mga selebrasyon?
Alam mo ba na marami sa mga selebrasyon ngayon ay hindi itinuturo ng Bibliya o may paganong pinagmulan? Ang ilan pa nga sa mga ito ay galing sa huwad na relihiyon. Ang iba naman ay nauugnay sa espiritismo o sa turo ng imortal na kaluluwa. At may mga nauugnay rin sa pamahiin at paniniwala sa suwerte. (Isaias 65:11) Iniutos ni Jehova sa mga mananamba niya: “Humiwalay kayo, . . . at huwag na kayong humipo ng maruming bagay.”—2 Corinto 6:17.a
2. Ano ang nararamdaman ni Jehova sa mga selebrasyon na sobrang nagpaparangal sa mga tao?
Sinabi ni Jehova: “Sumpain ang sinuman na sa tao lang nagtitiwala.” (Basahin ang Jeremias 17:5.) May mga selebrasyon na nagpaparangal sa mga pinuno o mga sundalo. Ang iba naman ay para sa mga simbolo ng bansa o para sa kalayaan. (1 Juan 5:21) May iba naman na para sa politika o kilusang panlipunan. Ano kaya ang mararamdaman ni Jehova kapag sobra nating pinaparangalan ang isang tao o organisasyon na sumusuporta sa mga ideyang salungat sa layunin niya?
3. Anong mga gawain sa isang selebrasyon ang hinahatulan ni Jehova?
Hinahatulan ng Bibliya ang “labis na pag-inom ng alak, magulong pagsasaya, [at] pagpapaligsahan sa pag-inom.” (1 Pedro 4:3) Sa ilang selebrasyon, ang mga tao ay walang pagpipigil sa sarili at gumagawa ng imoral na mga bagay. Para patuloy na maging kaibigan ni Jehova, kailangan nating iwasan ang maruruming gawaing iyon.
PAG-ARALAN
Alamin kung paano mo mapapasaya si Jehova sa mga desisyon mo tungkol sa mga selebrasyon at kapistahan.
4. Tanggihan ang mga selebrasyon na hindi nagpaparangal kay Jehova
Basahin ang Efeso 5:10. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang kailangan nating siguraduhin kapag nagdedesisyon tungkol sa isang kapistahan?
Ano ang mga selebrasyon at kapistahan sa inyong lugar?
Sa tingin mo, nagpapasaya kaya ang mga ito kay Jehova?
Halimbawa, ano kaya ang pananaw ng Diyos tungkol sa birthday? Walang mababasa sa Bibliya na nag-birthday ang mga lingkod ni Jehova. Pero may binabanggit ito na dalawang tao na hindi lingkod ng Diyos na nag-birthday. Basahin ang Genesis 40:20-22 at Mateo 14:6-10. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang pagkakatulad ng dalawang ulat na ito?
Mula sa dalawang pangyayaring ito, ano sa tingin mo ang nararamdaman ni Jehova tungkol sa birthday?
Pero baka maisip mo pa rin, ‘Mahalaga ba talaga kay Jehova kung magse-celebrate ako ng birthday o ng iba pang kapistahan na hindi itinuturo ng Bibliya?’ Basahin ang Exodo 32:1-8 at panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit kailangan nating siguraduhin kung ano ang kalugod-lugod kay Jehova?
Paano natin ito magagawa?
Ang mga selebrasyon na ayaw ni Jehova
Itinuturo ba ito ng Bibliya? Para malaman ang sagot, mag-research tungkol sa pinagmulan nito.
Pinaparangalan ba nito nang sobra ang mga tao, organisasyon, o simbolo ng bansa? Dapat na mas parangalan natin si Jehova at magtiwala na siya lang ang makakalutas ng mga problema sa mundo.
Nasusunod ba ng mga kaugalian at gawain nito ang mga pamantayan ng Bibliya? Kailangan nating manatiling malinis sa moral.
5. Tulungan ang iba na irespeto ang mga paniniwala mo
Baka mahirapan kang manindigan kapag pine-pressure ka na mag-celebrate ng mga kapistahang ayaw ni Jehova. Ipaliwanag ang desisyon mo sa mabait at mataktikang paraan. Para makita kung paano ito gagawin, panoorin ang VIDEO.
Basahin ang Mateo 7:12. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ayon sa tekstong ito, dapat mo bang sabihan ang mga di-nananampalatayang kapamilya mo na hindi sila puwedeng mag-celebrate ng isang kapistahan?
Ano ang puwede mong gawin para ipakitang mahal mo sila at mahalaga sila sa iyo kahit hindi ka na nagse-celebrate kasama nila?
6. Gusto ni Jehova na maging masaya tayo
Gusto ni Jehova na mag-enjoy tayo kasama ng mga kapamilya at kaibigan natin. Basahin ang Eclesiastes 8:15. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Sa tekstong ito, ano ang nagpapakitang gusto ni Jehova na maging masaya tayo?
Gusto ni Jehova na magsaya ang mga lingkod niya at magsama-sama sila. Panoorin ang VIDEO, at tingnan kung paano ito naging totoo sa mga internasyonal na kombensiyon.
Basahin ang Galacia 6:10. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Kailangan ba nating mag-celebrate ng mga kapistahan para ‘makagawa ng mabuti’ sa iba?
Saan ka mas magiging masaya—kapag obligado kang magbigay kasi may kapistahan o kusa kang nagbigay kasi gusto mo?
Minsan, sinosorpresa ng mga Saksi ang mga anak nila, at binibigyan pa nga nila sila ng mga regalo. Kung may mga anak ka, anong espesyal na bagay ang puwede mong gawin o ibigay para sa kanila?
MAY NAGSASABI: “Hindi na mahalaga kung ano ang pinagmulan ng mga kapistahan. Ang mahalaga, masaya kayo ng pamilya at kaibigan mo.”
Ano ang isasagot mo?
SUMARYO
Gusto ni Jehova na mag-enjoy tayo kasama ng mga kapamilya at kaibigan natin. Pero pinapaiwas niya tayo sa mga kapistahang ayaw niya.
Ano ang Natutuhan Mo?
Anong mga tanong ang dapat nating pag-isipan para malaman ang mga selebrasyong ayaw ni Jehova?
Ano ang puwede nating gawin para maintindihan ng kapamilya at kaibigan natin ang ating desisyon?
Paano natin nalaman na gusto ni Jehova na maging masaya tayo?
TINGNAN DIN
Tingnan ang ilang kapistahan na hindi sine-celebrate ng mga Kristiyano.
“Bakit Hindi Ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang Ilang Kapistahan?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Tingnan ang apat na dahilan kung bakit ayaw ng Diyos na mag-celebrate tayo ng birthday.
“Bakit Hindi Nagdiriwang ng Birthday ang mga Saksi ni Jehova?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Gusto ng mga batang mahal si Jehova na mapasaya siya. Paano nila ito gagawin kapag may mga kapistahan?
Milyon-milyong Kristiyano ang hindi nagpa-Pasko. Ano ang nararamdaman nila tungkol dito?
“Nakasumpong Sila ng Nakahihigit na mga Bagay” (Ang Bantayan, Disyembre 1, 2012)
a Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 5 para malaman ang gagawin sa mga sitwasyong mapapaharap sa iyo kapag may mga selebrasyon.