‘Manatiling Walang Dungis, Walang Kapintasan, at Nasa Kapayapaan’
“Gawin ang inyong buong kaya upang masumpungan kayo sa wakas na walang dungis at walang kapintasan at nasa kapayapaan.”—2 PEDRO 3:14.
1, 2. Ano ang kabanalan?
SI Jehovang Diyos ay banal. “Amang Banal” ang itinawag sa kaniya ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, nang nananalangin. (Juan 17:1, 11) At ang mga espiritung nilalang sa langit ay inilalarawan na nagsasabi: “Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo.” (Isaias 6:3) Subalit ano ba ang kabanalan?
2 Ang terminong “banal” at “kabanalan” ay isinalin buhat sa mga salitang Hebreo na posibleng ang ugat na kahulugan ay “maging maningning,” “maging bago o sariwa, walang dungis o malinis, sa pisikal na paraan. Subalit, sa Kasulatan ang mga salitang ito ay ginagamit unang-una sa moral o espirituwal na diwa. Ang orihinal na Hebreo ay naghahtid din ng kaisipan na pagiging hiwalay, bukod-tangi, o santipikasyon sa banal na Diyos, si Jehova. Sa Kasulatang Griegong Kristiyano ang mga salitang isinaling “banal” at “kabanalan” ay nangangahulugan din ng pagiging hiwalay para sa Diyos. Ang mga ito ay ginagamit din upang tumukoy sa kabanalan bilang isang katangian ni Jehova, at gayundin upang dalisayin o gawing sakdal ang personal na pamumuhay ng isang tao. Kaya’t ang kabanalan ay nangangahulugang kalinisan, kadalisayan, at pagiging sagrado.
Ang Kabanalan ay Kailangan sa mga Lingkod ni Jehova
3. Bakit karapat-dapat si Jehova sa malinis na pagsamba?
3 Kung gayon, ano ang kahulugan ng makalangit na pahayag: “Banal, banal, banal si Jehovang Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat”? (Apocalipsis 4:8) Aba, tinutukoy nito na ang Diyos ay kabanal-banalan, kalinis-linisan! Kung gayon, si Jehova, “ang Isang Kabanal-banalan,” ay karapat-dapat sa malinis na pagsamba. (Kawikaan 9:10) Kaya naman, iniutos ng Diyos na Jehova sa propetang si Moises na sabihin sa mga Israelita: “Patunayan ninyong kayo’y banal, sapagkat ako si Jehova na inyong Diyos ay banal.”—Levitico 19:1, 2.
4. Paano lamang makasasamba kay Jehova sa kalugud-lugod na paraan?
4 Ang sinumang nag-aangkin na naghahandog kay Jehova ng kalugud-lugod na paglilingkod ngunit gumagawa ng karumihan ay kasuklam-suklam sa kaniya, sapagkat tangi lamang kung kalakip ng maka-Diyos na karunungan at kabanalan maaaring sambahin siya sa kalugud-lugod na paraan. (Kawikaan 20:25; 21:27) Sa gayon, nang humula ang Diyos na aalisan niya ng sagabal ang daan upang ang kaniyang binihag na bayan ay makabalik sa Jerusalem buhat sa Babilonya, kaniyang sinabi: “Ang Daan ng Kabanalan ang itatawag doon. Ang marumi ay hindi daraan doon.” (Isaias 35:8) Ang nalabi na bumalik noong 537 B.C.E. ay gumawa ng gayon na taglay ang mga banal na hangarin, upang maibalik ang tunay na pagsamba sa “Isang Kabanal-banalan.” At ang mga Israelita ay naaari sanang magpatunay na sila’y banal sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos. Subalit sila’y hindi nanatiling banal, walang dungis ayon sa kaniyang paningin.—Ihambing ang Santiago 1:27.
5. Paano ipinakita ni Pablo na ang espirituwal na mga Israelita ay kailangang sumamba sa Diyos sa kabanalan?
5 Ang espirituwal na mga Israelita, o pinahirang mga Kristiyano, ay kailangan ding sumamba kay Jehova sa kabanalan. (Galacia 6:16) Tungkol dito, si apostol Pablo ay namanhik sa kaniyang mga kapananampalataya na ‘ang kanilang mga katawan ay ihandog na isang haing buháy, banal, kalugud-lugod sa Diyos.’ Para magawa ito, ang mga mananampalatayang ito ay dapat makatiyak na kanilang ginagawa ang banal na kalooban, sapagkat sinabi pa ni Pablo: “Huwag na kayong lumakad na kaayon ng sistemang ito ng mga bagay, kundi mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos.”—Roma 12:1, 2.
6. Laban sa ano kailangang mag-ingat ang lahat ng Kristiyano?
6 Sa panahong ito ng pagsulong, maraming mga baguhan ang umaagos sa organisasyon ni Jehova. Sila man ay sumasamba rin kay Jehova sa kabanalan. Sila’y nagagalak sa pag-asang makaligtas sa “malaking kapighatian” at magtamasa ng buhay na walang hanggan sa isang lupang paraiso sa matuwid na bagong sistema ng Diyos! (Mateo 24:21; Lucas 23:43) Subalit kung ang mga may makalangit na pag-asa at ang “malaking pulutong” na may makalupang pag-asa ay magtatamo ng buhay na walang katapusan, sila’y kailangang maging mapagbantay laban sa mga ugaling karumal-dumal o anuman na labag sa maka-Kasulatang kalinisang-asal at turo.—Apocalipsis 7:9, 14.
7. Ano ang sinabi ni Pedro na nagdiriin sa pangangailangan na maging uliran “sa banal na pamumuhay”?
7 Ang tinutukoy ay ang panahon natin, si apostol Pedro ay sumulat: “Ang araw ni Jehova ay darating na tulad ng magnanakaw, na sa araw na iyon ang mga langit [makasanlibutang mga pamahalaan] ay mapaparam na kasabay ng sumasagitsit na hugong, ngunit ang mga elemento [makasanlibutang mga saloobin at mga lakad] ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa [lipunan ng mga tao na hiwalay sa Diyos] at ang mga gawang nasa lupa ay matutuklasan” na madaling masupok pala gaya ng “mga langit” at “mga elemento” sa mapamuksang “apoy” ng araw ni Jehova. Kaya’t sinabi pa ni Pedro: “Yamang lahat ng bagay na ito ay mapupugnaw nang ganito, nararapat na kayo ay maging anong uri ng mga tao sa banal na pamumuhay at mga gawang kabanalan, samantalang inyong hinihintay at laging isinasaisip ang pagkanaririto ng araw ni Jehova, na dahil dito ang mga langit na nagniningas sa apoy ay mapupugnaw at ang mga elemento ay matutunaw sa matinding init!” Oo, lahat ng mga saksi ni Jehova ay dapat na maging uliran “sa banal na pamumuhay.” At yaong mananatili sa kabanalan ay maaaring umasa sa isang seguradong dako sa loob ng matuwid na ‘mga bagong langit at bagong lupa’ ng Diyos. (2 Pedro 3:7, 10-13) Anong pinagpalang pag-asa!
8. Ano ang kailangang gawin ng isang Kristiyano kung siya ay napalihis sa landas ng kabanalan?
8 Gayunman, ano kung ang isang Kristiyano ay nakapaglingkod na mainam kay Jehova sa loob ng ilang panahon ngunit sa bandang huli ay nagkaroon ng mga ugaling karumal-dumal o kaya’y lumabag sa mga turo o kalinisang-asal na nasa Bibliya? Kung gayon ay lumihis siya sa daan ng kabanalan at kailangang magpakita ng tunay na pagsisisi at gumawa ng nararapat na mga hakbang. Gaya ng sinabi ni Pablo sa kaniyang mga kapuwa pinahiran: “Yamang taglay natin ang mga pangakong ito, mga minamahal, magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu, na pakasakdalin ang kabanalan sa takot sa Diyos.” (2 Corinto 7:1) Sinumang Kristiyano na nangangailangang ituwid ang kaniyang landas pagkatapos maligaw ay magpapatunay na isang tunay na pagpapala nga ang maka-Kasulatang payo ng maibiging mga tagapangasiwa.—Kawikaan 28:13; Santiago 5:13-20.
9. Dahilan sa sinasabi ng 2 Pedro 3:14, anong tanong ang bumabangon?
9 Pagkatapos na banggitin ang matuwid na bagong sistema, sinabi pa ni Pedro: “Mga minamahal yamang hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, gawin ninyo ang buong kaya upang kayo’y masumpungan sa wakas ni [Jehovang Diyos] na walang dungis at walang kapintasan at nasa kapayapaan.” (2 Pedro 3:14) Ang mga salitang iyan ay nauukol sa pinahirang mga Kristiyano, ngunit kailangang lahat ng mga saksi ni Jehova ay masumpungang ‘walang dungis, walang kapintasan, at nasa kapayapaan. Kaya, ano ang dapat nating gawin?
“Walang Dungis at Walang Kapintasan”
10. Paanong ang “kasuotan” ng mga kabilang sa “malaking pulutong” ay nilinis nila sa dugo ni Jesus?
10 Kailangang gawin natin ang ating buong kaya upang masumpungang “walang dungis at walang kapintasan.” Yaong kabilang sa “malaking pulutong” ay ‘naglaba na ng kanilang kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.’ Dati, sila’y bahagi ng makasalanang sanlibutang ito at may dungis nito ang kanilang mga kasuotan ng pagkakakilanlan sa kanila, marumi sa paningin ni Jehova. Paano nila napangyari na ang kanilang mga kasuotan ay mawalang-dungis at mapaputi sa “dugo ng Kordero,” si Jesu-Kristo? Sa pamamagitan ng pagpapakilala ng kanilang paniniwala na ‘walang kapatawaran maliban sa may dugo na mabuhos’ at na si Jesus “ang Kordero ng Diyos na umaalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Apocalipsis 7:9, 14; Hebreo 9:22; Juan 1:29, 36) Ito’y ginawa nila sa pamamagitan ng isang walang pasubaling pag-aalay sa Diyos at kanilang sinagisagan iyon ng bautismo, ang lubusang pagpapalubog sa tubig. Ang gayong pag-aalay ay kinailangang gawin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at taglay ang pananalig na dahil sa kaniyang itinigis na dugo ay pinatatawad ng Diyos ang kanilang mga kasalanan at sila’y nagiging kalugud-lugod sa Kaniyang paningin.
11. Yamang ang kasalanan ay sumisira sa ating pakikipagpayapaan kay Jehova, sa anong kalagayan kailangang manatili tayo?
11 Kailangan na panatilihing puti ng “malaking pulutong” ang kanilang “kasuotan” sa pamamagitan ng pag-iingat na iyon ay huwag madungisan ng pagkamasanlibutan at ganoo’y niwawala ang kanilang Kristiyanong personalidad at pagkakakilanlan sa kanila bilang sinang-ayunang mga saksi ni Jehova. Oo, lahat ng mga tunay na Kristiyano ay kailangang magsikap na huwag mabahiran ng makasanlibutang mga lakad, kilos, at mga saloobin. Yamang ang kasalanan ay sumisira sa ating pakikipagpayapaan kay Jehova, sa pamamagitan lamang ng pananatili sa kalagayan na kung saan matatakpan ang ating mga kasalanan masusumpungan tayong “nasa kapayapaan” sa dumarating na dakilang “araw ni Jehova.” Tayo’y hindi dapat magkaroon ng mga dungis dahilan sa mga gawain ng huwad na relihiyon o sa imoralidad ng sanlibutang ito.
12. Paanong ang 2 Pedro 2:13 ay maikakapit kahit na sa loob ng kongregasyong Kristiyano?
12 Para manatiling walang dungis at walang kapintasan kailangan ang pamumuhay at mga saloobin na kabaligtaran niyaong sa “mga bulaang guro” na tungkol sa kanila ay sumulat si Pedro: “Kanilang inaaring kaligayahan ang magpakalayaw kung araw sa maluhong pamumuhay. Sila’y mga dungis at kapintasan, na nagpapakalayaw sa kanilang magdarayang mga turo samantalang sila’y nakikipagsaya sa inyo.” (2 Pedro 2:1, 13) Oo, kahit na sa loob ng kongregasyon, kailangang mag-ingat tayo sa mga bulaang guro na “inaaring isang kaligayahan ang magpakalayaw kung araw sa maluhong pamumuhay.” Kung araw, na malaki ang magagawa para sa espirituwal na kapakinabangan ng iba, ang mga taong walang espirituwalidad ay marahil gumagawa ng masasama, kasali na ang pagpapasasa sa kalayawan at sa pagkain at inumin. Baka ang gayong mga kasayahan na gaya baga ng mga handaan sa kasalan ay samantalahin nila upang makapagpatugtog doon ng mahahalay na tugtugin, makapagpasasa sa masasagwang sayaw, sa katakawan, at sa alak. Walang isa man dito ang dapat na payagang mangyari sa gitna ng mga lingkod ni Jehova.—Isaias 5:11, 12; tingnan Ang Bantayan, Oktubre 15, 1984, pahina 16-23.
13. Ano ang magagawa ng isang punong-abala upang ang sosyal na pagtitipon ay maging nakapagpapatibay sa espirituwal?
13 Ang punong-abala ay may pananagutan sa nagaganap sa isang sosyal na pagtitipon na kaniyang idinaraos. Upang ang kasayahan ay maging nakapagpapatibay sa espirituwal, makabubuting katamtamang dami ng panauhin ang anyayahan at huwag anyayahan ang sinuman na baka magpasok doon ng hindi mabuti. Gaya ng ipinakikita ng mga salita ni Pablo sa 2 Timoteo 2:20-22, hindi lahat ng kaugnay sa isang kongregasyon ay kanais-nais na mga kasama. Kung gayon, ang isang Kristiyanong punong-abala sa pagtitipon ay walang obligasyon na mag-anyaya ng mga tao na pangit ang pananalita o mapagmalabis sa pagkain o pag-inom. Hindi niya kinalilimutan na ‘sa kumakain man o umiinom tayo o anuman ang ating ginagawa, gawin natin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.’—1 Corinto 10:31.
14. Ano ang dapat na maging paninindigan tungkol sa mga bulaang guro?
14 Kakaunti lamang ang ‘mga dungis at mga kapintasan, na nagpapakalayaw sa kanilang magdarayang mga turo’ samantalang nakikisama sa atin. Subalit ang mga tagapangasiwa at mga iba pa sa kongregasyon ay kailangang maging mapagbantay, na matatag na itinatakwil ang sinumang mga bulaang guro na baka makasingit sa kongregasyon at sumusubok na magpasok ng imoralidad o maling doktrina. (Judas 3, 4) Tanging sa pamamagitan ng mahigpit na pagkapit sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos mapananatiling walang dungis at walang kapintasan ang kongregasyon.
Ano ang Kailangan Upang Maging “Nasa Kapayapaan”?
15. (a) Paano matatamo ng isa ang pakikipagpayapaan sa Diyos? (b) Ano ang kailangang gawin natin upang tayo’y masumpungang “nasa kapayapaan” sa pagdating ng dakilang araw ni Jehova?
15 Upang masumpungang “nasa kapayapaan,” ang mga lingkod ni Jehova ay kailangang manatiling may pakikipagpayapaan sa kaniya. (2 Pedro 3:14) Tayo’y pinagkalooban ng ganitong katayuan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, na tungkol sa kaniya’y sumulat si Pablo: “Minagaling ng Diyos na ang buong kapuspusan ay manahan sa kaniya, at sa pamamagitan niya ay pagkasunduin uli sa kaniya ang lahat ng iba pang mga bagay sa pamamagitan ng pakikipagpayapaan na nagkakabisa dahil sa dugo na kaniyang itinigis sa pahirapang tulos, maging mga bagay sa lupa o mga bagay sa langit.” (Colosas 1:19, 20) Dahilan sa malulubhang kasalanan ay nagiging maigting ang kaugnayan ng isang tao kay Jehova at ang taong iyon ay inuusig ng kaniyang budhi, samantalang kapayapaan ang taglay niyaong mga sumusunod sa mga utos ng Diyos. (Awit 38:3; Isaias 48:18) Upang masumpungan na “nasa kapayapaan” sa pagsapit ng dakilang araw ni Jehova, tayo nga ay kailangang manatili sa isang banal na kalagayan upang ang ating mga kasalanan ay matakpan ng dugo ni Jesus na itinigis sa pahirapang tulos.
16. Ayon kay apostol Pablo, paano natin masusunod ang pakikipagpayapaan sa mga kapananampalataya?
16 Tayo’y kailangan ding may pakikipagpayapaan sa mga iba pang kasamahang mananamba kay Jehova. Ipinayo ni Pablo: “Sundin natin ang mga bagay na gumagawa ukol sa kapayapaan at ang mga bagay na nagpapatibay sa isa’t isa.” Ipinakikita ng konteksto na tayo’y kailangang pakaingat na huwag tumisod sa mga kapananampalataya kung tungkol sa pagkain, inumin, o anupaman. (Roma 14:13-23) Subalit may higit pa tungkol sa bagay na iyan, sapagkat sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Efeso: “Ako ay . . . namamanhik sa inyo na kayo’y lumakad nang nararapat sa pagkatawag sa inyo, nang buong kapakumbabaan ng isip at kahinahunan, na may pagbabata, na magtiisan kayo sa isa’t isa nang may pag-ibig, na lubusang pinagsusumikapan ninyong ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa tagapagkaisang buklod ng kapayapaan.” (Efeso 4:1-3) Oo, ibig nating ipakilala ang ating pagkakaisa sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga pananalita at mga gawain na sumisira ng kapayapaan at ng paninindigang matatag bilang mga tagapagtaguyod ng soberanya ni Jehova.
17. Sang-ayon sa 1 Pedro 3:10-12, ano ang kasangkot sa ‘paghanap ng kapayapaan’?
17 Ang ‘paghanap ng kapayapaan’ ay humihingi na ingatan natin kapuwa ang ating mga ginagawa at ang ating pananalita, sapagkat si apostol Pedro ay sumulat: “Ang magnanais umibig sa buhay at makakita ng mabubuting araw, magpigil siya ng kaniyang dila buhat sa masama at ang kaniyang mga labi ay huwag magsalita ng daya, ngunit tumalikod siya sa masama at gumawa ng mabuti; hanapin niya ang kapayapaan at itaguyod iyon. Sapagkat ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakahilig sa kanilang daing; ngunit ang mukha ni Jehova ay laban sa gumagawa ng masama.” (1 Pedro 3:10-12; Awit 34:12-16) Kung gayon, sa sarisaring paraan ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay kailangang patuloy na ‘humanap ng kapayapaan’ kung ibig nilang sila’y masumpungang “nasa kapayapaan.”
Umasa sa Tulong ni Jehova
18. Ano ang magagawa natin kung ang makasanlibutang mga lakad, kilos, o mga saloobin ay nakakaakit sa atin?
18 Ipinakita ni Pedro na “ang mga elemento,” ang makasanlibutang espiritu, o mga saloobin at mga lakad, ay “mapupugnaw,” o mapupuksa, sa “araw ni Jehova.” (2 Pedro 3:7, 10) Subalit ano ang magagawa natin kung ang makasanlibutang mga lakad, kilos, o mga saloobin ay nakakaakit sa atin? Tiyak iyan, kailangang lubusang samantalahin natin ang espirituwal na mga paglalaan na ginawa sa pamamagitan ng organisasyon ni Jehova. Bukod sa iba pang mga bagay, tayo’y palagiang mag-aral ng Salita ng Diyos at ng mga publikasyong Kristiyano na inilalaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Magpakita rin tayo ng patuloy na pagpapahalaga sa pantubos, ang kay Jesus na “mahalagang dugo, tulad ng isang walang kapintasan at walang dungis na kordero.”—1 Pedro 1:18, 19.
19. Paano tayo matutulungan ng panalangin kung ang makasanlibutang mga saloobin ay nakakaimpluwensiya sa atin?
19 Dumalangin tayo sa Diyos na tulungan tayo na “magtaguyod ng katuwiran.” (1 Timoteo 6:11-14) Pagka natalos natin na ang makasanlibutang mga saloobin ay nakakaimpluwensiya sa atin, o ito’y itinawag-pansin sa atin ng isang mapagmahal na kapananampalataya, mabuti na tayo’y maging espisipiko tungkol sa problemang ito sa ating mga panalangin sa pamamagitan ng paghiling kay Jehova na tulungan tayo na madaig ang mga hilig na ito. Oo, angkop naman na humiling tayo ng espiritu ng Diyos at ng kaniyang tulong sa pagpapasulong ng bunga nito na malayung-malayo sa mga makasanlibutang saloobin at lakad. (Galacia 5:16-26; Awit 25:4, 5; 119:27, 35) Matutulungan tayo ni Jehova na magpako ng isip sa mga bagay na matuwid, malinis, magaling, at kapuri-puri. At angkop na angkop na taimtim na manalangin tayo sa kaniya upang ang walang katulad na “kapayapaan ng Diyos” ay siyang mag-ingat sa ating mga puso at kaisipan! (Filipos 4:6, 7) Kaya naman ang mga pagkabalisa, tukso, at iba pa ay hindi makauunlad hanggang sa punto na ang mga ito’y hindi na masupil. Sa halip, ang ating buhay ay magkakaroon ng bigay-Diyos na katahimikan. Oo, “saganang kapayapaan ang sumasa-kanila na umiibig sa kautusan [ni Jehova].”—Awit 119:165.
Manatiling ‘Walang Dungis, Walang Kapintasan, at Nasa Kapayapaan’
20. Bakit natin masasabi na maaaring matamo ang isang kalagayan na walang kapintasan sa espirituwal?
20 Nakatutuwa, lahat ng nasa organisasyon ni Jehova, kasali na ang mga baguhan na ngayo’y pumapasok, ay maaaring maging kalugud-lugod sa Diyos. (Gawa 10:34, 35) Sa tulong ni Jehova, maaari “na itakwil ang kalikuan at makasanlibutang mga pita” at mamuhay na gaya ng mga tunay na Kristiyano. (Tito 2:11-14) Bagama’t dati’y hiwalay tayo kay Jehova, at ang ating mga pag-iisip ay nasa mga gawang kabalakyutan, tayo’y ipinapagkasundo na sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo. Kaya naman maaari na tayong mapasa-walang dungis na kalagayan sa espirituwal, kung tayo’y magpapatuloy sa pananampalataya at hindi humihiwalay sa pag-asa sa mabuting balita.—Colosas 1:21-23.
21. Paano tayo sa wakas masusumpungang walang dungis, walang kapintasan, at nasa kapayapaan?
21 Sa tulong ni Jehova, ng kaniyang Salita, at ng kaniyang organisasyon, tayo’y makapananatiling walang dungis sa sanlibutan at walang bahid ng mga lakad, kilos, at mga saloobin nito. Sa gayo’y magkakaroon din tayo ng tunay na kapayapaan. Oo, sa matiyagang pananatili sa ating banal na pagsamba kay Jehova, tayo sa wakas ay masusumpungang ‘walang dungis, walang kapintasan, at nasa kapayapaan.’
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bakit kailangan ang kabanalan sa mga lingkod ni Jehova?
◻ Paano tayo makapananatiling walang dungis at walang kapintasan?
◻ Ano ang kinakailangan upang ‘mapasa-kapayapaan’?
◻ Ano ang magagawa natin kung ang makasanlibutang mga lakad, kilos, o mga saloobin ay nakakaakit sa atin?
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Mga pitak ng pananatiling ‘walang dungis, walang kapintasan, at nasa kapayapaan’ na Paglilingkod sa Diyos sa buong pusong pag-aalay
Pagpapaunlad ng personalidad na Kristiyano
Pakikisama sa mga magpapatibay sa espirituwalidad
Pakikipagpayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin