Sino ang Pinakamahalaga sa Buhay Mo?
“Ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”—AWIT 83:18.
1, 2. May kinalaman sa ating kaligtasan, bakit hindi sapat na basta malaman lang ang pangalan ni Jehova?
MARAHIL ay una mong nakita ang pangalan ni Jehova nang ipakita ito sa iyo sa Awit 83:18. Baka nagulat ka nang mabasa mo ang mga salitang ito: “Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Tiyak na mula noon ay ginagamit mo na ang tekstong ito para tulungan ang iba na makilala ang ating maibiging Diyos, si Jehova.—Roma 10:12, 13.
2 Bagaman mahalagang malaman ang pangalan ni Jehova, hindi pa rin ito sapat. Pansinin kung paano idiniin ng salmista ang isa pang katotohanang mahalaga sa ating kaligtasan: “Ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Oo, si Jehova ang pinakamahalagang Persona sa buong uniberso. Bilang Maylalang ng lahat ng bagay, may karapatan siyang umasa na lubusang magpapasakop sa kaniya ang lahat ng kaniyang mga nilalang. (Apoc. 4:11) Kaya naman dapat nating itanong sa sarili, ‘Sino ang pinakamahalaga sa buhay ko?’ Mahalagang suriin nating mabuti ang ating sagot sa tanong na iyan!
Ang Isyu sa Hardin ng Eden
3, 4. Paano nalinlang ni Satanas si Eva, at ano ang resulta?
3 Malinaw na makikita sa mga pangyayari sa hardin ng Eden kung gaano kahalaga ang tanong na ito. Isang rebelyosong anghel na nakilala bilang Satanas na Diyablo ang humikayat sa unang babae, si Eva, na unahin ang kaniyang sariling pagnanasa sa halip na ang utos ni Jehova na huwag kainin ang bunga ng isang punungkahoy. (Gen. 2:17; 2 Cor. 11:3) Nagpadala siya sa panghihikayat na ito, anupat ipinakitang wala siyang paggalang sa soberanya ni Jehova. Hindi niya kinilala si Jehova bilang ang pinakamahalaga sa kaniyang buhay. Pero paano kaya nalinlang ni Satanas si Eva?
4 Gumamit si Satanas ng ilang tusong pamamaraan nang kausapin niya si Eva. (Basahin ang Genesis 3:1-5.) Una, hindi ginamit ni Satanas ang pangalan ni Jehova. Ang binanggit lang niya ay “Diyos.” Hindi siya katulad ng manunulat ng Genesis na gumamit sa pangalan ni Jehova sa unang talata ng kabanatang iyon. Ikalawa, sa halip na sabihing “utos” ng Diyos, itinanong lang ni Satanas kung ano ang “sinabi” ng Diyos. (Gen. 2:16) Sa tusong pamamaraang ito, maaaring pinalilitaw ni Satanas na hindi gaanong mahalaga ang utos na iyon. Ikatlo, bagaman si Eva lang ang kausap niya, ginamit niya ang pangmaramihang anyo para sa panghalip na “ikaw.” Gusto niya marahil na makadama ito ng pride at bigyan ng importansiya ang sarili—na para bang siya ang tagapagsalita para sa kanilang mag-asawa. Ang resulta? Nagsalita si Eva para sa kanilang mag-asawa at sinabi sa serpiyente: “Sa bunga ng mga punungkahoy sa hardin ay makakakain kami.”
5. (a) Sa ano nakumbinsi ni Satanas si Eva na magtuon ng pansin? (b) Ano ang ipinakita ng pagkain ni Eva ng ipinagbabawal na bunga?
5 Pinilipit din ni Satanas ang katotohanan. Ipinahiwatig niyang di-makatarungan ang Diyos nang utusan Niya sina Adan at Eva na ‘huwag kumain mula sa bawat punungkahoy sa hardin.’ Pagkatapos, nakumbinsi ni Satanas si Eva na isipin ang kaniyang sarili at kung paano pa mapagaganda ang kaniyang kalagayan, anupat maging “tulad ng Diyos.” Nang maglaon, natukso niya si Eva na pagtuunan ng pansin ang punungkahoy at ang bunga nito sa halip na ang kaugnayan niya sa Isa na nagbigay sa kaniya ng lahat ng bagay. (Basahin ang Genesis 3:6.) Nakalulungkot, nang kainin ni Eva ang bunga, ipinakita niyang hindi si Jehova ang pinakamahalaga sa kaniyang buhay.
Ang Isyu Noong Panahon ni Job
6. Paano kinuwestiyon ni Satanas ang katapatan ni Job? Anong pagkakataon ang ibinigay kay Job?
6 Makalipas ang maraming siglo, ang tapat na si Job ay nagkaroon ng pagkakataong ipakita kung sino ang pinakamahalaga sa kaniyang buhay. Nang itawag-pansin ni Jehova kay Satanas ang katapatan ni Job, sumagot si Satanas: “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang dahilan?” (Basahin ang Job 1:7-10.) Hindi itinanggi ni Satanas na masunurin si Job sa Diyos. Ang kinuwestiyon niya ay ang motibo ni Job. May-katusuhan niyang sinabi na naglilingkod si Job kay Jehova, hindi dahil sa pag-ibig, kundi dahil sa pansariling pakinabang. Si Job lang ang makasasagot sa akusasyong iyon, at binigyan siya ng pagkakataong gawin ito.
7, 8. Anong mga pagsubok ang napaharap kay Job, at ano ang ipinakita niya sa pamamagitan ng kaniyang tapat na pagbabata?
7 Pinahintulutan ni Jehova si Satanas na pasapitan si Job ng sunud-sunod na trahedya. (Job 1:12-19) Ano ang reaksiyon ni Job sa pagbabagong ito ng kaniyang kalagayan? Iniulat na si Job ay ‘hindi nagkasala ni nagpatungkol man sa Diyos ng anumang di-wasto.’ (Job 1:22) Pero hindi pa rin tumigil si Satanas. Sinabi naman niya: “Balat kung balat, at ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa.”a (Job 2:4) Pinaratangan ni Satanas si Job na kung buhay na niya mismo ang nasasangkot, hindi na si Jehova ang gagawin niyang pinakamahalaga sa kaniyang buhay.
8 Pumangit ang hitsura ni Job dahil sa isang nakapandidiring sakit at pinipilit siya ng kaniyang asawa na sumpain ang Diyos at mamatay. Pagkaraan, pinagbintangan siya ng tatlong huwad na mang-aaliw na may ginagawa siyang masama. (Job 2:11-13; 8:2-6; 22:2, 3) Pero sa kabila ng mga pagdurusang ito, nanatili pa ring tapat si Job. (Basahin ang Job 2:9, 10.) Sa pamamagitan ng tapat na pagbabata, ipinakita niyang si Jehova ang pinakamahalaga sa kaniyang buhay. Ipinakita rin ni Job na, sa paanuman, posibleng masagot ng isang taong di-sakdal ang mga maling paratang ng Diyablo.—Ihambing ang Kawikaan 27:11.
Ang Napakagandang Sagot ni Jesus
9. (a) Paano sinamantala ni Satanas ang pagkagutom ni Jesus? (b) Ano ang reaksiyon ni Jesus sa tuksong iyon?
9 Di-nagtagal pagkatapos ng bautismo ni Jesus, inudyukan ni Satanas si Jesus na magpadala sa makasariling mga pagnanasa sa halip na panatilihing si Jehova ang pinakamahalagang Persona sa kaniyang buhay. Tatlong tukso ang iniharap ng Diyablo kay Jesus. Una, sinamantala niya ang pagkagutom ni Jesus, anupat tinukso ito na gawing tinapay ang mga bato. (Mat. 4:2, 3) Katatapos pa lang mag-ayuno ni Jesus nang 40 araw at gutom na gutom na siya. Kaya inudyukan siya ng Diyablo na gamitin sa maling paraan ang kapangyarihan niya para makakain. Ano ang reaksiyon ni Jesus? Di-gaya ni Eva, nagpokus si Jesus sa Salita ni Jehova at agad na tinanggihan ang tukso.—Basahin ang Mateo 4:4.
10. Bakit hinamon ni Satanas si Jesus na magpatihulog mula sa moog ng templo?
10 Inudyukan din ni Satanas si Jesus na maging makasarili. Hinamon niya si Jesus na magpatihulog mula sa moog ng templo. (Mat. 4:5, 6) Ano kaya ang intensiyon ni Satanas? Sinabi ni Satanas na kung hindi masasaktan si Jesus, mapatutunayan niyang siya ay “anak ng Diyos.” Maliwanag na gusto ng Diyablo na labis na mabahala si Jesus sa kaniyang reputasyon, anupat magpakitang-gilas pa nga alang-alang dito. Alam ni Satanas na posibleng patulan ng isang tao ang mapanganib na hamon dahil sa pride at para hindi mapahiya. Bagaman mali ang pagkakapit ni Satanas sa kasulatan, ipinakita ni Jesus na lubos Niyang nauunawaan ang Salita ni Jehova. (Basahin ang Mateo 4:7.) Sa pagtanggi sa hamong iyon, muling pinatunayan ni Jesus na si Jehova ang pinakamahalaga sa kaniyang buhay.
11. Bakit tinanggihan ni Jesus ang lahat ng kaharian ng sanlibutan na inialok ng Diyablo?
11 Pinakahuli, palibhasa’y desperado na, inialok ni Satanas kay Jesus ang lahat ng kaharian ng sanlibutan. (Mat. 4:8, 9) Agad na tinanggihan ito ni Jesus. Alam niyang ang pagtanggap dito ay katumbas ng pagtatakwil sa soberanya ni Jehova—ang karapatan ng Diyos na mamahala bilang ang Kataas-taasan. (Basahin ang Mateo 4:10.) Sa bawat tukso, sinagot ni Jesus si Satanas sa pamamagitan ng pagsipi sa mga teksto na kababasahan ng pangalan ni Jehova.
12. Anong mahirap na pagpapasiya ang napaharap kay Jesus sa pagtatapos ng buhay niya sa lupa? Ano ang matututuhan natin sa reaksiyon niya sa pasiyang iyon?
12 Sa pagtatapos ng buhay ni Jesus sa lupa, napaharap siya sa isang napakahirap na pagpapasiya. Sa kaniyang pagmiministeryo, ipinahayag ni Jesus na handa niyang ibigay ang kaniyang buhay bilang hain. (Mat. 20:17-19, 28; Luc. 12:50; Juan 16:28) Pero alam niya na may-kabulaanan siyang aakusahan at hahatulan sa ilalim ng batas ng mga Judio at papatayin bilang mamumusong. Ang bahaging ito ng kaniyang kamatayan ang labis na bumagabag sa kaniya. Nanalangin siya: “Ama ko, kung maaari, palampasin mo sa akin ang kopang ito.” Pero nagpatuloy siya: “Gayunman, hindi ayon sa kalooban ko, kundi ayon sa kalooban mo.” (Mat. 26:39) Oo, malinaw na napatunayan ng katapatan ni Jesus hanggang kamatayan kung sino ang pinakamahalaga sa kaniyang buhay!
Ang Ating Sagot sa Tanong
13. Anong mga aral ang natutuhan natin sa mga halimbawa nina Eva, Job, at Jesu-Kristo?
13 Ano na ang natutuhan natin? Sa nangyari kay Eva, natutuhan natin na ang mga nagpapadala sa makasariling pagnanasa o nagbibigay ng importansiya sa sarili ay nagpapakitang hindi si Jehova ang pinakamahalaga sa kanilang buhay. Sa pagiging tapat naman ni Job, natutuhan natin na kahit di-sakdal, maipakikita ng mga tao na inuuna nila si Jehova sa pamamagitan ng tapat na pagbabata sa mga kapighatian—kahit hindi nila lubos na naiintindihan ang sanhi ng mga ito. (Sant. 5:11) At sa halimbawa ni Jesus, natutuhan natin na tayo’y dapat na handang dumanas ng kahihiyan at huwag masyadong bigyan ng importansiya ang ating reputasyon. (Heb. 12:2) Pero paano kaya natin maikakapit ang mga aral na ito?
14, 15. Ano ang pagkakaiba ng reaksiyon ni Jesus sa reaksiyon ni Eva sa harap ng tukso? Paano natin matutularan si Jesus? (Komentuhan ang larawan sa pahina 18.)
14 Huwag na huwag kalimutan si Jehova kapag napapaharap sa mga tukso. Itinuon ni Eva ang kaniyang pansin sa tuksong nasa harapan niya. Nakita niyang ang bunga ay “mabuting kainin at na iyon ay kapana-panabik sa mga mata, oo, ang punungkahoy ay kanais-nais na tingnan.” (Gen. 3:6) Ibang-iba naman ang reaksiyon ni Jesus sa tatlong tukso! Sa bawat pagkakataon, itinuon niya ang kaniyang pansin sa magiging resulta ng ikikilos niya sa halip na sa tuksong nasa harapan niya. Umasa siya sa Salita ng Diyos at ginamit din niya ang pangalan ni Jehova.
15 Kapag napapaharap tayo sa tuksong gumawa ng mga bagay na hindi nakalulugod kay Jehova, saan nakapokus ang ating pansin? Miyentras binibigyang-pansin natin ang tukso, lalong tumitindi ang maling pagnanasa. (Sant. 1:14, 15) Dapat nating iwaksi agad ang pagnanasa, kahit sabihin pang sa paggawa nito ay para na rin nating pinuputol ang isang bahagi ng ating katawan. (Mat. 5:29, 30) Gaya ni Jesus, kailangan tayong magpokus sa magiging resulta ng ikikilos natin—ang epekto nito sa ating kaugnayan kay Jehova. Dapat nating alalahanin ang sinasabi ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Sa ganitong paraan lang natin mapatutunayang si Jehova ang pinakamahalaga sa ating buhay.
16-18. (a) Ano ang maaaring maging dahilan ng panlulumo? (b) Ano ang makatutulong sa atin para makayanan ang mga nakapipighating kalagayan?
16 Huwag na huwag maghinanakit kay Jehova kapag dumaranas ng mga trahedya. (Kaw. 19:3) Habang papalapit tayo sa kawakasan ng masamang sanlibutang ito, parami nang paraming lingkod ni Jehova ang naaapektuhan ng mga kasakunaan at trahedya. Hindi tayo umaasa na poprotektahan tayo sa makahimalang paraan sa panahong ito. Gaya ni Job, maaari din tayong manlumo kapag namamatayan ng mahal sa buhay o dumaranas ng mga problema.
17 Hindi naunawaan ni Job kung bakit hinayaan ni Jehova na mangyari ang ilang bagay, at kung minsan, baka hindi rin natin maunawaan kung bakit nangyayari ang masasamang bagay. Maaaring nababalitaan natin ang tungkol sa tapat na mga kapatid na nasasawi sa likas na sakuna, gaya ng lindol na nangyari sa Haiti. O baka may kilala tayong tapat na kapatid na naging biktima ng karahasan o namatay sa malagim na aksidente. O baka tayo mismo ay dumaranas ng ilang nakapipighating kalagayan o ipinalalagay na kawalang-katarungan. Baka sa tindi ng pamimighati ay masabi natin: ‘O Jehova, bakit ako pa? Anong kasalanan ang nagawa ko?’ (Hab. 1:2, 3) Ano ang makatutulong sa atin para makayanan ito?
18 Huwag sana nating isipin na ang gayong mga pangyayari ay pahiwatig na hindi nalulugod sa atin si Jehova. Idiniin ni Jesus ang bagay na ito nang banggitin niya ang dalawang trahedyang naganap noong panahon niya. (Basahin ang Lucas 13:1-5.) Ang maraming kalamidad ay resulta ng ‘panahon at di-inaasahang pangyayari.’ (Ecles. 9:11) Pero anuman ang dahilan ng ating pamimighati, makakayanan natin iyon kung magtutuon tayo ng pansin sa “Diyos ng buong kaaliwan.” Ibibigay niya sa atin ang lakas na kailangan para makapanatiling tapat.—2 Cor. 1:3-6.
19, 20. Ano ang nakatulong kay Jesus na mabata ang nakahihiyang kalagayan, at ano ang makatutulong sa atin para matularan siya?
19 Huwag na huwag hayaang manaig ang pride o takot na mapahiya. Kapakumbabaan ang nakatulong kay Jesus para ‘hubarin ang kaniyang sarili at mag-anyong alipin.’ (Fil. 2:5-8) Nabata niya ang maraming nakahihiyang sitwasyon dahil umasa siya kay Jehova. (1 Ped. 2:23, 24) Sa ginawa niyang ito, inuna ni Jesus ang kalooban ni Jehova, kaya naman dinakila siya tungo sa isang nakatataas na posisyon. (Fil. 2:9) Ang landasing ito ang iminungkahi ni Jesus na tahakin ng kaniyang mga alagad.—Mat. 23:11, 12; Luc. 9:26.
20 Kung minsan, dumaranas tayo ng kahihiyan bilang pagsubok sa ating pananampalataya. Pero dapat nating tularan ang pagtitiwala ni apostol Pablo, na nagsabi: “Sa mismong dahilang ito ay pinagdurusahan ko rin ang mga bagay na ito, ngunit hindi ako nahihiya. Sapagkat kilala ko yaong aking pinaniwalaan, at may tiwala akong magagawa niyang bantayan ang ipinagkatiwala ko sa kaniya hanggang sa araw na iyon.”—2 Tim. 1:12.
21. Sa kabila ng makasariling saloobin ng mga tao, ano ang determinasyon mo?
21 Inihula ng Bibliya na sa panahon natin, ang mga tao ay magiging “maibigin sa kanilang sarili.” (2 Tim. 3:2) Hindi nga kataka-takang napalilibutan tayo ng mga taong makasarili. Huwag na huwag sana tayong mahawahan ng gayong saloobin! Sa halip, mapaharap man tayo sa tukso, dumanas ng mga trahedya, o ilagay sa kahihiyan, maging determinasyon sana ng bawat isa na patunayang si Jehova talaga ang pinakamahalaga sa ating buhay!
[Talababa]
a Para sa ilang iskolar ng Bibliya, ang “balat kung balat” ay nagpapahiwatig na papayag si Job na mawala ang balat, o buhay, ng kaniyang mga anak at mga hayop, basta huwag lang ang kaniyang sariling balat, o buhay. Para naman sa iba, ang pananalitang ito ay nagdiriin na papayag ang isang tao na mawala ang ilang bahagi ng kaniyang balat, mailigtas lang ang buhay niya. Halimbawa, maaaring isangga ng isang tao ang kaniyang braso para protektahan ang ulo niya, anupat nawalan ng ilang bahagi ng balat pero nailigtas naman ang kaniyang balat. Anuman ang ibig sabihin ng pananalitang ito, ipinakikita lang na handang ibigay ni Job ang lahat maliban sa buhay niya.
Ano ang Matututuhan Natin . . .
• sa paraan ng panlilinlang ni Satanas kay Eva?
• sa reaksiyon ni Job sa dinanas niyang mga trahedya?
• sa pangunahing pinagtuunan ni Jesus ng pansin?
[Larawan sa pahina 17]
Hindi nagtuon ng pansin si Eva sa kaniyang kaugnayan kay Jehova
[Larawan sa pahina 18]
Tinanggihan ni Jesus ang mga tukso ni Satanas at nagpokus sa paggawa ng kalooban ni Jehova
[Mga larawan sa pahina 20]
Pagpapatotoo sa mga tolda pagkatapos ng lindol sa Haiti
Kapag napipighati, maaari tayong magtuon ng pansin sa “Diyos ng buong kaaliwan”