Ang Mata Mo Ba ay “Simple”?
“Kung simple nga ang iyong mata, ang buong katawan mo’y mapupuspos ng liwanag.”—MATEO 6:22.
1. Bakit masasabi na ang mata ay isang kababalaghan ng matalinong paglalang?
ANG paningin ay karaniwan nang itinuturing na pinakamahalaga at pangunahin sa mga sentido—lalo na ng mga tao na wala na nito. Ayon sa mga siyentipiko tuwing segundo sampung trilyong mga partikulo ng liwanag ang dumaraan sa balintataw ng ating mga mata. Habang dumarating ito sa retina, ito’y tinatanggap naman ng isang daang milyong rod at cone cells. Pagkatapos na mapaging-aktibo ng liwanag, ang mga selula ng nerbiyos na ito ay nagpapadala ng mga elektrikal na signales sa utak. Doon, isang malaking bahagi ng isang daang bilyong neurons ang umaandar upang unawain ang katatanggap na mensahe at magpasiya kung ano ang dapat itugon. Lahat ng ito ay nangyayari sa loob lamang ng isang kudlit ng isang segundo. Oo, ang mata ay isang kahanga-hangang halimbawa ng kababalaghan ng matalinong paglalang.—Awit 139:14.
2. Tungkol sa paningin ano ang isang palaisipan pa rin?
2 Bagaman marami ang alam ng mga siyentipiko tungkol sa biyolohikong pag-andar ng mata at ng utak, bahagya lamang ang alam nila tungkol sa kung paano at bakit tayo tumutugon sa ating nakikita. Halimbawa, hindi pa lubusang nauunawaan kung bakit gusto ng isang tao ang kulay na pula imbis na asul samantalang ang gusto naman ng isa ay asul imbis na pula, o kung bakit ang iba’t ibang kulay ay may epekto sa iba’t ibang paraan. Ang kaugnayan ng paningin at ng epekto ay isang palaisipan pa rin. Subalit para kay Jehova, ang Maygawa ng mata, at sa kaniyang Anak at kamanggagawa, si Jesu-Kristo, alam na alam nila ang masalimuot na kayarian ng mata, at alam nila kung paano may impluwensiya ang mata sa ating mga kilos at sa ating mga buhay.
“Ang Ilawan ng Katawan”
3. Paanong ang mata “ang ilawan ng katawan”?
3 Sinabi ni Jesus na “ang ilawan ng katawan ay ang mata.” (Mateo 6:22) Ginagamit ang ilawan sa isang lugar na madilim upang alam natin kung nasaan tayo, kung paano kikilos, kung saan daraan, at iba pa. Sa pagtanggap natin ng liwanag sa ating katawan, ang ating mga mata ay nagsisilbing isang ilawan. Nakikita natin ang daigdig sa ating palibot at tayo’y tumutugon sa matalino at espisipikong paraan, imbis na mangapa-ngapa, matisod, at baka masaktan pa tayo.
4. Paano tayo apektado ng kalagayan ng mata?
4 Gayunman, kung hanggang saan magsisilbing isang ilawan ng katawan ang mata, ito’y depende sa kalagayan ng mata. Kaya naman, sinabi pa ni Jesus: “Kung simple nga ang iyong mata, ang buong katawan mo’y mapupuspos ng liwanag; ngunit kung balakyot ang iyong mata, ang buong katawan mo’y mapupuspos ng kadiliman. Kaya’t kung ang ilaw na sumasa-iyo ay kadiliman, anong laki ng kadilimang iyon!” (Mateo 6:22, 23) Dito ay makikita natin ang malaking impluwensiya ng mata sa ating buong pamumuhay, sa ikabubuti man o sa ikasasamâ.
Impluwensiya ng Mata
5. Hanggang saan napasangkot ang mata nang tuksuhin si Eva ni Satanas?
5 Pag-isipan ang nangyari sa unang babae, si Eva. Kung hanggang saan naimpluwensiyahan ng mata ang kaniyang mga kilos ay makikita sa ulat ng Bibliya ng kaniyang pakikipagharap sa Manlilinlang, si Satanas na Diyablo. (2 Corinto 11:3; 1 Timoteo 2:14) Sinabi ni Satanas na ‘ang kaniyang mga mata ay madidilat’ kung hindi niya papansinin ang utos ng Diyos at kukuha at kakain ng bunga “ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” Paano siya tumugon? Sinasabi ng Bibliya: “Nakita ng babae na ang bunga ng punungkahoy ay mabuting kainin at nakalulugod sa mga mata, oo, ang punungkahoy ay kanais-nais na pagmasdan.” Ipinako niya ang kaniyang mga mata sa isang bagay na ibinawal sa kaniya. Iyon ay isang kusang maling paggamit sa mata. Ano ang resulta? “Kaya kumuha siya ng bunga at kinain iyon.”—Genesis 2:17; 3:4-6.
6. Paanong ang mata ay may impluwensiya sa ating mga kilos?
6 Tiyak na hindi ito ang unang pagkakita ni Eva sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” o sa bunga niyaon. Subalit may naiibang pangyayari na nagaganap noon. Ngayon waring yaon ay isang bagay na “nakalulugod sa mga mata” at “kanais-nais na pagmasdan.” Ang paghahangad at pagnanasa ay karaniwan nang hindi para sa mata kundi para sa puso. Subalit ang nakikita ng mata ay nagpapatindi sa paghahangad at pagnanasa ng puso, kaya naman ang pagkilos ang maaaring resulta nito. Sa kaso ni Eva, ang gayong pagkilos ay humantong sa kapahamakan para sa kaniyang sarili at sa kaniyang asawang si Adan, pati na rin sa kanilang magiging mga supling, kasali na tayo ngayon.—Roma 5:12; Santiago 1:14, 15.
7. Paanong ang mata ay kasangkot sa ikatlong pagsisikap ni Satanas na mailigaw si Jesus, at ano ang resulta?
7 Gayunman, posible na daigin ang anumang impluwensiya sa ikasasamâ na maaaring sumingit sa pamamagitan ng mata, at tungkol dito’y pag-usapan natin ang halimbawa ni Jesu-Kristo. Ang Manunukso ring iyon, si Satanas, ang kasangkot. Sa kaniyang ikatlong pagsisikap na italikod si Jesus sa paggawa ng kalooban ng Diyos, “dinala siya ng Diyablo sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinakita sa kaniya ang lahat ng kaharian ng sanlibutan at ang kaluwalhatian nila.” Pansinin na hindi lamang bibigang inialok ni Satanas kay Jesus ang lahat ng kapangyarihan at kaluwalhatian ng sanlibutan kapalit ang isang gawang pagsamba. Kaniyang “ipinakita sa kaniya” ang mga bagay na ito, anupa’t sinamantala ang malakas na impluwensiya ng mata. Subalit, dahilan sa ang mata ni Jesus ay hindi napadala sa nakatutuksong alok na iyon kundi mahigpit na nakapako sa kaniyang kaugnayan sa kaniyang makalangit na Ama, si Jehova, siya’y nagtagumpay sa paghadlang sa tusong pakanâ ni Satanas.—Mateo 4:8-10.
8. Anong mga aral ang matututuhan natin buhat sa mga halimbawa ni Eva at ni Jesus?
8 Ano ba ang ating matututuhan buhat sa nabanggit na mga halimbawa? Una, ang pinagpapakuan ng ating mga mata ay maaaring makapagpatindi sa mabuti o sa masamang mga pagnanasa ng ating puso. Ito’y maaaring humantong sa pagkilos na magdadala ng pagpapala o dili kaya’y kapahamakan para sa ating sarili at sa iba. Ikalawa, maliwanag na ang mata ay isang kinahihiligang asintahin ni Satanas sa kaniyang pagsisikap na linlangin ang kaniyang mga biktima. Sa lahat ng “lalang” na ginagamit ni Satanas upang mailigaw ang sangkatauhan, ang pang-aakit na ito sa mata ang lumilitaw na isa sa pinakamabisa.—2 Corinto 2:11.
9. Paano pinauunlad ni Satanas “ang pita ng mga mata” sa ngayon?
9 Sa ngayon, si Satanas ay gumagamit pa rin ng ganoong pamamaraan sa kaniyang pakanâ na maitalikod ang lahat ng mga tao sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng kaningningan at panghalina ng sanlibutan, pinauunlad ni Satanas “ang pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan.” (1 Juan 2:16) Ito’y malinaw na makikita sa mga paraan ng pag-aanunsiyo na ginagamit ng daigdig ng komersiyo. Hindi baga totoo na ang pinakamatagumpay na mga pag-aanunsiyo ay yaong pinakamagaling na umantig ng paningin? Ang libu-libong matitingkad-kulay na mga karatula at tumatawag-pansin na mga anunsiyo sa mga daan, ang nagkikislapang mga larawan sa mga magasin at pahayagan, ang tusong mga pag-aanunsiyo sa TV—at ang bilyun-bilyong mga dolyar na ginagasta sa mga ito—ay pawang nagpapatotoo na ang buong layunin ng pag-aanunsiyo ay upang pasiglahin ang “pita ng mga mata” ng mga mamimili.
10. Anong talaga ang itinataguyod ng daigdig ng komersiyo?
10 Samantalang marami sa mga anunsiyong ito ang sumasaklaw sa halos buong guniguni mo, ang lalong tuso ay yaong bagay na hindi lamang mga produkto para sa mamimili ang talagang itinataguyod ng mga anunsiyong ito kundi pati mga istilo ng pamumuhay. Malimit na ang mga produkto ay iniaanunsiyo na ginagamit ng mga taong mayayaman, maimpluwensiya, maliligaya, at magaganda. Ang mensahe ay na pagka ang produktong iyon ang ginagamit ng sinuman, ang kaniyang “kabuhayan” ay kusang mapapasahanay ng alinman sa mga binanggit na kalagayang iyan. Batid ng mga tagapag-anunsiyo na minsang tanggapin ng isang tao ang isang paraan ng pamumuhay, madali na siyang mahihikayat na tanggapin ang mga kalakal at mga bilihin na kasama niyaon. Sa liwanag na ito, anong laking katalinuhan para sa nag-alay na mga Kristiyano na makinig sa payo na nasa Hebreo 13:5! Mababasa natin: “Sa inyong pamumuhay ay mangilag kayo sa pag-ibig sa salapi, samantalang kontento na kayo sa kasalukuyang mga bagay.”
Paanong ang Mata’y Pananatilihing “Simple,” Hindi “Balakyot”
11. Ipaliwanag ang mga salitang “simple” at “balakyot” sa pangungusap ni Jesus tungkol sa mata.
11 Yamang sa araw-araw ay napakaraming nakakaakit sa mata, ating lalong mauunawaan kung bakit tayo pinayuhan ni Jesu-Kristo na panatilihing “simple” ang ating mata at hindi “balakyot.” (Mateo 6:22, 23) Ano ba ang ibig sabihin nito? Dito ang “simple” ay isinalin buhat sa salitang Griego na ha·plousʹ, na ang saligang kahulugan ay ang pagiging iisa ng iniisip o nakatalaga sa iisang layunin. Sa kabilang panig, ang “balakyot” sa orihinal na Griego ay po·ne·rosʹ at ang kahulugan ay pagiging masama, walang kabuluhan, likô. Samakatuwid, ang ‘simpleng mata,’ imbis na magambala o mailihis ng anumang bagay na nangyayari, ay nagpapako ng atensiyon sa iisa lamang bagay. Kabaligtaran nito, ang ‘balakyot na mata’ ay pabagu-bago, mapanlinlang, at sakim, at nahihilig sa mga bagay na kahina-hinala at malabo.
12. Repasuhin at ipaliwanag ang konteksto ng tinatalakay ni Jesus.
12 Subalit sa ano dapat ipako ang mata upang ang “buong katawan ay mapuspos ng liwanag”? Pag-aralan natin ang konteksto at tutulong ito upang makita ang sagot. Sa nauunang mga talata, ang tinutukoy ni Jesus ay “kayamanan sa lupa” at “kayamanan sa langit.” Sinabi niya na “kung saan naroroon ang inyong kayamanan, doroon din ang inyong puso.” Pagkatapos na talakayin ang tungkol sa mata, muli niyang idiniin na kailangang ipakita ang pagiging iisa ng layunin, nang sabihin: “Walang sinuman na makapagpapaalipin sa dalawang panginoon,” ang Diyos at Kayamanan. Sa mga sumusunod na talata, siya’y nagpayo tungkol sa dapat na maging pangmalas sa araw-araw na mga pangangailangan sa buhay at nagtapos: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng mga iba pang bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”—Mateo 6:19-34.
13. Sa ano dapat nating ipako ang ating mata upang ang ating “buong katawan ay mapuspos ng liwanag”? Bakit?
13 Ano ang ating mahihiwatigan sa lahat ng ito? Ang tinutukoy dito ni Jesus ay mga tunguhin sa buhay, ang kawalang kabuluhan ng paghahanap ng materyal na mga bagay at ang pagpapala ng pagpapaunlad ng interes sa espirituwal na mga bagay. Maliwanag, sinasabi niya sa atin na sa pagpapako ng ating mga mata tangi sa mga kapakanan ng Kaharian, ang ating “buong katawan ay mapupuspos ng liwanag.” Bakit? Sapagkat kung ang paggawa ng kalooban ng Diyos ang ating tunguhin sa buhay, sa bawat pitak ng ating buhay ay sisikapin nating mabanaag ang maningning na mabuting balita. Tayo’y hindi lamang makaaasa sa isang magandang kinabukasan kundi lalaya rin naman buhat sa madidilim at pailalim na mga bagay na likha ng isang buhay na ginugugol sa mapag-imbot na mga gawain.—2 Corinto 4:1-6.
14. Bakit “kadiliman” ang resulta ng pagpapako ng mata sa materyal na kayamanan?
14 Pinagtibay pa ni apostol Pablo ang mga salita ni Jesus nang kaniyang ipaliwanag: “Silang mga disididong yumanan ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang walang kabuluhan at nakasásamâ, na nagbubulusok sa mga tao sa kapahamakan at pagkapariwara.” (1 Timoteo 6:9) Tunay na makahulugan ang mga salitang ito! Ang mga pahayagan ay punô ng balita tungkol sa mga senador, alkalde, hukom, bangkero, mga ehekutiba ng mga kompanya, at iba pa na nahuli sa pang-uumit, na anupa’t ayon sa isang report, “ang pinakamaliit na hinahakot sa taun-taon ay 200 bilyong dolyar” sa Estados Unidos lamang. Dahilan sa ‘tukso at silo’ na yumaman maraming dati’y respetableng mga tao ang naging mga magnanakaw at kriminal. Oo, ibig nating maiwasan ang tayo’y ‘mapabulusok sa kapahamakan at pagkapariwara,’ at makaranas ng “kadiliman” na binanggit ni Jesus.—Tingnan ang Kawikaan 23:4, 5.
15, 16. (a) Ano pang ibang “pita ng mga mata” ang kailangang iwasan natin? (b) Paano mo ikakapit ang payo sa Kawikaan 27:20 sa ating tinatalakay?
15 Subalit, yaon ba lamang mga nakapako ang mata sa pagpapayaman ang nanganganib na lumakad sa kadiliman? Hindi, sapagkat “ang pita ng mga mata” ay sumasaklaw din sa maraming iba pang mga bagay. Alalahanin ang sinabi ni Jesus sa Mateo 5:28: “Bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso.” Tiyak na ang babalang iyan ay maikakapit din sa pagpapako ng mga mata ng isang tao sa isang bagay na aantig o pupukaw ng di-nararapat na mga hangarin at pita.
16 At nariyan din ang mga pagkabalisa tungkol sa pagkain, inumin, at pananamit na binanggit ni Jesus. (Mateo 6:25-32) Bagaman ang mga bagay na ito ay kinakailangan, ang labis na pagnanasang magkaroon ng pinakabago, pinakasagana, at pinakapopular, ay maaaring umalipin sa ating isip at puso. (Roma 16:18; Filipos 3:19) Kahit na sa libangan, sa paboritong pampalipas-oras, sa sports, sa ehersisyo, at iba pa, tayo ay kailangang manatiling may wastong pagkatimbang at iwasan na mapalulong sa mga kausuhan at kinahihiligan ng sanlibutan. Sa lahat na ito, makabubuting isaisip natin ang mga salita ng pantas na nasa Kawikaan 27:20: “Ang Sheol at ang dako ng kapahamakan ay hindi nasisiyahan kailanman, ni nasisiyahan man ang mga mata ng isang tao.” Oo, tayo’y laging magpigil sa sarili upang ang ating espirituwalidad ay hindi manganib dahil sa pagsisikap na bigyan ng kasiyahan ang ating mga mata.
Mga Pagpapala Pagka Pinanatiling “Simple” ang Mata
17. Paanong ang pagpapanatiling “simple” sa mata ay tumulong sa iba sa pagtataguyod ng mga kapakanan ng Kaharian?
17 Yaong mga nanatiling ang mata’y “simple” at puspusang nagpako niyaon sa mga pangako ng Kaharian ng Diyos ay tumanggap ng maraming pagpapala buhat kay Jehova. Mainam na ipinaghahalimbawa ito ng mga karanasan ng mga tao sa buong daigdig na nasa iba’t ibang antas ng buhay. Pag-isipan ang mga halimbawang ito:
“Nang naglilingkod ako kung saan malaki ang pangangailangan sa Colombia, Timog Amerika, ang kinikita ko ay humigit-kumulang $100 isang buwan. Ako’y nagsimulang magpayunir, ngunit noong pasimula ng buwan, ako’y nahulog at nabalian. Dahilan sa pagpapagamot ay nagastos ko ang aking pera, at hindi na ako magkakapera kundi sa katapusan ng buwan. Kailangan din noon na mag-abuloy ako para sa Kingdom Hall, ngunit kung iaabuloy ko pa ang pera, wala na akong maibibili ng pagkaing kailangan ko para sa susunod na sanlinggo. Mga ilang araw na pinag-isipan ko ang bagay na iyon, pagkatapos ay ipinasiya ko na kailangang bayaran ang upa para sa hall, kaya inihulog ko ang pera sa kahon na abuluyan. Kinabukasan, tumanggap ako ng liham sa isang sister sa Estados Unidos na dumalaw noon sa akin sa Colombia. Sa kaniyang liham ay inilakip niya ang ilang salapi sa Colombia na lumabis pagkatapos na siya’y makadalaw nga. Iyon ang mismong halaga na inihulog ko sa kahon.”
Isang maalinsangang hapon ng Martes, si Ki, na may klinik sa Taechun, Korea, ay inanyayahan ng tatlong kamanggagawa para magpalipas ng hapon sa tabing-dagat. Bagaman kaakit-akit ang ideya, batid ni Ki na kung siya’y sasama, sa pagbabalik ay magagabihan na siya at hindi na aabot sa Pag-aaral ng Aklat ng Kongregasyon ng gabing iyon. Kaya’t tinanggihan niya ang imbitasyon. Mga ilang saglit lamang ang nakalipas, ang tatlo ay inihatid sa klinik—patay na! Sila’y namatay sa isang aksidente sa trapiko sa mismong sandali pagkaalis nila sa klinik. Ikinalungkot ni Ki ang insidenteng iyon subalit natutuwa siya at nakaligtas siya dahilan sa mahigpit na pagkapit niya sa kinaugalian na sa loob ng lumipas na mga taon.—Hebreo 10:24, 25.
18. Paano matuturuan ang mga kabataan na mapanatiling “simple” ang kanilang mata?
18 Kahit ang mga bata ay maaaring turuan na ipako ang kanilang mata sa mga intereses ng Kaharian, gaya ng makikita sa sumusunod na karanasan.
“Nang aming mabalitaan buhat sa dalawang bisitang dumalaw na ang mga kapatid sa tatlong kongregasyon sa Pilipinas ay dapat makatipon ng $1,000 bawat kongregasyon—isang malaking halaga para sa kanila—para makapagtayo uli ng Kingdom Hall kapalit ng nasunog, ipinasiya naming mag-asawa na mag-abuloy. Kumusta naman ang aming apat na anak, edad seis anyos ang panganay at apat na buwan ang bunso? Sa bawat linggo pagka sumuweldo na ang aking asawa, siya’y bumibili ng isang pilak na dolyar para sa bawat anak namin. Pinaghati-hati ng aking asawa ang mga barya upang makita ng bawat anak namin kung gaano na ang kaniyang pera. Binanggit din namin ang ilan sa mga bagay na kinahihiligan nilang bilhin. Subalit ang sagot sa tuwina’y iisa—ibig nilang ibigay sa mga kapatid ang perang iyon.” Kaya ipinadala nila ang kanilang $99, may kalakip na isang simpleng liham. Naantig na mabuti ang damdamin ng mga kapatid sa Pilipinas dahilan sa nasaksihan nilang pag-ibig at kagandahang-loob kung kaya’t marami sa kanila ang lumuluha nang basahin sa kanila ang liham.
19. Tayo’y makatitiyak ng isang magandang kinabukasan kung ang ating mga mata ay mapananatili nating nakapako sa ano?
19 “Itingin mong matuwid ang iyong mga mata, oo, ang iyong nagniningning na mga mata ay ititig mong matuwid sa harap mo.” (Kawikaan 4:25) Anong laking karunungan na sundin natin ang payong iyan at huwag hayaang ang ating mga mata ay gumala-gala, at maakay tayo na mapalihis! “Mag-ingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang kundi gaya ng marurunong,” ang payo ni Pablo, “na sinasamantala ang karapat-dapat na panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay masasama.” Ipinayo rin niya: “Patuloy na unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.” (Efeso 5:15-17) Sa paggawa nito, matitiyak natin na tayo’y magtatagumpay na panatilihing “simple” ang ating mata, at maaasam-asam natin ang isang magandang kinabukasan—buhay na walang hanggan sa ipinangako ng Diyos na bagong sistema ng mga bagay.—Ihambing ang 2 Corinto 4:17, 18.
Maipaliliwanag Mo Ba
◻ Paanong ang mata “ang ilawan ng katawan”?
◻ Paanong ang mata ay may impluwensiya sa ating mga kilos, gaya ng makikita sa halimbawa ni Eva at ni Jesus?
◻ Sa paano nang-aakit si Satanas sa pamamagitan ng “pita ng mga mata” sa ngayon?
◻ Ano ang dapat nating gawin upang panatilihing “simple” ang ating mata?
◻ Saan natin dapat ipako ang ating mga mata ngayon?
[Larawan sa pahina 12]
Ang anumang pinagpapakuan ng ating mata ay maaaring magpatindi sa nasà ng puso