Kabanata 5
Ang “Bagong Tipan”—Kasaysayan o Alamat?
“Ang Bagong Tipan ay maituturing na aklat na pinag-ukulan ng pinakamasusing pagsisiyasat sa pandaigdig na panitikan.” Ito ang sinabi ni Hans Küng sa kaniyang aklat na “On Being a Christian.” At tama siya. Sa nakalipas na 300 taon, higit kaysa pagsisiyasat lamang ang iniukol sa mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan. Walang babasahin ang lubusang hinimay at sinuri sa kaliitliitang deltaye na gaya nito.
1, 2. (Ilakip ang pambungad.) (a)Ano ang naging pagtrato sa mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan sa nakalipas na 300 taon? (b) Anong mga kakatwang pasiya ang narating ng mga tagasaliksik sa Bibliya?
LUBHANG kakatwa ang mga konklusyon na ginawa ng ilang tagapagsiyasat. Noong ika-19 na siglo, ipinasiya ni Ludwig Noack ng Alemanya na ang Ebanghelyo ni Juan ay isinulat noong 60 C.E. ng minamahal na alagad—na, ayon kay Noack, ay si Judas mismo! Iminungkahi ng Pranses na si Joseph Ernest Renan na malamang ang pagkabuhay-na-muli ni Lazaro ay isang panlilinlang na isinaayos ni Lazaro upang suhayan ang pag-aangkin ni Jesus na siya’y gumagawa ng mga kababalaghan, samantalang ipinagpilitan naman ng Alemang teologo na si Gustav Volkmar na ang Jesus sa kasaysayan ay malamang na hindi nagpakilala bilang Mesiyas.1
2 Sa kabilang dako, sinabi ni Bruno Bauer na si Jesus ay hindi kailanman umiral! “Iginiit niya na ang talagang nagtaguyod ng sinaunang Kristiyanismo ay sina Philo, Seneca, at ang mga Gnostiko. Nang dakong huli sinabi niya na hindi kailanman nagkaroon ng Jesus sa kasaysayan . . . na naganap ang pasimula ng relihiyong Kristiyano noong dakong huli ng ikalawang siglo mula sa isang anyo ng Judaismo na kung saan ay nangunguna ang mga Estoico.2
3. Anong opinyon hinggil sa Bibliya ang taglay pa rin ng marami?
3 Sa ngayon, bihira na ang may ganitong paniwala. Subali’t kung babasahin ninyo ang isinulat ng makabagong mga iskolar, matutuklasan ninyo na marami pa rin ang naniniwala na ang mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan ay naglalaman ng alamat, mitolohiya, at labis-labis na paglalarawan. Totoo ba ito?
Kailan Nasulat ang mga Ito?
4. (a) Bakit dapat malaman kung kailan isinulat ang mga aklat ng mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan? (b) Ano ang ilan sa mga opinyon hinggil sa panahon ng pagsulat ng mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan?
4 Panahon ang kailangan sa pagbuo ng mga alamat at mitolohiya. Kaya dapat itanong, Kailan nasulat ang mga aklat na ito? Sinabi ni Michael Grant, isang mananalaysay, na ang makasaysayang ulat ng mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan ay nagsimula “tatlumpu o apatnapung taon pagkamatay ni Jesus.”4 Si C. C. Torrey ay sinipi ng maka-biblikong arkeologo na si William Foxwell Albright nang ipasiya niya na “ang mga Ebanghelyo ay isinulat bago ang 70 A.D. at lahat ng ito ay naisulat sa loob ng dalawampung taon pagkaraan ng Pagpapako-sa-krus.” Sa opinyon ni Albright ang pagsulat ay natapos “hindi lalampas sa 80 A.D.” Medyo naiiba ang pagtantiya ng iba, subali’t karamihan ay sumasang-ayon na ang “Bagong Tipan” ay natapos sa dulo ng unang siglo.
5, 6. Ano ang dapat nating ipasiya mula sa bagay na ang mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan ay nasulat di nagtagal pagkaraan ng mga pangyayari na kanilang iniuulat?
5 Ano ang kahulugan nito? Nagpasiya si Albright: “Masasabi natin na ang dalawampu hanggang limampung taon ay napakaigsi upang gawin ang anomang kapunapunang pagpilipit sa mahalagang nilalaman at ispesipikong pananalita ng mga kasabihan ni Jesus.”5 Idinagdag ni Propesor Gary Habermas: “Ang mga Ebanghelyo ay napakalapit sa panahon ng pinangyarihan, samantalang ang sinaunang mga kasaysayan ay malimit mag-ulat ng mga pangyayaring naganap maraming siglo ang patiuna. Subali’t, ang makabagong mga mananalaysay ay humahalaw ng mga pangyayari maging sa napakaagang mga yugtong ito ng panahon.”6
6 Sa ibang salita, ang makasaysayang mga bahagi ng mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan ay dapat paniwalaan na gaya din ng sekular na mga kasaysayan. Sa mga taon na namagitan sa mga pangyayari sa sinaunang Kristiyanismo at sa pagkakasulat sa mga ito, tiyak na ang mga alamat at kathang-isip ay walang pagkakataon na makasingit at maging kapanipaniwala.
Patotoo ng mga Mismong Nakasaksi
7, 8. (a) Sino ang nabubuhay pa samantalang isinusulat at ipinamamahagi ang mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan? (b) Ano ang dapat nating ipasiya kasuwato ng komento ni Propesor F. F. Bruce?
7 Totoo ito sapagka’t marami sa mga ulat ay naglalaman ng patotoo ng mga mismong nakasaksi. Sinabi ng manunulat ng Ebanghelyo ni Juan: “Ito ang alagad [ang alagad na minahal ni Jesus] na nagpapatotoo at sumulat ng mga bagay na ito.” (Juan 21:24) Sinasabi ng manunulat ng aklat ni Lucas: “Sila na sa pasimula ay naging mga saksing nakakita at mga tagapaglingkod ng salita ang siyang naghatid sa atin nito.” (Lucas 1:2) Si apostol Pablo ay nagsabi tungkol sa mga nakasaksi sa pagkabuhay-na-muli ni Jesus: “Karamihan [sa mga ito] ay nangabubuhay hanggang ngayon, datapwa’t ang mga iba’y nangatulog na sa kamatayan.”—1 Corinto 15:6.
8 Kaugnay nito, si Propesor F. F. Bruce ay gumawa ng matalas na obserbasyon: “Hindi madali na imbentuhin ang mga salita at ginawa ni Jesus sa maagang panahong yaon, gaya ng inaakala ng ilang manunulat, palibhasa’y nabubuhay pa ang marami sa Kaniyang mga alagad, at maaalaala pa nila kung ano ang nangyari at kung ano ang hindi. . . . Hindi magsasapalaran ang mga alagad sa mga kamalian (huwag nang sabihin pa ang kusang pagpilipit sa mga katotohanan), na kagyat na maibubunyag niyaong mga nasasabik gumawa nito. Sa kabaligtaran, isa sa pinakamatibay na katangian ng pangangaral ng mga apostol ay ang may-tiwalang panawagan sa nalalaman ng mga tagapakinig; hindi lamang nila sinabing, ‘Mga saksi kami sa mga bagay na ito,’ kundi, ‘Gaya rin ng nalalaman ninyo’ (Gawa 2:22).”7
Mapagkakatiwalaan ba ang Teksto?
9, 10. Kung tungkol sa mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan, ano ang matitiyak natin?
9 Posible kaya na ang patotoo ng mga nakasaksing ito ay wastong naisulat subali’t nang maglaon ito ay napilipit? Sa ibang salita, naisingit kaya ang mga alamat at kathang-isip pagkaraan ng orihinal na pagsulat? Nakita na natin na ang teksto ng mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan ay nasa mas mabuting kondisyon kaysa sa alinmang sinaunang babasahin. Sina Kurt at Barbara Aland, mga iskolar ng tekstong Griyego ng Bibliya, ay nagtatala ng halos 5,000 sinaunang manuskrito na nananatili pa hanggang sa ngayon, at ang iba rito ay kasing-aga ng ikalawang siglo C.E.8 Ang ga-bundok na ebidensiyang ito ay patotoo na ang teksto ay talagang maaasahan. Karagdagan pa, maraming matatandang salin—ang pinakamaaga ay sa taong 180 C.E.—ay nagpapatunay rin na ang teksto ay wasto.9
10 Kaya, ano man ang sabihin, ang mga alamat at kathang-isip ay tiyak na hindi nakasingit sa mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan pagkatapos ng orihinal na pagsulat. Ang tekstong taglay natin ay kahawig-na-kahawig niyaong sa orihinal at ang kawastuan nito ay tinitiyak ng pagtanggap dito ng mga Kristiyano noon. Kaya, masusuri ba natin ang pagiging makasaysayan ng Bibliya kung ihahambing ito sa ibang matatandang kasaysayan? Sa isang paraan ay, oo.
Ang Ebidensiya ng mga Dokumento
11. Hanggang saan sinusuhayan ng panlabas na dokumentaryong ebidensiya ang makasaysayang ulat ng mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan?
11 Ang totoo, bukod sa Bibliya, ay limitado ang ebidensiya ng mga dokumento sa mga pangyayari sa buhay ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. Ito ang dapat asahan, yamang noong unang siglo, ang mga Kristiyano ay isa lamang maliit na grupo at hindi nakilahok sa politika. Subali’t ang ebidensiya na inilalaan ng sekular na kasaysayan ay sumasang-ayon sa mababasa natin sa Bibliya.
12. Ano ang sinasabi ni Josephus hinggil kay Juan na Tagapagbautismo?
12 Halimbawa, sinabi ng Judiong mananalaysay na si Josephus noong 93 C.E., matapos danasin ni Herodes Antipas ang kahiyahiyang pagkatalo sa digmaan: “Para sa ilang Judio ang pagkalipol ng hukbo ni Herodes ay paghihiganti ng diyos, at isang makatarungang paghihiganti, dahil sa pagtrato niya kay Juan, na pinangalanang Bautista. Ipinapatay siya ni Herodes, bagaman mabuti siyang tao at humimok sa mga Judio na mamuhay nang matuwid, magpamalas ng katarungan sa kanilang kapuwa at ng kabanalan sa Diyos.”10 Kaya pinatunayan ni Josephus ang ulat ng Bibliya na si Juan na Tagapagbautismo ay isang matuwid na tao na nangaral ng pagsisisi at na pinatay ni Herodes.—Mateo 3:1-12; 14:11.
13. Papaano pinatutunayan ni Josephus ang pagiging makasaysayan ni Santiago at ni Jesus mismo?
13 Binabanggit din ni Josephus si Santiago, kapatid ni Jesus sa ina, na, ayon sa Bibliya, ay hindi sumunod kay Jesus sa pasimula subali’t nang maglaon ay naging isang prominenteng matanda sa Jerusalem. (Juan 7:3-5; Galacia 1:18, 19) Iniulat niya ang pagdakip kay Santiago: “Pinulong [ng mataas na saserdoteng si Ananus] ang mga hukom ng Sanhedrin at iniharap sa kanila si Santiago, kapatid ni Jesus na kung tawagi’y Kristo, at ilang iba pa.”11 Sa mga salitang ito, nagbibigay si Josephus ng karagdagang katiyakan na si “Jesus, na kung tawagi’y Kristo” ay tunay, makasaysayang persona.
14, 15. Papaano sinusuhayan ni Tacito ang ulat ng Bibliya?
14 Ang ibang sinaunang manunulat ay tumukoy rin sa mga bagay na binabanggit sa mga Griyegong Kasulatan. Halimbawa, sinasabi ng mga Ebanghelyo na marami ang tumanggap sa pangangaral ni Jesus sa paligid ng Palestina. Nang hatulan siya ni Poncio Pilato ng kamatayan, ang mga alagad ay nalito at nasiraan ng loob. Di nagtagal, pinalaganap sa Jerusalem ng magigiting na mga alagad ang balita na ang Panginoon ay binuhay-nang-muli. Sa iilang taon lamang, ang Kristiyanismo ay lumaganap na sa buong Imperyo ng Roma.—Mateo 4:25; 26:31; 27:24-26; Gawa 2:23, 24, 36; 5:28; 17:6.
15 Ang patotoo rito ay galing sa Romanong mananalaysay na si Tacito, isang kaaway ng Kristiyanismo. Nang sumulat siya karakarakang matapos ang 100 C.E., ay iniulat niya ang malupit na pag-uusig ni Nero sa mga Kristiyano at nagsabi pa: “Si Kristo, na nagtatag ng pangalan, ay tumanggap ng kamatayan noong panahon ni Tiberio, salig sa hatol ng prokurador na si Poncio Pilato, kaya’t ang mapanganib na sali’t-saling sabi ay pansamantalang nasugpo, subali’t muling lumaganap, hindi lamang sa Judea, na pugad ng salot na ito, kundi sa mismong kabisera [Roma].”12
16. Anong makasaysayang pangyayari na binabanggit sa Bibliya ang binabanggit din ni Suetonio?
16 Sa Gawa 18:2 binabanggit ng Bibliya na “ipinag-utos ni [Romanong emperador] Claudio na magsialis sa Roma ang lahat ng mga Judio.” Binabanggit din ng ikalawang-siglong Romanong mananalaysay na si Suetonio ang utos na ito. Sa kaniyang The Deified Claudius, ay ganito ang isinulat niya: “Palibhasa ang mga Judio ay palagiang nanliligalig dala ng panunulsol ni Chrestus, sila ay pinalayas niya [ni Claudio] mula sa Roma.”13 Kung ang Chrestus na ito ay si Jesu-Kristo at kung ang mga pangyayari sa Roma ay kahawig niyaong sa ibang lunsod, tiyak na ang mga pang-uumog ay hindi talaga bunga ng panunulsol ni Kristo (alalaong baga’y ng mga alagad niya). Sa halip ito’y marahas na tugon ng mga Judio sa tapat na pangangaral ng mga Kristiyano.
17. Anong mga reperensiya na taglay ni Justin Martyr noong ikalawang siglo ang nagpapatotoo sa ulat ng Bibliya hinggil sa mga himala at kamatayan ni Jesus?
17 Si Justin Martyr, na sumulat sa kalagitnaan ng ikalawang siglo, ay nagsabi tungkol sa kamatayan ni Jesus: “Na naganap nga ang mga bagay na ito, ay matitiyak ninyo sa Mga Gawa ni Poncio Pilato.”14 Bilang karagdagan, ayon kay Justin Martyr, ang mga himala ni Jesus ay binabanggit din ng mga ulat na ito, at tungkol dito’y nagsabi siya: “Na ginawa nga Niya ang mga bagay na ito, ay matututuhan ninyo sa Mga Gawa ni Poncio Pilato.”15 Totoo, hindi na umiiral ang “Mga Gawa,” o opisyal na mga ulat na ito. Subali’t talagang umiral ang mga ito noong ikalawang siglo, sapagka’t buong-pagtitiwalang hinamon ni Justin Martyr ang kaniyang mga mambabasa na patunayan ang pagiging totoo ng kaniyang sinabi.
Ang Ebidensiya ng Arkeolohiya
18. Anong patotoo ang ibinibigay ng arkeolohiya hinggil sa pag-iral ni Poncio Pilato?
18 Ang arkeolohiya ay naglalarawan o nagpapatotoo rin sa mababasa natin sa mga Griyegong Kasulatan. Kaya, noong 1961 ang pangalan ni Poncio Pilato ay natuklasan sa isang inskripsiyon sa mga kagibaan ng isang teatrong Romano sa Cesarea.16 Nang hindi pa ito natutuklasan, bukod sa Bibliya, ay kakaunti lamang ang ebidensiya hinggil sa pag-iral ng pinunong Romanong ito.
19, 20. Sinong mga tauhan sa Bibliya na binabanggit ni Lucas (sa Lucas at sa Gawa) ang pinatutunayan ng arkeolohiya?
19 Sa Ebanghelyo ni Lucas, iniuulat na sinimulan ni Juan na Tagapagbautismo ang kaniyang ministeryo “nang . . . si Lisanias ay pandistritong tagapamahala sa Abilinia.” (Lucas 3:1) Alinlangan ang iba sa pangungusap na ito sapagka’t si Josephus ay may binanggit na Lisanias na namatay noong 34 B.C.E., matagal pa bago isilang si Juan. Gayumpaman, nahukay ng mga arkeologo ang isang inskripsiyon sa Abilinia na bumabanggit sa isa pang Lisanias na tetrarka (pandistritong tagapamahala) noong panahon ni Tiberio, na nagpupuno bilang Cesar sa Roma nang simulan ni Juan ang kaniyang ministeryo.”17 Malamang na ito ang Lisanias na tinutukoy ni Lucas.
20 Sa Gawa ay mababasa natin na sina Pablo at Bernabe ay isinugo bilang mga misyonero sa Chipre at doo’y natagpuan nila ang proconsul na si Sergio Paulo, “isang lalaking matalino.” (Gawa 13:7) Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, isang inskripsiyon na nagmula noong 55 C.E. ang nahukay sa Chipre at binabanggit ang mismong taong ito. Tungkol dito, ay sinabi ng arkeologong si G. Ernest Wright: “Bukod sa Bibliya ay ito ang nag-iisang pagtukoy na umiiral hinggil sa proconsul na ito at kasiyasiyang sabihin na wastong ibinibigay ni Lucas ang kaniyang pangalan at titulo.”18
21, 22. Anong mga relihiyosong kaugalian na nakaulat sa Bibliya ang pinatutunayan ng mga tuklas sa arkeolohiya?
21 Nang siya’y nasa Atenas, sinabi ni Pablo na napansin niya ang isang dambana na inialay “Sa Isang Diyos na Hindi Kilala.” (Gawa 17:23) Sa maraming bahagi ng teritoryo ng Imperyong Romano ay natuklasan ang mga dambana na inialay sa wikang Latin sa di-kilalang mga diyos. Ang isa ay natuklasan sa Pergamo na may inskripsiyong Griyego, gaya marahil niyaong sa Atenas.
22 Nang maglaon, samantalang nasa Efeso, si Pablo ay marahas na sinalansang ng mga panday-pilak, na ang hanapbuhay ay ang paggawa ng mga dambana at imahen ng diyosang si Artemis. Ang Efeso ay tinukoy na “tagapag-ingat ng templo ng dakilang Diana (Artemis).” (Gawa 19:35) Kasuwato nito, maraming terra-cotta at marmol na figurine ni Artemis ang natuklasan sa kinaroroonan ng sinaunang Efeso. Noong nakalipas na siglo, ay nahukay ang mismong mga labí ng malaking templong iyon.
Ang Taginting ng Katotohanan
23, 24. (a) Saan natin masusumpungan ang pinakamatibay na patotoo hinggil sa katotohanan ng mga ulat ng mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan? (b) Anong likas na katangian ng ulat ng Bibliya ang nagpapatutunay sa pagiging totoo nito? Ilarawan.
23 Kaya, ang kasaysayan at arkeolohiya ay naglalarawan, at madalas ding nagpapatunay, sa makasaysayang mga elemento ng mga Griyegong Kasulatan. Subali’t, ang pinakamatibay pa ring ebidensiya ay nasa sa mga aklat mismo. Kapag binabasa ito, hindi ito nakakahawig ng mga alamat. May taginting ito ng katotohanan.
24 Ang isa pang masasabi ay, napakaprangka nito. Isipin ang ulat tungkol kay Pedro. Detalyado ang ulat ng kaniyang pagkapahiya nang hindi siya makalakad sa ibabaw ng tubig. At sinabi pa ni Jesus sa pinagpipitaganang apostol na ito: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas!” (Mateo 14:28-31; 16:23) Bukod dito, matapos na ipaggiitan na kahit na ang lahat ay tumalikod kay Jesus, hindi niya kailanman gagawin ito, si Pedro ay nakatulog sa kaniyang pagbabantay sa gabi at ipinagkaila pa nang makaitlo ang kaniyang Panginoon.—Mateo 26:31-35, 37-45, 73-75.
25. Anong pagkukulang ng mga apostol ang prangkahang inilalantad ng mga manunulat ng Bibliya?
25 Nguni’t hindi lamang kay Pedrong mga pagkukulang ang nailantad. Hindi pinagtatakpan ng prangkang ulat ang pagtatalo ng mga apostol sa kung sino ang pinakadakila sa kanila. (Mateo 18:1; Marcos 9:34; Lucas 22:24) Ni hindi nito iniiwasang sabihin na si Jesus ay pinakiusapan ng ina nina apostol Santiago at Juan na ibigay sa mga anak niya ang pinakapangunahing mga puwesto sa Kaharian. (Mateo 20:20-23) Ang “mainitang pagtatalo” nina Bernabe at Pablo ay buong-katapatan ding nakaulat.—Gawa 15:36-39.
26. Anong detalye hinggil sa pagkabuhay-na-muli ni Jesus ang mapapalakip lamang kung ito nga ay totoo?
26 Kapansinpansin din na sinasabi ng aklat ni Lucas na ang mga unang nakabalita sa pagkabuhay-na-muli ni Jesus ay “ang mga babae, na nagsisama sa kaniya mula sa Galilea.” Ito’y kakatwang detalye sa lipunang pinangibabawan ng mga lalaki noong unang siglo. Kaya, ayon sa ulat, kung para sa mga apostol, ang pinag-uusapan ng mga babae ay “walang kabuluhan.” (Lucas 23:55–24:11. Kung hindi totoo ang kasaysayan sa mga Griyegong Kasulatan, malamang na ito’y inimbento lamang. Bakit iimbentuhin ng sinoman ang isang istorya na naglalarawan sa iginagalang na mga tauhan sa kahiyahiyang kalagayan? Hindi mapapalakip ang detalyeng ito kung hindi totoo.
Si Jesus—Isang Tunay na Persona
27. Papaano nagpapatotoo ang isang manananalaysay hinggil sa pag-iral ni Jesus?
27 Batay sa paglalarawan sa kaniya sa Bibliya marami ang nagsasabing si Jesus ay isang ulirang kathang-isip. Subali’t sinabi ng mananalaysay na si Michael Grant: “Kung ang pamantayan na ikinakapit sa ibang sinaunang babasahing makaysaysayan ay ikakapit din sa Bagong Tipan, na siyang nararapat, hindi natin matatanggihan ang pag-iral ni Jesus kung papaanong hindi natin tinatanggihan ang pag-iral ng napakaraming paganong personahe na itinuturing nating tunay na makasaysayan.”19
28, 29. Bakit makahulugan ang paghaharap ng apat na Ebanghelyo ng nagkakaisang larawan hinggil sa pagkatao ni Jesus?
28 Hindi lamang ang pag-iral ni Jesus kundi maging ang kaniyang personalidad ay naaaninaw sa Bibliya taglay ang tiyak na taginting ng katotohanan. Mahirap umimbento ng isang kakaibang tauhan at pagkatapos ay magharap ng isang di nababagong larawan tungkol sa kaniya sa isang buong aklat. Halos imposible na apat na iba’t-ibang manunulat ay sumulat tungkol sa iisang tauhan at makalikha pa rin ng magkakahawig na paglalarawan sa kaniya kung ang tauhang yaon ay hindi kailanman umiral. Na iisa nga ang Jesus na inilalarawan sa apat na Ebanghelyo ay tunay na kapanipaniwalang ebidensiya ng pagiging-totoo ng mga Ebanghelyo.
29 Sinisipi ni Michael Grant ang isang angkop na tanong: “Papaano nangyari na, sa buong tradisyon ng Ebanghelyo, walang pagtatangi, ay lumilitaw ang isang kapansinpansin at matingkad na larawan ng isang makisig na binata na malayang nakikihalubilo sa iba’t-ibang babae, pati na sa mga may masamang pangalan, nang walang anomang bakas ng pagpapadala sa emosyon, pagpapaimbabaw, o ng pagiging maselan, at sa bawa’t pagkakataon, ay nag-iingat ng payak at marangal na pagkatao?”20 Ang tanging sagot ay na siya ay talagang umiral at kumilos sa paraan na sinasabi ng Bibliya.
Kung Bakit Hindi Sila Naniniwala
30, 31. Sa kabila ng katibayan bakit marami ang hindi tumatanggap sa pagiging makasaysayan ng mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan?
30 Yamang may di-maiiwasang katibayan sa pagiging makasaysayan ng mga Griyegong Kasulatan, bakit sinasabi ng iba na hindi gayon? Bakit kaya marami ang tumatanggap sa ilang bahagi nito, subali’t hindi lahat ng nilalaman nito? Sapagka’t pangunahin na, ang Bibliya ay naglalaman ng mga bagay na aayaw paniwalaan ng makabagong mga intelektuwal. Halimbawa, sinasabi nito na si Jesus ay tumupad at bumigkas ng mga hula. Sinasabi din nito na siya ay gumawa ng mga kababalaghan at pagkamatay niya ay binuhay na muli.
31 Sa mapag-alinlangang ika-20 siglong ito, ang gayong mga bagay ay di kapanipaniwala. Hinggil sa mga himala, ay sinabi ni Propesor Ezra P. Gould: “Nadadama ng ilang kritiko na isang pagtutol ang buong-pagmamatuwid nilang magagawa . . . ang mga himala ay hindi talaga nangyayari.”21 Tinatanggap ng ilan na nakapagpagaling nga si Jesus, subali’t sa mga kasong psykosomatiko lamang, ‘tagumpay ng isip laban sa materya.’ Ang iba pang kababalaghan, ay niwawalang-bahala ng karamihan bilang mga kathang-isip o tunay na pangyayari na pinilipit sa pagsasalaysay.
32, 33. Papaano sinikap ng ilan na waling-bahala ang himala ni Jesus na pagpapakain sa malaking pulutong, nguni’t bakit ito hindi makatuwiran?
32 Bilang halimbawa nito, isaalang-alang ang pagpapakain ni Jesus sa mahigit na 5,000 sa pamamagitan lamang ng ilang tinapay at dalawang isda. (Mateo 14:14-22) Sinasabi ng ikalabinsiyam na siglong iskolar na si Heinrich Paulus na ganito ang talagang nangyari: Nakita ni Jesus na siya at ang kaniyang mga apostol ay napaliligiran ng maraming taong nagugutom. Kaya naisip niya na magbigay ng mabuting halimbawa para sa mayayamang naroroon. Kinuha niya ang kaunting pagkain na dala niya at ng mga apostol at ipinamahagi ito sa karamihan. Di nagtagal, ang iba na may baon ay sumunod sa kaniyang halimbawa at ipinamahagi rin ang dala nila. Sa wakas, lahat ay napakain.22
33 Kung ito nga ang nangyari, yao’y mariing katibayan ng bisa ng isang mabuting halimbawa. Bakit kailangan pang pilipitin ang isang kapanapanabik at makahulugang istorya at palitawin na ito ay isang di pangkaraniwang himala? Oo, ang ganitong mga pagsisikap na waling-bahala ang pagiging kahangahanga ng himala ay lalo lamang lumilikha ng maraming problema kaysa maaaring lutasin. At lahat ng ito ay nasasalig sa maling palagay. Ito ay ang panghihinuha na imposible ang mga himala. Nguni’t bakit dapat magkaganito?
34. Kung ang Bibliya ay talagang naglalaman ng wastong hula at mga ulat hinggil sa tunay na mga himala, ano ang pinatutunayan nito?
34 Ayon sa pinakamakatuwirang mga pamantayan, ang mga Hebreo at Griyegong Kasulatan ay kapuwa makasaysayan, at kapuwa naglalaman ng mga hula at kababalaghan. (Ihambing ang 2 Hari 4:42-44.) Papaano, kung tunay ang mga hula? At papaano kung talaga ngang naganap ang mga himala? Ang Diyos ay talaga ngang nasa likod ng pagsulat ng Bibliya, at tunay na ito’y kaniyang salita, hindi sa tao. Sa isang susunod na kabanata, ay tatalakayin natin ang suliranin hinggil sa hula, subali’t isaalang-alang muna natin ang mga himala. Sa ika-20 siglo ba ay makatuwirang maniwala na noong sinauna ay talaga ngang nagkaroon ng mga himala?
[Blurb sa pahina 66]
Bakit iuulat ng Bibliya na ang pagkabuhay-na-muli ni Jesus ay unang natuklasan ng mga babae kung hindi ito talagang nangyari?
[Kahon sa pahina 56]
Ang Makabagong Pagpuna ay Nasumpungang Kulang
Bilang halimbawa ng kawalang-katiyakan ng makabagong pagpuna sa Bibliya, isaalang-alang ang komento ni Raymond E. Brown hinggil sa Ebanghelyo ni Juan: “Noong katapusan ng nakaraang siglo at sa pasimula ng siglong ito, ang mga iskolar ay nagkaroon ng malubhang pag-aalinlangan hinggil sa Ebanghelyong ito. Ang Juan ay binigyan ng napakaatrasadong petsa, hanggang sa huling kalahatian ng ika-2 siglo. Bilang produkto ng Hellenikong daigdig, ipinalagay na ito ay walang anomang makasaysayang halaga at walang gaanong kinalaman sa Palestina ni Jesus ng Nazaret . . .
“Lahat ng ganitong palagay ay naapektuhan ng sunudsunod at hindi inaasahang mga tuklas sa arkeolohiya, dokumento at kasulatan. Ang mga tuklas na ito ay umakay sa atin na may-katalinuhang tumutol sa mga pamumuna na halos ay naging karaniwan na at kilalanin kung gaano karupok ang saligan ng labis-labis na pag-alinlangan sa Juan. . . .
“Ang petsa ng Ebanghelyo ay iniurong sa katapusan ng unang siglo o mas maaga pa sa rito. . . . Higit na katakataka, muling iminumungkahi ng ilang iskolar na si Juan na anak ni Zebedeo ay malamang na may kinalaman sa Ebanghelyo”!3
Bakit waring kakatwa na maniwalang si Juan nga ang sumulat ng aklat na karaniwan nang iniuukol sa kaniya? Dahilan lamang sa hindi ito umaangkop sa mga pagkiling ng mga tagapuna.
[Kahon sa pahina 70]
Isa Lamang Karagdagang Pagsalakay sa Bibliya
Ganito ang isinulat ni Timothy P. Weber: “Ang maselang na pagpuna ay nagtulak sa maraming karaniwang tao na mag-alinlangan sa kakayahan nilang umunawa sa nilalaman [ng Bibliya]. . . . Ipinahayag ni A. T. Pierson ang panghihina ng loob ng maraming ebangheliko nang sabihin niya na ‘gaya ng Romanismo, [ang maselang na pagpuna] ay halos naglayo sa karaniwang mga tao sa Salita ng Diyos sa pagpapalagay na tanging mga iskolar lamang ang maaaring magpaliwanag nito; samantalang inilalagay ng Roma ang isang pari sa pagitan ng tao at ng Salita, ang pagpuna ay naglalagay naman ng isang edukadong tagapagpaliwanag sa pagitan ng mananampalataya at ng kaniyang Bibliya.’ ”23 Kaya, ang makabagong pagpuna ay inilalantad bilang isa lamang karagdagang pagsalakay sa Bibliya.
[Larawan sa pahina 62]
Ang dambanang ito sa Pergamo ay malamang na naaalay “sa di-kilalang mga diyos”
[Larawan sa pahina 63]
Mga kagibaan ng dati-rati’y maringal na templo ni Artemis na ipinagmamalaki ng mga taga-Efeso
[Larawan sa pahina 64]
Buong katapatang iniuulat ng Bibliya na ikinaila ni Pedro si Jesus
[Larawan sa pahina 67]
Buong linaw na iniuulat ng Bibliya ang “mainitang pagtatalo” nina Pablo at Bernabe
[Larawan sa pahina 68]
Ang magkakatulad na paglalarawan kay Jesus sa apat na Ebanghelyo ay matibay na ebidensiya ng pagiging totoo nito
[Larawan sa pahina 69]
Sa palagay ng karamihan ng mga makabagong kritiko ang mga himala ay hindi talaga nangyari