Sanay na mga Tagapayo—Pagpapala sa Kanilang mga Kapatid
“Aking ibabalik uli ang aking mga hukom na gaya noong una, at ang iyong mga tagapayo na gaya noong pasimula.”—ISAIAS 1:26.
1, 2. (a) Paano ipinakikita ng Kawikaan 12:15 at 19:20 ang kahalagahan ng payo? (b) Ano ang kailangan muna kung tayo ay tatanggap ng payo, at anong karanasan ang nagpapatunay dito?
SI Terri ay anak na babae ng mga magulang na Kristiyano. Mayroon siyang kaibigang kamag-aral na “nasa katotohanan” din naman. Ngunit, napansin ni Terri na nang matatapos na sila ng pag-aaral sa elementarya ang kaniyang kaibigan ay di-gaanong masigla sa kaniyang pananampalataya di gaya noong una. Samantalang sila’y nagpapatuloy na magkasama rin sa high school, ang kaniyang kaibigan ay hindi na palagiang dumadalo sa mga pulong Kristiyano at nagsimulang pumintas sa Watch Tower Society at sa kongregasyon. Gayunman, taimtim na ipinanalangin ni Terri ang kaniyang kaibigan at palaging pinapayuhan siya na manatiling matibay bilang isang Kristiyano. Sa kalaunan, ang pagsisikap ni Terri ay ginanti. Nang sila’y nasa ikasampung grado na, ang kaniyang kaibigan ay regular na dumadalo sa mga pulong at sa wakas ay nabautismuhan. Anong laking pagpapala iyon para sa kaniya! At anong laking gantimpala iyon para sa kaniyang tapat na kaibigang si Terri!
2 Sa liwanag ng karanasang ito, mayroon bang sinoman na makapag-aalinlangan sa pangangailangan ng mga Kristiyano na maibiging magpayo sa isa’t-isa paminsan-minsan? Ang Bibliya ay nagpapatibay-loob sa atin: “Makinig ka sa payo at tumanggap ka ng lingap, upang ikaw ay maging pantas sa iyong hinaharap.” (Kawikaan 19:20; 12:15) Ang payong iyan ay sinunod ng kaibigan ni Terri. Ngunit ano kaya kung si Terri ay hindi nagtaglay ng pag-ibig, ng tiyaga, at ng lakas ng loob na patuloy na tumulong sa kaniya sa loob ng mga taóng iyon? Oo, para sinoman sa atin ay ‘makinig sa payo,’ kailangan na may isang tagapayo. Sino ang dapat na maging tagapayo?
Payo—Nino?
3. Sino ang mga inilaan ni Jehova upang magbigay ng napapanahong payo sa kongregasyong Kristiyano?
3 Ang Diyos na Jehova ay nangako na maglalaan sa kaniyang mga lingkod ng mga tagapayo sa panahon natin. Sinabi niya: “Aking ibabalik uli ang . . . mga tagapayo na gaya noong pasimula.” (Isaias 1:26) Ang pangakong ito ay natupad unang-una sa hinirang na matatanda sa kongregasyong Kristiyano. Ang pagpapayo ay isang anyo ng pagtuturo, at ang matatanda unang-una ang “kuwalipikadong magturo.” (1 Timoteo 3:2) Marahil ang unang-unang sumasaisip ni apostol Pablo ay ang hinirang na matatanda nang kaniyang sabihin: “Kahit na nagkasala ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na mga kuwalipikasyon sikapin ninyong muling maituwid nang may kahinahunan ang gayong tao.” (Galacia 6:1) Subalit ang hinirang na matatanda ba lamang ang maaaring magpayo?
4, 5. (a) Ano ang ilang mga halimbawa sa Kasulatan na nagpapakitang hindi lamang ang hinirang na matatanda ang maaaring magpayo? (b) Ano ang ilan sa karaniwang mga sitwasyon sa modernong panahon na kung saan hindi lamang ang hinirang na matatanda ang nagbibigay ng payo?
4 Hindi, si Terri ay hindi isang matanda, subalit ang kaniyang payo ay sa wakas nagbunga ng mabuti. Alalahanin din ang pinunong-hukbo ng Sirya na si Naaman. Siya’y kumilos nang mapakinggan niya ang ilang mainam na impormasyon buhat sa isang batang babaing Israelita at saka sa payo ng kaniyang mga utusan. Si David ay nailigtas sa pagkahulog sa kasalanan sa dugo dahilan sa napapanahong payo ni Abigail, ang asawa ni Nabal. At ang binatang si Elihu ay nagbigay ng mga ilang pantas na payo kay Job at sa kaniyang tatlong “mang-aaliw.”—1 Samuel 25:23-35; 2 Hari 5:1-4, 13, 14; Job 32:1-6.
5 Gayundin sa ngayon, ang pagpapayo ay hindi mga hinirang na matatanda lamang ang may pribilehiyo. Ang mga magulang ay regular na nagpapayo sa kanilang mga anak. Ang mga kabataan na kagaya ni Terri ay kadalasan nagtatagumpay sa pagpapayo sa kanilang mga kaedad. At ang Bibliya ay nanghihimok sa maygulang na mga sisters na “maging tagapagturo ng mabuti,” lalo na sa nakababatang mga babae sa kongregayson. (Tito 2:3-5) Sa katunayan, sa pangkalahatan tayong lahat ay obligado na magtulungan sa isa’t-isa sa ganitong paraan. Sinabi ni apostol Pablo: “Patuloy na mag-aliwan kayo at magpatibayan sa isa’t-isa, gaya ng ginagawa na ninyo.”—1 Tesalonica 5:11.
Ang mga Tunguhin ng Pagpapayong Kristiyano
6. Ano ang ilang tunguhin sa pagpapayong Kristiyano?
6 Ano ang mga ilang tunguhin ng pagpapayong Kristiyano? Ito’y upang tulungan ang sinoman na sumulong at magpatuloy sa tamang daan, upang malutas ang mga problema, upang mapagtagumpayan ang mga kahirapan, at marahil upang ituwid ang isang nasa maling landasin. Ang tinukoy ni Pablo ay ilang anyo ng pagpapayo nang kaniyang himukin si Timoteo na “sumaway, magbigay ng pangaral, magpayo, nang may buong pagbabata at sining ng pagtutur.” (2 Timoteo 4:1, 2) Tunay na isang sining ang makapagpayo ka sa isang tao sa paraan na kaniyang mauunawaan nang hindi siya nasasaktan.
7, 8. (a) Ano ang ilan sa mga sitwasyon na kung saan ang payo ay inaasahan sa kongregasyong Kristiyano? (b) Sa anong mga okasyon marahil hindi inaasahan ng isang Kristiyano ang payo ngunit kailangan niya ito?
7 Kailan dapat ibigay ang payo? Ang mga magulang ay regular na may okasyon na magpayo sa kanilang mga anak, at ito naman ay inaasahan ng mga anak humigit-kumulang. (Kawikaan 6:20; Efeso 6:4) Sa kongregasyon, ang isang estudyante ay umaasang papayuhan siya pagka siya nagpahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. At ang isang baguhan na mamamahayag ng Kaharian ay umaasang tutulungan at papayuhan siya habang siya’y sumusulong tungo sa pagkamaygulang bilang isang ministrong Kristiyano. (1 Timoteo 4:15) Kung minsan may mga lumalapit sa mga matatanda o sa mga iba pa sa kongregasyon upang humingi ng tulong at payo.
8 Kung minsan, kailangang payuhan ang mga hindi umaasang tatanggap ng payo o ayaw nila nito. Baka mayroong isa na nawawalan ng sigasig sa paglilingkod kay Jehova, ‘unti-unting lumalayo,’ gaya ng nangyari sa kaibigan ni Terri. (Hebreo 2:1) Baka naman ang isa ay may malubhang personal na di-pakikipag-unawaan sa iba na kasama niya sa kongregasyon. (Filipos 4:2) O ang isa naman ay baka nangangailangan ng tulong kung tungkol sa wastong pag-aayos ng katawan o pananamit, o sa pagpili ng mga kaibigan o ng musika.—1 Corinto 15:33; 1 Timoteo 2:9.
9, 10. (a) Bakit kailangan ang lakas ng loob sa pagbibigay ng payo sa Kristiyano? (b) Gayunman ay bakit dapat na payuhan ang isang Kristiyano kung iyon ay kinakailangan?
9 Nang ang propetang si Hanani ay nagbigay ng payo kay Haring Asa ng Juda, iyon ay totoong ikinagalit ni Asa kung kaya’t kaniyang “inilagay siya sa bahay-piitan”! (2 Cronica 16:7-10) Kailangan sa isang tao ang lakas ng loob upang makapagpayo sa isang hari noong panahong iyon. Sa ngayon, ang mga tagapayo ay nangangailangan din ng lakas ng loob, yamang sa pasimula ang pagpapayo ay baka makapukaw ng galit. Isang may karanasang Kristiyano ang umatras ng pagbibigay ng payo na kailangan para sa isang nakababatang kasama. Ang dahilan? Ganito ang sabi niya: “Kami’y matalik na magkaibigan sa ngayon, at gusto kong manatiling ganiyan!” Oo, ang pag-atras ng pagtulong pagka kailangan ito ay hindi tanda ng isang mabuting kaibigan.—Kawikaan 27:6; ihambing ang Santiago 4:17.
10 Ang totoo, ipinakikita ng karanasan na kung ang tagapayo ay sanay, ang samaan ng loob ay karaniwan na nababawasan, at malimit na nagtatagumpay ang layunin ng pagpapayo. Ano ba ang kailangan upang ikaw ay maging isang sanay na tagapayo? Upang masagot ito, pag-usapan natin ang dalawang halimbawa, isang mabuti at isang masama.
Si Pablo—Isang Sanay na Tagapayo
11. Bakit tinanggap ng karamihan ng mga taga-Corinto ang payo ni Pablo bagamat siya’y malimit na prangkahan kung magsalita?
11 Si apostol Pablo ay nagkaroon ng maraming pagkakataon na magbigay ng payo, at kung minsan ay mayroon siyang matitinding bagay na dapat sabihin. (1 Corinto 1:10-13; 3:1-4; Galacia 1:6; 3:1) Gayunman, ang kaniyang payo ay mabisa sapagkat ang kaniyang mga pinayuhan ay nakababatid na sila’y iniibig ni Pablo. Gaya ng sinabi niya sa mga taga-Corinto: “Sa malaking kapighatian at hapis ng puso ay sinulatan ko kayo nang may maraming luha, hindi upang kayo’y palumbayin, kundi upang inyong makilala ang saganang pag-ibig ko sa inyo lalung-lalo na.” (2 Corinto 2:4) Tinanggap ng karamihan ng mga taga-Corinto ang payo ni Pablo sapagkat batid nila na iyon ay ibinigay nang walang mapag-imbot na mga motibo, yamang “ang pag-ibig . . . ay hindi humahanap ng kaniyang sariling kapakanan.” At, sila’y nagtitiwala na hindi siya nagpapayo nang dahil sa siya’y nayayamot sapagkat “ang pag-ibig . . . ay hindi nayayamot. Hindi inaalumana ang masama.”—1 Corinto 13:4, 5.
12. Dahilan sa anong katangian ng isang tagapayong Kristiyano kung kaya mas madaling makamtan ang mabubuting resulta? Ipaghalimbawa.
12 Sa ngayon, mas madali rin na tumanggap ng kahit na matinding payo kung alam natin na ang nagpapayo ay may pag-ibig sa atin, hindi nagpapayo dahilan sa pagkayamot niya, at walang mapag-imbot na mga motibo. Halimbawa, kung ang isang matanda’y kaya lamang nakikipag-usap sa mga tin-edyer sa kongregasyon ay pagka pipintasan sila, ang mga kabataang ito ay baka mag-isip na sila’y pinag-iinitan. Subalit kumusta naman kung ang matanda ay may mabuting kaugnayan sa mga tin-edyer? Ano kung kaniyang isinasama sila sa paglilingkod sa larangan, siya’y madaling lapitan sa Kingdom Hall, at kaniyang hinihimok sila na makipag-usap sa kaniya tungkol sa kanilang mga problema, pag-asa, at pag-aalinlangan, marahil manaka-naka sila ay kaniyang inaanyayahan pa sa kaniyang tahanan manaka-naka (pagkatapos na payagan ng kani-kanilang magulang)? Kung magkagayon, pagka kailangang kaniyang bigyan sila ng payo, malamang na tanggapin iyon ng mga tin-edyer, sapagkat alam nila na galing iyon sa isang kaibigan.
Ang Kahinahunan at Kapakumbabaan
13. (a) Ano ang dapat na maging batayan ng payo sa mga Kristiyano? (b) Kaya, ano ang dapat iwasan niyaong mga nagpapayo sa kongregasyong Kristiyano?
13 Mayroon pang isang dahilan kung bakit matagumpay ang pagpapayo ni Pablo. Siya’y nanghawakan sa maka-Diyos na karunungan, hindi sa kaniyang sariling mga opinyon. Gaya ng ipinaalaala niya sa tagapayo na si Timoteo: “Ang lahat ng mga Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:16; ihambing ang 1 Corinto 2:1, 2.) Ang dapat na batayan ng mga tagapayong Kristiyano sa ngayon sa kanilang sinasabi ay ang Kasulatan. Totoo na, sa pamilya, ang mga magulang ay hindi sumisipi sa Bibliya tuwing papayuhan nila ang kanilang mga anak. Gayunman, kailanma’t hinimok ng mga magulang na Kristiyano ang kanilang mga anak sa pagiging masunurin, malinis, mapagmalasakit sa iba, palaging nasa oras, o ano pa man, ang kanilang sinasabi ay kailangang laging may batayan sa Kasulatan. (Efeso 6:1; 2 Corinto 7:1; Mateo 7:12; Eclesiastes 3:1-8) Sa loob ng kongregasyon, pakaingat tayo na huwag ipilit sa iba ang ating sariling personal na mga kuru-kuro o panlasa. At dapat iwasan ng matatanda ang pagbaluktot sa Kasulatan pagtinginin na sumusuporta sa mga ilang ideya na gusto nila. (Ihambing ang Mateo 4:5, 6.) Sa tuwina’y kailangang mayroong tunay na dahilan sa Bibliya ang anomang payo na ibinibigay nila.—Awit 119:105.
14, 15. (a) Bumanggit ng isa pang katangian na nagpapadaling tanggapin ang payo. (b) Bakit napakamahalaga para sa isang tagapayo na paunlarin ang katangiang ito?
14 Ang payo ay lalong epektibo, rin naman, kung iyon ay ibinibigay na taglay ang espiritu ng kahinahunan. Batid ito ni Pablo. Kaya naman, nang kaniyang banggitin ang tungkol sa isang tao na nagkakasala bago niya namalayan iyon, hinimok ni Pablo ang mga kuwalipikado na ‘sikaping muling maituwid nang may kahinahunan, ang gayong tao.’ (Galacia 6:1) Ipinayo rin niya kay Tito na ipaalaala sa iba na “huwag magsalita ng masama tungkol sa kaninuman, na huwag maging palaaway, kundi maging makatuwiran, at magpakahinahon sa pakikitungo sa lahat ng tao.”—Tito 3:1, 2; 1 Timoteo 6:11.
15 Bakit kailangan ang kahinahunan? Sapagkat madaling makahawa ang damdaming walang pagpipigil. Ang galit ay madaling pumukaw ng higit pang galit, at mahirap na makipagkatuwiranan pagka sumusubo ang galit. Kahit na kung ang isang pinapayuhan ay nagagalit, hindi ito dahilan upang magalit din ang nagpapayo. Bagkus, ang kahinahunan ng tagapayo ay baka makatulong upang mapakalma ng galit. “Ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot.” (Kawikaan 15:1) Ito’y totoo kahit ang tagapayo ay isang magulang, isang hinirang na matanda, o sino paman.
16. Bakit ang isa’y dapat na laging magalang pagka nagpapayo?
16 Sa wakas, isaalang-alang ang sinabi ni Pablo sa nakababatang si Timoteo na isang hinirang na matanda: “Huwag mong pakapintasan ang isang nakatatandang lalaki. Kundi, pangaralan mo siyang tulad sa isang ama, ang mga kabataang lalaki tulad sa mga kapatid mo, ang nakatatandang mga babae tulad sa mga ina, ang nakababatang mga babae tulad sa mga kapatid na babae sa buong kalinisang-puri.” (1 Timoteo 5:1, 2) Anong inam na payo! Guni-gunihin kung ano ang madadama ng isang nakatatandang babae kung isang nakababatang hinirang na matanda, marahil kasing-edad lamang ng kaniyang anak na lalaki, ay nagpayo sa kaniya sa paraan na may matinding pamimintas o walang galang. Mas lalong mabuti kung saglit pinag-isipan ng tagapayo: ‘Kung isasaalang-alang ang personalidad at edad ng taong ito, ano kaya ang pinakamaibigin at epektibong paraan ng pagbibigay ng ganitong payo? Kung ako ang nasa lugar niya, sa paano ko ibig na ako ay payuhan?’—Lucas 6:31; Colosas 4:6.
Ang Payo ng mga Pariseo
17, 18. Ano ang isang dahilan kung bakit ang payo na ibinigay ng mga Pariseo ay hindi nakatulong?
17 Iwanan natin ngayon ang mabuting halimbawa ni Pablo at pag-usapan natin ang isang masamang halimbawa—yaong sa mga relihiyosong pinunong Judio noong kaarawan ni Jesus. Sila’y nagbigay ng maraming payo, ngunit karaniwan nang hindi pinakinabangan noon ng bansa. Bakit?
18 Mayroong maraming dahilan. Unang-una, isaalang-alang ang panahon na pagwikaan ng mga Pariseo si Jesus sapagkat ang kaniyang mga alagad ay hindi naghuhugas ng kamay bago kumain. Kung sa bagay, karamihan ng mga ina ay nagpapayo sa kanilang mga anak na maghugas ng kamay bago kumain, at bilang isang kaugalian sa kalinisan ay mabuti ito. Subalit ang mga Pariseo ay hindi gaanong palaisip tungkol sa kalinisan. Para sa kanila, ang paghuhugas ng mga kamay ay isang tradisyon, at sila’y nag-aalaala sa hindi pagsunod ng mga alagad ni Jesus sa tradisyong ito. Subalit, gaya ng ipinakita sa kanila ni Jesus, mayroong lalong malalaking problema sa Israel na dapat sana nilang binigyang-pansin. Halimbawa, ginagamit ng iba ang tradisyong Pariseo upang maiwasan ang pagsunod sa ikalima sa Sampung Utos: “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.” (Exodo 20:12; Mateo 15:1-11) Nakalulungkot sabihin, ang mga eskriba at ang mga Pariseo ay totoong mahilig sa mga kuntil-butil kung kaya’t kanilang “pinababayaang di ginagawa ang lalong mahahalagang bagay ng Kautusan, samakatuwid nga, ang katarungan at ang pagkahabag at ang pananampalataya.”—Mateo 23:23.
19. Paanong ang modernong-panahong mga Kristiyano ay makaiiwas ng pagkahulog sa silo ng mapag-imbot na motibo?
19 Dapat pakaingat ang mga tagapayo ngayon upang sila’y huwag mahulog sa ganiyan ding pagkakamali. Iwasan nila ang mapag-imbot na motibo, anupat ang totoong binibigyan-pansin nila ay ang maliliit na kuntil-butil hanggang sa makalimutan nila “ang lalong mahahalagang bagay.” Sa maliliit na bagay, tayo’y hinihimok na “patuloy na magbata ng mga kahinaan ng isa’t-isa” nang may pag-ibig. (Colosas 3:12, 13) Ang abilidad na makilala kung kailan hindi gagawing isang isyu ang isang bagay at kung kailan talagang kailangan ang pagpapayo ay bahagi ng pagkakaroon ng isang tao ng “espirituwal na mga kuwalipikasyon.”—Galacia 6:1.
20. Bakit ang personal na halimbawa ay napakahalaga kung tungkol sa pagbibigay ng payo?
20 Mayroon pang isang dahilan kung bakit ang unang-siglong mga relihiyosong tagapayong iyon ay di-epektibo. Ang patakaran na sinusunod nila ay “gawin ayon sa sinasabi ko, hindi ayon sa ginagawa ko.” Tungkol sa kanila’y sinabi ni Jesus: “Sa aba rin naman ninyong mga tagapagtanggol ng Kautusan, sapagkat inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasang mahihirap dalhin, ngunit hindi man lamang ninyo hinihipo ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasan!” (Lucas 11:46) Salat na salat sa pag-ibig! Sa ngayon, ang mga magulang, mga hinirang na matatanda, o iba pa na nagbibigay ng payo ay dapat gumagawa unang-una ng mga bagay na ipinagagawa nila sa iba. Paano natin mahihimok ang iba na maging masigasig sa ministeryo sa larangan kung tayo’y hindi magpapakita ng magandang halimbawa? O paano tayo makapagbibigay-babala laban sa materyalismo kung ang materyal na mga bagay ang nangingibabaw sa ating mga buhay?—Roma 2:21, 22; Hebreo 13:7.
21. (a) Paano tinakot ng mga Pariseo ang mga tao? (b) Paanong ang mga taktika ng mga Pariseo ay dapat magsilbing babala upang mag-ingat ang mga tagapayong Kristiyano?
21 Ang mga lider na Judio ay bigo rin bilang mga tagapayo sapagkat sila’y gumamit ng mga taktikang pananakot. Minsan, sila’y nagsugo ng mga lalaki na aaresto kay Jesus. Nang ang mga lalaking ito, na humangang totoo sa paraan ng pagtuturo ni Jesus ay magbalik na hindi siya dala, sila’y pinagwikaan ng mga Pariseo, na ang sabi: “Kayo man ba ay nangailigaw rin? Sumampalataya baga sa kaniya ang sinoman sa mga pinuno o ang sinoman sa mga Pariseo? Datapuwat ang karamihang ito na hindi nakakaalam ng Kautusan ay mga isinumpa.” (Juan 7:45-49) Ito ba’y wastong batayan ng pagsaway—ang pagmamalabis ng autoridad at pangungutya? Ang mga tagapayong Kristiyano ay huwag sana namang magkasala ng pagbibigay ng gayong payo! Huwag na huwag nilang gagamitin ang pananakot sa iba o magbibigay sila ng impresyon na: ‘Ako’y dapat mong pakinggan sapagkat ako’y isang hinirang na matanda!’ O kung nakikipag-usap sa isang sister, huwag sana nilang ipahiwatig na: ‘Makinig ka sa akin yamang ako’y isang kapatid na lalaki.’
22. (a) Paano at bakit dapat magbigay ng payo ang mga Kristiyano? (b) Ano pang tanong ang kailangang talakayin?
22 Oo, ang pagpapayo ay isang gawang pag-ibig na lahat tayo—lalo na ang hinirang na matatanda ay—obligadong ganapin sa ating mga kapuwa Kristiyano manaka-naka. Ang pagpapayo ay hindi dapat gawin udyok ng anomang pagdadahilan. Subalit kung kinakailangan, ito’y lakas-loob na dapat ibigay. Ito’y kailangang batay sa Kasulatan at ibigay nang may kahinahunan. At, mas madaling tanggapin ang payo na galing sa isang umiibig sa atin. Subalit, kung minsan, nag-aalangan tayo kung ano nga ang dapat sabihin sa pagbibigay ng payo. Kaya’t paano tayo makapagpapayo ayon sa paraan na epektibo? Ito’y tatalakayin sa susunod na artikulo.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Sino ang may pribilehiyo at pananagutan na magbigay ng payo sa Kristiyano?
◻ Bakit kailangan ang lakas ng loob upang makapagpayo?
◻ Bakit dahilan sa may pag-ibig si Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto ay naging lalong madali sa kanila na tanggapin ang kaniyang payo?
◻ Bakit ang isang tagapayong Kristiyano ay kailangan na mahinahon at mapagpakumbaba?
◻ Paano maiiwasan ng isang Kristiyano na ang kaniyang payo ay magtingin na mahigpit?
[Larawan sa pahina 13]
Ipinayo ni Pablo kay Tito na ipaalaala sa iba na “maging makatuwiran, na nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng mga tao”