HADES
Ito ang karaniwang transliterasyon sa Tagalog ng salitang Griego na haiʹdes. Marahil, ito’y nangangahulugang “ang di-nakikitang dako.” Sa kabuuan, ang salitang “Hades” ay lumilitaw nang sampung ulit sa pinakamatatandang manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.—Mat 11:23; 16:18; Luc 10:15; 16:23; Gaw 2:27, 31; Apo 1:18; 6:8; 20:13, 14.
Sa mga tekstong iyon, isinalin ng King James Version ang haiʹdes bilang “impiyerno,” subalit isinalin naman ito ng Revised Standard Version bilang “Hades,” maliban sa Mateo 16:18, kung saan “mga kapangyarihan ng kamatayan” ang ginamit, bagaman ang talababa ay kababasahan ng “mga pintuang-daan ng Hades.” “Hades,” sa halip na “impiyerno,” ang ginagamit sa maraming makabagong salin.
Ang Griegong Septuagint na salin ng Hebreong Kasulatan (mula Genesis hanggang Malakias) ay gumagamit ng salitang “Hades” nang 73 ulit, anupat 60 ulit nitong ginamit iyon bilang salin ng salitang Hebreo na sheʼohlʹ, na karaniwang isinasalin bilang “Sheol.” Nang isalin ni Lucas, kinasihang manunulat ng Mga Gawa, ang sinipi ni Pedro mula sa Awit 16:10, tuwiran niyang ipinakita na Hades ang Griegong katumbas ng Sheol. (Gaw 2:27) Sa kabaligtaran naman, siyam na makabagong saling Hebreo ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang gumamit ng salitang “Sheol” bilang salin ng Hades sa Apocalipsis 20:13, 14; at ang saling Syriac ay gumamit naman ng kaugnay na salitang Shiul.
Lahat ng paglitaw ng salitang Hades sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, maliban sa dalawa, ay nauugnay sa kamatayan, maaaring sa teksto mismo o sa kalapit na konteksto niyaon. (Tatalakayin sa susunod na parapo ang dalawang kasong iyon.) Ang Hades ay hindi tumutukoy sa nag-iisang puntod (sa Gr., taʹphos, o mneʹma; sa Ingles grave, o tomb), o sa nag-iisang alaalang libingan (sa Gr., mne·meiʹon; sa Ingles, memorial tomb), kundi sa karaniwang libingan ng sangkatauhan, na doo’y di-nakikita ang mga patay at ang mga nakalibing. Sa gayon, iisa ang kahulugan nito at ng katumbas nitong salita na “Sheol,” at makikita iyan kung susuriin ang lahat ng sampung paglitaw nito.—Tingnan ang LIBINGAN; SHEOL.
Sa unang paglitaw ng Hades, sa Mateo 11:23, ginamit ni Jesu-Kristo ang salitang ito nang pagwikaan niya ang Capernaum dahil hindi ito naniwala. Ginamit niya ang Hades upang ilarawan kung gaano kababa ibabagsak ang Capernaum, kabaligtaran ng pagkakataas nito sa langit dahil sa pagmiministeryo rito ni Jesus. Masusumpungan sa Lucas 10:15 ang tekstong katulad nito. Pansinin din kung paano ginamit ang Sheol sa katulad na paraan sa Job 11:7, 8.
Iniligtas si Jesus at ang Kongregasyon Mula sa Hades. Tungkol sa kongregasyong Kristiyano, sinabi ni Jesus, sa Mateo 16:18, na “ang mga pintuang-daan ng Hades [“mga kapangyarihan ng kamatayan,” RS; “kapangyarihan ng kamatayan,” BSP, MB] ay hindi makapananaig dito.” Kahawig nito, noong si Haring Hezekias ay nasa bingit ng kamatayan, sinabi niya: “Sa kalagitnaan ng aking mga araw ay papasok ako sa mga pintuang-daan ng Sheol.” (Isa 38:10) Samakatuwid, lumilitaw na ang tagumpay sa Hades na ipinangako ni Jesus ay nangangahulugan na ang “mga pintuang-daan” nito ay bubukas upang palayain ang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, gaya ng nangyari mismo kay Kristo Jesus.
Yamang ang Hades ay tumutukoy sa karaniwang libingan ng sangkatauhan, si Jesus ay pumasok sa “mga pintuang-daan ng Hades” noong siya’y ilibing ni Jose ng Arimatea. Noong Pentecostes ng 33 C.E., sinabi ni Pedro tungkol kay Kristo: “Hindi siya pinabayaan sa Hades ni nakakita man ng kasiraan ang kaniyang laman. Ang Jesus na ito ay binuhay na muli ng Diyos, na sa bagay na ito ay mga saksi kaming lahat.” (Gaw 2:25-27, 29-32; Aw 16:10) Bagaman si David ay nakapiit pa rin sa “mga pintuang-daan ng Hades” noong mga araw ni Pedro (Mat 16:18; Gaw 2:29), bumukas ang mga iyon para kay Kristo Jesus nang buhayin siyang muli ng kaniyang Ama mula sa Hades. Mula noon, sa pamamagitan ng kapangyarihang bumuhay-muli na ibinigay sa kaniya (Ju 5:21-30), hawak na ni Jesus ang “mga susi ng kamatayan at ng Hades.”—Apo 1:17, 18.
Maliwanag, ang Hades sa Bibliya ay hindi yaong dakong kathang-isip na ayon sa paglalarawan ng sinaunang di-Kristiyanong mga Griego sa kanilang mga mitolohiya ay isang “madilim na pook na di-nasisikatan ng araw sa ilalim ng lupa,” sapagkat walang nagaganap na pagkabuhay-muli mula sa gayong mitolohikal na daigdig ng mga patay.
Makatalinghagang Paggamit. Sa Apocalipsis 6:8, ang Hades ay makasagisag na inilarawang sumusunod sa nakasakay sa kabayong maputla, na kumakatawan sa Kamatayan, upang tanggapin ang mga namatay dahil sa mga digmaan, taggutom, salot, at mababangis na hayop.
Ang dagat (na kung minsa’y nagsisilbing libingan sa tubig para sa ilan) ay binanggit kasama ng Hades (ang karaniwang libingan sa lupa), upang idiin na kasama ang lahat ng patay nang sabihin ng Apocalipsis 20:13, 14 na ibibigay ng dagat, kamatayan, at Hades ang mga patay na nasa kanila, na nangangahulugang mawawalan na ng mga patay ang mga ito. Pagkatapos, ang kamatayan at ang Hades (ngunit hindi ang dagat) ay ihahagis sa “lawa ng apoy,” ang “ikalawang kamatayan.” Sa gayo’y makasagisag na ‘mamamatay’ ang mga ito, o, hindi na iiral pa, at ipinahihiwatig nito na magwawakas ang Hades (Sheol), na karaniwang libingan ng sangkatauhan, at ang kamatayang minana kay Adan.
Ang natitirang teksto na gumamit ng Hades ay nasa Lucas 16:22-26 sa ulat tungkol sa “taong mayaman” at kay “Lazaro.” Pawang makatalinghaga ang mga pananalita sa buong ulat na ito at hindi dapat unawain nang literal kung isasaalang-alang ang lahat ng naunang teksto. Gayunman, pansinin na ang “taong mayaman” sa talinghaga ay sinasabing “inilibing” sa Hades, anupat karagdagang patotoo na ang Hades ay tumutukoy sa karaniwang libingan ng sangkatauhan.—Tingnan ang GEHENNA; TARTARO.